Pangako ng Isang Propeta
Mula sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2008.
Noong tagsibol ng 1848, nilisan ng mga kanunu-nunuan ko na sina Charles Stewart Miller at Mary McGowan Miller, ang kanilang tahanan sa Scotland at naglakbay patungong St. Louis, Missouri, kasama ang isang grupo ng mga Banal, at nakarating doon noong 1849.
Habang nagtatrabaho sa St. Louis ang pamilya upang kumita ng sapat para malubos ang kanilang paglalakbay papuntang Salt Lake Valley, isang salot ng kolera ang kumalat sa lugar. Sa loob ng dalawang linggo, apat sa mga kapamilya nila ang namatay. Ang mga batang nakaligtas ay naiwang mga ulila, pati na ang aking lola-sa-tuhod na si Margaret, na 13 anyos noon.
Patuloy na nagtrabaho at nag-impok ang natitirang siyam na batang Miller para sa paglalakbay na iyon na hinding-hindi na magagawa kailan man ng kanilang mga magulang at kapatid. Nilisan nila ang St. Louis sa tagsibol ng 1850 na may apat na baka at isang bagon, at sa wakas ay dumating sa Salt Lake Valley sa taon ding iyon.
Gayon din ang hirap na sinuong ng iba ko pang mga ninuno. Gayunman, sa kabila ng lahat ng ito, nanatiling matatag at matibay ang kanilang patotoo. Mula sa kanilang lahat tumanggap ako ng pamana ng lubos na katapatan sa ebanghelyo ni Jesucristo.
Ipinahahayag ko nang buong puso at kataimtiman ng aking kaluluwa na ang Diyos ay buhay. Si Jesus ang Kanyang Anak, ang Bugtong na Anak ng Ama sa laman. Siya ang ating Manunubos; Siya ang ating Tagapamagitan sa Ama. Mahal Niya tayo sa paraang hindi natin lubos na mauunawaan, at dahil mahal Niya tayo, ibinigay Niya ang Kanyang buhay para sa atin. Hindi mailalarawan ang pasasalamat ko sa Kanya.
Ipinapangako ko ang aking buhay, ang aking lakas sa paglilingkod sa Kanya at sa pamamahala sa mga gawain sa Kanyang Simbahan alinsunod sa Kanyang kalooban at inspirasyon.