Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 26: Paghahanda para sa Pagparito ng Ating Panginoon


Kabanata 26

Paghahanda para sa Pagparito ng Ating Panginoon

“Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon, at gawin ang kanyang mga landas na tuwid, sapagkat ang oras ng kanyang pagparito ay nalalapit na” (D at T 133:17).

Mula sa Buhay ni Joseph Fielding Smith

Minsa’y sinabi ni Pangulong Joseph Fielding Smith sa isang grupo ng mga Banal sa mga Huling Araw na “ipinagdarasal niya ang katapusan ng mundo.” Sabi niya, “Kung bukas ito darating matutuwa ako.” Bilang tugon sa pahayag na iyon, nagsalita nang malakas ang isang babae, nang sapat para marinig ng iba. “Naku, huwag naman sana,” sabi nito.

Nang ibahagi ni Pangulong Smith ang karanasang ito kalaunan, itinuro niya:

“Ayaw ba ninyong sumapit ang katapusan ng mundo?

“Karamihan sa mga tao ay mali ang pakahulugan sa katapusan ng mundo. …

“… Pagdating ni Cristo katapusan na ng mundo. … Wala nang anumang digmaan, kaguluhan, inggitan, pagsisinungaling; wala nang kasamaan. Sa gayon ay matututo ang mga tao na mahalin ang Panginoon at sundin ang Kanyang mga utos, at kung hindi nila gagawin ito, hindi sila mananatili rito. Iyan ang katapusan ng mundo, at iyan ang ipinagdasal ng Tagapagligtas nang lumapit sa Kanya ang Kanyang mga disipulo at sinabing, ‘Turuan mo kaming manalangin.’ Ano ang ginawa Niya? Tinuruan nga Niya sila, ‘Ama, sambahin nawa ang pangalan mo. Dumating nawa ang kaharian mo, [sundin ang loob Mo dito sa lupa gaya ng sa langit].’ [Tingnan sa Lucas 11:1–2.]

“Iyan ang ipinagdarasal ko. Ipinagdasal ng Panginoon ang katapusan ng mundo, at ipinagdarasal ko rin iyon.”1

Sa mga sermon at isinulat ni Pangulong Smith, madalas niyang banggitin ang mga propesiya sa banal na kasulatan tungkol sa mga huling araw, ang papel ni Joseph Smith sa paghahanda ng daan ng Panginoon, at ang pagparito ng Tagapagligtas sa kaluwalhatian. Ipinahayag niya ang matindi niyang damdamin tungkol sa mga propesiyang ito sa panalangin ng paglalaan ng Ogden Utah Temple:

“Tulad ng alam ninyo, O aming Diyos, kami ay nabubuhay sa mga huling araw na ang mga palatandaan ng panahon ay nakikita; na inyong pinabibilis ang inyong gawain sa panahon nito; at na narinig na namin ang tinig ng isang nangangaral sa ilang: Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon, tuwirin ninyo ang kaniyang mga landas [tingnan sa Mateo 3:3]. …

“O, aming Ama, nasasabik kami sa araw ng pagdating ng Prinsipe ng Kapayapaan, na ang lupa ay magpapahinga at muling matatagpuan ang kabutihan sa ibabaw nito; at dalangin namin, nang may mapagpakumbaba at nagsisising mga puso, na kami nawa’y mamalagi sa araw na iyon at matagpuan kaming karapat-dapat na makapiling siya na inyong hinirang na tumayo bilang Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon, na may kaluwalhatian at karangalan at kapangyarihan at lakas ngayon at magpakailanman.”2

Frontal head and shoulders portrait of Jesus Christ. Christ is depicted wearing a pale red robe with a white and blue shawl over one shoulder. Light emanates from His face.

“Nasasabik tayo sa araw ng pagdating ng Prinsipe ng Kapayapaan.”

Mga Turo ni Joseph Fielding Smith

1

Malapit nang dumating ang Panginoon.

Malapit nang dumating ang dakilang araw ng Panginoon, ang panahon ng “kaginhawahan,” kung kailan darating siya sa mga ulap ng langit upang maghiganti sa mga makasalanan at ihanda ang daigdig sa paghahari ng kapayapaan para sa lahat ng handang sumunod sa kanyang batas [tingnan sa Mga Gawa 3:19–20].3

Marami nang nangyari … para itanim sa isipan ng matatapat na miyembro ng Simbahan ang katotohanan na malapit nang dumating ang Panginoon. Naipanumbalik na ang ebanghelyo. Lubos nang naitatag ang Simbahan. Naipagkaloob na ang priesthood sa tao. Ang iba’t ibang dispensasyon mula sa simula ay naihayag na at ang mga susi at awtoridad nito ay naibigay na sa Simbahan. Ang Israel ay natipon at tinitipon sa lupain ng Sion. Ang mga Judio ay nagsisibalik sa Jerusalem. Ang ebanghelyo ay ipinangangaral sa buong mundo bilang saksi sa bawat bansa. Ang mga templo ay itinatayo, at ang mga ordenansa para sa mga patay, gayundin ang para sa mga buhay, ay isinasagawa sa loob nito. Ang puso ng mga anak ay nabaling na sa kanilang mga ama, at sinasaliksik ng mga anak ang pumanaw nilang mga kaanak. Ang mga tipan na ipinangakong gawin ng Panginoon sa Israel sa mga huling araw ay naihayag na, at libu-libo na sa tinipong Israel ang nakipagtipan. Sa gayon sumusulong ang gawain ng Panginoon, at lahat ng bagay na ito ay mga palatandaan na malapit nang dumating ang ating Panginoon. …

Ang mga salita ng mga propeta ay mabilis na natutupad, ngunit ginagawa ito sa napaka-natural na mga alituntunin kaya karamihan sa atin ay hindi ito makita.

Ipinangako ni Joel na ibubuhos ng Panginoon ang kanyang espiritu sa lahat ng laman: ang mga anak na lalaki at babae ay magsisipropesiya, ang matatanda ay magsisipanaginip, at ang mga binata ay makakakita ng mga pangitain [tingnan sa Joel 2:28–29]. …

Kabilang sa mga palatandaan ng mga huling araw ang paglago ng kaalaman. Inutusan si Daniel na “… isara … ang mga salita, at tatakan … ang aklat [ng kanyang propesiya], hanggang sa panahon ng kawakasan: [at sa araw na iyon] marami ang tatakbo ng paroo’t parito,” wika niya, “at ang kaalaman ay lalago.” (Dan. 12:4.) Hindi nga ba’t “paroo’t parito” ang mga tao ngayon nang higit kaysa rati sa kasaysayan ng mundo? …

… Hindi nga ba’t nag-ibayo ang kaalaman? May panahon ba sa kasaysayan ng mundo na nagbuhos ng gayon kalaking kaalaman sa mga tao? Ngunit ang nakakalungkot, totoo ang sinabi ni Pablo—ang mga tao ay “laging nagsisipagaral, at kailan pa man ay hindi nakararating sa pagkaalam ng katotohanan.” (II Kay Timoteo 3:7.) …

Hindi nga ba’t marami tayong nabalitaang mga digmaan? [Tingnan sa D at T 45:26.] Hindi nga ba’t nagkaroon tayo ng mga digmaan, mga digmaan na ngayon lang nakita sa mundo? Hindi nga ba’t may kaguluhan ngayon sa mga bansa, at naliligalig ang kanilang mga pinuno? Hindi nga ba’t naibagsak at nagkaroon ng malalaking pagbabago ang mga bansa? Ang buong daigdig ay nagkakagulo. Mga lindol sa iba’t ibang lugar ang inuulat araw-araw [tingnan sa D at T 45:33]. …

Subalit ang mundo noon ay patuloy sa kaabalahan nito at hindi gaanong pinapansin ang lahat ng sinabi ng Panginoon at lahat ng palatandaan at pahiwatig na ibinigay. Pinatitigas ng mga tao ang kanilang puso at sinasabing “… inaantala ni Cristo ang kanyang pagparito hanggang sa katapusan ng mundo.” (D at T 45:26.)4

Hindi pa natatagalan, tinanong ako kung masasabi ko kung kailan darating ang Panginoon. Sumagot ako ng, “Oo,” at “Oo” pa rin ang sagot ko ngayon. Alam ko kung kailan siya darating. Darating siya bukas. Pangako niya iyon sa atin. Babasahin ko ito:

“Masdan, ang panahong ito ay tinawag na ngayon hanggang sa pagparito ng Anak ng Tao, at katotohanan ito ay araw ng paghahain, at araw ng pagbabayad ng ika-sampung bahagi ng aking tao; sapagkat siya na nagbibigay ng ikapu ay hindi masusunog sa kanyang pagparito.”

Ngayon may sapat na diskurso tungkol sa ikapu.

“Sapagkat pagkatapos ng ngayon ay darating ang pagsunog—ang pangungusap na ito ay ayon sa pamamaraan ng Panginoon—sapagkat katotohanang sinasabi ko, bukas ang lahat ng palalo at sila na nagsisigawa ng kasamaan ay magiging parang dayami; at akin silang susunugin, sapagkat ako ang Panginoon ng mga Hukbo; at hindi ko paliligtasin ang sinumang mamamalagi sa Babilonia.” [D at T 64:23–24.]

Kaya sinasabi ko, darating ang Panginoon bukas. Sa gayon ay maghanda tayo.5

The resurrected Jesus Christ (wearing white robes with a magenta sash) standing above a large gathering of clouds. Christ has His arms partially extended. The wounds in the hands of Christ are visible. Numerous angels (each blowing a trumpet) are gathered on both sides of Christ. A desert landscape is visible below the clouds. The painting depicts the Second coming of Christ. (Acts 1:11)

“Malapit nang dumating ang dakilang araw ng Panginoon, ang panahon ng ‘kaginhawahan,’ kung kailan darating siya sa mga ulap ng langit.”

2

Magkakaroon ng paghuhukom pagdating ni Cristo.

Ang talinghagang itinuro ng Panginoon tungkol sa Trigo at Agingay ay tumutukoy sa mga huling araw. Ayon sa kuwento isang tagapunla ang nagtanim ng mabuting binhi sa kanyang bukid, ngunit habang natutulog ay dumating ang kaaway at nagpunla ng mga agingay sa bukid. Nang magsimulang umusbong ang mga tanim, gustong puntahan at bunutin ng mga alipin ang mga agingay ngunit inutusan sila ng Panginoon na hayaang sabay na tumubo ang trigo at mga agingay hanggang sa sumapit ang tag-ani, kung hindi ay mabubunot nila ang bata pang trigo habang sinisira nila ang mga agingay. Pagkatapos nilang mag-ani, hahayo sila at titipunin nila ang trigo at itatali ang mga agingay na susunugin. Sa paliwanag tungkol sa talinghagang ito, sinabi ng Panginoon sa kanyang mga disipulo na “ang pagaani ay ang katapusan ng sanglibutan; at ang mga mangaani ay ang mga anghel.” [Tingnan sa Mateo 13:24–30, 36–43; D at T 86.]6

Ang agingay at ang trigo ay sabay na tumutubo at matagal nang tumutubo sa iisang bukid sa nakalipas na mga taon, ngunit parating na ang araw na titipunin ang trigo, at aanihin din ang mga agingay para sunugin, at magkakaroon ng paghihiwalay, ng mabuti sa masama, at marapat lang na sumunod ang bawat isa sa atin sa mga utos ng Panginoon, pagsisihan ang ating mga kasalanan, magpakabuti, kung kailangang may pagsisihan sa ating puso.7

Patatagin at palakasin ang mga miyembro ng Simbahan sa pagsampalataya sa Diyos; alam ng Diyos na kailangan natin iyon. Napakaraming impluwensyang naghihiwalay sa atin, sa mga miyembro mismo ng Simbahan, at darating ang araw sa malapit na hinaharap na ihihiwalay ang trigo sa mga agingay, at malalaman kung tayo ay trigo o mga agingay. Mapapabilang tayo sa isang panig o sa kabila.8

Darating ang araw na mawawala sa atin ang mundong ito. Babaguhin ito. Magkakaroon tayo ng mas magandang mundo. Magkakaroon tayo ng isang matwid na mundo, dahil pagdating ni Cristo, lilinisin niya ang daigdig.

Basahin ang nakasulat sa ating mga banal na kasulatan. Basahin kung ano ang sinabi niya mismo. Pagdating niya, lilinisin niya itong daigdig mula sa lahat ng kasamaan nito, at, tungkol naman sa Simbahan, sinabi niya na isusugo niya ang kanyang mga anghel at titipunin nila mula sa kanyang kaharian, na siyang Simbahan, ang lahat ng bagay na nakasasama [tingnan sa Mateo 13:41].9

[Ang] dakila at kakila-kilabot na araw ay walang iba kundi ang pagdating ni Jesucristo upang itatag ang kanyang kaharian nang buong kapangyarihan sa gitna ng mga matwid sa lupa at linisin ang daigdig mula sa lahat ng kasamaan. Hindi ito magiging araw na katatakutan at kasisindakan ng puso ng mga matwid, kundi isang dakilang araw na katatakutan at kasisindakan ng masasama. Natutuhan natin ito mula sa mga salita ng ating Tagapagligtas mismo, ayon sa itinuro niya sa kanyang mga disipulo [tingnan sa Mateo 24; Joseph Smith—Mateo 1].10

Magkakaroon ng paghuhukom pagdating ni Cristo. Ipinaalam sa atin na bubuksan ang mga aklat, hahatulan ang mga patay ayon sa mga bagay na nakasulat sa mga aklat at kabilang sa mga aklat ang aklat ng buhay [tingnan sa Apocalipsis 20:12]. Makikita natin ang mga pahina nito. Makikita natin ang tunay nating pagkatao, at mauunawaan natin nang may matwid na pang-unawa na ang mga hatol na ipapataw sa atin ay makatarungan at tapat, makapasok man tayo sa Kaharian ng Diyos, … upang matanggap ang maluluwalhating pagpapalang iyon o itakwil tayo.11

Sumasamo ako sa mga Banal sa mga Huling Araw na manatiling matatag at tapat sa pagganap sa bawat tungkulin, pagsunod sa mga utos ng Panginoon, paggalang sa priesthood, upang maging matatag tayo pagdating ng Panginoon—buhay man tayo o patay, hindi na iyon mahalaga,—para makibahagi sa kaluwalhatiang ito.12

3

Para mapaghandaan ang pagdating ng Panginoon, kailangan nating magmasid at manalangin at isaayos ang ating pamamahay.

Maraming kaganapan sa mundo ngayon na nagpapahiwatig na nalalapit na ang dakilang araw ng Panginoon na muling magpapakita ang Manunubos upang itatag ang kanyang kaharian sa kabutihan bago sumapit ang kanyang paghahari sa milenyo. Samantala tungkulin ng mga miyembro ng Simbahan na maghangad ng kaalaman at ihanda ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pag-aaral at pagsampalataya para sa pagsisimula ng dakila at maluwalhating araw na iyon.13

Hindi natin kailangang mag-alala tungkol sa oras at panahon ng pagdating ni Cristo, ngunit kailangan nating magmasid at manalangin at maging handa.14

Nayayamot ako sa ilan sa matatanda natin kung minsan na kapag nagsalita, sinasabi nila na darating ang Panginoon kapag sapat na ang ating kabutihan para tanggapin siya. Hindi hihintayin ng Panginoon na maging matwid tayo. Kapag handa na siyang pumarito, paparito siya—kapag ganap na ang kasamaan—at kung hindi man tayo matwid sa oras na iyon, kalunus-lunos iyon para sa atin dahil isasama tayo sa mga makasalanan, at aalisin tayo sa balat ng lupa na parang dayami, sapagkat sinabi ng Panginoon na ang kasamaan ay hindi mananatili.15

Patuloy ba tayong matutulog sa kamangmangan o magwawalang-bahala sa lahat ng babalang ibinigay sa atin ng Panginoon? Sinasabi ko sa inyo, “Mangagpuyat nga kayo: sapagka’t hindi ninyo nalalaman kung anong araw paririto ang inyong Panginoon.

“Datapuwa’t ito’y talastasin ninyo, na kung nalalaman ng puno ng sangbahayan kung anong panahon darating ang magnanakaw, ay siya’y magpupuyat, at hindi niya pababayaang tibagin ang kaniyang bahay.

“Kaya nga kayo’y magsihanda naman; sapagka’t paririto ang Anak ng tao sa oras na hindi ninyo iniisip.” (Mateo 24:42–44.)

Nawa’y pakinggan natin ang babalang ito ng Panginoon at isaayos ang ating pamamahay at paghandaan natin ang pagparito ng Panginoon.16

4

Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay maaaring maging kasangkapan sa mga kamay ng Diyos sa paghahanda sa mga tao para sa pagdating ng Panginoon.

Hindi kaya maging pambihira at kataka-taka kung dumating ang Panginoon at simulan niyang maghari sa kapayapaan, maghiganti sa masasama, linisin ang daigdig mula sa kasalanan, nang hindi nagpapadala ng mga sugong maghahanda ng daan sa kanyang pagdating? Dapat ba nating asahan na darating ang Panginoon upang hatulan ang mundo nang hindi muna ito binabalaan at naghahanda ng paraan para makaligtas ang lahat ng magsisisi?

Isinugo si Noe sa mundo upang balaan sila tungkol sa pagbaha. Kung nakinig lang ang mga tao nakaligtas sana sila. Isinugo si Moises upang akayin ang Israel patungong lupang pangako, upang matupad ang mga pangako kay Abraham. Ipinadala si Juan Bautista upang ihanda ang daan sa pagdating ni Cristo. Sa bawat pagkakataon dumating ang tawag sa pamamagitan ng pagbubukas ng kalangitan. Ipinadala sina Isaias, Jeremias at iba pang mga propeta upang balaan ang Israel at Juda bago sila nagsikalat at nabihag. Kung nakinig lang sila ibang bersyon sana ng kasaysayan ang naisulat. Nagkaroon sila ng pagkakataong makinig; binalaan sila at may paraan para sila makaligtas ngunit tinanggihan nila ito.

Nangako ang Panginoon ng gayon din ang malasakit Niya sa sangkatauhan bago ang kanyang ikalawang pagparito.17

Ipinadala si Joseph Smith upang ihanda ang daan para sa ikalawang pagparito, sa pamamagitan ng pagpapahayag ng kabuuan ng Ebanghelyo at pagkakaloob ng paraan upang lahat ng tao ay makaligtas sa kasamaan at kasalanan.18

The Prophet Joseph Smith sitting on his bed in the Smith farm house. Joseph has a patchwork quilt over his knees. He is looking up at the angel Moroni who has appeared before him. Moroni is depicted wearing a white robe. The painting depicts the event wherein the angel Moroni appeared to the Prophet Joseph Smith three times in the Prophet's bedroom during the night of September 21, 1823 to inform him of the existence and location of the gold plates, and to instruct him as to his responsibility concerning the plates.

Nang bisitahin ng anghel na si Moroni ang batang si Joseph Smith, ipinropesiya niya ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:36–41).

Sa Patmos nakita ni Juan sa pangitain sa mga huling araw ang isang “anghel na lumilipad sa gitna ng langit, na may mabuting balita na walang hanggan upang ibalita sa mga nananahan sa lupa, at sa bawa’t bansa at angkan at wika at bayan.” [Apocalipsis 14:6.]

Para matupad ang pangakong ito, ipinahayag ni Joseph Smith na itinuro sa kanya ni Moroni, na isang sinaunang propeta sa kontinenteng ito, na nabuhay na mag-uli, ang ebanghelyo, at pinagbilinan siya tungkol sa panunumbalik ng lahat ng bagay bago pumarito si Cristo. At sinabi ng Panginoon: “Sapagkat masdan, ang Panginoong Diyos ay nagsugo ng anghel na sumisigaw sa gitna ng langit, sinasabing: Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon, at gawin ang kanyang mga landas na tuwid, sapagkat ang oras ng kanyang pagparito ay nalalapit na.” [D at T 133:17.]

Tanggap na ito ay totoo, naniniwala ang mga Banal sa mga Huling Araw na maaari nang makipag-ugnayan sa kalangitan sa makabagong panahon, at inilabas ngayon ang “Ebanghelyo ng Kaharian” bilang saksi sa mundo bago dumating si Cristo [tingnan sa Mateo 24:14].19

Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay maituturing na kakatwa at kakaiba sa paniniwala na sila ay tinawag upang tuparin ang banal na kasulatang ito [Mateo 24:14], ngunit lubos ang tiwala nila na nagsalita ang Panginoon kaya masigasig silang nagpapadala ng mga missionary sa lahat ng panig ng mundo. Bukod pa rito kapag pinakinggan ng lahat ng bansa ang mensaheng ito ayon sa pagkahayag dito sa mga huling araw na ito, maaari nating asamin ang pagdating ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo, sapagkat sa araw na iyon lahat ng bansa ay nabalaan na ng mga sugong ipinadala sa kanila alinsunod sa pangako ng Panginoon.20

Ang ebanghelyo ay para sa lahat ng tao, at ang Simbahan ay itatatag sa lahat ng dako, sa lahat ng bansa, maging sa mga dulo ng daigdig, bago ang ikalawang pagparito ng Anak ng Tao. …

… Itinakda Niya sa ikalawang pagkakataon na tipunin ang Israel sa Simbahan, at sa pagkakataong ito ay magbabangon siya ng mga kongregasyon ng kanyang mga banal sa lahat ng bansa.21

Mula sa panalangin ng paglalaan para sa Ogden Utah Temple:

O Ama, madaliin po ninyo ang araw na mananaig na ang kabutihan; na buksan na ng mga pinuno ng mga bansa ang kanilang mga hangganan sa pangangaral ng ebanghelyo; na mabuksan na nang lubusan ang pintuan ng kaligtasan para sa matatapat at matwid at mabubuti sa lahat ng tao.

Nawa’y lumaganap ang katotohanan; nawa’y magtagumpay ang layon ng mga missionary; nawa’y lumakas kami at dumami at makakita ng paraan na maipahayag ang inyong mga walang-hanggang katotohanan sa mas marami pa ninyong mga anak sa lahat ng bansa, sa lahat ng pamilya, at sa lahat ng wika. …

… Hangad naming maging mga kasangkapan sa inyong mga kamay sa paghahanda sa mga tao para sa pagdating ng inyong Anak.22

5

Ang Milenyo ay magiging panahon ng kapayapaan at paggawa ng gawain ng Panginoon.

Ang matwid ay magagalak sa pagdating niya, dahil magkakaroon ng kapayapaan sa lupa, kabutihan sa mga tao, at ang kapayapaan at kagalakan at kaligayahan ding iyon na nanaig sa kontinenteng ito sa loob ng dalawandaang taon [tingnan sa 4 Nephi 1:1–22] ay muling mararanasan ng mga tao at kalaunan ng buong sansinukob, at maghahari si Cristo bilang Panginoon ng mga panginoon at Hari ng mga hari sa loob ng isang libong taon. Inaasam namin ang pagsapit ng panahong ito.23

Sa loob ng isang libong taon ay mananaig ang masayang panahong ito ng kapayapaan at darating ang panahon na lahat ng nananahanan sa lupa ay isasama sa kawan ng Simbahan.24

Ang ebanghelyo ay ituturo nang mas matindi at mas makapangyarihan sa milenyo, hanggang sa tanggapin ito ng lahat ng nananahanan sa lupa.25

Sa halip na maging panahon ng pamamahinga, ang Milenyo ay magiging panahon na lahat ay gagawa. Walang makikitang tamad, mas magagandang pamamaraan ang gagamitin, madaling matatapos ang pang-araw-araw na gawain at mas maraming oras ang ibibigay sa mga bagay ng Kaharian. Ang mga banal ay mananatiling abala sa mga templo na itatayo sa lahat ng dako ng lupain. Sa katunayan, magiging napakaabala nila kaya’t kadalasan ay magiging okupado ang mga templo.26

Magkakaroon ng mortalidad sa balat ng lupa sa loob ng isang libong taon dahil sa dakilang gawaing isasakatuparan, ang kaligtasan ng mga patay. Sa loob ng isang libong taon ng kapayapaan ang dakilang gawain ng Panginoon ay nasa mga templo, at sa loob ng mga templong iyon magtatrabaho ang mga tao para sa mga sumakabilang-buhay na at naghihintay na magawan ng mga ordenansang ito para sa kanilang kaligtasan na isasagawa para sa kanila ng mga taong nabubuhay pa sa lupa.27

Tungkulin nating iligtas ang mga patay at magpapatuloy ang gawaing iyan sa Milenyo hanggang sa lahat ng may karapatan sa pagpapalang ito ay tumanggap ng endowment at mabuklod.28

Lahat ng pumanaw na kay Cristo ay magbabangon mula sa libingan, sa Kanyang pagparito, at mananahanan sa lupa kapag narito na si Cristo sa milenyo. Hindi sila mananatili rito sa buong isang libong taon na iyon, ngunit makikihalubilo sila sa mga nabubuhay pa rito. Ang mga Banal na ito na nabuhay na mag-uli, at ang Tagapagligtas Mismo, ay darating upang magbilin at gumabay; upang ihayag sa atin ang mga bagay na kailangan nating malaman; upang bigyan tayo ng impormasyon hinggil sa gawain sa mga templo ng Panginoon para magawa natin ang gawaing mahalaga sa kaligtasan ng karapat-dapat na mga tao.29

Sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng kanyang mga lingkod na sa Milenyo ang mga sumakabilang-buhay na at nabuhay na mag-uli ay personal na ihahayag sa mga buhay pa ang lahat ng impormasyong kailangan upang matapos ang gawain ng mga sumakabilang-buhay na. Sa gayon ay magkakaroon ng pribilehiyo ang mga patay na ipaalam ang mga bagay na hinahangad nila at may karapatan silang tanggapin. Sa ganitong paraan walang kaluluwang makakaligtaan at ang gawain ng Panginoon ay matatapos.30

Dalangin ko sa bawat araw ng aking buhay na madaliin nawa ng Panginoon ang Kanyang gawain. … Ipinagdarasal ko ang katapusan ng mundo dahil gusto ko ng mas magandang mundo. Gusto kong dumating na si Cristo. Gusto kong magkaroon ng kapayapaan. Gusto kong dumating ang panahon na bawat tao ay makapamuhay nang payapa at sa diwa ng pananampalataya, pagpapakumbaba at panalangin.31

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Mga Tanong

  • Paano naaapektuhan ng salaysay sa “Mula sa Buhay ni Joseph Fielding Smith” ang damdamin ninyo tungkol sa katapusan ng mundo?

  • Paano tayo matutulungan ng mga propesiyang binanggit sa bahagi 1 na maghanda para sa pagdating ng Panginoon?

  • Sa bahagi 2, repasuhin ang mga turo ni Pangulong Smith tungkol sa talinghaga ng trigo at mga agingay. Ano ang magagawa natin para maging bahagi ng “trigo”? Ano ang magagawa natin para matulungan ang ating pamilya at ang iba?

  • Habang naghahanda tayo para sa pagdating ng Panginoon, ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “magmasid at manalangin”? Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “isaayos ang ating pamamahay”? (Tingnan sa bahagi 3.)

  • Idinalangin ni Pangulong Smith, “Hangad naming maging mga kasangkapan sa inyong mga kamay sa paghahanda sa mga tao para sa pagdating ng inyong Anak” (bahagi 4). Sa paanong paraan natin matutulungan ang iba na maghanda para sa pagdating ng Panginoon?

  • Repasuhin ang bahagi 5. Sa paanong paraan tayo makikinabang ngayon sa kaalaman tungkol sa mangyayari sa Milenyo?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan

Awit 102:16; Isaias 40:3–5; Santiago 5:7–8; D at T 1:12; 39:20–21; 45:39, 56–59

Tulong sa Pagtuturo

“Ang pinakamataas, nanghihikayat, nagpapabalik-loob na kapangyarihan ng pagtuturo ng ebanghelyo ay nakikita kapag ang isang binigyang-inspirasyong guro ay nagsasabing, ‘Nalalaman ko sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, sa pamamagitan ng paghahayag ng Banal na Espiritu sa aking kaluluwa, na ang mga doktrinang itinuturo ko ay totoo’” (Bruce R. McConkie, sa Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin [2000], 53).

Mga Tala

  1. The Signs of the Times (1943), 103–5.

  2. “Ogden Temple Dedicatory Prayer,” Ensign, Mar. 1972, 10–11.

  3. The Restoration of All Things (1945), 302.

  4. Sa Conference Report, Abr. 1966, 12–14.

  5. Sa Conference Report, Abr. 1935, 98; tingnan din sa Doctrines of Salvation, inedit ni Bruce R. McConkie, 3 tomo (1954–56), 3:1.

  6. “Watch Therefore,” Deseret News, Ago. 2, 1941, bahaging pang-Simbahan, 2; tingnan din sa Doctrines of Salvation, 3:15.

  7. Sa Conference Report, Abr. 1918, 156–57; tingnan din sa Doctrines of Salvation, 3:15–16.

  8. “How to Teach the Gospel at Home,” Relief Society Magazine, Dis. 1931, 688; tingnan din sa Doctrines of Salvation, 3:16.

  9. Sa Conference Report, Abr. 1952, 28; naka-italics sa orihinal.

  10. “The Coming of Elijah,” Ensign, Ene. 1972, 5.

  11. “The Reign of Righteousness,” Deseret News, Ene. 7, 1933, 7; tingnan din sa Doctrines of Salvation, 3:60.

  12. Sa Conference Report, Abr. 1935, 99; tingnan din sa Doctrines of Salvation, 3:38.

  13. Answers to Gospel Questions, tinipon ni Joseph Fielding Smith Jr., 5 tomo (1957–66), 5:xii.

  14. “A Warning Cry for Repentance,” Deseret News, Mayo 4, 1935, bahaging pang-Simbahan, 6.

  15. “A Warning Cry for Repentance,” 8.

  16. Sa Conference Report, Abr. 1966, 15.

  17. “A Peculiar People: Modern Revelation—The Coming of Moroni,” Deseret News, Hunyo 6, 1931, bahaging pang-Simbahan, 8; tingnan din sa Doctrines of Salvation, 3:3–4.

  18. “A Peculiar People: Prophecy Being Fulfilled,” Deseret News, Set. 19, 1931, bahaging pang-Simbahan, 6.

  19. “A Peculiar People: Modern Revelation—The Coming of Moroni,” 8; tingnan din sa Doctrines of Salvation, 3:4–5.

  20. “A Peculiar People: Prophecy Being Fulfilled,” Deseret News, Nob. 7, 1931, bahaging pang-Simbahan, 6; tingnan din sa Doctrines of Salvation, 3:6.

  21. Sa Conference Report, British Area General Conference 1971, 176.

  22. “Ogden Temple Dedicatory Prayer,” 9, 11.

  23. “The Right to Rule,” Deseret News, Peb. 6, 1932, bahaging pang-Simbahan, 8.

  24. “Priesthood—Dispensation of the Fulness of Times,” Deseret News, Ago. 19, 1933, 4; tingnan din sa Doctrines of Salvation, 3:66.

  25. “Churches on Earth During the Millennium,” Improvement Era, Mar. 1955, 176; tingnan din sa Doctrines of Salvation, 3:64.

  26. The Way to Perfection (1931), 323–24.

  27. “The Reign of Righteousness,” 7; tingnan din sa Doctrines of Salvation, 3:58.

  28. Sa “Question Answered,” Deseret News, Ene. 13, 1934, bahaging pang-Simbahan, 8; tingnan din sa Doctrines of Salvation, 2:166.

  29. “The Reign of Righteousness,” 7; tingnan din sa Doctrines of Salvation, 3:59.

  30. “Faith Leads to a Fulness of Truth and Righteousness,” Utah Genealogical and Historical Magazine, Okt. 1930, 154; inalis ang italics; tingnan din sa Doctrines of Salvation, 3:65.

  31. The Signs of the Times, 149.