Ang Buhay at Paglilingkod ni Joseph Fielding Smith
Si Pangulong Joseph Fielding Smith ay “gumamit ng tatlong magagandang salitang hindi ko malilimutan kailanman,” paggunita ni Pangulong Gordon B. Hinckley. Ang mga salitang iyon ay “tunay at tapat.” Sabi ni Pangulong Hinckley, “Sa kanyang mga talumpati sa publiko, sa kanyang mga pribadong pakikipag-usap, sa kanyang mga panalangin sa Panginoon, nagsumamo siya na tayo ay maging tunay at tapat.”1 Nagbahagi rin si Pangulong Thomas S. Monson ng gayong alaala: “Kahit sa kanyang katandaan, ipinagdasal [niya] sa tuwina, ‘Nawa’y maging tunay at tapat kami hanggang wakas.’”2
“Tunay at tapat.” Para kay Pangulong Joseph Fielding Smith, higit pa ito sa mga salitang madalas ulitin. Ito ay taos-pusong pagpapahayag ng kanyang pag-asa para sa lahat ng tao. Isa rin itong paglalarawan ng kanyang buhay, mula sa kanyang pagkabata hanggang sa kanyang paglilingkod bilang Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
“Isang Anak ng Pangako”
Si Joseph Fielding Smith “ay isinilang na isang anak ng pangako,” sabi ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol. Ipinaliwanag ni Elder McConkie, manugang ni Pangulong Smith, na si Julina Lambson Smith “ay nagkaroon ng tatlong anak na babae ngunit walang lalaki, kaya lumuhog siya sa Panginoon at ‘na[ma]nata ng isang panata,’ tulad ni Ana noong araw. [I Samuel 1:11.] Ang kanyang pangako: na kung pagkakalooban siya ng Panginoon ng isang anak na lalaki, ‘gagawin niya ang lahat para tulungan siyang maging kapuri-puri sa Panginoon at sa kanyang ama.’ Dininig ng Panginoon ang kanyang mga dalangin, at tinupad naman niya ang kanyang pangako sa Panginoon.”3 Noong Hulyo 19, 1876, isinilang ang isang sanggol na lalaki sa mag-asawang Julina at Joseph F. Smith. Pinangalanan nila itong Joseph Fielding Smith Jr., na isinunod sa pangalan ng kanyang ama.
Sa kanyang pagsilang, nakabilang si Joseph Fielding Smith sa isang pamilyang puspos ng pananampalataya, paglilingkod, at pamumuno. Ang lolo niyang si Hyrum Smith ay kapatid ni Propetang Joseph Smith at isang magiting na saksi sa Panunumbalik ng ebanghelyo. Hinirang ng Panginoon si Hyrum na “maging isang propeta, at isang tagakita, at isang tagapaghayag sa [Kanyang] simbahan,” at sinabi na ang pangalan ni Hyrum ay “mapasa-marangal na pag-aalaala sa bawat sali’t salinlahi, magpakailanman at walang katapusan” (D at T 124:94, 96). Kasama ang kanyang kapatid na si Joseph, tinatakan ni Hyrum ng kanyang dugo ang kanyang patotoo, nang paslangin siya ng mga mandurumog noong Hunyo 27, 1844 (tingnan sa D at T 135).
Binalikat ng ama ni Joseph Fielding Smith na si Joseph F. Smith ang mabibigat na responsibilidad noon pa mang bata siya. Bilang panganay na anak nina Hyrum at Mary Fielding Smith, siya ay limang taong gulang nang paslangin ang kanyang ama at siyam na taong gulang nang tulungan niya ang balo niyang ina na magtulak ng bagon mula Nauvoo, Illinois, hanggang Salt Lake Valley. Kalaunan ay naglingkod siya bilang misyonero at bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol. Siya ang Tagapayo sa Unang Panguluhan nang isilang ang kanyang anak na si Joseph. Mula Oktubre 17, 1901, hanggang Nobyembre 19, 1918, naglingkod siya bilang Pangulo ng Simbahan.
Ang ina ni Joseph Fielding Smith na si Julina Lambson Smith ay miyembro ng isa sa mga naunang pamilyang pioneer sa Salt Lake Valley. Mula sa edad na siyam, lumaki siya sa tahanan ng kanyang tiyo na si George A. Smith, na miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol noon, at ng kanyang tiya na si Bathsheba W. Smith. (Kalaunan ay naglingkod si Elder Smith bilang Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan sa ilalim ni Pangulong Brigham Young, at kalaunan ay naglingkod si Sister Smith bilang Relief Society general president.) Sa pagtanda niya, si Julina ay naging matapat na asawa at ina at masigasig na miyembro ng Relief Society. Kilala siya sa kanyang pagkamahabagin at galing bilang komadrona, at tumulong sa pagsilang ng “halos 1,000 sanggol sa mundo” at inalagaan ang mga ina nito.4 Mula Oktubre 1910 hanggang Abril 1921, naglingkod siya bilang pangalawang tagapayo sa Relief Society general presidency.
Trabaho at Laro Noong Nagbibinata Siya
Natutong magtrabaho si Joseph noong bata pa siya. May-ari ng isang bukirin ang kanyang pamilya sa Taylorsville, Utah, mga 10 milya (16 kilometro) mula sa bahay nila, kung saan tumulong siya at ang kanyang mga kapatid na lalaki sa pagpapatubig, pag-aani ng dayami, at pag-aalaga sa mga baka. Sa bahay, ang pamilya ay may malawak na gulayan, ilang punungkahoy na nagbubunga, tatlong mahahabang hanay ng mga ubas, mga manok, tatlong bakang babae, at ilang kabayo. Nagkaroon ng maraming asawa si Pangulong Joseph F. Smith, kaya marami siyang pinakain at marami silang nagtulungan. Dahil isa si Joseph Fielding Smith sa mga pinakamatandang anak na lalaki sa malaking pamilya, binigyan siya ng ilang responsibilidad na karaniwang ibinibigay sa nasa hustong gulang na. Bukod sa mga responsibilidad na ito, hindi siya nagkulang sa kanyang pag-aaral sa paaralan.
Ang unang trabaho ni Joseph sa labas ng bahay at sa bukirin ng pamilya ay sa kanyang ina. Siya ang madalas magpatakbo noon ng karuwaheng hila ng kabayo para tulungan ang ina na gampanan ang kanyang tungkulin bilang komadrona. Noong nagbibinata na siya, nakakita siya ng trabaho sa Zion’s Cooperative Mercantile Institution (ZCMI), kung saan siya nag-ukol ng mahaba at nakakapagod na mga araw. Kalaunan ay ginunita niya: “Nagtrabaho akong parang kabayo buong maghapon at pagod-na-pagod ako pagsapit ng gabi, sa kapapasan ng mga sako ng harina at asukal at ham at bacon. Ang timbang ko ay 150 libra [68 kilo], pero kayang-kaya kong dumampot ng isang 200-librang sako [91 kilo] at isampa ito sa balikat ko.”5
Para mabalanse ang mabibigat na responsibilidad niya sa trabaho, nakahanap si Joseph ng panahong makapaglaro. Silang magkakapatid ay mahilig maglaro ng taguan sa gabi sa paligid ng bahay, sa may ubasan—“lalo na kapag hinog na ang mga ubas.”6 Mahilig din siyang maglaro ng baseball. Bawat ward ay may organisadong baseball team, at nagustuhan niya ang masasayang labanang ito.
Pag-aaral ng Ebanghelyo at Espirituwal na Paglago
Bagaman mahalaga ang baseball sa batang si Joseph Fielding Smith, kung minsan ay maaga niyang nililisan ang mga laro, dahil sa isang interes na mas mahalaga para sa kanya. Sa mga pagkakataong iyon, matatagpuan siyang nag-iisa “sa ibabaw ng kamalig o sa lilim ng isang puno para balikan ang kanyang pagbabasa” ng Aklat ni Mormon.7 “Ang naaalala ko,” sabi niya kalaunan, “mula nang matuto akong magbasa, mas natuwa at nasiyahan ako sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at pagbabasa tungkol sa Panginoong Jesucristo, at kay Propetang Joseph Smith, at sa gawaing naisakatuparan para sa kaligtasan ng tao, kaysa anupamang bagay sa buong mundo.”8 Sinimulan niya ang personal na pag-aaral ng ebanghelyo nang matanggap niya ang una niyang kopya ng Aklat ni Mormon sa edad na walo. Sabik niyang binasa ang mga pamantayang aklat at mga lathalain ng Simbahan. May dala siyang edisyon ng Bagong Tipan na kasya sa bulsa para makabasa siya tuwing tanghalian at habang naglalakad papasok at pauwi mula sa ZCMI. Sa katatagan at tiyaga, napalakas niya ang kanyang patotoo sa ipinanumbalik na ebanghelyo.
Ngunit ang espirituwal na paglago ni Joseph ay hindi lamang sa tahimik na personal na pag-aaral. Tapat siyang nakibahagi sa mga pulong at klase sa Simbahan, at tinanggap ang kanyang mga ordenansa at basbas ng priesthood. Interesado siya lalo na sa templo. Ang Salt Lake Temple ay 23 taon nang itinatayo nang ipanganak siya. “Sa kanyang buong kabataan sabik na binantayan ni Joseph ang araw-araw na progreso ng pagtatayo ng maringal na gusaling ito. Nakita niya ang huling malaking granitong bato na dinala ng mga sasakyang pangriles (railroad car) mula sa minahan ng bato. … Nakita [niya] na nagkahugis din sa wakas ang mariringal na taluktok. … [Sabi niya,] ‘Dati-rati ay iniisip ko kung buhay pa kaya ako kapag natapos na ang templo.’”9
Noong Abril 6, 1893, dumalo si Joseph sa unang sesyon sa paglalaan ng Salt Lake Temple. Si Pangulong Wilford Woodruff, ang ikaapat na Pangulo ng Simbahan, ang namuno sa sesyon at nag-alay ng panalangin ng paglalaan. Nakaupo sa harapan sa kaliwa ni Pangulong Woodruff ang kanyang Pangalawang Tagapayo na si Pangulong Joseph F. Smith.
Noong 19 na taong gulang si Joseph Fielding Smith, tumanggap siya ng patriarchal blessing. Ang basbas na ito, na binigkas ng kanyang tiyo na si John Smith, na noon ay naglilingkod bilang Patriarch ng Simbahan, ay nagdagdag sa espirituwal na lakas ni Joseph. Sinabihan si Joseph:
“Pribilehiyo mong mabuhay nang matagal at kalooban ng Panginoon na dapat kang maging isang malakas na tao sa Israel. …
“Magiging tungkulin mong makipagsanggunian sa iyong mga kapatid at pamunuan ang mga tao. Magiging tungkulin mo ring maglakbay sa maraming bayan at sa ibang bansa, sa lupa at sa dagat, sa iyong paglilingkod. At sinasabi ko sa iyo, magtaas ka ng noo, magsalita ka nang walang kinatatakutan o kinikilingan, dahil gagabayan ka ng Espiritu ng Panginoon, at pasasaiyo ang Kanyang mga pagpapala. Gagabayan ng Kanyang Espiritu ang iyong isipan at ibibigay sa iyo ang salita at damdamin, para lituhin mo ang karunungan ng masasama at pawalang-saysay mo ang mga payo ng di-makatarungan.”10
Kalaunan sa taong iyon, pagkaraan ng kanyang ika-20 kaarawan, tumanggap siya ng mga bagong pagkakataon sa paglilingkod at espirituwal na paglago. Inorden siya sa katungkulan ng elder sa Melchizedek Priesthood, at natanggap niya ang endowment sa templo. Nang malapit nang magwakas ang kanyang buhay, habang naglilingkod siya bilang Pangulo ng Simbahan, sinabi niya: “Labis akong nagpapasalamat na hawak ko ang banal na priesthood. Habambuhay kong hinangad na magampanan ang aking tungkulin sa priesthood na iyon at magtiis hanggang wakas sa buhay na ito at makasama ang matatapat na banal sa buhay na darating.”11
Pagliligawan at Pag-aasawa
Nang ang binatang si Joseph Fielding Smith ay tumulong sa pagsuporta sa kanyang pamilya, pag-aralan ang ebanghelyo, at naghanda para sa mga basbas ng priesthood, napansin ng isang dalagang nagngangalang Louie Shurtliff ang kanyang mga pagsisikap. Nakitira si Louie, na ang mga magulang ay nakatira sa Ogden, Utah, sa pamilya Smith para mag-aral sa University of Utah, na noon ay nasa kabilang kalye lang sa tapat ng tahanan ng mga Smith.
Noong una, magkaibigan lamang sina Joseph at Louie, ngunit unti-unting nauwi iyon sa pagliligawan. Dahil halos walang pera ang magkasintahan, ang kanilang pagliligawan ay halos ginugugol lang sa pagbabasa nang magkasama sa sala ng pamilya, sa pag-uusap, pamamasyal, at pagdalo sa mga kasayahan sa Simbahan. Natutuwa rin si Joseph na pakinggan ang pagtugtog ni Louie ng piyano. Paminsan-minsan ay nanonood sila ng pagtatanghal sa isang teatro sa kanilang lugar. Nang matapos si Louie sa ikalawang taon ng pag-aaral sa unibersidad, nauwi sa pag-iibigan ang kanilang pagliligawan—kaya nagbisikleta si Joseph nang 100-milya (160-kilometro) papunta at pauwi, sa maalikabok na mga daanan, para makita siya sa Ogden nang isa o dalawang beses kapag walang klase.12
Kalaunan, pinag-usapan nina Louie at Joseph ang tungkol sa kasal. Gayunman, isang tanong ang nanatili sa kanilang isipan: tatawagin kayang magmisyon si Joseph? Noong panahong iyon, ang mga binata at dalagang nais magmisyon ay hindi lumalapit sa kanilang bishop para mairekomenda sa gayong mga tawag. Ang pagpoproseso ng mga mission call ay isinasagawa lamang sa tanggapan ng Pangulo ng Simbahan. Hindi alam ng isang binata kung kailan siya makakakita ng mission call sa mailbox.
Nagtapos si Louie sa unibersidad sa tagsibol ng 1897 at nagbalik sa Ogden sa piling ng kanyang mga magulang. Pagkaraan ng isang taon, nang mukhang walang darating na mission call, ipinasiya ng magkasintahan na ituloy na ang kanilang kasal. Sinabi ni Joseph kalaunan, “Hinikayat ko siyang lumipat ng tirahan, at noong ika-26 ng Abril, 1898, nagtungo kami sa Salt Lake Temple at ang aking amang si Pangulong Joseph F. Smith ang nagkasal sa amin para sa buhay na ito at sa buong kawalang-hanggan.”13 Nang magsama na sina Joseph at Louie, tumira sila sa isang maliit na apartment sa bahay ng pamilya Smith.
Pagsunod sa Tawag na Magmisyon
Noong nagsisimula pa lamang ang Simbahan, ang mga lalaking may-asawa ay kadalasang pinaglilingkod sa full-time mission, kaya hindi nagulat sina Joseph at Louie nang dumating noong Marso 17, 1899, ang mission call na nilagdaan ni Pangulong Lorenzo Snow sa koreo. Ngunit maaaring medyo nagulat si Joseph sa lugar ng kanyang destino. Bago natanggap ang tawag, nakausap niya si Pangulong Franklin D. Richards, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, tungkol sa posibilidad na makatanggap ng mission call. Kalaunan ay ginunita ni Joseph: “Tinanong [niya] kung saan ko gustong magpunta. Sinabi ko sa kanya na wala akong pinipiling lugar, at pupunta lang ako kung saan ako ipadala. Ngunit sinabi niya, ‘Dapat ay may lugar na mas gugustuhin mong puntahan.’ Sabi ko, ‘Sige, mas gusto ko sa Germany.’ Kaya ipinadala nila ako sa England!”14
Nagpasiya si Louie na makitira sa kanyang mga magulang habang wala si Joseph. Nadama niya na makakatulong ito para matiis niya ang lumbay ng mawalay sa kanyang asawa. At magtatrabaho siya sa tindahan ng kanyang ama, at kikita ng pera para matustusan ang misyon ni Joseph.15
Noong Mayo 12, 1899, isang araw bago umalis patungo sa misyon, tumanggap ng mga tagubilin si Elder Smith at ang iba pang mga misyonero mula kay Pangulong Joseph F. Smith at kina Elder George Teasdale at Elder Heber J. Grant ng Korum ng Labindalawang Apostol. Iyon na ang lahat ng training nila bago sila umalis bilang mga full-time missionary. Sa pulong na ito, bawat misyonero ay tumatanggap ng opisyal na missionary certificate. Ang nakasaad kay Elder Smith:
“Pinagtitibay nito na ang mayhawak na si Elder Joseph F. Smith Jr. ay matapat at mabuting miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at sa pamamagitan ng mga General Authority ng nabanggit na Simbahan ay inatasang magpunta sa isang Mission sa Great Britain upang Ipangaral ang Ebanghelyo at pamahalaan ang lahat ng Ordenansa niyon na nauukol sa kanyang katungkulan.
“At inaanyayahan namin ang lahat ng tao na sundin ang kanyang mga Turo at Payo bilang alagad ng Diyos, na isinugo upang buksan sa kanila ang pintuan ng Buhay at Kaligtasan—at tulungan siya sa kanyang mga paglalakbay, sa anumang bagay na kailanganin niya.
“At dalangin namin sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, na pagpalain si Elder Smith at lahat ng tatanggap at magbibigay ng ginhawa sa kanya, ng mga pagpapala ng Langit at Lupa, para sa buhay na ito at sa buong kawalang-hanggan, sa pangalan ni Jesucristo, Amen.
“Nilagdaan sa Salt Lake City, Utah, ika-12 ng Mayo, 1899, sa ngalan ng nabanggit na Simbahan. Lorenzo Snow, George Q. Cannon, Jos. F. Smith, Unang Panguluhan.”16
Kinabukasan, nagtipon ang pamilya sa bahay para magpaalam kay Joseph at sa isang mas matandang lalaki na tinawag ding maglingkod sa England. Gayunman, wala sa pagtitipon ang isang miyembro ng pamilya. Nagtago sa hiya ang nakababatang kapatid ni Joseph na si Emily, dahil sa isang bagay na nagawa niya ilang taon na ang nakalipas. Noong nagliligawan sina Joseph at Louie, kung minsan ay pinatutulog ni Joseph si Emily at ang iba pang mga bata para mapag-isa silang magkasintahan. Sa inis sa pag-aakalang hindi iyon makatwiran, madalas ipagdasal ni Emily sa Panginoon na ipadala ang kanyang kapatid sa misyon. Ngayong talagang paalis na si Joseph, nakonsiyensya siya dahil akala niya ay isa siya sa mga dahilan kaya ito aalis.17
Alam nina Joseph at Louie na nagmula sa Panginoon ang tawag na maglingkod sa England. Sabik si Joseph na gawin ang kanyang tungkulin, at nasiyahan si Louie na magmimisyon ang kanyang asawa, ngunit kapwa sila nahirapang isipin na magkakalayo sila. Pagdating ng oras ng pag-alis ni Elder Smith papuntang istasyon ng tren, “sinikap ni Louie na magpakatapang, para hindi makita ni Joseph ang kanyang pagluha. Ngunit mahirap itago ang namumulang mga mata. At ang isipin lamang na aalis siya ay nangulila na kaagad si Joseph kaya ayaw na niyang makipag-usap kahit kanino. … Halos hindi makapagsalita si Joseph nang huminto siya sa harap ng pintuan ng lumang bahay sa First North Street at humalik at nagpaalam sa bawat isa sa kanyang mga mahal sa buhay: ang kanyang Mama, Papa, mga kapatid, mga tiya, at sa huli, kay Louie. ‘Paalam, Louie, mahal ko. Pagpalain ka at panatilihing ligtas ng Diyos para sa akin.’”18
Pagtatanim ng mga Binhi ng Ebanghelyo sa England
Simula nang tumakbo ang tren—na hindi komportableng sakyan at puno ng usok ng tabako—palayo sa bahay, inilaan na ni Elder Smith ang kanyang sarili sa kanyang misyon. Nahayag sa mga journal entry at liham na ipinadala niya at natanggap ang mga paghihirap na nakaharap niya bilang misyonero at ang pananampalataya at debosyon niya sa pagharap sa mga ito.
Sa pagtatapos ng unang araw ng kanyang misyon sa England, isinulat niya sa kanyang journal: “Napakahalagang araw nito sa maikling buhay ko. Wala pang isang buwan akong nakakaalis ng bahay para ipangaral ang ebanghelyo ng ating Panginoon. … Maghapon akong nagbahay-bahay ngayon at namigay ako ng 25 polyeto. Ito ang una sa ganitong klaseng trabaho na sinikap kong gawin at hindi ito naging napakadali para sa akin. … Nagpatotoo ako sa mundo sa unang pagkakataon ngayon, ngunit mapapahusay ko pa ito. Sa tulong ng Panginoon gagawin ko ang kanyang kalooban na siyang ipinagagawa sa akin.”19
Nang padalhan siya ng kanyang ama ng kaunting pera para sa kanyang mga pangangailangan, sumagot siya: “Lubos kong iingatan ang ipinadadala ninyo sa akin. Hindi ako gumagastos maliban kung may magandang dahilan.” Sinabi rin niya sa kanyang ama ang determinasyon niyang matutuhan at ituro ang ebanghelyo: “Narito ako upang ipangaral ang ebanghelyo at sana’y magawa ko iyan nang mahusay. … Hangad kong mapaghusay ang aking isipan at maragdagan ang aking mga talento habang narito ako, para lagi akong magkaroon ng silbi sa buhay. … Nais kong maging tama sa lahat ng bagay at walang mas nakasisiya sa akin kundi ang matuto tungkol sa ebanghelyo. Hangad kong matutuhan ito at magtamo ng karunungan.”20
Isinulat ni Pangulong Joseph F. Smith ang sumusunod na mga salita ng papuri sa isang liham kay Elder Joseph Fielding Smith: “Gusto ko ang sigla mo, nananalig ako sa iyong integridad, at natutuwa ako sa iyo. Nais kong magkaroon ka ng karunungan at maingat na pagpapasiya at tiyaga gayundin ng Banal na Espiritu at ng pag-ibig ng Diyos.”21 Nagpahayag din ng tiwala ang ama ni Louie na si Lewis Shurtliff kay Elder Smith: “Noon ko pa nadarama na may gagampanan kang maluwalhating misyon at magtatamo ng karanasang aangkop sa iyo para sa dakilang kalagayang nakatadhana sa iyo sa hinaharap.”22
Sa mga liham kay Louie, laging ipinadarama ni Joseph ang pagmamahal niya rito. Kadalasan ay naglalakip siya ng piniping bulaklak sa loob ng kanyang “liham na puno ng sigla at pagmamahal.”23 Isinulat din niya ang mga hamon na kanyang nakaharap: “Marami sa bansang ito ang nakakaalam na totoo ang ebanghelyong itinuturo natin, ngunit wala silang lakas ng loob na lumantad sa mundo at tanggapin ito.”24
Nagpadala ng mga liham si Louie minsan sa isang linggo. “Tandaan mo,” isinulat niyang minsan, “narito ako para mahalin at ipagdasal ka at hinding-hindi kita kinalilimutan kahit isang sandali. … Pagpalain ka, mahal kong asawa, ang dalangin ko sa tuwina.”25 Malinaw ang debosyon ni Louie sa kanyang asawa, at malinaw din ang kanyang debosyon sa Panginoon at sa Kanyang gawain. Pinaalalahanan niya palagi si Joseph na huwag hayaang pahinain ng pangungulila ang pasiya nitong maglingkod.
Kinailangan ni Elder Smith ng gayong pagpapalakas ng loob, dahil bihira siyang makatagpo ng taong tatanggap ng mensahe ng ipinanumbalik na ebanghelyo. Pagkaraan ng ilang taon, “sinabi niya sa kanyang anak na si Joseph na napakasama ng sitwasyon noon at hindi interesado ang mga tao kaya naisip niya na hindi na niya kayang magpatuloy. Isang gabi hindi siya makatulog sa pag-iisip na kailangan niyang magtrabaho para kumita ng pamasahe pauwi.”26 Ngunit dahil nabigyang-inspirasyon sa panghihikayat ng mga mahal sa buhay at napalakas ng kanilang mga dalangin at ng sarili niyang hangaring maglingkod, nadaig niya ang gayong mga ideya. Alam niyang tinawag siya ng Panginoon, at alam niya na kailangan niyang maging masigasig para sa kabutihan ng mga taong kanyang pinaglingkuran at para sa kabutihan ng kanyang pamilya. Isinulat niya: “Mas gusto ko pang manatili rito magpakailanman kaysa umuwi nang walang marangal na rekord at release. … Nawa’y magkaroon ako ng diwa ng ebanghelyo at ng pagmamahal sa aking kapwa nang makapanatili ako rito hanggang sa marangal akong i-release. Kung hindi sa maraming panalanging inialay para sa akin sa bahay at sa sarili ko ring mga panalangin, hindi ako magtatagumpay.”27
Si Elder Joseph Fielding Smith ay marangal na ini-release sa kanyang misyon noong Hunyo 20, 1901. Sa dalawang taon ng masigasig niyang paglilingkod, “wala siyang napabalik-loob, hindi siya nagkaroon ng pagkakataong makapagbinyag kahit minsan, bagama’t may isa siyang nakumpirma.”28 Gayunman, naihanda nila ng kanyang mga kompanyon ang maraming tao para tanggapin ang ebanghelyo, natulungan nila ang maraming tao na makadama ng higit na kapayapaan at pag-unawa, at personal siyang lumago bilang estudyante at guro ng ebanghelyo at bilang lider ng priesthood.
Isang Bagong Tahanan at mga Bagong Responsibilidad
Dumating si Joseph sa Salt Lake City noong Hulyo 9, 1901. Matapos manatili nang ilang araw sa piling ng pamilya ni Louie sa Ogden, umuwi sina Joseph at Louie sa kanilang tahanan sa piling ng mga Smith at nagpatuloy sa buhay na magkasama. Ang kanilang pagsasama bilang mag-asawa ay puno ng pananampalataya, kasipagan, at paglilingkod, sa pagsisikap na bumuo ng isang tahanan at pamilya at maglingkod sa Simbahan.
Nang makauwi na si Joseph, nagsimula siyang maghanap ng trabaho para masuportahan ang kanyang pamilya. Sa tulong ng isang miyembro ng pamilya, pansamantala siyang nakapagtrabaho sa tanggapan ng Salt Lake County clerk. Mga limang linggo pagkaraan, tinanggap niya ang isang katungkulan sa tanggapan ng Church Historian. Nang malaman pa niya ang kasaysayan ng Simbahan, nagkaroon din siya ng higit na kamalayan tungkol sa mga taong gustong siraan ang Simbahan at mga pinuno nito. Walang pagod siyang naglaan ng impormasyon para ipagtanggol ang Simbahan. Ito ang simula ng paglilingkod na magpapala sa Simbahan sa susunod na mga taon.
Noong tagsibol ng 1902, nagdalantao si Louie. Nagpasalamat sila ni Joseph sa maliit nilang apartment, ngunit inasam nilang makapagtayo ng sarili nilang bahay. Dahil matatag ang trabaho ni Joseph, nagsimula silang magplano. Umupa sila ng isang kontratista at pumayag ito na si Joseph mismo ang gumawa ng karamihan sa trabaho, kaya nakatipid sila. Ang unang anak nila, isang babaeng nagngangalang Josephine, ay ipinanganak noong Setyembre 1902, at lumipat sila sa kanilang bagong tahanan pagkaraan ng 10 buwan. Noong 1906, matapos mahirapan si Louie sa pagdadalantao, nagkaroon sila ng isa pang anak na babae at pinangalanan itong Julina.
Si Joseph ay laging handang makibahagi sa gawain ng kaligtasan ng Panginoon, at nagkaroon siya ng maraming pagkakataong gawin ito. Noong 1902 tinawag siyang maglingkod bilang isa sa mga pangulo ng ikadalawampu’t apat na korum ng pitumpu, kabilang na ang mga tungkulin bilang guro ng korum. (Noong panahong iyon, mahigit 100 ang korum ng Pitumpu sa Simbahan. Ang mga miyembro ng mga korum na iyon ay hindi mga General Authority.) Pinaglingkod din si Joseph sa general board ng Mutual Improvement Association ng Young Men at bilang miyembro ng high council sa Salt Lake Stake. Inorden siyang high priest ng kapatid niyang si Hyrum, isang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sa pangkalahatang kumperensya ng Abril 1906, sinang-ayunan siya bilang Assistant Church Historian, at nang sumunod na Enero ay hinirang sa isang espesyal na komite na ang layunin ay “maghanda ng datos para ipagtanggol ang simbahan laban sa mga pag-atake ng mga kaaway nito.”29
Noong naglilingkod ang ama ni Joseph bilang Pangulo ng Simbahan, madalas itong tulungan ni Joseph sa korespondensiya at iba pang mga tungkuling administratibo, at paminsan-minsa’y sinamahan ang kanyang ama sa mga tungkulin nito sa Simbahan. Minsan nga ay si Joseph pa ang naglakbay sa halip na si Pangulong Smith. Itinala niya: “Nagpunta ako sa Brigham City [Utah] sa pakiusap ng aking ama na ilaan ang meeting house ng Second Ward sa Brigham City. Gustung-gusto nila na siya ang mag-alay ng panalangin sa paglalaan, ngunit dahil malubha ang sipon niya noon, ako ang ipinadala niya.” Nang salubungin ng stake president at ng bishop si Joseph sa istasyon ng tren, hindi sila masayang makita siya.30 Sabi raw ng stake president: “Gusto kong humagulgol. Inasahan namin ang Pangulo ng Simbahan at ang batang ito ang dumating.” Ayon sa isang salaysay, pabirong sumagot si Joseph, “Ako rin.”31
Kahit maraming tungkulin si Joseph sa Simbahan na malayo sa pamilya, nakakita pa rin sila ni Louie ng pagkakataong makapaglingkod at magkasama. Sa kanyang journal entry para sa Nobyembre 1, 1907, isinulat niya, “Kasama si Louie, ginugol ko ang mas masayang bahagi ng maghapon sa Salt Lake Temple, isa sa pinakamasasayang araw ng aming buhay at pinakamalaki ang pakinabang sa amin.”32
Mga Pagsubok at Pagpapala
Isinantabi ni Joseph ang marami sa kanyang mga responsibilidad sa Simbahan noong Marso 1908, dahil kinailangan niyang manatili sa piling ni Louie hangga’t maaari. Nagkaroon si Louie ng malubha at walang-lunas na karamdamang may kinalaman sa mga unang buwan ng ikatlo niyang pagdadalantao. Sa kabila ng mga dalangin, basbas ng priesthood, maalalahaning pangangalaga ng kanyang asawa, at maingat na pagbabantay ng mga doktor, patuloy na lumala ang kanyang kalagayan. Namatay siya noong Marso 30.
Sa kanyang pagdadalamhati, isinulat ni Joseph: “Sa buwang ito na puno ng problema at pag-aalala para sa akin, dumanas ako ng mga pagsubok at karanasang napakatindi at napakasakit. At sa lahat ng ito ay umasa ako sa Panginoon para sa lakas at kapanatagan. Matapos dumanas ng napakatinding sakit sa loob ng tatlo o apat na linggo at ng karamdamang tumagal nang halos dalawang buwan lumaya rin ang pinakamamahal kong asawa sa kanyang pagdurusa … at iniwan ako at ang mahal naming mga anak, tungo sa mas magandang daigdig, kung saan matiyaga at malungkot nating hinihintay ang isang pagkikitang magiging napakaluwalhati.” Sinabi ni Joseph na ang kanyang asawa ay “namatay na matatag ang pananampalataya at tapat sa bawat alituntunin ng ebanghelyo.”33
Hindi nagtagal at si Joseph na ang nag-aruga sa dalawang anak na babaeng musmos sa isang tahanang walang ina. Inanyayahan ng kanyang mga magulang ang kanyang pamilya na pumisan sa kanila. Kahit sa tulong na ito, natanto ng balo na kailangan ng musmos niyang mga anak ang pag-aaruga ng isang mapagmahal na ina.
Tulad ng ginawa niya sa lahat ng mahahalagang desisyon, taimtim itong ipinagdasal ni Joseph. Si Ethel Georgina Reynolds, isang clerk sa tanggapan ng Church Historian, ang naging sagot sa kanyang mga dalangin. Inanyayahan ito ni Joseph na sumama sa kanila ng kanyang mga anak na mamasyal sa parke noong Hulyo 6, 1908. Naging maganda ang pamamasyal, dahil masaya silang apat na makasama ang isa’t isa. Pagkaraan ng sampung araw, nagdeyt sina Joseph at Ethel nang hindi kasama ang mga bata, at pagkatapos niyon ay nagplano na silang pakasal.
Sina Ethel at Joseph ay ibinuklod sa Salt Lake Temple noong Nobyembre 2, 1908. Pagkaraan ng ilang taon sa isang liham kay Ethel, isinulat ni Joseph, “Hindi mo alam kung gaano kadalas kong pasalamatan ang Panginoon na hindi ako nagkamali nang mangailangan ako ng kabiyak. Isinugo ka sa akin.”34 Bukod pa sa pagiging mapagmahal na asawa kay Joseph, agad naging pangalawang ina si Ethel kina Josephine at Julina.
Paglilingkod Bilang Miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol
Bago pa sumapit ang pangkalahatang kumperensya noong Abril 1910, namatay si Pangulong John R. Winder, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan. Tinawag si Elder John Henry Smith, na matagal nang naglilingkod sa Korum ng Labindalawa, na maglingkod sa Unang Panguluhan, kaya nagkaroon ng bakante sa Korum ng Labindalawa. Nagpulong ang Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawa sa Salt Lake Temple para pag-usapan ang mga lalaking nararapat ilagay sa posisyong iyon. Matapos magsanggunian nang mga isang oras, hindi sila “nagkaisa ng damdamin tungkol sa bagay na iyon. Sa huli nagpuntang mag-isa si Pangulong Joseph F. Smith sa isang silid at lumuhod at humingi ng patnubay sa panalangin. Pagbalik niya medyo nag-aalangang tinanong niya ang 13 iba pang kalalakihan kung handa silang isaalang-alang ang kanyang anak na si Joseph Fielding Smith Jr. para sa katungkulan. Nag-alangan daw siyang imungkahi iyon dahil miyembro na ng council ang kanyang anak na si Hyrum at Counselor naman sa Presiding Bishopric ang kanyang anak na si David. Natakot siya na baka magalit ang mga miyembro ng Simbahan kapag isa pa sa kanyang mga anak ang mahihirang bilang general authority. Gayunman nadama niya ang inspirasyon na ibigay ang pangalan ni Joseph para mapag-isipan nila. Tila agad tinanggap ng iba pang kalalakihan ang mungkahi at sinang-ayunan si Pangulong Smith dito.
“Mukhang ipinagtapat ni Pangulong Smith sa ina nito [ni Joseph] ang pagpili kay Joseph bago pa ito ipinahayag sa kumperensya. Sabi ng kapatid na babae ni Joseph na si Edith S. Patrick, ‘Naaalala kong sinabi sa amin ni Inay na noong 1910 ay umuwi si Itay mula sa kanyang temple council meeting at tila alalang-alala. Nang tanungin siya kung ano ang problema, sinabi niya na napili si Joseph bilang isa sa Labindalawa. Nagkaisa raw ang mga kapatid sa pagpili rito at pupulaan daw siya ngayon nang husto, bilang pangulo, dahil ginawa niyang apostol ang kanyang anak. Sinabi sa kanya ni Inay na huwag mag-alala kahit sandali sa sasabihin ng mga tao. Alam niya na pinili ito ng Panginoon at alam daw niya na magiging mahusay siya sa kanyang katungkulan.’
“… Kaugalian noon na huwag itong ipaalam nang maaga sa taong nahirang kundi hayaang marinig niya ang paghirang sa kanya kapag binasa ang kanyang pangalan sa kumperensya para sang-ayunan. Kaya nga nang umalis si Joseph Fielding para dumalo sa kumperensya noong Abril 6, 1910, wala siyang kaalam-alam na siya ang napili.” Pagpasok niya sa Tabernacle, sinabi sa kanya ng isang usher, “Joseph, sino kaya ang magiging bagong apostol?” Sagot niya: “Hindi ko alam. Pero hindi ikaw at hindi rin ako!”
Bago pa binasa ang pangalan ng pinakabagong miyembro ng Korum ng Labindalawa, nakadama si Joseph ng paramdam mula sa Espiritu na baka pangalan niya ang banggitin. Gayunman, sinabi niya kalaunan na nang banggitin ang kanyang pangalan, “Gulat na gulat ako at natigilan ako at halos hindi ako makapagsalita.”
Kalaunan nang araw na iyon, umuwi siya para ibalita iyon kay Ethel, na hindi nakadalo sa pulong. Nagsimula siya sa pagsasabing: “Palagay ko kailangan nating ibenta ang baka. Wala na akong oras para alagaan pa ito!”35
Sa 60 taon niya bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, nakita ni Joseph Fielding Smith ang maraming pagbabago sa mundo. Halimbawa, nang tawagin siyang apostol, maraming tao pa rin ang gumagamit ng kabayo at karuwahe bilang pangunahing transportasyon. Nang matapos ang kanyang paglilingkod sa korum, madalas siyang magpunta sa kanyang mga tungkulin sakay ng jet plane.
Humawak ng maraming mabibigat na katungkulan at responsibilidad si Elder Smith habang naglilingkod bilang miyembro ng Korum ng Labindalawa. Sa unang walong taon ng kanyang ministeryo bilang Apostol, naglingkod siya bilang kalihim ng kanyang ama kahit hindi siya opisyal na tinawag. Ginampanan niya ang katungkulang ito hanggang sa pumanaw ang kanyang ama noong Nobyembre 1918. Sa papel na ito, gumanap si Joseph Fielding Smith bilang tagasulat nang idikta ng kanyang ama ang pangitain tungkol sa pagtubos sa mga patay, na matatagpuan ngayon sa Doktrina at mga Tipan 138.
Si Elder Smith ay naglingkod bilang Assistant Church Historian, bilang Church Historian nang halos 50 taon, bilang tagapayo sa Salt Lake Temple presidency, bilang pangulo ng Salt Lake Temple, bilang pangulo ng Utah Genealogical and Historical Society, bilang unang editor at business manager ng Utah Genealogical and Historical Magazine, at bilang chairman ng Executive Committee ng Church Board of Education. Naglingkod din siya bilang chairman ng Church Publications Committee, isang tungkulin kung saan kinailangan niyang basahin ang libu-libong pahina ng mga manuskrito bago inihanda ang mga ito bilang mga manwal ng aralin at iba pang mga lathalain ng Simbahan.
Itinalaga siya bilang Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawa noong Oktubre 6, 1950, at naglingkod sa katungkulang iyon hanggang Abril 1951, kung kailan siya itinalaga bilang Pangulo ng Korum ng Labindalawa. Naglingkod siya sa katungkulang iyon mula Abril 1951 hanggang Enero 1970, kung kailan siya naging Pangulo ng Simbahan. Mula 1965 hanggang 1970, naglingkod din siya bilang Tagapayo sa Unang Panguluhan habang patuloy siya sa kanyang mga responsibilidad bilang Pangulo ng Korum ng Labindalawa.
Isang Ministeryo ng Mahihigpit na Babala at Magigiliw na Kapatawaran
Sa kanyang unang pananalita sa pangkalahatang kumperensya, diretsahang nagsalita si Elder Joseph Fielding Smith sa sinumang “magtataas ng kanyang tinig laban sa mga gagawing hakbang ng mga awtoridad na namumuno sa Simbahan.” Ipinalabas niya ang mahigpit na pahayag na ito: “Nais kong magbabala sa lahat ng miyembro ng Simbahan, at sabihin sa kanila, na magsisi na sila at bumaling sa Panginoon, at baka hatulan Niya sila, at mawala ang kanilang pananampalataya at malayo sila sa katotohanan.”36
Sa kanyang buong ministeryo, patuloy siyang nagbabala. Minsan sinabi niya: “Itinuring ko nang ito ang misyon ko, dahil palagay ko ay labis akong binigyang-inspirasyon ng Espiritu ng Panginoon sa aking mga paglalakbay sa mga stake ng Sion, na sabihin sa mga tao na ngayon na ang panahon para magsisi. … Pakiramdam ko ay misyon kong pagsisihin at pakiusapan ang mga tao na paglingkuran ang Panginoon.”37
Ang makabuluhan at tuwirang pagtuturong ito ay may kahalong giliw at kabaitan. Minsa’y nasaksihan ito ni Elder Boyd K. Packer sa isang pulong noong si Joseph Fielding Smith ang chairman ng Missionary Committee ng Simbahan. “Isang report ang inilahad hinggil sa isang aksidenteng kinasangkutan ng dalawang misyonerong nakasakay sa isang kotseng pag-aari ng Simbahan. Nilagpasan ng isang matandang maggugulay na sakay ng kanyang trak ang isang stop sign. Nabangga niya ang kotse ng mga misyonero sa tagiliran at lubusan itong nasira. Tinikitan ng pulis ang drayber ng trak. Wala siyang insurance. Mabuti na lang, hindi lubhang nasaktan ang dalawang misyonero.
“Tahimik na nakaupo si Pangulong Smith habang pinag-uusapan ng mga miyembro ng komite ang kaso. Pagkaraan ng kaunting talakayan inutusan nila ang managing director ng Missionary Department na kumuha ng abugado at magsampa ng kaso sa hukuman.
“Noon lamang nila tinanong si Pangulong Smith kung sang-ayon siya sa gagawin nila. Malumanay niyang sinabi: ‘Oo, maaari nating gawin iyan. At kung talagang maghahabla tayo, baka makuha pa natin ang trak mula sa kawawang matanda; kung gayon paano siya makapaghahanapbuhay?’
“‘Nagkatinginan kami, na medyo napapahiya,’ sabi ni Elder Packer. ‘Pagkatapos ay hinayaan na naming bumili ang Simbahan ng ibang kotse para sa mga misyonero, magpatuloy sa gawain nito, at kalimutan na ang nangyari.’”38
“Isang Mabait at Mapagmahal na Asawa at Ama”
Nang tawagin si Elder Smith na maging apostol, may tatlo siyang anak: sina Josephine at Julina at ang panganay na anak nila ni Ethel na si Emily. Pagkaraan ng pitong buwan, naragdagan ng isa pang babae ang pamilya. Pinangalanan ito nina Ethel at Joseph ng Naomi. Dahil sa mga kumplikasyon sa panganganak, nag-agaw-buhay si Naomi, at natakot ang pamilya na baka hindi magtagal ang buhay niya. Ngunit, sabi nga ng kanyang ama kalaunan, siya ay “nakaligtas sa pamamagitan ng kapangyarihan [ng] panalangin at pangangalaga matapos makita na hindi siya makahinga.”39 Kalaunan ay pitong anak pa ang isinilang ni Ethel: sina Lois, Amelia, Joseph, Lewis, Reynolds, Douglas, at Milton.
Dahil sa mga gawain ni Pangulong Smith bilang Apostol, madalas siyang mapalayo sa pamilya nang matagal. Ngunit kapag nasa bahay siya, nakatuon ang kanyang pansin sa kanyang pamilya. Inilarawan siya ng kanyang asawang si Ethel bilang “isang mabait at mapagmahal na asawa at ama na ang pinakamithiin sa buhay ay pasayahin ang kanyang pamilya, na lubos na kinalilimutan ang sarili para magawa ito.”40
Natawa ang mga anak sa pamilya Smith sa opinyon ng ilang tao sa kanilang ama—malupit daw siya at mahigpit. “Minsan … matapos mangaral nang medyo matinding sermon tungkol sa kahalagahan ng wastong pagdidisiplina ng isang tao sa kanyang mga anak, isang yamot na babae ang lumapit sa dalawa sa kanyang musmos na mga anak na babae at nagpahayag ng pagkahabag sa mga ito [at sinabing,] ‘Sigurado ako pinapalo kayo ng tatay ninyo!’” Bilang sagot sa paratang na ito, bumungisngis lang ang mga bata. Mas kilala nila ang kanilang ama kaysa sa kanya—hindi niya sila sasaktan kailanman. Kapag umuuwi siya mula sa kanyang mahahabang biyahe, “masasayang sandali iyon, mula sa sabik nilang pagsalubong sa kanya sa istasyon ng tren hanggang sa malungkot nilang pagpapaalam na muli sa kanya pagkaraan ng ilang araw.” Naglalaro sila, gumagawa ng mga pie at sorbetes, nagpipiknik, sumasakay ng tren, at namamasyal sa kalapit na mga lambak at lawa. Natutuwa silang makinig sa mga kuwento tungkol sa kanyang mga gawain sa simbahan sa lahat ng dako ng mundo.41 Sama-sama rin silang nagtatrabaho, na laging abala sa mga gawain sa bahay.42
Ang mga anak na lalaki ni Pangulong Smith ay naglalaro noon ng isports, at pinanonood niya ang kanilang mga laro hangga’t maaari.43 Natuwa rin siyang makipaglaro sa kanila, lalo na ng handball. Masaya siyang makalaro sila, pero sinisikap niyang manalo. Naalala ng mga anak niyang sina Reynolds at Lewis ang mga panahon na nagkampi-kampi sila laban sa kanilang ama. Hinayaan niyang sila ang pumili kung aling kamay ang gagamitin niya sa laro. Kahit nasa likod ang isang kamay, lagi niya “silang natatalo nang walang kahirap-hirap.”44
Kalungkutan at Pag-asa
Ang mga gawain ni Elder Smith na malayo sa pamilya ay mahirap para kina Ethel at sa mga bata, at masakit din sa kanya ang mawalay sa kanila nang ilang linggo. Noong Abril 18, 1924, naglakbay siya sakay ng tren para pamunuan ang isang stake conference. Pitong buwan nang nagdadalantao si Ethel noon, at ginagawa ang lahat para maalagaan ang mga anak sa bahay. Sa isang liham kay Ethel, sinabi niya, “Iniisip kita at sana makapiling kita palagi sa susunod na ilang linggo, para maalagaan kita.”45 Habang nasa isip ang pamilya, tinapos niya ang liham sa isang tula na ginawa niya. Ang ilan sa mga titik sa tulang iyon ay nasa maraming himnaryo na ng Simbahan na pinamagatang “Does the Journey Seem Long [Mahaba Ba ang Lakbayin]?”
Mahaba ba ang lakbayin?
Kayhirap ba ng landasin?
Matinik at matarik ang daan?
Mga paa ba’y nagsusugatan
Habang nagpipilit umakyat
Sa bundok sa sikat ng araw?
Puso ba’y nalulumbay,
Kaluluwa’y napapagal,
Sa walang humpay mong suliranin?
Pasanin ba’y kaybigat
Na sa iyo’y iniatang?
At wala ni isang karamay?
Magpatuloy nang may tapang
Sa nasimulang paglalakbay;
May Isang sa iyo’y naghihintay.
Kaya’t sumulong nang may galak
Hawakan ang kanyang kamay;
Dadalhin ka niya sa payapang lugar—
Sa lupaing banal at dalisay,
Pasakit ay nawawalang lubusan,
At ika’y wala nang bahid-kasalanan,
Wala nang luhang dadaloy,
‘Pagka’t nagwakas na ang lumbay.
Kamay niya’y hawakan at magtungo roon.46
Simula noong 1933, ang kaligayahan sa tahanan ng mga Smith ay nagambala paminsan-minsan ng mabigat na “alalahanin,” tulad ng ipinahayag ni Elder Smith sa kanyang tula siyam na taon bago iyon. Nagsimulang pahirapan si Ethel ng “isang malubhang karamdamang hindi niya maunawaan. May mga pagkakataon na labis siyang nanamlay at kung minsan pa ay hindi niya mapigil ang kanyang isipan kaya napupuwersa ang pagod niyang katawan na gumawa pa nang gumawa. Ang magiliw na pagmamahal at suporta ng kanyang pamilya, mga dalangin, at mga basbas, maging ang pagpapaospital ay tila hindi nakatulong.”47 Pagkaraan ng apat na taon ng pagdurusa, namatay siya noong Agosto 26, 1937. Tungkol sa kanyang pagkamatay, itinala ng kanyang asawa, “Wala nang mas mabuting babae, o mas tapat na asawa’t ina.”48 Sa matinding kalungkutan, nadama niya ang nakapapanatag na kaalaman na sila ni Ethel Reynolds Smith ay nakabigkis nang walang hanggan sa sagradong tipan ng pagbubuklod.
Isang Bagong Pagkakaibigan na Humantong sa Kasalan
Pagkamatay ni Ethel, limang anak pa ang nakatira sa bahay ng mga Smith. Dalawa sa kanila ang di-magtatagal ay lilisan—si Amelia ay nakatakda nang ikasal, at si Lewis ay naghahandang maglingkod sa full-time mission. Dahil dito maiiwan ang 16-na-taong-gulang na si Reynolds, 13-taong-gulang na si Douglas, at 10-taong-gulang na si Milton. Sa pag-aalala tungkol sa mga batang ito na nawalan ng ina, pinag-isipang mabuti ni Joseph Fielding Smith ang ideya na mag-asawang muli.
Nang maisip ang ideyang ito, hindi nagtagal ay natuon ang pansin ni Elder Smith kay Jessie Ella Evans, isang bantog na soloista sa Mormon Tabernacle Choir. Kumanta nang solo si Jessie sa serbisyo sa libing ni Ethel, at pinadalhan siya ng maikling sulat ni Elder Smith para magpasalamat. Ang maikling sulat na iyon ay nauwi sa pag-uusap sa telepono. Hindi magkakilala sina Elder Smith at Jessie bago ang pag-uugnayang ito, ngunit agad silang naging mabuting magkaibigan.
Gumugol nang ilang araw si Elder Smith sa pag-iisip at pagdarasal tungkol sa posibilidad na alukin ng kasal si Jessie. Sa huli sinulatan niya ito kung saan ipinahiwatig niya na gusto niyang maging mas malapit ang kanilang pagkakaibigan. Pagkaraan ng apat na araw, lakas-loob na personal niyang iniabot dito ang liham. Dinala niya ito sa city and county offices, kung saan nagtatrabaho si Jessie bilang county recorder. Kalaunan ay itinala niya ang sumusunod sa kanyang journal: “Nagpunta ako sa County Recorder’s office. … Nakausap ko ang country recorder, na napakahalaga, at iniwan sa kanya ang liham na aking isinulat.”49 Kasunod ng isang linggong pagsakay-sakay sa tren papunta sa mga stake conference meeting, umuwi si Elder Smith at muling nakipag-usap kay Jessie.
Sa karaniwang diretsahang pamamaraan, isinulat ni Elder Smith sa kanyang journal, “Nagkita kami ni Miss Jessie Evans at nagkaroon kami ng [isang] mahalagang pag-uusap.” Dahil pareho nilang hinahangaan ang isa’t isa, nagkasundo silang ipakilala siya ni Jessie sa kanyang ina at ipakilala niya si Jessie sa kanyang mga anak. Wala pang isang buwan ang lumipas, noong Nobyembre 21, 1937, tinanggap nito ang isang engagement ring. Ang dalawa ay ibinuklod ni Pangulong Heber J. Grant, ang ikapitong Pangulo ng Simbahan, sa Salt Lake Temple noong Abril 12, 1938.50
Inilarawan ni Elder Francis M. Gibbons, na naglingkod bilang secretary sa Unang Panguluhan noong si Pangulong Smith ang Pangulo ng Simbahan, ang ugnayan nina Joseph Fielding Smith at Jessie Evans Smith: “Sa kabila ng dalawampu’t anim na taong pagitan ng kanilang edad at pagkakaiba ng pag-uugali, pinagmulan, at paglaki, lubhang magkasundo sina Joseph Fielding at Jessie Evans Smith. Si Jessie ay masyadong palakaibigan, masayahin at mapagpatawa, na nagtamasa ng popularidad sa publiko. Sa kabilang banda, si Joseph naman ay tahimik at hindi palakibo, marangal at seryoso, na tila hindi sanay sa publiko at hindi gustong makaagaw ng pansin. Ang nag-ugnay sa malaking agwat ng dalawang magkaibang personalidad na ito ay ang tunay na pagmamahal at paggalang nila sa isa’t isa.”51 Ang pagmamahal at paggalang na ito ay ipinakita rin sa ina ni Jessie na si Jeanette Buchanan Evans, na kasama ni Jessie sa bahay hanggang sa mag-asawa siya. Sumama si Sister Evans sa kanyang anak na manirahan sa bahay ng mga Smith at tumulong sa pag-aalaga sa mga bata.
Paglilingkod sa Isang Magulong Mundo
Madalas sumama sa kanyang asawa ang bagong Sister Smith, na tinawag na Aunt Jessie ng mga anak at apo ni Elder Smith, sa paglalakbay papunta sa mga stake conference. Madalas siyang pakantahin ng mga lokal na lider sa mga miting, at paminsan-minsan ay hinimok niya ang kanyang asawa na makipagduweto sa kanya. Noong 1939, inatasan ni Pangulong Heber J. Grant sina Elder at Sister Smith na libutin ang lahat ng misyon ng Simbahan sa Europe.
Bagaman hindi pa nagsisimula ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig pagdating ng mga Smith sa Europe, tumitindi na ang tensyon sa pagitan ng mga bansa. Noong Agosto 24, habang nasa Germany ang mga Smith, inutusan ng Unang Panguluhan si Elder Smith na tiyakin na lahat ng misyonero sa Germany ay nailipat sa mga bansang walang pinapanigan. Pinamahalaan niya ang gawaing ito mula sa Copenhagen, Denmark. Habang inililipat ang mga misyonero, kinailangang papuntahin ni Wallace Toronto, ang mission president sa Czechoslovakia, ang kanyang asawang si Martha at ang kanilang mga anak sa Copenhagen para maging ligtas. Hindi siya sumama para matiyak na ligtas na nailikas ang apat na misyonerong pinigilang makaalis. Lumipas ang mga araw na walang balita mula sa kanila. Kalaunan ay ginunita ni Martha:
“Sumapit din ang araw ng huling biyahe ng lahat ng tren, lantsa, at bangka mula Germany at ipinagdasal namin na sana ay nakasakay si Wally [President Toronto] at ang kanyang apat na binatang misyonero sa huling lantsa papunta sa daungan nito. Nang makitang alalang-alala ako at tumitindi ang pag-aalala ko sa bawat minutong lumilipas, nilapitan ako at inakbayan ni President Smith at sinabing, ‘Sister Toronto, hindi magsisimula ang digmaang ito hangga’t hindi dumarating si Brother Toronto at ang kanyang mga misyonero sa lupaing ito ng Denmark.’ Nang gumabi na, may natanggap na tawag sa telepono. … Si Wally! Lima sa kanila and nakalabas na ng Czechoslovakia kasama ang British Legation sakay ng isang espesyal na tren na ipinadala para sa kanila, sumakay sila sa huling lantsa mula sa Germany, at nasa baybayin na ngayon [ng Denmark] at naghihintay ng sasakyan papuntang Copenhagen. Ang kapanatagan at kaligayahang nadama sa mission home kasama ang 350 misyonero ay parang madilim na ulap na umangat para ilantad ang sikat ng araw.”52
Nagpasalamat si Elder Smith sa mga taga-Denmark, na tinulutang makapasok ang napakaraming inilikas na misyonero sa kanilang bansa. Nang magsimula ang digmaan, ipinropesiya niya na dahil sa kanilang pagiging bukas-palad, hindi daranas ng gutom ang mga taga-Denmark sa panahon ng digmaan. Pagkaraan ng ilang taon, “marahil mas maayos na nakaligtas ang mga taga-Denmark sa digmaan kaysa iba pang bansa sa Europe. Nagpadala pa nga ng mga welfare package ang mga Banal sa Denmark sa nababalisang mga Banal sa mga Huling Araw na nasa Holland at Norway. Patuloy na dumami ang mga miyembro, at mahigit pa sa doble ang nagbayad ng ikapu sa Danish Mission. … Itinuring ng mga Banal sa Denmark ang kanilang sitwasyon na tuwirang katuparan [ng] propesiya ni Elder Joseph Fielding Smith.”53
Nang magsimula ang digmaan, inorganisa ni Elder Smith ang paglikas ng 697 Amerikanong misyonero na naglilingkod sa Europe. Dahil ang ilan sa mga misyonero ay naglingkod bilang mga lider ng district at branch, inilipat ni Elder Smith sa mga lokal na miyembro ang mga responsibilidad na iyon sa pamumuno. Matapos tuparin ang mga tungkuling ito, naglayag si Elder Smith papuntang Estados Unidos kasama si Jessie. Sumakay sila ng tren mula New York at dumating ng bahay pagkaraan ng pitong buwan mula nang umalis sila.
Bagaman masaya si Elder Smith na nakauwi nang ligtas ang mga Amerikanong misyonero sa kanilang mga tahanan, nag-alala siya sa mga inosenteng taong napagitna sa trahedya ng digmaan sa kanilang inang-bayan. Isinulat niya: “Nadudurog ang puso ko tuwing magpupulong kami at makikipagkamay sa mga tao pagkatapos. Mainit ang pagbati nila sa aming lahat, at ang kanilang [pakikipagkaibigan] ay mahalaga sa akin nang higit sa inaakala nila marahil. Umiyak ang ilan sa kanila at sinabi na inaasahan na nilang mapapahamak sila, at hindi na kami magkikita-kitang muli sa buhay na ito kailanman. Naaawa ako sa kanila ngayon, at dalangin ko na protektahan sila ng Panginoon araw-araw sa nakasisindak na panahong ito.”54
Ang anak ni Elder Smith na si Lewis, na nasa England nang magsimula ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ay kasama sa huling grupo ng papauwing mga misyonero.55 Makaraan ang mga dalawa’t kalahating taon, muling tinawid ni Lewis ang Atlantic Ocean, sa pagkakataong ito’y para maglingkod sa militar. “Nalungkot kaming lahat sa sitwasyong ito,” pagsulat ni Elder Smith. “Nakakalungkot na ang dalisay at matwid ay napipilitang makipaglaban sa mga bansa sa buong mundo, dahil sa kasamaan ng mga tao.”56
Noong Enero 2, 1945, nakatanggap ng telegrama si Elder Smith na ipinaaalam sa kanya na napatay ang kanyang anak sa pagtatanggol sa kanyang bansa. Isinulat niya: “Laking gulat naming mabalitaan ito dahil malaki ang pag-asa namin na hindi magtatagal ay babalik siya sa Estados Unidos. Nadama namin na poprotektahan siya dahil ilang beses na siyang nakatakas sa panganib. Hindi kami makapaniwala na mangyayari ang bagay na iyon. … Napakalungkot man ng pagkawala ng aking anak nagkaroon kami ng kapayapaan at kaligayahan dahil alam namin na siya ay malinis at walang masasamang bisyo na laganap na sa daigdig at matatagpuan sa hukbong sandatahan. Tapat siya sa kanyang pananampalataya at karapat-dapat sa maluwalhating pagkabuhay na mag-uli, kung kailan muli kaming magkakasama.”57
Pinagkakatiwalaang Guro at Pinuno
Bilang miyembro ng Korum ng Labindalawa, madalas humarap si Joseph Fielding Smith sa mga Banal sa mga Huling Araw para patotohanan si Jesucristo, ituro ang ipinanumbalik na ebanghelyo, at manawagan sa mga tao na magsisi. Mahigit 125 sermon ang naipahayag niya sa pangkalahatang kumperensya, libu-libong stake conference ang nilahukan niya, at nagsalita siya sa mga kaganapang tulad ng mga kumperensya tungkol sa genealogy at mga brodkast sa radyo. Nagturo din siya sa pamamagitan ng pagsulat. Sa loob ng maraming taon sumulat siya ng mga artikulo sa Improvement Era na magasin ng Simbahan, na sinasagot ang mga tanong ng mga mambabasa. Sumulat din siya ng iba pang mga artikulo para sa mga magasin ng Simbahan at sa bahaging pang-Simbahan ng Deseret News. Sa kanyang paglilingkod bilang Apostol, mula 1910 hanggang 1972, ang kanyang mga isinulat ay inilathala sa 25 aklat, pati na sa Essentials in Church History, Doctrines of Salvation, Church History at Modern Revelation, at Answers to Gospel Questions.
Sa pakikinig sa kanyang mga sermon at pagbabasa ng kanyang mga isinulat, nagawang magtiwala ng mga miyembro ng Simbahan kay Pangulong Smith bilang scholar sa ebanghelyo. Higit pa rito, natutuhan nilang magtiwala at sumunod sa Panginoon. Sabi nga ni Pangulong N. Eldon Tanner, si Joseph Fielding Smith ay “nakaimpluwensya sa buhay ng libu-libong tao sa kanyang pamumuhay at pagtuturo sa pamamagitan ng pagsasalita at pagsulat ng bawat alituntunin ng ebanghelyo. Walang nagduda na alam niya na ang Diyos ay buhay at tayo ay kanyang mga espiritung anak; na si Jesucristo ang Bugtong na Anak ng Diyos sa laman; na ibinuwis niya ang kanyang buhay para magtamasa tayo ng kawalang-kamatayan; at na sa pagtanggap at pamumuhay ayon sa ebanghelyo ay magtatamasa tayo ng buhay na walang hanggan.”58
Pagpuna ni Elder Bruce R. McConkie:
“Ang buhay at gawain ni Pangulong Joseph Fielding Smith ay mailalarawan sa tatlong bagay:
“1. Ang kanyang pagmamahal sa Panginoon at ang lubos at di-nagbabagong katapatan na hinangad niyang ipakita sa pamamagitan ng pagsunod sa kanyang mga utos at laging paggawa ng mga bagay na makasisiya sa Panginoon.
“2. Ang kanyang katapatan kay Propetang Joseph Smith at ang mga walang-hanggang katotohanang ipinanumbalik sa pamamagitan niya; sa kanyang lolong si Patriarch Hyrum Smith, … [na] namatay na isang martir; at sa kanyang amang si Pangulong Joseph F. Smith, na ang pangalan ay hindi malilimutan kailanman sa kahariang selestiyal bilang isang taong buong tapang na nagtiis sa paggawa ng gawain niya [ni Jesucristo] na ang dugo’y natigis upang tayo ay mabuhay.
“3. Ang sarili niyang karunungan at espirituwal na kaalaman tungkol sa ebanghelyo; ang sarili niyang walang-pagod na kasigasigan bilang mangangaral ng kabutihan; at ang sarili niyang pagpapakain sa nagugutom, pagdadamit sa hubad, pagbisita sa balo at sa ulila, at pagpapamalas ng dalisay na relihiyon sa tuntunin at halimbawa.”59
Nakita ng mga kapatid ni Pangulong Smith sa Korum ng Labindalawa na isa siyang matalino at mahabaging pinuno. Bilang pagdiriwang ng kanyang ika-80 kaarawan, naglathala ng isang parangal sa kanya ang iba pang mga miyembro ng Korum ng Labindalawa. Sinabi nila sa isang bahagi ng parangal na iyon:
“Kami na nagtutulung-tulong sa Kapulungan ng Labindalawa sa ilalim ng kanyang pamumuno ay nagkaroon ng pagkakataong sulyapan ang tunay na dangal ng kanyang pagkatao. Araw-araw nakikita namin ang patuloy na mga katibayan ng kanyang pag-unawa at maalalahaning pagsasaalang-alang sa kanyang kapwa manggagawa sa paggawa ng aming mga tungkulin at pag-uugnay-ugnay ng aming mga pagsisikap para maisulong ang gawain ng Panginoon. Sana lang ay madama ng buong Simbahan ang kanyang kabaitan at malaking pagmamalasakit sa kapakanan ng mga sawimpalad at nahahapis. Mahal niya ang lahat ng banal at hindi siya tumitigil sa pagdarasal para sa makasalanan.
“Taglay ang pambihirang pang-unawa, tila dadalawa lang ang batayan niya sa paggawa ng huling pasiya. Ano ang gustong mangyari ng Unang Panguluhan? Alin ang pinakamainam para sa kaharian ng Diyos?”60
Pangulo ng Simbahan
Isang umaga ng Sabbath, Enero 18, 1970, nagwakas ang buhay ni Pangulong David O. McKay. Ang responsibilidad na pamunuan ang Simbahan ay nasa kamay na ng Korum ng Labindalawang Apostol, na ang 93-taong-gulang na si Joseph Fielding Smith ang Pangulo.
Noong Enero 23, 1970, nagpulong ang Korum ng Labindalawa at opisyal na sinang-ayunan si Pangulong Smith sa kanyang tungkulin bilang Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Pinili ni Pangulong Smith si Harold B. Lee bilang Unang Tagapayo at si N. Eldon Tanner bilang Pangalawang Tagapayo. Pagkatapos ay itinalaga ang tatlong lalaking ito para gumanap sa mga bago nilang responsibilidad.
Paggunita ni Elder Ezra Taft Benson, na naroon sa pulong: “Maganda ang diwa ng pagkakaisa sa aming pulong at malaki ang katibayan ng pagmamahalan nang magyakap ang mga kapatid nang mapili at maitalaga ang bagong pamunuan.”61
Ibinahagi ni Elder Boyd K. Packer ang kanyang personal na patotoo sa pagkatawag kay Pangulong Smith:
“Nilisan ko ang tanggapan isang Biyernes ng umaga na iniisip ang tungkulin ko sa kumperensya sa katapusan ng linggo. Hinintay kong bumaba ang elevator mula sa ikalimang palapag.
“Nang bumukas nang tahimik ang elevator, naroo’t nakatayo si Pangulong Joseph Fielding Smith. Nagulat ako sandali nang makita siya, dahil nasa ibabang palapag ang kanyang tanggapan.
“Nang makita ko siyang nakatayo sa pintuan, nadama ko ang malakas na pagpapatibay—naroo’t nakatayo ang propeta ng Diyos. Ang magiliw na tinig ng Espiritu na kapareho ng liwanag, na may kinalaman sa dalisay na katalinuhan, ay pinagtibay sa akin na ito ang propeta ng Diyos.”62
Sa pamumuno ni Pangulong Smith, patuloy na lumago ang Simbahan. Halimbawa, 81 stake ang nalikha, kabilang na ang mga unang stake sa Asia at Africa, at lumampas na sa 3 milyon ang mga miyembro ng Simbahan. Dalawang templo ang inilaan—sa Ogden, Utah, at sa Provo, Utah.
Kahit lumalago ang Simbahan sa buong mundo, binigyang-diin ni Pangulong Smith ang kahalagahan ng kani-kanyang tahanan at pamilya. Ipinaalala niya sa mga Banal sa mga Huling Araw na “ang organisasyon ng Simbahan ay talagang nariyan upang tulungan ang pamilya at mga miyembro nito na makamit ang kadakilaan.”63 Itinuro niya: “Ang pamilya ang pinakamahalagang organisasyon sa buhay na ito o sa kawalang-hanggan. … Kalooban ng Panginoon na patatagin at ingatan ang pamilya.”64 Sa pagsisikap na patatagin ang mga pamilya at tao, lalong binigyang-diin ng Simbahan ang family home evening, isang programang hinikayat noon pa mang 1909, nang ang ama ni Pangulong Smith ang Pangulo ng Simbahan. Sa pamumuno ni Pangulong Joseph Fielding Smith, ang mga araw ng Lunes ay opisyal na itinalaga para sa family home evening. Sa mga gabing iyon, walang mga miting ng Simbahan ang idaraos, at sarado ang mga lokal na pasilidad ng Simbahan.
Sa kabila ng kanyang katandaan, ginampanan ni Pangulong Smith ang kanyang tungkulin nang may pagpapakumbabang tulad sa isang bata at may lakas ng isang bata. Sa dalawang taon at limang buwan niyang paglilingkod bilang propeta, tagakita, at tagapaghayag ng Simbahan, nabigyang-inspirasyon ng kanyang mga mensahe ang mga Banal sa mga Huling Araw sa buong mundo.
Sinabi niya na “tayo ay mga espiritung anak ng ating Diyos Ama sa Langit”65 at na “dapat tayong maniwala kay Cristo at tularan ang kanyang halimbawa.”66 Nagpatotoo siya na si Joseph Smith ay “nakita at nakaharap mismo ang Diyos Ama at ang kanyang Anak na si Jesucristo”67 at naging “tagapaghayag ng kaalaman tungkol kay Cristo at ng kaligtasan sa mundo para sa panahong ito at sa henerasyong ito.”68
Hinikayat niya ang mga Banal na “talikuran ang marami sa mga gawi ng sanglibutan”69 ngunit mahalin ang lahat ng tao sa mundo—“tingnan ang mabuti sa tao kahit sinisikap nating tulungan silang supilin ang isa o dalawang masamang gawi.”70 Pinaalalahanan niya sila na ang isang paraan para maipakita ang “diwa ng pagmamahal at kapatiran” na ito ay ibahagi ang ebanghelyo—upang “maanyayahan ang lahat ng tao sa lahat ng dako na pakinggang mabuti ang mga salita ng buhay na walang hanggan na inihayag sa panahong ito.”71
Nakipag-ugnayan siya sa mga kabataan ng Simbahan, pinulong niya ang malalaking kongregasyon ng mga kabataang Banal sa mga Huling Araw at hinikayat sila na “matatag na manindigan sa pananampalataya sa kabila ng lahat ng oposisyon.”72
Nagsalita siya nang madalas sa mga mayhawak ng priesthood, at ipinaalala niya na sila ay “tinawag upang maging kinatawan ng Panginoon at taglayin ang kanyang awtoridad” at pinayuhan silang “alalahanin kung sino [sila] at kumilos nang angkop.”73
Hinikayat niya ang lahat ng Banal sa mga Huling Araw na tumanggap ng mga pagpapala sa templo, maging tapat sa mga tipan sa templo, at bumalik sa templo upang tumanggap ng mga sagradong tipan para sa kanilang mga ninuno. Bago ilaan ang Ogden Utah Temple, sinabi niya, “Nais kong ipaalala sa inyo na kapag inilalaan natin ang isang bahay sa Panginoon, ang ginagawa natin talaga ay inilalaan natin ang ating sarili sa paglilingkod sa Panginoon, na may tipan na gagamitin natin ang bahay sa paraang nilayon niyang gamitin ito.”74
“Sundin ang mga utos,” paghikayat niya. “Magsilakad sa liwanag. Magtiis hanggang wakas. Maging tapat sa bawat tipan at obligasyon, at pagpapalain kayo ng Panginoon nang higit pa sa pinakamimithi ninyong mga pangarap.”75
Sa pagbanggit sa sinabi ni Pangulong Brigham Young, inilarawan ni Pangulong Harold B. Lee ang impluwensya at pamumuno ni Pangulong Smith: “Ganito ang sabi ni Pangulong Young: ‘Kung ipamumuhay natin ang ating banal na relihiyon at susundin ang mga pahiwatig ng Espiritu, hindi ito magiging nakakainip o nakakamangmang, kundi habang papalapit sa hukay ang katawan, humihigpit ang hawak ng Espiritu sa nagtatagal na sangkap sa kabila ng lambong, humuhugot ng magagandang katalinuhan sa kailaliman ng walang-hanggang bukal na iyon ng buhay, na nakapaligid sa nanghihina at lumiliit na tabernakulo [katawan] na may sinag ng walang-kamatayang karunungan sa ulo.’
“Paulit-ulit na nating nasaksihan ito, habang tinatalakay natin ang napakahalagang mga bagay—mga desisyon na Pangulo ng Simbahan lamang ang dapat gumawa. Noon namin nakitang mahayag ang maningning na karunungang ito nang muli niyang [Pangulong Smith] isalaysay ang mga bagay na walang-dudang higit pa sa sarili niyang pang-unawa na inihayag sa kanya sa kaibuturan ng kanyang kaluluwa.”76
“Tinawag ng Panginoon … sa Iba at Mas Dakilang mga Gawain”
Noong Agosto 3, 1971, pumanaw si Jessie Evans Smith, at naiwan si Pangulong Joseph Fielding Smith na isang balo sa ikatlong pagkakataon. Dahil dito, nakitira si Pangulong Smith sa kanyang anak na si Amelia McConkie at sa asawa nitong si Bruce. Regular na naghalinhinan ang iba pa niyang mga anak sa pagbisita at pagpapasyal sa kanya. Nagpatuloy siyang pumasok sa kanyang tanggapan araw-araw, dumalo sa mga pulong, at naglakbay para sa Simbahan.
Noong Hunyo 30, 1972, nilisan ni Pangulong Smith ang kanyang tanggapan sa unang palapag ng Church Administration Building sa pagtatapos ng araw. Kasama ang kanyang kalihim na si D. Arthur Haycock, nagpunta siya sa tanggapan ng Church Historian, kung saan siya nagtrabaho bago naging Pangulo ng Simbahan. Hangad niyang batiin ang lahat ng naglilingkod doon. Matapos silang kamayan, nagpunta siya sa silong ng gusali upang kamayan ang mga telephone operator at iba pang nagtatrabaho sa lugar na iyon upang ipakita ang kanyang pasasalamat. Ito ang huling araw niya sa tanggapan.
Araw ng Linggo, Hulyo 2, 1972, 17 araw na lamang bago sumapit ang kanyang ika-96 na kaarawan, dumalo siya sa sacrament meeting sa kanyang home ward. Kalaunan sa hapong iyon binisita niya ang kanyang panganay na si Josephine, kasama ang anak niyang si Reynolds. Noong gabing iyon, nang umupo siya sa kanyang paboritong silya sa tahanan ng mga McConkie, payapa siyang pumanaw. Sabi ng kanyang manugang, si Pangulong Smith ay “tinawag na ng Panginoon, na minahal at pinaglingkuran niya nang husto, sa iba at mas dakilang mga gawain sa kanyang walang-hanggang ubasan.”77
Binisita ni Pangulong Harold B. Lee, na siyang senior na Apostol sa lupa, ang tahanan ng mga McConkie nang mabalitaan niya ang pagpanaw ni Pangulong Smith. Siya ay “tahimik na lumapit sa sopa, at lumuhod at hinawakan ang mga kamay ng Propeta. Matagal-tagal siyang nanatili sa gayong posisyon, na walang imik, nagdarasal o nagmumuni-muni. Pagkatapos ay tumindig siya upang iparating ang kanyang pakikidalamhati sa pamilya, paghanga sa kanilang ama, at ang payo niya na igalang nila si Pangulong Smith sa pamamagitan ng pamumuhay nang marapat.”78
Mga Papugay sa “Isang Taong Tapat sa Diyos”
Sa serbisyo sa libing ni Pangulong Smith, tinukoy siya ni Pangulong N. Eldon Tanner na “isang taong tapat sa Diyos, na naglingkod nang napakarangal kapwa sa Diyos at sa kanyang kapwa-tao at namuno sa kanyang pamilya gayundin sa lahat ng taong inatasan siyang panguluhan sa pamamagitan ng halimbawa; isang taong tunay na masasabi na hindi mapagkunwari at mapagpakumbaba. Kailanman ay hindi masasabi tungkol sa kanya,” pagpuna ni Pangulong Tanner, “na ‘iniibig niya ng higit ang kaluwalhatian sa mga tao kay sa kaluwalhatian sa Dios’ [Juan 12:43].”79
Sabi ni Pangulong Harold B. Lee: “Minahal namin ni Brother Tanner ang taong ito nitong huling dalawa’t kalahating taon. Hindi iyon pagkukunwari. Minahal namin siya, dahil minahal niya kami, at sinuportahan namin siya, dahil sinuportahan niya kami at nagtiwala siya sa amin.”80
Isang pahayagang naging mapamintas kay Pangulong Smith, at pinagdudahan pa ang pagkatawag sa kanya sa Labindalawa mahigit 60 taon bago iyon, ang naglathala ng sumusunod na papugay: “Si Joseph Fielding Smith, isang taong mahigpit ang katapatan sa kanyang pananalig, subalit magiliw na isinaalang-alang ang mahahalagang pangangailangan ng mga tao sa lahat ng dako, ay nagbigay ng matalinong payo sa kanyang mga kasamahan, mapagmahal na pangangalaga sa kanyang pamilya at dakilang pamumuno sa kanyang mga responsibilidad sa simbahan. Mangungulila kami sa kanya, ngunit maaalala namin siya nang may natatanging pagpapahalaga.”81
Marahil ang pinakamakahulugang parangal ay ang pagpapahayag ng isang miyembro ng pamilya, ang manugang ni Pangulong Smith na si Bruce R. McConkie, na inilarawan siya bilang “isang anak ng Diyos; isang apostol ng Panginoong Jesucristo; isang propeta ng Kataas-taasan; at higit sa lahat, isang ama sa Israel!” Ipinropesiya ni Elder McConkie, “Sa darating na mga taon ang kanyang tinig ay magsasalita mula sa alabok kapag pinag-aralan ng mga henerasyong darating ang mga doktrina ng ebanghelyo mula sa kanyang mga isinulat.”82
Sa pag-aaral ninyo ng aklat na ito, tutulong ang mga turo ni Pangulong Joseph Fielding Smith sa pagsasakatuparan ng pahayag na iyan. Ang kanyang tinig ay “magsasalita [sa inyo] mula sa alabok” kapag “pinag-aralan ninyo ang mga doktrina ng ebanghelyo.”