Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 22: Panalangin—Isang Kautusan at Isang Pagpapala


Kabanata 22

Panalangin—Isang Kautusan at Isang Pagpapala

“Iilang bagay lamang sa buhay ang kasinghalaga ng pakikipag-usap sa Diyos sa panalangin.”

Mula sa Buhay ni Joseph Fielding Smith

Itinuro ni Pangulong Joseph Fielding Smith na dapat nating gawing “bahagi ng ating buong pagkatao” ang diwa ng panalangin.1 Ipinakita niya ang halimbawa ng alituntuning ito sa paraan ng kanyang pamumuhay at sa paraan ng kanyang pagdarasal—nang mag-isa, kasama ang mga miyembro ng pamilya, at sa publiko.

Nang pumanaw ang kanyang unang asawang si Louie, isinulat niya sa kanyang journal ang kanyang taos na kahilingan, at masusulyapan doon ang kanyang personal na mga panalangin: “O aking Ama sa langit, tulungan Ninyo ako, isinasamo ko, na makapamuhay nang karapat-dapat para makapiling siya sa walang-hanggang kaluwalhatian, na muli kaming magkasama, at hindi na muling magkawalay pa, hanggang sa buong kawalang-hanggan. Tulungan Ninyo akong magpakumbaba, na manalig sa Inyo. Bigyan Ninyo ako ng karunungan at kaalaman tungkol sa mga bagay ng kalangitan upang makayanan kong paglabanan ang lahat ng masama at manatili akong matatag sa Inyong katotohanan. O Panginoon, tulungan Ninyo ako, pagkalooban Ninyo ako ng buhay na walang hanggan sa inyong Kaharian. Gabayan Ninyo ang aking mga hakbang tungo sa kabutihan, ipagkaloob Ninyo sa akin ang Inyong Buong Espiritu. Tulungan Ninyo akong mapalaki ang aking mahal na mga anak upang sila ay manatiling dalisay at walang bahid-dungis sa buong buhay nila, at kapag nagwakas ang aming buhay, dalhin Ninyo kami sa inyong Kahariang Selestiyal, ang dalangin namin sa inyo. Sa pangalan ng aming Manunubos, mangyari nawa, Amen.”2

Ikinuwento ng anak ni Pangulong Smith na si Joseph Jr. ang isang di-malilimutang panalanging inialay ni Pangulong Smith habang pauwi silang dalawa sa Salt Lake City matapos magbiyahe sa silangang Utah. Sila ay “naabutan ng napakalakas na ulan at namali ng daan,” at napunta sa isang lugar na tinatawag na Indian Canyon. “Lalo pang lumakas ang ulan at naging maputik at madulas ang kalsada, kaya’t hindi lamang ito naging mapanganib kundi imposible na ring makabiyahe pa. Natakpan ng makapal na ulap ang malalim na bangin na nasa gilid ng maputik at makipot na daan, at tinangka ng batang si Joseph Jr. at ni Dr. David E. Smith na kapwa pasahero na itulak at pigilan ang sasakyan sa takot na dumausdos ito sa malalim na bangin sa ibaba. Nagsimulang umikot sa putik ang mga gulong, at kalaunan ay huminto rin ang sasakyan. … [Naalala] ni Joseph na sinabi ng kanyang ama, ‘Nagawa na natin ang lahat ng magagawa natin. Mananalangin tayo sa Panginoon.’ Yumuko siya at nanalangin, na sumasamo sa Panginoon na ihanda ang daan upang maitama niya ang kanyang pagkakamali at makaalis sila sa mapanganib na bangin at maituloy nila ang paglalakbay pauwi. Sinabi niya sa Panginoon na may mahalaga siyang mga gagawin na kailangan niyang asikasuhin kinabukasan, at kailangan niyang makabalik sa Salt Lake City. Himalang huminto ang ulan, at humangin nang sapat para matuyo ang daan kaya’t nagawa nilang … makabalik sa highway kalaunan. Hindi pa sila natatagalang makarating sa kapatagan nang muling umulan, at hindi na nakausad ang mga sasakyan sa lugar na iyon sa loob ng ilang oras. Habang tinatahak nila ang Provo Canyon papuntang Salt Lake City, pagkaraan ng maraming oras na nadagdag sa paglalakbay, pinahinto sila ng isang highway patrolman na nagtanong kung saan sila nanggaling. Nang sabihin nila na nanggaling sila sa Indian Canyon sinabi ng opisyal na, ‘Imposible! Ibinalita na lahat ng tulay sa lugar na iyon ay nawasak ng rumaragasang tubig.’ Sa kanilang pagkamangha, nakalagay sa diyaryo kinabukasan na 200 sasakyan ang nabalaho sa lugar na naalpasan nila.”3

Sa loob ng 62-taong paglilingkod ni Pangulong Smith bilang apostol, marami sa kanyang mga sermon ang kinabilangan ng mga panalangin sa publiko na humihiling ng basbas ng langit para sa mga miyembro ng Simbahan at mga tao sa buong mundo. Halimbawa, sa kanyang unang pangkalahatang kumperensya bilang Pangulo ng Simbahan, isinamo niya, “Idinadalangin ko na buksan ng ating Diyos Ama sa Langit ang mga dungawan ng langit at ibuhos sa kanyang mga anak sa buong mundo ang dakila at walang-hanggang mga pagpapala na mas magpapabuti sa kanilang temporal at espirituwal na kalagayan.”4

Makikita sa mga panalangin ni Pangulong Smith ang lalim ng kanyang patotoo at ang pagmamahal niya sa kanyang Ama sa Langit at sa kanyang Tagapagligtas. Sinabi ni Pangulong Boyd K. Packer, na tinawag na maglingkod sa Korum ng Labindalawang Apostol noong si Joseph Fielding Smith ang Pangulo ng Simbahan: “Nakatutuwang marinig ang pagdarasal ni Pangulong Joseph Fielding Smith. Kahit mahigit siyampu na ang kanyang edad nagdarasal pa rin siya na “matupad niya ang kanyang mga tipan at pananagutan at makapagtiis siya hanggang wakas.’”5

Mga Turo ni Joseph Fielding Smith

1

Inuutusan tayong lumapit sa Ama sa Langit sa panalangin.

Isang utos mula sa Panginoon ang hanapin natin siya palagi sa mapagkumbabang panalangin. Noong kasama pa ng Tagapagligtas ang kanyang mga disipulo, tinuruan niya silang manalangin at nagpakita siya ng halimbawa sa kanila sa pamamagitan ng madalas na pagdarasal sa kanyang Ama. Makatitiyak tayo, dahil ito ay isang utos mula sa Panginoon, na nakakabuti ang panalangin, at kapag hinanap natin ang Panginoon dapat itong gawin nang mapagkumbaba at mapitagan. …

… Tungkulin ng mga magulang na turuang manalangin ang kanilang mga anak kapag nagsimula na silang makaunawa. Hayaang makagawian nila ang manalangin sa kanilang Ama sa langit, at ipaunawa kung bakit sila kailangang manalangin. Kapag nakagawian nila ito mula sa pagkabata, maaaring manatili ito hanggang sa pagtanda nila, at ang lalaki o babaeng masigasig na naghanap sa Panginoon at nagpasalamat sa kanya para sa mga pagpapala, ay makakaasa na hindi sila pababayaan ng Panginoon sa oras ng kagipitan.6

A mother kneeling by her young son as he prays.

“Tungkulin ng mga magulang na turuang manalangin ang kanilang mga anak kapag nagsimula na silang makaunawa.”

Iniisip ko kung tumitigil ba tayo sandali para pag-isipan kung bakit tayo inutusan ng Panginoon na manalangin. Inutusan ba niya tayong manalangin dahil nais niyang yumukod tayo at sambahin siya? Iyan ba ang pangunahing dahilan? Sa palagay ko ay hindi. Siya ang ating Ama sa Langit, at inutusan tayong sambahin siya at manalangin sa kanya sa pangalan ng kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo. Subalit maisasakatuparan ng Panginoon ang kanyang gawain kahit hindi tayo manalangin. Ang Kanyang gawain ay magpapatuloy pa rin, manalangin man tayo o hindi. … Ang panalangin ay isang bagay na kailangan natin, hindi ng Panginoon. Alam niya kung paano isagawa ang kanyang mga gawain at pamahalaan ang mga ito nang walang anumang tulong mula sa atin. Ang ating mga panalangin ay hindi para sabihin sa kanya kung paano pangasiwaan ang kanyang gawain. Kung ganyan ang iniisip natin, nagkakamali tayo. Sinasambit natin ang ating mga panalangin para sa ating kapakanan, para tayo sumigla at tumatag at tumapang, at maragdagan ang ating pananampalataya sa kanya.

Ang panalangin ay isang bagay na nagpapababang-loob sa kaluluwa. Pinalalawak nito ang ating pang-unawa; nililinaw nito ang isipan. Mas inilalapit tayo nito sa ating Ama sa langit. Kailangan natin ang tulong niya; walang alinlangan iyan. Kailangan natin ang patnubay ng kanyang Banal na Espiritu. Kailangan nating malaman ang mga alituntuning ibinigay niya sa atin na magpapabalik sa atin sa kanyang kinaroroonan. Kailangan nating linawin ang ating isipan sa pamamagitan ng inspirasyong nagmumula sa kanya; at dahil sa mga ito ay nagdarasal tayo sa kanya, na tulungan niya tayong mamuhay sa paraang malalaman natin ang kanyang katotohanan at makakalakad tayo sa liwanag nito, upang tayo, sa pamamagitan ng ating katapatan at pagsunod, ay muling makabalik sa kanyang kinaroroonan.7

Iilang bagay lamang sa buhay ang kasinghalaga ng pakikipag-usap sa Diyos sa panalangin. Niloob ng Panginoon na makalimot tayo para hindi natin siya maalala at ang kaugnayan natin sa kanya bilang mga miyembro ng kanyang mag-anak sa buhay bago tayo isinilang. Pagdarasal ang paraan ng pakikipag-usap na inilaan niya sa atin upang muli natin siyang makaugnayan. Sa gayon, ang isa sa mga pangunahing layunin ng ating mortal na buhay ay tingnan kung matututo tayo nang may panalangin sa ating puso sa tuwina nang sa gayon kapag nagpasiyang mangusap ang Panginoon ay marinig natin ang kanyang tinig sa ating kaluluwa.8

2

Lahat ng oras ay angkop para manalangin.

“At isang kautusan ang ibinibigay ko sa kanila (ibig sabihin, sa mga magulang sa Sion), na siya na hindi tumutupad sa kanyang mga panalangin sa harapan ng Panginoon sa panahong yaon, siya ay pananatilihin sa alaala sa harapan ng hukom ng aking mga tao.” [D at T 68:33.]

Sa palagay ko hindi pa natin nababasang mabuti ang talatang iyan sa bahaging ito, at kung minsan ay iniisip ko kung natatanto natin na napakahalaga talaga ng kautusang ito. Hindi mananatili sa sinumang tao ang Espiritu ng Panginoon, maliban kung siya ay manalangin. Hindi magkakaroon ng inspirasyon ng Banal na Espiritu ang sinuman, maliban kung madasalin ang kanyang puso. …

Ngayon nais kong talakayin sandali ang talatang ito. … Ano ang angkop na oras para manalangin?

Maaaring isipin ng ilan sa atin na ang angkop na oras para manalangin ay paggising natin sa umaga, at bago tayo matulog sa gabi pagkatapos ng ating gawain, at na wala nang iba pang oras para manalangin. Ngunit sinasabi ko sa inyo, at may katibayan ako nito, na lahat ng oras ay angkop para manalangin. Babasahin ko ito sa inyo. Gusto kong patunayan sa inyo ang sinasabi ko; gusto kong may makasaksi sa katotohanan ng sinasabi ko, at hindi ko hinihiling sa mga tao na tanggapin ang sinasabi ko maliban kung ito ay lubos na nakaayon sa sinabi ng Panginoon nang tuwiran o sa pamamagitan ng kanyang mga propeta. Basahin natin sa Aklat ni Mormon ang salita ni [Amulek] sa mga maralitang Zoramita na tumalikod sa katotohanan, at pinalayas sa kanilang mga sinagoga, dahil maralita sila, at sa pag-aakalang makapagdarasal lamang sila nang paisa-isa nang umakyat sila sa ramiumptum, na siyang tawag dito [tingnan sa Alma 31:12–23], hindi nila alam ang gagawin. Ganito ang itinuro sa kanila [ni Amulek]:

“Oo, magsumamo sa kanya ng awa; sapagkat may kapangyarihan siya na makapagligtas; oo, magpakumbaba ng inyong sarili, at magpatuloy ng pagdalangin sa kanya; magsumamo kayo sa kanya kung kayo ay nasa inyong mga bukid, oo, para sa lahat ng inyong mga kawan; magsumamo kayo sa kanya sa inyong mga tahanan, oo, para sa buong sambahayan ninyo; maging umaga, tanghali, at gabi; oo, magsumamo kayo sa kanya laban sa kapangyarihan ng inyong mga kaaway; oo, magsumamo kayo sa kanya laban sa diyablo, na siyang kaaway ng lahat ng kabutihan. Magsumamo kayo sa kanya para sa mga pananim ng inyong mga bukid, upang kayo ay umunlad sa mga yaon. Ngunit hindi lamang ito; kailangan ninyong ibuhos ang inyong mga kaluluwa sa inyong mga silid, at sa inyong mga lihim na lugar, at sa inyong mga ilang; oo, at kung hindi kayo nagsusumamo sa Panginoon, hayaan na ang inyong mga puso ay mapuspos, patuloy na lumalapit sa panalangin sa kanya para sa inyong kapakanan, at para rin sa kapakanan nila na nasa paligid ninyo. At ngayon masdan, mga minamahal kong kapatid, sinasabi ko sa inyo, huwag ninyong akalain na ito na ang lahat; sapagkat matapos ninyong magawa ang lahat ng bagay na ito, kung inyong tatalikuran ang mga nangangailangan, at ang hubad, at hindi ninyo dinadalaw ang may karamdaman at naghihirap, at ibahagi ang inyong kabuhayan, kung kayo ay mayroon, sa mga yaong nangangailangan; sinasabi ko sa inyo, kung hindi ninyo gagawin ang alinman sa mga bagay na ito, masdan, ang inyong mga panalangin ay walang kabuluhan, at wala kayong pakikinabangan, at kayo ay kagaya ng mga mapagkunwari na itinatatwa ang relihiyon.” [Alma 34:18–28.]

Sa aking palagay napakaganda ng doktrinang iyan, at binasa ko ito para ikintal sa inyong isipan ang angkop na oras para manalangin. Ang angkop na oras para manalangin ay sa umaga bago maghiwa-hiwalay ang pamilya. Ang magandang oras para manalangin ay kapag nagtitipon kayo sa hapag-kainan bago mag-almusal, at hayaang maghalinhinan sa pagdarasal ang mga miyembro ng pamilya. Iyan ang angkop na oras para manalangin. Ang angkop na oras para manalangin ang isang negosyante ay sa umaga habang papasok siya ng opisina at bago niya simulang magtrabaho, para sa kanyang mga kalakal. Ang oras para manalangin ang isang pastol, ay kapag kasama niya sa labas ang kanyang mga kawan at binabantayan ang mga ito. Ang oras para manalangin ang magsasaka ay habang nag-aararo siya sa bukid, habang nagtatanim ng kanyang mga butil, at habang siya ay nag-aani. At kung magdarasal ang isang tao tulad ng ipinagagawa sa kanya sa talatang ito na nabasa ko sa banal na kasulatan, malamang na siya ay makitang matwid sa pagsunod sa mga utos ng Panginoon sa lahat ng bagay.9

Alma and Amulek in prison, with several men around them, look up as the roof is caving in.

Si Amulek, na nakalarawan ditong kasama ni Alma, ay hinikayat ang mga tao na “magsumamo sa [Panginoon] ng awa; sapagkat may kapangyarihan siya na makapagligtas.” (Alma 34:18).

3

Lahat ng ginagawa natin ay dapat umayon sa sinasabi natin sa ating mga panalangin.

Hindi lang tayo basta umuusal ng panalangin; kundi sa bawat kilos, sa ating pakikipag-usap, sa lahat ng ginagawa natin, dapat nating sikaping gawin ang mga sinasabi natin sa ating mga panalangin, at umayon sa mga sinasabi natin sa Panginoon sa ating mga panalangin araw-araw.10

Tayo ba ay madasalin? Ginawa na ba natin itong bahagi ng ating buong pagkatao? Nakakaugnayan ba natin ang ating Ama sa langit sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, o hindi?11

4

Sa ating mga panalangin dapat nating ibuhos ang ating kaluluwa sa pasasalamat.

Dapat nating pakasikapin, sa ating buhay na puspos ng panalangin, na maging mapagpasalamat. Naniniwala ako na ang isa sa pinakamabibigat na kasalanang nagagawa ng mga naninirahan sa daigdig ngayon ay ang kawalan ng pasasalamat, hindi nila kinikilala ang Panginoon at ang karapatan niyang mamahala at mamuno.12

Sa ating mga panalangin dapat nating ibuhos ang ating kaluluwa sa pasasalamat para sa buhay, para sa tumutubos na sakripisyo ng Anak ng Diyos, para sa ebanghelyo ng kaligtasan, para kay Joseph Smith at sa dakilang gawain ng panunumbalik na isinagawa sa pamamagitan niya. Dapat nating kilalanin ang impluwensya ng Panginoon sa lahat ng bagay at pasalamatan siya sa lahat ng bagay na kapwa temporal at espirituwal.13

5

Dapat tayong magsumamo sa Ama sa Langit para sa lahat ng ating mabubuting hangarin.

Dapat tayong magsumamo sa [Ama sa Langit] para sa pananampalataya at integridad at sa bawat banal na katangian, para sa ikatatagumpay ng kanyang gawain, para sa patnubay ng kanyang Banal na Espiritu, at para sa kaligtasan sa kanyang kaharian. Dapat tayong manalangin para sa ating pamilya, sa ating asawa at mga anak, sa pagkain at tirahan at kasuotan, para sa ating negosyo, at para sa lahat ng ating mabubuting hangarin.14

Dalangin ko na mapasaatin at manatili sa atin at sa lahat ng tao ang mga pagpapala ng langit.

Nawa’y ibuhos ng kalangitan ang kabutihan at katotohanan sa buong daigdig!

Nawa’y makinig ang lahat ng tao sa lahat ng dako, at sundin nila ang mga salita ng katotohanan at liwanag na nagmumula sa mga lingkod ng Panginoon!

Nawa’y mabilis na matupad ang mga layunin ng Panginoon sa lahat ng tao sa bawat bansa!

Ipinagdarasal ko ang mga miyembro ng Simbahan, na mga banal ng Kataas-taasang Diyos, na nawa’y lumakas ang kanilang pananampalataya, at maragdagan ang mabubuting hangarin sa kanilang puso, at mapagsikapan nila ang kanilang kaligtasan nang may takot at panginginig sa harapan ng Panginoon [tingnan sa Mga Taga Filipos 2:12; Mormon 9:27].

Ipinagdarasal ko na ang mabuti at makatwiran ay mapasalahat ng tao, upang sila ay maakay na hanapin ang katotohanan, na sundin ang bawat totoong alituntunin, at isulong ang layunin ng kalayaan at katarungan.

Sa panahong ito na puno ng kaguluhan at kahirapan, ipinagdarasal ko na lahat ng tao ay mapatnubayan ng liwanag na iyon na tumatanglaw sa bawat tao na pumaparito sa mundo [tingnan sa Juan 1:9; D at T 93:2], at nang sa gayon ay matamo nila ang karunungang lulutas sa mga problemang lumiligalig sa sangkatauhan.

Taimtim kong isinasamo sa mapagmahal na Ama na ibuhos niya ang kanyang mga pagpapala sa lahat ng tao, sa mga bata at matatanda, sa mga nagdadalamhati, sa mga nagugutom at nangangailangan, sa mga nasadlak sa mahihirap na kalagayan at di-kaaya-ayang kapaligiran, at sa lahat ng nangangailangan ng suporta, tulong, at karunungan, at lahat ng mabubuti at magagandang bagay na siya lamang ang makapagbibigay.

Tulad ninyong lahat, minamahal at pinagmamalasakitan at kinahahabagan ko ang mga anak ng ating Ama sa buong mundo, at dalangin ko na mas bumuti pa ang kanilang kalagayan kapwa sa temporal at espirituwal; dalangin ko na lumapit sila kay Cristo, at matuto sa kanya, at kanilang pasanin ang kanyang pamatok, nang magkaroon ng kapahingahan ang kanilang kaluluwa, sapagkat malambot ang kanyang pamatok at magaan ang kanyang pasan [tingnan sa Mateo 11:29–30].

Dalangin ko na ang mga Banal sa mga Huling Araw at lahat ng makikiisa sa kanila sa pagsunod sa mga utos ng Ama nating lahat ay mamuhay sa paraang matatamo nila ang kapayapaan sa buhay na ito at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating [tingnan sa D at T 59:23]—lahat ng ito ay hinihiling ko nang may pagpapakumbaba at pasasalamat, at sa pangalan ng Panginoong Jesucristo. Amen.15

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Mga Tanong

  • Ang “Mula sa Buhay ni Joseph Fielding Smith” ay naglalaman ng apat na halimbawa ng mga panalanging inialay ni Pangulong Smith. Ano ang matututuhan natin mula sa bawat isa sa mga halimbawang ito?

  • Isiping mabuti ang personal ninyong pamamaraan sa pagdarasal. Ano ang maaari nating gawin upang matulungan tayo ng ating mga panalangin na “mas [mapalapit] sa ating Ama sa langit”? (Tingnan sa bahagi 1.)

  • Itinuro ni Pangulong Smith, “Lahat ng oras ay angkop para manalangin” (bahagi 2). Sa anong mga paraan natin masusunod ang payo na manalangin sa tuwina?

  • Ano ang ibig sabihin sa inyo ng “gawin ang mga sinasabi natin sa ating mga panalangin”? (Tingnan sa bahagi 3.) Isipin kung ano ang magagawa ninyo para maging mas mahusay sa aspetong ito.

  • Paano nagbabago ang ating pag-uugali kapag “[ibinuhos natin] ang ating kaluluwa sa pasasalamat” sa ating Ama sa Langit? (Tingnan sa bahagi 4.)

  • Habang pinag-aaralan ninyo ang panalangin ni Pangulong Smith sa bahagi 5, isipin ang sarili ninyong mga panalangin. Tahimik na pagnilayan ang tanong na ito: Sinu-sino at anu-ano ang dapat ninyong isama nang mas madalas sa inyong mga panalangin?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan

Mateo 7:7–8; Mga Taga Filipos 4:6; I Mga Taga Tesalonica 5:17–18; Santiago 1:5–6; 2 Nephi 32:8–9; Alma 34:38–39; 3 Nephi 18:18–21; D at T 10:5

Tulong sa Pagtuturo

“Upang makahikayat ng talakayan, gamitin ang mga tanong sa dulo ng bawat kabanata. Maaari din kayong gumawa ng sarili ninyong mga tanong para sa mga tinuturuan ninyo” (mula sa pahina ix ng aklat na ito).

Mga Tala

  1. Sa Conference Report, Abr. 1918, 156.

  2. Sa Joseph Fielding Smith Jr. at John J. Stewart, The Life of Joseph Fielding Smith (1972), 162–63; naka-italics sa orihinal.

  3. Joseph Fielding Smith Jr. at John J. Stewart, The Life of Joseph Fielding Smith, 232–33.

  4. Sa Conference Report, Abr. 1970, 6.

  5. Boyd K. Packer, “Covenants,” Ensign, Nob. 1990, 84; inalis ang italics sa orihinal.

  6. Answers to Gospel Questions, tinipon ni Joseph Fielding Smith Jr., 5 tomo (1957–66), 3:83–85.

  7. Sa Conference Report, Abr. 1968, 10; naka-italics sa orihinal.

  8. “President Joseph Fielding Smith Speaks on the New MIA Theme,” New Era, Set. 1971, 40.

  9. Sa Conference Report, Okt. 1919, 142–43.

  10. Sa Conference Report, Okt. 1913, 73.

  11. Sa Conference Report, Abr. 1918, 156.

  12. Sa Conference Report, Okt. 1969, 110.

  13. “President Joseph Fielding Smith Speaks on the New MIA Theme,” 40.

  14. “President Joseph Fielding Smith Speaks on the New MIA Theme,” 40.

  15. Sa Conference Report, Abr. 1970, 149.