Kabanata 3
Ang Plano ng Kaligtasan
“Ang ating Ama sa Langit ay bumuo ng plano ng kaligtasan para sa Kanyang mga espiritung anak … upang sila ay sumulong at umunlad hanggang sa matamo nila ang buhay na walang hanggan.”
Mula sa Buhay ni Joseph Fielding Smith
Noong Abril 29, 1901, namatay ang 18-taong-gulang na kapatid ni Joseph Fielding Smith na si Alice matapos magkasakit nang matagal. Malapit nang matapos noon si Joseph sa kanyang full-time mission sa England. Ang tugon niya sa pagpanaw ni Alice ay nagpakita ng kanyang pagmamahal sa kanyang pamilya at ng kanyang patotoo sa plano ng kaligtasan. “Napakatinding pagsubok nito sa aming lahat,” pagsulat niya sa kanyang journal. “Hindi ko akalaing malubha na pala siya bagama’t alam kong maysakit siya. Lubos kong inasahang makita siyang muli kasama ang iba pang mga miyembro ng pamilya sa loob ng ilang linggo, ngunit kalooban ng Diyos ang mangyari. Sa ganitong mga pagkakataon natin lubhang kailangan ang pag-asang dulot ng ebanghelyo. Lahat tayo ay magkikitang muli sa kabilang-buhay upang matamasa ang mga kasiyahan at pagpapala ng presensya ng bawat isa, kung saan ang ugnayan ng pamilya ay hindi na mapuputol pa, kundi lahat tayo ay mabubuhay upang tanggapin ang mga pagpapala, at maranasan ang magigiliw na awa ng ating Ama sa Langit. Nawa’y lagi kong matahak ang landas ng katotohanan, at igalang ang pangalang taglay ko, upang ang pagkikita namin ng aking pumanaw na mga kaanak ay tunay na maging napakatamis at walang hanggan sa akin, ang aba kong dalangin.”1
Nang maglingkod siya bilang Apostol at kalaunan bilang Pangulo ng Simbahan, paulit-ulit na pinatotohanan ni Pangulong Joseph Fielding Smith ang pag-asang hatid ng pagkaunawa sa ebanghelyo. Itinuro niya, “Mayroon tayong plano ng kaligtasan; ibinabahagi natin ang ebanghelyo; at ang ebanghelyo ang tanging pag-asa ng mundo, ang tanging paraang maghahatid ng kapayapaan sa lupa at magtatama sa mga kamaliang umiiral sa lahat ng bansa.”2
Mga Turo ni Joseph Fielding Smith
1
Sa daigdig ng mga espiritu bago tayo isinilang, nagalak tayong malaman ang plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit.
Lahat tayo ay miyembro ng mag-anak ng ating Ama sa Langit. Nabuhay tayo at nanahan sa piling Niya bago pa man inilatag ang pundasyon ng mundong ito. Nakita natin ang Kanyang mukha, nadama ang Kanyang pagmamahal, at narinig ang Kanyang mga turo, at nagtalaga Siya ng mga batas para sumulong tayo at umunlad at magkaroon ng sarili nating walang-hanggang pamilya.3
Bumuo ng plano ng kaligtasan ang ating Ama sa Langit para sa Kanyang mga espiritung anak. Ginawa ang planong ito upang makasulong sila at umunlad hanggang sa magtamo sila ng buhay na walang hanggan, na siyang tawag sa uri ng pamumuhay ng ating Ama sa Langit. Layon ng planong ito na bigyang-kakayahan ang mga anak ng Diyos na maging katulad niya at magkaroon ng kapangyarihan at kaalamang taglay Niya.4
Nalaman natin mula sa Mahalagang Perlas, na nagkaroon ng pulong sa langit, kung kailan tinawag ng Panginoon ang mga espiritu ng kanyang mga anak at inilahad sa kanila ang isang plano na dapat silang bumaba sa mundong ito, mabuhay bilang mortal at magkaroon ng pisikal na katawan, magdaan sa pagsubok ng mortalidad at tumuloy sa mas mataas na kadakilaan sa pamamagitan ng pagkabuhay na mag-uli na magaganap dahil sa pagbabayad-sala ng kanyang Bugtong na Anak na si Jesucristo [tingnan sa Moises 4:1–2; Abraham 3:22–28]. Ang isipin na sila ay magiging mortal at daranas ng lahat ng malalaking pagbabago sa buhay sa mundo kung saan magkakaroon sila ng mga karanasan sa pamamagitan ng pagdurusa, sakit, lungkot, tukso at paghihirap, gayundin ng lahat ng kasiyahan sa buhay na ito, at pagkatapos, kung sila ay tapat, mula sa pagkabuhay na mag-uli ay mabubuhay sila nang walang hanggan sa kaharian ng Diyos, upang maging katulad niya [tingnan sa I Juan 3:2], ay pinuspos sila ng lubos na kasayahan, at sila ay “[naghiyawan] sa kagalakan.” [Tingnan sa Job 38:4–7.] Ang karanasan at kaalamang natamo sa buhay sa mundong ito, na hindi nila makukuha sa iba pang paraan, at ang pagtanggap ng pisikal na katawan ay mahalaga sa kanilang kadakilaan.5
2
Ang Pagkahulog nina Adan at Eva ay bahagi ng plano ng Ama sa Langit.
Ang plano ng kaligtasan, o sistema ng mga batas, na kilala bilang ebanghelyo ni Jesucristo, ay tinanggap sa kalangitan, bago pa man inilatag ang pundasyon ng mundo. Itinakda roon na si Adan na ating ama ay paparito sa mundong ito at mamumuno sa buong sangkatauhan. Bahagi ng dakilang planong ito, na dapat niyang kainin ang ipinagbabawal na bunga at siya ay mahuhulog, na magdudulot ng dusa at kamatayan sa daigdig, para sa ikabubuti ng kanyang mga anak.6
Ang Pagkahulog ay mahalagang bahagi ng pagsubok sa buhay ng tao sa mundo. … Kung hindi kinain nina Eva at Adan ang bunga, hindi nila mararanasan ang dakilang kaloob na mortalidad. Bukod pa riyan, hindi sila magkakaanak, at ang napakahalagang utos na ibinigay sa kanila ng Panginoon ay hindi sana naisakatuparan.7
Ang Pagkahulog ni Adan ang nagsakatuparan ng lahat ng malalaking pagbabago sa buhay sa mundo. Nagdulot ito ng sakit, lungkot, kamatayan; ngunit hindi natin dapat kalimutan ang katotohanan na nagdulot din ito ng mga pagpapala. … Naghatid ito ng pagpapala ng kaalaman at pag-unawa at mortalidad.8
3
Isinakripisyo ni Jesucristo ang Kanyang Sarili para iligtas tayo mula sa Pagkahulog at sa ating mga kasalanan.
Paglabag ni Adan ang naging dahilan ng dalawang kamatayang ito, ang espirituwal at temporal—pinalayas ang tao mula sa kinaroroonan ng Diyos, at naging mortal at dumanas ng lahat ng karamdaman at kahinaan ng laman. Para maibalik siyang muli, kinailangang pagbayaran ang nilabag na batas. Hiningi iyon ng katarungan.9
Lubhang likas at makatarungan na ang nagkasala ang dapat parusahan—pagbayaran ang kanyang kasalanan. Kaya nga, nang labagin ni Adan ang batas, hiningi ng katarungan na siya, at wala nang iba, ang dapat managot sa kasalanan at tumbasan ng kanyang buhay ang kaparusahan. Ngunit si Adan mismo, nang labagin ang batas, ay napasailalim sa sumpa, at dahil napasailalim sa sumpa ay hindi makapagbayad-sala, o mapawalang-bisa ang kanyang nagawa. Ni ang kanyang mga anak, sapagka’t sila man ay sumailalim sa sumpa, at kinailangan ang isang taong hindi sumailalim sa sumpa na magbayad-sala para sa orihinal na kasalanang iyan. Bukod pa riyan, dahil tayong lahat ay sumailalim sa sumpa, wala rin tayong kapangyarihang magbayad-sala para sa kani-kanya nating kasalanan. Sa gayon ay kinailangang isugo ng Ama ang kanyang Bugtong na Anak, na walang kasalanan, upang magbayad-sala para sa ating mga kasalanan at para din sa paglabag ni Adan, na ayon sa katarungan ay dapat mangyari. Kaya nga isinakripisyo niya ang kanyang sarili para sa mga kasalanan, at sa pamamagitan ng kanyang kamatayan sa krus ay inako niya kapwa ang paglabag ni Adan at ang kani-kanya nating mga kasalanan, sa gayon ay matutubos tayo mula sa pagkahulog, at mula sa ating mga kasalanan, kung tayo ay magsisisi.10
Tungkulin nating ituro ang misyon ni Jesucristo. Bakit siya pumarito? Ano ang ginawa niya para sa atin? Paano tayo nakikinabang doon? Ano ang isinakripisyo niya para magawa ito? Aba, buhay niya ang naging kapalit, oo, higit pa sa kanyang buhay! Ano pa ang ginawa niya maliban sa hinayaan niyang ipako siya ng mga tao sa krus? Bakit siya ipinako roon? Ipinako siya roon upang matigis ang kanyang dugo para matubos tayo mula sa kahila-hilakbot na kaparusahang magaganap, ang mapalayas mula sa harapan ng Diyos. Namatay siya sa krus upang ibalik tayong muli, upang muling magsama ang ating katawan at espiritu. Ibinigay niya sa atin ang pribilehiyong iyan. Kung maniniwala lang tayo sa kanya at susundin ang kanyang mga utos, namatay siya para tubusin tayo sa ating mga kasalanan at hindi na tayo kailanganin pang parusahan. Binayaran na niya ito. …
… Walang sinumang makagagawa ng ginawa niya para sa atin. Hindi niya kailangang mamatay, maaari naman siyang tumanggi. Kusa niya itong ginawa. Ginawa niya ito dahil utos ito mula sa kanyang Ama. Alam niya kung anong pagdurusa ang kanyang daranasin; subalit, dahil sa kanyang pagmamahal sa atin, handa siyang gawin ito. …
Ang pagbabaon ng mga pako sa mga kamay at paa ng Tagapagligtas ang pinakamaliit na bahagi ng kanyang pagdurusa. Sa palagay ko, nakasanayan nating maramdaman o isipin na ang kanyang matinding paghihirap ay nang ipako siya sa krus at iwanan siyang nakabayubay roon. Mangyari pa, isang panahon iyan sa kasaysayan ng mundo kung kailan libu-libong kalalakihan ang nagdusa sa ganyang paraan. Kaya ang kanyang pagdurusa, kung iyon ang pag-uusapan, ay hindi naiiba sa pagdurusa ng iba pang kalalakihang ipinako nang gayon sa krus. Ano, kung gayon, ang matinding pagdurusa niya? Sana’y maipaunawa natin ang katotohanang ito sa isipan ng bawat miyembro ng Simbahang ito: Ang kanyang matinding pagdurusa ay naganap bago pa siya ipinako sa krus. Sa Halamanan ng Getsemani, sabi nga sa atin sa mga banal na kasulatan, tumagas ang dugo mula sa bawat maliit na butas ng kanyang katawan; at sa matinding paghihirap ng kanyang kaluluwa, ay nagsumamo siya sa kanyang Ama. Hindi iyon dahil sa mga pakong ibinaon sa kanyang mga kamay at paa. Huwag ninyo akong tanungin kung paano nangyari iyon dahil hindi ko alam ang sagot. Walang nakakaalam. Ang alam lang natin ay inako niya kahit paano ang napakatinding parusang iyan. Inako niya ang ating mga kasalanan, at binayaran ito, ng katumbas na pagdurusa.
Isipin ang Tagapagligtas na dala-dala ang magkakasamang pasanin ng bawat tao—pagdurusa—sa kung anong paraan na masasabi kong, hindi ko nauunawaan; tinatanggap ko lang—na naging dahilan upang siya ay dumanas ng matinding sakit, kumpara sa kakatiting na sakit ng pagbabaon ng mga pako sa kanyang mga kamay at paa. Nagsumamo Siya sa dalamhati, sa Kanyang Ama, “Kung ibig mo, ilayo mo sa akin ang sarong ito!” at hindi ito maaaring ilayo [tingnan sa Mateo 26:42; Marcos 14:36; Lucas 22:42]. Hayaan ninyong basahin ko sa inyo ang maikling paglalarawan ng Panginoon dito:
“Sapagkat masdan, ako, ang Diyos, ay pinagdusahan ang mga bagay na ito para sa lahat, upang hindi sila magdusa kung sila ay magsisisi;
“Subalit kung hindi sila magsisisi sila ay kinakailangang magdusa na katulad ko;
“Kung aling pagdurusa ay dahilan upang ang aking sarili, maging ang Diyos, ang pinakamakapangyarihan sa lahat, na manginig dahil sa sakit, at labasan ng dugo sa bawat pinakamaliit na butas ng balat, at magdusa kapwa sa katawan at sa espiritu —nagnais na kung maaari ay hindi ko lagukin ang mapait na saro at manliit—
“Gayon pa man, ang kaluwalhatian ay mapasa Ama, at ininom ko at tinapos ang aking paghahanda para sa mga anak ng tao.” [D at T 19:16–19.]
Kapag binabasa ko iyan napapakumbaba ako. Napakalaki ng kanyang pagmamahal sa sangkatauhan, sa sanglibutan, kaya’t handa siyang dalhin ang pasaning hindi kayang dalhin ng sinumang tao, at labis na magdusa na hindi kayang gawin ng ibang tao, nang sa gayon ay maligtas tayo.11
[Sabi] ng Anak ng Diyos: “Ako ay bababa at magbabayad-sala. Ako ang magiging Manunubos at tutubusin ko ang mga tao mula sa paglabag ni Adan. Dadalhin ko ang mga kasalanan ng sanlibutan at tutubusin o ililigtas ang bawat kaluluwa mula sa sarili niyang mga kasalanan kung siya ay magsisisi.”12
Ilarawan natin: Isang lalaking naglalakad sa daan ang nahulog sa hukay na napakalalim at napakadilim kung kaya’t hindi siya makaakyat at makawala. Paano niya ililigtas ang sarili sa kanyang gipit na kalagayan? Wala siyang magagawa, dahil walang paraan para makaahon mula sa hukay. Humingi siya ng saklolo, at narinig ng isang mabait na lalaki ang kanyang pagibik, at nagmadaling tulungan siya at nagbaba ng hagdan, at nagawan nito ng paraan para makaakyat siyang muli sa ibabaw. Sa sitwasyong ito mismo inilagay ni Adan ang kanyang sarili at ang kanyang angkan, nang kainin niya ang ipinagbabawal na bunga. Dahil magkakasama silang lahat sa hukay, walang makaahon sa ibabaw para tulungan ang iba. Ang hukay ay pagpapalayas mula sa harapan ng Panginoon at temporal na kamatayan, ang pagkaagnas ng katawan. At dahil lahat ay mamamatay, walang makapaglalaan ng paraan para makaligtas.13
Dumating ang Tagapagligtas, na hindi nahulog sa hukay na iyon, at nagbaba ng hagdan. Bumaba siya sa hukay at ginawang posibleng magamit natin ang hagdan para makaakyat.14
Sa kanyang walang-hanggang awa, dininig ng Ama ang pagsamo ng kanyang mga anak at isinugo ang kanyang Bugtong na Anak, na hindi saklaw ng kamatayan ni ng kasalanan, upang maglaan ng paraan para makaligtas. Ginawa niya ito sa pamamagitan ng kanyang walang-hanggang pagbabayad-sala at walang-hanggang ebanghelyo.15
Ang pasasalamat sa ating puso ay dapat mag-umapaw sa pagmamahal at pagsunod sa dakila at magiliw na awa [ng Tagapagligtas]. Dahil sa kanyang ginawa dapat nating gawin ang inaasahan niya sa atin. Tinubos niya tayo, kapalit ng kanyang matinding pagdurusa at pagtigis ng kanyang dugo habang nakapako sa krus.16
4
Nakasalig sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, sinisikap nating makamit ang ating kaligtasan habang tayo’y nabubuhay.
Ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo ang pinakamahalagang nilalang sa dakilang planong ito ng pag-unlad at kaligtasan.17
Nakasandig sa saligan ng pagbabayad-sala, ang plano ng kaligtasan ay binubuo ng mga sumusunod:
Una, kailangan nating sumampalataya sa Panginoong Jesucristo; kailangan nating tanggapin siya bilang Anak ng Diyos; kailangan nating magtiwala sa kanya, umasa sa kanyang salita, at hangaring mabiyayaan sa pagsunod sa kanyang mga batas.
Ikalawa, kailangan nating pagsisihan ang ating mga kasalanan; kailangan nating talikuran ang mundo; kailangan nating ipasiya sa ating puso, nang walang pag-aalangan, na mamuhay nang banal at matwid.
Ikatlo, kailangan tayong mabinyagan sa tubig, ng isang legal na tagapangasiwa, na may kapangyarihang magbigkis sa lupa at magbuklod sa langit; sa pamamagitan ng sagradong ordenansang ito, kailangan tayong makipagtipan na paglilingkuran natin ang Panginoon at susundin ang kanyang mga utos.
Ikaapat, kailangan nating tanggapin ang kaloob na Espiritu Santo; kailangan tayong isilang na muli; kailangang sunugin ang kasalanan at kasamaan sa ating kaluluwa na parang tinupok ng apoy; kailangan tayong maging bagong nilikha sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.
Ikalima, kailangan tayong magtiis hanggang wakas; kailangan nating sundin ang mga utos matapos mabinyagan; kailangan nating pagsikapang magkamit ng kaligtasan nang may takot at panginginig sa harapan ng Panginoon; kailangan tayong mamuhay sa paraang tataglayin natin ang mga katangian ng kabanalan at maging uri ng mga tao na maaaring magtamasa ng kaluwalhatian at kababalaghan ng kahariang selestiyal.18
Ngayon ay pinatototohanan ko na ang mga batas na ito na kailangang sundin ng mga tao para magtamo ng kaligtasan, at siyang bumubuo sa ebanghelyo ni Jesucristo, ay inihayag na sa panahong ito sa mga propeta at apostol, at pinamamahalaan ngayon ng kanyang simbahan, na itinatag niyang muli sa lupa.19
Tayong lahat, na naririto sa mundong ito, ay sinusubok. Ipinadala tayo rito unang-una upang magkaroon ng tabernakulo [katawan] ang ating walang-hanggang espiritu; ikalawa, upang patunayan ang ating katapatan sa pamamagitan ng pagsubok, at dumanas ng paghihirap at gayundin ng lubos na kagalakan at kaligayahan na matatamo sa sagradong pakikipagtipan na sundin ang walang-hanggang mga alituntunin ng ebanghelyo. Ang mortalidad, tulad ng ipinaalam ni Lehi sa kanyang mga anak, ay isang “kalagayan ng pagsubok.” (2 Nephi 2:21.) Dito tayo susubukan kung mamahalin at pagpipitaganan pa rin natin ang ating Amang Walang Hanggan, kahit malayo tayo sa kanyang piling ngunit tinuruan pa rin kung paano magtamo ng buhay na walang hanggan, at magiging tapat sa kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo.20
Naparito tayo upang subukan at patunayan sa pamamagitan ng pagharap sa kasamaan at gayundin sa kabutihan. … Hinayaan ng Ama si Satanas at ang kanyang mga kampon na tuksuhin tayo, ngunit sa patnubay ng Espiritu ng Panginoon at mga utos na ibinigay niya sa paghahayag, handa tayong magpasiya. Kung gagawa tayo ng masama, binalaan tayo na parurusahan tayo; kung gagawa tayo ng mabuti, tatanggap tayo ng walang-hanggang gantimpala ng kabutihan.21
Ang buhay sa mundong ito [ay] maikli, isang maikling panahon lamang sa pagitan ng walang-hanggang nakaraan at walang-hanggang hinaharap. Subalit ito [ay] isang napakahalagang panahon. … Ang buhay na ito ang pinakamahalagang panahon sa ating walang-hanggang pag-iral.22
5
Lahat ng tao ay pagpapalaing mabuhay na mag-uli sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
Pumarito tayo sa daigdig na ito para mamatay. Naunawaan natin iyan bago tayo pumarito. Bahagi ito ng plano, na tinalakay at isinaayos na lahat bago pa isinilang ang mga tao sa mundo. … Handa tayo noon at maluwag ang kalooban nating maglakbay mula sa piling ng Diyos sa daigdig ng mga espiritu patungo sa mortal na daigdig, para dumanas ng lahat ng ukol sa buhay na ito, ng kasiyahan at dalamhati nito, at mamatay; at ang kamatayan ay singhalaga ng pagsilang.23
Ang pisikal na kamatayan, o kamatayan ng taong mortal, ay hindi permanenteng paghihiwalay ng espiritu at katawang-lupa, sa kabila ng katotohanang muling babalik ang katawan sa alabok, kundi pansamantalang paghihiwalay lamang na matatapos sa pagkabuhay na mag-uli kapag muling pinabangon ang katawan mula sa alabok upang mabuhay na muli na pinakikilos ng espiritu. Ang pagpapalang ito ay dumarating sa lahat ng tao sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo, mabuti man sila o masama habang sila ay buhay. Sinabi ni Pablo na dapat mabuhay na mag-uli kapwa ang ganap [makatarungan] at hindi ganap [hindi makatarungan] (Mga Gawa 24:15), at sinabi ng Tagapagligtas na lahat ng nasa libingan ay dapat marinig ang kanyang tinig at dapat magsibangon “ang mga nagsigawa ng mabuti, … sa pagkabuhay na maguli sa buhay; at ang mga nagsigawa ng masama, … sa pagkabuhay na maguli sa paghatol” (Juan 5:29).24
Bawat mahalagang bahagi ng katawan ay ibabalik sa tamang lugar nito sa pagkabuhay na mag-uli, anuman ang mangyari sa katawan pagkamatay ito. Sinunog man ito, kinain ng pating, o anupaman. Bawat mahalagang bahagi nito ay ibabalik sa tamang lugar nito.25
Ang mga espiritu ay hindi magagawang ganap kung wala ang katawang may laman at buto. Ang katawang ito at ang espiritu nito ay magiging imortal at pagpapalain ng kaligtasan sa pamamagitan ng pagkabuhay na mag-uli. Matapos ang pagkabuhay na mag-uli hindi na magkakaroon ng paghihiwalay, ang katawan at espiritu ay hindi na mapaghihiwalay upang ang tao ay tumanggap ng ganap na kagalakan. Maliban sa pagsilang sa buhay na ito at sa pagkabuhay na mag-uli, wala nang ibang paraan para maging katulad ng ating Amang walang hanggan ang mga espiritu.26
6
Ang matatapat ay magmamana ng buhay na walang hanggan kasama ang kanilang pamilya sa piling ng Ama sa Langit.
Nagmamana ng kayamanan ang ilang tao dahil sa kasipagan ng kanilang mga ama. Ang ilan ay nagmana ng kaharian, kapangyarihan, at mataas na katayuan sa mundo, sa kanilang kapwa-tao. Hinahangad ng ilan na magmana ng makamundong kaalaman at kabantugan sa pamamagitan ng kasipagan at tiyaga; ngunit may isang pamanang nakahihigit sa lahat ang kahagalahan, iyon ang ang pamana ng walang-hanggang kadakilaan.
Sinasabi sa mga Banal na Kasulatan na ang buhay na walang hanggan—na siyang buhay na taglay ng ating Amang Walang Hanggan at ng kanyang Anak na si Jesucristo,—ang pinakadakilang kaloob ng Diyos [tingnan sa D at T 14:7]. Tanging yaong mga nalinis sa lahat ng kasalanan ang tatanggap nito. Ipinangako ito sa mga “pinangibabawan ng pananampalataya, at ibinuklod sa pamamagitan ng Banal na Espiritu ng pangako, na siyang ibinubuhos ng Ama sa lahat ng yaong matwid at totoo. Sila ang mga yaong simbahan ng Panganay. Sila ang mga yaong kung kaninong kamay ibinigay ng Ama ang lahat ng bagay.” [D at T 76:53–55; tingnan din sa talata 52.]27
Ang planong ito ng kaligtasan ay nakasentro sa pamilya. … Layon [nito] na bigyan tayo ng kakayahang magbuo ng sarili nating pamilyang walang hanggan.28
Ang mga tumatanggap ng kadakilaan sa kahariang selestiyal ay magkakaroon ng “pagpapatuloy ng mga binhi magpakailanman.” Mabubuhay sila bilang isang pamilya.29
Itinuturo sa atin sa ebanghelyo ni Jesucristo na ang organisasyon ng pamilya, kung kadakilaang selestiyal ang pag-uusapan, ay magiging ganap, isang organisasyon na nakaugnay ang ama at ina at mga anak ng isang henerasyon sa ama at ina at mga anak ng susunod na henerasyon, kaya nga lalawak at lalaganap ito hanggang sa katapusan ng panahon.30
Ang maluwalhating mga pagpapalang ito na walang-hanggang pamana … ay matatanggap lang kung handa tayong sundin ang mga utos at magdusa ring kasama ni Cristo kung kailangan. Sa madaling salita, yaong mga maaaring tumanggap ng buhay na walang hanggan—ang pinakadakilang kaloob ng Diyos—ay inaasahang isakripisyo ang lahat ng mayroon sila, kung kailangan, dahil kahit gawin nila iyon, at ipaalay ang kanilang buhay para sa kanyang adhikain, hindi nila siya mababayaran kailanman sa saganang pagpapalang natatanggap nila at ipinangako sa kanila batay sa pagsunod nila sa kanyang mga batas at kautusan.31
Kapag nilisan natin ang mundo at natanggap natin ang kabuuan ng ebanghelyo, maaari tayong pumasok sa kaluwalhatiang selestiyal; hindi, higit pa tayo sa maaaring pumasok, kung tayo ay tapat, sapagka’t tiniyak sa atin ng Panginoon na sa pamamagitan ng ating katapatan, papasok tayo sa kahariang selestiyal. …
… Mamuhay tayo sa paraang makatitiyak tayo sa ating kalalagyan, at nang malaman natin, batay sa uri ng ating pamumuhay, na papasok tayo sa Kanyang kinaroroonan at mananahan sa piling Niya, at tatanggap ng ipinangakong buong pagpapala. Sino sa mga Banal sa mga Huling Araw ang makukuntento kung hindi makakamtan ang lubos na kaligtasang ipinangako sa atin? … Kailangan nating magpatuloy, nang mapagkumbaba, at may pagsisisi; na sinusunod ang mga utos hanggang sa wakas, sapagka’t ang ating pag-asa at mithiin ay buhay na walang hanggan, at iyan ang buhay sa piling ng Ama at ng Anak; “At ito ang buhay na walang hanggan,” sabi ng Panginoon, “na ikaw ay makilala nila na isang Dios na tunay, at siyang iyong sinugo, sa makatuwid baga’y si Jesucristo.” Juan 17:3]32
Ako ay nasa matatawag kong dapit-hapon na ng aking buhay, na natatanto na hindi magtatagal ay uutusan akong mag-ulat tungkol sa naging buhay ko sa mundo. …
Natitiyak ko na mahal nating lahat ang Panginoon. Alam ko na siya ay buhay, at inaasam ko ang araw na iyon na makikita ko ang kanyang mukha, at sana’y marinig ko ang kanyang tinig na sinasabi sa akin: “Magsiparito kayo, mga pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kahariang nakahanda sa inyo buhat nang itatag ang sanglibutan.” (Mateo 25:34.)
At dalangin ko na ito ang maging masayang kapalaran nating lahat, sa sarili nating takdang panahon.33
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Mga Tanong
-
Habang binabasa ninyo ang journal entry sa “Mula sa Buhay ni Joseph Fielding Smith,” isipin ang isang pagkakataon na napanatag kayo sa inyong patotoo tungkol sa plano ng kaligtasan. Paano kaya ninyo matutulungan ang isang kapamilya o kaibigan na mapanatag nang gayon?
-
Paano makakatulong ang mga turo ni Pangulong Smith tungkol sa kapulungan sa langit sa pagharap natin sa mga pagsubok? (Tingnan sa bahagi 1.)
-
Itinuro ni Pangulong Smith na “hindi natin dapat kalimutan ang katotohanan na nagdulot ng mga pagpapala [ang Pagkahulog nina Adan at Eva]” (bahagi 2). Sa palagay ninyo bakit mahalagang tandaan ang katotohanang ito? Ano ang ilan sa mga pagpapalang natanggap ninyo dahil sa Pagkahulog?
-
Sa bahagi 3, paano nauugnay sa ating buhay ang halimbawa ni Pangulong Smith tungkol sa lalaking nahulog sa hukay? Pag-isipan kung paano kayo nasagip ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala.
-
Ano ang ipinahihiwatig ng mga salita ni Pangulong Smith sa bahagi 4 tungkol sa layunin ng ating buhay sa mundo? Ano ang ibinigay sa atin ng Panginoon para tulungan tayong malagpasan nang ligtas ang panahong ito ng pagsubok?
-
Paano ninyo matutulungan ang isang tao na maunawaan ang pahayag ni Pangulong Smith sa bahagi 5 na “ang kamatayan ay singhalaga ng pagsilang”? Paano nakaimpluwensya ang doktrina ng pagkabuhay na mag-uli sa buhay ninyo?
-
Sa anong mga paraan naiiba ang makamundong kayamanan sa “walang-hanggang pamana” na maaari nating matanggap sa pamamagitan ng plano ng kaligtasan? (Tingnan sa bahagi 6.) Paano makakatulong ang pag-unawa sa mga kaibhang ito sa paghahanda natin para sa buhay na walang hanggan?
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan
Job 38:4–7; 2 Nephi 2:15–29; 9:5–27; Alma 12:20–35; D at T 19:16–19; Moises 5:10–12
Tulong sa Pagtuturo
“Upang matulungan tayo sa pagtuturo mula sa mga banal na kasulatan at sa mga salita ng mga propeta sa mga huling araw, gumawa ang Simbahan ng mga manwal ng aralin at iba pang mga materyal. Kaunti lamang ang pangangailangan para sa mga komentaryo o iba pang materyal na sanggunian” (Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin: Mapagkukunang Gabay sa Pagtuturo ng Ebanghelyo [2000], 63).