Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 15: Walang-Hanggang Kasal


Kabanata 15

Walang-Hanggang Kasal

“Ang kaganapan at mga pagpapala ng Priesthood at Ebanghelyo ay nagmumula sa Selestiyal na kasal. Ito ang pinakamahalagang ordenansa ng Ebanghelyo at pinakamahalagang ordenansa ng templo.”

Mula sa Buhay ni Joseph Fielding Smith

May nagsabi sa labingwalong taong gulang na si Joseph Fielding Smith na isang dalagang nagngangalang Louie Emily Shurtliff ang darating at makikitira sa pamilya Smith habang nag-aaral ito sa kolehiyo. Ngunit nagulat pa rin siya—at natuwa—nang umuwi siya isang araw mula sa trabaho at makita si Louie na tumutugtog ng himno sa piyano nila. Simula sa araw na iyon, sa mga huling araw ng tag-init ng 1894, naging magkaibigan sina Joseph at Louie na unti-unting nauwi sa pag-iibigan. Ibinuklod sila sa Salt Lake Temple noong Abril 26, 1898.1

Masaya ang naging pagsasama nina Louie at Joseph. Nang tawagin si Joseph na magmisyon nang dalawang taon sa England matapos silang makasal, nagtrabaho si Louie sa kanyang ama para masuportahan ang kanyang pangangailangang pinansyal. Sinuportahan din siya ni Louie sa emosyonal at espirituwal na paraan sa pagpapadala sa kanya ng mga liham ng panghihikayat. Nang makauwi na siya, nagtatag sila ng isang masayang tahanan at nagkaroon ng dalawang anak na babae. Ngunit makalipas ang 10 taong pagsasama, nagkasakit nang malubha si Louie sa ikatlo niyang pagbubuntis at namatay sa edad na 31.

Napanatag ang kalooban ni Joseph sa katiyakan na lumisan si Louie tungo sa “isang mas magandang daigdig,” at itinala niya sa kanyang journal ang isang panalangin na sana’y “maging karapat-dapat siyang makita [si Louie] sa walang-hanggang kaluwalhatian, at muli silang magkasama.”2 Ngunit sa kabila ng kapanatagan at pag-asang natagpuan niya sa ebanghelyo, labis siyang nangulila kay Louie. Nag-alala rin siya sa kanyang mga anak na walang ina sa tahanan. Di-nagtagal matapos pumanaw si Louie, nakilala ni Joseph si Ethel Georgina Reynolds. Bagama’t hindi naglaho ang kanyang pagmamahal kay Louie, minahal niya, gayundin ng kanyang mga anak, si Ethel. Sa pahintulot ng kanyang mga magulang, ng mga magulang ni Louie, at ng mga magulang ni Ethel, niyaya ni Joseph si Ethel na magpakasal sa kanya. Sila ay ibinuklod noong Nobyembre 2, 1908. Naging masaya at makulay ang pagsasama nila nang magkaroon pa sila ng siyam na anak. Ang kanilang tahanan ay kinakitaan ng kaayusan, kasipagan, paggalang, kalinisan, magiliw na pagdidisiplina, pagmamahal, at makabuluhang kasiyahan.3

Pagkaraan ng 29 na taong pagsasama, pumanaw si Ethel dahil sa isang malubhang karamdaman na nagpahina sa kanya sa loob ng 4 na taon. Muling nalungkot si Joseph ngunit napanatag sa katiyakang dulot ng walang-hanggang kasal.4 At muli, may nakilala siyang isang babaeng makakasama niya sa buhay. Siya at si Jessie Evans ay ibinuklod noong Abril 12, 1938. “Sa loob ng 33 taong pagsasama sinamahan siya ni Jessie sa halos lahat ng lugar, malapit at malayo man ito. Tinulungan naman siya ni Joseph sa pamimili, pagpupunas ng mga pinggan, at pagpepreserba ng mga prutas sa bote sa panahon ng taglagas. Hindi niya alintana ang pagsusuot ng apron kahit isa siyang apostol.”5 Madalas sabihin ni Jessie tungkol sa kanyang asawa: “Siya ang pinakamabait na lalaking nakilala ko. Hindi ko siya kailanman naringgan ng salitang hindi maganda.” Tutugon naman si Joseph, na nakangiti, “Wala akong alam na salitang hindi maganda.”6

Isinulat ng biographer na si John J. Stewart ang kaamuan at pagkahabag ni Pangulong Smith kay Jessie: “Kapag nagsasalita sa kongregasyon ay pinapayuhan niya ang mga lalaki na maging mapagmahal at tapat sa kanilang asawa. Ngunit ang aral na nakaantig sa akin ay ang pag-akyat niya nang siyam na kanto sa matatarik na kalsada sa hilaga ng Salt Lake City papunta sa Latter-day Saint Hospital sa maalinsangang araw ng Hulyo noong 1971 at ginugol niya ang kanyang ika-95 kaarawan sa tabi ng kanyang maysakit na asawang si Jessie. Habang lumalala ang kalagayan ni Jessie, nanatili siya sa tabi nito araw at gabi sa loob ng ilang linggo na nagbabantay at nag-aalaga, nagbibigay ng kapanatagan at lakas ng loob sa kanya sa abot ng kanyang makakaya hanggang sa huli.”7

Namatay si Jessie noong Agosto 3, 1971. Makalipas ang dalawang buwan, nagbigay ng pambungad na mensahe si Pangulong Smith sa pangkalahatang kumperensya. Nakita sa kanyang patotoo na napawi ang kanyang kalungkutan dahil sa pagtitiwala sa Panginoon at pag-asam sa buhay na walang hanggan.

“Gusto kong ulitin ang sinabi ni Job noong unang panahon, na ang kaalaman ay nagmula rin sa pinagmulan ng aking kaalaman: ‘Nguni’t talastas ko na manunubos sa akin ay buhay, at siya’y tatayo sa lupa sa kahulihulihan,’ at na ‘makikita ko ang Diyos sa aking laman: Siyang makikita ko ng sarili, at mamamasdan ng aking mga mata. …’ (Job 19:25–27.)

“At sa pakikiisa ng aking patotoo sa patotoo ni Job, nais ko ring makiisa sa kanya sa pasasalamat, sa pagsamo, na sinambit dahil sa kapighatian at kalungkutan ng kanyang kaluluwa: ‘… ang Panginoon ang nagbigay, at ang Panginoon ang nagalis; purihin ang pangalan ng Panginoon.’ (Job 1:21.)

“Dalangin ko na tayong lahat ay mapatnubayan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu, nang sa gayon ay makalakad tayo nang matwid sa harapan ng Panginoon, at mamana nawa natin ang buhay na walang hanggan sa mga mansiyon at kahariang inihanda para sa mga masunurin.”8

Pagkatapos ng mensahe ni Pangulong Smith, sinabi ni Pangulong Harold B. Lee, na siyang nangangasiwa sa pulong: “Natitiyak ko na lahat ng miyembro ng Simbahan sa lahat ng dako, natatanto ang kalagayan na naging dahilan para ipaabot niya ang nakaaantig na mensaheng ito, ay lubos na napasigla ng tibay at katatagang ipinakita niya sa atin ngayong umaga. Salamat, Pangulong Smith, mula sa kaibuturan ng aming puso.”9

Mga Turo ni Joseph Fielding Smith

1

Selestiyal na kasal ang pinakamahalagang ordenansa ng ebanghelyo ni Jesucristo.

Walang ordenansang may kaugnayan sa Ebanghelyo ni Jesucristo na mas mahalaga, mas taimtim at sagrado, at mas kailangan sa [ating] walang-hanggang kagalakan … kaysa sa kasal.10

Ang kaganapan at mga pagpapala ng Priesthood at Ebanghelyo ay nagmumula sa Selestiyal na kasal. Ito ang pinakamahalagang ordenansa ng Ebanghelyo at pinakamahalagang ordenansa ng templo.11

Nais kong makiusap sa mabubuting kalalakihan at kababaihan, mabubuting miyembro ng Simbahan, na magpunta sa templo upang magpakasal para sa panahon at sa buong kawalang-hanggan.12

2

Salungat sa mga kaugalian ng daigdig, ang kasal ay nagtatagal magpasawalang-hanggan sa plano ng ebanghelyo.

Ang kasal ay itinuturing ng napakaraming tao na isang kontrata o kasunduang sibil lamang sa pagitan ng isang lalaki at isang babae na sila ay magsasama bilang mag-asawa. Katunayan, ito ay isang walang-hanggang alituntunin kung saan nakasalalay ang mismong buhay ng sangkatauhan. Ibinigay ng Panginoon ang batas na ito sa tao sa simula pa lamang ng daigdig bilang bahagi ng batas ng Ebanghelyo, at ang unang kasal ay nilayong magtagal magpakailanman. Ayon sa batas ng Panginoon bawat kasal ay dapat magtagal magpakailanman. Kung mamumuhay ang buong sangkatauhan sa mahigpit na pagsunod sa Ebanghelyo at sa pagmamahal na iyon na nagmumula sa Espiritu ng Panginoon, lahat ng kasal ay magiging walang hanggan. …

… Ang kasal ayon sa pagkaunawa ng mga Banal sa mga Huling Araw ay isang tipan na nilayong maging walang hanggan. Ito ang pundasyon para sa walang-hanggang kadakilaan, dahil kung wala ito walang pag-unlad na walang hanggan sa kaharian ng Diyos.13

A black couple.  The man is sitting in a chair and looking back at his wife who is behind the chair.  She has her arms on his shoulders.

“Ang kasal ayon sa pagkaunawa ng mga Banal sa mga Huling Araw ay isang tipan na nilayong maging walang hanggan.”

Napakalinaw sa ating lahat na nagbabasa ng mga pahayagan, nakikinig sa mga balita sa radyo at nanonood ng mga palabas sa telebisyon na napakaraming tao na hindi itinuturing ang kasal at pamilya sa paraang nilayon ng Panginoon.14

Ang kasal ay isang sagradong tipan, subalit sa maraming pagkakataon ay ginagawa itong magagaspang na biro, katatawanan, lumilipas na pagkaakit, ng mahahalay at malalaswa, at gayundin ng marami na iniisip na matitino sila ngunit hindi isinasaalang-alang ang kasagraduhan ng dakilang alituntuning ito.15

Ibinigay sa atin ng Panginoon ang kanyang walang-hanggang ebanghelyo upang maging ilaw at pamantayan natin, at kabilang sa ebanghelyong ito ang banal na orden ng matrimonyo, na walang hanggan ang katangian. Hindi natin dapat sundin at hindi natin kailangang sundin ang mga kagawian ng mundo tungkol sa kasal. Higit na liwanag ang taglay natin kaysa sa sanlibutan, at mas malaki ang inaasahan ng Panginoon sa atin kaysa sa kanila.

Alam natin ang totoong orden ng kasal. Alam natin ang kahalagahan ng pamilya sa plano ng kaligtasan. Alam natin na dapat tayong ikasal sa templo, at na kailangan tayong manatiling malinis at dalisay upang makamit ang pagsang-ayon ng Banal na Espiritu ng Pangako sa ating pagsasama bilang mag-asawa.

Tayo ay mga espiritung anak ng ating Amang Walang Hanggan, na gumawa ng isang plano ng kaligtasan upang makababa tayo sa lupa at umunlad at sumulong at maging katulad niya; ibig kong sabihin, naglaan siya ng isang plano ng ebanghelyo na daan para magkaroon tayo ng sarili nating walang-hanggang pamilya at magtamasa ng buhay na walang hanggan.16

Ang kasal ay hindi kailanman nilayon ng Panginoon na magwakas sa kamatayan ng mortal na katawan; kundi upang magdagdag ng karangalan, kapamahalaan, kapangyarihan sa mga taong nakikipagtipan, at ang patuloy at walang-hanggang pagsasama ng pamilya sa kaharian ng Diyos. Ang gayong mga pagpapala ay nakalaan sa mga taong handang sumunod sa tipang ito ayon sa pagkahayag ng Panginoon. Hindi lamang ito pagsasama ng isang lalaki at isang babae, sapagkat sabi nga ng Panginoon, sa kasal sila ay magiging isang laman at makikipagtuwang sa Diyos.17

3

Ang katapatan sa tipan ng kasal ay naghahatid ng kaligayahan at humahantong sa mga pagpapala ng walang-hanggang kaluwalhatian.

Nagpapasalamat ako sa Panginoon para sa kaalaman tungkol sa kawalang-hanggan ng tipan ng kasal, na nagbibigay sa lalaki ng karapatang angkinin ang kanyang asawa, at sa babae ng karapatang angkinin ang kanyang asawa sa daigdig na darating, basta’t nagpunta sila sa Bahay ng Panginoon at ibinuklod para sa panahon at sa buong kawalang-hanggan ng isang taong mayhawak ng kapangyarihang ito na magbuklod, sapagkat wala nang ibang paraan para makamtan ang dakilang pagpapalang ito. Nagpapasalamat din ako para sa kaalaman na ang ugnayan at pagsasama ng pamilya, kapag nabuo nang wasto, ay magpapatuloy sa kabutihan sa buhay na darating.18

Nais kong makiusap sa mga nakapunta na sa templo at ikinasal doon na maging tapat at totoo sa kanilang mga tipan at pananagutan, sapagkat sa Bahay ng Panginoon ay gumawa sila ng mga sagradong tipan.19

Walang paraang makapaghahanda sa sangkatauhan para sa kaluwalhatian sa kaharian ng Diyos na kasindali ng katapatan sa tipan ng kasal. …

Kung natanggap nang wasto ang tipang ito ay pagmumulan ng napakalaking kaligayahan. Ang pinakamalaking karangalan sa buhay na ito, at sa buhay na darating, karangalan, kapamahalaan at kapangyarihan sa sakdal na pagmamahal, ang mga pagpapalang ibubunga nito. Ang mga pagpapala ng walang-hanggang kaluwalhatian ay nakalaan sa mga taong handang sumunod sa tipang ito at sa lahat ng iba pang mga tipan ng Ebanghelyo.20

Family looking at photo albums.

“Ang ugnayan at pagsasama ng pamilya, kapag nabuo nang wasto, ay magpapatuloy sa kabutihan sa buhay na darating.”

Ano ang kahulugan ng kasal sa mga miyembro ng Simbahan? Ang ibig sabihin nito ay tinatanggap nila sa ordenansang iyan ang pinakadakila, ang pinakamahalagang pagpapala, ang pagpapala ng mga buhay na walang hanggan. Ganyan ang pagkasabi ng Panginoon, “mga buhay na walang hanggan,” na ibig sabihin ay hindi lamang ang mag-asawa ang magkakaroon ng buhay na walang hanggan, kundi ang mga anak na isinilang sa tipan ay magkakaroon din ng karapatan sa buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng kanilang katapatan. At bukod pa rito, na ang pagsasama ng mag-asawa matapos ang pagkabuhay na mag-uli ng mga patay ay hindi magwawakas. Ang ibig sabihin dito ng Panginoon ay magpapatuloy ang kanilang binhi magpakailanman, at ang organisasyon ng pamilya ay hindi magwawakas. [Tingnan sa D at T 132:19–24.]21

Upang maisakatuparan ang mga layunin ng ating Amang Walang Hanggan, kailangang magkaroon ng pag-iisandibdib, mga mag-asawang tumatanggap ng mga pagpapala na ipinangako sa matatapat at totoo na magpapadakila sa kanila tungo sa pagiging Diyos. Hindi matatanggap ng lalaki ang kabuuan ng mga pagpapala ng kaharian ng Diyos nang mag-isa, ni ng babae rin, ngunit matatanggap nilang dalawa nang magkasama ang lahat ng pagpapala at pribilehiyong nauukol sa kabuuan ng kaharian ng Ama.22

4

Bawat taong may mabuting puso ay magkakaroon ng pagkakataong tanggapin ang mga pagpapala ng walang-hanggang kasal, sa buhay mang ito o sa kabilang-buhay.

Sa dakilang plano ng kaligtasan walang sinumang nakaligtaan. Ang ebanghelyo ni Jesucristo ang pinakamagandang bagay sa daigdig. Tinatanggap nito ang bawat kaluluwang may mabuting puso at ang taong masigasig na naghahanap sa kanya at naghahangad na sundin ang kanyang mga batas at tipan. Samakatwid, kung tinanggihan ng isang tao sa anumang kadahilanan ang pribilehiyong sumunod sa alinman sa mga tipang ito, hahatulan siya ng Panginoon ayon sa hangarin ng kanyang puso. Libu-libong miyembro ng Simbahan [na malayo sa templo] na nag-asawa at nagpalaki ng mga pamilya sa Simbahan, ang napagkaitan ng pribilehiyong “mabuklod” para sa panahon at sa buong kawalang-hanggan. Marami sa kanila ang pumanaw na, at ang mga pagpapala ay ibinigay sa kanila sa mga ordenansa sa templo na ginawa sa pamamagitan ng proxy. Ang ebanghelyo ay gawaing ginagawa alang-alang sa iba. Si Jesus ay nagsagawa ng isang gawain para sa ating lahat dahil hindi natin ito magagawa para sa ating sarili. Gayundin, pinayagan niyang maging proxy ang buhay na mga miyembro ng Simbahan para sa mga pumanaw na walang pagkakataong gawin ito para sa kanilang sarili.

Bukod pa rito, napakaraming kabataang lalaki at babae, ang naparoon na sa daigdig ng mga espiritu na hindi nagkaroon ng pagkakataong makamtan ang mga pagpapalang ito. Marami sa kanila ang nagbuwis ng buhay sa digmaan; marami ang namatay sa kanilang kabataan; at maraming namatay sa kanilang kamusmusan. Hindi kaliligtaan ng Panginoon ang isa man sa kanila. Lahat ng pagpapalang kabilang sa kadakilaan ay ibibigay sa kanila, dahil ito ang daan ng katarungan at awa. At para din ito sa lahat ng naninirahan sa mga stake ng Sion at malapit sa ating mga templo; kung hindi nila natanggap ang mga pagpapalang ito sa buhay na ito, ang mga ito ay ibibigay sa kanila sa milenyo.23

Walang sinumang nananatiling tapat ang pagkakaitan ng kadakilaan. … Ang isang lalaking hindi karapat-dapat ay hindi mahahadlangan ang kanyang tapat na asawa na magtamo ng kadakilaan at gayon din ang babae sa kanyang asawa.24

5

Ang mga bata at kabataan ay naghahanda para sa walang-hanggang kasal kapag nalaman nila ang tungkol sa tipan ng kasal, nagkaroon sila ng matibay na pananampalataya, at napanatili nilang malinis at dalisay ang kanilang sarili.

Nawa’y tiyakin ng lahat ng ama at inang Banal sa mga Huling Araw na maituro sa kanilang mga anak ang kasagraduhan ng tipan ng kasal. Ikintal nila sa isipan ng kanilang mga anak na wala nang iba pang paraan kundi igalang ang mga tipan ng Diyos, na ang isa sa pinakadakila at lubhang kailangan ay ang tipan ng walang-hanggang kasal, para matamo nila ang mga pagpapala ng mga buhay na walang hanggan. 25

Maikli ang buhay, at mahaba ang kawalang-hanggan. Kapag pinagnilayan natin na ang tipan ng kasal ay magtatagal magpakailanman, makabubuting masusi itong pag-isipan. … Ang tamang payo sa ating mga kabataan ay pag-isipang mabuti ang pagpili ng mapapangasawa taglay ang di-natitinag na pananampalataya sa Ebanghelyo. Ang ganyang tao ay malamang na manatiling tapat sa bawat pangako at tipan. Kapag lubos na naunawaan ng binata at dalaga ang banal na misyon ng ating Panginoon at may patotoo sila rito at naniwala sila sa Ebanghelyo ayon sa inihayag sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, malamang na maging masaya ang kanilang pagsasama na magtatagal magpakailanman.26

Nakikiusap ako sa inyo, mga kabataan ng Sion sa lahat ng dako, na panatilihing malinis at dalisay ang inyong sarili nang sa gayon ay maging karapat-dapat kayong pumunta sa bahay ng Panginoon at matamasa ninyo, kasama ang pinili ninyong mapangasawa, ang lahat ng dakilang pagpapalang ito na ibinibigay sa inyo ng Panginoon.27

Ang isa pang bagay … na gusto kong mapansin—ang mga kabataan, kapag nag-asawa, ay hindi nasisiyahang simulan ang kanilang pagsasama sa kaunting pera, kundi gusto nilang tumanggap ng kasindami ng pera ng kanilang mga magulang kapag sila, ang mga anak, ay nagpakasal. … Gusto nilang magsimula na nasa kanila na ang lahat ng kaginhawahan hangga’t maaari. Sa palagay ko ay mali ito. Sa palagay ko dapat silang magsimula sa kakaunti, na nananalig sa Panginoon, nagpupundar nang paisa-isa sa abot ng kanilang makakaya, hanggang sa maabot nila ang kaginhawahang hangad nila.28

6

Kapag tapat na sinunod ng mag-asawa ang lahat ng ordenansa at alituntunin ng ebanghelyo, lalong tatamis ang kanilang pagsasama.

Ang kasal ay inorden ng Diyos. Ito ay isang mabuting alituntunin kapag ito ay tinanggap at ipinamuhay sa kabanalan. Kung ang kalalakihan at kababaihan ngayon ay papasok sa tipang ito nang may pagpapakumbaba, pagmamahal at pananampalataya, tulad ng iniutos sa kanila, na lumalakad nang matwid sa mga landas ng buhay na walang hanggan, walang magdidiborsyo, walang mawawasak na mga tahanan; sa halip ay magkakaroon ng kaligayahan, kagalakan, na hindi kayang ilarawan.29

Gusto kong ipaunawa sa lahat ng aking mabubuting kapatid na ikinasal sa templo na hindi nila dapat kalimutan kailanman ang mga dakilang pagpapalang ipinagkaloob sa kanila: Na ibinigay ng Panginoon sa kanila, dahil sa kanilang katapatan, ang karapatang maging kanyang mga anak na lalaki at anak na babae, kasamang tagapagmana ni Jesucristo, na nagtatamo, tulad ng ipinahayag dito, ng lahat ng mayroon ang Ama [sabi sa Mga Taga Roma 8:13–19 at Doktrina at mga Tipan 76:54–60].

Subalit, may mga miyembro ng Simbahan na hindi ito maunawaan at matapos silang ikasal para sa panahon at sa buong kawalang-hanggan, … tumanggap ng pangako ng kabuuan ng kaharian ng Ama, ay tinulutan nilang pumasok sa kanilang buhay ang mga bagay na nagpapasimula ng pagtatalo at pinaghihiwalay sila. At nakakalimutan nila na gumawa sila ng tipan para sa panahon at sa buong kawalang-hanggan sa isa’t isa; at hindi lamang iyan, nakipagtipan din sila sa kanilang Ama sa langit.30

An older couple sitting together outdoors on a bench.  They are smiling and laughing.

Kapag tapat na sinusunod ng mag-asawa ang lahat ng ordenansa at alituntunin ng ebanghelyo nang magkasama, “lalo pang tatamis” ang kanilang pagsasama.

Kung masigasig at tapat na susundin ng mag-asawa ang lahat ng ordenansa at alituntunin ng ebanghelyo, walang dahilan para magdiborsyo. Ang kagalakan at kaligayahang nauukol sa pagsasama ng mag-asawa ay lalo pang tatamis, at ang mag-asawa ay lalo pang magiging tapat sa isa’t isa sa pagdaan ng mga araw. Hindi lamang mamahalin ng lalaki ang kanyang asawa at ng babae ang kanyang asawa, kundi ang mga anak na isisilang sa kanila ay mamumuhay sa isang kapaligirang may pagmamahalan at pagkakaisa. Hindi mababawasan ang pagmamahal nila sa isa’t isa, at bukod pa riyan ang pagmamahal ng lahat sa ating Amang Walang Hanggan at sa kanyang Anak na si Jesucristo ay lalong magiging matibay sa kanilang kaluluwa.31

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Mga Tanong

  • Ang kabanatang ito ay nagsisimula sa mga halimbawa ng kagalakan at kalungkutan na bahagi ng buhay may-asawa at pamilya. Paano tayo matutulungan ng doktrina ng mga walang-hanggang pamilya sa masasaya at malulungkot na panahon sa ating buhay?

  • Ano ang mayroon sa selestiyal na kasal para masabing ito ang “pinakamahalagang ordenansa ng templo”? (Tingnan sa bahagi 1.)

  • Inihambing ni Pangulong Smith ang pananaw ng Panginoon tungkol sa kasal sa pananaw ng daigdig tungkol dito (tingnan sa bahagi 2). Ano ang mahalaga sa inyo tungkol sa paghahambing na ito? Paano natin mapoprotektahan at mapapatibay ang kasal at pamilya sa mundo ngayon?

  • Sa bahagi 3, naglista si Pangulong Smith ng di-kukulangin sa limang pagpapalang dumarating sa mga “tapat at totoo” sa kanilang tipan sa kasal. Ano ang ibig sabihin sa inyo ng maging tapat at totoo sa tipan ng kasal?

  • Ano ang ilang bagay na magagawa ng mga magulang para “maituro sa kanilang mga anak ang kasagraduhan ng tipan ng kasal”? (Para sa ilang ideya, tingnan sa bahagi 5.)

  • Sa bahagi 6, ipinaliwanag ni Pangulong Smith kung paano “lalo pang tatamis” ang pagmamahalan ng mag-asawa. Anong mga halimbawa ang nakita ninyo sa alituntuning ito? Kung kayo ay may-asawa, isipin ang magagawa ninyo para makapagdulot ng higit na kagalakan at pagmamahal sa inyong pagsasama.

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan

I Mga Taga Corinto 11:11; D at T 42:22; 131:1–4; Moises 3:18–24

Tulong sa Pagtuturo

“Ang mga katanungang nakasulat sa pisara bago magklase ay makatutulong sa mga mag-aaral na magsimulang mag-isip tungkol sa mga paksa maging bago pa man magsimula ang aralin” (Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin [2000],120).

Mga Tala

  1. Tingnan sa Joseph Fielding Smith Jr. at John J. Stewart, The Life of Joseph Fielding Smith (1972), 65–75; Francis M. Gibbons, Joseph Fielding Smith: Gospel Scholar, Prophet of God (1992), 51–55.

  2. Sa The Life of Joseph Fielding Smith, 162.

  3. Tingnan sa The Life of Joseph Fielding Smith, 214–41.

  4. Tingnan sa The Life of Joseph Fielding Smith, 249.

  5. The Life of Joseph Fielding Smith, 12–13.

  6. Sa The Life of Joseph Fielding Smith, 268.

  7. John J. Stewart, sa The Life of Joseph Fielding Smith, 11; bagama’t ang aklat na ito ay akda nina John J. Stewart at Joseph Fielding Smith Jr., ang komentaryong ito ay personal na obserbasyon ni John J. Stewart.

  8. “I Know That My Redeemer Liveth,” Ensign, Dis. 1971, 27.

  9. Sa Conference Report, Okt. 1971, 7.

  10. “The Law of Chastity,” Improvement Era, Set. 1931, 643; tingnan din sa Doctrines of Salvation, inedit ni Bruce R. McConkie, 3 tomo (1954–56), 2:58.

  11. Sa “Lay Cornerstone at Provo Temple,” Deseret News, Mayo 22, 1971, B2.

  12. Sa Conference Report, Okt. 1951, 120.

  13. “The Perfect Marriage Covenant,” Improvement Era, Okt. 1931, 704.

  14. “President Joseph Fielding Smith Speaks to 14,000 Youth at Long Beach, California,” New Era, Hulyo 1971, 7–8.

  15. The Restoration of All Things (1945), 259.

  16. “President Joseph Fielding Smith Speaks to 14,000 Youth at Long Beach, California,” 8.

  17. The Restoration of All Things, 259.

  18. Sa Conference Report, Abr. 1915, 119.

  19. Sa Conference Report, Okt. 1951, 120.

  20. “The Law of Chastity,” 643; tingnan din sa Doctrines of Salvation, 2:58–59.

  21. Sa Conference Report, Okt. 1951, 120–21.

  22. “Obedience to the Truth,” Relief Society Magazine, Ene. 1960, 6.

  23. Answers to Gospel Questions, tinipon ni Joseph Fielding Smith Jr., 5 tomo (1957–66), 2:37–38.

  24. Personal na liham, binanggit sa Doctrines of Salvation, 2:65.

  25. Sa Conference Report, Okt. 1965, 30.

  26. “Marriage Ordained of God,” Young Woman’s Journal, Hunyo 1920, 307–8; tingnan din sa Doctrines of Salvation, 2:77–78.

  27. “President Joseph Fielding Smith Speaks to 14,000 Youth at Long Beach, California,” 10.

  28. Sa Conference Report, Abr. 1958, 30.

  29. The Restoration of All Things, 259.

  30. Sa Conference Report, Abr. 1949, 135.

  31. Sa Conference Report, Abr. 1965, 11.