2010
Pakikipag-usap nang Hindi Nagiging Depensibo
Hulyo 2010


Pagbabahagi ng Ebanghelyo nang may Tiwala

Mula sa mensahe sa pagtatapos sa Brigham Young University na ibinigay noong Agosto 13, 2009. Para sa buong teksto sa Ingles, bisitahin ang www.newsroom.lds.org (mag-klik sa “News Releases & Stories”).

Hindi natin kailangang ipagtanggol o bigyang-katwiran ang anuman kapag ibinatay natin ang ating paninindigan sa mga turo ng Anak ng Diyos at ginagawa natin ang lahat upang sundin ang Kanyang mga kautusan.

Elder M. Russell Ballard

Matindi ang ating pakikibaka. Mula pa sa simula ng kasaysayan ng sangkatauhan ay gayon na. Noon pa man ay kasama na natin ang mabuti at masama at may karapatan tayong pumili sa mga ito. Gusto kong ibahagi ang ilang kaisipan tungkol sa paninindigan sa katotohanan.

Kamakailan lang nakita ko ang ilang pagsasaliksik tungkol sa palagay ng ibang tao sa mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Matagal na akong interesado sa paksang ito dahil sa mga katungkulan ko sa Simbahan na may kinalaman sa gawaing misyonero. Ang pagkaalam kung ano ang palagay ng mga tao sa atin ay mahalagang bahagi ng pag-unawa kung paano natin pinakamainam na maipapaliwanag ang ating sarili. Ang partikular na bahaging ito ng pagsasaliksik ay kapansin-pansin. Nakasaad doon na ang mga miyembro ng Simbahan ay masyadong depensibo kung minsan sa mga taong hindi miyembro ng Simbahan. Isa sa mga tumugon ang nagsabi pa na kapag ipinaliliwanag ng mga Mormon ang kanilang pinaniniwalaan, ipinapahiwatig nila sa kanilang pananalita na umaasa silang babatikusin sila.

Hindi ito ang unang pagkakataon na narinig ko ang ganitong uri ng puna. Ngunit habang mas pinag-iisipan ko ito nang husto, mas lalo kong naunawaan kung gaano kadali, kung di tayo maingat, na ipahiwatig ang pagkadepensibo sa pakikipag-usap natin sa iba.

Sa palagay ko nauunawaan ko ang mga dahilan. Mula nang lumabas si Joseph Smith sa Sagradong Kakahuyan noong tagsibol ng 1820, may mga taong negatibo na agad ang reaksyon, at naging malupit, sa ating mensahe. Sinabi mismo sa atin ni Joseph na sa unang pagtatangkang ikuwento ang nakita niya sa isang taong di niya kapamilya, hindi na maganda ang naging karanasan niya. Ang ministrong Protestante na binahaginan niya ng kanyang mensahe ay nagsabing “ang lahat ng ito ay sa diyablo” at “wala nang ganoong mga bagay tulad ng mga pangitain o paghahayag sa panahong ito” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:21).

Kung naisip ni Joseph na masama iyon, iyon ay dahil sa di pa niya natatanto ang malupit na kapangyarihan ng kalaban o kaaway. Habang lumalago ang Simbahan, tila lalo itong pinagmamalupitan. Ang maliit na grupo ng matatapat na Banal ay ipinagtabuyan sa bawat dako. Siguro naisip ni Joseph na wala nang mas masama pa sa pagpapalabas ng gobernador ng Missouri ng kautusan na lipulin ang mga miyembro ng Simbahan, na sinundan ng matinding pagdurusa ng Propeta at ng iba pa sa Piitan ng Liberty. Mangyari pa, lalo pa itong tumindi, at ang buhay nina Joseph at Hyrum ang naging kabayaran ng kanilang gawa, patotoo, at pananampalataya. Iyon ang huling tagpo na naglunsad sa malaking paglalakbay pakanluran, na pinangunahan ni Brigham Young, patawid sa ilang ng Amerika tungo sa isang lugar ng kanlungan sa Rocky Mountains ng Estados Unidos.

Ang mga kuwento ng hirap at sakripisyo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi na mabubura sa kasaysayan. Maging ang mga nabinyagan sa Simbahan na wala namang mga ninunong nabuhay noong panahong iyon ay tinanggap ang mga tao at pangyayari sa ating kasaysayan noong una bilang bahagi ng sarili nilang pamana. Ang mga kuwento ay kapwa nagbibigay-inspirasyon at nakahihikayat sa atin, tulad ng dapat mangyari, at umaasa ako at dumadalangin na sa ating kaginhawahan ay di natin kailanman malimutan ang matatatag at matatapat na Banal sa mga Huling Araw na iyon at ang mga aral na maaari nating matutuhan mula sa kanila.

Gayunman hindi na ito 1830, at di lamang tayo aanim katao. Di kaya bahagi ng pagiging depensibo na nakikita sa atin minsan ng iba ay pahiwatig na inaasahan pa rin natin ang dating pakikitungo noong kakaunti pa lang tayo, at sapilitang pinalikas patungo sa Kanluran? Sa ating pakikihalubilo sa iba, lagi ba nating inaasahan na kailangan nating ipagtanggol ang ating sarili? Kung ganito ang pananaw natin, palagay ko kailangan nating iwasto ang ating pag-uugali. Ang palagiang paghihintay ng pambabatikos o pagsalungat ay mauuwi sa palaging pag-aalala sa sariling katayuan at depensibong pag-uugali na di katanggap-tanggap sa iba. Di ito ayon sa kinalalagyan natin ngayon bilang simbahan at isang malaking grupo ng mga alagad ni Jesucristo.

Tingnan ang Halimbawa ng Tagapagligtas

Tulad sa lahat ng bagay, maaari nating gawing huwaran ang Tagapagligtas. Naharap Siya sa matinding pagmamalupit sa simula pa lang ng Kanyang ministeryo. Nang mangaral Siya sa mga sinagoga sa Nazaret, gusto Siyang ihagis sa bangin ng ilang tao (tingnan sa Lucas 4:28–29). Gayunman hindi Niya hinayaang takutin Siya ng iba. Alam Niya na kadalasan ay mali ang magiging pagkaunawa sa Kanya. Gayunman wala Siyang takot sa pagpapahayag ng Kanyang ebanghelyo, gamit ang mga katagang tulad ng “Narinig ninyo na sinabi sa mga tao sa una … , datapuwa’t sinasabi ko sa inyo …” (Mateo 5:21–22). Alam Niya ang gusto Niyang sabihin, at sinabi Niya ito nang hindi humihingi ng paumanhin. Tulad ng sabi sa mga banal na kasulatan, “Sila’y kaniyang tinuturuang tulad sa may kapamahalaan, at hindi gaya ng kanilang mga eskriba” (Mateo 7:29).

Kung gusto nating igalang tayo sa kung sino tayo ngayon, kailangan tayong kumilos nang may kumpiyansa—tiyak sa kaalaman kung sino tayo at ano ang ating paninindigan at hindi parang hihingi tayo ng paumanhin dahil sa ating mga pinaniniwalaan. Hindi ibig sabihin niyan na dapat tayong maging mayabang o mapagmalabis. Ang paggalang sa pananaw ng iba ay dapat palaging batayang alituntunin natin—iyan ay nasa Mga Saligan ng Pananampalataya (tingnan sa Ang Mga Saligan ng Pananampalataya 1:11). Ngunit kung kikilos tayo na para tayong inaapi o parang inaasahan nating mali ang magiging pag-intindi sa atin o babatikusin tayo, mahihiwatigan ito ng mga tao at ganoon ang kanilang gagawin.

Inaanyayahan ko ang mga returned missionary na lalong maging sensitibo rito. Gumugol kayo ng dalawang taon sa pagkatok sa mga pinto at naharap sa bawat tanong at pagtutol. Sa mga pag-uusap ninyo ay madaling isiping kumakatok pa rin kayo sa mga pinto. Hindi na kayo kumakatok. Kung nasa katayuan kayo upang ibahagi ang pinaniniwalaan ninyo, hindi na kailangang maging napakaingat pa na para bang umiiwas kayo o naghihintay na batikusin. Sinabi ni Apostol Pablo, “Hindi ko ikinahihiya ang evangelio [ni Cristo]” (Mga Taga Roma 1:16), at hindi ito dapat ikahiya ng sinuman sa atin. Inaasam ko at pinasasalamatan nang malaki ang bawat pagkakataon kong ibahagi ang aking patotoo tungkol sa kagila-gilalas na mensahe ng Panunumbalik. At wala akong matandaan na sumama ang loob ng sinuman habang ginagawa ko ito.

Ang isa sa mga dahilan na akma ang paksang ito ngayon ay dahil sa lumalakas ang Simbahan. Sa Estados Unidos, tayo na ngayon ang pang-apat na pinakamalaking simbahan. Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay matatagpuan kahit saan—sa mga komunidad sa mga baybayin at mula hilaga hanggang timog. Bagama’t mas marami tayong miyembro sa Kanluran, nagiging pangkaraniwan na sa mga tao ang may makilalang Banal sa mga Huling Araw. Bukod pa rito, maraming miyembro ng Simbahan ang nagiging tanyag sa lipunan. Isang artikulo kamakailan sa Time magazine tungkol sa Simbahan ang nagbigay-pansin sa katotohanang ito at naglathala ng ilang retrato ng mga bantog o tanyag na mga Banal sa mga Huling Araw.1

Ang pagiging tanyag na ito mismo ay katiyakan na ang Simbahan ay mas mapag-uusapan pa at ang mga Banal sa mga Huling Araw ay masasali sa mas marami pang talakayan tungkol sa ebanghelyo. Kailangan tayong maging matapat, bukas, prangka, kalugud-lugod, magalang sa pananaw ng iba, at hindi depensibo sa ating pananaw.

Narito ang dalawang mungkahi kung paano makikipag-usap nang hindi nagiging depensibo.

1. Huwag hayaang matabunan ng mga walang saysay na isyu ang mas mahahalagang paksa.

Madalas pinapayagan ng mga miyembro ng ating Simbahan ang iba na magtakda ng paksang pag-uusapan. Halimbawa ay ang pag-aasawa nang higit sa isa. Opisyal na itinigil sa Simbahan ang gawaing ito noong 1890. Ngayon ay 2010 na. Bakit pinag-uusapan pa rin natin ito? Gawain ito noon. Tapos na ito. Sumulong na tayo. Kung magtatanong ang mga tao sa inyo tungkol sa poligamya, aminin lang na minsan itong ginawa noon ngunit hindi na ngayon at hindi dapat ipagkamali ng mga tao ang ating simbahan sa alinmang grupo ng mga poligamista. Sa karaniwang mga pakikipag-usap, huwag nang sayangin pa ang oras sa pagsisikap na ipaliwanag ang paggawa ng poligamya noong panahon ng Lumang Tipan o kung bakit ito ginawa sa loob ng maikling panahon noong ika-19 na siglo. Maaaring lehitimong mga paksa ito para sa mga manunulat ng kasaysayan at mga iskolar, ngunit sa palagay ko binibigyang-diin lamang natin ang mga palagay na ito kapag ginawa natin itong pangunahing paksa ng mga usapan tungkol sa Simbahan.

Natanto ko na minsan ang mga pag-uusap na ito ay likha ng mga kuwentong nalalathala sa media. Walang ipinagkaiba ito. Noong 2009 isang cable TV network series tungkol sa mga poligamista ang naglarawan sa sagradong seremonya sa templo. Ang paglalarawan ay ikinabahalang mabuti ng mga miyembro ng Simbahan, na madali namang maunawaan. Tayong lahat ay sumama ang loob dito.

Ngunit ituturo ko kayo sa isang artikulo bilang sagot sa paglalarawang iyon na inilagay ng Public Affairs Department ng Simbahan sa newsroom Web site nito. Sa pagbanggit ko rito, pansinin ang tono. Walang anumang pagdedepensa rito, gayunpaman sinasagot nito ang di angkop na paglalarawan ng isa sa pinakasagradong mga seremonya ng ating relihiyon:

“Tulad ng iba pang malalaking grupo ng relihiyon, kung minsan Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay nakatatanggap ng atensiyon mula sa Hollywood o Broadway, sa mga teleserye o mga aklat, at sa media. Kung minsan ang mga paglalarawan sa Simbahan at mga miyembro nito ay tumpak na tumpak. Minsan ang mga imahe ay mali o naglalarawan ng mga katulad nito. Paminsan-minsan, napakasama ng mga ito.

“Tulad ng alam ng mga Katoliko, Judio at Muslim sa paglipas ng mga siglo, ang gayong atensyon ay di maiiwasan kapag ang isang institusyon o relihiyon ay lumaki na o naging tanyag at nagiging kapansin-pansin na ito.”

Pagkatapos ay hindi hinikayat ng artikulo ang ideya ng pag-boycott ng mga tao sa network o negosyong kaugnay rito, na tinatangkilik noon ng ilan sa ating mga miyembro:

“Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay isang samahan na hindi nananawagan ng pagsasagawa ng mga boycott. Ang ganitong hakbang ay lalo lamang lilikha ng kontrobersiya na gustung-gusto ng media at sa huli ay darami lamang ang mga taong susubaybay sa mga ito. … ang mga Banal sa mga Huling Araw ay dapat kumilos nang may dignidad at pag-aalala sa kapakanan ng iba.

“Hindi lamang ito ang huwarang itinuro ni Jesucristo at ipinakita sa Kanyang sariling buhay, kundi makikita rin dito ang tunay na kalakasan at kahustuhan sa kaisipan ng mga miyembro ngayon ng Simbahan. …

“Kung papayagan ng Simbahan ang mga kritiko at katunggali na mamili ng paksang pag-uusapan, nanganganib na malihis ito sa pokus at misyon na matagumpay nang naitaguyod nito sa loob ng halos 180 taon. Sa halip, ang Simbahan mismo ang magpapasiya sa landasin nito habang patuloy nitong ipinangangaral ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo sa buong mundo.”2

Narito pa ang isang halimbawa. Noong 2007 isang independyenteng film producer ang naglabas ng isang pelikula tungkol sa Mountain Meadows Massacre. Maganda na nga kung sasabihing talagang masamang pelikula ito. Sa totoo lang, ito ay talagang hindi katanggap-tanggap—binatikos itong mabuti maging ng mga kritiko sa Hollywood. Ginawa ng mga nagpasimuno nito ang lahat upang galitin ang Simbahan at gawin itong malaking paksa ng usap-usapan. Sa katunayan, ipinagwalang-bahala lang natin ito. Hindi natin sila pinayagang magtakda ng adyenda o paksang pag-uusapan. Ang bunga, hindi kumita sa takilya ang pelikula at nagkalugi-lugi ang producer. Samantala, patuloy tayong tumutugon at tumutulong sa maayos at matalinong paraan sa mga inapo ng mga nasangkot sa matinding pangyayaring iyon sa Mountain Meadows.

Kamakailan lang naglathala ang Oxford University Press ng isang aklat na sinaliksik na mabuti na pinamagatang Massacre at Mountain Meadows na nagdodokumento sa mga tunay na pangyayaring bumalot sa trahedyang ito.

2. Bigyang-diin na itinuturo at ipinamumuhay ng mga Banal sa mga Huling Araw ang itinuro ni Jesucristo at sinisikap nating sundin Siya.

Kapag natapos na ang lahat, ang pinakamahalagang bagay tungkol sa atin at sa ating patotoo ay na ibinatay natin ang ating mga paniniwala sa itinuro ni Jesucristo at sinisikap nating sundin Siya sa pamamagitan ng pamumuhay sa paraang katanggap-tanggap sa Kanya at sa ating Ama sa Langit.

 Ito ang ating saligan o pundasyon. Ito ang saligan noon ni Joseph Smith. Sabi niya, “Ang mga saligang alituntunin ng ating relihiyon ay ang patotoo ng mga Apostol at Propeta, tungkol kay Jesucristo, na Siya’y namatay, inilibing, at muling nagbangon sa ikatlong araw, at umakyat sa langit: at ang lahat ng iba pang mga bagay na may kaugnayan sa ating relihiyon ay mga kalakip lamang nito.”3

Sa tuwing makikipag-usap tayo tungkol sa Simbahan, sikapin nating bigyang-diin ito. Sinusunod natin si Jesucristo. Sinisikap nating mamuhay ayon sa Kanyang itinuro. Iyan ang batayan ng ating pananampalataya at ating buhay, at iyan ang pinakamalakas nating paninindigan. Hindi natin kailangang ipagtanggol o bigyang-katwiran ang anuman kapag ibinatay natin ang ating paninindigan sa turo ng Anak ng Diyos at ginagawa natin ang lahat upang sundin ang Kanyang mga kautusan.

Malaking pagpapala ang kamtin ang mga doktrina ni Jesucristo, na malinaw sa mga nag-aaral ng mga banal na kasulatan at tumatanggap sa Kanyang mga turo. Sa pagsunod natin sa Kanyang doktrina, nalalaman natin na lahat tayo ay mga anak ng Diyos at mahal Niya tayo. Sa pagsunod kay Cristo, alam natin kung saan tayo nanggaling bago tayo isinilang, alam natin ang layunin ng pagparito natin sa lupa, at alam natin kung saan tayo patutungo kapag nilisan na natin ang buhay sa mundong ito. Ang plano ng kaligtasan ay malinaw; ito ang plano ng Diyos para sa walang hanggang kaligayahan ng Kanyang mga anak.

May mga kautusang ibinigay ang Diyos upang ipamuhay natin. Ang mga ito ay Kanyang mga kautusan, at walang sinumang may karapatang baguhin ang mga ito maliban kung ito ay sa pamamagitan ng direktang paghahayag sa hinirang na propeta ng Diyos.

Ang mga tao sa buong mundo ay lalong napapalayo sa mga turo ng Panginoon at nagiging sekular na lipunan na inilarawan ni Apostol Pablo:

“Sapagka’t darating ang panahon na hindi nila titiisin ang magaling na aral; kundi, pagkakaroon nila ng kati ng tainga, ay magsisipagbunton sila sa kanilang sarili ng mga gurong ayon sa kanilang sariling mga masasamang pita;

“At ihihiwalay sa katotohanan ang kanilang mga tainga” (2 Timoteo 4:3–4).

Ngayon ang panahon na nakita noon ni Pablo. Dumarami ang bilang ng mga taong naniniwala na walang Diyos, walang plano ng pagtubos, walang Pagbabayad-sala, walang pagsisisi, walang kapatawaran, walang kabilang-buhay, walang pagkabuhay na mag-uli, walang buhay na walang hanggan, at walang mga pamilyang nakabuklod sa kawalang-hanggan.

Tunay na napakahungkag ng buhay kung wala ang mga pagpapalang dulot ng kaganapan ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Bilang mga Banal sa mga Huling Araw, sinusunod natin si Jesucristo. Alam natin ang plano ng kaligayahan, ang dakilang plano ng pagtubos sa pamamagitan ng Panginoong Jesucristo. Alam natin ang mga doktrina ni Jesucristo. Kailangan tayong magsikap ngayon at sa tuwina na ipamuhay ang mga ito. Sa mas batang henerasyon ng Simbahan masasalalay ang responsibilidad na ituro ang mga doktrina ng Panginoon at alamin kung paano patatagin ang Kanyang Simbahan. Alalahanin sana na hindi ninyo kailangang madama na dapat ninyong pangatwiranan ang inyong mga pinaniniwalaan; ang kailangan lamang ay ipaliwanag ninyo ang mga ito sa diwa ng pagmamahal at kabaitan. Ang katotohanan ay palaging nananaig kapag itinuturo ang totoong doktrina.

Narito ang ilang halimbawa:

  1. Sinusunod natin ang doktrina ni Jesucristo ukol sa paglilingkod sa ating kapwa-tao. Pinaglilingkuran natin ang mga miyembro ng ating Simbahan gayundin ang mga di-miyembro. Ang dakilang gawain natin sa paglilingkod sa sangkatauhan sa buong mundo ay nakababawas sa pagdurusa at kahirapan. Ginagawa natin ang lahat sa pagbabahagi ng ating panahon at salapi upang matugunan ang pangangailangan kapwa ng ating mga miyembro at di natin kamiyembro, dahil alam nating “yamang inyong ginawa sa isa dito sa aking mga kapatid, kahit sa pinakamaliit na ito, ay sa akin ninyo ginawa” (Mateo 25:40).

  2. Sinusunod natin ang doktrina ni Jesucristo sa pagsisikap na ipamuhay ang Word of Wisdom, na mabuting paraan upang magkaroon ng malusog na katawang pisikal. Iniiwasan natin ang lahat ng uri ng pagkalulong sa droga dahil ang ating mga katawan ang tahanan ng ating walang hanggang espiritu at dahil ang kaligayahan sa buhay na ito ay nakakamtan sa pagiging espirituwal na malakas at malusog sa pangangatawan.

  3. Sinusunod natin si Jesucristo sa pamamagitan ng pagsunod sa batas ng kalinisang-puri. Ang Diyos ang nagbigay ng kautusang ito, at hindi Niya ito kailanman pinawalang-bisa o binago. Malinaw at simple ang batas na ito. Walang sinumang dapat magkaroon ng seksuwal na kaugnayan sa labas ng hangganang itinakda ng Panginoon. Tinutukoy nito ang anumang uri ng homoseksuwal na pag-uugali at relasyon ng isang babae at isang lalaki sa labas ng kasal. Kasalanan ang lumabag sa batas ng kalinisang-puri.

  4. Sinusunod natin si Jesucristo sa pamamagitan ng pagsunod sa batas ng Diyos ukol sa pag-aasawa, ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae. Ang kautusang ito ay umiiral na sa simula pa lamang. Sinabi ng Diyos, “Kaya’t iiwan ng lalake ang kaniyang ama at ang kaniyang ina, at makikipisan sa kaniyang asawa: at sila’y magiging isang laman” (Genesis 2:24). Iniutos ng Diyos kina Eva at Adan na “magpalaanakin, at magpakarami, at kalatan ninyo ang lupa, at inyong supilin” (Genesis 1:28).

    Muling pinagtibay ng mga makabagong propeta at apostol ang utos na ito sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” na inilabas noong 1995:

    “Ipinag-utos ng Diyos na ang banal na kapangyarihang lumikha ng bata ay nararapat lamang gawin ng lalaki at babae na ikinasal bilang mag-asawa ayon sa batas. …

    “Ang mag-anak ay inorden ng Diyos. Ang kasal sa pagitan ng lalaki at babae ay mahalaga sa Kanyang walang hanggang plano.”4

  5. Sinusunod natin si Jesucristo at itinuturo ang mga unang alituntunin ng ebanghelyo at lahat ng iba pang kahanga-hangang mga doktrina ng Pagpapanumbalik, na, kapag tinanggap at ipinamuhay, ay magdudulot ng kapayapaan, galak, at kaligayahan sa mga anak ng Diyos. Ganito lang ito kasimple.

Nawa’y pagpalain tayo ng Diyos sa ating paghahangad ng kaligayahan sa pamamagitan ng pag-alam at pagsunod sa mga turo ng Panginoong Jesucristo at sa pagsasali sa iba sa mga talakayan tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo nang hindi nakasasakit ng damdamin ng ibang tao.

Mga Tala

  1. Tingnan sa David Van Biema, “The Church and Gay Marriage: Are Mormons Misunderstood?” Time, Hunyo 22, 2009, 49–53.

  2. “The Publicity Dilemma,” newsroom.lds.org/ldsnewsroom/eng/commentary/the-publicity-dilemma; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  3. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 433

  4. “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Okt. 2004, 49.

Mga paglalarawan ni Gregg Thorkelson