Kinalimutan ang Aming Sarili sa Sicily
Louis Menditto, Nevada, USA
“ Ang pangalan ko ay Omar Interdonato,” pagsisimula ng e-mail. “Ako’y anak ni Fiorella Italia. Sana naaalala pa ninyo ang kanyang binyag.”
Tatlumpung taon na ang nakalilipas, kami ng missionary companion ko ay nadestino sa isla ng Sicily at naglingkod sa Siracusa, isang magandang lungsod sa baybayin ng Mediterranea. Kapag Linggo nagkikita-kita kami ng ilang mga Banal sa mga Huling Araw sa lugar na iyon sa isang lumang bahay, at nagdaraos ng sacrament meeting sa sala ng bahay.
Mahirap ang gawaing misyonero, at iilan lang ang nabinyagan namin. Labing-anim na mga full-time missionary ang nadestino sa lungsod, na paulit-ulit nang napuntahan. Ngunit isang araw habang pinag-aaralan namin ng kompanyon ko ang isang mapa ng lungsod, napansin namin ang isang maliit na nayon na ilang milya ang layo mula sa aming apartment sa gilid ng lungsod.
Naglakad kami sa mga bukirin papunta sa nayong ito, lumuhod sa gilid ng isang tagaytay kung saan tanaw ang lambak, at inialay ang aming mga puso at kaluluwa sa Diyos. Pagkatapos ay nagsimula kaming magbahay-bahay sa isang grupo ng mga gusaling mukhang tenement na bumubuo halos sa nayon.
Sa huli ay binati kami sa pinto ng isang babaing mga nasa edad 40 pataas at nakasuot ng itim—isang kaugalian sa Italy kapag may namatay na isang mahal sa buhay. Iniba namin ang sasabihin paglapit sa pinto upang bigyang-diin ang plano ng kaligtasan. Pinatuloy kami ng babae, at nakausap namin siya, ang dalawa sa kanyang mga anak na babaing tinedyer, at isa sa kanilang mga kaibigan. Nalaman namin na kababalo lamang ng babae at may apat na anak na tinedyer na aalagaan. Ipinalabas namin ang filmstrip na Man’s Search for Happiness at inanyayahan kaming bumalik nang sumunod na linggo.
Ang ina, pati ang kanyang panganay na anak na lalaki at dalawang anak na babae, kanilang lola, at kanilang kaibigan ay nabinyagan kalaunan. Pagkatapos ng aking misyon, nakipag-ugnayan ako sa pamilya, ngunit bago ko natanggap ang e-mail, naisip ko kung ano na kaya ang nangyari kay Fiorella, ang batang kaibigan ng mga anak niyang babae.
“Ang aking inay ay naging matapat sa ebanghelyo sa buong buhay niya at noong 1983 ay ikinasal sa isang miyembro ng Simbahan sa Messina Branch at nabuklod sa templo,” pagsulat ng kanyang anak na lalaki. “Isinilang ako noong 1984 at ang kapatid kong si Veronica, noong 1987. Aktibo po kaming lahat sa Simbahan. Nagmisyon po ako sa Italy Rome Mission mula 2005 hanggang 2007, umaasang makagaganti ako ng utang-na-loob ko sa Panginoon para sa lahat ng pagsisikap ng dalawang misyonerong nagpasiyang ipangaral ang ebanghelyo sa maliit na bayan ng Floridia!”
May mga pagkakataon sa aking misyon noon na iniisip ko kung sulit ba ang dalawang taon ng pagsasakripisyo. At napakaligaya ko (tingnan sa D at T 18:15–16) nang malaman kong habampanahong nagbago ang buhay ni Fiorella dahil sa desisyon naming magkompanyon na humayo at kalimutan ang aming sarili sa paglilingkod sa iba sa isla ng Sicily.