Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 8: Ang Simbahan at Kaharian ng Diyos


Kabanata 8

Ang Simbahan at Kaharian ng Diyos

“Tiyaking malaman ng lahat ng tao na ito ang Simbahan ng Panginoon at siya ang namamahala sa mga gawain nito. Napakalaking pribilehiyo ang maging miyembro ng banal na institusyong ito!”

Mula sa Buhay ni Joseph Fielding Smith

Humantong sa paglilingkod ni Joseph Fielding Smith bilang Pangulo ng Simbahan, mula Enero 23, 1970, hanggang Hulyo 2, 1972, ang kanyang habambuhay na katapatan sa kaharian ng Panginoon. Nagbiro siya na dumating ang una niyang tungkulin sa Simbahan noong sanggol pa siya. Noong siya ay siyam na buwang gulang, sinamahan nila ng kanyang amang si Pangulong Joseph F. Smith si Pangulong Brigham Young papuntang St. George, Utah, para dumalo sa paglalaan ng St. George Temple.1

Noong binata pa si Joseph Fielding Smith, naglingkod siya sa full-time mission at kalaunan ay tinawag bilang pangulo sa isang korum ng priesthood at naging miyembro ng pangkalahatang lupon ng Young Men’s Mutual Improvement Association (dating tawag sa organisasyon ng Young Men). Naglingkod din siya bilang clerk sa Church Historian’s office, at tahimik siyang tumulong sa kanyang ama bilang di-opisyal na kalihim noong ito ang Pangulo ng Simbahan. Sa mga pagkakataong ito na maglingkod, natutuhang pahalagahan ni Joseph Fielding Smith ang inspiradong organisasyon ng Simbahan at ang papel nito sa pag-akay sa mga tao at pamilya tungo sa buhay na walang hanggan.

Si Joseph Fielding Smith ay inorden bilang Apostol ng Panginoong Jesucristo noong Abril 7, 1910. Naglingkod siya bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol sa loob halos ng 60 taon, kabilang na ang halos 20 taon bilang Pangulo ng Korum na iyan. Bilang Apostol, tumulong siya sa pamamahala sa Simbahan sa buong mundo. Nakibahagi siya sa maraming aspeto ng misyon ng Simbahan, naglingkod bilang Church Historian, pangulo ng Salt Lake Temple, pangulo ng Utah Genealogical Society, at isang Tagapayo sa Unang Panguluhan.

Joseph Fielding Smith holding open scriptures.

Pangulong Joseph Fielding Smith, isang tapat na lingkod sa kaharian ng Panginoon

Isang simple at mapagkumbabang tao, hindi kailanman hinangad ni Joseph Fielding Smith ang mga katungkulang ito. Ngunit nang tawagin siya ng Panginoon na maglingkod, handa at masigla siyang sumunod. Tahimik niyang ipinakita ang katapatang ito isang araw, sa edad na 89, nang magpunta siya sa isang pulong. Habang naglalakad mula sa kanyang tahanan, nadulas siya at nahulog nang ilang baitang. Bagama’t nasaktan ang kanyang binti, naglakad siya nang mga sangkapat na milya—nang “paika-ikang gaya ng isang matanda,” wika niya—para magampanan ang kanyang mga responsibilidad. Pagkatapos ng pulong, naglakad siya pauwi, kung saan sa huli ay nagpatingin na siya sa doktor. Natuklasan ng doktor na maraming bali ang buto sa binti ni Pangulong Smith. Kalaunan ay nagsalita si Pangulong Smith tungkol sa karanasang iyon. “Medyo napatagal ang pulong,” wika niya. “Pero, karaniwan namang nangyayari ito sa mga pulong.”2

Sa isang mensahe sa mga kabataang Banal sa mga Huling Araw, ibinahagi ni Pangulong Smith ang kanyang dahilan sa pagiging tapat sa gawain ng Simbahan:

“Alam kong buhay ang Diyos. Alam kong si Jesucristo ang Bugtong na Anak ng ating Ama sa laman. Lubos akong naniniwala sa misyon ni Propetang Joseph Smith at ng mga sumunod sa kanya.

“Alam ko na nasa atin ang katotohanan ng walang-hanggang ebanghelyo ni Jesucristo, tulad ng alam ko na ako ay buhay. Kung hindi ko alam ito, hindi ko nanaising mapabilang dito o makibahagi sa gawaing ito. Ngunit alam ko ito sa bawat himaymay ng aking katawan. Ipinahayag ito ng Diyos sa akin.”3

Mga Turo ni Joseph Fielding Smith

1

Makaraan ang maraming siglo ng espirituwal na kadiliman at apostasiya, ipinanumbalik ng Panginoon ang Kanyang ebanghelyo at inorganisa ang Kanyang Simbahan sa lupa.

Naipanumbalik ng Panginoon ang ebanghelyo at muling inorganisa ang kanyang Simbahan sa lupa. Nagkaroon ng gayong organisasyon at panunumbalik dahil sa katotohanan na nasa espirituwal na kadiliman ang daigdig sa loob ng maraming siglo, walang awtoridad, at walang pang-unawa; hindi nila alam kung paano sambahin ang buhay na Diyos. …

Ang walang-hanggang tipan ay nilabag; ang wastong pagkaunawa sa mga alituntunin ng ebanghelyo ay naglaho dahil sa apostasiya; ang karapatang mangasiwa sa mga ordenansa ng ebanghelyo ay nawala sa mga tao. Kailangang maibalik ang lahat ng ito, at mapalakas ang pananampalataya ng mga tao sa pamamagitan ng pagbubukas ng kalangitan at pagpapanumbalik ng ebanghelyo.

Kaya’t ipinadala ng Panginoon ang kanyang mga sugo mula sa kanyang kinaroroonan, taglay ang kabuuan ng ebanghelyo, at kapangyarihan, at awtoridad ng priesthood na igagawad sa kalalakihan, at nagbigay sa kanila ng mga kautusan … dahil nalalaman ng Panginoon ang kapahamakang darating sa mundo, at kanyang kagustuhan na bigyan ng babala, at pagkakataon ang mga tao na matanggap ang ebanghelyo upang sila ay makapagsisi at tumalikod sa masasamang gawain at maglingkod sa Panginoon [tingnan sa D at T 1:17–23].4

Ipinapahayag namin na ang Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kaharian ng Diyos dito sa lupa, ang tanging lugar kung saan matututuhan ng tao ang totoong mga doktrina ng kaligtasan at matatagpuan ang awtoridad ng banal na priesthood.5

Mahal kong mga kapatid: Labis-labis ang pasasalamat ko sa mga pagpapalang ibinigay sa akin ng Panginoon, at sa matatapat na miyembro ng kanyang simbahan sa iba’t ibang bansa sa mundo, at sa lahat ng kanyang anak sa lahat ng dako.

Pinasasalamatan ko siya araw-araw sa buhay ko na naipanumbalik niya sa mga huling araw na ito ang kanyang walang-hanggang ebanghelyo para sa ikaliligtas ng lahat ng maniniwala at susunod sa mga batas nito.6

2

Ang Panginoon Mismo ang namamahala sa gawain ng Simbahan, at pribilehiyo nating maging miyembro nito.

Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay totoong literal na kaharian ng Diyos sa lupa.7

Gusto kong sabihin na walang sinumang tao na mismong makakapamuno sa simbahang ito. Ito ang Simbahan ng Panginoong Jesucristo; siya ang namumuno. Ang simbahan ay nakapangalan sa kanya, taglay ang kanyang priesthood, pinangangasiwaan ang kanyang ebanghelyo, ipinapangaral ang kanyang doktrina, at ginagawa ang kanyang gawain.

Pumipili siya ng kalalakihan at tinatawag sila na maging mga kasangkapan sa kanyang mga kamay upang maisakatuparan ang kanyang mga layunin, at siya ang gumagabay at namamahala sa kanila sa kanilang mga gawain. Ang mga tao ay kasangkapan lamang sa mga kamay ng Panginoon, at lahat ng karangalan at kaluwalhatiang naisasakatuparan ng kanyang mga lingkod ay iniuukol at dapat iukol sa kanya magpakailanman.

Kung ito ay gawain ng tao, mabibigo ito, ngunit ito ay gawain ng Panginoon, at hindi siya nabibigo. At nakatitiyak tayo na kung susundin natin ang mga kautusan at magiting tayo sa ating patotoo kay Jesus at tapat sa bawat ipagkatiwala sa atin, tayo at ang kanyang simbahan ay gagabayan at papatnubayan ng Panginoon sa mga landas ng kabutihan, para maisakatuparan ang lahat ng kanyang layunin.8

Sa lahat ng miyembro ng Simbahan sa buong mundo gusto kong sabihin na ang simbahang ito ay binigyan ng banal na misyong kumilos sa ilalim ng pamamahala at pamumuno ni Jesucristo, ang ating Tagapagligtas, at walang makahahadlang sa kanyang mga plano ukol dito. Isasakatuparan nito ang mga plano ng ating Ama sa langit. Umaasa ako na araw-araw na pasasalamatan ng mga Banal sa buong mundo ang Panginoon sa pagiging miyembro nila ng kanyang simbahan at sa misyon ni Propetang Joseph Smith sa pagpapanumbalik ng ebanghelyo para sa ating kagalakan at kaligayahan.9

Sa matatapat ang puso sa lahat ng bansa sinasabi namin: Mahal kayo ng Panginoon. Nais niyang matanggap ninyo ang lubos na mga pagpapala ng ebanghelyo. Inaanyayahan niya kayo ngayon na maniwala sa Aklat ni Mormon, tanggapin si Joseph Smith bilang propeta, at pumasok sa kanyang kaharian dito sa lupa nang kayo ay maging mga tagapagmana ng buhay na walang hanggan sa kanyang kaharian sa langit.10

Kailanman ay hindi nagkaroon ng pagkakataon simula nang itatag ang Simbahan na pinamunuan ng tao ang Simbahan. Hindi ito nangyari noong panahon ni Joseph Smith o ni Brigham Young; hindi ito nangyari simula noon. Ito ang gawain ng Panginoon, at huwag kalimutan na ang Maykapal ang gagawa ng gawaing ito, at hindi ang tao.11

Alam ko na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kaharian ng Diyos sa lupa, at ang kasalukuyang bumubuo at namumuno dito ay may pagsang-ayon ng Panginoon at sumusulong ito ayon sa tagubilin.

Tiyaking malaman ng lahat ng tao na ito ang Simbahan ng Panginoon at siya ang namamahala sa mga gawain nito. Napakalaking pribilehiyo ang maging miyembro ng banal na institusyong ito!12

3

Ang Simbahan ay itinatag upang tulungan ang mga miyembro na makasumpong ng kagalakan at kaligayahan sa buhay na ito at ng buhay na walang hanggan sa kabilang-buhay.

Itinatag ng Panginoon ang lahat ng bagay nang maayos at binigyan tayo ng perpektong sistema. Hindi ito maaaring dagdagan ng tao. Kung gagawin natin ang inihayag ng Panginoon, ayon sa pagkahayag niya rito, lahat ng bagay ay magiging perpekto, dahil ang organisasyon ay isang perpektong organisasyon; ang teorya nito—ang plano nito—ay walang kapintasan.13

Itinatag ng Panginoon sa kanyang simbahan ang organisasyon ng priesthood na pinamumunuan ng mga apostol at propeta. At nagbigay rin siya ng iba pang mga organisasyon … upang tumulong at sumuporta sa priesthood.

Sa bawat dispensasyon ng ebanghelyo may mga espesyal na pangangailangang tutugunan, mga suliraning lulutasin, at tulong na kailangang ibigay sa mga miyembro ng Simbahan sa pagsisikap nilang magtamo ng kaligtasan “na may takot at panginginig” sa harapan ng Panginoon. (Tingnan sa Mga Taga Filipos 2:12.) Dahil dito mayroon tayong mga auxiliary organization [Relief Society, Young Men, Young Women, Primary, at Sunday School] upang tulungan at suportahan ang priesthood. Inorganisa ang mga ito para matugunan ang mga pangangailangan ng mga tao sa anumang kalagayan. Ang mga ito ay bahagi ng pamahalaan ng Diyos at itinatag upang tulungan ang mga miyembro ng Simbahan na mapasakdal ang kanilang buhay at magawa ang mga bagay na tumitiyak sa kanilang kagalakan at kaligayahan sa buhay na ito at sa buhay na walang hanggan sa kabilang-buhay. …

Ang Simbahan at mga grupo nito ang bumubuo sa organisasyong pangserbisyo na tutulong sa pamilya at sa indibiduwal. Ang mga home teacher, lider ng priesthood, at bishop ay hinihirang upang akayin ang mga taong tinutulungan nila tungo sa buhay na walang hanggan sa kaharian ng ating Ama, at ang mga auxiliary organization ay hinihirang upang tumulong at sumuporta sa dakilang gawaing ito ng kaligtasan.

Hindi natin maipagdidiinan nang husto ang malaking pangangailangang gamitin ang lahat ng programang ito para sa kapakanan at pagpapala ng lahat ng anak ng ating Ama. …

Kung gagawin nating lahat ang mga bagay na dapat nating gawin sa ikasusulong ng mga programa ng Simbahan, lubos tayong pagpapalain at pauunlarin ng Panginoon kaya magtatagumpay tayo sa ating mga gawain, at dahil dito ay makadarama tayo ng kapayapaan at kagalakan sa mundong ito at ng walang-hanggang kaluwalhatian sa kabilang-buhay.14

4

Ang paglilingkod natin sa Simbahan ay nagpapakita ng pagmamahal sa iba at ng pagpapahalaga sa walang-hanggang tulong ng Panginoon.

Ang Panginoon ay laging pumapatnubay sa Simbahan. Ginagabayan niya tayo. Ang Kanyang espiritu ay nananahan sa mga taong ito. Hinihiling niya na paglingkuran natin siya nang may pagpapakumbaba at nagkaiisang puso at kaluluwa.15

Pumarito sa daigdig ang ating Tagapagligtas upang turuan tayong mahalin ang isa’t isa, at dahil ang dakilang aral na iyan ay ipinakita sa pamamagitan ng kanyang matinding pagdurusa at kamatayan upang tayo ay mabuhay, hindi ba dapat nating ipakita ang ating pagmamahal sa ating kapwa sa pamamagitan ng paglilingkod sa kanila? Hindi ba dapat nating ipakita ang ating pagpapahalaga sa walang-hanggang paglilingkod na ibinigay niya sa atin, sa pamamagitan ng paglilingkod sa kanyang layon?

Ang tao na mga bagay lamang na may kinalaman sa kanyang sarili ang ginagawa sa Simbahan ay hindi kailanman magkakamit ng kadakilaan. Halimbawa, ang taong handang manalangin, magbayad ng kanyang mga ikapu at handog, at ginagawa ang mga karaniwang tungkulin hinggil sa kanyang sariling buhay, at wala nang iba, ay hindi kailanman makakarating sa mithiing maging sakdal.16

Huwag tumangging maglingkod kailanman. Kapag humingi ng tulong sa inyo ang isang namumunong opisyal, masayang tanggapin ito at gawin ang lahat ng kaya ninyo sa gawaing iyan. Inaasahan ito ng Panginoon sa atin, at nakipagtipan tayong gawin ito. Ito ay maghahatid ng galak at kapayapaan, at tatanggapin din ng mga naglilingkod ang pinakamalaking pagpapala. Mas natututo ang guro kaysa sa tinuturuan; ang pagpapalang babalik sa atin kapag tinanggap natin ang isang tungkulin sa Simbahan ay mas malaki kaysa pagpapalang maibibigay natin sa iba. Siya na tumatangging isagawa ang anumang gawain o umiiwas sa responsibilidad kapag ibinigay ito sa kanya sa Simbahan ay nanganganib nang husto na mawalan ng patnubay ng Espiritu. Kalaunan ay nanlalamig siya at nawawalan ng interes sa lahat ng tungkulin, at, tulad ng halamang hindi inalagaan at diniligan, nananamlay siya at espirituwal na namamatay.17

Ang mahusay na paglilingkod ninyo ay napapansin ng Diyos na siya ninyong pinaglilingkuran at kanya ang gawaing ito.18

A young man and his mother working in a flower garden as an elderly woman looks on.

“Ang mahusay na paglilingkod ninyo ay napapansin ng Diyos na siya ninyong pinaglilingkuran at kanya ang gawaing ito.”

Dalangin ko na lahat tayo, na nagtutulungan bilang tunay na magkakapatid sa kaharian ng Panginoon, ay maglingkod upang maisakatuparan ang dakilang gawaing naghihintay.19

5

Sa dispensasyong ito, ang kaharian ng Diyos at ang gawain ng Panginoon ay lalaganap sa buong mundo.

Ang ibig sabihin ng dispensasyon ng Ebanghelyo ay pagkakaloob sa mga pinunong pinili ng langit, sa pamamagitan ng atas na nagmula sa Diyos, ng kapangyarihan at awtoridad na ipalaganap ang salita ng Diyos, at pangasiwaan ang lahat ng ordenansa nito. …

May mga panahon na kinuha ang Ebanghelyo sa mga tao dahil sa kanilang paglabag. Ganyan ang nangyari noong panahon ni Noe. Tinalikuran ng Israel ang Panginoon at naiwan sa kadiliman sa loob ng maraming henerasyon bago dumating si Jesucristo, at nang narito na siya ibinalik niya ang kabuuan ng Ebanghelyo. Isinugo niya ang kanyang mga disipulo upang ipahayag ang kanyang mensahe sa buong daigdig, ngunit ilang siglo lang ang lumipas ay muling nagkasala at nawalan ng awtoridad ang mga tao na kumilos sa pangalan ng Panginoon. Dahil dito kinailangang mabuksan ang kalangitan at pasimulan ang isang bagong dispensasyon para paghandaan ang ikalawang pagparito ng ating Panginoon sa mga ulap ng kalangitan upang maghari sa mundo sa kaluwalhatian sa loob ng isang libong taon, na malapit nang maganap, napakalapit na.20

Ang ebanghelyo mismo ay hindi nagbago sa lahat ng dispensasyon; iyon pa rin ang plano ng kaligtasan para sa lahat ng anak ng ating Ama sa bawat dispensasyon. Paulit-ulit itong nawala dahil sa apostasiya, ngunit tuwing may mga tao ang Panginoon sa lupa, ibinibigay rin sa kanila ang mga batas at katotohanan ng kaligtasan na inihayag niya sa atin.

Ngunit may natanggap tayong isa pang dakilang bagay sa dispensasyong ito na hindi pa naibibigay kahit kailan. Sa dispensasyong ito ipinahayag ng Panginoon na ang Simbahan ay hindi na muling maililigaw; sa pagkakataong ito mananatili rito ang ebanghelyo. Sa pagkakataong ito ang inihayag na katotohanan ay nakatadhanang ihanda ang mga tao para sa ikalawang pagparito ng Anak ng Tao, at ang Simbahan ay itatatag sa lahat ng dako ng daigdig kapag dumating ang Panginoon para pasimulan ang milenyo ng kapayapaan at kabutihan.21

Tayo ay mga miyembro ng isang pandaigdigang simbahan, isang simbahang nagtataglay ng plano ng buhay at kaligtasan, isang simbahang itinatag ng Panginoon mismo sa mga huling araw na ito upang ipaabot ang kanyang mensahe sa lahat ng kanyang anak sa buong daigdig. …

Mayroon na tayong katatagan at lakas para magampanan ang responsibilidad na bigay sa atin ng Panginoon sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith kaya dapat nating ipaabot ang mabuting balita ng panunumbalik sa bawat bansa at sa lahat ng tao.

At hindi lamang natin ituturo ang ebanghelyo sa bawat bansa bago ang ikalawang pagparito ng Anak ng Tao, kundi magbibinyag din tayo at magtatatag ng mga kongregasyon ng mga Banal sa kanilang kalipunan.22

Ang kaharian ng Diyos at ang gawain ng Panginoon ay lalo’t higit na lalaganap; mas mabilis itong susulong sa mundo sa hinaharap kaysa noong nakaraan. Sinabi ito ng Panginoon, at pinatototohanan ito ng Espiritu; at pinatototohanan ko ito, dahil alam kong ito ay totoo. Ang kaharian ng Diyos ay narito upang umunlad, upang lumaganap sa ibang dako, upang maitatag sa mundo, at upang manatili kung saan ito itinanim ng Panginoon sa pamamagitan ng kanyang sariling kapangyarihan at salita, hindi na kailanman mawawasak, kundi magpapatuloy hanggang sa maisakatuparan ang mga layunin ng Maykapal—bawat alituntunin na binanggit ng mga propeta mula pa nang itatag ang mundo. Ito ay gawain ng Diyos, na siya mismo, sa sarili niyang karunungan at hindi sa karunungan ng tao, ang nagpanumbalik sa lupa sa mga huling araw.23

Ang ebanghelyo ay para sa lahat ng tao, at ang Simbahan ay itatatag sa lahat ng dako, sa lahat ng bansa, maging sa mga dulo ng daigdig, bago ang ikalawang pagparito ng Anak ng Tao.24

Alam ko at pinatototohanan ko na mananaig ang mga layunin ng Panginoon sa lupa. Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay mananatili rito. Ang gawain ng Panginoon ay magtatagumpay. Walang kapangyarihan sa lupa na makahahadlang sa paglaganap ng katotohanan at pangangaral ng ebanghelyo sa bawat bansa.25

Iniiwan ko ang aking basbas sa inyo at ang aking pagtiyak na ang Diyos ay kapiling ng kanyang mga tao, at na ang gawaing ating ginagawa ay magtatagumpay at lalaganap hanggang sa matupad ang mga walang-hanggang layunin ng Panginoon.26

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Mga Tanong

  • Paano natin matutularan ang halimbawa ni Pangulong Smith sa paglilingkod natin sa Simbahan? (Tingnan sa “Mula sa Buhay ni Joseph Fielding Smith.”)

  • Pagnilayan ang mga turo ni Pangulong Smith tungkol sa Panunumbalik ng ebanghelyo (tingnan sa bahagi 1). Ano ang nadarama ninyo kapag iniisip ninyo na nabuhay kayo sa isang panahon na naipanumbalik na ang Simbahan ng Panginoon sa mundo?

  • Nagpatotoo si Pangulong Smith na si Jesucristo ang namumuno sa Simbahan (tingnan sa bahagi 2). Paano ninyo maibabahagi ang inyong patotoo tungkol sa katotohanang ito sa isang taong hindi miyembro ng Simbahan?

  • Paano nakatulong sa inyo ang mga organisasyon at programa ng Simbahan para matanggap ang mga pagpapalang binanggit sa bahagi 3? Paano nakatulong ang mga ito sa inyong pamilya?

  • Sinabi ni Pangulong Smith, “Pumarito sa daigdig ang ating Tagapagligtas upang turuan tayong mahalin ang isa’t isa” (bahagi 4). Sa anong mga paraan natin masusundan ang halimbawa ng pagmamahal ng Tagapagligtas sa paglilingkod natin bilang mga home teacher o visiting teacher?

  • Habang nirerepaso ninyo ang bahagi 5, pansinin ang pagkakaiba ng dispensasyong ito sa iba pa. Paano maiimpluwensyahan ng pagkaunawang ito ang ating paglilingkod sa Simbahan? Ano ang nadarama ninyo kapag iniisip ninyong ihanda ang mundo para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan

Mosias 18:17–29; D at T 1:30; 65:1–6; 115:4; 128:19–22

Tulong sa Pagtuturo

“Kapag gumagamit kayo ng iba’t ibang gawain sa pagkatuto, mas mauunawaan ng mga mag-aaral at higit na matatandaan ang mga alituntunin ng ebanghelyo. Ang maingat na piniling pamamaraan ay higit na nakapagpapalinaw, higit na nakapagpapawili, at higit na nakapagpapaalala ng isang alituntunin” (Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin [2000], 122).

Mga Tala

  1. Tingnan sa Joseph Fielding Smith Jr. at John J. Stewart, The Life of Joseph Fielding Smith (1972), 16.

  2. Sa The Life of Joseph Fielding Smith, 4.

  3. “My Dear Young Fellow Workers,” New Era, Ene. 1971, 5.

  4. Sa Conference Report, Okt. 1944, 140–41.

  5. “Out of the Darkness,” Ensign, Hunyo 1971, 4.

  6. Sa Conference Report, Abr. 1970, 4.

  7. “Use the Programs of the Church,” Improvement Era, Okt. 1970, 3.

  8. Sa Conference Report, Abr. 1970, 113.

  9. “For Thus Shall My Church Be Called,” Improvement Era, Abr. 1970, 3.

  10. “Counsel to the Saints and to the World,” Ensign, Hulyo 1972, 27.

  11. Sa Conference Report, Okt. 1968, 123.

  12. Sa Conference Report, Okt. 1970, 8.

  13. “The One Fundamental Teaching,” Improvement Era, Mayo 1970, 3.

  14. “Use the Programs of the Church,” 2–3.

  15. “The One Fundamental Teaching,” 3.

  16. Sa Conference Report, Abr. 1968, 12.

  17. Sa Conference Report, Abr. 1966, 102.

  18. Sa Conference Report, Abr. 1970, 59.

  19. Sa Conference Report, Abr. 1970, 114.

  20. “A Peculiar People: Gospel Dispensations,” Deseret News, Dis. 5, 1931, bahaging pang-simbahan, 6.

  21. “A Call to Serve,” New Era, Nob. 1971, 5.

  22. Sa Conference Report, British Area General Conference 1971, 5.

  23. Sa Conference Report, Okt. 1968, 123.

  24. Sa Conference Report, British Area General Conference 1971, 176.

  25. “Counsel to the Saints and to the World,” 28.

  26. Sa Conference Report, Abr. 1970, 148–49.