Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 21: Pangangaral ng Ebanghelyo sa Mundo


Kabanata 21

Pangangaral ng Ebanghelyo sa Mundo

“Natikman na natin ang mga bunga ng ebanghelyo at nalaman na masarap ito, at nais nating matanggap din ng lahat ng tao ang mga pagpapala at diwa na masaganang ibinuhos sa atin.”

Mula sa Buhay ni Joseph Fielding Smith

Hindi nagulat si Joseph Fielding Smith at ang kanyang asawang si Louie nang makatanggap sila ng liham, na may lagda ni Pangulong Snow, na tinatawag si Joseph sa full-time mission. Noong mga unang panahong iyon sa Simbahan, ang mga may-asawang lalaki ay karaniwang naglilingkod nang malayo sa tahanan. Kaya nang dumating ang liham na iyon noong Marso 17, 1899, mga isang buwan bago sumapit ang unang anibersaryo ng kanilang kasal, tinanggap nina Joseph at Louie ang pagkakataon nang may pananampalataya at lakas ng loob, na may halong lungkot dahil dalawang taon silang magkakahiwalay.

Naglingkod si Elder Smith sa England, mga 4,700 milya (tinatayang 7,600 kilometro) mula sa kanilang tahanan. Nagpalitan sila ni Louie ng liham nang madalas—mga liham na puno ng pagmamahal at patotoo. Sa isa sa mga liham ni Elder Smith kay Louie, isinulat niya: “Alam ko na ang gawaing iniatas sa akin ay gawain ng Diyos o hindi sana ako magtatagal dito ni isang sandali, hindi, hindi sana ako umalis ng bahay. Ngunit alam ko na ang ating kaligayahan ay nakasalalay sa aking katapatan habang narito ako. Dapat akong maging handang gawin ito alang-alang sa pagmamahal sa sangkatauhan tulad noong magdusa ang ating Tagapagligtas para sa atin. … Ako ay nasa mga kamay ng ating Ama sa Langit at pangangalagaan niya ako at poprotektahan kung gagawin ko ang kanyang kalooban. At sasamahan ka niya habang ako’y wala at pangangalagaan at poprotektahan ka sa lahat ng bagay.”1

Si Elder Smith at ang nakasama niyang mga misyonero ay matatapat na lingkod ng Panginoon. Sa isang liham kay Louie, ikinuwento niya na kada buwan, siya at ang iba pang mga misyonero ay namahagi ng mga 10,000 polyeto at bumisita sa mga 4,000 tahanan. Gayunman, sinundan niya ang ulat na ito ng isang malungkot na obserbasyon: “Palagay ko wala ni isa, o mahigit sa isa, sa bawat isandaang polyeto ang nabasa.”2 Noong nasa England si Elder Smith, iilan lang sa mga tao roon ang tumanggap sa mensahe ng ipinanumbalik na ebanghelyo. Sa dalawang taon niyang paglilingkod, “wala siyang nabinyagan ni isa, hindi siya nagkaroon ng pagkakataong makapagbinyag kahit minsan, bagama’t kinumpirmahan niya ang isang nabinyagan.”3 Kahit hindi niya nakita ang maraming bunga ng kanyang mga pagsisikap, napanatag siya sa pagkaalam na ginagawa niya ang kalooban ng Panginoon at tumutulong siyang ihanda ang mga tao na maaaring tumanggap ng ebanghelyo sa kanilang buhay kalaunan.

Mga dalawang linggo habang nasa misyon, naospital si Elder Smith kasama ang apat pang misyonero. Binulutong ang limang elder, kaya inihiwalay sila ng kuwarto para hindi sila makahawa. Bagama’t tinawag ni Elder Smith na “pagkakulong” ang pamamalagi nila sa ospital, ginawa nila ang lahat ng kanilang magagawa bilang misyonero. Ibinahagi pa nila ang ebanghelyo sa mga kawani ng ospital. Nang makalabas na sila ng ospital, isinulat ni Elder Smith ang sumusunod na salaysay sa kanyang journal: “Naging kaibigan namin ang mga nars at iba pang bumisita sa amin habang nasa ospital kami. Maraming beses namin silang nakausap tungkol sa ebanghelyo; at iniwanan din namin sila ng mga aklat na babasahin. Nang umalis kami sa ospital kumanta kami ng isa o dalawang himno, na bukod pa sa ibang mga bagay ay umantig sa mga nakarinig, dahil iniwan namin silang may luha sa kanilang mga mata. Palagay ko’y maganda ang impresyong iniwan namin sa ospital, lalo na sa mga nars, na nagtapat na nagkamali pala sila ng pagkakilala sa amin at [na] ipagtatanggol na nila kami sa lahat ng oras.”4

Natapos ni Elder Smith ang kanyang misyon noong Hunyo 1901. Pitumpung taon pagkaraan, bumalik siya sa England bilang Pangulo ng Simbahan upang mangulo sa isang area conference. Sa panahong iyon, ang mga binhing ipinunla niya at ng iba ay umusbong at yumabong na. Nagalak siyang makita na napakaraming Banal na British ang dumalo sa mga pulong.5 Sabi niya, “Ilang stake ng Sion, isang templong inilaan sa Panginoon, marami-raming gusali ng ward at stake, at ilang napakatagumpay na gawaing-misyonero—pawang nagpapatotoo na tumatatag na ang Simbahan sa Great Britain.” At sinabi niya na ang pag-unlad na ito sa Great Britain ay halimbawa ng mangyayari sa buong daigdig. Ipinahayag niya na ang ebanghelyo ay para sa lahat ng tao at na “ang Simbahan ay itatatag sa lahat ng dako, sa lahat ng bansa, maging hanggang sa mga dulo ng daigdig, bago sumapit ang ikalawang pagparito ng Anak ng Tao.”6

"Smith, Joseph Fielding, 1876-1972."

Si Elder Joseph Fielding Smith noong 1910, matapos siyang maorden na Apostol

Mga Turo ni Joseph Fielding Smith

1

Tayo lamang ang may kabuuan ng ipinanumbalik na ebanghelyo, at nais nating matanggap din ng lahat ng tao ang pagpapalang iyon.

Sa kanyang walang-hanggang karunungan, at para matupad ang mga tipan at pangakong ibinigay sa mga propeta noong araw, ipinanumbalik na ng Panginoon sa mga huling araw na ito ang kabuuan ng kanyang walang-hanggang ebanghelyo. Ang ebanghelyong ito ang plano ng kaligtasan. Ito ay inorden at itinatag sa mga kapulungan ng kawalang-hanggan bago pa man inilatag ang pundasyon ng mundong ito, at inihayag na muli sa ating panahon para sa kaligtasan at pagpapala ng lahat ng anak ng ating Ama sa lahat ng dako. …

Halos anim na raang taon bago si Cristo—ibig sabihin, bago siya pumarito—sinabi ng dakilang propetang si Nephi sa kanyang mga tao: “… may isang Diyos at isang Pastol sa buong mundo.

“At darating ang panahon na ipakikita niya ang sarili sa lahat ng bansa. …” (1 Ne. 13:41–42.)

Ang ipinangakong araw na iyan ay nagsisimula na. Ito ang ipinangakong panahon para sa pangangaral ng ebanghelyo sa buong daigdig at sa pagtatayo ng kaharian ng Panginoon sa bawat bansa. May mabuti at matwid na mga tao sa lahat ng bansa na tatalima sa katotohanan; na sasapi sa Simbahan; at magiging mga ilaw na gagabay sa kanilang sariling lahi. …

… Ang ebanghelyo ay para sa lahat ng tao, at inaasahan ng Panginoon na ipapamuhay ng mga tatanggap nito ang mga katotohanan nito at ibabahagi ito sa kanilang sariling bansa at wika.

Kaya ngayon, sa diwa ng pagmamahalan at kapatiran, inaanyayahan natin ang lahat ng tao sa lahat ng dako na pakinggan ang mga salita ng buhay na walang hanggan na inihayag sa panahong ito sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith at ng kanyang mga kasama.

Inaanyayahan natin ang iba pang mga anak ng ating Ama na “lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya,” at pagkaitan ang kanilang sarili ng “lahat ng kasamaan.” (Moro. 10:32.)

Inaanyayahan natin sila na maniwala kay Cristo at sa kanyang ebanghelyo, sumapi sa kanyang simbahan, at makiisa sa kanyang mga banal.

Natikman na natin ang mga bunga ng ebanghelyo at alam nating masarap ito, at nais nating matanggap din ng lahat ng tao ang mga pagpapala at diwa na masaganang ibinuhos sa atin.7

Hindi ko nalilimutan na may mabubuti at matatapat na tao sa lahat ng sekta, grupo, at relihiyon, at sila ay pagpapalain at gagantimpalaan sa lahat ng kabutihang ginagawa nila. Ngunit totoo pa rin na tayo lamang ang may kabuuan ng mga batas at ordenansang iyon na naghahanda sa mga tao para sa buong gantimpala sa mga mansyon sa langit. Kaya nga sinasabi natin sa mabuti at marangal, matwid at matapat na mga tao sa lahat ng dako: Ipagpatuloy ang taglay ninyong kabutihan; kumapit sa bawat tunay na alituntuning nasa inyo na ngayon; ngunit halina at makibahagi sa karagdagang liwanag at kaalamang ibinubuhos na muli ng Diyos na siya ring kahapon, ngayon, at magpakailanman sa kanyang mga tao.8

Dalangin ko na ang mga layunin ng Panginoon sa lupa, kapwa sa loob at labas ng Simbahan, ay mabilis na maisakatuparan; na pagpalain niya ang kanyang matatapat na Banal; at na ang puso ng maraming tao na naghahanap ng katotohanan at ang puso ay matwid sa harap ng Panginoon ay maging kapwa natin tagapagmana ng buong pagpapala ng ipinanumbalik na ebanghelyo.9

2

Responsibilidad ng lahat ng miyembro ng Simbahan na gamitin ang kanilang lakas, sigla, kabuhayan, at impluwensya para ipangaral ang ebanghelyo.

Narinig na natin na lahat tayo ay misyonero. … Lahat tayo ay itinalaga, hindi sa pagpapatong ng mga kamay; wala tayong naging espesyal na tungkulin; hindi tayo isa-isang tinawag na gumawa ng gawaing-misyonero, ngunit bilang mga miyembro ng Simbahan, na nangakong isulong ang ebanghelyo ni Jesucristo, nagiging mga misyonero tayo. Iyan ay bahagi ng responsibilidad ng bawat miyembro ng Simbahan.10

Taglay ang pusong puno ng pagmamahal para sa lahat ng tao, hinihiling ko sa mga miyembro ng Simbahan na pag-aralan at ipamuhay ang ebanghelyo at gamitin ang kanilang lakas, sigla, at kabuhayan sa pagpapahayag nito sa mundo. Tumanggap tayo ng utos mula sa Panginoon. Nagbigay siya ng sagradong utos. Inutusan niya tayong humayo nang buong sigasig at ibahagi sa iba pa niyang mga anak ang nakapagliligtas na mga katotohanang iyon na inihayag kay Propetang Joseph Smith.11

Ang misyon natin ay gawin ang lahat sa abot ng ating makakaya, na pagalingin, papagsisihin, ang marami sa mga anak ng ating Ama sa Langit hangga’t kaya natin. … Iyan ang obligasyong ibinigay ng Panginoon sa Simbahan, lalo na sa mga korum ng priesthood ng Simbahan, subalit ito ay obligasyon ng bawat kaluluwa.12

Maraming matatapat na tao sa ating paligid na hindi kailanman nakatanggap ng pagkakataon, o hindi kailanman nagsikap na magsaliksik, upang makita nila ang maluluwalhating katotohanang ito na inihayag ng Panginoon. Hindi nila iniisip ang mga bagay na ito, nariyan sila sa ating paligid, nakakasama natin sila at nakakahalubilo araw-araw. Iniisip nila na tayo ay mababait na tao, ngunit kakaiba ang ating mga pananaw sa relihiyon, kaya hindi nila pinapansin ang ating pananampalataya, kaya ang dakilang gawaing-misyonerong ito na isinasagawa ngayon sa mga stake ng Sion ay tinitipon ang matatapat at nananalig na mga tao dito mismo mula sa mga taong hindi sinamantala ang pagkakataon, masasabi ko, na napasakanila noon, na pakinggan ang ebanghelyo.13

Two native elder missionaries walking down a dirt road.

“Bawat taong tumatanggap ng liwanag ng ebanghelyo ay nagiging liwanag at gabay sa lahat ng taong kanyang natuturuan.”

Tayo na nakatanggap ng katotohanan ng walang-hanggang ebanghelyo ay hindi dapat masiyahan hangga’t hindi natin nakakamtan ang pinakamainam, at ang pinakamainam ay ang kabuuan ng pagpapala sa kaharian ng Ama; at dahil diyan inaasam at dalangin ko na mamuhay tayo at maging halimbawa ng kabutihan sa lahat ng tao upang wala ni isa mang magkamali, wala ni isa mang manghina, wala ni isa mang lumihis mula sa landas ng kabutihan, dahil sa anumang maaaring magawa o masabi natin.14

May impluwensyang nababanaag hindi lamang sa tao kundi sa Simbahan. Naniniwala ako na karamihan sa tagumpay natin sa buhay ay nakasalalay sa pag-uugali ng mga Banal. Kung nagkakaisa tayong lahat, sa isip, sa gawa, sa ating mga kilos; kung mahal natin ang salita ng katotohanan, kung ipamumuhay natin ito ayon sa nais ng Panginoon na gawin natin, mababanaag ng buong daigdig sa komunidad na ito, sa [mga kongregasyon] ng mga Banal sa mga Huling Araw sa lahat ng komunidad na ito, ang isang impluwensyang hindi matatanggihan. Mas maraming matatapat na kalalakihan at kababaihan ang mabibinyagan, dahil ang Epiritu ng Panginoon ang mangunguna sa atin upang ihanda ang daan. … Kung susundin ng mga taong ito ang mga utos ng Panginoon, ito ay magiging lakas at kapangyarihan at impluwensya na magpapahina sa oposisyon at maghahanda sa mga tao sa pagtanggap ng liwanag ng walang-hanggang Ebanghelyo; at kapag hindi natin ito ginawa umaako tayo ng responsibilidad na kakila-kilabot ang mga ibubunga.

Ano ang madarama ko, o ninyo, kapag dinala tayo sa luklukang-hukuman at may isang tao roon na sisisi sa inyo o sa akin at sasabihing “kung hindi dahil sa ginawa ng taong ito o ng grupong ito, natanggap ko sana ang katotohanan, ngunit hindi ko ito nakita dahil sila, na nagsasabing nasa kanila ang liwanag, ay hindi ito ipinamuhay.”15

Sinabi ng Panginoon na kung magsisikap tayo sa lahat ng ating panahon at magliligtas ng kahit isang kaluluwa, anong laki ng kagalakan natin na makasama siya [tingnan sa D at T 18:15]; sa kabilang banda, anong laking kalungkutan at kaparusahan sa atin kung dahil sa ating mga ginawa ay nailihis natin ang isang kaluluwa mula sa katotohanang ito.16

Ang mga Banal sa mga Huling Araw, saanman sila naroroon, ay dapat maging ilaw sa sanlibutan. Ang ebanghelyo ay isang liwanag na sumisilay sa kadiliman, at bawat taong tumatanggap ng liwanag ng ebanghelyo ay nagiging ilaw at gabay sa lahat ng kanyang natuturuan.

Ang inyong responsibilidad … ay maging buhay na mga saksi sa katotohanan at kabanalan ng gawain. Umaasa kami na ipamumuhay ninyo ang ebanghelyo at pagsisikapan ang inyong sariling kaligtasan, nang sa gayon ay maakay ang ibang nakakakita ng inyong mabubuting gawa na luwalhatiin ang ating Ama sa langit [tingnan sa Mateo 5:16].17

3

Kailangan ng Simbahan ng mas maraming missionary na hahayo sa paglilingkod sa Panginoon.

Kailangan natin ng mga missionary. … Malawak ang bukid; maraming aanihin; ngunit kakaunti ang mga manggagawa [tingnan sa Lucas 10:2]. Gayundin ang bukid ay puti at handa nang anihin [tingnan sa D at T 4:4]. …

… Ang ating mga missionary ay nagsisihayo. Walang kapangyarihang nakapigil sa kanila. Napatunayan na ito. Napakaraming nagtangkang humadlang noon pa mang kakaunti ang mga missionary, ngunit hindi napigilan ang pag-unlad ng gawaing ito. Hindi na ito mapipigilan ngayon. Kailangan itong magpatuloy at magpapatuloy ito upang ang mga nabubuhay sa mundo ay magkaroon ng pagkakataong pagsisihan ang kanilang mga kasalanan at mapatawad at sumapi sa Simbahan at sa kaharian ng Diyos, bago maganap ang huling paglipol na ito sa masasama, sapagka’t ito ay ibinadya. …

At ang mga missionary na ito, na karamihan ay mga binata, walang muwang sa mga kaugalian ng mundo, ay hahayong dala ang mensaheng ito ng kaligtasan at dadaigin ang makapangyarihan at malalakas, dahil nasa kanila ang katotohanan. Ipinapangaral nila ang ebanghelyong ito; ang matatapat na tao ay nakikinig dito at nagsisisi sa kanilang mga kasalanan at sumasapi sa Simbahan.18

Umaasa kami na balang-araw ay magkakaroon ang bawat karapat-dapat at may kakayahang binatang Banal sa mga Huling Araw ng pribilehiyong humayo at maglingkod sa Panginoon upang maging saksi sa katotohanan sa mga bansa ng mundo.

Marami na sila at kailangan pa natin ng mas maraming matatag at may edad na mga mag-asawa sa dakilang gawaing-misyonerong ito, at umaasa tayo na yaong mga karapat-dapat at may kakayahan ay ihahanda ang mga kinakailangang gawin at tutugon sa panawagang ipangaral ang ebanghelyo at gagampanang mabuti ang kanilang mga tungkulin.

Marami rin tayong kadalagahang makakatulong sa gawaing ito, bagama’t ang kanilang responsibilidad ay hindi katulad ng sa kalalakihan, at ang mas mahalaga sa atin pagdating sa kadalagahan ay na magpakasal sila nang wasto sa mga templo ng Panginoon.

Inaanyayahan namin ang mga miyembro ng Simbahan na tumulong sa pinansyal na pagsuporta sa layon ng gawaing-misyonero at mag-ambag ng malaki para sa pagpapalaganap ng ebanghelyo.

Pinupuri namin ang magigiting na naglilingkod sa dakilang layon ng gawaing-misyonero. Sinabi ni Joseph Smith: “Matapos masabi ang lahat, ang pinakadakila at pinakamahalagang tungkulin ay ang ipangaral ang ebanghelyo.”19

A senior missionary couple reading the scriptures.

“Pinupuri namin ang magigiting na naglilingkod sa dakilang layon ng gawaing-misyonero.”

4

Dapat nating ipangaral ang mga doktrina ng kaligtasan alinsunod sa pagkakatala nito sa mga banal na kasulatan, nang malinaw at simple at may patnubay ng Espiritu.

Sa pagsisimula ng dispensasyong ito, sinabi ng Panginoon sa mga tinawag sa kanyang ministeryo, “[upang] makapangusap ang bawat tao sa pangalan ng Diyos, ang Panginoon, maging ang Tagapagligtas ng sanlibutan;… Nang ang kabuuan ng aking ebanghelyo ay maihayag ng mahihina at ng mga pangkaraniwang tao sa mga dulo ng daigdig, at sa harapan ng mga hari at namamahala.” (D at T 1:20, 23.)

Sa mga tinawag na “humayo upang mangaral” ng kanyang ebanghelyo at sa lahat ng “elder, saserdote at guro” ng kanyang simbahan, sinabi niya: Sila ay “magtuturo ng mga alituntunin ng aking ebanghelyo, na nasa Biblia at Aklat ni Mormon,” at sa ibang mga banal na kasulatan, “habang sila ay ginagabayan ng Espiritu.” (Tingnan sa D at T 42:11–13.)

Bilang mga kinatawan ng Panginoon hindi tayo tinawag o binigyan ng awtoridad na ituro ang mga pilosopiya ng daigdig o ng mga haka-hakang teorya ng ating makabagong panahon. Ang ating misyon ay ipangaral ang mga doktrina ng kaligtasan nang malinaw at simple ayon sa pagkahayag at pagkatala sa mga ito sa mga banal na kasulatan.

Matapos tayong atasang ituro ang mga alituntunin ng ebanghelyo na matatagpuan sa mga banal na kasulatan, ayon sa patnubay ng Espiritu, ipinahayag ng Panginoon ang mahigpit na tagubiling ito na sumasaklaw sa lahat ng pagtuturo ng sinuman ng kanyang ebanghelyo sa Simbahang ito: “At ang Espiritu ay ibibigay sa inyo sa pamamagitan ng panalangin nang may pananampalataya; at kung hindi ninyo natanggap ang Espiritu kayo ay hindi magtuturo.” (D at T 42:14.)20

5

Ang ebanghelyo ang tanging pag-asa ng mundo, ang tanging paraang maghahatid ng kapayapaan sa lupa.

Alam ba ninyo ang pinakamalakas na kapangyarihan, ang pinakaepektibong bagay sa buong mundo, para patuloy na manatili ang kapayapaan sa mundo? Dahil itinanong sa akin sasagutin ko ito, sasabihin ko kahit man lang ang pananaw ko hinggil dito—nang hindi binabanggit ang iba pang mga pangyayari sa mundo. Ang pinakamatinding bagay sa buong mundo ay ang kapangyarihan ng Banal na Priesthood, at iyan ay taglay ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sa simula pa lang nagsugo na ng mga elder ang Panginoon sa buong daigdig, at inutusan silang mangaral sa mga tao, na nagsasabing, Magsisi, pumaroon sa Sion. Maniwala sa aking ebanghelyo at kayo ay magkakaroon ng kapayapaan.

Darating ang kapayapaan, mangyari pa, sa pamamagitan ng kabutihan, sa pamamagitan ng katarungan, sa pamamagitan ng awa ng Diyos, sa pamamagitan ng kapangyarihang igagawad niya sa atin para antigin ang ating puso at mahalin natin ang isa’t isa. Tungkulin natin ngayong ipahayag ang mga bagay na ito sa lahat ng tao, manawagan sa kanila na magtungo sa Sion kung saan itinakda ang sagisag—ang bandila ng kapayapaan—at tanggapin ang mga pagpapala ng bahay ng Panginoon at ang impluwensya ng kanyang Banal na Espiritu na ipinamamalas dito. At nais kong sabihin sa inyo na tayo mismo, kung paglilingkuran natin ang Panginoon, ay magkakaroon ng kamangha-manghang impluwensya sa pagpapairal ng kapayapaan sa mundo.

Ngayon ay nais nating ito rin ang patunguhan ng iba pang mga kaganapan. Sang-ayon tayo sa lahat ng magdudulot ng kapayapaan sa mundong ito; ngunit huwag nating kalimutan ang katotohanan na tayo, na mga Banal sa mga Huling Araw, kung magsasama-sama, at magkakaisa sa paglilingkod sa Panginoon at mangangaral ng mensahe ng buhay na walang hanggan sa mga bansa, ay magkakaroon ng mas malaking impluwensya, sa palagay ko, sa pagpapairal ng kapayapaan sa mundo kaysa iba pang impluwensya. Lubos akong sumasang-ayon sa ipinahayag na ideya na ang Panginoon ay gumagamit ng maraming tao; ang kanyang gawain ay hindi limitado sa mga Banal sa mga Huling Araw, sapagkat marami siyang tinawag na maglingkod sa kanya na hindi miyembro ng Simbahan at pinagkalooban niya sila ng kakayahan, at ng inspirasyong gawin ang kanyang gawain. … Gayunman, mga kapatid, huwag ninyong kalimutan na tayo ay may kakayahang maging mabuting impluwensya sa mundo at magpalaganap ng katotohanan at magpairal ng kapayapaan sa lahat ng bansa, lahi, wika at tao. … Ang ating misyon noon pa man at ngayon ay, “Magsisi, sapagkat ang kaharian ng langit ay nalalapit na.” [Tingnan sa D at T 33:10.]

Dapat tayong magpatuloy hanggang sa matipong lahat ang mabubuti, hanggang sa mabalaan ang lahat ng tao, hanggang sa lahat ng makikinig ay makaririnig, at yaong hindi makikinig ay makaririnig din, sapagkat ipinahayag ng Panginoon na wala ni isang taong hindi makaririnig, wala ni isang pusong hindi maaantig [tingnan sa D at T 1:2], sapagkat ang kanyang salita ay lalaganap, sa pamamagitan man ng kanyang mga elder o sa ibang paraan, ay hindi na mahalaga, ngunit sa kanyang takdang panahon mamadaliin niya ang kanyang gawain para sa kabutihan; pagtitibayin niya ang kanyang katotohanan at siya ay darating at maghahari sa mundo.21

Iginagalang natin ang iba pang mga anak ng ating Ama sa lahat ng sekta, grupo, at relihiyon, at wala tayong ibang hangarin kundi ang makita silang tanggapin ang dagdag na liwanag at kaalamang dumating sa atin sa pamamagitan ng paghahayag, at sila ay maging kapwa natin tagapagmana ng dakilang mga pagpapala ng ipinanumbalik na ebanghelyo.

Ngunit nasa atin ang plano ng kaligtasan; ibinabahagi natin ang ebanghelyo; at ang ebanghelyo ang tanging pag-asa ng mundo, ang tanging paraang maghahatid ng kapayapaan sa lupa at magtatama sa mga kamaliang umiiral sa lahat ng bansa.22

Alam natin na kung ang mga tao ay sasampalataya kay Cristo, magsisisi sa kanilang mga kasalanan, makikipagtipan sa mga tubig ng binyag na susundin ang kanyang mga utos, at tatanggapin ang Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ng mga tinawag at inorden sa kapangyarihang ito—at kung pagkatapos ay susundin nila ang mga utos—magkakaroon sila ng kapayapaan sa buhay na ito at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating [tingnan sa D at T 59:23].23

Walang lunas sa mga suliranin ng mundo maliban sa ebanghelyo ng Panginoong Jesucristo. Ang inaasam nating kapayapaan, pag-unlad sa temporal at espirituwal, at sa huli ay pagmamana ng kaharian ng Diyos ay matatagpuan lamang sa at sa pamamagitan ng ipinanumbalik na ebanghelyo. Walang gawaing maaaring gawin ang sinuman sa atin na higit pa ang kahalagahan kaysa ipangaral ang ebanghelyo at itatag ang Simbahan at kaharian ng Diyos sa lupa.24

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Mga Tanong

  • Isipin ang ginawang pagtugon ni Joseph Fielding Smith sa mga hamon ng pagiging full-time missionary (tingnan sa “Mula sa Buhay ni Joseph Fielding Smith”). Paano maaaring makaimpluwensya ang kanyang halimbawa sa paglilingkod ninyo sa Simbahan?

  • Pagnilayan ang mga pagpapala ng pagtikim sa “mga bunga ng ebanghelyo” (bahagi 1). Isipin ang mga taong mababahaginan ninyo ng “mga bungang” ito.

  • Paano makakatulong ang mga salita ni Pangulong Smith sa bahagi 2 sa pagbabahagi natin ng ebanghelyo sa iba?

  • Sinabi ni Pangulong Smith na kailangan ng Simbahan ng mas marami pang full-time missionary, kabilang na ang “may edad na mga mag-asawa” (bahagi 3). Ano ang magagawa natin para matulungan ang mga kabataan na maghandang maglingkod? Ano ang magagawa ninyo para maihanda ang inyong sarili na maglingkod?

  • Sa anong mga paraan natin maipapahayag ang kalinawan at kasimplihan ng ebanghelyo sa ating mga salita at gawa? (Tingnan sa bahagi 4.) Kailan ninyo nadama na ginabayan kayo ng Espiritu Santo sa mga pagsisikap na ito?

  • Anong mga turo sa bahagi 5 ang higit na nakaantig sa inyo? Ano ang nadarama ninyo kapag iniisip ninyo ang pagbabahagi ng “tanging pag-asa ng mundo, ang tanging paraang maghahatid ng kapayapaan sa lupa”?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan

Mateo 24:14; Marcos 16:15; 1 Nephi 13:37; 2 Nephi 2:6–8; 3 Nephi 12:13–16; D at T 1:17–24; 4; 50:13–14; 88:81; 133:57–58

Tulong sa Pagtuturo

Kapag binasa nang malakas ng isang miyembro ng klase ang mga turo ni Pangulong Smith, anyayahan ang klase na “pakinggan at hanapin ang mga tiyak na alituntunin o ideya. Kung ang isang talata ay naglalaman ng mga di-pangkaraniwan o mahihirap na salita o parirala, ipaliwanag ang mga ito bago ipabasa ang [talata]. Kung mayroon man sa grupo na maaaring nahihirapang magbasa, ipabasa sa mga boluntaryo sa halip na [maghalinhinan sila]” (Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin [2000], 69).

Mga Tala

  1. Joseph Fielding Smith kay Louie Shurtliff Smith, sa Joseph Fielding Smith Jr. at John J. Stewart, The Life of Joseph Fielding Smith (1972), 114–15.

  2. Joseph Fielding Smith kay Louie Shurtliff Smith, sa The Life of Joseph Fielding Smith, 102.

  3. Tingnan sa The Life of Joseph Fielding Smith, 91.

  4. Journal of Joseph Fielding Smith, Abr. 30, 1901, Church History Library; pinagpare-pareho ang pagbabantas at pagpapalaki ng mga letra.

  5. Tingnan sa Conference Report, British Area General Conference 1971, 85.

  6. Sa Conference Report, British Area General Conference 1971, 176.

  7. “I Know That My Redeemer Liveth,” Ensign, Dis. 1971, 26–27.

  8. “A Witness and a Blessing,” Ensign, Hunyo 1971, 109–10.

  9. “Out of the Darkness,” Ensign, Hunyo 1971, 4.

  10. Take Heed to Yourselves, tinipon ni Joseph Fielding Smith Jr. (1966), 27–28.

  11. Sa Conference Report, Okt. 1970, 5–6.

  12. Sa Conference Report, Abr. 1944, 50; tingnan din sa Doctrines of Salvation, inedit ni Bruce R. McConkie, 3 tomo (1954–56), 1:308.

  13. Sa Conference Report, Abr. 1921, 42.

  14. Sa Conference Report, Abr. 1923, 139.

  15. Sa Conference Report, Okt. 1933, 62–63.

  16. Sa Conference Report, Abr. 1951, 153.

  17. Sa Conference Report, British Area General Conference 1971, 176.

  18. Sa Conference Report, Abr. 1953, 19–20.

  19. Sa Conference Report, Okt. 1970, 7; tingnan din sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 386.

  20. Sa Conference Report, Okt. 1970, 5.

  21. Sa Conference Report, Okt. 1919, 89–90.

  22. “To the Saints in Great Britain,” Ensign, Set. 1971, 3–4.

  23. Sa Conference Report, Okt. 1970, 7.

  24. “Counsel to the Saints and to the World,” Ensign, Hulyo 1972, 27.