Kabanata 17
Kapangyarihang Magbuklod at mga Pagpapala ng Templo
“Pumarito si Elijah upang ipanumbalik sa lupa … ang kabuuan ng kapangyarihan ng priesthood. Ang priesthood na ito ang mayhawak ng mga susi ng pagbibigkis at pagbubuklod sa lupa at sa langit ng lahat ng ordenansa at alituntuning nauukol sa kaligtasan ng tao.”
Mula sa Buhay ni Joseph Fielding Smith
Noong 1902 naglakbay si Joseph Fielding Smith patungong estado ng Massachusetts, kung saan siya nakakita ng impormasyon tungkol sa kanyang mga ninuno sa lahi ng mga Smith. Habang naroon, nakilala niya ang genealogist na si Sidney Perley. Sinabi sa kanya ni Mr. Perley, “Pangarap ko, kung makakaya kong gawin, na hanapin ang mga talaan ng bawat taong nagpunta sa Essex County bago sumapit ang taong 1700.”
Ikinuwento ni Pangulong Smith kalaunan: “Sinabi ko sa kanya, ‘Mr. Perley, mabigat ang trabahong pinili mong gawin, ‘no?’ Sagot niya, ‘Oo, at nag-aalala ako na baka hindi ko ito matapos kahit kailan.’ Pagkatapos ay sinabi ko sa kanya, ‘Bakit mo ito ginagawa?’ Nag-isip siya sandali at mukhang naguguluhan at pagkatapos ay sumagot, ‘Hindi ko alam kung bakit, pero nagsimula ako, at hindi na ako makatigil.’ Sabi ko, ‘Masasabi ko sa iyo kung bakit mo ginagawa ito at bakit hindi ka makatigil, pero kung gagawin ko iyon, hindi ka maniniwala sa akin at pagtatawanan mo ako.’
“‘Ah,’ sabi niya, ‘hindi naman siguro. Kung masasabi mo sa akin, sigurado kong magiging interesado ako.’ Pagkatapos ay sinabi ko sa kanya ang propesiya tungkol kay Elijah at ang katuparan ng pangakong ito kina Propetang Joseph Smith at Oliver Cowdery, noong Abril 3, 1836, sa Kirtland Temple, at kung paano sumiglang magsaliksik ang maraming tao, at ibinaling nila ang kanilang puso sa paghahanap sa mga patay upang maisakatuparan ang dakilang pangakong ito na darating bago sumapit ang ikalawang pagparito, upang hindi bagabagin ng sumpa ang sangkatauhan. Ibinaling nga ng mga anak ang kanilang puso sa kanilang ama, at isinagawa ang mga ordenansa para sa mga patay para matubos sila at magkaroon ng pribilehiyong makapasok sa kaharian ng Diyos, kahit patay na.
“Nang makatapos ako, tumawa siya at sinabi niya, ‘Napakagandang kuwento, pero hindi ako naniniwala.’ Subalit inamin niya na may nagtulak sa kanya na ituloy ang pagsasaliksik na ito, at hindi siya makatigil. Marami pa akong nakilalang nagsimula at hindi rin makatigil, mga lalaki at babaeng hindi miyembro ng Simbahan. Kaya nakikita natin ngayon ang libu-libong lalaki at babaeng nagsasaliksik sa mga talaan ng mga patay. Hindi nila alam kung bakit, pero iyon ay upang matamo natin ang tinipong mga talaang ito at makapunta tayo sa ating mga templo at isagawa ang gawain para sa ating mga patay.”1
Itinuro ni Pangulong Smith na ang family history ay higit pa sa paghahanap ng mga pangalan, petsa, at lugar at pangangalap ng mga kuwento. Tungkol ito sa paglalaan ng mga ordenansa sa templo na nagbibigkis sa mga pamilya para sa walang-hanggan, nagbubuklod sa matatapat na tao sa lahat ng henerasyon bilang mga miyembro ng pamilya ng Diyos. “Ang mga magulang ay kailangang mabuklod sa isa’t isa, at ang mga anak sa mga magulang para matanggap nila ang mga pagpapala ng kahariang selestiyal,” sabi niya. “Samakatwid ay nakasalalay ang ating kaligtasan at pag-unlad sa kaligtasan ng ating karapat-dapat na mga patay na kailangang mabuklod sa atin bilang pamilya. Maisasagawa lamang ito sa ating mga Templo.”2 Bago inialay ang panalangin ng paglalaan sa Ogden Utah Temple, sinabi niya, “Nais kong ipaalala sa inyo na kapag naglalaan tayo ng bahay sa Panginoon, ang talagang ginagawa natin ay inilalaan natin ang ating sarili sa paglilingkod sa Panginoon, sa isang tipan na gagamitin natin ang bahay sa paraang nilayon niyang gamitin ito.”3
Mga Turo ni Joseph Fielding Smith
1
Ipinanumbalik ni Elijah ang kapangyarihang magbuklod, o magbigkis, sa lupa at sa langit.
Tinapos ni Malakias, ang pinakahuli sa mga propeta ng Lumang Tipan, ang kanyang mga propesiya sa mga salitang ito:
“Narito, aking susuguin sa inyo si Elias na propeta bago dumating ang dakila at kakilakilabot na kaarawan ng Panginoon.
“At kaniyang papagbabaliking-loob ang puso ng mga ama sa mga anak, at ang puso ng mga anak sa kanilang mga magulang; baka ako’y dumating at saktan ko ang lupa ng sumpa.” (Malakias 4:5–6.)
Tila angkop na angkop lamang na tapusin ng pinakahuli sa mga propeta sa lumang tipan ang kanyang mga salita sa isang pangako sa darating na mga henerasyon, at sa pangakong iyan ay ipropesiya na darating ang panahon na mauugnay ang mga nakaraang dispensasyon sa mga dispensasyon sa mga huling araw. …
Mayroon tayong mas malinaw na interpretasyon ng mga salita ni Malakias na ibinigay ng propetang Nephita na si Moroni, na nagpakita kay Joseph Smith noong Setyembre 21, 1823. Binanggit ito ng anghel sa ganitong paraan:
“Masdan, ipahahayag ko sa inyo ang Pagkasaserdote, sa pamamagitan ng kamay ni Elijah, ang propeta, bago dumating ang dakila at kakila-kilabot na araw ng Panginoon.
“At kanyang itatanim sa mga puso ng mga anak ang mga pangakong ginawa sa mga ama, at ang mga puso ng mga anak ay magbabalik-loob sa kanilang mga ama.
“Kung hindi magkagayon, ang buong mundo ay lubusang mawawasak sa kanyang pagparito.” (D at T 2:1–3.)
Ipinaalam ni Moroni kay Joseph Smith na ang propesiyang ito ay matutupad na. Natupad ito makalipas ang mga labindalawang taon, noong Abril 3, 1836. Sa araw na ito nagpakita si Elijah kina Joseph Smith at Oliver Cowdery sa Kirtland Temple at doo’y ipinagkaloob sa kanila … ang kapangyarihang magbigkis, o magbuklod, sa lupa at sa langit. Ang mga susi ng priesthood na ito ay hawak ni Elijah, na binigyan ng kapangyarihan ng Panginoon na mangibabaw sa mga elemento at maging sa mga tao, na may awtoridad na ibuklod sa mabubuti sa panahong ito at sa kawalang-hanggan ang lahat ng ordenansang nauukol sa kaganapan ng kaligtasan.4
Ang ilang miyembro ng Simbahan ay nalilito sa pag-iisip na dumating si Elijah na hawak ang mga susi ng binyag para sa mga patay o ng kaligtasan para sa mga patay. Higit pa riyan ang mga susing hawak ni Elijah. Ito ay mga susi ng pagbubuklod, at ang mga susing iyon ng pagbubuklod ay mahalaga sa mga buhay at gayundin sa mga patay na handang magsisi.5
Pumarito si Elijah upang ipanumbalik sa lupa, sa pamamagitan ng pagkakaloob sa mortal na mga propeta na inatasan ng Panginoon, ang kabuuan ng kapangyarihan ng Priesthood. Ang Priesthood na ito ang mayhawak ng mga susi ng pagbibigkis at pagbubuklod sa lupa at sa langit ng lahat ng ordenansa at alituntuning nauukol sa kaligtasan ng tao, nang sa gayon ay magkaroon ito ng bisa sa kahariang selestiyal ng Diyos. …
Sa pamamagitan ng awtoridad na ito isinasagawa ang mga ordenansa sa mga templo kapwa para sa mga buhay at sa mga patay. Ito ang kapangyarihang nagbibigkis nang walang hanggan sa mga mag-asawa kapag nagpakasal sila ayon sa walang-hanggang plano. Ito ang awtoridad kung saan ang mga magulang ay may karapatang maging mga magulang sa kanilang mga anak sa buong kawalang-hanggan at hindi lamang para sa buhay na ito, kaya nagiging walang-hanggan ang pamilya sa Kaharian ng Diyos.6
2
Ang panunumbalik ng awtoridad na magbuklod ay nagliligtas sa mundo sa lubusang pagkawasak sa pagparito ni Jesucristo.
Kung hindi dumating si Elijah mapapaniwalaan natin na nasayang ang lahat ng ginawa noong mga nakaraang panahon, dahil sinabi ng Panginoon na ang buong mundo, na nasa gayong kalagayan, ay lubusang mawawasak sa kanyang pagparito. Samakatwid napakahalaga ng kanyang misyon sa mundo. Hindi lamang ito tungkol sa binyag para sa mga patay, kundi pati na rin sa pagbubuklod ng mga magulang at ng mga anak sa mga magulang, kaya dapat magkaroon ng “isang buo at husto at ganap na pagsasanib, at pag-uugnay na magkakasama ng mga dispensasyon, at mga susi, at mga kapangyarihan, at mga kaluwalhatian,” mula sa simula hanggang sa katapusan ng panahon [tingnan sa D at T 128:18]. Kung ang kapangyarihang ito na magbuklod ay wala sa lupa, maghahari ang kalituhan at kaguluhan sa araw ng pagparito ng Panginoon, at, mangyari pa, hindi maaari iyon, sapagkat lahat ng bagay ay pinamamahalaan at ipinatutupad ng sakdal na kautusan sa kaharian ng Diyos.7
Bakit mawawasak ang mundo? Simple lang, dahil kung walang nag-uugnay sa mga ama at anak—na siyang gawain para sa mga patay—itatatwa tayong lahat; ang buong gawain ng Diyos ay mabibigo at lubusang masasayang. Siyempre, hindi mangyayari iyon.8
Ang panunumbalik ng awtoridad na ito [na magbuklod] ang lebadurang nagliligtas sa mundo mula sa lubusang pagkawasak sa pagparito ni Jesucristo. Kapag isinaisip natin ang katotohanang ito nang lubusan at malinaw, madaling maunawaan na magkakaroon lang ng kaligaligan at kapahamakan kapag dumating si Cristo nang wala rito ang kapangyarihang magbuklod.9
3
Para ganap na mapaghandaan ang kaligtasan, kailangan nating tanggapin ang mga ordenansa sa templo sa pamamagitan ng kapangyarihang magbuklod.
Binigyan tayo ng Panginoon ng mga pribilehiyo at pagpapala, at ng pagkakataong makipagtipan, tanggapin ang mga ordenansang nauukol sa ating kaligtasan na higit pa sa ipinangaral sa mundo, higit pa sa mga alituntunin ng pananampalataya sa Panginoong Jesucristo, pagsisisi sa kasalanan at pagbibinyag para matubos sa mga pagkakasala at pagpapatong ng mga kamay para sa kaloob na Espiritu Santo; at ang mga alituntunin at tipang ito ay sa templo ng Diyos lamang matatanggap.10
Ang gawain sa templo ay lubhang nauugnay sa plano ng kaligtasan, kaya hindi mananatili ang isa kung wala ang isa pa. Sa madaling salita, hindi magkakaroon ng kaligtasan kung wala ang mga ordenansa na sa templo lamang matatagpuan.11
Libu-libong mga Banal sa mga Huling Araw ang … handang dumalo sa mga pulong ng Simbahan, magbayad ng kanilang ikapu at gumanap sa regular na mga tungkulin ng Simbahan, ngunit tila hindi madama o maunawaan ang kahalagahan ng pagtanggap ng mga pagpapala sa templo ng Panginoon na maghahatid sa kanila sa kadakilaan. Nakapagtataka. Tila kuntento nang mabuhay ang mga tao nang hindi sinasamantala ang mga pagkakataong ibinigay sa kanila at hindi tinatanggap ang mahahalagang tipang ito na magbabalik sa kanila sa piling ng Diyos bilang Kanyang mga anak.12
Kung nais ninyong maligtas nang lubusan, na siyang kadakilaan sa kaharian ng Diyos, … kailangan ninyong magpunta sa templo ng Panginoon at tanggapin ang mga banal na ordenansang ito na nasa bahay na iyon, na hindi matatanggap sa ibang lugar. Walang sinumang makatatanggap ng kaganapan ng kawalang-hanggan, ng kadakilaan nang mag-isa; walang babaeng makatatanggap ng pagpapalang iyan nang mag-isa; ngunit ang mag-asawa, kapag tinanggap nila ang kapangyarihang magbuklod sa templo ng Panginoon, ay magtatamo ng kadakilaan, at magpapatuloy at magiging katulad ng Panginoon. At iyan ang tadhana ng tao, iyan ang hangad ng Panginoon para sa Kanyang mga anak.13
Paunawa: Para mabasa ang ilan sa mga salita ni Pangulong Smith na nagbibigay ng pag-asa at pangako sa matatapat na taong hindi nakatanggap ng lahat ng ordenansa sa templo noong nabubuhay sila, tingnan sa kabanata 15 sa aklat na ito.
4
Dahil sa kapangyarihang magbuklod, makapagsasagawa tayo ng nakapagliligtas na mga ordenansa para sa mga namatay na hindi nakatanggap nito.
Sino ang mga amang binanggit ni Malakias, at sino ang mga anak? Ang mga ama ay ang ating mga ninunong namatay na hindi nagkaroon ng pribilehiyong tanggapin ang Ebanghelyo, ngunit natanggap ang pangako na darating ang panahon na ipagkakaloob sa kanila ang pribilehiyong ito. Ang mga anak ay ang mga taong nabubuhay ngayon na naghahanda ng kanilang genealogy at nagsasagawa ng mga ordenansa sa mga Templo para sa mga patay.14
Dumating si Elijah, taglay ang mga susi ng pagbubuklod, at ibinigay sa atin ang kapangyarihan para matulungan natin ang mga patay. Sakop ng kapangyarihang ito na magbuklod ang mga patay na handang magsisi at tanggapin ang ebanghelyo na namatay nang hindi ito nalalaman, tulad ng pagtulong nito sa mga buhay na nagsisisi.15
Iniutos ng Panginoon na lahat ng kanyang espiritung anak, bawat kaluluwang nabuhay o mabubuhay sa lupa, ay magkaroon ng pantay-pantay at makatarungang pagkakataong paniwalaan at sundin ang mga batas ng kanyang walang-hanggang ebanghelyo. Ang mga tumatanggap sa ebanghelyo at namumuhay alinsunod sa mga batas nito, kabilang na ang binyag at selestiyal na kasal, ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan.
Kitang-kita na kakaunting tao pa lamang ngayon ang nakarinig sa salita ng inihayag na katotohanan mula sa tinig ng isa sa mga tunay na lingkod ng Panginoon. Sa karunungan at katarungan ng Panginoon, kailangan itong marinig ng lahat. Sabi nga ni Pedro:
“Sapagka’t dahil dito’y ipinangaral maging sa mga patay ang evangelio, upang sila, ayon sa mga tao sa laman ay mangahatulan, datapuwa’t mangabuhay sa espiritu ayon sa Dios.” (I Pedro 4:6.)
Ang mga hindi nagkaroon ng pagkakataong marinig ang mensahe ng kaligtasan sa buhay na ito na tatanggapin sana iyon nang buong puso kung nagkaroon sila ng pagkakataon—sila ang tatanggap nito sa daigdig ng mga espiritu; sila ang gagawan natin ng mga ordenansa sa mga templo; at sila, sa ganitong paraan, ang makakasama nating tagapagmana ng kaligtasan at buhay na walang hanggan.16
Ang pagbaling ng puso ng mga ama sa mga anak at ng mga anak sa mga ama ang kapangyarihan ng kaligtasan para sa mga patay, sa pagsasagawa ng mga anak ng mga ordenansa para sa kanilang pumanaw na mga ninuno, at ito ay lubhang makatwiran at maaasahan. Maraming beses ko nang narinig mula sa mga tutol sa gawaing ito na imposibleng magsagawa ng ordenansa ang isang tao para sa ibang taong patay na. Nakakaligtaan ng mga nagpapahayag nito ang katotohanan na ang buong gawain ng kaligtasan ay isang gawain para sa mga patay, na si Jesucristo ang tumatayong tagapagbayad-sala, para tubusin tayo mula sa kamatayan, na hindi tayo ang may pananagutan, at tutubusin din tayo mula sa responsibilidad sa sarili nating mga sala, kung magsisisi tayo at tatanggapin natin ang ebanghelyo. Nagawa niya ito nang malawakan at sa alituntunin ding ito ay ibinigay niya ang awtoridad sa mga miyembro ng kanyang Simbahan na isagawa ang nakapagliligtas na mga ordenansa para sa mga patay na hindi makagawa nito para sa kanilang sarili.17
Palagay ko kung minsan ay medyo makitid ang pang-unawa natin tungkol sa gawaing ito ng kaligtasan ng mga patay. Mali ang isipin na patay na ang mga taong ginagawan natin ng ordenansa sa templo ng Panginoon. Dapat nating isipin na buhay pa sila; at ang buhay na proxy ay kumakatawan lamang sa kanila sa pagtanggap ng mga pagpapalang dapat ay natanggap nila at tatanggapin sana nila sa buhay na ito kung nabuhay sila sa isang dispensasyon ng ebanghelyo. Samakatwid bawat taong patay na ginagawan ng ordenansa sa templo ay itinuturing na buhay sa oras na isagawa ang ordenansa.18
Ang doktrinang ito ng kaligtasan para sa mga patay ay isa sa mga pinakadakilang alituntuning inihayag sa tao. Sa ganitong paraan iaalok ang ebanghelyo sa lahat ng tao. Sinasabi nito ang katotohanan na ang Diyos ay walang itinatanging tao [tingnan sa Mga Gawa 10:34]; na bawat kaluluwa ay mahalaga sa Kanyang paningin; at na katunayan ay totoong lahat ng tao ay hahatulan ayon sa kanilang mga ginawa.
Ngayon, nagpapasalamat ako sa Panginoon na naipanumbalik Niya sa atin ang Kanyang walang-hanggang ebanghelyo sa panahong ito. Nagpapasalamat ako sa Kanya para sa kapangyarihang magbuklod na ibinalik sa lupa ni Propetang Elijah. Nagpapasalamat ako sa Kanya para sa walang-hanggang pamilya, sa pribilehiyong mabuklod tayo mismo sa kanyang mga banal na templo, upang ang mga pagpapala ng pagbubuklod na ito ay matamo ng ating mga ninunong namatay nang walang alam tungkol sa ebanghelyo.19
5
Ang gawain sa family history at sa templo para sa mga patay ay pagpapakita ng pagmamahal.
Maraming mabubuti at mapagpakumbabang kaluluwang pinagkaitan ng ginhawa ang kanilang sarili, at ng mga pangangailangan sa buhay, kung minsan, para maihanda nila ang mga talaan at isagawa ang mga ordenansa para sa kanilang mga patay upang sila ay maligtas. Ang mga pagpapakitang ito ng pagmamahal ay hindi mawawalan ng saysay, dahil lahat ng nagsasagawa ng kabutihang ito ay masusumpungan ang kanilang yaman sa kahariang selestiyal ng Diyos. Dakila ang kanilang magiging gantimpala, oo, maging higit pa sa kayang unawain ng mga mortal.20
Wala nang ibang gawaing nauugnay sa ebanghelyo na hindi-makasarili kaysa sa gawain sa Bahay ng Panginoon, para sa ating mga patay. Hindi umaasa ng anumang kabayaran o gantimpala sa lupa ang mga nagsasagawa ng ordenansa para sa mga patay. Higit sa lahat, ito ay pagpapakita ng pagmamahal, na nagmula sa puso ng tao sa pamamagitan ng tapat at palagiang pagsasagawa ng nakapagliligtas na mga ordenansang ito. Wala ngang kikitain, ngunit magkakaroon ng malaking kagalakan sa langit sa piling ng mga kaluluwang natulungan nating maligtas. Isang gawain ito na nagpapalaki sa kaluluwa ng tao, nagpapalawak sa kanyang pananaw hinggil sa kapakanan ng kanyang kapwa, at nagtatanim ng pagmamahal sa kanyang puso para sa lahat ng anak ng ating Ama sa Langit. Walang gawaing makakapantay sa gawain sa templo para sa mga patay sa pagtuturo sa isang tao na mahalin ang kanyang kapwa na tulad sa kanyang sarili. Labis na minahal ni Jesus ang mundo kaya niya kusang inialay ang kanyang sarili bilang sakripisyo para sa kasalanan upang maligtas ang mundo. Mayroon din tayong kaunting pribilehiyong ipakita ang malaking pagmamahal natin sa Kanya at sa ating kapwa sa pagtulong sa kanila na matanggap ang mga pagpapala ng ebanghelyo na hindi nila matatanggap ngayon kung wala ang tulong natin.21
6
Sa pamamagitan ng gawain sa family history at sa templo, nabubuo natin ang organisasyon ng pamilya sa maraming henerasyon.
Ang doktrina ng kaligtasan para sa mga patay at gawain sa templo ay nangangako sa atin ng dakilang pagkakataong magpatuloy bilang pamilya. Sa pamamagitan nito nalalaman natin na hindi dapat maputol ang mga ugnayan ng pamilya, na ang mga mag-asawa at ang kanilang mga anak hanggang sa huling henerasyon ay maaaring magkasama nang walang hanggan. Gayunman, para matanggap ang mga pribilehiyong ito kailangang isagawa ang mga ordenansa ng pagbubuklod sa templo ng ating Diyos. Lahat ng kontrata, pagkabigkis, obligasyon at kasunduang ginawa ng mga tao ay magwawakas, ngunit ang mga obligasyon at kasunduang ginawa sa bahay ng Panginoon, kung tapat na susundin, ay tatagal magpakailanman [tingnan sa D at T 132:7]. Nililinaw ng doktrinang ito ang konsepto ng mga layunin ng Panginoon sa kanyang mga anak. Ipinapakita nito ang kanyang sagana at walang-katapusang awa at pagmamahal sa lahat ng sumusunod sa kanya, oo, maging sa mga naghihimagsik, sapagkat dahil sa kanyang kabutihan ay magkakaloob siya ng malalaking pagpapala maging sa kanila.22
Itinuro sa atin sa ebanghelyo ni Jesucristo na ang organisasyon ng pamilya, kapag selestiyal na kadakilaan ang pinag-usapan, ay mabubuo, isang organisasyong nakaugnay ang ama at ina at mga anak ng isang henerasyon sa ama at ina at mga anak ng kasunod na henerasyon, at sa gayon ay lumalawak at lumalaganap hanggang sa katapusan ng panahon.23
Kailangang magkaroon ng pagkakaugnay, ng pagsasama-sama ng mga henerasyon mula noong panahon ni Adan hanggang sa katapusan ng panahon. Ang mga pamilya ay pagsasama-samahin at pag-uugnay-ugnayin, ang mga magulang sa mga anak, mga anak sa mga magulang, henerasyon sa henerasyon, hanggang sa magkasama-sama tayo sa isang malaking pamilya sa pamumuno ng ating amang si Adan, kung saan siya inilagay ng Panginoon. Kaya hindi tayo maliligtas at mapapadakila sa kaharian ng Diyos maliban kung nasa puso natin ang hangaring gawin ang gawaing ito at isagawa ito hangga’t kaya natin para sa ating mga patay. Ito ay dakilang doktrina, isa sa pinakamatataas na alituntunin ng katotohanang inihayag sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Dapat nating samantalahin ang ating mga pagkakataon at patunayan na tayo ay karapat-dapat at katanggap-tanggap sa paningin ng Panginoon, upang matanggap natin ang kadakilaang ito para sa ating sarili, at magalak tayo sa kaharian ng Diyos sa piling ng ating mga kamag-anak at kaibigan sa dakilang pagkikitang muli at pagtitipong ito ng mga Banal ng Simbahan ng Panganay, na nanatiling malaya at walang bahid-dungis mula sa mga kasalanan ng mundo.
Nawa’y pagpalain tayo ng Panginoon at magkaroon tayo ng hangarin sa ating puso na gampanan ang ating tungkulin at paglingkuran Siya nang tapat sa lahat ng ito, ang aking dalangin.24
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Mga Tanong
-
Sa “Mula sa Buhay ni Joseph Fielding Smith,” basahin ang payo ni Pangulong Smith tungkol sa “ang talagang ginagawa natin” sa paglalaan ng templo. Ano ang magagawa natin para masunod ang payong ito?
-
Paano nauugnay ang mga turo sa bahagi 1 sa mga pagsisikap nating tulungan ang ating mga ninunong namatay na? Paano maiuugnay ang mga turong ito sa ating kaugnayan sa nabubuhay na mga miyembro ng ating pamilya?
-
Habang binabasa ninyo ang bahagi 2, hanapin ang paliwanag ni Pangulong Smith kung bakit ang kapangyarihang magbuklod ay “nagliligtas sa mundo mula sa lubusang pagkawasak sa pagparito ni Jesucristo.” Ano ang itinuturo nito tungkol sa papel na ginagampanan ng mga pamilya sa plano ng kaligtasan?
-
Sa paanong paraan “lubhang nakahabi sa plano ng kaligtasan” ang gawain sa templo? (Tingnan sa bahagi 3.) Paano maaapektuhan ng alituntuning ito ang ating damdamin tungkol sa gawain sa templo?
-
Ipinayo ni Pangulong Smith na kapag gumawa tayo ng gawain sa templo para sa mga patay, dapat nating isipin na buhay ang mga taong ito (tingnan sa bahagi 4). Ano ang ibig sabihin nito sa inyo? Paano kaya maiimpluwensyahan ng ideyang ito ang paraan ng paglilingkod ninyo sa templo?
-
Habang nirerepaso ninyo ang bahagi 5, hanapin ang mga pagpapalang sinabi ni Pangulong Smith na darating sa mga taong gumagawa ng gawain sa family history. Paano ninyo nalaman na totoo ang mga bagay na ito?
-
Pag-aralan ang bahagi 6, at kunwari’y nararanasan ninyo ang kagalakan na kasama ang inyong mga ninuno sa isang “malaking reunion o muling pagkikita.” Pag-isipan kung ano ang magagawa ninyo upang maihanda ang inyong sarili at ang inyong pamilya para sa pribilehiyong iyon.
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan
Tulong sa Pagtuturo
“Kapag nagtatanong ang [isang] tao, isiping anyayahan ang iba na sagutin ito sa halip na kayo mismo ang sumagot nito. Halimbawa, maaari ninyong sabihing, ‘Iyan ay isang kawili-wiling tanong. Ano ang palagay ng iba sa inyo?’ o ‘Sino ang makatutulong sa pagsagot sa tanong na ito?’” (Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin [2000], 79).