Saan Ako Nanggaling?
Betty Hollowell, Indiana, USA
Noong bata pa ako madalas akong mag-isip, “Saan ako nanggaling?” Sa kaibuturan ng puso ko alam kong nanirahan ako sa isang lugar bago ako naging ako ngayon, ngunit wala akong ideya kung saan.
Sa loob ng maraming taon takot akong sabihin ito kahit kanino—kahit sa mga magulang ko—sa takot na baka isipin nilang nababaliw ako. Ngunit isang araw noong tinedyer na ako, nagkaroon ako ng lakas ng loob na tanungin ang pastor ng aming simbahan, “Saan po tayo nakatira bago tayo naparito sa lupa?” Sinabi niya sa akin na huwag kong isipin ang tungkol sa mga bagay na iyon. Sinabi niyang walang lugar na pinanggalingan ang kahit sino bago sila isinilang; basta hindi tayo nabuhay noon.
Natakot ako na baka tama siya at ako ay nababaliw na, pero hindi ko pa rin maialis sa isip ko ang bagay na ito. Patuloy akong nagsaliksik, ngunit walang nakaaalam sa mga kasagutan.
Noong 18 taong gulang na ako, lumipat ang aming pamilya. Akala ko ang mga mangangaral sa lugar na aming nilipatan ay mas maraming alam kaysa sa dati naming mangangaral, kaya’t nagpasiya akong tanungin ang isa sa kanila. Ganoon din ang sagot niya: sinabi niyang hindi normal ang mag-isip ng gayong mga bagay at iminungkahing sumangguni ako sa isang psychiatrist.
Di nagtagal pagkatapos niyon tumigil na ako sa pagsisimba. Nagkaroon ako ng trabaho, may nakilalang binata, at nag-asawa na. Makalipas ang limang taon nauwi sa diborsiyo ang pagsasamang iyon. Kaya’t inimpake ko ang lahat ng gamit ko, kasama ang dalawang anak at isang ipinagbubuntis, at umuwi ako.
Sa loob ng limang taon na iyon, ang aking inay ay sumapi sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Nabanggit niya ang Simbahan nang dalawin ko siya at hiniling na makipag-usap ako sa mga misyonero. Pumayag ako sa wakas, ngunit bago ang aming pagkikita, nagpasiya ako na papayag lang akong makinig sa talakayan ng mga misyonero kung masasabi sa akin ng mga elder kung saan ako nanirahan bago ako naging ako sa ngayon.
Nagulat ako na hindi lamang nila nasagot ang tanong ko kundi binigyan din ako ng sagot na direkta mula sa Biblia (tingnan sa Job 38:4–7; Jeremias 1:5; Judas 1:6). Pagkatapos niyon, lubos ko na silang pinagtuunan ng pansin! Ang sagot nila ay nakatulong para maunawaan ko kung bakit buong buhay ko ay dama kong nabuhay na ako noon. Nauunawaan ko na ngayon na nabuhay ako bago ang buhay na ito kapiling ang aking Ama sa Langit.
Di nagtagal ako ay naging miyembro ng Simbahan. Sa kauna-unahang pagkakataon sa aking buhay, nadama kong mahalaga ako at may dapat akong puntahan—ang makabalik sa aking Ama sa Langit.
Nagpapasalamat ako na nasagot ng mga misyonero ang tanong ko na hindi kayang sagutin ng iba.