2010
Natuto ng Mahalagang Tungkulin ang mga Sunday School Presidency
Hulyo 2010


Natuto ng Mahalagang Tungkulin ang mga Sunday School Presidency

Tuwing Linggo sa Highland Utah 30th Ward, isinasagawa ni Richard Christiansen at ng kanyang mga tagapayo sa Sunday School presidency ang gawain na karaniwan na sa halos lahat ng unit ng Simbahan. Tinitiyak nila na ang bawat klase ay may guro at pinapapasok sa silid-aralan ang mga estudyanteng nasa mga pasilyo.

Gayunpaman, malinaw na naunawaan ni Brother Christiansen na ang kanyang mga responsibilidad ay hindi lamang pagpapapasok sa mga estudyante at pagpapatunog ng bell.

Ang isa sa pangunahing mga tungkulin ng bawat quorum at auxiliary organization ay turuan ang mga miyembro ng mga alituntunin ng ebanghelyo na mahalaga sa kanilang kaligtasan. Ang tungkulin ng Sunday School presidency, tulad ni Brother Christiansen at ng kanyang mga tagapayo, ay tulungan ang mga lider ng auxiliary at priesthood sa gawaing ito sa pamamagitan ng pagganap bilang mga teacher training specialist sa ward.

“Ang pagtuturo ang pangunahing paraan na mayroon ang Simbahan para mapalakas ang mga miyembro, matulungan silang mapalalim ang kanilang patotoo tungkol sa Panunumbalik, at makamtan ang kaligtasan at kadakilaan,” sabi ni Russell T. Osguthorpe, Sunday School general president.

Bilang ward Sunday School president, responsibilidad ni Brother Christiansen na maglingkod bilang mahihingan ng tulong ng mga magulang, lider, at guro sa pagpapahusay ng pagtuturo na nangyayari sa tahanan at Simbahan.

“Ang pagtuturo ay isang bagay na mahalaga, at ang pagiging mahusay na guro ay makatutulong sa iba na masabik sa pag-aaral,” sabi ni Brother Christiansen.

Ang isa sa mga kasangkapan na magagamit ng mga presidency ng Sunday School ay ang kurso sa pagpapahusay na maaaring ialok sa oras ng Sunday School. Ang kurso ay naglalaman ng 12 aralin na matatagpuan sa manwal na Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin at maituturo ng isang miyembro ng Sunday School presidency sa ilalim ng pamamahala ng bishop.

“Ito ang kursong makatutulong sa sinumang miyembro ng Simbahan na interesadong pahusayin pa ang kanyang mga kasanayan sa pagtuturo,” sabi ni Brother Osguthorpe, sa tahanan man o sa silid-aralan. “Ang mga aralin ay tumutulong sa mga kalahok na matutuhan kung paano magturo sa pamamagitan ng Espiritu, kung paano mag-anyaya ng aktibo at masigasig na pag-aaral, at paano magturo nang sa gayon ay magiging sabik ang mga miyembro na ipamuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo.”

Ayon kay Brother Osguthorpe, dapat palagiang dumalo ang mga president ng Sunday School sa ward council, tulad ng nakabalangkas sa Hanbuk ng mga Tagubilin ng Simbahan, Aklat 2, nang sa gayon ay maunawaan nila ang mga mithiin ng bishop para sa mga miyembro ng ward at magkasamang magsasanggunian kung paano makatutulong sa pagpapahusay ng pagtuturo upang makamtan ang mga mithiing iyon.

Sa ward o branch council maaaring anyayahan ng bishop o branch president ang Sunday School president para magbigay ng tagubilin tungkol sa mga alituntunin na may kinalaman sa pagtuturo at pag-aaral ng ebanghelyo. Iminumungkahi ni Brother Osguthorpe na maaari din niyang iulat ang attendance ng mga kabataan at matatanda sa mga klase ng Sunday School at hilingin sa iba pang mga lider ng ward na tulungan ang mga nahihirapan.

“Ang pinakamabisang pagtuturo sa Simbahan ay nagaganap sa mga tahanan kung saan ipinamumuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo at itinuturo ang mga alituntuning iyon ng matatapat na magulang sa kanilang mga anak. Nariyan ang mga auxiliary upang tulungan ang tahanan sa pinakasagradong mga tungkuling ito. Ang Sunday School presidency ay mapagkukunan ng tulong sa ward ng kapwa mga magulang at guro upang magampanan ang kanilang mga responsibilidad,” sabi ni Brother Osguthorpe.

Ang matagumpay na pagtuturo ng ebanghelyo sa panig ng mga magulang at lider ng Simbahan ay magpapalakas ng mga patotoo ng mga miyembro at matutulungan silang lumapit kay Cristo, sabi niya.

“Ang nag-iisang makabuluhang paraan para masukat ang bisa ng pagtuturo ng ebanghelyo [sa isang ward] ay ang obserbahan ang katapatan ng mga miyembro. Kung maraming mga binatilyo ang naglilingkod sa misyon, kung maraming kabataan ang [lumalaki at] nagpapakasal sa templo, kung maraming magulang ang nagbabasa ng mga banal na kasulatan, nagpa-family home evening, at sumasamba sa templo nang palagian, ang pagtuturo ay humuhusay.