Kabanata 2
Ang Ating Tagapagligtas na si Jesucristo
“Gawing pinakamahalaga sa inyong isipan, ngayon at sa lahat ng oras, na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng buhay na Diyos na naparito sa daigdig para ialay ang kanyang buhay upang tayo ay mabuhay. Iyan ang totoo, at napakahalaga nito. Diyan nakasalig ang ating pananampalataya.”
Mula sa Buhay ni Joseph Fielding Smith
Bilang Apostol, si Pangulong Joseph Fielding Smith ay tapat sa kanyang tungkulin na maging isa sa “mga natatanging saksi ng pangalan ni Cristo sa buong daigdig” (D at T 107:23). Sabi niya: “Sinisikap kong mahalin Siya, na ating Manunubos, nang higit sa lahat. Tungkulin ko iyon. Naglilibot ako sa bansang ito bilang isa sa Kanyang mga natatanging saksi. Hindi ako magiging natatanging saksi kay Jesucristo kung hindi ko lubos at tiyak na alam na Siya ang Anak ng Diyos at Manunubos ng daigdig.”1
Bilang isang ama, gayon din katapat si Pangulong Smith sa kanyang responsibilidad na patotohanan ang Tagapagligtas. Noong Hulyo 18, 1948, nagpadala siya ng liham sa kanyang mga anak na sina Douglas at Milton, na naglilingkod bilang mga full-time missionary. Isinulat niya:
“Paminsan-minsan ay nauupo ako at nagninilay-nilay, at sa pagbabasa ko ng mga banal na kasulatan, iniisip ko ang misyon ng ating Panginoon, ang ginawa niya para sa akin, at kapag nadarama ko ang mga ito sinasabi ko sa sarili ko, hindi ko magagawang hindi maging tapat sa kanya. Minahal niya ako nang sakdal, tulad ng ginawa niya sa lahat ng tao, lalo na sa mga naglilingkod sa kanya, at kailangan ko siyang mahalin nang buong pagmamahal, kahit hindi ito sakdal, ngunit hindi ito dapat magkagayon. Napakaganda niyan. Hindi ako nabuhay sa panahon ng ating Tagapagligtas; hindi siya nagpunta sa akin nang personal. Hindi ko pa siya namamasdan. Hindi pa nila nadarama ng Kanyang Ama na kailangan akong bigyan ng dakilang pagpapalang tulad nito. Ngunit hindi na kailangan. Nadama ko na ang kanyang presensya. Alam ko na niliwanagan ng Banal na Espiritu ang aking isipan at inihayag siya sa akin, kaya talagang mahal ko ang aking Manunubos, umaasa ako, at nadarama ko na ito ay totoo, nang higit sa lahat sa buhay na ito. Hindi ko ito madarama sa ibang paraan. Gusto kong maging tapat sa kanya. Alam kong namatay siya para sa akin, para sa inyo at sa buong sangkatauhan upang tayo ay muling mabuhay sa pagkabuhay na mag-uli. Alam kong namatay siya upang mapatawad ako sa aking mga kalokohan, sa aking mga kasalanan, at malinis mula rito. Kaydakila ng pagmamahal na ito. Ngayong alam ko na ito, paano pa ako gagawa ng iba maliban sa mahalin siya, na aking Manunubos. Gusto kong madama rin ito ng mga anak kong lalaki na nasa misyon. Gusto kong madama rin ito ng aking mga anak at apo, at huwag silang lumihis kailanman sa landas ng katotohanan at kabutihan.”2
Ginunita ng isa sa mga anak na lalaki ni Pangulong Smith:
“Noong mga bata pa kami, napakadalas namin siyang marinig na sinasabi, ‘Kung uunawain lang ng mga tao ang mga pagsubok, pasakit, at kasalanang inako ng ating Panginoon para sa ating kapakanan.’ Tuwing babanggitin niya ito, dumadaloy ang luha sa kanyang mga mata.
“[Minsan] noong kami lang ng aking ama sa kanyang study room, napansin ko na malalim ang iniisip niya. Nag-alangan akong basagin ang katahimikan, ngunit sa wakas ay nagsalita siya. ‘Ah, anak ko, sana kasama kita noong Huwebes nang makausap ko ang mga Kapatid sa templo. Ah, kung narinig mo lang silang patotohanan ang pagmamahal nila para sa kanilang Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo!’ Pagkatapos ay yumuko siya, at umagos ang luha sa kanyang mukha at tumulo sa kanyang kamiseta. Makalipas ang maraming segundo, na hindi pa siya gaanong nag-aangat ng ulo, ngunit patuloy na tumatangu-tango, sinabi niya, ‘Ah, mahal na mahal ko ang aking Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo!’”3
Mga Turo ni Joseph Fielding Smith
1
Si Jesucristo ang Bugtong na Anak ng Diyos at Tagapagligtas ng sanlibutan.
Gusto kong sabihin, nang buong linaw at diin sa abot-kaya ko, na naniniwala tayo kay Cristo. Tinatanggap natin siya nang walang pag-aalinlangan bilang Anak ng Diyos at Tagapagligtas ng sanlibutan.4
Alam natin na ang kaligtasan ay na kay Cristo; na siya ang Panganay na Anak ng Amang Walang Hanggan; na siya ay pinili at inorden noon pa man sa mga kapulungan ng langit na magsagawa ng walang-katapusan at walang-hanggang pagbabayad-sala; na siya ay isinilang sa mundo bilang Anak ng Diyos; at na dinala niya ang buhay at imortalidad sa mundo sa pamamagitan ng ebanghelyo.
Alam natin nang buong katiyakan na pumarito si Cristo upang tubusin ang mga tao mula sa temporal at espirituwal na kamatayan na dulot ng pagkahulog ni Adan at na inako niya ang mga kasalanan ng lahat ng tao kung sila ay magsisisi. …
Naniniwala tayo na naligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya sa kabila ng lahat ng ating magagawa [tingnan sa 2 Nephi 25:23], at na sa pagsalig sa pagbabayad-sala ni Cristo, lahat ng tao ay kailangang pagsikapang matamo ang kanilang kaligtasan nang may takot at panginginig sa harapan ng Panginoon [tingnan sa Mga Taga Filipos 2:12; Mormon 9:27].5
Ang kaibhan ng Tagapagligtas sa ating lahat ay na mortal ang ating ama at samakatwid ay saklaw ng kamatayan. Ang ating Tagapagligtas ay walang mortal na Ama at samakatwid ay saklaw niya ang kamatayan. May kapangyarihan siyang ialay ang kanyang buhay at kunin itong muli [tingnan sa Juan 10:17–18], ngunit wala tayong kapangyarihang ialay ang ating buhay at kunin itong muli. Sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Jesucristo tumatanggap tayo ng buhay na walang hanggan, sa pamamagitan ng pagkabuhay na mag-uli ng mga patay at pagsunod sa mga alituntunin ng ebanghelyo.6
Tunay ngang siya ang bugtong na Anak ng Diyos, at sa pamamagitan ng Kanyang biyaya, at sa biyaya ng Kanyang Ama, ay tinubos tayo mula sa kasalanan kung tayo ay magsisisi. Alam natin na nagbangon Siya mula sa mga patay, na Siya ay umakyat sa langit, pinatnubayan ang bitag sa pagkabitag [tingnan sa Awit 68:18], at naging tagagawa ng kaligtasan ng lahat ng maniniwala, magsisisi sa kanilang mga kasalanan, at tatanggap sa Kanya bilang Manunubos ng daigdig [tingnan sa Sa mga Hebreo 5:9]. Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay binigyang-katiyakan hinggil sa mga bagay na ito.7
Bagama’t ang mga tao ay bumubuo ng mga plano, tumatanggap ng mga teoriya, nagpapasimula ng naiibang mga gawa, at nagtitipon at nagtuturo ng maraming kakaibang doktrina, isang turo ang pinakamahalaga, at hindi tayo dapat lumihis dito: lahat ng bagay ay nagmumula at nauukol sa Panginoong Jesucristo, ang Manunubos ng daigdig. Tinatanggap natin siya bilang Bugtong ng Ama sa laman, ang tanging nilalang na nanirahan sa laman at may Amang imortal. Dahil sa kanyang pagkapanganay at sa mga kalagayang nakapalibot sa kanyang pagparito sa mundo, siya ang naging Manunubos ng mga tao; at sa pagbubuhos ng kanyang dugo nagkaroon tayo ng pribilehiyong makabalik sa kinaroroonan ng ating Ama, kung tayo ay magsisisi at tatanggapin natin ang dakilang plano ng pagtubos na siya ang may-akda.8
Pinatototohanan natin na ang ebanghelyo ni Jesucristo ay ang plano ng kaligtasan; at na sa pamamagitan ng nagbabayad-salang sakripisyo ng ating Panginoon lahat ng tao ay ibabangon sa imortalidad, upang hatulan niya ayon sa kanilang mga gawa noong sila ay nabubuhay; at na ang mga naniniwala at sumusunod sa kabuuan ng batas ng ebanghelyo ay ibabangon din sa buhay na walang hanggan sa kaharian ng ating Ama.9
2
Tayo ay nagiging mga anak na lalaki at anak na babae ni Jesucristo sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala at sa ating mga tipan na sundin Siya.
Ang ating Ama sa langit ang Ama ni Jesucristo, kapwa sa espiritu at sa laman. Ang ating Tagapagligtas ang Panganay sa espiritu, at Bugtong na Anak sa laman.10
Siya [si Jesucristo] ang ating Nakatatandang Kapatid at ginawaran ng Ama ng buong awtoridad at kapangyarihan bilang miyembro ng dakilang Panguluhan, ng Ama, Anak, at Espiritu Santo.11
Itinuturo sa ating mga banal na kasulatan na si Jesucristo ay kapwa ang Ama at ang Anak. Ang simpleng katotohanan ay siya ang Anak ng Diyos sa pagsilang, kapwa sa espiritu at sa laman. Siya ang Ama dahil sa gawaing naisagawa niya.12
Ang ating Tagapagligtas ay naging ating Ama, ayon sa kahulugan ng salitang ito sa mga banal na kasulatan, dahil siya ang nagbibigay sa atin ng buhay, buhay na walang hanggan, sa pamamagitan ng pagbabayad-salang ginawa niya para sa atin. Sa napakagandang tagubiling ibinigay ni Haring Benjamin mababasa natin ito: “At ngayon, dahil sa tipang inyong ginawa kayo ay tatawaging mga anak ni Cristo, mga anak niyang lalaki, at mga anak niyang babae; sapagkat masdan, sa araw na ito kayo ay kanyang espirituwal na isinilang: sapagkat sinasabi ninyo na ang inyong mga puso ay nagbago sa pamamagitan ng pananampalataya sa kanyang pangalan; anupa’t kayo ay isinilang sa kanya at naging kanyang mga anak na lalaki at mga anak na babae.” [Mosias 5:7; tingnan din sa mga talata 8–11.]
Kaya, tayo ay naging mga anak na lalaki at anak na babae ni Jesucristo, sa pamamagitan ng ating mga tipan na sundin siya. Dahil sa kanyang banal na awtoridad at sakripisyo sa krus, tayo ay naging mga anak na lalaki at anak na babae na espirituwal na isinilang, at siya ang ating Ama.13
Tulad ng mga Nephita sa panahon ni Haring Benjamin, tinaglay din nating mga Banal sa mga Huling Araw ang pangalan ni Cristo [tingnan sa Mosias 5:1–9; 6:1–2]. Bawat linggo sa pulong sa sakramento, gaya ng iniutos sa atin, tinataglay natin sa tuwina ang kanyang pangalan upang alalahanin siya at iyan ang ipinangakong gawin ng mga Nephita.14
3
Inihayag ng Tagapagligtas ang Kanyang Sarili sa dispensasyong ito, at bawat isa sa atin ay maaaring magkaroon ng matibay na patotoo tungkol sa Kanya.
Tinatanggap natin si Jesucristo bilang Manunubos ng daigdig. Alam natin … na inihayag Niya ang Kanyang Sarili sa dispensasyong ito. Hindi tayo umaasa sa mga patotoo ng … karapat-dapat na mga tao noong araw, na nabuhay sa Kanyang panahon at nakausap Siya noong panahon ng Kanyang ministeryo, at sa pinagpakitaan Niya matapos Siyang mabuhay na mag-uli. Tayo ay may mga saksi na nabubuhay sa sarili nating panahon, na nakakita sa Kanya, na alam na Siya ay buhay at nagpatotoo sa atin at sa daigdig tungkol sa katotohanang ito. Alam natin na tapat ang kanilang patotoo. Hindi nag-iisa si Joseph Smith para magpatotoo sa dispensasyong ito tungkol sa misyon ni Jesucristo, dahil nagbangon ang Panginoon ng iba pang mga saksi na nakakita sa Manunubos, tulad ni Propetang Joseph Smith, tumanggap ng tagubilin mula sa Kanya at nakita Siya sa kalangitan na nasa kanang kamay ng Ama na naliligiran ng mga banal na anghel. Ibinigay nila sa atin ang kanilang patotoo na magiging saksi laban sa mundo upang parusahan yaong mga hindi makikinig dito.
Ngunit bilang mga miyembro ng Simbahan hindi natin kailangang umasa sa patotoo nina Joseph Smith, Oliver Cowdery, Sidney Rigdon o ng iba pang nagsipanaw na, na sa dispensasyong ito ay tumanggap ng kagila-gilalas na mga paghahayag at pangitain mula sa Panginoon kung saan nalaman nila na si Jesus ay buhay at siyang Manunubos ng daigdig. Tayo ay may kani-kanyang patotoo na ibinigay sa pamamagitan ng Espiritu ng Panginoon sa lahat ng namumuhay ayon sa Ebanghelyo. Kung tayo ay umaayon sa katotohanan matapos mabinyagan para sa kapatawaran ng ating mga kasalanan, at nakumpirma sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay para sa kaloob na Banal na Espiritu, inihayag na ng Panginoon sa bawat isa sa atin na totoo ang mga bagay na ito. Hindi tayo umaasa sa patotoo ng sinuman para sa kaalamang ito dahil alam natin sa pamamagitan ng Espiritu na si Jesus ang Cristo, ang Manunubos ng daigdig.15
Kung may isang bagay na nagdudulot ng galak at kapayapaan at kasiyahan sa puso ng tao, na higit sa anupamang nalalaman ko, ito ay ang matibay na patotoo na taglay ko, at taglay ninyo, na si Jesucristo ang Anak ng Diyos. Iyan ay isang katotohanang hindi mababago. Maaari itong atakihin ng mga tao; maaari nilang libakin ito; maaari nilang ipahayag na hindi siya ang Manunubos ng daigdig, na hindi totoo ang kanyang misyon, o na ang layunin nito, sa pamamagitan ng pagbubuhos ng kanyang dugo, ay hindi para mapatawad ang mga kasalanan sa lahat ng tao kung sila ay magsisisi. Maaaring hindi nila paniwalaan ang pagkabuhay na mag-uli mula sa mga patay, o pati na ang ipinapahayag ng mga Banal na Kasulatan na si Cristo ay muling nagbangon, matapos siyang patayin ng kanyang mga kaaway; magkagayunman nananatili ang katotohanan. Talagang siya ay namatay para sa mga kasalanan ng mundo, talagang isinakatuparan niya ang pagtubos mula sa kamatayan, talagang iginawad niya sa mga tao ang pagkakataong magsisi, at mapatawad sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng paniniwala at pagtanggap nila sa mga alituntunin ng ebanghelyo, at sa kanyang misyon. Napakahalaga ng mga katotohanang ito, mananatili ang mga ito; hindi ito masisira anuman ang sabihin o isipin ng tao.16
Gawing pinakamahalaga sa inyong isipan, ngayon at sa lahat ng oras, na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng buhay na Diyos na naparito sa daigdig para ialay ang kanyang buhay upang tayo ay mabuhay. Iyan ang totoo, at napakahalaga nito. Diyan nakasalig ang ating pananampalataya.17
4
Dapat nating tularan ang buhay ni Jesucristo.
Ang pinakadakilang halimbawang ipinakita sa mga tao ay ang sa mismong Anak ng Diyos. Sakdal ang kanyang buhay. Mahusay niyang ginawa ang lahat ng bagay at nasabi niya sa lahat ng tao na, “Sumunod kayo sa akin,” [2 Nephi 31:10] at dapat nating tularan ang kanyang buhay.
Magbibigay ako sa inyo ng paglalarawan mula sa kanyang buhay. Tinuruan niyang manalangin ang mga tao at saka niya sinabing: “Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, kinakailangan kayong mag-ingat at laging manalangin, na baka kayo ay matukso ng diyablo, at maakay niya kayong palayo na bihag niya. At katulad ng aking naipanalangin sa inyo maging sa gayon kayo ay manalangin sa aking simbahan, sa aking mga tao na nagsisisi at nagpabinyag sa aking pangalan. Masdan, ako ang ilaw; ipinakita ko ang isang halimbawa sa inyo. … Samakatwid, itaas ninyo ang inyong ilawan upang ito ay magliwanag sa sanlibutan. Masdan, ako ang ilaw na inyong itataas—yaong kung alin ay nakita ninyong aking ginawa. …” [3 Nephi 18:15–16, 24.]
Marahil ang pinakamaganda niyang payo tungkol dito ay naibigay sa mga disipulong Nephita. “Maging anong uri ng mga tao ba nararapat kayo?” tanong niya, at saka niya ibinigay ang sagot na ito: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, maging katulad ko.” [3 Nephi 27:27.]18
Kailangan nating maniwala kay Cristo at tularan ang kanyang buhay. Kailangan nating magpabinyag na tulad niya. Kailangan nating sambahin ang Ama na tulad niya. Kailangan nating gawin ang kalooban ng Ama na tulad niya. Kailangan nating naising gumawa ng kabutihan at kabanalan na tulad niya. Siya ang ating Uliran, ang dakilang Huwaran ng kaligtasan.19
Kapag may problema kayo at kailangan ninyong magpasiya, gawin ito sa pagtatanong sa inyong sarili ng, “Ano kaya ang gagawin ni Jesus?” Pagkatapos ay gawin ang gagawin niya.
Magagalak kayo sa kanyang presensya at mapapasainyo ang kanyang inspirasyon upang gabayan kayo sa bawat araw ng inyong buhay kung hahangarin ninyo ito at mamumuhay kayo nang marapat para dito. Ang pagmamahal ni Jesus at ang nakapapanatag na lakas ng Kanyang Banal na Espiritu ay madarama ninyo tulad ng nadama ng mga bata na pinalapit niya sa kanya noong nabuhay siya sa lupa.20
Nais kong sabihin na lahat ng susunod sa kanyang halimbawa ay magiging katulad niya at luluwalhatiing kasama niya sa kaharian ng kanyang Ama; upang magtamo ng karangalan, kapangyarihan, at awtoridad. Sinabi niya sa ilang disipulong Nephita na sumunod sa kanya nang may buong layunin ng puso: “… kayo ay magiging katulad ko, at maging ako ay katulad ng Ama; at ang Ama at ako ay iisa.” [3 Nephi 28:10.] …
Dalangin ko na nawa’y sundan nating lahat ang kanyang mga yapak at sundin ang kanyang mga utos upang tayo ay maging katulad niya. Ito ang hangarin ko. Sana’y sa inyo rin.21
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Mga Tanong
-
Sa palagay ninyo paano naimpluwensyahan ng patotoo at pagpapakita ng pagmamahal ni Pangulong Smith sa Tagapagligtas ang kanyang mga anak? (Tingnan sa “Mula sa Buhay ni Joseph Fielding Smith.”) Isipin kung ano ang magagawa ninyo para mag-ibayo ang inyong pagmamahal sa Tagapagligtas at maibahagi ang inyong patotoo tungkol sa Kanya.
-
Ipinahayag ni Pangulong Smith na “lahat ng bagay ay nagmumula at nauukol sa Panginoong Jesucristo” (bahagi 1). Sa anong mga paraan maiimpluwensyahan ng katotohanang ito ang ating personal na buhay? Sa anong mga paraan nito maiimpluwensyahan ang ating tahanan?
-
Sa anong mga paraan nakakatulong sa inyo ang mga turo sa bahagi 2 upang maunawaan ang inyong kaugnayan sa Tagapagligtas? Ano ang ibig sabihin sa inyo ng taglayin ang pangalan ni Cristo sa inyong sarili?
-
Nagbabala si Pangulong Smith na aatakihin at lilibakin ng ilang tao ang mga katotohanan tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala (tingnan sa bahagi 3). Paano natin mapapatibay ang ating patotoo para makayanan ang gayong mga hamon? Paano matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na mapatibay ang kanilang patotoo?
-
Pagnilayan ang payo ni Pangulong Smith na magtanong ng “Ano kaya ang gagawin ni Jesus?” (bahagi 4). Ano ang ilang partikular na paraan na matutularan natin ang buhay ni Jesucristo? Kapag sinunod natin ang Kanyang halimbawa, paano natin maiimpluwensyahan ang buhay ng iba?
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan
Juan 14:6; 1 Nephi 10:6; Mosias 3:5–7; Helaman 5:12; 3 Nephi 11:3–7; D at T 34:1–3; 76:22–24; Joseph Smith—Kasaysayan 1:17
Tulong sa Pagtuturo
“[Iwasan] ang tuksong talakayin ang napakaraming materyal. … Nagtuturo tayo ng mga tao, hindi lamang ng paksa; at … bawat balangkas ng lesson na nakita ko na ay tiyak na mas maraming nilalaman kaysa sa maituturo natin sa itinakdang oras” (Jeffrey R. Holland, “Pagtuturo at Pag-aaral sa Simbahan,” Liahona, Hunyo 2007, 59).