Kabanata 25
Ang Pagsilang ni Jesucristo: “Mabubuting Balita ng Malaking Kagalakan”
“Ano ang kabuluhan ng kamangha-manghang kuwentong ito? Pinayagan ba natin itong lumaganap at makaimpluwensya sa ating buhay? Tinanggap ba natin ang buong kahulugan nito nang walang pag-aalinlangan?”
Mula sa Buhay ni Joseph Fielding Smith
Noong Kapaskuhan ng 1971, isang reporter sa pahayagan ang nagkaroon ng pagkakataong makausap si Pangulong Joseph Fielding Smith at ang mga miyembro ng kanyang pamilya. Nagbahagi ng ilang bagay ang reporter tungkol sa buhay ng propeta:
“Ang Pasko ay isang espesyal na panahon para kay Pangulong Joseph Fielding Smith. Isang araw ito para sa pamilya at sa pag-alaala. Ngunit, higit sa lahat para kay Pangulong Smith, ang Pasko ay isang araw para sa mga bata.
“‘Palagay ko ang pinakagusto ko tungkol sa Pasko ay ang mga bata,’ sabi ni Pangulong Smith, habang niyayakap ang kanyang apo-sa-tuhod na babae.
“Habang nasa kandungan ang isang malaking Biblia na may mga larawan, binuklat ni Pangulong Smith at ng dalawa sa kanyang mga apo-sa-tuhod na mga babae na sina Shanna McConkie, 4, at Sherri, 2, ang mga pahinang nagkukuwento sa pagsilang ng batang Cristo. Matagal nilang minasdan ang pahinang may larawan ng tagpo sa sabsaban. Malapit si Pangulong Smith sa mga bata. …
“Nasiyahan si Pangulong Smith sa maraming bisita ng pamilya sa Kapaskuhan. ‘Ang Pasko ay isang panahon ng pagsasama-sama ng mga pamilya,’ sabi niya.”1
Para kay Pangulong Smith, ang mga tradisyon sa Pasko ay nakatuon sa pagsilang, ministeryo, at Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Bilang tugon sa mga pagbati ng mga miyembro ng Simbahan sa kanya sa Pasko, sinabi niya: “Nagpapasalamat ako sa pagkamaalalahanin ng mga nagpadala ng Christmas card. Itinuturing ko itong pagpapakita ng pagmamahal at paalala sa pagsilang ng Tagapagligtas na ating pinararangalan at sinasamba bilang pinuno ng simbahan. Ang kanyang mensahe ay tungkol sa kapayapaan at magandang kalooban. Ito ang hangad ko para sa aking kapwa-tao sa lahat ng dako.”2
Noong Disyembre 1970, inilathala ni Pangulong Smith ang isang mensaheng Pamasko para sa mga miyembro ng Simbahan sa buong mundo. Sa isang bahagi, sinabi Niya:
“Binabati ko kayo ngayong Kapaskuhan, nang may pagmamahal at pakikisama, at dalangin ko na kaawaan kayo ng ating Amang Walang Hanggan at ibuhos sa inyo ang Kanyang saganang pagpapala.
“Sa ganitong mga panahon na laganap ang kasamaan, kapag may matitinding pasakit sa lupa, kapag may mga digmaan at balita ng digmaan, kailangan nating lahat, nang higit kaysa rati, ang paggabay at mapagmahal na pangangalaga ng Panginoon.
“Kailangan nating malaman na sa kabila ng lahat ng problema at pagsubok na dumarating sa atin, pinamumunuan pa rin ng Panginoon ang mga nangyayari sa mundo at kung susundin natin ang Kanyang mga utos at tunay at tapat tayo sa Kanyang mga batas, pagpapalain Niya tayo rito ngayon at gagantimpalaan tayo ng buhay na walang hanggan sa Kanyang kaharian sa takdang panahon. …
“… Dalangin ko na sa Kapaskuhang ito, at sa lahat ng pagkakataon, nawa’y ituon natin ang ating pananampalataya sa Anak ng Diyos at matamo para sa ating sarili ang kapayapaang yaon na di masayod ng isipan.”3
Mga Turo ni Joseph Fielding Smith
1
Ang kuwento tungkol sa pagsilang ng ating Manunubos ay napakalinaw na naihayag sa abang kasimplihan nito.
Walang kuwentong napakaganda, o makaaantig sa kaibuturan ng kaluluwa ng mga mapagpakumbaba na katulad ng dakilang kuwentong ito ng pagsilang ng ating Manunubos. Walang mga katagang masasambit ang tao na maaaring magpaganda o magpahusay o magdagdag sa kalinawan ng abang kasimplihan nito. Hinding-hindi ito naluluma gaano man ito kadalas ikuwento, at napakabihira itong ikuwento sa tahanan ng mga tao sa ngayon. Subukan nating isipin na kunwari’y kasama tayo ng mga pastol na nagbabantay sa kanilang kawan sa di-malilimutang gabing iyon. Sila ay mga taong mapagpakumbaba na taglay pa rin ang pananampalataya ng kanilang ama, na ang mga puso ay hindi tumigas na katulad ng mga pinuno ng mga Judio noong panahon ng ministeryo ng ating Panginoon, sapagkat kung hindi, hindi sana nagpakita sa kanila ang mga anghel para ihatid ang kanilang dakilang mensahe. Ulitin natin ang kamangha-manghang kuwentong ito.
“At may mga pastor ng tupa sa lupain ding yaon na nangasa parang, na pinagpupuyatan sa gabi ang kanilang kawan.
“At tumayo sa tabi nila ang isang anghel ng Panginoon, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay nagliwanag sa palibot nila: at sila’y totoong nangatakot.
“At sinabi sa kanila ng anghel, Huwag kayong mangatakot; sapagka’t narito, dinadalhan ko kayo ng mabubuting balita ng malaking kagalakan, na siyang sasa buong bayan:
“Sapagka’t ipinanganak sa inyo ngayon sa bayan ni David ang isang Tagapagligtas, na siya ang Cristo ang Panginoon.
“At ito ang sa inyo’y magiging pinakatanda: Masusumpungan ninyo ang isang sanggol na nababalot ng lampin, at nakahiga sa isang pasabsaban.
“At biglang nakisama sa anghel ang isang karamihang hukbo ng langit, na nangagpupuri sa Dios, at nangagsasabi:
“Luwalhati sa Dios sa kataas-taasan, at sa lupa’y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya.
“At nangyari nang lisanin sila ng mga anghel at nangapasa langit, ang mga pastor ay nangagsangusapan. Magsiparoon nga tayo ngayon hanggang sa Bet-lehem, at tingnan natin itong nangyari, na ipinagbigay-alam sa atin ng Panginoon.
“At sila’y dalidaling nagsiparoon at nasumpungan kapuwa si Maria at si Jose, at ang sanggol na nakahiga sa pasabsaban.” [Lucas 2:8–16.]
Maaari ba itong basahin ng sinuman nang hindi naaantig ng diwa ng pagpapakumbaba at humahanga sa simpleng katotohanan ng kuwento?4
2
Bagaman si Jesucristo ang Anak ng Diyos, naparito Siya sa mundong ito bilang isang sanggol at umunlad nang biyaya sa biyaya hanggang sa tanggapin Niya ang kaganapan.
Palagay ko nauunawaan nating lahat ang katotohanan na si Jesucristo ang Jehova, na namuno sa Israel noong panahon nina Abraham at Moises, at katunayan ay noong panahon pa ni Adan. Gayundin na si Jehova, o si Jesucristo, bilang isang personahe ng Espiritu ay nagpakita sa Kapatid ni Jared, at na siya ay isinilang na isang sanggol sa mundong ito at lumaki sa mundong ito.5
Ang ating Tagapagligtas ay isang Diyos bago siya isinilang sa mundong ito, at gayon pa rin siya nang siya ay pumarito. Diyos pa rin siyang tulad ng dati nang siya ay isilang sa mundo. Ngunit pagdating sa buhay na ito kinailangan niyang magsimula na tulad ng iba pang mga bata at magtamo ng kaalaman nang taludtod sa taludtod. Sabi ni Lucas “[lumaki siya] sa karunungan at sa pangangatawan, at sa pagbibigay lugod sa Dios at sa mga tao.” [Lucas 2:52.] Itinala ni Juan na “hindi niya tinanggap ang kaganapan sa simula,” kundi kinailangan niyang umunlad “nang biyaya sa biyaya, hanggang sa tanggapin niya ang kaganapan.” [D at T 93:13.] …
Malinaw na bago siya nag-12 taong gulang—sapagkat namangha sa kanya noon ang mga doktor at matatalinong tao sa templo—marami siyang nalaman tungkol sa gawain ng kanyang Ama [tingnan sa Lucas 2:46–49]. Maaaring mapasakanya ang kaalamang ito sa paghahayag, sa pagdalaw ng mga anghel, o sa iba pang paraan. Ngunit ang kaalamang ito, pagdating sa buhay na ito, ay kinailangang sumakanya nang taludtod sa taludtod at tuntunin sa tuntunin. Walang dudang nakipag-ugnayan siya, tuwi-tuwina, sa kanyang Ama sa Langit.
… “Si Jesus ay lumaki kasama ng kanyang mga kapatid, at lumakas, at hinintay ang Panginoon sa pagdating ng panahon ng kanyang ministeryo. At siya ay naglingkod sa pangangasiwa ng kanyang ama, at hindi siya nangungusap nang tulad ng ibang tao, ni hindi siya matuturuan; sapagkat hindi siya kinailangang turuan pa ng sinumang tao. At makalipas ang maraming taon, ang panahon ng kanyang ministeryo ay nalapit na.” [Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 3:24–26.]
Ang pahayag ng ating Panginoon na wala siyang magagawa kundi ang nakita niyang ginawa ng Ama, ay nangangahulugan lamang na inihayag sa kanya ang ginawa ng kanyang Ama [tingnan sa Juan 5:19–20]. Walang dudang si Jesus ay naparito sa mundo at naranasan din ang mga sitwasyong kailangang pagdaanan ng bawat isa sa atin—nalimutan niya ang lahat, at kinailangan niyang umunlad nang biyaya sa biyaya. Ang kanyang pagkalimot, o pagkabawi ng dati niyang kaalaman, ay kailangan tulad ng nangyari sa atin, upang makumpleto ang kasalukuyang temporal na buhay.
Walang kaganapan ang Tagapagligtas sa simula, ngunit matapos siyang tumanggap ng katawan at mabuhay na mag-uli, lahat ng kapangyarihan ay ibinigay sa kanya kapwa sa langit at sa lupa. Bagaman isa siyang Diyos, maging ang Anak ng Diyos, na may kapangyarihan at awtoridad na likhain ang daigdig na ito at ang iba pang mga daigdig, may ilang bagay pang kulang na natanggap lang niya matapos siyang mabuhay na mag-uli. Sa madaling salita natanggap lang niya ang kaganapan nang magkaroon siya ng nabuhay na mag-uling katawan.6
3
Naparito si Jesucristo sa mundo upang tubusin tayo mula sa pisikal at espirituwal na kamatayan.
Naparito si Jesus upang tuparin ang isang tiyak na misyong iniatas sa kanya bago pa nilikha ang daigdig na ito. Binanggit siya sa mga banal na kasulatan bilang “Cordero na pinatay buhat nang itatag ang sanglibutan.” [Apocalipsis 13:8.] Nagboluntaryo siyang pumarito, sa Kalagitnaan ng Panahon, upang tubusin ang mga tao mula sa pagkahulog na sumapit sa kanila dahil sa paglabag ni Adan.
… Si Jesus ang tanging taong isinilang sa mundong ito na walang amang tagalupa. Ang Ama ng kanyang katawan ay Ama rin ng kanyang Espiritu, at Ama ng mga espiritu ng lahat ng tao. Natamo niya ang buhay na walang hanggan mula sa kanyang Ama; natamo niya ang kapangyarihang mamatay mula sa kanyang ina, dahil ang kanyang ina ay mortal. Nakuha niya ang dugo mula sa kanyang ina, at nakuha niya ang kawalang-kamatayan mula sa kanyang Ama. Kaya nga sa pagkakaroon ng kapangyarihang ialay ang kanyang buhay at bawiin itong muli, napagbayaran niya ang paglabag ni Adan, at natubos ang lahat ng nilalang mula sa libingan.7
Ang tunay na dahilan ng pagparito ni Jesucristo sa mundo … ay, una, upang tubusin ang lahat ng tao mula sa pisikal o mortal na kamatayan, na idinulot ni Adan sa sanlibutan, at ikalawa, upang tubusin ang lahat ng tao mula sa espirituwal na kamatayan o pagpapalayas mula sa harapan ng Panginoon kung sila ay magsisisi at mapapatawad sa kanilang mga kasalanan at titiisin ang mga pagsubok sa buhay hanggang wakas.8
Ikinagagalak namin ang pagsilang ng Anak ng Diyos sa mga tao.
Nagpapasalamat kami sa nagbabayad-salang sakripisyong ginawa Niya sa pamamagitan ng pagbuhos ng Kanyang sariling dugo.
Nagpapasalamat kami na tinubos Niya tayo mula sa kamatayan at binuksan ang daan upang makamit natin ang buhay na walang hanggan.
Dalangin namin na magkaroon ng kapayapaan sa mundo, lumaganap ang ebanghelyo, at magwagi ang katotohanan sa huli.
Nakikiusap kami sa mga anak ng ating Ama sa lahat ng dako na samahan kami sa paggawa ng mga bagay na maghahatid sa ating lahat ng kapayapaan sa daigdig na ito at ng walang-hanggang kaluwalhatian sa mundong darating [tingnan sa D at T 59:23].9
4
Dapat nating hayaang puspusin at impluwensyahan ang ating buhay ng kuwento ng pagsilang ng Tagapagligtas.
Pagsapit ng [Pasko ng umaga] magyuyuko ng ulo ang ilan sa mapagpakumbabang pagsamo sa Ama ng mga Liwanag para sa mga pagpapalang natanggap nila dahil sa mga pagdurusa ng kanyang pinakamamahal na Anak, at babasahin ang kamangha-manghang kuwentong ito nang may pasasalamat at papuri. Nakakalungkot na ang iba naman, na kakatiting ang alam, kung mayroon man, tungkol sa utang na loob nila sa Anak ng Diyos, ay magdiriwang, hindi sa pagpuri at mapagpakumbabang panalangin, kundi sa mapaglapastangang paglalasing, na ni hindi iniisip ang kahulugan ng pagsilang ng Lalaking taga Galilea. …
Paano mababasa ng sinuman ang nakaaantig na kuwentong ito ng pagsilang ni Jesucristo nang hindi nagnanais na talikuran ang kanyang mga kasalanan? Sa panahong ito ng taon makabubuti para sa lahat—sa hari sa kanyang palasyo, kung may mga hari pa sa palasyo ngayon, sa magsasaka sa kanyang maliit na kubo, sa mayaman at mahirap man—na lumuhod at magbigay-galang sa kanya na walang kasalanan, na ang buhay ay ginugol sa sakripisyo at pasakit para sa kapakanan ng kanyang kapwa-tao; na ang dugo ay ibinuhos bilang sakripisyo para sa mga kasalanan. …
… Ano ang kabuluhan ng kamangha-manghang kuwentong ito? Tinulutan ba natin itong puspusin at impluwensyahan ang ating buhay? Tinanggap ba natin ang buong kahulugan nito nang walang pag-aalinlangan?” Naniniwala ba tayo na ang sanggol na ito talaga ang bugtong na Anak ng Diyos sa laman? Patuloy ba tayong sumasampalataya sa kanyang misyon at handa ba tayong sundin siya? Kung pinaniwalaan lang ito ng sanlibutan at taos na sinunod ang kanyang mga turo, hindi sana ito nasira ng awayan at kasamaan sa buong kasaysayan. … Napakaraming nagsasabi na sila ay tagasunod ng Anak ng Diyos ngunit hindi naman tunay na sumasamba at ipinamumuhay ang kanyang mga turo.
Nagpahayag ang anghel sa mga pastol noong maluwalhating gabing iyon, at inihatid ang balita ng malaking kagalakan para sa lahat ng tao [tingnan sa Lucas 2:8–10], ngunit halos lahat ng tao sa ibabaw ng lupa ay tinanggihan ang mga pagpapala ng balitang iyon. Hindi sila handang talikuran ang kanilang mga kasalanan, magpakumbaba at iayon ang kanilang buhay sa mga turo ng Panginoon. …
Muli akong nakikiusap sa lahat ng tao sa lahat ng dako: Talikuran ang inyong kasamaan upang sambahin nang tunay ang Anak ng Diyos, nang ang inyong kaluluwa ay maligtas sa kanyang kaharian.10
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Mga Tanong
-
Ano ang ginagawa ninyo sa inyong tahanan para maalaala ang Tagapagligtas sa Kapaskuhan? Ano ang matututuhan natin sa mga tradisyon ni Pangulong Smith tuwing Pasko? (Tingnan sa “Mula sa Buhay ni Joseph Fielding Smith.”)
-
Sa palagay ninyo bakit “hinding-hindi naluluma” ang kuwento ng pagsilang ni Jesucristo? (Tingnan sa bahagi 1.)
-
Repasuhin ang mga sinabi ni Pangulong Smith tungkol sa pagparito ni Jesucristo sa mundo bilang sanggol at pagtitiis ng mga hirap ng mortalidad (tingnan sa bahagi 2). Ano ang naiisip at nadarama ninyo habang iniisip ninyong mabuti ang kahandaan ng Tagapagligtas na gawin ito?
-
Pagnilayan ang kaugnayan ng pagsilang ng Tagapagligtas sa Kanyang Pagbabayad-sala (tingnan sa bahagi 3). Paano matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na matamo ang pag-unawang ito? Paano maiimpluwensyahan ng pag-unawang ito ang mga tradisyon natin tuwing Pasko?
-
Ano ang magagawa natin upang “puspusin at maimpluwensyahan ang ating buhay” ng kuwento ng pagsilang ng Tagapagligtas? (Tingnan sa bahagi 4.)
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan
Tulong sa Pagtuturo
Ang mga talakayan sa maliliit na grupo ay “[nagbibigay sa] maraming tao ng pagkakataong makilahok sa aralin. Ang mga taong karaniwang atubiling makilahok ay maaaring magbahagi ng mga ideya sa maliliit na grupo [na hindi nila nasasabi] sa harapan ng buong grupo” (Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin [2000], 213).