2010
Pagpunta sa Templo
Hulyo 2010


Pagpunta sa Templo

Chhom Koemly, Cambodia

Mula nang mabinyagan kami noong 2001, marami na kaming napag-usapan ng aking asawa tungkol sa pagpunta sa templo kasama ang aming pamilya para magkakasama kaming mabuklod sa kawalang-hanggan. Gayunman, naudlot ang aming mga plano nang masuri na mayroon siyang sakit sa atay at pumanaw bago kami nakaalis.

Nalungkot ako, ngunit lalo pang tumindi ang hangarin kong mabuklod ang aming pamilya sa kawalang-hanggan pagkamatay ng asawa ko. Gayunman, bilang balo na may apat na anak, alam kong hindi magiging madali ang mag-impok ng perang kailangan para madala ang pamilya ko mula sa Cambodia patungong Hong Kong China Temple—mga 1,000 milya (1,600 km) ang layo.

Sa kabila ng maliit naming kita, alam namin ng aking mga anak na kailangan naming makapunta sa templo upang mabuklod bilang isang pamilya sa kawalang-hanggan. Patuloy akong nagpakasipag sa paglalabada sa isang hotel habang nagtrabaho naman ang aking mga anak kung saan-saan. Unti-unti kaming nakapag-impok ng kaunting pera para sa aming biyahe, ngunit di nagtagal ay natanto namin na baka hindi kami makapag-impok nang sapat kahit kailan.

Dahil alam namin na mas mahalaga ang walang hanggang pamilya kaysa anupamang mayroon tayo dito sa lupa, nagpasiya kaming ibenta ang tanging mahalaga naming pag-aari—ang motorsiklo ng pumanaw kong asawa. Matapos naming ibenta ito sa malaking halaga, nagalak ang aming puso nang malaman namin na hindi maglalaon ay mabubuklod kami sa aming pinakamamahal na ama at asawa.

Ngunit di nagtagal ang aming kaligayahan. Isang linggo pagkaraang maibenta ang motorsiklo, umuwi kami mula sa simbahan at nalamang napagnakawan ang aming tahanan. Nang matuklasan namin na nawala ang perang napagbentahan sa motorsiklo, lungkot na lungkot kami. Ilang buwan pagkatapos ng nakawan, patuloy naming ipinagdasal na makakita kami ng paraan na makapunta sa templo.

Pagkaraan ng ilang buwan nasagot ang aming mga dalangin nang sabihan kami na maaari kaming tulungan ng General Temple Patron Assistance Fund ng Simbahan.* Tuwang-tuwa kami ng aking mga anak sa balita at di naglaon ay nangyari ang inaasam naming pagpunta sa templo.

Salamat sa kabutihang-loob ng ibang mga Banal sa mga Huling Araw, walang hanggang pamilya na kami ngayon.