Kabanata 9
Mga Saksi ng Aklat ni Mormon
“Sa tingin ko ang sinumang miyembro ng Simbahang ito ay hindi masisiyahan kailanman hangga’t hindi niya nababasa ang Aklat ni Mormon nang paulit-ulit, at masusi itong pinag-isipan para mapatotohanan niya na ito ay talagang isang talaang may inspirasyon ng Maykapal.”
Mula sa Buhay ni Joseph Fielding Smith
Si Pangulong Joseph Fielding Smith ay naglingkod bilang Church Historian at Recorder mula Marso 1921 hanggang Pebrero 1970. Habang naglilingkod sa posisyong ito, nakatulong siya sa pagkuha ng mga orihinal na dokumento na mahalaga sa kasaysayan ng Simbahan. Ang isa sa mga dokumentong ito ay sulat-kamay na patotoo na nilagdaan ni David Whitmer, isa sa tatlong natatanging saksi ng Aklat ni Mormon. Nagkaroon din ng pribilehiyo si Pangulong Smith na kopyahin ang sulat-kamay na patotoo ni Oliver Cowdery, na isa pa sa Tatlong Saksi ng Aklat ni Mormon. Matapos kopyahin nang sulat-kamay ang dalawang dokumentong ito, binasa ni Pangulong Smith ang mga ito sa dalawang huling pagsasalita niya sa publiko—isa noong Marso 1939 at muli noong Oktubre 1956 sa pangkalahatang kumperensya ng Simbahan.
Bagama’t nadama ni Pangulong Smith na sapat ang kahalagahan ng nakasulat na mga patotoong ito para ibahagi, mas madalas niyang banggitin ang isa pang patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon: ang sa kanya, na natanggap niya bago pa siya nakapagtrabaho sa Church Historian’s Office. Sabi niya, “Sinimulan kong basahin ang Aklat ni Mormon bago ako naging deacon, at binabasa ko na ito palagi simula noon, at alam kong ito ay totoo.”1 “Napakaraming beses ko nang binasa ito,” sabi niya sa mga Banal sa mga Huling Araw. “Ngunit hindi pa sapat ang pagbabasa ko nito. Naglalaman ito ng mga katotohanang maaari ko pang saliksikin at makita, dahil hindi ko pa lubusang alam ang lahat tungkol dito, ngunit alam kong ito ay totoo.”2
Sa pagbabahagi ng mga patotoong ito tungkol sa Aklat ni Mormon, layunin ni Pangulong Smith na hikayatin ang iba na tumanggap ng sarili nilang patotoo. Ipinahayag niya, “Pinatototohanan ko sa inyo na nilinaw nang husto sa akin ng Panginoon sa pamamagitan ng paghahayag na natanggap ko na, at marami sa inyo na naririto ngayon ay makapagpapatotoo rin, na ang mga bagay na ito ay totoo, at pribilehiyo iyan ng sinumang tapat na tao na sisikaping basahin ang aklat nang may panalangin at hangaring malaman kung ito ay totoo o hindi; at tatanggapin niya ang patotoong iyan alinsunod sa pangako ni Moroni, na mahigpit na nagsara ng mga talaan upang ilabas sa Dispensasyon ng Kaganapan ng mga Panahon.”3
Mga Turo ni Joseph Fielding Smith
1
Ang aklat ni Mormon ay isang sagradong aklat na naglalaman ng walang-hanggang ebanghelyo at sumasaksi kay Jesucristo.
Ang Aklat ni Mormon ang sagradong kasaysayan ng mga sinaunang taong nanirahan sa lupalop ng Amerika, at naglalaman ng mga hula ng kanilang mga propeta, ng mga utos ng Panginoon sa kanila, at ng kasaysayan at tadhana ng mga sinaunang taong iyon. Ito ang aklat ng banal na kasulatan ng Amerika, at sagrado at binigyang-inspirasyon na tulad ng Biblia, na naglalaman ng sagradong mga talaan ng liping Hebreo sa silangang bahagi ng mundo.4
Taimtim na ipinagdasal ng mga propetang Nephita na dapat maingatan ang kanilang mga isinulat upang lumabas at magsalita na para bang mula sa mga patay, upang magpatotoo sa mga labi ni Lehi, at gayundin sa Judio at Gentil, na inihayag na sa kanila ng Diyos ang kabuuan ng Ebanghelyo. Pinanabikan nila na sa mga huling araw na ito ay mahikayat na magsisi at manampalataya sa Diyos ang mga tao sa pamamagitan ng patotoong ibinigay sa mga propetang Nephitang ito maraming siglo na ang nakalipas. Katunayan, nalaman natin mula sa Aklat ni Mormon na ito ang pangunahing adhikain ng Aklat ni Mormon, tulad ng nakalahad sa marami sa mga talata roon. …
… Nilinaw nang husto ng Panginoon sa mga propetang Nephita na pangangalagaan ang kanilang kasaysayan at mga propesiya upang ilabas ito sa mga huling araw bilang saksi kay Jesucristo at ipaunawang mabuti sa mga tao ang kanyang Ebanghelyo. Nagpropesiya si Nephi sa mga Gentil at Judio sa ating panahon at iniwan niya sa kanila ang kanyang patotoo sa napakalinaw at mahalagang paraan. (2 Nephi 33.) Gayon din ang ginawa ni Moroni. (Moroni 10:24–34.)5
Si Nephi, isa sa pinakaunang mga propeta ng lupaing sakop ng Israel, ay nagbadya halos anim na raang taon bago isinilang si Cristo, na kapag ang mga talaan na naglalaman ng kasaysayan ng kanyang mga tao ay dapat nang ihayag mula sa alabok, ito ay sa panahon na ang mga tao ay “[itatatwa] ang kapangyarihan ng Diyos, ang Banal ng Israel,” at kanilang sasabihin: “Makinig sa amin, at pakinggan ninyo ang aming tuntunin; sapagkat masdan, wala nang Diyos ngayon, sapagkat nagawa na ng Panginoon at ng Manunubos ang [K]anyang gawain, at ibinigay na niya ang [K]anyang kapangyarihan sa tao.” [2 Nephi 28:5.] Muli, marami sa kanila, kapag pinakitaan ng bagong aklat ng banal na kasulatan na naglalaman ng kasaysayan ng mga tao sa kanlurang bahaging ito ng mundo, ang magsasabi: “Isang Biblia! Isang Biblia! Mayroon na kaming Biblia, at hindi na magkakaroon pa ng karagdagang Biblia.” [2 Nephi 29:3.]
… Ang bagong aklat na ito ng mga banal na kasulatan ay magiging saksi, hindi lamang para kay Cristo at maglalaman ng walang-hanggang Ebanghelyo, kundi magiging saksi rin para sa mga banal na kasulatan ng mga Judio—ang Biblia; at ang dalawang talaang ito—alinsunod sa propesiya ni Nephi, na kanyang ama, at gayundin ni Jose, na anak ni Israel—ay magkasamang lalago na nagpapatotoo tungkol sa walang-hanggang ebanghelyo [tingnan sa 2 Nephi 3:11–13; 29:10–14]. Bilang saksi ang mga talaang ito ay nagpapatotoo ngayon sa katotohanan na siyang huhusga sa lahat ng tumatanggi sa mga turo nito.6
Alam kong isinalin ni Joseph Smith ang Aklat ni Mormon sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos, at na ito ay lumabas “sa ikahihikayat ng mga Judio at Gentil na si Jesus ang Cristo, ang Diyos na Walang Hanggan, nagpapatunay ng kanyang sarili sa lahat ng bansa.” [Pahina ng pamagat ng Aklat ni Mormon.]7
2
Bilang pagsunod sa batas ng pagsaksi, tumawag ang Panginoon ng natatanging mga saksi para patotohanan ang Aklat ni Mormon.
May isang batas na tahasang nakasaad sa mga banal na kasulatan na inilalarawan ang huwaran ng pagpapatotoo at pagtatalaga ng mga saksi. Ito ang batas na sinusunod ng Panginoon noon pa man sa pagbibigay ng bagong paghahayag sa mga tao.8
Sa lahat ng panahon ang batas na ito [ang batas ng pagsaksi] ay hindi na binago at tiyak na. Kung may perpekto tayong mga tala ng lahat ng panahon, makikita natin na tuwing nagtatatag ng dispensasyon ang Panginoon, hindi lang isang tao ang nagpapatotoo tungkol sa kanya. Sinabi ni Pablo sa sulat sa mga taga-Corinto: “Sa bibig ng dalawang saksi o ng tatlo ay papagtibayin ang bawat salita.” [II Mga Taga Corinto 13:1.]9
Hinggil sa paglabas ng Aklat ni Mormon, sinabi ng Panginoon na pipili siya ng mga saksi. Dapat magkaroon ng tatlong natatanging saksi na magpapatotoo sa daigdig, at sinabi niya:
“At wala nang ibang makamamalas nito, maliban sa ilan alinsunod sa kalooban ng Diyos, upang magbigay ng patotoo sa kanyang salita sa mga anak ng tao; sapagkat ang Panginoong Diyos ang nagsabi na ang mga salita ng matatapat ay magsasalita na para bang mula sa patay.
“Dahil dito, ang Panginoong Diyos ay magpapatuloy na ipahayag ang mga salita ng aklat; at sa pamamagitan ng bibig ng kasindami ng mga saksing inaakala niyang makabubuti ay pagtitibayin niya ang kanyang salita; at sa aba niya na tatanggi sa salita ng Diyos!” (2 Ne. 27:13–14.)10
Ang tatlong lalaking tinawag bilang natatanging mga saksi sa paglabas ng Aklat ni Mormon sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, ay sina Oliver Cowdery, David Whitmer, at Martin Harris. … Kasama sila ni Joseph Smith sa pagtatatag ng kagila-gilalas na gawaing ito sa dispensasyong ito. …
Sila ay nagpatotoo na nagpakita sa kanila ang isang anghel mula sa kinaroroonan ng Panginoon, na inilatag sa kanilang harapan ang gintong talaan kung saan isinalin mula rito ang Aklat ni Mormon at tinagubilinan sila. Nakita nila ang mga nakaukit sa mga lamina nang isa-isang buklatin ang mga pahina sa kanilang harapan, at narinig nila ang tinig ng Diyos na nagpapahayag mula sa kalangitan na isinalin ito sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos, at inuutusan silang patotohanan ito sa buong daigdig. Ang tatlong saksing ito, sa kabila ng hirap, pang-uusig, at lahat ng malaking pagbabago ng buhay, ay nanatiling tapat sa kanilang patotoo na nakita nila ang mga lamina sa harapan ng isang anghel at narinig ang tinig ng Diyos na nangungusap sa kanila mula sa kalangitan.
May walo pang saksi na nakakita rin sa mga lamina, nahawakan ang mga ito, siniyasat na mabuti ang mga nakaukit doon nang ipakita ito sa kanila ni Joseph Smith. Ang kanilang patotoo ay ibinigay rin sa sanlibutan at makikita sa bawat kopya ng Aklat ni Mormon. Lahat ng walong lalaking ito ay nanatiling tapat sa patotoong ito hanggang kamatayan.
Tila ang labindalawang saksing ito lamang [kabilang na si Joseph Smith], ang apat na nakakita ng mga anghel at pangitain mula sa langit, at ang walo na pinakitaan ni Joseph Smith ng talaan, ang tanging kailangan ng Panginoon para mapagtibay ang katotohanan ng Aklat ni Mormon, tulad ng ipinangako niya kay Nephi na gagawin niya. “At sa aba nila na tinatanggihan ang salita ng Diyos!” Ang mga patotoo ng kalalakihang ito ay higit pa sa hinihingi ng batas.11
Si Joseph Smith … ay nag-iisa noon sa unang pangitain, nag-iisa siya nang dalhin ni Moroni ang mensahe sa kanya, nag-iisa siya nang tanggapin niya ang mga lamina; ngunit pagkatapos niyon ay hindi na siya nag-iisa. Tumawag ng iba pang mga saksi ang Panginoon. Ikinuwento ni Lola Smith [ina ng ina ni Joseph Smith na si Lucy Mack Smith] sa kasaysayang isinulat niya na umuwing umiiyak sa galak ang propeta matapos makita ng mga saksi ang mga lamina ayon sa patnubay ng anghel ng Diyos, dahil, sabi nito, “Nawala na ang pasanin at hindi na ako nag-iisa.”12
3
Nanatiling tapat ang Tatlong Saksi sa kanilang patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon.
Lahat ng tatlong [natatanging] saksi ay nanlamig at nilisan ang Simbahan. Sina Oliver Cowdery at Martin Harris ay mapagkumbabang bumalik sa pagnanais na sumapi sa Simbahan at kapwa namatay na ganap na tanggap bilang mga miyembro. Si David Whitmer ay hindi na nagbalik sa Simbahan kailanman; gayunman, lahat ng tatlong saksing ito ay nanatiling tapat sa patotoong ibinigay nila sa daigdig na matatagpuan sa bawat kopya ng Aklat ni Mormon.13
Ito ay isang patotoo ni David Whitmer, na ibinigay sa Richmond, Missouri, Marso 19, 1881—na kinopya mula sa orihinal na dokumento, na inilathala sa Richmond Conservator sa petsang iyan.
“Sa lahat ng bansa, lahi, wika, at tao na makatatanggap ng mga sulating ito—
“Sinabi ni John Murphy ng Polo [Caldwell County], Missouri, na nang magkausap kami noong nakaraang tag-init, ikinaila ko raw ang aking patotoo bilang isa sa tatlong saksi sa Aklat ni Mormon—
“At dahil diyan, para maunawaan niya ako ngayon kung hindi man niya ako naunawaan noon, at upang malaman ng daigdig ang katotohahan, gusto ko sana, ngayong ako’y nasa dapit-hapon na ng aking buhay, at dahil sa takot sa Diyos, na minsan pang ipaalam ito sa lahat ng tao:
“Na kailanman ay hindi ko ikinaila ang patotoong iyan o ang anumang bahagi nito, na napakatagal nang nailathala sa aklat na iyan, bilang isa sa tatlong saksi.
“Malalaman ng mga taong lubos na nakakakilala sa akin na nanatili akong tapat sa patotoong iyan—At para walang magkamali ng pag-unawa o mag-alinlangan sa opinyon ko tungkol diyan, muli kong pinagtitibay ang katotohanan ng lahat ng aking ipinahayag at inilathala noon.”14
May sasabihin ako ngayon tungkol kay Martin Harris. … Bagama’t nanatili siyang tapat sa kanyang patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon sumama ang loob niya sa Simbahan nang maraming taon. Ngunit matapos makarating ang mga banal sa Utah hinanap siya ng ilan sa mabubuti nating kapatid, natagpuan nila siya at pinaglubag ang kanyang loob sa Simbahan, at ibinalik siya. Nagpunta siya rito [sa Utah], muling nabinyagan, at nanirahan dito nang ilang taon, na nagbabahagi ng kanyang patotoo sa lahat ng naninirahan dito. Namatay siya rito at inilibing [sa Clarkston, Utah].
Tungkol naman kay Oliver Cowdery. Kumusta naman si Oliver Cowdery, ang pinakamahalaga sa tatlo, na maraming beses na nakasama ni Joseph Smith nang magpakita ang mga anghel at ipanumbalik ang mga susi? Kumusta naman siya? Nilisan niya ang Simbahan at nagkaroon ng matinding hinanakit, ngunit kailanma’y hindi ikinaila ang kanyang patotoo. May ilang nagsabi na ikinaila niya ito, ngunit hindi niya iyon ginawa. Nanatili siyang tapat sa patotoong iyan. …
… Nang palayasin ang mga banal mula sa Nauvoo at naglakbay sa kapatagan at tila napakalala na ng sitwasyon (sinabi ni Sidney Rigdon na mamamatay na silang lahat at wala na silang pag-asa, at ayon sa mga pahayagan ay hindi sila makaliligtas!), sa gayong kalagayan, hinangad ni Oliver Cowdery … na magbalik sa Simbahan. … Tinanggap siyang muli, at naghahanda nang magmisyon sa Great Britain nang siya ay magkasakit at mamatay. Namatay siya sa tahanan ni David Whitmer, na nagpapatotoo sa katotohanan.15
4
Bawat miyembro ng Simbahan ay maaaring maging saksi ng Aklat ni Mormon.
Hindi lamang ang mga saksing ito ang maaaring mangusap tungkol sa dakilang misyon ni Joseph Smith, o sa katotohanan ng Aklat ni Mormon. May pangako sa Aklat ni Mormon na lahat ng naghahangad na malaman kung ito ay totoo at naglalaman ng salita ng Panginoon ay maaaring malaman na ito ay totoo kung magtatanong sila nang taos-puso, may tunay na layunin, at may pananampalataya kay Cristo, sapagkat ihahayag niya ito sa kanila sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo [tingnan sa Moroni 10:3–5]. Daan-daang libo na ang sumubok kung ang pangakong ito ay totoo at masasabi nang buong katapatan na tinanggap na nila ang kaalamang iyan.16
Matibay rin akong naniniwala na itong Aklat ni Mormon na nabasa ko ay salita ng Diyos at inihayag, tulad ng sinabi ni Joseph Smith na ito ay inihayag, at sinasabi ko rin iyan habang nakatayo ako rito at nakatingin sa inyong mga mukha. Bawat kaluluwa sa balat ng lupa na sapat ang karunungan para makaunawa ay maaaring malaman ang katotohanang iyan. Paano niya ito malalaman? Ang kailangan lang niyang gawin ay sundin ang pormulang ibinigay mismo ng Panginoon nang ipahayag niya sa mga Judio na sila na susunod sa kalooban ng kanyang Ama ay dapat malaman ang doktrina, kung ito ay sa Diyos o kung siya ay nagsasalita mula sa kanyang sarili [tingnan sa Juan 7:17]. Pinatototohanan ko sa buong mundo na ang aklat na ito ay totoo. …
Alam ko na ang patotoo ng [tatlong] saksi na nakatala sa bawat kopya ng Aklat ni Mormon ay totoo, na nakaharap nila ang isang anghel ng Diyos na nagpahayag sa kanila na ang talaang isinalin ay tama, na ang kanilang patotoo na nangusap sa kanila ang Diyos mula sa kalangitan na nag-utos sa kanila na magpatotoo tungkol dito ay totoo, at walang isa mang kaluluwang hindi makatatanggap ng patotoong iyan kung hangad niyang matanggap ito, kung babasahin niya ang aklat na ito nang may panalangin at tapat, na may hangaring malaman ang katotohanan tulad ng ipinahayag ni Moroni sa pamamagitan ng paghahayag. Malalaman niya ang katotohanan hinggil sa panunumbalik ng banal na kasulatang ito na ibinigay sa mga nanirahan sa kontinenteng ito noong unang panahon.17
Sa tingin ko ang sinumang miyembro ng Simbahang ito ay hindi masisiyahan kailanman hangga’t hindi pa niya nababasa ang Aklat ni Mormon nang paulit-ulit, at masusi itong pinag-isipan para mapatotohanan niya na ito ay talagang isang talaang may inspirasyon ng Maykapal, at na ang kasaysayan nito ay totoo. …
… Walang miyembro ng Simbahang ito ang makatatayo nang karapat-dapat sa harapan ng Diyos nang hindi niya taimtim at masusing nabasa ang Aklat ni Mormon.18
Kapag binasa ninyo ang Aklat ni Mormon alam ninyong katotohanan ang inyong binabasa. Bakit? Dahil inutusan ng Diyos ang mga tao na isulat ang mga kaganapan ayon sa nangyari at binigyan Niya sila ng talino at inspirasyong gawin ito. Sa gayon isinulat ng mga taong naniniwala sa Diyos ang mga talaan. Hindi kailanman napunta ang mga talaang ito sa kamay ng mga nag-apostasiya; sa halip sumulat at nangusap ang mga mananalaysay habang sila ay pinakikilos ng Espiritu Santo, at alam natin na ang kanilang isinulat ay totoo dahil sinang-ayunan ito ng Panginoon [tingnan sa D at T 17:6].19
5
Kapag patuloy nating binasa ang Aklat ni Mormon nang tapat at may panalangin, lalo’t higit itong mapapamahal sa atin.
Lahat ng tao na tapat na nakabasa sa Aklat ni Mormon ay naantig sa inspiradong mga nilalaman ng mga pahina nito. … May kaakibat na inspirasyon at payapang kagalakan at kasiyahan ang tapat at mapanalanging pagbabasa ng aklat na ito.20
Sa pagbabasa ko [ng Aklat ni Mormon] lalo’t higit akong naaantig sa kasagraduhan nito, sa mensaheng nilalaman nito na nagtatanggol sa misyon ng Panginoong Jesucristo, at sa ebanghelyong ipinanumbalik sa dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon para sa kaligtasan ng mga kaluluwa. Lalo’t higit na napapamahal sa akin ang talaang ito sa araw-araw habang nakikita ko ang katuparan ng mga propesiyang sinambit ng mga propetang ito na ngayon ay nangungusap mula sa mga patay, at mula sa alabok sa mga bansa ng daigdig, nagsusumamo na magsisi sila, at nananawagan sa kanila na maniwala kay Cristo.21
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Mga Tanong
-
Sinabi ni Pangulong Smith na kulang pa rin ang pagbabasa niya ng Aklat ni Mormon (tingnan sa “Mula sa Buhay ni Joseph Fielding Smith”). Ano ang matututuhan natin mula sa karanasang ito?
-
Sa kabanatang ito, kabilang sa bahagi 1 ang ilan sa mga turo ni Pangulong Smith tungkol sa mga layunin ng Aklat ni Mormon. Paano natupad ang mga layuning ito sa buhay ninyo?
-
Bagama’t nilisan nina Oliver Cowdery, Martin Harris, at David Whitmer ang Simbahan, walang isa man sa kanila na nagkaila sa kanyang patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon (tingnan sa mga bahagi 2 at 3). Bakit mahalaga ang katotohanang ito kapag isinaalang-alang natin ang kanilang patotoo?
-
Sinabi ni Pangulong Smith na lahat ng tao ay maaaring maging saksi ng Aklat ni Mormon (tingnan sa bahagi 4). Paano kayo nagkaroon ng patotoo tungkol sa aklat? Ano ang magagawa ninyo para maibahagi ang patotoong ito?
-
Sinabi ni Pangulong Smith tungkol sa Aklat ni Mormon, “Lalo’t higit na napapamahal sa akin ang talaang ito sa araw-araw” (bahagi 5). Paano ninyo nadama na totoo ito sa buhay ninyo? Ano ang magagawa ng isang tao para mapalakas ang kanyang patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon?
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan
1 Nephi 6:3–5; 2 Nephi 29:7–8; Jacob 4:1–4; Enos 1:13; D at T 20:8–12
Tulong sa Pagtuturo
“Magpatotoo kapag [hinikayat] kayo ng Espiritu na gawin ito, hindi lamang sa katapusan ng bawat aralin. Magbigay ng mga pagkakataon sa mga tinuturuan ninyo na makapagbigay ng kanilang mga patotoo” (Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin [2000], 56).