Hanggang sa Muli Nating Pagkikita
Lumaban, Tumakbo, o Tanggapin ang mga Suntok?
Kapag nahaharap sa pag-uusig, ano ang mga opsiyon natin bilang mga disipulo ni Cristo?
Hindi ko tiyak ang gagawin sa hapong iyon noong 14 na taong gulang ako. Nakasandig ako sa pader ng eskuwelahan, at sinusuntok ako ng isang siga. Dahil napaligiran ako ng anim na kaibigan niya, nagpasiya akong tanggapin ang mga suntok.
Sinuntok niya ako, pagkatapos ay sinipa. Maraming beses.
Sa wakas ay umalis na silang magkakaibigan. Dumating ang bus, at sumakay ako. Hindi ako nag-angat ng ulo hanggang sa tumigil ang bus sa bababaan ko. Kahit makalipas ang 50 taon, iniisip ko pa rin kung karuwagan ang ginawa ko o pagtitimpi ng Kristiyano.
Ang karanasang ito ay nagbibigay-diin sa ilang katanungan natin bilang mga Banal sa mga Huling Araw. Kapag binatikos ang mga paniniwala natin, lalaban ba tayo, tatakbo, o tatanggapin na lang ang mga suntok?
Tila malinaw naman ang mga salita ng Tagapagligtas: “Sinomang sa iyo’y sumampal sa kanan mong pisngi, iharap mo naman sa kaniya ang kabila” (Mateo 5:39). Madalas kong pag-isipan, Gumagamit lang ba ng metapora si Jesus para ituro sa Kanyang mga tagasunod na huwag tumugon sa mga insulto sa madugong pamamaraan, na siyang nakagawian na? Siguro.
Subalit, isipin ang payo sa Doktrina at mga Tipan.
Noong 1833 naharap ang Simbahan sa matinding pag-uusig, lalo na sa Missouri. Para ipagtanggol ang kanilang buhay, humawak ng sandata ang mga miyembro ng Simbahan. Sa oras na iyon, inihayag ng Panginoon ang bahagi 98. Doon, itinuro Niya sa kanila na magpigil—nang may limitasyon. Karapatan nilang ipagtanggol ang kanilang sarili, ngunit kung magpipigil sila, gagantimpalaan Niya sila. Kung hihingi ng tawad ang mga nanakit, dapat magpatawad ang mga Banal nang “pitong ulit ng pitumpu” (talata 40). Tungkol naman sa pakikipagdigmaan, dapat muna silang maghangad ng kapayapaan at makipaglaban lamang kung iniutos ng Panginoon.
Nagbago na ang panahon simula noong kahindik-hindik na mga panahong iyon, ngunit sa ilang paraan ay laging inaatake ang Simbahan. Karaniwan ay mali ang pag-unawa nila sa ating doktrina. Ang mga maling akala, mga paratang na wala sa katwiran, at lantarang kasinungalingan ay ipinapasa bilang katotohanan.
Ano ang gagawin natin? Bilang mga disipulong nagsisikap na “tumayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar” (Mosias 18:9), dapat tayong kumilos. Hindi tayo maaaring tumakbo. Kaya lalaban ba tayo o tatanggapin na lang ang mga suntok?
Sa gayong mga bagay, makakaasa tayo sa mga propeta. Sa mga huling pangkalahatang kumperensya, napansin ko ang ilang mensaheng nagpapaliwanag sa posisyon ng Simbahan tungkol sa kontrobersyal na mga isyu. Hindi nagkakastigo ang mga nagsalita, pero hindi rin sila nagpapabaya. Kadalasan ay naghahanap sila ng isang bagay na mapagkakasunduan nila at ng mga taong hindi umaayon sa atin. Magagalang sila. Sinisikap nilang umunawa at maunawaan.1
Maaaring may mga panahon na ang tanging magagawa ay lumaban, tumakbo, o tanggapin ang mga suntok. Ngunit kadalasan ay may mas magandang opsiyon tayo. Maaari tayong magmahal, tulad ng ginagawa ni Jesus at ng Kanyang mga Apostol.