Pambungad
Ang Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawang Apostol ay nagpasimula ng seryeng Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan para higit kayong mapalapit sa inyong Ama sa Langit at mapalalim ang inyong pag-unawa sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Sa pagdaragdag ng Simbahan ng mga aklat sa seryeng ito, makakakolekta kayo ng mga reperensyang aklat ng ebanghelyo sa inyong tahanan. Ang mga aklat sa seryeng ito ay nilayong magamit sa personal na pag-aaral at sa pagtuturo sa araw ng Linggo. Matutulungan din kayo nitong maghanda ng iba pang mga aralin o mensahe at sagutin ang mga tanong tungkol sa doktrina ng Simbahan.
Tampok sa aklat na ito ang mga turo ni Pangulong Joseph Fielding Smith, na naglingkod bilang Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw mula Enero 23, 1970, hanggang Hulyo 2, 1972.
Personal na Pag-aaral
Habang pinag-aaralan ninyo ang mga turo ni Pangulong Joseph Fielding Smith, mapanalanging hangarin ang inspirasyon ng Espiritu Santo. Ang mga tanong sa dulo ng bawat kabanata ay makakatulong upang maunawaan ninyo ang mga turo ni Pangulong Smith at maipamuhay ang mga ito. Habang pinag-aaralan ninyo ang mga turong ito, maaari ninyong isipin kung paano ninyo ito ibabahagi sa mga miyembro ng pamilya at mga kaibigan. Palalakasin nito ang pag-unawa ninyo sa inyong binabasa.
Pagtuturo mula sa Aklat na Ito
Ang aklat na ito ay nilayong gamitin sa tahanan at sa simbahan. Sa mga high priests group, elders quorum, at Relief Society, dalawang aralin sa araw ng Linggo bawat buwan ang karaniwang ituturo mula sa mga kabanata sa aklat. Dahil mas maraming kabanata sa aklat kaysa kayang ituro sa loob ng 12 buwan, maaaring ipasiya ng mga lider ng ward at stake kung aling mga kabanata ang mas makatutugon sa mga pangangailangan ng mga miyembrong kanilang pinaglilingkuran.
Ang sumusunod na mga patnubay ay makatutulong sa pagtuturo ninyo mula sa aklat:
Maghandang Magturo
Hangarin ang patnubay ng Espiritu Santo habang naghahanda kayong magturo. Mapanalanging pag-aralan ang nakatalagang kabanata upang magkaroon kayo ng tiwala sa pagkaunawa ninyo sa mga turo ni Pangulong Smith. Makapagtuturo kayo nang mas taimtim at mabisa kapag personal kayong naimpluwensyahan ng kanyang mga salita (tingnan sa D at T 11:21).
Kung nagtuturo kayo ng aralin sa Melchizedek Priesthood o Relief Society, hindi ninyo dapat isantabi ang aklat na ito o ihanda ang mga aralin mula sa iba pang mga materyal. Mapanalanging piliin mula sa kabanata ang mga turong sa pakiramdam ninyo ay makakatulong nang malaki sa mga tinuturuan ninyo. Ang ilang kabanata ay naglalaman ng mas maraming materyal kaysa kaya ninyong talakayin sa oras ng klase.
Hikayatin ang mga miyembro ng klase na pag-aralan ang kabanata bago magklase at dalhin ang kanilang aklat. Kapag ginawa nila ito, magiging mas handa silang makilahok sa mga talakayan at patatagin ang isa’t isa.
Sa paghahanda ninyong magturo, higit na bigyang-pansin ang “Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo” sa dulo ng bawat kabanata. Sa ilalim ng heading na ito, may makikita kayong mga tanong, kaugnay na mga talata sa banal na kasulatan, at mga tulong sa pagtuturo. Ang mga tanong at kaugnay na mga talata ay partikular na nakaugnay sa kabanatang katatagpuan ng mga ito. Mapapatnubayan kayo ng mga tulong sa pagtuturo sa lahat ng pagsisikap ninyong tulungan ang iba na magalak sa pag-aaral at pamumuhay ng ebanghelyo.
Pasimulan ang Kabanata
Kapag pinasimulan ninyo ang kabanata, at sa buong aralin, sikaping lumikha ng isang kapaligiran na maaantig ng Espiritu ang puso’t isipan ng inyong mga tinuturuan. Para masimulan ang aralin, tulungan ang mga tinuturuan ninyo na magtuon sa mga turo sa kabanata. Pag-isipan ang sumusunod na mga ideya:
-
Basahin at talakayin ang bahaging pinamagatang “Mula sa Buhay ni Joseph Fielding Smith” sa simula ng kabanata.
-
Talakayin ang isang larawan o banal na kasulatan mula sa kabanata.
-
Sama-samang kantahin ang isang kaugnay na himno.
-
Ibahagi nang maikli ang isang personal na karanasan tungkol sa paksa.
Pangunahan ang Isang Talakayan tungkol sa mga Turo ni Pangulong Smith
Habang nagtuturo kayo mula sa aklat na ito, anyayahan ang iba na ibahagi ang kanilang iniisip, magtanong, at turuan ang isa’t isa. Kapag aktibo silang nakibahagi, magiging mas handa silang matuto at tumanggap ng personal na paghahayag. Hayaang magpatuloy ang magagandang talakayan sa halip na sikaping talakayin ang lahat ng turo. Para makahikayat ng talakayan, gamitin ang mga tanong sa dulo ng bawat kabanata. Maaari din kayong gumawa ng sarili ninyong mga tanong lalo na para sa mga tinuturuan ninyo.
Ang sumusunod na mga opsiyon ay maaaring magbigay sa inyo ng karagdagang mga ideya:
-
Ipabahagi sa mga miyembro ng klase ang natutuhan nila mula sa kanilang personal na pag-aaral ng kabanata. Maaaring makatulong na kumausap ng ilang miyembro ng klase sa loob ng linggong iyon at papuntahin sila na handang ibahagi ang kanilang natutuhan.
-
Atasan ang mga miyembro ng klase na basahin ang mga piling tanong sa dulo ng kabanata (nang isa-isa o sa maliliit na grupo). Ipahanap sa kanila ang mga turo sa kabanata na may kaugnayan sa mga tanong. Pagkatapos ay ipabahagi sa kanila sa grupo ang kanilang mga iniisip at ideya.
-
Sama-samang basahin ang mga piling pahayag ni Pangulong Smith mula sa kabanata. Ipabahagi sa mga miyembro ng klase ang mga halimbawa mula sa mga banal na kasulatan at mula sa sarili nilang karanasan na naglalarawan sa itinuro ni Pangulong Smith.
-
Papiliin ng isang bahagi ang mga miyembro ng klase at ipabasa ito nang tahimik sa kanila. Anyayahan silang maggrupu-grupo sa dalawa o tatlong tao na magkakapareho ang bahaging pinili at talakayin nila ang kanilang natutuhan.
Maghikayat ng Pagbabahagi at Pagsasabuhay
Ang mga turo ni Pangulong Smith ay magiging lubos na makahulugan sa mga miyembro ng klase na nagbabahagi nito sa iba at ipinamumuhay ito. Pag-isipan ang sumusunod na mga ideya:
-
Tanungin ang mga miyembro ng klase kung paano nila magagamit ang mga turo ni Pangulong Smith sa kanilang mga responsibilidad sa tahanan at sa simbahan. Halimbawa, matutulungan ninyo silang pagnilayan o talakayin kung paano nila maipamumuhay ang kanyang mga turo bilang asawa, magulang, anak, home teacher, o visiting teacher.
-
Hikayatin ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang ilan sa mga turo ni Pangulong Smith sa mga miyembro ng pamilya at mga kaibigan.
-
Anyayahan ang mga miyembro ng klase na ipamuhay ang natutuhan nila at ibahagi ang kanilang mga karanasan sa simula ng klase sa susunod.
Tapusin ang Talakayan
Ibuod nang maikli ang aralin o ipabuod ito sa isa o dalawang miyembro ng klase. Patotohanan ang mga turong natalakay ninyo. Maaari din ninyong ipabahagi sa iba ang kanilang patotoo.
Impormasyon tungkol sa mga Pinagkunan ng mga Sinipi sa Aklat na Ito
Ang mga turo sa aklat na ito ay mga tuwirang sipi mula sa mga sermon, artikulo, aklat, liham, at journal ni Pangulong Joseph Fielding Smith. Ang mga siping nagmula sa mga lathalain ay pinanatili sa orihinal na pagbabantas, pagbabaybay, pagpapalaki ng mga letra, at pagtatalata maliban kung kinailangan itong baguhin ng editor o itama ang maling baybay para mas madali itong basahin. Dahil dito, maaari kayong makapansin ng kaunting pagkakaiba-iba sa teksto. Halimbawa, ang salitang ebanghelyo ay nagsimula sa maliit na titik sa ilang sipi at sa malaking titik naman sa iba.
Gayundin, madalas gamitin ni Pangulong Smith ang mga katagang tulad ng kalalakihan, lalaki, o sangkatauhan sa pagtukoy sa lahat ng tao, kapwa lalaki at babae. Madalas niyang gamitin ang mga panghalip na siya, niya, at kanya para tukuyin ang dalawang kasariang ito. Karaniwan ito sa wikang ginamit sa kanyang panahon. Sa kabila ng mga kaibhan sa pagitan ng makaluma at makabagong wika, angkop ang mga turo ni Pangulong Smith kapwa sa kababaihan at sa kalalakihan.