Mensahe sa Visiting Teaching
Pagpapatatag ng mga Pamilya at Tahanan
Pag-aralan ang materyal na ito, at kung angkop, talakayin ito sa mga kapatid na dadalawin ninyo. Gamitin ang mga tanong upang tulungan kayong patatagin ang mga kapatid at gawing aktibong bahagi ng inyong buhay ang Relief Society.
Mula sa mga Banal na Kasulatan: Genesis 18:19; Mosias 4:15; D at T 93:40; Moises 6:55–58
Patatagin sa Bawat Pagkakataon
“Tayo ay may iba’t ibang sitwasyon sa pamilya. May mga pamilyang may nanay at tatay at may kasamang mga anak sa tahanan. May mga mag-asawang wala ng mga anak sa tahanan. Maraming miyembro sa Simbahan ang walang asawa, at may ilan na mag-isang nagtataguyod ng pamilya. Ang iba ay mga balo na mag-isa na lang sa buhay.
“Anuman ang kalagayan ng ating pamilya, mapatatatag ng bawat isa sa atin ang sari-sarili nating pamilya o makakatulong sa pagpapatatag sa iba.
“[Minsan] tumuloy ako sa bahay ng pamangkin ko at ng kanyang pamilya. Nang gabing iyon bago matulog ang mga bata, nagdaos kami ng maikling family home evening at nagbahagi ng isang kuwento mula sa banal na kasulatan. Ikinuwento ng tatay nila ang tungkol kay Lehi at kung paano niya tinuruan ang kanyang mga anak na humawak sa gabay na bakal na siyang salita ng Diyos. Ang mahigpit na pagkapit sa gabay na bakal ang makapagpapanatili sa kanila sa kaligtasan at aakay sa kanila sa galak at ligaya. Kung bibitaw sila sa gabay na bakal, nanganganib na malunod sila sa ilog na may maruming tubig.
“Para ipakita ito sa mga bata, ang nanay nila ang nagsilbing ‘gabay na bakal’ na kailangan nilang kapitan, at ang tatay nila ang gumanap sa papel ng diyablo, na nagtatangkang hatakin palayo ang mga bata mula sa kaligtasan at kaligayahan. Nagustuhan ng mga bata ang kuwento at natutuhan ang kahalagahan ng mahigpit na pagkapit sa gabay na bakal. Pagkatapos ng kuwento sa banal na kasulatan oras na para magdasal ang pamilya. …
“Mga banal na kasulatan, family home evening, at pagdarasal bilang pamilya ang magpapatatag sa mga pamilya. Kailangan nating samantalahin ang bawat pagkakataon na patatagin ang pamilya at hikayatin ang isa’t isa na manatili sa tamang landas.”1
Barbara Thompson, pangalawang tagapayo sa Relief Society general presidency.
Ano ang Magagawa Natin?
-
Anong mga ideya sa pagpapatatag ng mga pamilya at tahanan ang ibabahagi ninyo sa mga kababaihan? Habang pinag-iisipan ang kalagayan ng bawat isa, ang Espiritu ay makapagbibigay ng mga ideya sa inyong isipan.
-
Anong mga priyoridad ang maaari ninyong baguhin sa buwang ito upang mas mapatatag ang inyong pamilya at tahanan?
Mula sa Ating Kasaysayan
Mula pa sa simula inatasan na ang Relief Society na patatagin ang mga pamilya at tahanan. Itinuro ni Propetang Joseph sa kababaihan sa isang miting noon ng Relief Society na, “Kapag umuwi kayo ng bahay, huwag na huwag pagalit na magsalita o magsabi ng masasakit na salita [sa inyong asawa], kundi hayaang ang kabaitan, pag-ibig sa kapwa at pagmamahal ang magpadakila sa inyong mga ginagawa mula ngayon.”2
Noong 1914 sinabi ni Pangulong Joseph F. Smith sa kababaihan ng Relief Society, “Saan man may kamangmangan o kaunti mang kakulangan sa kaalaman tungkol sa pamilya, … doon may nakatatag na samahang ito at nasa malapit lamang. Sa pamamagitan ng likas na katangian at inspirasyon na nauukol sa samahan, ang mga ito ay handang magbahagi ng tagubilin kaugnay ng mga tungkulin niyon.”3