2010
Gabi ng Pagligtas kay Kathy
Hulyo 2010


Mga Kabataan

Iligtas si Kathy

Noong Enero 1976, nakatanggap ako ng tawag sa telepono mula sa isang kaibigan na nagtatrabaho sa social services. Itinanong niya kung handa ba kaming mag-asawa na alagaan ang isang bata. Noong panahong iyon ay may dalawa kaming maliliit na anak, ngunit nagkasundo kaming buksan ang aming tahanan sa 17-taong gulang na si Kathy.

Di nagtagal pagdating sa aming tahanan, itinanong ni Kathy kung puwede ba siyang sumama sa amin sa pagsisimba. Siyempre oo ang sagot namin, at di nagtagal regular nang dumadalo sa simbahan si Kathy. Marami sa mga kaibigan ni Kathy sa dati niyang sinisimbahan ang nakapansin sa pagpalya niya, at nalungkot sila nang malaman nilang dumadalo siya sa Simbahang LDS.

Isang araw pagkatapos ng pasok sa eskuwela, sinabi sa amin ni Kathy na plano ng kanyang dating simbahan na magdaos ng isang gabi ng “Pagligtas kay Kathy” para sa miting ng mga kabataan sa kanilang kongregasyon. Hiniling ni Kathy na samahan ko siya sa miting na iyon at tulungan ko siya sa pagtatanggol sa Simbahan. Atubili akong pumayag dahil bagamat ayaw kong makipagtalo sa kanyang mga kaibigan tungkol sa mga pagkakaiba sa doktrina, alam kong hindi pa sapat ang nalalaman niya tungkol sa Simbahan para ipagtanggol ito. Nagpasiya akong magsama ng isa pang panauhin, si Richard Jones, na kauuwi pa lang mula sa kanyang misyon.

Nang gabing idaos ang “Pagligtas kay Kathy” iyon ay araw ng pag-aayuno at panalangin para sa aming lahat. Ipinagdasal ko na madama sa miting ang presensya ng Espiritu at hindi magkaroon ng pagtatalu-talo.

Pagdating namin sa simbahan nang gabing iyon, nadama naming galit ang mga naroon, ngunit malugod kaming tinanggap ng ministro ng mga kabataan at inanyayahan kaming sabihin sa grupo ang tungkol sa Simbahan at ating mga pinaniniwalaan. Nang ibahagi ni Richard ang noon ay unang talakayan ng misyonero at itinuro ang tungkol sa Panunumbalik, ang 15 o mahigit pang bilang ng mga kabataan sa silid ay nakinig na mabuti. Maging ang ministro ng kabataan ay humanga.

Pagkatapos ay ginugol namin ang nalalabing oras ng gabing iyon sa pagsagot sa mga tanong at pagkakaroon ng napakagandang talakayan tungkol sa ebanghelyo. Ang galit na nadama namin doon noong una ay kaagad naglaho nang buong hinahon naming ipaliwanag ang aming mga pinaniniwalaan. May paggalang sa magkabilang panig. Pinuspos ng Espiritu Santo ang silid habang ibinabahagi namin ang aming patotoo at sumasagot sa mga tanong.

Pagkatapos ng talakayan, nagpasalamat ang ministro sa aming pagdating. Pagkatapos nang paalis na kami, isang dalagita ang tumayo at sinabing may gusto siyang sabihin sa amin. Sinabi niya na bago kami dumating, hindi niya inakala na mga Kristiyano ang mga Mormon, ngunit ngayon naniniwala siyang marahil mas mabubuti kaming Kristiyano kaysa sa kanya.

Wala nang mas gaganda pa sa pagtatapos ng aming talakayan sa gabing iyon. Alam kong hindi magiging ganoon kaganda ang takbo ng miting kung hindi kami nag-ayuno at nanalangin, sumamo na madama ang presensya ng Espiritu, at hiniling sa Panginoon na huwag magkaroon ng pagtatalo. Tanging sa presensya ng Banal na Espiritu tayo magiging epektibo sa pagbabahagi ng mensahe ng ebanghelyo.