Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 16: Pagpapalaki ng mga Anak sa Liwanag at Katotohanan


Kabanata 16

Pagpapalaki ng mga Anak sa Liwanag at Katotohanan

“Ang unang tungkulin ukol sa pagtuturo ng mga bata ng Simbahan ay nasa tahanan.”

Mula sa Buhay ni Joseph Fielding Smith

Inilarawan ni Pangulong Joseph Fielding Smith ang kanyang amang si Pangulong Joseph F. Smith bilang “isang taong higit kong pinagkatiwalaan kaysa sinumang nakilala ko sa mundong ito.”1 Naalala niya na madalas tipunin ng kanyang ama ang kanilang pamilya, at “itinuturo sa kanyang mga anak ang mga alituntunin ng ebanghelyo. Napakasaya nila kapag kasama siya at nagpasalamat sila sa mga payo at turo na kanyang ibinigay. … Hindi nila kailanman nalimutan ang itinuro sa kanila, at nanatili sa kanila ang damdaming iyon at malamang na manatili iyon magpakailanman.”2 Sinabi rin niya: “Ang aking ama ang pinakamabait na lalaking nakilala ko. … Kabilang sa pinakamagagandang alaala ko ang mga oras na ginugol ko sa kanyang tabi habang tinatalakay niya ang mga alituntunin ng ebanghelyo at tinuturuan ako sa paraang siya lamang ang makapagbibigay. Sa ganitong paraan ang pundasyon ng sarili kong kaalaman ay batay sa katotohanan, upang ako man ay makapagsabi na alam ko na ang aking Manunubos ay buhay, at na si Joseph Smith ay propeta ng buhay na Diyos ngayon, noon, at magpakailanman.”3

Mapagmahal ding binanggit ni Joseph Fielding Smith ang kanyang inang si Julina L. Smith at ang mga turo nito. Sabi niya: “Batang-bata pa ako nang turuan ako ng aking ina na mahalin si Propetang Joseph Smith at ang aking Manunubos. … Nagpapasalamat ako sa turong tinanggap ko at sinikap kong sundin ang payo sa akin ng aking ama. Ngunit hindi ko lang sa kanya dapat ibigay ang lahat ng papuri. Palagay ko malaking bahagi nito, napakalaking bahagi nito, ang dapat ibigay sa aking ina na dati-rati ay kinakandong ako noong maliit pa ako at kinukuwentuhan tungkol sa mga pioneer. … Tinuruan niya ako at, noong kaya ko nang magbasa, binigyan niya ako ng mga aklat na kaya kong unawain. Tinuruan niya akong manalangin [at] maging tapat at manalig sa aking mga tipan at obligasyon, gumanap sa aking mga tungkulin bilang deacon at bilang teacher … at kalaunan bilang priest. … Nagkaroon ako ng isang ina na siniguradong nagbasa nga ako, at mahilig akong magbasa.”4

Nang maging ama si Joseph Fielding Smith, sinunod niya ang halimbawa ng kanyang mga magulang. Sabi ng anak niyang si Amelia:

“Si Itay ang perpektong estudyante at guro, isang taong hindi lamang kami tinuruan mula sa kanyang malawak na kaalaman kundi hinikayat pa kaming matuto sa aming sarili. …

“Sa kanyang mga anak sinunod niya ang payo na matatagpuan sa D at T 93:40: ‘Subalit ipinag-uutos ko sa inyo na palakihin ang inyong mga anak sa liwanag at katotohanan.’

“Tinuruan niya kami habang nag-aalmusal at kinuwentuhan mula sa mga banal na kasulatan, at may kakayahan siyang gawing parang bago at nakakatuwa ang bawat kuwento kahit ilang beses na namin itong narinig. Ang kaba at kasabikang malaman kung makikita nga ng mga kawal ng Faraon ang gintong saro sa bayong ng bigas ni Benjamin ay parang nadarama ko pa rin hanggang ngayon. Nalaman namin na natagpuan ni Joseph Smith ang mga laminang ginto, at dumalaw ang Ama at ang Anak. Kapag may oras si Itay na samahan kaming maglakad papasok sa eskuwela, patuloy niya kaming kinukuwentuhan. Nadaraanan namin ang [Salt Lake] Temple papasok sa eskuwela at ikinukuwento niya sa amin si Anghel Moroni. Nalaman namin na ang templo ay napakaespesyal na lugar, na kailangan mong maging mabuti para makapasok doon, at kapag doon ka ikinasal ay magpakailanman na iyon. Tinuruan niya kami sa pamamagitan ng mga bagay na ipinagdasal niya sa mga panalangin ng aming pamilya habang nakaluhod kami sa tabi ng aming silya bago mag-almusal at muli sa hapunan. …

“Ngayon hindi lamang kanyang mga inapo ang napapasigla at natutulungan ng kanyang mga turo kundi maging ang di-mabilang na matatapat na miyembro ng Simbahan. Malaking pribilehiyo at pagpapala ang maging anak niya.”5

The prophet loved children. President Joseph Fielding Smith with his great-granddaughter Shauna McConkie at Christmas time

Si Pangulong Joseph Fielding Smith at ang kanyang apo-sa-tuhod na si Shanna McConkie

Mga Turo ni Joseph Fielding Smith

1

Para madaig ang impluwensya ng kaaway, kailangang palakihin ng mga magulang ang kanilang mga anak sa liwanag at katotohanan.

Ang kahalagahan ng pagkakaisa sa pamilya—pagmamahal at konsiderasyon para sa isa’t isa sa pamilya—ay napakahalaga. Espirituwal na pagkakaisa sa mga ugnayan ng pamilya ang matibay na pundasyon na magpapaunlad sa Simbahan at sa lipunan mismo. Ang katotohanang ito ay alam na alam at nauunawaan ng kaaway, at higit kailanman, ginagamit niya ang lahat ng tusong pamamaraan, impluwensya, at kapangyarihan na kaya niyang kontrolin para pahinain at wasakin ang walang-hanggang institusyong ito. Tanging ang ebanghelyo ni Jesucristo na ipinamuhay sa mga ugnayan ng pamilya ang makapipigil sa napakasamang paninirang ito.6

Maraming malalaki at tunay na panganib na haharapin, at ang mga ikinababahala natin nang higit sa lahat ay may kinalaman sa ating mga anak. Ang tanging tunay na proteksyon o sapat na depensa ay maibibigay ng tahanan at ng mga impluwensya nito.7

Kailangang maturuan ang ating mga anak na mahiwatigan kung alin ang mabuti at masama, kung hindi ay hindi nila mauunawaan sa maraming sitwasyon kung bakit hindi sila pinapayagang gawin ang mga aktibidad na karaniwang ginagawa ng kanilang mga kapitbahay. Kung hindi sila tuturuan ayon sa mga doktrina ng Simbahan, marahil ay hindi nila mauunawaan kung bakit sila mapapamahak sa pagpunta sa konsiyerto, palabas, sine, ball game, o gayong klase ng aktibidad sa araw ng Linggo, samantalang ang mga kalaro nila, na hindi pinipigilan at hinihikayat pa, ay nagpapasasa sa mga bagay na ito na ipinagbabawal ng Panginoon sa kanyang banal na araw. Responsibilidad ng mga magulang na turuan nang wasto ang kanilang mga anak, [at] pananagutin ng Panginoon ang mga magulang kung magsisilaki ang kanilang mga anak nang walang impluwensya ng mga alituntunin ng ebanghelyo ng ating Panginoong Jesucristo.8

Inutusan tayo ng Panginoon, tayong lahat, na palakihin ang ating mga anak sa liwanag at katotohanan. Saan man umiiral ang diwang ito, hindi magkakaroon, hindi maaaring magkaroon, ng alitan at pagsuway, at hindi makakaligtaan ang mga sagradong tungkulin.9

2

Mga magulang ang may pangunahing responsibilidad na turuan ang kanilang mga anak.

Kailanman ay hindi tinalikuran ng Ama ang tungkulin niya sa mga batang isinilang sa mundong ito. Mga anak pa rin Niya sila. Iniwan Niya sila sa pangangalaga ng mortal na mga magulang na pinayuhang palakihin sila sa liwanag at katotohanan. Ang pangunahin at napakahalagang responsibilidad ng mga magulang ay turuan ang kanilang mga anak sa liwanag at katotohanan.10

Ang unang tungkulin ukol sa pagtuturo ng mga bata ng Simbahan ay nasa tahanan. Responsibilidad ng mga magulang na palakihin ang kanilang mga anak sa liwanag at katotohanan, at sinabi ng Panginoon na kapag hindi nila ginawa ito, pananagutin sila sa harapan ng luklukang-hukuman.11

Sinabi ng Panginoon sa isang paghahayag na ibinigay sa Simbahan noong 1831:

“Yayamang ang mga magulang ay may mga anak sa Sion, o sa alinman sa kanyang mga istaka na naitatag, na hindi nagtuturo sa kanila na maunawaan ang doktrina ng pagsisisi, pananampalataya kay Cristo ang anak ng buhay na Diyos, at ng pagbibinyag at ang kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay, pagsapit ng walong taong gulang, ang kasalanan ay nasa ulo ng mga magulang.

“Sapagkat ito ay magiging batas sa mga naninirahan sa Sion, o sa alinman sa kanyang mga istaka na naitatag.” [D at T 68:25–26.]

… Ipinagagawa ito sa atin ng Panginoon.12

Pananagutan ng mga magulang ang mga kilos ng kanilang mga anak, kung hindi nila naturuan ang kanilang mga anak sa pamamagitan ng halimbawa at tuntunin.

Kung nagawa na ng mga magulang ang lahat sa abot ng kanilang makakaya para maturuan nang tama ang kanilang mga anak sa pamamagitan ng halimbawa at tuntunin at pagkatapos ay naligaw ng landas ang mga anak, ang mga anak ang mananagot sa kanilang kasalanan at hindi ang mga magulang.13

3

Tinutulungan ng Simbahan ang mga magulang sa pagsisikap nilang turuan ang kanilang mga anak.

Pangunahing pananagutan ng bawat tao na gawin [ang] mga bagay na humahantong sa kaligtasan. Lahat tayo ay inilagay sa daigdig upang dumanas ng mga pagsubok sa buhay na ito. Narito tayo upang makita kung susundin natin ang mga utos at madaraig ang mundo, at kailangan nating gawin ang lahat para sa ating sarili sa abot ng ating makakaya.

Ang ating pamilya ang susunod na mananagot sa ating kaligtasan. Ang mga magulang ay itinakdang maging halimbawa at gabay sa kanilang mga anak at inutusang palakihin ang mga ito sa liwanag at katotohanan, sa pagtuturo sa kanila ng ebanghelyo at pagpapakita ng mga tamang halimbawa. Ang mga anak ay inaasahang susunod sa kanilang mga magulang, at ikarangal at igalang sila.

Sa gayon, ang Simbahan at mga ahensya nito ay isa talagang organisasyon ng paglilingkod para tulungan ang pamilya at bawat tao.14

A woman leading music in Primary.  A girl is standing at her side holding a copy of the Book of Mormon.

“Sa gayon, ang Simbahan at ang mga grupo ng mga tao nito ang bumubuo sa organisasyong tutulong sa pamilya at bawat tao.”

Isinasamo ko sa inyo, mahal kong mga kapatid, mga mag-asawa, mga ama at ina, na samantalahin ang bawat pagkakataong ibinibigay ng Simbahan na paturuan ang inyong mga anak sa iba’t ibang organisasyong inilaan para sa kanila ng mga paghahayag ng Panginoon: ang Primary, ang Sunday School, ang mga Mutual Improvement organization [Young Men at Young Women], at mga korum ng Nakabababang Priesthood sa ilalim ng pamamahala ng ating mga bishopric. …

… Mayroon tayo sa buong Simbahan, saanman tayo magkaroon ng pagkakataon, ng mga seminary at institute. … Mga kapatid, papuntahin ang inyong mga anak sa mga seminary na ito. Ang mga nag-aaral sa kolehiyo ay nasa hustong edad na, kung naturuan sila nang tama sa kanilang kabataan, para dumalo sa mga institute ng Simbahan.15

4

Dapat gawin ng mga magulang ang lahat sa abot ng kanilang makakaya na tulungan ang kanilang mga anak na maunawaan at maipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo.

Personal na patotoo ng bawat tao ang pinagkukunan at laging pagkukunan ng lakas ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa tuwina. Ang patotoo ay napapangalagaan nang husto sa pagsasamahan ng pamilya. … Ang pagkakaroon at pagpapalakas ng patotoo ay dapat maging proyekto ng pamilya. Huwag kaligtaan ang anumang makakatulong sa pagpapalakas ng patotoo ng sinumang miyembro ng inyong pamilya.16

Kailangan nating protektahan [ang mga bata] mula sa mga kasalanan at kasamaan ng mundo hangga’t kaya natin para hindi sila malihis mula sa landas ng katotohanan at kabutihan.17

Tulungan ang inyong mga anak sa lahat ng paraang kaya ninyo upang lumaki sila sa kaalaman ng ebanghelyo ni Jesucristo. Turuan silang manalangin. Turuan silang sundin ang Word of Wisdom, mamuhay nang tapat at mapagpakumbaba sa harapan ng Panginoon upang kapag mga binata’t dalaga na sila ay mapasalamatan nila kayo sa inyong nagawa para sa kanila at lingunin nila ang nakaraan nang may pasasalamat at pagmamahal sa kanilang mga magulang na nag-aruga at nagpalaki sa kanila sa ebanghelyo ni Jesucristo.18

Magpakita ng mabuting halimbawa

Nakikiusap kami sa mga magulang na magpakita ng halimbawa ng kabutihan sa sarili nilang buhay at tipunin ang kanilang mga anak sa kanilang paligid at ituro sa kanila ang ebanghelyo, sa kanilang mga home evening at sa iba pang pagkakataon.19

Kailangang sikapin ng mga magulang, o gawin man lang ang lahat sa abot ng makakaya nila, na maging katulad ng pinapangarap nilang kahinatnan ng kanilang mga anak. Imposible kayong maging halimbawa ng isang bagay na hindi ninyo ginagawa.20

Kailangan ninyo silang turuan sa pamamagitan ng halimbawa at tuntunin. Kailangan ninyong lumuhod kasama ng inyong mga anak sa panalangin. Kailangan ninyong ituro sa kanila, nang buong pagpapakumbaba, ang misyon ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Kailangan ninyong ituro sa kanila ang daan, at ang ama na nagpapakita sa kanyang anak ng daan ay hindi sasabihin dito na: “Anak, pumasok ka sa Sunday School, o sa Mutual, o sa priesthood meeting,” kundi sasabihin niyang: “Halika’t samahan mo ako.” Magtuturo siya sa pamamagitan ng halimbawa.21

Simulang turuan ang mga anak habang bata pa sila

Bawat tao ay maaaring magsimulang maglingkod sa Panginoon kahit bata pa lang. … Sinusunod ng mga kabataan ang turo ng kanilang mga magulang. Ang batang tinuruan sa kabutihan mula nang isilang ay mas malamang na sundin ang kabutihan sa tuwina. Ang mabubuting gawi ay madaling makasanayan at sundan.22

Dapat magkaroon ng panalangin at pananampalataya at pagmamahal at pagsunod sa Diyos sa tahanan. Tungkulin ng mga magulang na ituro sa kanilang mga anak ang nakapagliligtas na mga alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo, nang sa gayon ay malaman nila kung bakit kailangan silang mabinyagan at magkaroon ng taos na hangaring patuloy na sundin ang mga utos ng Diyos matapos silang mabinyagan, nang sila ay makabalik sa kanyang piling. Butihing mga kapatid, gusto ba ninyo ang inyong pamilya, ang inyong mga anak; gusto ba ninyong mabuklod sa inyong ama at sa inyong ina na sumakabilang-buhay na, gusto ba ninyong maging sakdal ang pamilyang ito kapag kayo, kung pahihintulutan, ay pumasok sa kahariang selestiyal ng Diyos? Kung gayon, dapat ninyong simulang turuan ang inyong mga anak habang bata pa sila.23

Turuang manalangin ang mga anak

Ano ang isang tahanan na walang diwa ng panalangin? Hindi ito tahanan ng isang Banal sa mga Huling Araw. Dapat tayong manalangin; huwag nating palipasin ang umaga nang hindi pinasasalamatan ang Panginoon nang nakaluhod habang nakapaligid ang buong pamilya, na pinasasalamatan Siya sa Kanyang mga pagpapala at patnubay. Hindi natin dapat palipasin ang magdamag, hindi tayo dapat mahiga nang hindi natin natitipong muli ang mga miyembro ng pamilya at pinasasalamatan ang Panginoon sa Kanyang proteksyon, at humihiling sa Kanya ng patnubay sa araw-araw nating buhay.24

Sana’y tinuturuan ninyong manalangin ang inyong mga anak sa inyong tahanan. Sana’y nagdaraos kayo ng panalangin ng pamilya, araw at gabi, na natuturuan ang inyong mga anak sa pamamagitan ng halimbawa at tuntunin na sundin ang mga utos na katangi-tangi at sagrado at napakahalaga sa ating kaligtasan sa kaharian ng Diyos.25

Gawing pamilyar ang mga anak sa mga banal na kasulatan

Dapat magkaroon ng Biblia ang bawat tahanan sa lahat ng dako ng mundo. Dapat magkaroon ng Aklat ni Mormon ang bawat tahanan. Ang tinutukoy ko ay ang tahanan ng mga Banal sa mga Huling Araw. Dapat magkaroon ng Doktrina at mga Tipan at Mahalagang Perlas ang bawat tahanan. Huwag ninyong itago ang mga ito sa mga estante o aparador, kundi ilantad ito kung saan ito madaling kunin, nang mabuklat ito ng mga miyembro ng pamilya at maupo sila at magbasa at mag-aral ng mga alituntunin ng ebanghelyo para sa kanilang sarili.26

Magdaos ng family home evening

Ang mga batang lumalaki sa tahanan kung saan sila nakibahagi sa mga family home evening, kung saan sagana ang pagmamahalan at pagkakaisa, ay nagtatayo ng matatatag na pundasyon para sa pagiging mabuting mamamayan at sa aktibong pakikilahok sa Simbahan. Wala nang higit na dakilang pamanang maiiwan ang mga magulang sa kanilang mga anak maliban sa alaala at mga pagpapala ng isang masaya, nagkakaisa, at mapagmahal na pamilya.

Ang mga family home evening na naiplano nang husto ay maaaring pagmulan ng nagtatagal na kagalakan at impluwensya. Ang mga gabing ito ay mga pagkakataon para sa aktibidad ng mga grupo, pagsasaayos, pagpapakita ng pagmamahal, pagbabahagi ng patotoo, pag-aaral ng mga alituntunin ng ebanghelyo, kasayahan at paglilibang ng pamilya, at higit sa lahat, pagkakaisa at pagkakabuo ng pamilya.

Ang mga ama at ina na tapat na nagdaraos ng mga family home evening at pinagkakaisa ang pamilya sa lahat ng paraan, ay tinutupad nang may karangalan ang pinakadakila sa lahat ng responsibilidad—ang pagiging magulang.27

Ang pinakamagandang pamumunong mailalaan ng mga ama sa kaharian ng Diyos ay ang akayin ang kanilang pamilya na magdaos ng mga family home evening. Kapag bahagi ng buhay sa tahanan ang gayong mga karanasan nagkakaroon ng pagkakaisa at paggalang sa pamilya na umiimpluwensya sa bawat tao na lalo pang magpakabuti at lumigaya.28

Ang mga magulang na nagwawalang-bahala sa malaking tulong ng programang ito [family home evening] ay isinasapalaran ang kinabukasan ng kanilang mga anak.29

Ituro ang kabanalan, kalinisang-puri, at moralidad

Dapat ninyong turuan ang inyong mga anak ng kabanalan, ng kalinisang-puri, at dapat silang maturuan habang bata pa sila. At dapat ipaalam sa kanila ang mga patibong at panganib na lubhang laganap sa buong mundo.30

Labis kaming nababahala sa espirituwal at moral na kapakanan ng lahat ng kabataan sa lahat ng dako. Moralidad, kalinisang-puri, kabanalan, paglaya sa kasalanan—ang mga ito ay kailangang maging pangunahin sa ating pamumuhay, kung nais nating maunawaan ang buong layunin nito.

Sumasamo kami sa mga ama at ina na ituro ang personal na kadalisayan sa pamamagitan ng tuntunin at halimbawa at payuhan ang kanilang mga anak sa lahat ng gayong bagay. …

May tiwala kami sa bata at lumalaking henerasyon sa Simbahan at sumasamo sa kanila na huwag tularan ang mga uso at kaugalian ng mundo, huwag makibahagi sa diwa ng pagrerebelde, huwag talikuran ang landas ng katotohanan at kabanalan. Naniniwala kami sa likas nilang kabaitan at inaasahan namin na magiging haligi sila ng kabutihan at magpapatuloy sa gawain ng Simbahan na may ibayong pananampalataya at kakayahan.31

Ihanda ang mga anak na maging mga saksi ng katotohanan at magmisyon

Ang ating mga kabataan ay kabilang sa pinakamapalad at kinalulugdang mga anak ng ating Ama. Sila ang maharlika ng kalangitan, isang pili at hinirang na henerasyon na may banal na tadhana. Ang kanilang mga espiritu ay inireserba upang isilang sa panahong ito na nasa lupa ang ebanghelyo, at kailangan ng Panginoon ng masigasig na mga tagapaglingkod na magtutuloy sa kanyang dakilang gawain sa mga huling araw.32

Kailangan nating ihanda [ang mga bata] na maging mga buhay na saksi ng katotohanan at kabanalan ng dakilang gawaing ito sa mga huling araw, at lalo na ang ating mga anak na lalaki, tiyaking karapat-dapat sila at handang magpunta sa misyon upang ipangaral ang ebanghelyo sa iba pang mga anak ng ating Ama.33

Tulungan ang mga anak na maghandang magkaroon ng sarili nilang walang-hanggang pamilya

Tinuturuan ba ninyo [ang inyong mga anak] para kapag nag-asawa na sila ay naisin nilang magpunta sa bahay ng Panginoon? Tinuturuan ba ninyo sila para naisin nilang tanggapin ang dakilang endowment na inilaan ng Panginoon para sa kanila? Naikintal ba ninyo sa kanilang isipan ang katotohanan na maaari silang mabuklod bilang mga mag-asawa at ipagkaloob sa kanila ang bawat kaloob at bawat pagpapalang nauukol sa kahariang selestiyal?34

Kailangan nating … gabayan at akayin [ang mga bata] upang piliin nila ang tamang kabiyak at makasal sa bahay ng Panginoon nang sa gayon ay manahin nila ang lahat ng dakilang pagpapalang binanggit namin.35

Mapagpakumbaba nating sikapin na panatilihing buo ang ating pamilya, na mapanatili sila sa ilalim ng impluwensya ng Espiritu ng Panginoon, na pinalaki sa mga alituntunin ng ebanghelyo upang lumaki sila sa kabutihan at katotohanan. … Ang [mga anak] ay ibinigay sa atin para maturuan natin sila sa mga paraan ng pamumuhay, ng buhay na walang hanggan, nang makabalik silang muli sa piling ng kanilang Diyos Ama.36

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Mga Tanong

  • Sa “Mula sa Buhay ni Joseph Fielding Smith,” pansinin ang mga halimbawa ng mga magulang na nagpapakita ng pagmamahal sa kanilang mga anak. Mag-isip ng mga paraan na masusunod ninyo ang mga halimbawang ito, anuman ang inyong mga responsibilidad sa pamilya. Paano maioorganisa ng mga magulang ang kanilang sarili para mapag-ukulan ng mas maraming oras ang kanilang mga anak?

  • Binanggit ni Pangulong Smith ang mga espirituwal na panganib na umiral noong kanyang panahon (tingnan sa bahagi 1). Ano ang iba pang mga panganib ngayon? Paano matutulungan ng mga magulang at mga lolo’t lola ang mga bata na malabanan ang mga impluwensyang ito?

  • Isipin ang tiwalang ibinigay ng Ama sa Langit sa mga magulang nang tulutan Niya silang arugain ang kanyang mga anak (tingnan sa bahagi 2). Anong patnubay at tulong ang Kanyang iniaalok?

  • Sa paanong paraan naging “isang organisasyon sa paglilingkod [ang Simbahan] para tulungan ang pamilya at bawat tao”? (Tingnan sa bahagi 3.) Paano nakatulong sa inyo at sa inyong pamilya ang mga organisasyon ng Simbahan? Ano ang magagawa natin para tulungan ang mga bata at kabataan na lubos na makibahagi?

  • Nakalista sa bahagi 4 ang mga paraan para matulungan ang mga bata at kabataan na ipamuhay ang ebanghelyo. Habang nirerepaso ninyo ang payo, isipin ang sumusunod na mga tanong: Ano ang ilang bagay na mahusay ninyong ginagawa ng inyong pamilya? Sa paanong paraan pa kayo maaaring magpakahusay? Ano ang magagawa ninyo para tulungan ang mga kabataan ng Simbahan na mapalakas ang kanilang patotoo?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan

Deuteronomio 6:1–7; Awit 132:12; Mosias 1:4; 4:14–15; D at T 68:25–28; 93:36–40; tingnan din sa “Ang Mag-anak: Isang Paghahayag sa Mundo”

Tulong sa Pagtuturo

“Maging maingat na huwag madaliing tapusin ang magagandang talakayan sa pagtatangkang mailahad ang lahat ng materyal na inyong inihanda. Bagaman mahalaga na tapusin ang materyal, mas mahalagang tulungan ang mga mag-aaral na madama ang impluwensiya ng Espiritu, masagot ang kanilang mga katanungan, mapalawak ang kanilang pagkaunawa sa ebanghelyo, at mapalalim ang kanilang pangakong sundin ang mga kautusan.” Gayunman, “mahalaga [ring] tapusin ang mga talakayan sa tamang oras. Halos nawawala ang diwa ng isang masiglang talakayan kapag napakatagal nito. … Planuhin ang oras. Alamin kung kailan dapat magtapos ang aralin. Bigyan ng oras ang inyong sarili na maibuod ang mga nasabi at magpatotoo” (Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin [2000], 79, 80).

Mga Tala

  1. Sa Joseph Fielding Smith Jr. at John J. Stewart, The Life of Joseph Fielding Smith (1972), 40.

  2. Sa The Life of Joseph Fielding Smith, 40.

  3. Sa Bryant S. Hinckley, “Joseph Fielding Smith,” Improvement Era, Hunyo 1932, 459.

  4. Sa The Life of Joseph Fielding Smith, 56.

  5. Amelia Smith McConkie, “Joseph Fielding Smith,” Church News, Okt. 30, 1993, 8, 10.

  6. Mensahe mula sa Unang Panguluhan, sa Family Home Evenings 1970–71 (family home evening lesson manual, 1970), v.

  7. “Our Children—‘The Loveliest Flowers From God’s Own Garden,’” Relief Society Magazine, Ene. 1969, 5.

  8. Sa Conference Report, Okt. 1916, 71–72.

  9. Sa Conference Report, Abr. 1965, 11.

  10. “The Sunday School’s Responsibility,” Instructor, Mayo 1949, 206; tingnan din sa Doctrines of Salvation, inedit ni Bruce R. McConkie, 3 mga tomo (1954–56), 1:316.

  11. Take Heed to Yourselves! (1966), 221.

  12. Sa Conference Report, Abr. 1958, 29–30.

  13. Personal na liham, sinipi sa Doctrines of Salvation, 1:316; inalis ang italics.

  14. “Use the Programs of the Church,” Improvement Era, Okt. 1970, 3.

  15. Sa Conference Report, Abr. 1958, 29–30.

  16. “The Old and the New Magazines,” Improvement Era, Nob. 1970, 11.

  17. “Mothers in Israel,” Relief Society Magazine, Dis. 1970, 886.

  18. Sa Conference Report, Abr. 1958, 30.

  19. Sa Conference Report, Abr. 1970, 6.

  20. “Our Children—‘The Loveliest Flowers From God’s Own Garden,’” 6.

  21. Sa Conference Report, Okt. 1948, 153.

  22. Take Heed to Yourselves! 414.

  23. Sa Conference Report, Okt. 1948, 153.

  24. “How to Teach the Gospel at Home,” Relief Society Magazine, Dis. 1931, 685.

  25. Sa Conference Report, Abr. 1958, 29.

  26. “Keeping the Commandments of Our Eternal Father,” Relief Society Magazine, Dis. 1966, 884.

  27. Mensahe mula sa Unang Panguluhan, sa Family Home Evenings 1970–71 v.

  28. Message from the First Presidency, sa Family Home Evenings (family home evening lesson manual, 1971), 4.

  29. Sa “Message from the First Presidency,” Ensign, Ene. 1971, 1.

  30. “Teach Virtue and Modesty,” Relief Society Magazine, Ene. 1963, 5.

  31. Sa Conference Report, Abr. 1970, 5–6.

  32. Sa Conference Report, Abr. 1970, 6.

  33. “Mothers in Israel,” 886.

  34. Sa Conference Report, Okt. 1948, 154.

  35. “Mothers in Israel,” 886.

  36. Sa Conference Report, Abr. 1958, 30.