2010
Sabi Niya sa Akin, ‘Hindi Puwede’
Hulyo 2010


Sabi Niya sa Akin, “Hindi Puwede”

“Yayamang ang sinumang tao ay umiinom ng alak o matapang na inumin sa inyo, masdan ito ay hindi mabuti, ni nararapat sa paningin ng inyong Ama” (D at T 89:5).

Dati-rati ay iniisip ko na gagawin ng matalik kong kaibigang si Chase ang lahat. Nang hamunin ko siyang tumalon mula sa balkon ko, hindi lang niya ginawa iyon, kundi patakbo pa siyang nagsimula!

Nang hamunin ko siyang sumakay sa upside-down roller coaster, hindi lang siya sumakay roon, kundi talagang doon pa siya umupo sa unahan!

At nang sabihin ko sa kanya na hindi niya makakayang bumati kay Julia—ang pinakamagandang babae sa buong eskuwelahan—hindi lang siya bumati, kundi umupo pa siya at kinausap ito sa loob ng limang minuto!

Akala ko gagawin ni Chase ang lahat. Hanggang sa dumating ang pagkakataong ito.

Halos araw-araw nagpupunta si Chase sa bahay ko. Napakalapit ng tirahan namin sa isa’t isa. Isang bahay lang ang pagitan namin. Pero hindi nagpupunta si Chase tuwing Linggo o Lunes. Tuwing Linggo nagsisimba siya. Tuwing Lunes tipong mayroon siyang gabing pampamilya. Ilang beses na niya akong inanyayahan. Kumain kami ng brownies at naglaro. Talagang masaya.

Karaniwan ay nagpupunta sa bahay ko si Chase para maglaro pag-uwi mula sa eskuwela. Masaya siyang kasama dahil nasa trabaho pa ang nanay at tatay ko. Masayang kalaro si Chase. Mahilig kaming magbiruan. Kaibigan ni Chase ang lahat. Hindi ko siya narinig na nagsalita ng masama tungkol sa ibang tao kahit kailan—kahit ginagawa iyon ng iba.

Sa araw na ito ay naglaro kami ni Chase ng basketball. Medyo mainit, kaya tinanong ko si Chase kung gusto niyang uminom.

“Sige,” sabi ni Chase, habang pinagugulong ang bola sa damo at tumatakbo papunta sa balkon ko sa harapan ng bahay.

Naglakad kami papasok at tumuloy kami sa kusina. Pagbukas ko ng ref, tumindig ang balahibo sa mga bisig namin dahil sa lamig na lumabas mula rito. Nang una akong sumilip sa ref, juice at gatas lang ang nakita ko. Pagkatapos, napako ang tingin ko sa isang bukas na lata sa sulok.

Naiwang bukas ng tatay ko ang isang lata ng beer. Hindi naman niya malalaman kung iinom kami ng dalawang higop. Inilabas ko ang lata.

“Gusto mong tikman?” tanong ko.

“Ano iyan?” tanong ni Chase.

“Beer,” sabi ko. “Laging umiinom niyan ang tatay ko. Hindi niya malalaman kung hihigop tayo nang kaunti.”

Tumingin sa akin si Chase. Nagtaas siya ng kilay at namaywang. Pagkatapos ay may sinabi siya na hindi ko akalaing maririnig ko sa kanya.

“Hindi puwede!” sabi ni Chase.

“Kasasabi mo lang ba ng;hindi?” tanong ko.

“Hindi mabuti sa iyo ang beer,” sabi niya. “Hindi natin ito dapat inumin. Nakakagawa ka ng mga kalokohan dahil dito.”

“Hindi kung isang higop lang,” sabi ko. “Manood ka, ipapakita ko sa iyo.”

Itinaas ko ang lata sa bibig ko, humigop nang kaunti, at ngumiti. Ang pait ng lasa, pero ayaw kong magmukhang katawa-tawa.

“Kita mo? Mukha ba akong loko?” tanong ko.

“Palagay ko uuwi na ako,” sabi ni Chase. “Huwag ka nang iinom ulit ng ganyan. Hindi maganda.”

Habang minamasdan ko ang paglabas ni Chase sa pintuan at pagtakbo sa bangketa pauwi, hindi ko maiwasang mag-isip kung bakit gagawin niya ang halos lahat pero hindi ang paghigop ng kahit kaunting beer.

Humigop pa ako ng kaunti pagkaalis ni Chase. “Pweh! Talagang ang pait nito,” naisip ko habang ibinabalik ko ang lata sa sulok ng ref.

Siguro nga may katwiran si Chase.

Paglalarawan ni John Zamudio; Jesucristo, ni Harry Anderson, sa kagandahang-loob ng Church History Museum