2010
Ang Bahaging Para sa Atin
Hulyo 2010


Ang Bahaging Para sa Atin

Pagdiriwang para sa mga Pioneer

Tuwing Hulyo maraming miyembro ng Simbahan sa buong mundo ang tumitigil sandali upang parangalan ang mga pioneer na pumasok sa Salt Lake Valley noong Hulyo 24, 1847. Narito ang karanasang ibinahagi sa amin ng isang dalagita:

“Kung minsan ay may mga pioneer activity sa ward namin,” sabi ni Analee B. of Burke, Virginia, USA. “Nagsusuot ng mga kasuotan ng mga pioneer ang mga tao, at karaniwan ay sumasama sa isang uri ng ‘paglalakbay’—ang totoo ay paglalakad iyon. Pinag-uusapan din namin ang mga pioneer, at naglalaro kami ng mga laro ng mga pioneer. Sa Virginia talagang mainit at maalinsangan sa tag-init, at lagi kaming may ganitong mga pagdiriwang sa labas, kaya dahil sa mainit na panahon talagang pakiramdam namin ay mga pioneer kami.

“Ako naman, halos lagi akong nagbabasa ng isang aklat tungkol sa kasaysayan ng Simbahan. Sa pagbabasa ng mga aklat na iyon ay mas napapahalagahan ko ang mga pioneer at tinutulungan ako nitong mas maunawaan ang pinagdaanan nila.”

Sa inyong lugar, paano ninyo ipinagdiriwang ang nakaraan o kasalukuyang mga pioneer sa Simbahan? Alalahanin na maaaring ibilang sa mga pioneer ang sinumang naghanda ng daang susundan ng iba.

Ang Paborito Kong Banal na Kasulatan

2 Nephi 32:5 ang paborito kong banal na kasulatan mula pa noong Primary ako dahil sinasabi nito kung ano ang gagawin mo kapag ipinagkaloob sa iyo ang Espiritu Santo. Kailangan mong tanggapin ito at maging karapat-dapat dito, at gagabayan ka ng Espiritu Santo sa tamang landas.

Peaches C., edad 16, Trinidad, West Indies

Paano Magkaroon ng Patotoo

Ang patotoo ay napakahalagang bahagi ng buhay natin bilang mga miyembro ng Simbahan. Para magkaroon ng patotoo, gawin ang ipinagagawa sa atin ni Moroni: pagnilayin sa inyong puso ang mensahe o alituntuning nais ninyong malaman kung totoo; pagkatapos ay itanong sa Diyos sa pangalan ni Jesucristo kung ito ay totoo. Ang mga gumagawa nito at humihiling nang may pananampalataya ay magkakaroon ng patotoo sa katotohanan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo (tingnan sa Moroni 10:3–5). Mapatototohanan ko sa inyo na kung magdarasal kayo nang may buong pananampalataya sa inyong puso, sasagutin ng Ama sa Langit ang inyong panalangin.

Noong investigator pa ako, nagpasiya akong manalangin at tanungin sa Ama sa Langit kung lahat ng natutuhan ko ay totoo. Kailanman ay hindi ko maaapuhap ang mga salitang magpapaliwanag sa nadama ko, ngunit alam ko na iyon ang sagot ng aking Ama sa Langit dahil nakatanggap ako ng maraming pagpapala mula rito.

Jordi R., edad 20, Santo Domingo, Dominican Republic

“Lahat ng bagay na nanggagaling sa lupa, sa panahon niyon, ay ginawa para sa kapakinabangan at gamit ng tao, kapwa upang makalugod sa mata at upang pasiglahin ang puso” (D at T 59:18).

Kanan: Larawan ng pagsasadula ng paglalakbay ng mga pioneer na kuha ni Welden C. Andersen; mga larawan ng kalikasan na kuha ni Deanna Van Kampen