Sa mga Balita
Nagbigay ng Mensahe si Elder Oaks sa mga Estudyanteng Nag-aaral ng Abogasya sa Harvard
Kamakailan si Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol ay nagbigay ng mensahe sa mga estudyante ng Harvard Law School noong kanilang ikalimang taunang Mormonism 101 Series.
Bawat taon isang miyembro ng Simbahan ang inaanyayahan ng Harvard Law School Latter-day Saint Students Organization na magsalita tungkol sa pangunahing paniniwala ng Mormonismo at sagutin ang mga itatanong ng mga estudyante.
Ipinaliwanag ni Elder Oaks ang mga paniniwala ng mga LDS sa Ama sa Langit, kay Jesucristo, at sa Espiritu Santo bilang tatlong magkakahiwalay na katauhan at nagkakaisa sa layunin. Ipinaliwanag din niya ang layunin ng buhay sa pamamagitan ng maikling pagsasalaysay ng plano ng kaligtasan.
Ibinigay niya ang kanyang patotoo tungkol kay Jesucristo at sa kapangyarihan ng Pagbabayad-sala, sinasabing, “Para sa akin, ang himala ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay hindi kayang maunawaan, ngunit pinatotohanan sa akin ng Espiritu Santo ang katotohanan nito, at nagagalak ako na magugugol ko ang aking buhay sa pangangaral nito.”
Ipinaliwanag pa niya ang pagsalig ng Simbahan sa mga pinagmumulan ng katotohanan, kabilang ang makabagong mga paghahayag at banal na kasulatan.
“Hindi kami nakasalig sa karunungan ng mundo o sa mga pilosopiya ng tao—kahit ang mga ito ay nakaugalian na o iginagalang,” sabi niya. “Ang patotoo namin kay Jesucristo ay nakabatay sa mga paghahayag ng Diyos sa Kanyang mga propeta at sa bawat isa sa amin.”
Pinapurihan ng Cardinal ang Pinagsamang Pagsisikap na Ipagtanggol ang Kalayaang Pang-Relihiyon
Sa unang mensaheng ibinigay ng isang cardinal sa Brigham Young University, sinabi ng Kapita-pitagang si Francis Cardinal George na dapat magkasamang manindigan ang mga Katoliko at mga Banal sa mga Huling Araw sa pagtatanggol sa kalayaang pang-relihiyon sa Estados Unidos.
“Kapag bigo ang gobyerno na pangalagaan ang pagmamalasakit sa moralidad ng mga mamamayan nito, nagiging tungkulin ito ng mga pangkat ng relihiyon, lalo na ng yaong binuo sa pamamagitan ng ebanghelyo ni Jesucristo, na maging tagapagtanggol ng kalayaan ng tao,” sabi niya.
Nagbigay ng mensahe si Cardinal George, ang Archbishop ng Chicago at President of the United States Conference of Catholic Bishops, sa grupo ng 12,000 estudyanteng Banal sa mga Huling Araw at guro sa Marriott Center in Provo, Utah, USA.
Nagpasalamat siya na “nagkasundo bilang mapagkakatiwalaang magka-anib ang mga Katoliko at Banal sa mga Huling Araw sa pagtatanggol sa usapin ng moralidad.”
Sinabi niyang kapwa nanindigan ang dalawang simbahan sa mga isyung tulad ng aborsiyon, pornograpiya, at pagpapakasal sa kapwa lalaki o babae.
“Ang kalayaang pang-relihiyon ay hindi hanggang sa kalayaan sa pagsamba ni maging sa kalayaan sa pansariling paninindigang moral lamang,” wika niya. “Ang ibig sabihin ng kalayaang pang-relihiyon ay may karapatan ang mga grupo ng relihiyon gayundin ang indibiduwal na gamitin ang kanilang impluwensya sa publiko.”