2010
Masyado Ba Akong Naging Abala para Maglingkod?
Hulyo 2010


Masyado Ba Akong Naging Abala para Maglingkod?

Ngozi Francisca Okoro, Nigeria

Noong 1997 ipinaalam ng aming branch president na ang branch ay magsasagawa ng proyektong serbisyo sa kapitbahayan sa paligid ng aming meetinghouse. Gagawin namin ang aktibidad na ito bilang pakikiisa sa mga miyembro ng Simbahan sa iba’t ibang panig ng mundo sa paggunita sa ika-150 anibersaryo ng pagdating ng mga pioneer na Banal sa mga Huling Araw sa Salt Lake Valley.

Kasama sa aktibidad ang paglilinis ng mga lansangan at pag-aayos ng mga lubak. Sinabi ng branch president na madurumihan kami ngunit ang aktibidad ay maaaring magbigay sa amin ng pagkakataon na makausap ang ibang tao tungkol sa Simbahan.

Hindi ko inisip na pumunta dahil nagtakda ang aking propesor ng karagdagang mga lektyur kasabay ng aktibidad. Dama kong mauunawaan ng lahat, ngunit nabuklat ko ang polyetong pinamagatang Pananampalataya sa Bawat Hakbang. Nang mabasa ko ang tungkol sa hirap na dinanas ng mga Banal sa paglalakbay nila papunta sa kanlurang bahagi ng Estados Unidos, napaluha ako. Iniwan ng ilang mga Banal ang komportable nilang mga tahanan para pumunta sa isang disyerto na di tiyak kung ano ang matatagpuan nila roon. Ang iba ay nagpatuloy kahit isa-isang namamatay ang ilang miyembro ng kanilang pamilya habang daan. Sa gitna ng pagkakasakit, dusa, pagkagutom, at kahirapan, nanalig sila na kung mandarayuhan sila sa Kanluran, hindi na sila aapihin pa.

Nalungkot ako na kinailangang gawin ng mga Banal noong una ang malalaking sakripisyo, itinaya maging ang buhay nila sa ilang pagkakataon, upang makita ang pagsulong ng Simbahan. Dahil sa kanilang sakripisyo at pananampalataya, tinatamasa ko ngayon ang mga pagpapala ng ebanghelyo.

Noon ko napag-isip kung gaano kaliit ang sakripisyong gagawin ko kumpara sa ginawa nila. Hinihilingan lang akong mag-ukol ng dalawang oras ng serbisyo at ibahagi ang ebanghelyo sa ilang tao, at gumagawa ako ng mga dahilan para hindi dumalo.

Kinalimutan ko ang tungkol sa mga lektyur at sumali sa aktibidad. Nadumihan ako, ngunit lumapit nga ang mga tao at nagtanong tungkol sa Simbahan. Masaya ako na nakasali ako, at nakapagtapos na ako sa unibersidad—kahit hindi ko nadaluhan ang ilang lektyur.