Kabanata 10
Ang Paghahanap Natin ng Katotohanan
“Inutusan tayo, bilang mga miyembro ng Simbahang ito, na alamin sa ating sarili ang mga bagay na inihayag ng Panginoon, upang hindi tayo malihis ng landas. … Paano tayo makakalakad sa katotohanan kung hindi natin alam ito?”
Mula sa Buhay ni Joseph Fielding Smith
Noong walong taong gulang si Joseph Fielding Smith, binigyan siya ng kanyang ama ng kopya ng Aklat ni Mormon at ipinabasa ito sa kanya. “Tinanggap ko ang talaang ito ng mga Nephita nang may pasasalamat,” paggunita niya kalaunan, “at tinapos ang gawaing iniatas sa akin.” Ang pagmamahal niya sa aklat ay humikayat sa kanya na tapusin kaagad ang mga gawaing-bahay at kung minsan ay umaalis pa siya nang maaga sa mga laro ng baseball para makahanap ng tahimik na lugar para magbasa. Wala pang dalawang taon matapos matanggap ang regalo mula sa kanyang ama, dalawang beses na niyang nabasa ang aklat. Hinggil sa maagang pagbabasang iyon, sinabi niya kalaunan, “May ilang talatang nakintal sa aking isipan at hindi ko na nalimutan ang mga ito kailanman.”1 Nagbasa rin siya ng iba pang mga aklat. “Binasa ko ang mga aklat na inihanda para sa mga batang Primary at para sa Sunday School noong bata ako,” wika niya, “at karaniwan ay may hawak akong aklat kapag nasa bahay ako. … Kalaunan binasa ko ang History of the Church [Kasaysayan ng Simbahan] na nakalathala sa Millennial Star. Binasa ko rin ang Biblia, ang Aklat ni Mormon, ang Mahalagang Perlas, ang Doktrina at mga Tipan, at ang iba pang mga literaturang nakuha ko.”2
Buong buhay na napanatili ni Pangulong Smith ang matinding hangaring ito na magtamo ng kaalaman tungkol sa ebanghelyo. Nang malaman niya ang mga katotohanan ng ebanghelyo, ibinahagi niya ang mga ito at, kapag kailangan, ipinagtanggol niya ang mga ito. Tatlong taon matapos siyang maorden bilang apostol, tumanggap siya ng basbas ng priesthood na kinapalooban ng sumusunod na payo: “Ikaw ay nabiyayaan ng kakayahang maunawaan, masuri, at maipagtanggol ang mga alituntunin ng katotohanan nang higit kaysa iyong kapwa, at darating ang panahon na ang natipon mong katibayan ay magiging matibay na pananggol laban sa mga taong naghahangad at maghahangad na wasakin ang katibayan ng kabanalan ng misyon ni Propetang Joseph; at sa pagtatanggol na ito ikaw ay hindi matitinag, at ang liwanag ng Espiritu ay dahan-dahang mahahayag sa puso mo tulad ng hamog mula sa langit, at ipaaalam sa iyo ang maraming katotohanan hinggil sa gawaing ito.”3 Natupad ang mga propesiyang ito sa kanyang buhay. Bilang mag-aaral ng ebanghelyo, guro, at manunulat, masigasig niyang ipinaliwanag at ipinagtanggol ang mga doktrina ng kaligtasan. Minsan ay tinawag siya ni Pangulong Heber J. Grant na “pinakamaalam na tao hinggil sa mga banal na kasulatan” sa lahat ng General Authority.4
Nang malapit nang magwakas ang kanyang buhay, madalas pag-isipan ni Pangulong Smith ang mga pagpapalang natamo niya sa pag-aaral ng ebanghelyo:
“Buong buhay kong pinag-aralan at pinagnilayan ang mga alituntunin ng ebanghelyo at hinangad kong ipamuhay ang mga batas ng Panginoon. Dahil dito nagkaroon ako ng malaking pagmamahal sa kanya at sa kanyang gawain at sa lahat ng taong nagnanais isulong ang kanyang mga layunin sa daigdig.”5
“Buong buhay kong pinag-aralan ang mga banal na kasulatan at hinangad ko ang patnubay ng Espiritu ng Panginoon upang maunawaan ko ang tunay na kahulugan nito. Napakabuti ng Panginoon sa akin, at nagalak ako sa kaalamang ibinigay niya sa akin at sa pribilehiyo kong ituro ang kanyang nakapagliligtas na mga alituntunin.”6
Mga Turo ni Joseph Fielding Smith
1
Dapat nating hanapin ang katotohanan sa maraming bagay, ngunit ang pinakamahalagang kaalaman ay ang kaalaman tungkol sa ebanghelyo.
Naniniwala tayo sa edukasyon. Bilang isang grupo noon pa man ay hangad na nating matuto sa lahat ng larangan, at bilang isang Simbahan gumugol na tayo ng malaking halaga at nagsakripisyo para magkaroon ang mga miyembro ng Simbahan ng pagkakataong makapag-aral. At lalo na sa panahong ito ng pagsasaliksik at pag-unlad ng siyensya. Iniisip natin na kailangang mag-aral nang husto ang ating mga kabataan at magkaroon ng kasanayang teknikal na iniisip nilang angkop at kailangan.
Ngunit iniisip natin na ang paghahangad sa temporal na kaalaman ay dapat haluan ng kaalamang espirituwal. Libu-libong beses na mas mahalagang magkaroon ng kaalaman tungkol sa Diyos at sa kanyang mga batas, para magawa natin ang mga bagay na maghahatid ng kaligtasan, kaysa makamtan ang lahat ng kaalamang makakamtan sa mundo.7
Lahat ay dapat matuto ng isang bagay na bago araw-araw. Kayong lahat ay nagtatanong at naghahanap ng katotohanan tungkol sa maraming bagay. Lubos akong umaasa na ang pakakahanapin ninyo ay ang kaalaman tungkol sa mga bagay na espirituwal, dahil dito tayo magtatamo ng kaligtasan at makakasulong na hahantong sa buhay na walang hanggan sa kaharian ng ating Ama.
Ang pinakamahalagang kaalaman sa mundo ay ang kaalaman tungkol sa ebanghelyo. Ito ay kaalaman tungkol sa Diyos at sa kanyang mga batas, tungkol sa mga bagay na kailangang gawin ng mga tao upang mapagsikapan nila ang kanilang kaligtasan nang may takot at panginginig sa harapan ng Panginoon [tingnan sa Mga Taga Filipos 2:12; Mormon 9:27].8
Hindi lahat ng katotohanan ay pare-pareho ng kahalagahan. May ilang katotohanan na mas mahalaga kaysa iba. Ang pinakamahalagang katotohanan, o pinakamahahalagang katotohanan, ay matatagpuan natin sa mga tuntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo. Una sa lahat, na si Jesucristo ang Anak ng Diyos, ang Manunubos ng sanlibutan, na pumarito sa mundo para mamatay upang ang mga tao ay mabuhay. Dapat nating malaman ang katotohanang iyan. Mas mahalagang malaman na si Jesucristo ang ating Manunubos, na ibinigay niya sa atin ang mga alituntunin ng buhay na walang hanggan, kaysa malaman ang lahat ng matatamo sa sekular na pag-aaral.9
Hinggil naman sa pilosopiya at karunungan ng mundo, walang halaga ang mga ito maliban kung nakaayon sa inihayag na salita ng Diyos. Anumang doktrina, dumating man ito sa ngalan ng relihiyon, siyensya, pilosopiya, o anupaman, kung salungat sa inihayag na salita ng Panginoon, ay hindi magtatagumpay. Maaaring kapani-paniwala ito. Maaaring kaaya-aya itong pakinggan at hindi na kayo makatanggi. Maaaring may pinanghahawakan itong katibayan na hindi ninyo maikakaila, ngunit kailangan lang ninyong maghintay. Darating ang panahon na masasagot ang lahat ng bagay. Makikita ninyo na bawat doktrina, bawat alituntunin, pinaniniwalaan man ito ng lahat, kung hindi naaayon sa banal na salita ng Panginoon sa kanyang mga lingkod, ay maglalaho. Ni hindi na natin kailangang ipaliwanag pa ang salita ng Panginoon sa walang-saysay na pagtatangkang iayon ito sa mga teorya at turong ito. Ang salita ng Panginoon ay hindi lilipas nang hindi natutupad, ngunit ang mga maling doktrina at teoryang ito ay mabibigong lahat. Ang katotohanan, at tanging katotohanan lamang, ang mananatili kapag naglaho na ang lahat.10
2
Inutusan tayo ng Panginooon na saliksikin ang mga banal na kasulatan.
Inutusan ng Panginoon ang mga miyembro ng Simbahan sa panahong ito na hanapin siya sa panalangin, sa pananampalataya at pag-aaral. Inutusan tayong pag-aralan ang mga kautusang ibinigay niya sa atin sa Doktrina at mga Tipan, sa Aklat ni Mormon at sa lahat ng banal na kasulatan, na may pangakong “Anumang alituntunin ng katalinuhan ang ating matamo sa buhay na ito, ito ay kasama nating babangon sa pagkabuhay na mag-uli. Kung ang isang tao ay nagkamit ng maraming kaalaman at katalinuhan sa buhay na ito sa pamamagitan ng kanyang pagsisikap at pagiging masunurin kaysa sa iba, siya ay magkakaroon ng labis na kalamangan sa daigdig na darating.” [D at T 130:18–19.] … Sinabi ng Tagapagligtas sa mga Judio: “Saliksikin ninyo ang mga kasulatan, sapagka’t iniisip ninyo na sa mga yaon ay mayroon kayong buhay na walang hanggan; at ang mga ito’y siyang nangagpapatotoo tungkol sa akin.” [Juan 5:39.] Ilang miyembro ng Simbahan ang gayon din ang iniisip, ngunit bigong ihanda ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pag-aaral at pananampalataya?11
Sa palagay ko hindi mapapahinga nang payapa at panatag at nang may malinis na budhi ang isang miyembro ng Simbahan nang walang natatamong kaalaman tungkol sa mga pamantayang banal na kasulatan ng Simbahan sa pamamagitan ng pag-aaral at pananampalataya . Ang mga talaang ito ay walang katumbas. Kinukutya ito ng daigdig, ngunit ang mga turo nito ay tinutulutan tayong mas mapalapit sa Diyos, mas maunawaan ang tungkol sa ating Ama sa Langit at sa kanyang Anak na si Jesucristo, mas makilala sila at makaalam pa hinggil sa napakagandang plano ng kaligtasan na kanilang ibinigay sa atin at sa sanlibutan.12
Ang mga sinaunang propeta, na nakakita sa ating panahon, ay nangusap, hindi lamang para sa kapakanan ng mga tao sa kanilang panahon, kundi para din sa kapakanan ng mga taong nabubuhay sa panahong binabanggit sa mga propesiyang ito.13
Sinasabi ko sa inyo, mga kapatid, hindi ninyo masusunod ang mga utos ng Panginoon at hindi kayo makakalakad sa kabutihan maliban kung alam ninyo kung ano ang mga ito. Inutusan tayo ng Panginoon na saliksikin ang mga banal na kasulatan, sapagkat ang mga nilalaman nito ay tunay at tapat at matutupad na lahat [tingnan sa D at T 1:37]. … Saliksikin ang mga banal na kasulatan; alamin sa inyong sarili ang mga bagay na inihayag ng Panginoon para sa inyong kaligtasan, para sa kaligtasan ng inyong pamilya, at ng sanlibutan.14
3
Malaki ang responsibilidad nating makinig sa mensahe ng katotohanan na inihahayag ngayon ng Panginoon sa Kanyang mga lingkod.
Kung makikinig tayo sa mga salita ng Panginoon at magsasaliksik para sa ating sarili at magtatamo ng kaalaman mula sa Aklat ni Mormon, mula sa Biblia, mula sa Doktrina at mga Tipan, mula sa Mahalagang Perlas, at mula sa tagubiling ibinibigay sa atin paminsan-minsan ng mga awtoridad ng Simbahan, at hahangarin nating gawin ang kalooban ng Panginoon, na inaalaala ang ating mga panalangin at tipan sa kanyang harapan, hindi tayo malilihis ng landas.15
Sa ikasiyam na Saligan ng Pananampalataya ipinapahayag nating “Naniniwala kami sa lahat ng ipinahayag ng Diyos, sa lahat ng Kanyang ipinahahayag ngayon, at naniniwala rin kami na maghahayag pa Siya ng maraming dakila at mahahalagang bagay hinggil sa Kaharian ng Diyos.” Dahil ito ay totoo, kailangan nating maunawaan ang lahat ng Kanyang inihayag, at Kanyang inihahayag ngayon; kung hindi ay hindi tayo nakakaugnay sa Kanyang gawain at hindi natin malalaman ang Kanyang kalooban hinggil sa atin, dahil hindi natin ito nauunawaan.16
Dapat magtiwala ang mga Banal sa mga Huling Araw sa kanilang mga pinuno, at sundin ang mga turo ng mga awtoridad ng Simbahan, dahil nangungusap ang mga ito sa kanila sa tinig ng propesiya at inspirasyon. Ipinahayag ng Panginoon sa pinakaunang bahagi ng Doktrina at mga Tipan, na sa pamamagitan man ng sarili niyang tinig o sa tinig ng kanyang mga tagapaglingkod, ito ay iisa [tingnan sa D at T 1:38]. Samakatwid, tayo ay may malaking responsibilidad at pananagutan na makinig sa tinig ng taong namumuno sa Simbahan para turuan ang mga tao, o makinig sa tinig ng mga elder ng Israel, kapag inihatid nila ang mensahe ng katotohanan sa mga tao, kung isusugo ng Panginoon mula sa kanyang kinaroroonan ang isang anghel o siya mismo ang pumarito upang ipahayag ang mga bagay na ito sa atin.17
4
Malalaman natin ang katotohanan ng ebanghelyo sa pamamagitan ng pag-aaral, pananampalataya, at pagsunod at sa patnubay ng Espiritu Santo.
Makabubuting sundin natin ang payo sa atin ng Panginoon, na: “At sinuman ang magpapahalaga sa aking salita ay hindi malilinlang.” [Joseph Smith—Mateo 1:37.] Ang pahalagahan ang kanyang salita ay higit pa kaysa basahin lang ito. Para mapahalagahan ito hindi lamang ito kailangang basahin at pag-aralan ng isang tao, kundi hangarin din niya nang may pagpapakumbaba at pagsunod sa ibinigay na mga kautusan, at kamtin ang inspirasyong ibibigay ng Banal na Espiritu.18
Kung minsan ay naririnig natin ang reklamong, “Wala akong panahon.” Ngunit lahat tayo ay may panahong magbasa at mag-aral na siyang sagrado nating tungkulin. Hindi ba tayo makapaglalaan ng kahit labinglimang minuto lamang bawat araw para iukol sa pagbabasa at pag-iisip? Kaunting oras lang ito, subalit magiging isang oras at apatnapu’t limang minuto ito sa loob ng isang linggo; pito’t kalahating oras sa isang buwan na may tatlumpung araw, at siyamnapu’t isang oras at labinlimang minuto sa isang taon. …
… Iilan sa atin ang maraming binabasa; karamihan sa atin ay kaunti lang ang binabasa. At sinabi ng Panginoon: “At yayamang lahat ay walang pananampalataya, masigasig na maghanap at turuan ang bawat isa ng mga salita ng karunungan; oo, maghanap kayo sa mga pinakamabubuting aklat ng mga salita ng karunungan; maghangad na matuto, maging sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya.” [D at T 88:118; 109:7.]19
Inaasahan na pag-aaralan at matututuhan natin ang lahat ng ating makakaya sa pamamagitan ng pagsasalisik at pagsusuri. Ngunit may limitasyon ang kakayahan nating matuto pagdating sa pangangatwiran at pag-aaral. Ang mga bagay ng Diyos ay malalaman lamang sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos. Kailangan tayong magtamo ng kaalaman sa pamamagitan ng pananampalataya.20
Mangyari pa, ang mga tao ay maaaring magsaliksik, mag-aral, matuto ng napakaraming bagay; maaari silang magkaroon ng napakaraming kaalaman, ngunit hindi nila kailanman malalaman ang kabuuan ng katotohanan … maliban kung sila ay pinapatnubayan ng Espiritu ng katotohanan, ang Espiritu Santo, at sumusunod sa mga utos ng Diyos.21
Tunay na pananampalataya na may lakip na pagpapakumbaba ang aakay sa tao tungo sa kaalaman ng katotohanan. Walang magandang dahilan kung bakit hindi maaaring malaman ng mga tao sa lahat ng dako ang katotohanang magpapalaya sa kanila. Walang magandang dahilan kung bakit hindi matuklasan ng lahat ng tao ang liwanag ng katotohanan at malaman kung muling nangusap o hindi ang Panginoon sa mga huling araw na ito. Sinabi ni Pablo na dapat “hanapin [ng mga tao] ang [Panginoon] baka sakaling maapuhap nila siya at siya’y masumpungan, bagaman hindi siya malayo sa bawa’t isa sa atin.” [Mga Gawa 17:27.] Maging sa gitna ng espirituwal na kadiliman at kawalan ng pananampalataya, na laganap sa mundo, ang kapangyarihan ng Panginoon ay hindi naglalaho. Pakikinggan niya ang taimtim na pagsamo ng tapat na naghahanap ng katotohanan; at walang sinumang kailangang lumakad nang walang kaalaman tungkol sa banal na katotohanan at kung saan matatagpuan ang Simbahan ni Jesucristo. Ang kailangan lamang ng isang tao ay sumampalataya nang may pagpapakumbaba at nagsisising espiritu na may determinasyong lumakad sa liwanag, at ihahayag ito ng Panginoon sa kanya.22
Maaari nating malamang lahat ang katotohanan; may makakatulong sa atin. Ginawang posible ng Panginoon na makaalam ang bawat tao sa pamamagitan ng pagsunod sa [Kanyang] mga batas, at sa patnubay ng Kanyang Banal na Espiritu, na sadyang ipinadala para turuan tayo kapag sumusunod tayo sa batas, upang malaman natin ang katotohanang iyan na magpapalaya sa atin [tingnan sa Juan 8:32].23
5
Kapag iniayon natin ang ating buhay sa katotohanan, palalawakin ng Panginoon ang ating kaalaman at pang-unawa.
Inutusan tayo, bilang mga miyembro ng Simbahang ito, na alamin sa ating sarili ang mga bagay na inihayag ng Panginoon, upang hindi tayo malihis ng landas. … Paano tayo makakalakad sa katotohanan kung hindi natin alam ito?”24
Ang tanging layunin natin pagdating sa mga katotohanan ng kaligtasan ay ang alamin ang inihayag ng Panginoon at pagkatapos ay maniwala at kumilos ayon dito.25
Kung susundin natin ang espiritu ng liwanag, ang espiritu ng katotohanan, ang espiritung ibinigay sa mga paghahayag ng Panginoon; kung hahanapin natin, sa pamamagitan ng panalangin at pagpapakumbaba, ang patnubay ng Espiritu Santo, palalawakin ng Panginoon ang ating kaalaman at pang-unawa; nang sa gayo’y mapasaatin ang kakayahang makahiwatig, maunawaan natin ang katotohanan, makilala natin ang mali kapag nakita natin ito, at hindi tayo malilinlang.
Sino ang nalilinlang sa Simbahang ito? Hindi ang taong tapat sa pagganap sa tungkulin; hindi ang taong inaalam sa kanyang sarili ang salita ng Panginoon; hindi ang taong sumusunod sa mga kautusang ibinigay sa mga paghahayag na ito; kundi ang taong walang alam tungkol sa katotohanan, ang taong nasa espirituwal na kadiliman, ang taong hindi nauunawaan ang mga alituntunin ng Ebanghelyo. Ang gayong tao ay malilinlang, at kapag ang huwad na mga espiritu ay dumating sa atin maaaring hindi niya maunawaan o makilala ang liwanag sa kadiliman.
Ngunit kung tayo ay lalakad sa liwanag ng mga paghahayag ng Panginoon, kung tayo ay makikinig sa mga payong ibinigay ng mga miyembro sa mga kapulungan ng Simbahan, na may karapatang magbigay ng mga tagubilin, hindi tayo malilihis ng landas.26
Saliksikin natin [ang] mga banal na kasulatan, alamin natin ang inihayag ng Panginoon, iayon natin ang ating buhay sa Kanyang katotohanan. Sa gayon hindi tayo malilinlang, kundi magkakaroon tayo ng lakas na paglabanan ang kasamaan at tukso. Maliliwanagan ang ating isipan at mauunawaan natin ang katotohanan at makikilala ito mula sa kamalian.27
Kung may anumang doktrina o alituntunin na may kaugnayan sa mga turo ng Simbahan na hindi natin nauunawaan, lumuhod tayo at manalangin. Lumapit tayo sa Panginoon sa diwa ng panalangin, nang mapagkumbaba, at hilinging maliwanagan ang ating isipan upang tayo ay makaunawa.28
“Yaong sa Diyos ay liwanag; at siya na tumatanggap ng liwanag, at nagpapatuloy sa Diyos”—iyan ang sagot sa sitwasyong iyan—“ ay tumatanggap ng marami pang liwanag; at ang liwanag na yaon ay lumiliwanag nang lumiliwanag hanggang sa ganap na araw.” [D at T 50:24.]
Kaya nauunawaan natin mula sa talatang ito na ang taong naghahanap sa Diyos at pinapatnubayan ng Espiritu ng katotohanan, o ng Mang-aaliw, at nagpapatuloy sa Diyos, ay uunlad sa kaalaman, sa liwanag, sa katotohanan, hanggang sa huli ay dumating sa kanya ang ganap na araw ng liwanag at katotohanan.
Ngayon, hindi natin matatamo ang lahat ng iyan sa buhay na ito. Imposibleng makamtan ng isang tao ang mithiing iyan sa loob ng ilang taon ng kanyang mortal na buhay. Ngunit ang natututuhan natin dito, na walang hanggan, na binigyang-inspirasyon ng Espiritu ng katotohanan, ay mananatili sa atin sa kabilang-buhay at pagkatapos ay magpapatuloy tayo, kung nagpapatuloy pa rin tayo sa Diyos, sa pagtanggap ng liwanag at katotohanan hanggang sa umabot tayo sa ganap na araw na iyon.29
Ipinangako sa lahat ng tatanggap ng liwanag ng katotohanan at sa pamamagitan ng kanilang pagsasaliksik at pagsunod sa pagsisikap na malaman sa kanilang sarili ang Ebanghelyo, na sila ay tatanggap ng taludtod sa taludtod, tuntunin sa tuntunin, kaunti rito at kaunti roon, hanggang sa matanggap nila ang kabuuan ng katotohanan; maging ang natatagong mga hiwaga ng kaharian ay ipaaalam sa kanila; “sapagka’t ang bawa’t humihingi ay tumatanggap; at ang humahanap ay makasusumpong; at ang tumutuktok ay binubuksan.” [Mateo 7:8; 3 Nephi 14:8; tingnan din sa Isaias 28:10; D at T 76:1–10; 98:11–12.] Lahat sila ay mga tagapagmana ng kaligtasan at sila ay puputungan ng kaluwalhatian, imortalidad, at buhay na walang hanggan, bilang mga anak na lalaki at babae ng Diyos, nang may kadakilaan sa Kanyang kahariang selestiyal.30
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Mga Tanong
-
Habang binabasa ninyo ang mga pagsisikap ni Pangulong Smith na matutuhan ang ebanghelyo (tingnan sa “Mula sa Buhay ni Joseph Fielding Smith”), isipin ang inyong sariling mga pagsisikap. Anong mga pagpapala ang dumating sa inyo sa pag-aaral ninyo ng mga banal na kasulatan at iba pang mga turo ng ebanghelyo?
-
Ano ang matututuhan natin sa bahagi 1 tungkol sa pagbabalanse ng espirituwal at sekular na pag-aaral? Paano natin matutulungan ang mga miyembro ng ating pamilya na unahin ang espirituwal na kaalaman habang patuloy nilang kinakamit ang kanilang mga mithiin sa pag-aaral?
-
Paano nakatulong sa inyo ang mga banal na kasulatan na “mas makilala” ang Ama sa Langit at si Jesucristo? (Tingnan sa bahagi 2.) Isipin lkung ano ang magagawa ninyo para mapagbuti pa ang inyong pag-aaral ng mga banal na kasulatan.
-
Matapos basahin ang bahagi 3, isipin ang mga pagpapalang natanggap na ninyo nang sundin ninyo ang payo ng mga pinuno ng Simbahan. Paano natin maibabahagi ang mga turo ng mga buhay na propeta sa ating pamilya at sa iba?
-
Ano ang ibig sabihin ng pahalagahan ang salita ng Panginoon? (Para sa ilang ideya, tingnan sa bahagi 4.) Sa anong mga paraan maaaring makaimpluwensya ang “kahit labinglimang minuto lamang bawat araw para iukol sa pagbabasa at pag-iisip” sa ating buhay?
-
Pagnilayan kung paano naaangkop ang payo sa bahagi 5 sa buhay ninyo. Habang mas tumitindi at lumalaganap pa ang maling impormasyon, paano natin maaaring “makilala ang liwanag sa kadiliman”? Ano ang magagawa natin para tulungan ang mga bata at kabataan?
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan
Mga Awit 119:105; Juan 7:17; II Kay Timoteo 3:15–17; 2 Nephi 4:15; 32:3; Helaman 3:29–30; D at T 19:23; 84:85; 88:77–80
Tulong sa Pagtuturo
“Kahit na nagtuturo kayo ng maraming tao sa iisang oras, [natutulungan] ninyo ang bawat isa. Halimbawa, [tinutulungan] ninyo ang bawat isa kapag binabati ninyo nang masigla ang bawat isa sa simula ng klase. … Inyo ring [tinutulungan] ang bawat isa kapag ginagawa ninyong kaaya-aya at ligtas ang pakikibahagi” (Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin [2000], 43).