Magiging Maayos ang Lahat
Manampalataya at magtiwala sa Panginoon, at Siya ay maglalaan.
Isinilang ako sa Germany sa butihin at mapag-arugang mga magulang na mga miyembro ng Simbahan. Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nang 10 taong gulang ang aking ama, nalaman niya ang ebanghelyo sa pamamagitan ng isang kaibigan sa Stettin, na ngayon ay bahagi na ng Poland. Dahil sa digmaan, walang mga misyonero sa Stettin noong panahong iyon. Matapos niyang tanggapin ang ebanghelyo, tinuruan ng aking ama ang kanyang pamilya, at sila ay nabinyagan. Kalaunan ay nakilala niya ang aking ina, na nakatira din sa East Germany. Wala ring mga misyonero doon. Itinuro ng aking ama sa aking ina ang ebanghelyo, at tinanggap niya ito. Nagpakasal sila at lumipat sa West Germany bago ako isinilang.
Sa Germany noong panahong iyon, kakaunti ang mga miyembro ng Simbahan. Ako lang ang miyembro sa paaralan. Sa murang edad nagkaroon ako ng matibay na patotoo na ang Diyos ay buhay at ito ang Kanyang totoong Simbahan. Hindi ko pinagdudahan kailanman ang katotohanan ng ebanghelyo. Pinanghawakan ko ang patotoong ito, at tinulungan ako nito na manatiling aktibo noong nagbibinata ako.
Takot na Maligaw ng Landas
May dalawa akong kaibigan na kaedad ko na aktibo rin sa Simbahan. Magkapatid sila, at sabay kaming nagsilaki. Gayunman, Linggo lang kami nagkikita-kita dahil halos 25 kilometro ang layo ng mga tirahan namin sa isa’t isa. Nagkikita kami sa priesthood meeting at mga aktibidad ng Young Men. Kahit minsan sa isang linggo lang kami nagkikita, nakatulong ang mabuting pagkakaibigan naming tatlo para manatili kaming aktibo sa Simbahan.
Kalaunan napansin ko na marami sa mga nakatatandang kabataan ang hindi na gaanong aktibo sa Simbahan, at lubos akong natakot na baka isang araw ay mawala ang patotoo ko. Lubhang kakaunti ang mga kabataan sa Simbahan sa Germany noong mga panahong iyon kaya nang hindi na sila gaanong aktibo, kapansin-pansin ang kanilang pagliban. Ikinatakot iyon ng mga magulang ko. Isinakripisyo nila ang lahat para mapalaki ang kanilang mga anak sa malayang relihiyon, at ngayon naiisip nila, “Ano ang magagawa natin para hindi mawala sa atin si Erich?”
Isang araw noong mga 14 anyos ako, sakay ng kotse pauwi ang pamilya ko mula sa pagsisimba. Napansin naming muli na tinalikuran na ng ilan sa mga kabataan ang Simbahan. Sabi ko sa mga magulang ko, “Gusto ko pong hilahin ninyo ako sa simbahan hanggang mag-21 anyos ako, pagkatapos ay ako na ang bahala sa sarili ko!” Talagang sinabi ko iyon sa kanila, at madalas iyong ulitin sa akin ng aking ina.
Desisyon na Mag-aral
Ang alalahaning ito ang dahilan kaya, noong mga 10 taong gulang ako at nag-aaral sa elementarya, nagdesisyon ang mga magulang ko. Sa Germany nagsisimula ka ng high school sa murang edad. Nagpasiya ang mga magulang ko na huwag akong pag-aralin sa high school dahil nakita nila na maraming kabataan ang tumalikod sa Simbahan habang nag-aaral sa mga paaralang ito sa panahong iyon. Sabi nila, “Puwede kang pumunta kahit saan, huwag lang sa Gymnasium [paaralang maghahanda sa iyo para sa pamantasan], dahil ayaw naming maging makamundo ka!”
Ang ibig sabihin ng desisyon na iyon ay nakapag-aral ako ng elementarya at kalaunan ay vocational education; para sa akin, ang ibig sabihin niyon ay isang degree sa pagnenegosyo. Nilimitahan nito ang maraming posibilidad ng pag-asenso ko sa aking propesyon. Natapos ko ang training ko noong 18 anyos ako at natawag akong maglingkod bilang misyonero sa Munich, Germany. Gustung-gusto kong maging misyonero.
Nang matapos ko ang aking misyon, nalaman ko na walang gaanong opsiyon sa trabaho. Nakatapos ako ng pag-aaral. Dalawang taon pagkatapos ng misyon ko, pinakasalan ko ang aking asawang si Christiane, at wala akong pagkakataong makapag-aral sa kolehiyo. May sandaling ikinalungkot ko ang pasiya ng aking mga magulang dahil pakiramdam ko ay napakalimitado ng buhay ko.
Pagkatapos ay naisip ko: “Anuman ang ginawa ng mga magulang ko, ginawa nila iyon para protektahan ako. Ginawa nila iyon dahil mahal nila ako, at iyon ay hindi magiging kawalan sa akin.” Kahit kung minsan ay tila kawalan iyon sa paningin ng mundo, nauunawaan ko na ngayon na hindi iyon magiging tunay na kawalan kailanman. Nagpasiya akong magtrabaho sa kumpanya ng seguro, at kalaunan ay naging executive ako sa kumpanyang pinagtrabahuhan ko.
Ang isang hamon para sa akin ay ang kagustuhan kong maging guro noon pa man, at hindi ka maaaring maging guro sa Germany kung hindi ka tapos ng kolehiyo. Gayunman, naging guro din ako sa huli—isang guro ng relihiyon. Naging guro ako sa Church Educational System. Sa madaling salita, iyan na ako ngayon—isang guro. Kaya nagkaroon ako ng patotoo na makabuluhang makinig sa iyong mga magulang, sundin ang kanilang payo, at magtiwalang mahal nila kayo, ipinagdarasal kayo, at alam kung ano ang pinakamainam para sa inyo. Ang hangarin kong manatiling aktibo sa Simbahan ay napakatindi at ang hangaring protektahan ako ay napakatindi sa mga magulang ko kaya talagang nangyari ang lahat para sa aking kabutihan.
Ang Napag-aralan Ko
Ang isang bagay pa na nakatulong sa akin na manatiling matatag noong kabataan ko ay ang seminary program, na pinasimulan sa Germany noong 1972, noong 14 na taong gulang ako. Malaki ang naging epekto nito sa buhay ko. Naaalala ko pa ang seminary teacher ko, dahil nag-iwan siya ng malaking impresyon sa akin at naimpluwensyahan ako sa napakapositibong paraan.
Dahil sa karanasan ko sa seminary at sa sariling pag-aaral ko ng mga banal na kasulatan noong kabataan ko, natutuhan kong mahalin ang mga banal na kasulatan. Ang pag-aaral ko ay nagpalakas sa aking patotoo, at kahit kailan hindi naglaho ang pagmamahal ko sa mga klase ko sa seminary at institute. Nagturo ako sa isa sa mga unang early-morning seminary class sa Germany. Magaling ang klaseng iyon. Gustung-gusto ito ng mga kabataan, at dumalo sila tuwing umaga. Ang ilan sa kanila ay malayo pa ang pinanggalingan. Mula sa grupong iyon, lahat ng kabataang lalaki ay nagsipagmisyon, at halos lahat ng kabataang lalaki at babaeng iyon ay nanatiling aktibo sa Simbahan.
Kapag iniisip ko kung paano ko natamo ang aking patotoo at kung ano ang pinakamalaking impresyon sa akin sa kabutihan, talagang masasabi ko na ito ay dahil sa mga klase sa seminary at institute na dinaluhan ko. Iyon ay ang pagkatuto ng mga alituntunin at doktrina ng ebanghelyo mula sa mga banal na kasulatan, kasama ang isang grupo ng mga kaibigan, mula sa gurong hinangaan namin.
Ang isa sa mga pinakamagandang gawin kapag nag-aaral ng mga banal na kasulatan ay ang ipamuhay ito mismo. Madalas sabihin ng aming mga guro, “Habang binabasa ninyo ang banal na kasulatang ito, subukan ninyong ilagay ang sarili ninyong pangalan.” Natuklasan ko na mababasa ko ang mga banal na kasulatan na para akong si Nephi o si Helaman o si Moroni. Binago niyan ang buong tagpo para sa akin nang basahin ko ang mga banal na kasulatan. Parang panaginip; bigla na lang nakita ko ang sarili ko sa sitwasyong katulad ng binabasa ko.
Naipaunawa sa akin ng mga banal na kasulatan na ang pananampalataya ay isang bagay na totoo. Hindi lamang ito pagkaalam tungkol sa mga bagay-bagay sa mga banal na kasulatan ayon sa teoriya, kundi iniuugnay tayo ng pananampalataya sa katotohanan ng Panginoon para sa atin. Ito ay isang bagay na natamo ko sa seminary noong kabataan ko. Tiyak ang pananampalataya ko na kung may ipinagagawa ang Panginoon, maaari tayong “humayo at gawin” ito (1 Nephi 3:7), at ilalaan Niya ang kailangan natin para maisagawa ang bagay na iyon.
Kalakasan mula sa mga Banal na Kasulatan
Ang isang talata sa banal na kasulatan na talagang nakatulong sa akin noong bata pa ako ay ang Josue 1:6–9. Sinabi rito: “Magpakalakas at magpakatapang na mabuti. … Isagawa mo ang ayon sa buong kautusan. … Huwag kang liliko sa kanan o sa kaliwa, upang ikaw ay magtamo ng mabuting kawakasan.”
Noong binatilyo ako, naisip ko, “Kapag nakatanggap ako ng atas mula sa Panginoon, hindi ako liliko sa kanan o sa kaliwa.” Nagkaroon ako ng magagandang karanasan dahil dito. Halimbawa, isang araw habang nasa business training ako, kinailangan kong dumalo sa isang miting sa Simbahan, pero may responsibilidad ako sa trabaho na may kaugnayan sa koreo. Karaniwan sa responsibilidad na ito, kailangan ko at ng iba pang mga trainee ng karagdagang isang oras pagkatapos ng regular naming oras ng trabaho. Pero kailangan kong pumunta sa Hamburg para sumakay ng tren na paalis nang alas-5:30 n.h. para makaabot sa miting namin sa Simbahan. Sinabi ko sa iba ang problema ko, at sabi nila sa akin, “Good luck. Imposibleng mangyari iyan.”
Sabi ko, “Mangyayari ito, kasi mahalaga ang miting na ito.” Nagkibit-balikat sila at patuyang sinabi, “Talaga ha—ikaw at ang pananampalataya mo. Akala mo dahil sa relihiyoso ka, lahat ay magiging maayos. Ibig sabihin niyan kailangan nating matapos ang koreo nang 10 minuto bago mag-alas-5:00. Hindi pa nangyari ‘yan.” Sabi ko, “Bahala na, kahit ano pa ang mangyari. Pero kailangan kong makarating sa Hamburg sa oras ngayong gabi.”
Maniwala man kayo o hindi, sa una at tanging pagkakataon sa loob ng tatlong taon, natapos ang lahat sa araw na iyon nang 10 minuto bago mag-alas-5:00, at inabutan ko ang tren. Humanga rito ang mga kapwa ko trainee at iyon ang naging daan para makausap ko sila tungkol sa ebanghelyo.
Lubos ang tiwala at pananampalataya ko na kapag binigyan kayo ng tungkulin ng Panginoon, magiging maayos ito kahit paano kung kayo ay “hindi bumabaling sa kanan ni sa kaliwa.” Hindi ko alam na maaga naming matatapos ang trabaho namin sa koreo noong araw na iyon. Hindi ninyo laging malalaman nang maaga ang gayong mga bagay. Hindi ninyo masasabi sa Panginoon kung paano ito dapat mangyari, pero kung sasampalataya at magtitiwala kayo sa Kanya, kadalasan ay magiging maayos ito.
Ang pag-aaral ko ng mga banal na kasulatan at ang halimbawa ng aking mga magulang ay nagbigay sa akin ng isang bagay na napakahalaga, kahit noong kabataan ko. Kapwa nila ako tinulungang lubos na manampalataya na sa araw-araw kong pamumuhay, tutulungan at pagpapalain ako ng Panginoon.