Ang Ating Paniniwala
Pinagpapala ng Kadalisayang Seksuwal ang Ating Buhay
Ang ibig sabihin ng kalinisang-puri ay kalinisan ng kaisipan, mga salita, at gawa. Ang kadalisayang seksuwal na ito ay “kalugud-lugod sa Diyos.”1 Ibinigay sa atin ng ating Ama sa Langit ang sagradong kapangyarihan ng paglikha upang makapagluwal tayo ng mga anak at upang maipadama ang pagmamahalan ng isang lalaki at isang babae sa loob ng kasal. Ibinigay rin Niya sa atin ang batas ng kalinisang-puri upang protektahan tayo mula sa pinsalang dulot ng pagkakaroon ng pisikal na intimasiya sa labas ng kasal.
Nagtakda ang Ama sa Langit ng malinaw na hangganan para sa kalinisang-puri. Iniutos Niya na huwag tayong magkaroon ng anumang seksuwal na relasyon bago tayo ikasal. Pagkatapos nating makasal, inutusan tayong maging matapat nang lubusan sa ating kabiyak.2 Kung lalabagin natin ang batas ng kalinisang-puri, nakagawa tayo ng napakabigat na kasalanan.3 Itinuro ng propetang si Alma na ang kasalanang seksuwal ay mas mabigat kaysa sa iba pang kasalanan maliban sa pagpatay ng tao o pagtatatwa sa Espiritu Santo.4
Kinukutya ni Satanas ang kalinisang-puri at ang kasagraduhan ng kasal kapag tinutukso niya tayong maniwala na ang seksuwal na intimasiya sa labas ng kasal ay katanggap-tanggap basta’t nagmamahalan ang isang lalaki at isang babae. Hindi ito totoo. Ito ay mabigat na kasalanan na dumudungis sa kapangyarihang ibinigay sa atin ng Diyos upang lumikha ng buhay.5
Inutusan tayong lahat ng ating Ama sa Langit na ipamuhay ang batas ng kalinisang-puri. Ang mga pagpapala sa pagsunod sa kautusang ito at ang mga bunga sa paglabag nito ay magkakapareho sa ating lahat, kahit ano pa ang silakbo ng ating damdamin, hangarin, o seksuwal na tukso.
Kung nakagawa tayo ng mga seksuwal na kasalanan, patatawarin tayo ng Panginoon kung tunay tayong magsisisi.6 Ang kapighatian ng kasalanan ay maaaring mapalitan ng matamis na kapayapaan ng pagpapatawad o kapatawaran.7
Kapag pinanatili natin ang ating seksuwal na kadalisayan, magiging mas sensitibo tayo sa patnubay ng Espiritu Santo at makatatanggap ng kalakasan, kapanatagan, at proteksiyon.8
-
Maaari kayong magpasiya ngayon na maging dalisay at di matinag kailanman. Maaaring nadarama ng ilan na maaari silang gumawa ng seksuwal na kasalanan at isiping magsisisi na lamang sila kalaunan. Ang ganitong pag-uugali ay kawalan ng paggalang sa mga kautusan ng Panginoon at kakulangan ng pang-unawa sa pagsisisi at kabutihan.9
-
Sa pamamagitan ng disenteng pananamit at anyo, ipinapakita ninyo sa Diyos na alam ninyong ang inyong katawan ay sagradong likha Niya. Ang kahinhinan ay nagtataguyod ng kalinisang-puri.10
-
Ang pornograpiya ay nakalululong at nakapipinsala. Pagkakaitan kayo nito ng respeto sa sarili at pagpigil sa sarili at kadalasang humahantong sa mas mabibigat na seksuwal na kasalanan.11
-
Kung matagpuan ninyo ang inyong sarili na nakikibaka sa mga seksuwal na tukso, pati na ang pagkaakit sa kapwa ninyo lalaki o kapwa babae, maaari ninyong piliing labanan ang mga tuksong ito. Ang Panginoon ay “gagawa ng paraan ng pag-ilag” upang “ito’y inyong matiis.”12
-
Kung nakagawa kayo ng mga seksuwal na kasalanan, kausapin ang inyong bishop o branch president. Tutulungan niya kayo sa proseso ng pagsisisi.13
-
Kung kayo ay biktima ng panggagahasa, hinalay ng kamag-anak, inabuso, o ng iba pang seksuwal na krimen, wala kayong kasalanan. Matutulungan kayo ng inyong bishop o branch president sa proseso ng pagpapagaling ng damdamin.14
-
Kung walang-asawa at nakikipagdeyt, igalang ang inyong ka-deyt, magplano ng makabuluhang mga aktibidad, at iwasan ang mga usapan o gawaing pupukaw sa seksuwal na damdamin.
-
Kung may-asawa na, maging tapat sa inyong kabiyak sa isip, salita, at gawa.15 Ang pakikipagharutan sa iba ay hindi dapat. Lumayo sa mga situwasyon na maaaring pagmulan ng tukso.16