Akayin at Patnubayan
“Maaaring makalimot [sila], gayon pa man hindi kita malilimutan” (1 Nephi 21:15).
Noong 10 taong gulang ako, lumipat ang aming pamilya sa Canada mula Denmark. Bago pa lang kaming nakatira doon nang ako at ang 12-taong gulang na kuya kong si Poul ay anyayahan ng dalawang magkapatid na babae na nakatira sa tapat ng bago naming tahanan, na sumakay ng bus kasama nila para makita ang lungsod.
Tuwang-tuwa kami ni Poul na makasama. Nag-alangan ang nanay ko, pero kalaunan ay pumayag na rin siya. Ibinigay ni Inay sa dalawang babae ang perang pambayad namin sa bus. Hiniling niyang bantayan nila kami dahil kami ng kuya ko ay hindi pa nakakapagsalita ng Ingles. Nangako ang mga babae na aalagaan nila kaming mabuti.
Lahat kami ay sumakay na sa bus at nagsimula nang magbiyahe. Makalipas ang ilang sandali huminto ang bus, at sinenyasan kami ng mga batang babae na bumaba na. Sinundan namin sila at nagsimula na kaming maglakad sa palibot ng lungsod.
Pagkatapos ay biglang nagtakbuhan ang dalawang batang babae sa magkaibang direksyon! Sinubukan naming sundan sila, pero pagliko nila sa mga kanto ay nawala na sila. Sa una ay naisip naming pinaglalaruan lang nila kami at di magtatagal ay babalik din sila. Ngunit pagkatapos ng ilang sandali alam naming naligaw na kami at naiwan na kami.
“Dapat ba tayong magtanong ng direksyon?” tanong ko kay Poul.
“Di tayo marunong ng Ingles, at di natin alam ang ating address,” sagot niya.
“Tawagan natin si Inay,” mungkahi ko, at itinuro ang kalapit na phone booth.
“Wala tayong pera, at di natin alam ang numero ng ating telepono,” sabi ni Poul.
Nagsimula na akong umiyak. Inakbayan ako ni Poul. “Huwag kang mag-alala, Anne-Mette. Magdasal tayo.”
Nagyakap kami at hiniling sa Ama sa Langit na tulungan kaming mahanap ang daan pauwi.
Pagkatapos ng dasal itinuro ni Poul ang isang kalye. “Pakiramdam ko kailangang dito tayo pumunta,” sabi niya.
Nagsimula na naman akong umiyak. Paano niya malalaman kung alin ang daan?
Muli akong inalo ni Poul. “Kailangang manampalataya ka na gagabayan tayo,” sabi niya.
Nang sabihin niya iyon, nakadama ako ng kapayapaan. Pumasok sa isip ko na kailangan kong manampalataya at hayaang gabayan ako ng kuya ko.
Matapos ang matagal na paglalakad, nakarating kami sa isang lawa. “Naaalala mo ba ang lawang ito?” tanong ni Poul. “Nadaanan natin ito nang pauwi na tayo galing sa airport papunta sa bagong bahay natin!”
Gumanda ang pakiramdam ko nang marinig ko ang sigla sa kanyang tinig. Naupo kami sa tabi ng lawa at muling nagdasal.
Biglang tumingin si Poul sa malayo. “Nakikita mo iyon?” sigaw niya. Tumayo siya at nagsimulang tumakbo, at tumindig ako para sundan siya.
“Ano’ng nakikita mo?” sabi ko.
“Ang karatula ng Laundromat malapit sa bahay natin!”
Sinundan namin ang karatula papunta sa aming kalye, at di nagtagal nakita na namin si Inay na nakatayo sa labas ng bahay. Tumakbo kami palapit sa kanya at niyakap siya.
Nang makapasok na kami sa bahay, sinabi ni Inay, “Nang makita kong umuwi ang dalawang batang babae, nagpunta ako para itanong kung nasaan kayo. Medyo masungit ang nanay nila. Sinabi niyang mga dayuhan tayo at dapat tayong bumalik sa pinanggalingan natin.”
Kapwa kami niyakap ni Inay. “Gusto kong malaman ninyo na hindi lahat ng tagarito ay ganyan ang pakiramdam. Makakakilala tayo ng maraming taong malugod na tatanggap sa atin at magiging mga kaibigan natin. Iniwan kayo ng mga batang iyon ngayon, pero natutuwa ako na naalala ninyong hinding-hindi kayo iiwan ng Ama sa Langit.”
Pagkatapos ay lumuhod kami at pinasalamatan ang Ama sa Langit sa paggabay sa amin na makauwi nang ligtas.