Paglilingkod sa Simbahan
Pinagpala ng Aking Tungkulin
“Tinawag ka ng Panginoon na maglingkod bilang pangulo ng ating Primary,” sabi sa akin ng branch president. Isang taon pa lang mula nang lisanin ko ang Laurel class at dalawang taon mula nang mabinyagan ako sa Simbahan. Hindi ako makapaniwala.
“Wala akong tiyagang magturo sa mga bata,” sabi ko sa kanya.
“Naniniwala ka ba na nagmula sa Diyos ang tawag sa iyo?” tanong niya. “Kapag tinatawag Niya tayo, binibigyan Niya tayo ng kakayahan.”1
Nagkaroon ako ng tiwala dahil sa sinabi niya, at agad kong nalaman na kailangan ako ng Panginoon sa Primary. Hindi ko alam kung paano gampanan ang bago kong tungkulin, ngunit alam ko na gagabayan Niya ako.
Hinangad kong gawin ang lahat ng magagawa ko, ngunit pagkaraan ng ilang buwan natuklasang may kanser ang nanay ko. Bukod pa rito, nag-aaral ako noon ng systems engineering. Nahirapan akong tugunan ang lahat ng responsibilidad ko sa tahanan, sa unibersidad, at sa Primary. Nagsimulang maglaho ang sigla ko, at isang araw ng Linggo sa simbahan hindi ko na nakayanan ang lahat, at napaiyak ako.
Napansin ako ng isang kapwa miyembro sa ward at binigyan niya ako ng magandang payo: “Judith, ang pinakamainam gawin para malagpasan ang mga pagsubok ay kalimutan ang sarili mo sa ebanghelyo at maglingkod sa iba,” sabi niya. “Sa paggawa nito, makikita mo na pagagaanin ng Panginoon ang iyong mga pasanin.”
Nang sundin ko ang nakahihikayat niyang payo, nagbago ang saloobin ko, lumakas ang pananampalataya ko, at nagkaroon ako ng determinasyong paglingkuran ang Panginoon. Nagpatuloy ang mga pagsubok sa buhay ko, ngunit inilaan ko ang aking sarili sa tungkulin ko at sabik akong makita ang mga bata tuwing Linggo. May natutuhan ako sa kanila sa bawat linggo habang nakikita ko ang kanilang patotoo sa kanilang mga gawa. Sa paglipas ng mga buwan, nakita ko kung paano hinubog ng Panginoon ang pagkatao ko at paano ko pinauunlad ang mga kaloob at talentong hindi ko alam na mayroon ako.
Nang sumunod na taon nilisan ko ang Barranquilla, Colombia, at nagtungo ako sa Bogotá nang isang buwan kasama ang aking ina dahil kinailangan siyang ma-chemotherapy. Noong panahong iyon panay ang dasal ko at napalapit ako sa Panginoon. Nagpasiya akong baguhin ang university major ko, at sa pamamagitan ng inspirasyon, nalaman ko na nais ng Panginoon na ilaan ko ang buhay ko sa pagtuturo ng mga bata. Pagbalik ko sa eskuwela, kumuha ako ng degree sa special education.
Alam ko na ibinigay sa akin ng Ama sa Langit ang tungkulin ko sa Primary para ihanda ako. Sa paglilingkod ko, natuklasan ko ang tunay kong propesyon, at nang ipamuhay ko ang ebanghelyo at kalimutan ang sarili ko sa paglilingkod, nadama kong yakap ako ng Panginoon.
Ang patotoong natamo ko habang naglilingkod sa Primary presidency at kalaunan ay sa stake Primary presidency ay nagpalakas sa akin bilang miyembro ng Simbahan. Natutuhan kong magturo nang may pagmamahal, makita ang mundo tulad ng pagkakita rito ng isang bata, at hangarin ang patnubay at inspirasyon ng Panginoon.
Araw-araw kapag nagtuturo ako sa bilingual school sa aming lungsod, iniisip ko ang mga pagsisikap, hamon, at pagpapala noong mga taong iyon. Ang mga batang nasa Primary noon ay mga tinedyer na ngayon, ngunit maningning pa rin ang mga mata nila sa pagmamahal sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo.
Alam ko na kapag tinawag tayo ng Panginoon, tinuturuan at sinasanay Niya tayo at naglalagay Siya ng mga lider sa ating landas upang tulungan tayong ipamuhay ang magandang ebanghelyong ito ni Jesucristo.