Kabanata 13
Binyag
“Ang binyag ay literal … na pag-alis sa dating kalagayan, o pagkabuhay na mag-uli mula sa dating buhay tungo sa panibagong buhay—ang buhay na makasalanan tungo sa espirituwal na buhay.”
Mula sa Buhay ni Joseph Fielding Smith
Noong pangkalahatang kumperensya ng Abril 1951, nagsalita si Pangulong Joseph Fielding Smith tungkol sa kanyang naranasan 67 taon na ang nakararaan noong siya ay binyagan sa edad na 8. Sa araw ng kanyang binyag, sabi niya, nadama niya na “nakatayo siya na dalisay at malinis sa harapan ng Panginoon.” Pero nalaman niya na kailangan niyang pagsikapan sa buong buhay niya na panatilihin ang kanyang sarili sa gayong kalagayan. Paggunita niya: “May kapatid akong babae na napakabait, tulad ng lahat ng kapatid kong babae, na nagkintal sa aking isipan na kailangan kong manatiling walang bahid-dungis mula sa sanlibutan. Ang mga turo niya sa akin sa araw na bininyagan ako ay nanatili sa akin habambuhay.”1
Dahil tapat sa mga turo ng kanyang kapatid, hinikayat ni Pangulong Smith ang mga miyembro ng Simbahan na tuparin ang kanilang mga tipan sa binyag—na manatili “sa espirituwal na pamumuhay” na natanggap nila nang sila ay binyagan.2 Ipinahayag niya:
“Wala nang payong maibibigay sa sinumang miyembro ng Simbahan na mas mahalaga pa kaysa sundin ang mga kautusan matapos mabinyagan. Inaalok tayo ng Panginoon ng kaligtasan kung magsisisi tayo at magiging tapat sa kanyang mga batas.”3
Mga Turo ni Joseph Fielding Smith
1
Ang pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog ay kahalintulad ng pagsilang, kamatayan, at pagkabuhay na mag-uli.
Ang binyag, na pangatlong alituntunin at unang ordenansa ng Ebanghelyo, ay mahalaga sa kaligtasan at kadakilaan sa kaharian ng Diyos. Ang binyag, una sa lahat, ay ang paraan para magtamo ng kapatawaran sa mga kasalanan ang taong nagsisisi. Pangalawa, ito ang pasukan patungo sa kaharian ng Diyos. Sinabi ito sa atin ng Panginoon noong kausap niya si Nicodemo sa Juan 3:1–11. …
… Ang binyag ay sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig. … Ang binyag ay hindi maaaring gawin sa ibang pamamaraan maliban sa paglulubog ng buong katawan sa tubig, dahil sa sumusunod na mga dahilan:
(1) Ito ay kahalintulad ng kamatayan, libing at pagkabuhay na mag-uli ni Jesucristo, at ng lahat ng tumanggap ng pagkabuhay na mag-uli.
(2) Ang binyag ay pagsilang din at kahalintulad ng pagsilang ng isang sanggol sa mundong ito.
(3) Ang binyag ay literal, at simbolo rin ng pagkabuhay na mag-uli, pag-alis sa dating kalagayan, o pagkabuhay na mag-uli mula sa dating buhay tungo sa panibagong buhay—ang buhay na makasalanan tungo sa espirituwal na buhay.
Gusto kong talakayin ang pangalawang dahilan. Ang binyag ay pagsilang din at kahalintulad ng pagsilang ng isang sanggol sa mundong ito. … Sa Moises 6:58–60 mababasa natin:
“Samakatwid, ako ay nagbibigay sa iyo ng isang kautusan, na malayang ituro ang mga bagay na ito sa iyong mga anak, nagsasabing:
“Dahil sa paglabag ay sumapit ang pagkahulog, kung aling pagkahulog ay nagdala ng kamatayan, at yayamang kayo ay isinilang sa daigdig sa pamamagitan ng tubig, at dugo, at ng espiritu, na aking nilikha, at sa gayon ang alabok ay naging isang kaluluwang may buhay, gayon man kayo ay kinakailangang isilang na muli sa kaharian ng langit, sa tubig, at sa Espiritu, at malinisan sa pamamagitan ng dugo, maging ng dugo ng aking Bugtong na Anak; upang kayo ay mapabanal mula sa lahat ng kasalanan, at magtamasa ng mga salita ng buhay na walang hanggan sa daigdig na ito, at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating, maging ang walang kamatayang kaluwalhatian;
“Sapagkat sa pamamagitan ng tubig inyong sinusunod ang kautusan; sa pamamagitan ng Espiritu, kayo ay binibigyang-katwiran, at sa pamamagitan ng dugo kayo ay pinababanal.” …
… Bawat sanggol na isinisilang sa mundong ito ay nakalubog sa tubig habang nasa sinapupunan, isinisilang sa tubig, at ng dugo at ng espiritu. Kaya kapag isinilang tayo sa kaharian ng Diyos kailangang isilang tayo sa gayon ding paraan: sa pamamagitan ng binyag na inilubog sa tubig; sa pamamagitan ng pagbubuhos ng dugo ni Cristo na nilinis at pinabanal; at binigyang-katwiran sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos, dahil ang binyag ay hindi ganap kung wala ang binyag ng Espiritu Santo. Nakikita ninyo ang pagkakatulad ng pagsilang sa mundo at pagsilang sa kaharian ng Diyos. …
At ang pangatlong dahilan: Ang binyag ay literal, at simbolo rin ng pagkabuhay na mag-uli, pag-alis sa dating kalagayan, o pagkabuhay na mag-uli mula sa dating buhay tungo sa panibagong buhay—ang buhay na makasalanan tungo sa espirituwal na buhay. …
… Lahat ng lalaki at babae … ay kailangang magsisi. … Sila ay espirituwal na patay. Paano sila makakabalik? Sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig. Sila ay mga patay, at inilibing sa tubig at umahon sa pagkabuhay na mag-uli ng espiritu pabalik sa espirituwal na buhay. Iyan ang ibig sabihin ng binyag.4
2
Ang maliliit na bata na hindi pa umaabot sa gulang ng pananagutan ay hindi kailangang binyagan dahil sila ay tinubos sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
Alam ko na ang maliliit na bata na hindi pa umaabot sa gulang ng pananagutan, at samakatwid ay walang kasalanan … ay tinubos sa pamamagitan ng dugo ni Cristo, at isang tahasang panunuya ang ipaglaban na kailangan silang binyagan, na nagtatatwa sa katarungan at awa ng Diyos [tingnan sa Moroni 8:20–23].5
Sa ika-29 na Bahagi ng Doktrina at mga Tipan, sinabi ito ng Panginoon (mga talata 46–47):
“Subalit masdan, sinasabi ko sa inyo, na ang maliliit na bata ay tinubos mula pa sa pagkakatatag ng daigdig sa pamamagitan ng aking Bugtong na Anak;
“Dahil dito, hindi sila magkakasala, sapagkat ang kapangyarihan ay hindi ibinigay kay Satanas upang tuksuhin ang maliliit na bata, hanggang sa sila ay magsimulang magkaroon ng pananagutan sa akin.”
Magandang pakinggan iyan. “Ang maliliit na bata ay tinubos mula pa sa pagkakatatag ng daigdig.” Ano ang ibig Niyang sabihin diyan? Ibig sabihin bago pa man inilatag ang pundasyon ng mundong ito, ang planong ito ng pagtubos, ang plano ng kaligtasan na dapat nating sundin sa buhay na ito, ay inihanda na, at ang Diyos, na nalalaman ang wakas mula sa simula, ay naglaan ng paraan para matubos ang maliliit na bata sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Jesucristo. …
… Kapag tiningnan mo ang mukha ng munting sanggol at tumingala siya at nginitian ka, maiisip mo bang may bahid ng anumang kasalanan ang sanggol na iyon na maglalayo sa kanya sa kinaroroonan ng Diyos kung ito man ay mamatay? …
Naaalala ko noong nasa misyon ako sa England, may isang pamilyang Amerikano roon. … Nang marinig [ng lalaki] na nangangaral ang mga Elder sa mga lansangan inanyayahan niya ang mga ito sa bahay niya dahil magkababayan sila. Hindi siya interesado sa ebanghelyo; interesado siya sa kanila dahil taga-Estados Unidos din sila. Nagkataon na doon ako naglilingkod. Hindi ako ang unang naringgan niyang mangaral, ngunit kalaunan ay naanyayahan niya akong magpunta sa bahay niya. …
Inakala namin na pupunta kami sa bahay niya at mag-uusap kami tungkol sa baseball at football at iba pang mga bagay, at pagkukumparahin namin ang mga bagay-bagay sa Estados Unidos at sa Great Britain—mga bagay na interesado siya. Iyon ang ginawa namin, at noong una hindi kami nagsalita ng kahit ano tungkol sa relihiyon. Ilang beses kaming nagpabalik-balik, at inisip niya na nakakatuwa kaming tao dahil hindi namin ipinagpipilitan ang relihiyon natin sa kanya. Ngunit nang matagalan nagsimula na silang magtanong—alam naming gagawin nila iyon—at isang gabi habang nakaupo kami sa bahay nila bumaling sa akin ang asawa ng lalaki at nagsabi: “Elder Smith, may itatanong ako sa iyo.” Bago pa siya nakapagtanong naiyak na siya. Hindi ko alam kung bakit. Humikbi siya, at nang makalma na ang sarili nang sapat para makapagtanong ikinuwento niya sa akin ito:
Nang lumipat sila sa England sinawimpalad silang mamatayan ng isang munting sanggol. … Nagpunta sila sa ministro [ng simbahang dinadaluhan nila] dahil gusto nila itong bigyan ng libing na para sa Kristiyano. … Sabi sa kanya ng ministro: “Hindi namin maaaring bigyan ang anak ninyo ng libing na para sa Kristiyano dahil hindi siya nabinyagan. Wala na ang anak mo.” Parang walang galang ang pagkasabi nito, ngunit gayon ang pagkakuwento niya, at ang sakit ng kalooban ng babaeng iyon ay tumagal nang dalawa o tatlong taon. Kaya tinanong niya ako: “Wala na nga ba ang anak ko?” Hindi ko na ba siya makikitang muli kahit kailan?” Binuklat ko ang Aklat ni Mormon at binasa ko sa kanya ang mga salita ni Mormon sa kanyang anak na si Moroni [tingnan sa Moroni 8]. Sabi ko: “Hindi nawala ang anak mo. Walang sanggol na nawawala.” Lahat ng sanggol ay ligtas sa kaharian ng Diyos kapag namatay ito.”
… “At namalas ko rin na ang lahat ng batang namatay bago sila sumapit sa gulang ng pananagutan ay ligtas sa kahariang selestiyal ng langit.” [D at T 137:10.] Iyan ang sabi ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith sa isang paghahayag o pangitaing nakita niya sa Kirtland Temple. Hindi ba magandang pakinggan iyan? Hindi ba makatarungan ito? Hindi ba tama ito? … [Ang isang sanggol] ay hindi mananagot sa orihinal na kasalanan, hindi ito mananagot sa anupamang kasalanan, at inaangkin ito ng awa ng Diyos at ito ay tinutubos.
Ngunit paano naman ito naaangkop sa inyo at sa akin? Sa atin na may kakayahang umunawa, sinabi ng Panginoon: “Sinuman ang may kaalaman, hindi ko ba inuutusang magsisi?” [D at T 29:49.] Inuutusan tayong magsisi, inuutusan tayong magpabinyag, inuutusan tayong hugasan ang ating mga kasalanan sa mga tubig ng binyag, dahil may kakayahan tayong umunawa at lahat tayo ay nagkasala. Ngunit hindi pa ako nabibinyagan at hindi pa kayo nabibinyagan para sa anupamang ginawa ni Adan. Bininyagan ako nang sa gayon ay malinis ako mula sa ginawa ko mismo, at gayundin kayo, at para makapasok ako sa kaharian ng Diyos.
… Ang Panginoon ay naglaan ng mga paraan para sa mga hindi sakop ng batas, at ang mga musmos ay hindi sakop ng batas ng pagsisisi. Paano ninyo matuturuan ang isang musmos na magsisi? Wala itong kailangang pagsisihan.
Itinakda ng Panginoon—at batay iyan sa Kanyang sariling pagpapasiya—ang gulang ng pananagutan sa edad na walong taon. Bago tayo sumapit ng walong taong gulang dapat ay nauunawaan na natin nang sapat na dapat tayong mabinyagan. Pinangangalagaan ng Panginoon ang lahat ng batang hindi pa sumasapit sa edad na iyan.6
3
Bawat taong nabinyagan sa Simbahan ay nakipagtipan sa Panginoon.
Bawat tao, kapag siya ay binibinyagan, ay nakikipagtipan.
“At muli, bilang kautusan sa simbahan hinggil sa paraan ng pagbibinyag—Lahat ng yaong nagpapakumbaba ng kanilang sarili sa harapan ng Diyos, at nagnanais na magpabinyag, at humarap nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu, at pinatutunayan sa simbahan na sila ay tunay na nagsisisi sa lahat ng kanilang kasalanan, at pumapayag na taglayin sa kanilang sarili ang pangalan ni Jesucristo, na may matibay na hangaring paglingkuran siya hanggang wakas, at tunay na ipinakikita sa pamamagitan ng kanilang mga gawa na natanggap nila ang Espiritu ni Cristo tungo sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan, ay tatanggapin sa pamamagitan ng pagbibinyag sa kanyang simbahan.” (D at T 20:37.)7
Babasahin ko ang ika-59 na bahagi ng Doktrina at mga Tipan:
“Dahil dito, binibigyan ko sila [ang mga miyembro ng Simbahan] ng isang kautusan, nagsasabi nang ganito: Ibigin ninyo ang Panginoon ninyong Diyos nang buo ninyong puso, nang buo ninyong kapangyarihan, pag-iisip, at lakas; at sa pangalan ni Jesuscristo paglingkuran ninyo siya.
“Ibigin ninyo ang inyong kapwa gaya ng sa inyong sarili. Huwag kayong magnakaw, ni makiapid, ni pumatay, ni gumawa ng anumang bagay tulad nito.
“Pasalamatan ninyo ang Panginoon ninyong Diyos sa lahat ng bagay.” [D at T 59:5–7.]
Bawat taong nabinyagan sa Simbahang ito ay nakipagtipan sa Panginoon na susundin ang Kanyang mga kautusan, at sa kautusang ito, na inulit sa dispensasyong kinabibilangan natin, inutusan tayong paglingkuran ang Panginoon nang buong puso at buong pag-iisip, at nang lahat ng lakas na taglay natin, at kailangan din nating gawin iyan sa pangalan ni Jesucristo. Lahat ng ginagawa natin ay dapat gawin sa pangalan ni Jesucristo.
Sa mga tubig ng binyag nakipagtipan tayo na susundin natin ang mga kautusang ito; na paglilingkuran natin ang Panginoon; na susundin natin ang una at pinakadakilang utos na ito sa lahat ng kautusan, at mamahalin ang Panginoon nating Diyos; na susundin natin ang kasunod na dakilang utos, mamahalin natin ang ating kapwa na gaya ng ating sarili; at nang buong kakayahan, lakas, at buong puso ay papatunayan natin sa Kanya na tayo ay “mabubuhay sa bawat salita na magmumula sa bibig ng Diyos;” [D at T 84:44] na tayo ay magiging masunurin at mapagkumbaba, masigasig na maglilingkod sa Kanya, handang sumunod, handang makinig sa mga payo ng nangungulo sa atin at gagawin natin ang lahat ng bagay nang may matang nakatuon sa kaluwalhatian ng Diyos.
Hindi natin dapat kalimutan ang mga bagay na ito, dahil ang utos na ito ay umiiral sa atin bilang mga miyembro ng Simbahan.8
4
Upang matamo ang buong pagpapala ng ebanghelyo, kailangan ay patuloy tayong magpakumbaba, magsisi, at sumunod matapos tayong mabinyagan.
Ang isa sa mga dakilang layunin ng totoong simbahan ay turuan ang mga tao ng kailangan nilang gawin matapos mabinyagan upang matamo ang buong pagpapala ng ebanghelyo.9
Bawat taong nabinyagan, tunay na nabinyagan, ay nagpakumbaba ng kanyang sarili; bagbag ang kanyang puso; nagsisisi ang kanyang espiritu; nakipagtipan siya sa Diyos na susundin ang kanyang mga utos, at tinalikuran na niya ang lahat ng kanyang kasalanan. At kapag kasapi na siya sa Simbahan, may pribilehiyo na ba siyang magkasala kapag miyembro na siya? Makakahinga na ba siya nang maluwag? Maaari na ba siyang magpasasa sa ilang bagay na sinabi ng Panginoon na dapat niyang iwasan? Hindi. Kailangan ay taglay pa rin niya ang nagsisising espiritung iyon, ang bagbag na pusong iyon, matapos siyang binyagan tulad ng dati.10
Narinig ko ang ilan sa ating mga kabataang lalaki, at ilang nakatatanda, na nag-uusap tungkol sa binyag. Hindi raw nila alam kung bakit hindi na kailangang binyagan ang isang tao tuwing magkakasala siya, yamang ang binyag ay para sa kapatawaran ng mga kasalanan. Nakikita ba ninyo ang dahilan? Hangga’t ang tao ay nagkakasala at hindi lumalayo sa espirituwal na buhay, maaari siyang magsisisi at mapatawad. Hindi na siya kailangang binyagan para ibalik sa lugar na kinalalagyan na niya.11
Sino, sa mga Banal sa mga Huling Araw, ang naghahangad ng lugar sa kahariang telestiyal? Sino, sa mga Banal sa mga Huling Araw, ang naghahangad ng lugar sa kahariang terestriyal? Hindi natin gustong mapabilang sa mga kahariang iyon; hindi layon, o hindi nararapat maging layon, ng taong nabinyagan sa Simbahan na mamuhay sa paraang hindi siya magkakaroon ng lugar sa kahariang selestiyal ng Diyos; dahil binyag mismo ang daan papasok sa kahariang iyan. May dalawang layunin ang binyag; una para sa kapatawaran ng mga kasalanan, at ikalawa, para makapasok sa kaharian ng Diyos, hindi sa kahariang telestiyal, hindi sa kahariang terestriyal, kundi makapasok sa kahariang selestiyal, kung saan nananahan ang Diyos. Iyan ang layunin ng binyag; iyan ang layunin ng kaloob na Espiritu Santo, sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay—ang ihanda tayo, nang sa gayon, sa pamamagitan ng pagsunod, ay makapagpatuloy tayo, na sumusunod sa mga utos ng Panginoon, hanggang sa matanggap natin ang buong pagpapala sa kahariang selestiyal.12
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Mga Tanong
-
Sa pagbabasa ninyo ng mga alaala ni Pangulong Smith sa “Mula sa Buhay ni Joseph Fielding Smith,” pagnilayan ang inyong binyag. Gaano na kalalim ang pang-unawa ninyo tungkol sa binyag simula noon? Paano natin matutulungan ang mga miyembro ng ating pamilya o mga kaibigan na naghahandang mabinyagan?
-
Anong mga kaalaman ang natamo ninyo tungkol sa binyag mula sa mga turo ni Pangulong Smith sa bahagi 1? Paano makadaragdag sa ating pag-unawa sa tipan sa binyag ang kanyang mga turo tungkol sa simbolo ng binyag?
-
Ano ang itinuturo ng nakasaad sa bahagi 2 tungkol sa pagmamahal ng Ama sa Langit sa Kanyang mga anak? Isipin ang mga kakilala ninyo na maaaring makinabang sa pag-aaral ng doktrinang itinuro sa salaysay na ito.
-
Pagnilayan ang mga ginagawa ninyo para matupad ang inyong mga tipan sa templo (tingnan sa bahagi 3). Paano naiimpluwensyahan ng tipang ito ang pakikitungo ninyo sa mga miyembro ng pamilya at sa iba?
-
Isipin ang pahayag ni Pangulong Smith sa simula ng bahagi 4. Ano sa palagay ninyo ang kailangang ituro sa mga tao matapos silang mabinyagan? Paano natin matutulungan ang isa’t isa na matupad ang mga tipan sa binyag?
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan
Mateo 3:13–17; 2 Nephi 31:5–13; Mosias 18:8–13; 3 Nephi 11:31–39; D at T 68:25–27; Mga Saligan ng Pananampalataya 1:4
Tulong sa Pagtuturo
“Matutulungan ninyo ang inyong mga tinuturuan na magkaroon ng higit pang tiwala sa sarili hinggil sa kanilang kakayahan na makilahok sa talakayan kung positibo kayong tutugon sa bawat matapat na puna. Halimbawa, masasabi ninyong, ‘Salamat sa iyong sagot. Iyan ay tunay na pinag-isipan’ … o ‘Iyan ay isang magandang halimbawa’ o ‘Nagpapasalamat ako sa lahat ng inyong sinabi ngayon’” (Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin [2000], 80).