Payong ng mga Pioneer
“Ang pag-ibig sa kapwa-tao ay dalisay na pag-ibig ni Cristo, at iyon ay nagtitiis magpakailanman” (Moroni 7:47).
Sarah! Sarah, gising na!” sabi ng limang taong gulang na si Christiana Larsen sa nakababata niyang kapatid. “Aalis na tayo.”
Hirap na nagmulat ng kanyang mga mata ang tatlong taong gulang na si Sarah.
“Pero madilim pa sa labas,” ang paantok niyang reklamo.
“Alam ko, pero sabi ni Mama magsimula tayo nang maaga. Paalis na ang barko papuntang Amerika.”
Ang pamilya Larsen ay sumapi sa Simbahan sa Denmark. Ngayon ay maglalakbay sila nang malayo para makasama ang mga Banal sa Salt Lake Valley.
Tinulungan ni Christiana si Sarah na magbihis. Pagkatapos ay umiiyak nilang tiningnan sa huling pagkakataon ang komportable nilang silid-tulugan. Alam nilang matatagalan pa bago sila makatulog muli sa tunay na kama.
“Huwag mong kalimutan ang payong mo, Sarah,” sabi ni Christiana habang dinadampot ang kanyang payong na may puntas na seda. “Sabi ni Mama siya ang mag-iimpake nito kasama ng tulugan.”
Sinabi nila Mama at Papa na wala silang ibang dadalhin kundi mga kailangan lang sa biyahe papuntang Amerika. Pagkatapos maimpake ang tulugan, damit, at mga kasangkapan, wala nang mapaglalagyan pa sa ibang gamit. Pero nakiusap sina Christiana at Sarah na dadalhin nila ang isang paborito nila sa bagong tahanan. Tutal, iiwan nila ang kanilang mga manyika, aklat, at laruan. Pinili nila ang magaganda nilang payong.
Pagsikat ng araw, si Christiana at ang kanyang pamilya ay sumakay na sa barkong papunta sa Amerika. Sabik silang magpunta sa Sion, kahit na kinailangan nilang iwan ang mga kaibigan, pamilya, at kanilang tahanan.
Matagal at nakakapagod ang paglalakbay sa dagat. Kapag mainit ang sikat ng araw sa hapon sa barko, gamit ng dalawang bata ang magaganda nilang payong upang hindi mabilad ang kanilang mga ulo sa araw. Kung nasa tamang direksyon ang pag-ihip ng hangin, hindi magalaw ang paglalayag ng barko. Ngunit kapag nagbago ng direksyon ang hangin, nahihilang pabalik ang barko, kadalasan nang hanggang kasing layo na ng nilakbay nito.
Nang dumaong ang mga Larsen sa Amerika, bumili sila ng bagon at baka at sinimulan ang mahabang paglalakbay papunta sa Salt Lake Valley. Matagtag at mainit ang pagbiyahe sa bagon, kaya’t kadalasan ay naglalakad na lamang sina Christiana at Sarah.
Tulad ng iba pang mga pamilyang pioneer, ang pamilya ni Christiana ay dumanas ng mga kahirapan at trahedya habang daan. Ang bagong silang na kapatid na lalaki ni Christiana ay namatay sa kanilang paglalakbay at inilibing sa kapatagan.
Nang makarating ang pamilya Larsen sa Salt Lake Valley noong 1857, gustung-gusto ni Christiana na magsimba kasama ang iba pang mga batang kaedad niya. Masayang dinadala nina Christiana at Sarah ang kanilang mga payong sa simbahan tuwing Linggo upang hindi mabilad ang kanilang mga mukha sa mainit na sikat ng araw sa disyerto.
Sa paglipas ng mga araw at linggo, nagsimulang maubos ang salapi at pagkain ng pamilya. Isang gabi narinig ni Christiana na pinag-uusapan ng kanyang mga magulang ang problema. Sinabi ng tatay niya na may alam siyang isang pamilya na nabiyayaan ng magandang ani ng butil. Maaaring ipagpalit ng mga Larsen ang isang bagay na mayroon sila sa kaunting harina. Pero ano nga ba ang mayroon sila na puwede nilang ipagpalit?
Nagsalita si Christiana. “Puwede po ninyong ipagpalit ang mga payong namin ni Sarah, Papa.”
“Pero mahal na mahal ninyo ang mga payong, Christiana. Hindi ko magagawa iyan!”
“Ayos lang po, Papa,” sabi ni Christiana. “Mas kailangan po natin ang pagkain kaysa mga payong.”
Kinabukasan ipinagpalit ng ama ni Christiana ang magagandang may puntas na mga payong sa kaunting harina. Ang harina ang nagsilbing pagkain ng buong pamilya.
Nang gabing iyon, habang naghahanda na sa pagtulog si Christiana, malungkot siyang tumingin sa sulok na dating kinalalagyan ng kanyang magandang payong. Ngunit nang maalala niya ang masarap na tinapay na kinain niya sa hapunan, ang kanyang kalungkutan ay napalitan ng pasasalamat. Nang magdasal siya sa gabing iyon, pinasalamatan niya ang Ama sa Langit sa magandang payong, na nakatulong sa pagpapakain sa kanyang pamilya.