Isang Pamilyang Walang Hanggan
Ang tila isang trahedya sa una ang umakay kalaunan sa pamilya ni Uanci sa templo.
Nang una kong makilala si Uanci Kivalu, ngiting-ngiti siya. Pero nang umupo siya at naging seryoso ang tono niya, inisip ko kung ano ang ibabahagi ng mabait na 16-na-taong-gulang na ito. “Ang kuwento ko ay tungkol sa templo,” sabi niya.
Si Uanci ay mula sa Tonga, isang pulong bansa na puno ng matatayog na puno ng niyog, malalaking puno ng saging, at malalaking tanim na gabi. Karamihan sa mga kabataang nakita ko sa pulo ay mukha namang kuntento sa buhay, na may ngiting kasinglaki ng ngiti ni Uanci kani-kanina lamang. Ang mga kabataang Tongan na kaedad niya ay mahilig magsayaw, kumanta, maglaro ng netball, at makihalubilo sa kanilang pamilya. Karaniwan ay masasaya ang grupo nila. Ngunit ang pagkaseryoso ni Uanci ay may halong marubdob na damdamin na hindi ko matukoy, at ikinagulat ko iyon.
“Gusto kong magsalita tungkol sa templo,” pag-ulit niya.
“Noong lumalaki ako,” pagsisimula ni Uanci, “kami ng mga kapatid ko ay mga miyembro na ng Simbahan. Nagsisimba kami tuwing Linggo kasama ang nanay ko. Mahal ko ang templo, at gustung-gusto kong pumunta roon kasama ang mga kabataan upang magpabinyag para sa mga patay. Nadarama ko ang Espiritu kapag naroon kami. Pero ayaw magsimba ng tatay ko.”
Nagsimulang gumaralgal ang boses ni Uanci. Sumulyap ako mula sa notepad ko at nakita ko ang luha sa kanyang mga mata.
“Isang araw ang musmos kong kapatid na si ’Alekisio ay nagkaroon ng pinsala sa balakang at naimpeksyon,” pagpapatuloy niya. “Gumaling siya sandali. At nagsimbang muli ang tatay ko. Pero muli siyang tumalikod sa Simbahan.”
Tumutulo na ang luha sa pisngi ni Uanci, at agad nabasa ang tissue na iniabot ko sa kanya, gayundin ang kanyang mga manggas, nang subukin niyang pahirin ang kanyang mga luha.
“Lumala ang lagay ng kapatid ko, at namatay siya. Noon ay 12 taong gulang lang siya.”
Tumigil sandali si Uanci, na nadaraig ng kanyang damdamin, at naunawaan ko na kung bakit siya naging napakaseryoso. Ang dalagitang ito ay dumanas na ng malaking trahedya sa kanyang buhay. Ngunit mayroon ding katiting na pag-asang kumikislap sa kanyang mga mata.
“Pagkatapos,” pagsisimula niyang muli, “nagpasiya rin ang tatay ko na bumalik sa pagsisimba. Noong una, nahirapan siya. Hinikayat siya ng aming bishop, mga lider, kamag-anak, at pamilya na ang tanging paraan para muling magkasama-sama ang aming pamilya—para muli naming makita ang aking kapatid—ay ang mabuklod kami sa templo.
“Nahirapan kami nang mamatay ang kapatid ko,” pagpapatuloy ni Uanci. “Pero nagsikap nang husto ang mga magulang ko at tumanggap ng kanilang mga ordenansa. Sa huli, nabuklod kami sa templo bilang pamilya noong Oktubre 10, 2008, eksaktong isang taon pagkamatay ni ’Alekisio. Ang bishop namin ang kumatawan sa nakababata kong kapatid. Hindi ko maipaliwanag ang nadama ko noon.”
Ang mga luha ni Uanci ay hindi mga luha ng kalungkutan kundi ng galak. Nakapunta na sila ng kanyang pamilya sa bahay ng Panginoon at nabuklod sa templo, at alam niya ang kahulugan niyon. Kung mamumuhay nang marapat sa mga tipan ang kanyang pamilya, magkakasama-sama sila magpakailanman.
Habang iniisip ko si Uanci, winawari ko na naglalakad siya sa Liahona campus, ang high school na pag-aari ng Simbahan sa Tonga na katabi lang ng templo. Habang naglalakad, sumusulyap si Uanci sa tore ng anghel na si Moroni, sa ginintuang estatwa nito na kumikinang sa sikat ng araw. May mga luha na naman sa mga mata niya, pero nakangiti rin siya, dahil alam niya na makikita niyang muli si ’Alekisio.