Oras ng Pagbabahagi
Masusundan Ko ang Halimbawa ni Jesucristo
Sinabi ni Jesucristo, “Pumarito ka, sumunod ka sa akin.” Masusundan natin si Jesus sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay na ginawa Niya. Ang mga larawan sa kabilang pahina ay nagpapakita kung paano hinikayat ni Jesus ang mga tao na sumampalataya sa Kanya. Itinuro Niya na mahalagang magpasalamat para sa mga pagpapalang tinatanggap natin. Tinipon Niya ang mga bata sa Kanyang paligid para makasama at maturuan Niya sila. Minahal ni Jesus ang mga taong nakasama Niya at sinabihan tayo na mahalin ang ating kapwa. Sa talinghaga ng mabuting Samaritano, itinuro ni Jesus na mahalin ang iba.
Sinalakay ng mga tulisan ang isang manlalakbay at iniwan itong halos patay na. Nakita ng isang saserdote at pagkatapos ng isang Levita ang lalaking nasaktan, ngunit pareho silang nagdaan nang hindi tumutulong. Sa huli, naparaan ang isang Samaritano at tumigil upang tulungan ang lalaki. Tinalian niya ang mga sugat ng lalaki at dinala ito sa isang bahay-tuluyan. Nag-iwan ng pera ang Samaritano sa katiwala ng bahay-tuluyan upang maalagaan ang lalaki. (Tingnan sa Lucas 10:30–37.) Ipinapakita sa atin ng kuwentong ito ang kahulugan ng sundin ang utos na mahalin ang ating kapwa.
Hulyo 2010 Journal Tungkol sa mga Banal na Kasulatan
Basahin ang Lucas 18:22.
Manalangin sa Ama sa Langit upang malaman kung paano ninyo susundin si Jesus.
Isaulo ang Lucas 18:22.
Pumili ng isa sa mga aktibidad na ito, o lumikha ng sariling inyo:
-
Tulungan ang iba na maisaulo ang Lucas 18:22.
-
Gawin ang aktibidad sa pahina 64. Gupitin ang mga bakas ng paa. Kapag may ginawa kang isang bagay para sundin ang halimbawa ni Jesucristo, isulat ito sa blangkong guhit, at idikit ang isang bakas ng paa sa daan.
-
Maging kaibigan ng isang taong may kapansanan o nalulumbay. Isipin ang halimbawa ni Jesus para malaman ninyo ang gagawin. Mabibisita at mapag-uukulan ninyo ng oras ang tao at mahihikayat at matutulungan siya.
Paano nakakatulong ang ginawa ninyo para maunawaan ang banal na kasulatang ito?
Magsulat sa inyong journal o magdrowing ng isang larawan tungkol sa ginawa ninyo.