Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 5: Pananampalataya at Pagsisisi


Kabanata 5

Pananampalataya at Pagsisisi

“Ang kailangan natin sa Simbahan, gayundin sa labas nito, ay pagsisisi. Kailangan natin ng dagdag na pananampalataya at determinasyong paglingkuran ang Panginoon.”

Mula sa Buhay ni Joseph Fielding Smith

Itinuro ni Pangulong Joseph Fielding Smith, “Ang kapatawaran ng mga kasalanan ay nagmumula sa pananampalataya at taimtim na pagsisisi.”1 Sinabi niya na “kailangan ay hindi lamang tayo maniwala, kundi magsisi rin,” at itinuro din niya na kapag nagsasagawa tayo ng mabubuting gawa nang may pananampalataya hanggang wakas, tayo ay “tatanggap ng gantimpala ng matatapat at ng isang lugar sa kahariang Selestiyal ng Diyos.”2 Taglay ang hangaring matanggap ng lahat ng tao ang gantimpalang ito, nagpatotoo siya tungkol kay Jesucristo at nangaral ng pagsisisi sa kanyang buong ministeryo.

Noong bago pa lang siyang naglilingkod bilang Apostol, sinabi niya: “Itinuturing kong misyon, matapos maantig, sa palagay ko, ng Espiritu ng Panginoon habang bumibisita sa mga stake ng Sion, na sabihin sa mga tao na ngayon ang araw ng pagsisisi at manawagan sa mga Banal sa mga Huling Araw na alalahanin ang kanilang mga tipan, ang mga pangakong ginawa nila sa Panginoon, na sundin ang kanyang mga utos, at sundin ang mga turo at tagubilin ng mga elder ng Israel—ang mga propeta ng Diyos—na nakatala sa mga banal na kasulatang ito. Sa lahat ng bagay, dapat ay mapagkumbaba at masigasig tayo sa harap ng Panginoon nang sa gayon ay mabiyayaan at magabayan tayo ng kanyang Banal na Espiritu. Palagay ko ay ito ang araw ng babala. Ito ang panahon ng babala simula pa sa araw na unang natanggap ng propeta ang mensahe mula sa langit na ipanunumbalik ang ebanghelyo.”3

Isang araw ng Linggo sa sacrament meeting, sinabi ni Pangulong Smith kung bakit siya nagsalita sa tinig na nagbababala. Isinulat ito kalaunan ng kanyang anak na si Joseph, na dumalo sa pulong: “Tandang-tanda ko pa ang ilan sa mga sinabi ng [aking ama] sa pulong na iyon. ‘Sino ang kaibigan ninyo, o nagmamahal sa inyo nang lubos?’ tanong niya sa kongregasyon. ‘Ang taong nagsasabi sa inyo na maayos ang lahat sa Sion, na laging maunlad ang buhay o ang taong nagbababala sa inyo na darating ang mga kalamidad at kahirapang ibinadya maliban kung ipamumuhay ninyo ang mga alituntunin ng ebanghelyo? Gusto kong malaman ninyo na mahal ko ang mga miyembro ng Simbahan, at ayokong sisihin ako ng isa man sa kanila kapag kami ay nasa kabilang-buhay na at sabihing, “Kung binalaan mo lang ako, hindi sana ako humantong sa kalagayang ito.” Kaya nagbababala ako sa pag-asang maging handa ang aking mga kapatid para sa isang kaharian ng kaluwalhatian.’”4

President Joseph Fielding Smith sitting in his office, wearing a white shirt, a dark suit, a dotted tie, and glasses.

Sinabi ni Pangulong Joseph Fielding Smith kung bakit nanawagan siya sa mga Banal sa mga Huling Araw na magsisi: “Mahal ko ang mga miyembro ng Simbahan.”

Nakita ng mga taong madalas makasama noon ni Pangulong Smith sa paglilingkod na sa likod ng mahihigpit na babalang iyon ay may isang taong magiliw na nagmamalasakit sa mga taong nakakagawa ng kasalanan. Si Elder Francis M. Gibbons, na nagsilbing kalihim sa Unang Panguluhan, ay madalas na naroon kapag nagpapasiya si Pangulong Smith sa mga bagay na may kinalaman sa pagdidisiplina ng Simbahan. Paggunita ni Elder Gibbons: “Ang kanyang mga desisyon ay laging ginagawa nang may kabaitan at pagmamahal at malaking awa hangga’t kayang pangatwiranan ng sitwasyon. Madalas niyang sabihin kapag nalaman niya ang mga sitwasyong nagsanhi ng malaking pagkakamali, ‘Bakit ba ayaw kumilos nang matino ng mga tao?’ Hindi ito sinasabi nang may paninisi o pagtuligsa kundi nang may lungkot at panghihinayang.”5 Sinabi ni Pangulong Spencer W. Kimball, na nakasamang maglingkod ni Pangulong Smith bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Maraming beses na naming nasabi na yamang ang Labindalawa ang magiging hukom ng Israel, sinuman sa amin ay magiging masaya na mahatulan niya dahil alam namin na ang paghatol niya ay magiging mabait, maawain, makatarungan, at banal.”6 Nang mag-orden ng mga bishop si Pangulong Smith, madalas niyang ipayo: “Tandaan mo na bawat tao ay may kahinaan, at laging may dalawang panig sa bawat kuwento. Kung nagkamali ka sa paghatol, tiyakin mo na nagkamali ka dahil sa pagmamahal at awa.”7

Mga Turo ni Joseph Fielding Smith

1

Ang unang alituntunin ng ebanghelyo ay pananampalataya sa Panginoong Jesucristo.

Ang ating pananampalataya ay nakasentro sa Panginoong Jesucristo, at sa pamamagitan niya sa Ama. Naniniwala tayo kay Cristo, tinatanggap natin siya bilang Anak ng Diyos, at tinaglay natin ang kanyang pangalan nang tayo ay binyagan.8

Gawing pinakamahalaga sa inyong isipan, ngayon at sa lahat ng oras, na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng buhay na Diyos, na naparito sa daigdig para ialay ang kanyang buhay upang tayo ay mabuhay. Iyan ang totoo, at napakahalaga nito. Diyan nakasalig ang ating pananampalataya. Hindi ito mawawasak. Kailangan nating sundin ang turong ito sa kabila ng mga turo ng mundo, at haka-haka ng mga tao; dahil napakahalaga nito, mahalaga ito sa ating kaligtasan. Tinubos tayo ng Panginoon sa pamamagitan ng kanyang dugo, binigyan niya tayo ng kaligtasan, basta’t—at narito ang kundisyong hindi natin dapat kalimutan—susundin natin ang kanyang mga utos, at lagi natin siyang aalalahanin. Kung gagawin natin iyan tayo ay maliligtas, samantalang ang mga ideya at kahangalan ng tao, ay maglalaho sa mundo.9

Sa pamamagitan ng pananampalataya lumalapit tayo sa Diyos. Kung hindi tayo naniniwala sa Panginoong Jesucristo, kung wala tayong pananampalataya sa Kanya o sa Kanyang pagbabayad-sala, malamang na hindi natin sundin ang Kanyang mga utos. Dahil may pananampalataya tayo, nakaayon tayo sa Kanyang katotohanan at may pagnanais sa ating puso na maglingkod sa Kanya. …

… Ang unang alituntunin ng ebanghelyo ay pananampalataya sa Panginoong Jesucristo; at mangyari pa ay hindi tayo magkakaroon ng pananampalataya sa Panginoong Jesucristo kung wala tayong pananampalataya sa Kanyang Ama. At kung may pananampalataya tayo sa Diyos Ama at sa Anak at nagagabayan tayo ng Espiritu Santo, na siyang nararapat, magkakaroon tayo ng pananalig sa mga lingkod ng Panginoon kung kanino Siya nangusap.10

2

Ang pananampalataya ay nangangahulugan ng pagkilos.

“Pananampalataya ang dahilan kaya tayo kumikilos.” [Lectures on Faith, lecture 1.] Kung titigil kayo at pag-iisipan iyan sandali, palagay ko sasang-ayon kayo na ito ay talagang totoo sa temporal at espirituwal na mga bagay. Totoo ito sa sarili nating mga pagkilos, gayundin sa mga pagkilos ng Diyos. …

“Ang pananampalataya na walang mga gawa ay patay” [Santiago 2:26]—sa madaling salita, hindi ito umiiral. Palagay ko malinaw na ang ibig sabihin dito ni Santiago ay, “Ipakita mo sa akin ang iyong pananampalataya na wala kang ginagawa, at walang mangyayari; ngunit ipapakita ko sa iyo ang aking pananampalataya sa aking mga gawa, at may bagay na maisasagawa.” [Tingnan sa Santiago 2:18.] Ang pananampalataya ay nangangahulugan ng pagkilos. … Ang pananampalataya, kung gayon, ay mas malakas kaysa paniniwala. …

Ang pananampalataya ay kaloob ng Diyos. Lahat ng mabuting bagay ay kaloob ng Diyos. Itinuturo iyan sa mga banal na kasulatan na matatagpuan sa ika-11 kabanata ng Sa mga Hebreo—isang kabanatang may napakagandang sanaysay tungkol sa pananampalataya—[at] sa mga paghahayag na ibinigay sa atin ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan, at sa iba pang mga banal na kasulatan. Ang pananampalataya ay hindi matatamo nang walang pagkilos o walang malasakit o kapag mababaw ang paniniwala. Ang paghahangad lamang na magkaroon ng pananampalataya ay hindi magdudulot ng pananampalataya na tulad ng ang paghahangad lamang na humusay sa musika o pagpipinta ay hindi magdudulot ng kahusayan sa mga ito kung walang gagawing matinding pagsasanay. Diyan tayo nagkakaproblema. Mayroon tayong patotoo sa Ebanghelyo, naniniwala tayo kay Joseph Smith, naniniwala tayo kay Jesucristo, naniniwala tayo sa mga alituntunin ng Ebanghelyo, ngunit gaano ba natin pinagsisikapan ang mga ito?

… Kung gusto nating magkaroon ng matibay at matatag na pananampalataya, kailangan tayong maging aktibo sa pagganap sa bawat tungkulin bilang mga miyembro ng Simbahang ito. …

Ah, kung mayroon sana tayong pananampalataya na katulad ng kay Nephi! Basahin sa ika-17 kabanata ng 1 Nephi ang pagsalungat ng mga kapatid ni Nephi sa kanya at nang pagtawanan siya dahil sa paggawa niya ng sasakyang-dagat, na sinasabing:

“Ang ating kapatid ay isang hangal, sapagkat inaakala niya na siya ay makagagawa ng isang sasakyang-dagat; oo, at inaakala rin niyang makatatawid siya sa malawak na tubig na ito.” [1 Nephi 17:17.]

Sinagot sila ni Nephi:

“Kung Diyos ang nag-uutos sa aking gawin ang lahat ng bagay ang mga yaon ay magagawa ko. Kung uutusan niya akong sabihin ko sa tubig na ito, ikaw ay maging lupa, ito ay magiging lupa; at kung ito ay sasabihin ko, ito ay mangyayari.” [1 Nephi 17:50.]

Ganyan ang kanyang pananampalataya.11

Hindi na tayo naglalakad ngayon sa pamamagitan ng paningin, tulad ng ginawa natin bago tayo naparito sa mundo, kundi inaasahan ng Panginoon na magsisilakad tayo sa pamamagitan ng pananampalataya [tingnan sa II Mga Taga Corinto 5:7]; at sa paglalakad sa pamamagitan ng pananampalataya ay tatanggap tayo ng gantimpalang inilaan para sa mga matwid, kung susundin natin ang mga kautusang iyon na ibinigay para sa ating kaligtasan.12

Maliban kung ang tao ay maging tapat sa doktrina at mamuhay nang may pananampalataya, na tinatanggap ang katotohanan at sinusunod ang mga utos na ibinigay sa kanila, imposibleng tumanggap siya ng buhay na walang hanggan, gaano man ipahayag ng kanyang mga labi na si Jesus ang Cristo, o maniwala man siya na isinugo ng kanyang Ama si Cristo sa mundo para tubusin ang tao. Kaya tama si Santiago nang sabihin niya na ang mga diyablo ay “nagsisisampalataya, at nagsisipanginig,” ngunit hindi sila nagsisisi [tingnan sa Santiago 2:19].13

3

Pagsisisi ang ikalawang alituntunin ng ebanghelyo at mahalaga ito sa ating kaligtasan at kadakilaan.

Pagsisisi ang ikalawang mahalagang alituntunin ng ebanghelyo at bunga ng pananampalataya.14

Ang kailangan natin sa Simbahan, gayundin sa labas nito, ay pagsisisi. Kailangan natin ng dagdag na pananampalataya at determinasyong paglingkuran ang Panginoon.15

Totoo bang ilan sa atin ang nag-iisip na hindi mahalaga kung magkasala tayo basta’t hindi ito mabigat na kasalanan, isang mortal na kasalanan, na maliligtas pa rin tayo sa kaharian ng Diyos? Nakita ni Nephi ang ating panahon. Sinabi niya na sasabihin iyan ng mga tao [tingnan sa 2 Nephi 28:7–9]. Ngunit sinasabi ko sa inyo, hindi tayo maaaring lumayo sa landas ng katotohanan at kabutihan na pinapatnubayan pa rin tayo ng Espiritu ng Panginoon.16

Walang lugar sa Sion para sa mga taong sinasadyang magkasala. May lugar para sa makasalanang nagsisisi, para sa taong tumatalikod sa kasamaan at naghahangad ng buhay na walang hanggan at ng liwanag ng Ebanghelyo. Hindi natin dapat tingnan ang kasalanan nang may munti mang antas ng pagpapahintulot, nang higit pa sa magagawa ng Panginoon, bagkus ay lumakad nang matwid at sakdal sa harapan ng Panginoon.17

Ang mga tao ay maliligtas at mapapadakila lamang sa kaharian ng Diyos sa kabutihan; samakatwid, dapat nating pagsisihan ang ating mga kasalanan at lumakad sa liwanag tulad ni Cristo na nasa liwanag [tingnan sa I Ni Juan 1:7], upang malinis tayo ng kanyang dugo mula sa lahat ng kasalanan at makasama ang Panginoon at matanggap ang kanyang kaluwalhatian at kadakilaan.18

Kailangan nating magsisi, at kailangan nating masabihang magsisi.19

4

Sa alituntunin ng pagsisisi, ang awa ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ay naipapakita.

Ang pagsisisi ay isa sa lubos na nakapapanatag at pinakadakilang mga alituntuning itinuro sa ebanghelyo. Sa alituntuning ito ang awa ng ating Ama sa Langit at ng kanyang Bugtong na Anak, si Jesucristo, ay naipapakita marahil nang mas matindi kaysa iba pang alituntunin. Kalunus-lunos kung walang kapatawaran ang kasalanan at walang paraan para mapatawad ang kasalanan ng mga taong mapagkumbabang nagsisisi! Bahagya lamang nating mawawari ang takot na mangingibabaw sa atin, kung kakailanganin nating tiisin ang kaparusahang dulot ng ating mga kasalanan nang walang katapusan at wala ni anumang pag-asa na matulungan. Paano matatamo ang tulong na iyan? Kanino ito maaaring matamo?

Sinabi ng ating Panginoon:

“Sapagka’t gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang sinomang sa kaniya’y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.

“Sapagka’t hindi sinugo ng Dios ang Anak sa sanglibutan upang hatulan ang sanglibutan; kundi upang ang sanglibutan ay maligtas sa pamamagitan niya.” [Juan 3:16–17; tingnan din sa mga talata 18–21.]

Kung hindi isinugo ng Ama si Jesucristo sa mundo, hindi magkakaroon ng kapatawaran ang mga kasalanan at hindi sana tayo mapapalaya sa kasalanan kahit magsisi pa tayo.20

A young man kneeling in prayer at his bedside.

“Ang pagsisisi ay isa sa lubos na nakapapanatag at pinakadakilang mga alituntuning itinuro sa ebanghelyo.”

Kung talagang nauunawaan at nadarama natin kahit bahagya lamang, ang pagmamahal at kusang pagsang-ayon ni Jesucristo na magdusa para sa ating mga kasalanan nanaisin nating pagsisihan ang lahat ng ating pagkakamali at maglingkod sa kanya.21

5

Kabilang sa pagsisisi ang taos na pamimighati para sa kasalanan at lubusang pagtalikod sa kasalanan.

Sinasabi sa mga banal na kasulatan:

“Maghandog kayo ng hain sa Panginoon ninyong Diyos sa kabutihan maging yaong may bagbag na puso at nagsisising espiritu.” [D at T 59:8.]

Ang ibig sabihin niyan ay magsisi.

… Ang pagsisisi, ayon sa kahulugan na ibinigay sa diksyunaryo, ay taos na kapighatian para sa kasalanan na may kasamang pagtuligsa sa sarili, at lubusang pagtalikod sa kasalanan. … Walang tunay na pagsisisi kung walang kapighatian at hangaring mapalaya sa kasalanan.

Ang taos na pagsisisi ay pagpapamalas ng bagbag, o mapagkumbabang espiritu dahil sa kasalanan at taos na pag-amin sa kasamaan ng kasalanan at pagkatanto sa awa at biyaya ng Diyos na ibinibigay sa nagsisising makasalanan. … Dahil diyan sinabi ng Panginoon, tulad ng nabanggit ko na, dapat tayong maghandog ng hain sa “kabutihan, maging yaong may bagbag na puso at nagsisising espiritu.” …

Ang pagsisisi ay kaloob ng Diyos. … Hindi madali para sa ilang tao ang magsisi, ngunit ang kaloob na pagsisisi at pananampalataya ay ibibigay sa bawat taong naghahangad nito.22

Natutuhan ko sa sarili kong karanasan na kapag gusto mong magbago, talagang gusto mong magbago, magagawa mo ito. Sinasabi sa atin ng ating budhi at ng mga banal na kasulatan kung anong alituntunin ang dapat ipamuhay—at sinasabi nila sa atin ang mga ugaling dapat nating baguhin para sa ating walang-hanggang kapakanan at pag-unlad.23

6

Ngayon na ang panahon para magsisi.

Hindi ililigtas ng Diyos ang bawat lalaki at babae patungo sa kahariang selestiyal. Kung nais ninyong makapasok doon, at may mga pagkakamali kayo, kung nagkakasala kayo, kung lumalabag kayo sa mga utos ng Panginoon at alam ninyo ito, makabubuting magsisi na kayo ngayon at magbago, at huwag isiping maliit na bagay lamang ito sa Panginoon at patatawarin niya kayo, papaluin lang nang kaunti, parurusahan lang nang kaunti at mapapatawad na tayo; dahil baka matagpuan ninyo ang inyong sarili na pinalayas, kung nananatili at patuloy pa rin kayong nagkakasala.24

Ang pagpapaliban, kung iaangkop sa mga alituntunin ng ebanghelyo, ay magnanakaw ng buhay na walang hanggan, ang buhay sa piling ng Ama at ng Anak. Marami sa atin, maging mga miyembro ng Simbahan, ang nagsasabi na hindi kailangang agad sundin ang mga alituntunin ng ebanghelyo at ang mga kautusan. …

Huwag nating kalimutan ang mga salita ni [Amulek]: “Sapagka’t masdan, ang buhay na ito ang panahon para sa mga tao na maghanda sa pagharap sa Diyos; oo, masdan, ang araw ng buhay na ito ang araw para sa mga tao na gampanan ang kanilang mga gawain.

“At ngayon, kagaya ng sinabi ko sa inyo noon, sapagka’t mayroon kayong napakaraming saksi, kaya nga, ako ay sumasamo sa inyo na huwag ninyong ipagpaliban ang araw ng inyong pagsisisi hanggang sa wakas; sapagka’t pagkatapos ng araw na ito ng buhay, na ibinigay sa atin upang maghanda para sa kawalang-hanggan, masdan, kung hindi natin pagbubutihin ang ating panahon habang nasa buhay na ito, kung magkagayon ay darating ang gabi ng kadiliman kung saan ay maaaring wala nang gawaing magagawa.

“Hindi ninyo maaaring sabihin, kapag kayo ay dinala sa yaong kakila-kilabot na kagipitan, na ako ay magsisisi, na ako ay babalik sa aking Diyos. Hindi, hindi ninyo maaaring sabihin ito; sapagkat yaon ding espiritu na nag-aangkin sa inyong mga katawan sa panahon na kayo ay pumanaw sa buhay na ito, yaon ding espiritung yaon ang may kapangyarihan na angkinin ang inyong katawan sa walang hanggang daigdig na yaon.” [Alma 34:32–34.]25

7

Pananagutan natin sa mundo na magbabala.

Layon ng Panginoon na maging maligaya ang mga tao—iyan ang kanyang layunin—subalit tumatanggi ang mga tao na maging maligaya at ginagawang kalunus-lunos ang kanilang sarili, dahil iniisip nila na mas maganda ang kanilang pamamaraan kaysa pamamaraan ng Diyos, at dahil sa pagkamakasarili, pagkaganid, at kasamaan na nasa kanilang puso; at iyan ang problema sa atin ngayon.26

Sa mga nakikita namin sa aming paglalakbay sa iba’t ibang lugar at batay sa nababasa namin sa pahayagan, talagang nabigyang-diin sa amin na lubhang kailangang pagsisihan ang kasalanan sa buong mundo ngayon.27

Huwag ninyong isipin na dumating na tayo sa puntong hindi na lalala pa ang mga bagay-bagay. Kung walang pagsisisi mas lalala ang mga ito. Kaya nga nangangaral ako ng pagsisisi sa mga taong ito, sa mga Banal sa mga Huling Araw, … at sa mga bansa ng mundo.28

Pananagutan natin sa mundo, na magbabala, lalo na sa mga miyembro ng Simbahan [tingnan sa D at T 88:81].29

Tungkulin nating pagmalasakitan ang isa’t isa, pangalagaan ang isa’t isa, balaan ang isa’t isa sa mga panganib, ituro sa isa’t isa ang mga alituntunin ng Ebanghelyo ng kaharian, at sama-samang manindigan at magkaisa sa paglaban sa mga kasalanan ng mundo.30

Wala akong alam na mas mahalaga o kailangan sa pagkakataong ito kundi ang mangaral ng pagsisisi, maging sa mga Banal sa mga Huling Araw, at hinihiling ko sa kanila gayundin sa mga hindi miyembro ng Simbahan, na pakinggang mabuti ang mga salitang ito ng ating Manunubos. Ngayon ay tiniyak na niya na walang maruming bagay na makakapasok sa kanyang kinaroroonan. Yaon lamang nakapagpatunay na sila ay tapat at hinugasan ang kanilang mga kasuotan ng kanyang dugo sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya at pagsisisi—wala nang iba pang makatatagpo sa kaharian ng Diyos.31

“Masdan, lahat ng bansa, lahi, wika, at tao ay mamumuhay nang matiwasay sa Banal ng Israel kung sakali mang sila ay magsisisi.” [1 Nephi 22:28.] At dalangin ko na sila ay magsisi. Gusto ko silang mamuhay nang matiwasay. Gusto ko silang maniwala sa Banal ng Israel, na naparito sa mundo at nagbayad-sala para sa ating mga kasalanan, para sa mga kasalanan ng buong sangkatauhan, na tumubos sa atin mula sa kamatayan, na nangako sa atin ng kaligtasan at kapatawaran ng mga kasalanan kung tayo ay magsisisi.

O, lahat ng tao nawa’y maniwala sa kanya, sambahin siya at ang kanyang Ama, at maglingkod sa Panginoon nating Diyos sa pangalan ng Anak, at ang kapayapaan ay susunod na darating, at iiral ang kabutihan, pagkatapos ay maitatatag na ng Panginoon ang kanyang kaharian sa mundo.32

Nagsusumamo ako sa daigdig na magsisi at maniwala sa katotohanan, na hayaang magningning ang liwanag ni Cristo sa kanilang buhay, panatilihin ang bawat maganda at tunay na alituntuning mayroon sila, at idagdag sa mga ito ang ibayong liwanag at kaalaman na inihayag sa panahong ito. Nagsusumamo ako sa kanila na sumapi sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at kamtin ang mga pagpapala ng ebanghelyo.

Nagsusumamo ako sa mga miyembro ng Simbahan na gumawa ng kabutihan, sundin ang mga kautusan, hangarin ang Espiritu, mahalin ang Panginoon, unahin sa kanilang buhay ang mga bagay na ukol sa kaharian ng Diyos, at sa gayo’y mapagsikapan nila ang kanilang sariling kaligtasan nang may takot at panginginig sa harapan ng Panginoon [tingnan sa Mga Taga Filipos 2:12].33

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Mga Tanong

  • Sa “Mula sa Buhay ni Joseph Fielding Smith,” repasuhin ang mga sinabi ni Pangulong Smith tungkol sa dahilan kung bakit gusto niyang “[mag]babala.” Paano naging pagpapakita ng pagmamahal ang panawagang magsisi?

  • Ano ang ibig sabihin sa inyo ng isentro ang inyong pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo? (Tingnan sa bahagi 1.)

  • Bakit laging nauuwi sa pagkilos ang tunay na pananampalataya? (Para sa ilang halimbawa, tingnan sa bahagi 2.) Ano ang ilang paraan na maipapakita natin ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng ating mga pagkilos?

  • Paano naging “bunga ng pananampalataya” ang pagsisisi? (Tingnan sa bahagi 3.)

  • Tahimik na pagbulay-bulayan ang panahon na nagsisi kayo at nadama ninyo ang awa at pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo (tingnan sa bahagi 4). Ano ang maibabahagi ninyo tungkol sa pasasalamat ninyo sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas?

  • Bakit imposibleng makapagsisi “nang walang kapighatian at hangaring mapalaya sa kasalanan”? (Tingnan sa bahagi 5.) Paano makapagbibigay ng pag-asa ang dalawang huling talata sa bahagi 5 sa taong namimighati dahil sa kasalanan?

  • Sa anong mga paraan nagiging “magnanakaw ng buhay na walang hanggan” ang pagpapaliban? (Tingnan sa bahagi 6.) Anong mga panganib ang dulot ng pagpapaliban sa ating pagsisisi?

  • Habang nirerepaso ninyo ang bahagi 7, isipin ang ibig sabihin ng “magbabala.” Paano tayo magiging mabait at mapagmahal sa mga pagsisikap nating balaan ang iba?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan

Sa Mga Hebreo 11:1–6; Mosias 4:1–3; Alma 34:17; Eter 12:4; Moroni 7:33–34; D at T 18:10–16; Mga Saligan ng Pananampalataya 1:4

Tulong sa Pagtuturo

“Ang pag-aaral ay dapat na isinasagawa ng mag-aaral. Kapag ang guro na lang ang kumukuha ng lahat ng pansin, nagiging bida sa klase, laging nagsasalita, at kung hindi man ay nangunguna sa lahat ng aktibidad, halos tiyak na nagiging hadlang siya sa pagkatuto ng mga miyembro ng klase” (Asahel D. Woodruff, Teaching the Gospel [1962], 37; sa Virginia H. Pearce, “The Ordinary Classroom—A Powerful Place for Steady and Continued Growth,” Ensign, Nob. 1996, 12).

Mga Tala

  1. Answers to Gospel Questions, tinipon ni Joseph Fielding Smith Jr., 5 tomo (1957–66), 1:84.

  2. “Faith and Works: The Clearing of a Seeming Conflict,” Improvement Era, Okt. 1924, 1151; tingnan din sa Doctrines of Salvation, tinipon ni Bruce R. McConkie, 3 tomo (1954–56), 2:311.

  3. Sa Conference Report, Okt. 1919, 88; naka-italics sa orihinal.

  4. Joseph Fielding Smith Jr., sa Take Heed to Yourselves! (1966), v–vi.

  5. Francis M. Gibbons, Joseph Fielding Smith: Gospel Scholar, Prophet of God (1992), viii.

  6. Spencer W. Kimball, sinipi ni Bruce R. McConkie sa “Joseph Fielding Smith: Apostle, Prophet, Father in Israel,” Ensign, Ago. 1972, 28.

  7. Sa Joseph Fielding Smith Jr. at John J. Stewart, The Life of Joseph Fielding Smith (1972), 10.

  8. Sa Conference Report, Abr. 1970, 113.

  9. Sa Conference Report, Okt. 1921, 186; tingnan din sa Doctrines of Salvation, 2:302.

  10. “Redemption of Little Children,” Deseret News, Abr. 29, 1939, bahaging pang-Simbahan, 3; tingnan din sa Doctrines of Salvation, 2:302–3.

  11. “Faith,” Deseret News, Mar. 16, 1935, bahaging pang-Simbahan, 3, 7.

  12. Sa Conference Report, Abr. 1923, 139.

  13. “Faith and Works: The Clearing of a Seeming Conflict,” 1151; tingnan din sa Doctrines of Salvation, 2:311.

  14. The Restoration of All Things (1945), 196.

  15. “The Pearl of Great Price,” Utah Genealogical and Historical Magazine, Hulyo 1930, 104; tingnan din sa Doctrines of Salvation, 2:48.

  16. Sa Conference Report, Okt. 1950, 13.

  17. Sa Conference Report, Abr. 1915, 120.

  18. Sa Conference Report, Okt. 1969, 109.

  19. “A Warning Cry for Repentance,” Deseret News, Mayo 4, 1935, bahaging pang-Simbahan, 6; tingnan din sa Doctrines of Salvation, 3:44.

  20. The Restoration of All Things, 196–97.

  21. The Restoration of All Things, 199.

  22. “Repentance and Baptism,” Deseret News, Mar. 30, 1935, bahaging pang-Simbahan, 6.

  23. “My Dear Young Fellow Workers,” New Era, Ene. 1971, 5.

  24. “Relief Society Conference Minutes,” Relief Society Magazine, Ago. 1919, 473, tingnan din sa Doctrines of Salvation, 2:17.

  25. Sa Conference Report, Abr. 1969, 121, 123.

  26. “A Warning Cry for Repentance,” 6; tingnan din sa Doctrines of Salvation, 3:35.

  27. Sa Conference Report, Okt. 1966, 58.

  28. Sa Conference Report, Okt. 1932, 91–92; tingnan din sa Doctrines of Salvation, 3:31–32.

  29. Sa Conference Report, Abr. 1937, 59; tingnan din sa Doctrines of Salvation, 3:49.

  30. Sa Conference Report, Abr. 1915, 120.

  31. Sa Conference Report, Okt. 1960, 51.

  32. Sa Conference Report, Okt. 1919, 92.

  33. Sa Conference Report, Okt. 1970, 7–8.