Ang Ating Pahina
Magpakasipag at Maghanda
Hindi maganda ang kinalabasan ng pagsusulit ko sa wikang Malay noong unang semestre, at bumaba nang husto ang puwesto ko sa klase. Inis na inis ako, pero alam kong ako lang ang dapat sisihin, dahil marami akong sinayang na oras sa pakikipaglaro sa mga kaibigan ko pagkatapos ng klase sa halip na gumawa ako ng homework at mag-aral. Nagplano kami ng nanay ko para maging mas mahusay ako. Tatapusin ko ang homework ko nang walang kuskus-balungos tulad ng hiling niya bawat araw, at kapwa namin ipagdarasal na tumaas ang marka ko sa pagsusulit sa ikalawang semestre. Nagpakasipag akong mag-aral sa buong semestre. Isang linggo bago ang pagsusulit, nadama ng nanay ko na paghandain ako sa isang partikular na paksa para sa bahaging pagkatha ng pagsusulit. Ang guro ang nagpapasiya kung anong paksa ang ibibigay, at minamarkahan kami ayon sa husay ng pagsulat namin tungkol sa paksang iyon.
Sa araw ng pagsusulit, nagulat ako nang makita ko na ang napiling paksa ng guro ang siya mismong pinaghandaan ko! Dahil nagpakasipag ako at naghanda, kahit hindi ko alam na ito ang magiging paksa, napakaganda ng pagkasulat ko at nabigyan ako ng markang A+! Nagulat ang guro ko na humusay ako nang husto.
Nagkaroon ako ng patotoo tungkol sa pagsisipag sa gawain. Alam ko na kapag nagdarasal at nagpapakasipag tayo, tatanggap tayo ng inspirasyon upang tulungan tayong magtagumpay sa ating gawain.
Ethan D., edad 11, Malaysia
Noong bata pa ako, isinama ako ng nanay ko sa maraming pagbibinyag. Pero noong isang taon, noong nasa edad na ako para mabinyagan, kabado talaga ako. Natakot ako na baka hindi ako makalahok nang tama sa ordenansa, gaya ng mga napanood ko. Higit sa lahat, takot akong lumusong sa tubig. Pero tinulungan ako ng Espiritu Santo. Parang lagi kong naririnig ang mga salitang, “Huwag kang matakot! Huwag kang matakot!” Tinulungan ako ng Espiritu Santo na madaig ang mga problemang ito para mabinyagan ako, na napakahalaga sa akin. Napakapalad ko. Pag-ahon ko mula sa tubig, hindi na ako takot sa tubig, at maganda na ang pakiramdam ko.
Bryan K., edad 9, Taiwan
Kung minsan habang nakahiga ako, iniisip-isip ko kung ano ang mangyayari kung masunog ang bahay, at takot na takot ako. Kapag nangyayari iyan, nagdarasal ako sa Ama sa Langit. Pagkatapos ay napapanatag ako, at madaling nakakatulog. Nagpapasalamat ako na nakakapagdasal ako sa Ama sa Langit tuwing takot ako o malungkot. Tinutulungan Niya akong madaig ang lahat.
Lea M., edad 9, Germany