Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 6: Ang Kahalagahan ng Sakramento


Kabanata 6

Ang Kahalagahan ng Sakramento

“Ang pakikibahagi sa mga sagisag na ito ang isa sa pinakabanal at sagradong mga ordenansa sa Simbahan.”

Mula sa Buhay ni Joseph Fielding Smith

Noong Oktubre 5, 1929, matapos ang 19 na taong paglilingkod bilang Apostol, tumayo si Elder Joseph Fielding Smith sa Salt Lake Tabernacle upang ibigay ang kanyang ika-39 na mensahe sa pangkalahatang kumperensya. Sinabi niya, “May isa o dalawang kaisipan akong nais talakayin na may kaugnayan sa tanong tungkol sa sakramento, lalo na sa mga pulong na itinalaga sa Simbahan sa pamamagitan ng paghahayag, ng kautusan ng Panginoon, para sa pakikibahagi sa mga sagisag na ito na kumakatawan sa katawan at dugo ni Jesucristo.” Bilang panimula sa paksang ito, ibinahagi niya ang kanyang damdamin tungkol sa sakramento:

“Sa aking palagay ang sacrament meeting ang pinakasagrado, pinakabanal, sa lahat ng pulong ng Simbahan. Kapag iniisip ko ang pagtitipon ng Tagapagligtas at ng kanyang mga apostol sa di-malilimutang gabing iyon nang pasimulan niya ang sakramento; kapag iniisip ko ang sagradong kaganapang iyon, napupuspos ang aking puso sa pagkamangha at naaantig ang damdamin ko. Itinuturing ko ang pagtitipong iyon na pinakataimtim at pinaka-nakaaantig simula nang itatag ang mundo.

“Doon ay itinuro sa kanila ng Tagapagligtas ang kanyang nalalapit na pagsasakripisyo, na sa kalituhan nila ay hindi nila ito maunawaan. Malinaw Niyang sinabi sa kanila ang tungkol sa kanyang kamatayan at na dapat matigis ang kanyang dugo, at sinabi ito sa mismong oras ng kanyang pagdurusa para sa mga kasalanan ng sanlibutan. Napakasagrado ng okasyong iyon; doon pinasimulan ang sakramento, at ang mga disipulo ay inutusang magtipon nang madalas at alalahanin ang kamatayan at pagdurusa ni Jesucristo, dahil ang kanyang pagsasakripisyo ay para sa ikatutubos ng sanlibutan.

“Kanyang papasanin ang responsibilidad na bayaran ang pagkakautang ng sanlibutan dahil sa pagkahulog, upang ang tao ay matubos mula sa kamatayan at mula sa impiyerno. Itinuro niya sa mga tao na siya ay itataas mula sa lupa upang mailapit niya ang lahat ng tao sa kanya, at lahat ng magsisisi at maniniwala sa kanya, susunod sa kanyang mga utos, ay hindi magdusa, dahil kanyang papasanin ang kanilang mga kasalanan.”1

Jesus Christ depicted with the Apostles at the Last Supper. The Apostles are gathered around a table. Christ is standing before them and breaking bread as He institutes the sacrament.

“Gawin ninyo ito sa pagaalaala sa akin” (Lucas 22:19).

Mga Turo ni Joseph Fielding Smith

1

Inutusan tayo ng Panginoon na magtipon nang madalas upang makibahagi ng sakramento.

Ang pakikibahagi sa mga sagisag na ito [ang tinapay at tubig] ay isa sa pinakabanal at pinakasagradong mga ordenansa sa Simbahan, isang ordenansa na humahalili sa pagpatay at pagkain ng kordero para sa paskua na [sumasagisag] sa pagsasakripisyo sa krus ng ating Manunubos. … Mula sa panahon ng paglalakbay mula sa Egipto hanggang sa pagpapako sa krus sa ating Manunubos, ang mga Israelita ay inutusang ipangilin ang paskua sa isang partikular na araw bawat taon. Sa payapang gabing iyon bago ang pagpapako sa krus, binago ng Panginoon ang ordenansang ito at ipinalit dito ang sakramento. Inutusan tayong magtipon nang madalas, hindi lamang minsan sa isang taon, at pumunta sa bahay-dalanginan at doon ay alalahanin ang ating Manunubos at gumawa ng tipan sa Kanya sa madalas na pakikibahagi sa banal na ordenansang ito.2

Ang taong hindi dumadalo sa sacrament meeting linggu-linggo at buwan-buwan, at wala namang hadlang sa kanyang pagdalo, ay hindi tapat sa katotohanan. Hindi niya ito gusto. Kung gusto niya ito, dadalo siya para makibahagi sa mga sagisag na ito—isang maliit na piraso lang ng tinapay, at isang maliit na tasa ng tubig. Gagawin niya ito upang ipakita ang kanyang pagmamahal sa katotohanan at ang kanyang tapat na paglilingkod sa Anak ng Diyos.3

Inutusan tayong alalahanin ang sagradong kaganapang ito [ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo] at isaisip ito sa tuwina. Sa layuning ito pinagtitipon tayo nang minsan sa isang linggo upang makibahagi sa mga sagisag na ito na sumasaksi na talagang inaalaala natin ang ating Panginoon, na handa tayong taglayin ang kanyang pangalan at susundin natin ang kanyang mga utos. Inuutusan tayong panibaguhin ang tipang ito linggu-linggo, at hindi natin mapapanatili ang Espiritu ng Panginoon kung hindi natin susundin ang utos na ito sa tuwina. Kung mahal natin ang Panginoon dadalo tayo sa mga pulong na ito na puno ng diwa ng pagsamba at panalangin, na inaalaala ang Panginoon at ang tipan na paninibaguhin natin linggu-linggo sa sakramentong ito tulad ng iniutos niya sa atin.4

2

Nakikibahagi tayo ng sakramento bilang pag-alaala sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Tungkulin ng mga miyembro ng Simbahan na mamuhay nang mapagkumbaba at tapat sa kaalaman at pag-unawa tungkol sa pagbabayad-sala ni Jesucristo. … Pakiramdam ko, sana mali ako pero palagay ko hindi, hindi natatanto ng napakalaking porsiyento ng mga miyembro ng Simbahan ang kahulugan ng pagkain ng maliit na piraso ng tinapay, pag-inom ng kaunting tubig mula sa maliit na tasa bilang pag-alaala sa natigis na dugo ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo, at sa paghihirap niya sa krus.

Hayaan ninyong magsalita ako tungkol sa pagbabasbas [ng tinapay]. Mapagkumbaba ko itong babasahin para maunawaan natin ang nakapaloob dito:

“O Diyos, ang Amang Walang Hanggan, kami ay humihiling sa inyo sa pangalan ng inyong Anak, na si Jesucristo, na basbasan at gawing banal ang tinapay na ito sa mga kaluluwa ng lahat nila na kakain nito, nang sila ay makakain bilang pag-alaala sa katawan ng inyong Anak, at patunayan sa inyo, O Diyos, ang Amang Walang Hanggan, na sila ay pumapayag na taglayin sa kanilang sarili ang pangalan ng inyong Anak, at lagi siyang alalahanin at susundin ang kanyang mga kautusan na ibinigay niya sa kanila; nang sa tuwina ay mapasakanila ang kanyang Espiritu upang makasama nila. Amen.” [D at T 20:77.] …

Kumain bilang pag-alaala sa kanya. Ibig sabihin ba nito ay aalalahanin ko lang na halos 2,000 taon na ang nakalipas nang hulihin siya ng masasamang tao, ibayubay siya sa krus, ipako ang kanyang mga kamay at paa at iwanan siya roon para mamatay? Para sa akin mas malalim pa riyan ang kahulugan nito. Upang alalahanin siya—bakit siya ipinako sa krus? Anong kabutihan ang dulot nito sa [akin] dahil ipinako siya sa krus? Anong pagdurusa ang dinanas niya sa krus para matubos ako o mapatawad sa aking mga kasalanan?

Mangyari pa, karaniwan ay iisipin ng isang tao: Nakapako ang kanyang mga kamay at paa at nakabayubay siya roon hanggang sa mamatay. … Ano pa ba ang dinanas niya? Palagay ko ito ang isang bagay na hindi nakikita ng karamihan sa atin. Naniniwala ako na ang pinakamatinding pagdurusa niya ay hindi ang pagkakapako ng kanyang mga kamay at paa at pagkabayubay sa krus, kahit pa napakasakit at napakahirap nito. Dala-dala niya ang isa pang pasanin na higit na mahalaga at matindi. Paano? Hindi natin malinaw na nauunawaan, ngunit kahit paano ay naipabatid ito sa akin.5

Sa palagay ko walang sinuman sa atin ang hindi nagkasala at pagkatapos ay nagsisi at naghangad na hindi sana natin iyon ginawa. Pagkatapos ay makokonsensya tayo nang husto at napakalungkot natin. Naranasan na ba ninyo iyon? Naranasan ko na iyon. … At nariyan ang Anak ng Diyos na dala ang bigat ng aking mga kasalanan at ng inyong mga kasalanan. … Ang pinakamatindi Niyang pagdurusa ay hindi ang pagkakapako ng kanyang mga kamay at paa, kahit napakasakit pa nito, kundi ang pagdurusa ng isipan sa paraang hindi malinaw sa akin. Ngunit dinala niya ang pasanin—ang ating pasanin. May idinagdag ako roon; at kayo rin. Gayon din ang lahat ng tao. Siya mismo ang nagbayad upang ako ay makaligtas—upang kayo ay makaligtas—sa parusa sa kundisyong tatanggapin natin ang kanyang ebanghelyo at magiging totoo at tapat dito.

Iyan ngayon ang pinipilit kong pag-isipan. Iyan ang inaalaala ko—ang napakatinding pagdurusa noong siya ay manalangin at magsumamo sa kanyang Ama na tulutang makalampas ang saro. Hindi lamang siya sumasamong makaligtas sa pagpapako sa kanyang [mga] kamay o paa, sobra pa riyan ang pagdurusa niya, sa paraang hindi ko nauunawaan.6

Imposible sa mahihinang mortal, at lahat tayo ay mahihina, na lubos na maunawaan ang tindi ng pagdurusa ng Anak ng Diyos. Hindi natin kayang unawain ang kabayarang ginawa Niya. Sinabi Niya kay Propetang Joseph Smith:

“Sapagkat masdan, ako, ang Diyos, ay pinagdusahan ang mga bagay na ito para sa lahat, upang hindi sila magdusa kung sila ay magsisisi; subalit kung hindi sila magsisisi sila ay kinakailangang magdusa na katulad ko; kung aling pagdurusa ay dahilan upang ang aking sarili, maging ang Diyos, ang pinakamakapangyarihan sa lahat, na manginig dahil sa sakit, at labasan ng dugo sa bawat pinakamaliit na butas ng balat, at magdusa kapwa sa katawan at sa espiritu—nagnais na kung maaari ay hindi ko lagukin ang mapait na saro at manliit—gayon pa man, ang kaluwalhatian ay mapasa Ama, at ininom ko at tinapos ang aking paghahanda para sa mga anak ng tao.” [D at T 19:16–19.]

Gayunman, may kakayahan tayong malaman at maunawaan na ang napakatinding pagdurusang ito ng Kanyang sakripisyo ay naghatid sa atin ng pinakamalaking pagpapalang maaaring ibigay. Bukod pa rito, natanto natin na ang napakatinding pagdurusang ito—na hindi magagawa o makakaya ng mortal na tao—ay isinagawa dahil sa dakilang pag-ibig ng Ama at ng Anak sa sangkatauhan. …

… Kung lubos nating pinahahalagahan ang maraming biyayang nakamtan natin dahil sa pagtubos na ginawa para sa atin, walang maiuutos ang Panginoon sa atin na hindi natin gagawin nang may kasabikan at maluwag sa ating kalooban.7

Natitiyak ko na kung ilalarawan natin sa ating isipan—tulad ng sinikap kong gawin nang maraming beses—ang sagradong kaganapan nang pulungin ng Tagapagligtas ang kanyang mga apostol; kung makikita natin sila roon na nagpupulong, ang Panginoon sa kanyang kalungkutan, na namimighati para sa mga kasalanan ng sanlibutan, nagdadalamhati para sa isa sa kanyang mga apostol na magkakanulo sa kanya, subalit nagtuturo pa rin sa labing-isang lalaking ito na nagmahal sa kanya at nakikipagtipan sa kanila, natitiyak ko na madarama natin sa ating puso na hindi natin siya tatalikuran kailanman. Kung makikita natin sila roon na nakatipon at matatanto ang bigat ng pasaning dala ng ating Panginoon; at pagkatapos ng kanilang hapunan at pag-awit ng himno, ang kanilang paghayo, ang pagkakanulo, pag-alipusta at paghamak sa Panginoon, pagtalikod sa kanya ng mga disipulo sa oras ng kanyang pinakamatinding pagsubok—kung mauunawaan natin ang lahat ng ito, kahit bahagya lamang, at totoong bahagya lamang, natitiyak ko, mga kapatid, na nanaisin nating lumakad sa liwanag ng katotohanan magpakailanman. Kung makikita natin ang Tagapagligtas ng tao na nagdurusa sa halamanan at sa krus at lubusan nating matatanto ang buong kahalagahan nito sa atin, nanaisin nating sundin ang kanyang mga utos at mamahalin natin ang ating Panginoong Diyos nang buong puso, nang buong kakayahan, pag-iisip at lakas, at sa pangalan ni Jesucristo ay paglilingkuran natin siya.8

3

Tungkulin nating pag-isipang mabuti ang tipang ginagawa natin kapag nakikibahagi tayo ng sakramento.

Sana’y mas malinaw nating maipaunawa sa mga miyembro ng Simbahan ang mga tipang ginagawa nila kapag nakikibahagi sila ng sakramento sa ating mga sacrament meeting.9

A woman taking the sacrament.

“Sana’y mas malinaw nating maipaunawa sa mga miyembro ng Simbahan ang mga tipang ginagawa nila kapag nakikibahagi sila ng sakramento.”

Nakakita na ako ng dalawang miyembro ng Simbahan na magkatabi sa upuan [sa sacrament meeting], na nag-uusap, na huminto habang binabasbasan ang tubig o tinapay, at saka nagpatuloy sa kanilang pag-uusap. … Nabigla ako roon, at natitiyak ko na gayon din ang Panginoon.10

Tungkulin nating pag-isipang mabuti at nang taimtim ang nakapaloob sa mga panalangin [sa pagbabasbas ng sakramento] kapag naririnig nating iniaalay ito sa ating mga pulong. May apat na napakahalagang bagay na nakikipagtipan tayong gawin tuwing nakikibahagi tayo sa mga sagisag na ito, at sa pakikibahagi, ipinapakita natin na lubos nating gagampanan ang mga pananagutan, kaya nga umiiral sa atin ang mga ito. Ito ay ang mga sumusunod:

1. Kumakain tayo bilang pag-alaala sa katawan ni Jesucristo, na nangangako na lagi nating aalalahanin ang Kanyang sugatang katawan na namatay sa krus.

2. Umiinom tayo bilang pag-alaala sa dugong natigis para sa mga kasalanan ng sanlibutan, na tumubos sa paglabag ni Adan, at nagpapalaya sa atin mula sa sarili nating mga kasalanan kung tayo ay tunay na magsisisi.

3. Nakikipagtipan tayo na magiging handa tayong taglayin ang pangalan ng Anak at lagi natin Siyang aalalahanin. Sa pagtupad sa tipang ito nangangako tayo na tatawagin tayo sa Kanyang pangalan at hindi kailanman gagawa ng anumang bagay na magdudulot ng kahihiyan o makakasira sa pangalang iyan.

4. Nakikipagtipan tayo na susundin natin ang mga utos na ibinigay Niya sa atin; hindi lang isang utos, kundi na magiging handa tayong “[mamuhay ayon] sa bawat salita na magmumula sa bibig ng Diyos.” [D at T 84:44.]

Kung gagawin natin ang mga bagay na ito pinangakuan tayo na patuloy tayong papatnubayan ng Espiritu Santo, at kung hindi natin gagawin ang mga bagay na ito hindi mapapasaatin ang patnubay na iyan.11

May ilan akong katanungan sa inyo, at mangyari pa, nagsasalita ako sa lahat ng miyembro ng Simbahan. Sa palagay ba ninyo ang isang taong dumadalo sa sacrament meeting sa diwa ng panalangin, pagpapakumbaba, at pagsamba, at nakikibahagi sa mga sagisag na ito na kumakatawan sa katawan at dugo ni Jesucristo, ay sadyang lalabagin ang mga utos ng Panginoon? Kung lubos na nauunawaan ng isang tao ang kahulugan ng pakikibahagi ng sakramento, na nakikipagtipan siyang taglayin sa kanyang sarili ang pangalan ni Jesucristo at lagi Siyang alalahanin at susundin ang kanyang mga utos, at pinaninibago ang tipang ito linggu-linggo—sa palagay ba ninyo hindi magbabayad ng kanyang ikapu ang taong iyan? Sa palagay ba ninyo lalabagin ng taong iyan ang araw ng Sabbath o babalewalain niya ang Word of Wisdom? Sa palagay ba ninyo hindi siya magiging madasalin, at hindi niya gagawin ang kanyang mga tungkulin sa korum at iba pang mga tungkulin sa Simbahan? Sa palagay ko imposibleng gawin ng isang tao ang gayong bagay na tulad ng paglabag sa mga sagradong alituntunin at tungkuling ito kapag alam niya ang kahulugan ng paggawa ng gayong mga tipan sa Panginoon at sa harap ng mga banal linggu-linggo.12

Two dark-haired young men in white shirts and ties bow their heads at the sacrament table to bless the sacrament.

“Tungkulin nating pag-isipang mabuti at nang taimtim ang nakapaloob sa mga panalangin [sa pagbabasbas ng sakramento] kapag naririnig nating iniaalay ito sa ating mga pulong.”

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Mga Tanong

  • Sa “Mula sa Buhay ni Joseph Fielding Smith,” ibinahagi ni Pangulong Smith ang kanyang mga naiisip tungkol sa panahon na pinasimulan ng Tagapagligtas ang sakramento. Bakit mahalaga ang kaganapang ito sa inyo?

  • Habang pinag-aaralan ninyo ang bahagi 1, pag-isipan ang kahalagahan ng pagdalo sa sacrament meeting linggu-linggo. Paano ninyo maihahanda ang inyong sarili para sa sacrament meeting? Ano ang magagawa ng mga magulang para matulungan ang kanilang mga anak na maghanda para dito?

  • Ano ang hinahangaan ninyo tungkol sa mga naiisip ni Pangulong Smith nang makibahagi siya ng sakramento? (Tingnan ang bahagi 2.) Ano ang magagawa natin para maalaala ang Tagapagligtas at ang Kanyang Pagbabayad-sala kapag nakikibahagi tayo ng sakramento?

  • Pansinin ang mga tipan na nakalista sa bahagi 3. Tahimik na pagnilayan ang nadarama ninyo tungkol sa mga tipang ito. Paano naiimpluwensyahan ng mga tipang ito ang inyong buhay?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan

Mateo 26:26–29; I Mga Taga Corinto 11:23–29; 3 Nephi 18:1–13; Mormon 9:29; Moroni 4–5; D at T 20:75–79; 59:9–12

Tulong sa Pagtuturo

“Atasan ang mga miyembro ng klase na basahin ang mga piling tanong sa dulo ng kabanata (nang isa-isa o sa maliliit na grupo). Ipahanap sa kanila ang mga turo sa kabanata na may kaugnayan sa mga tanong. Pagkatapos ay ipabahagi sa grupo ang kanilang mga iniisip at ideya” (mula pahina ix sa aklat na ito).

Mga Tala

  1. Sa Conference Report, Okt. 1929, 60–61; tingnan din sa Doctrines of Salvation, inedit ni Bruce R. McConkie, 3 tomo (1954–56), 2:340–41.

  2. “Importance of the Sacrament Meeting,” Relief Society Magazine, Okt. 1943, 590; tingnan din sa Doctrines of Salvation, 2:339–40.

  3. Seek Ye Earnestly, tinipon ni Joseph Fielding Smith Jr. (1972), 99.

  4. Sa Conference Report, Okt. 1929, 61; tingnan din sa Doctrines of Salvation, 2:341.

  5. “Fall-Atonement-Resurrection-Sacrament,” mensaheng ibinigay sa Salt Lake City Utah University Institute of Religion, Ene. 14, 1961, 7–8.

  6. “Fall-Atonement-Resurrection-Sacrament,” 8.

  7. “Importance of the Sacrament Meeting,” 591–92.

  8. Sa Conference Report, Okt. 1929, 63; tingnan din sa Doctrines of Salvation, 2:347.

  9. “Fall-Atonement-Resurrection-Sacrament,” 7.

  10. Seek Ye Earnestly, 122.

  11. “Importance of the Sacrament Meeting,” 591.

  12. Sa Conference Report, Okt. 1929, 62–63; tingnan din sa Doctrines of Salvation, 2:346.