Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 19: Nasa Mundo Ngunit Hindi Makamundo


Kabanata 19

Nasa Mundo Ngunit Hindi Makamundo

“Kahit tayo’y nasa mundo, hindi tayo makamundo. Inaasahan tayong daigin ang mundo at mamuhay sa paraang nararapat sa mga banal.”

Mula sa Buhay ni Joseph Fielding Smith

Noong Disyembre 29, 1944, namatay ang anak ni Pangulong Joseph Fielding Smith na si Lewis habang naglilingkod sa United States Army. Sa kabila ng dalamhating naranasan ni Pangulong Smith, napanatag siya sa alaala ng matwid na buhay ni Lewis. “Kung mayroon mang nagawa o nasabing masama si Lewis hindi ko narinig iyon kailanman,” pagsulat ni Pangulong Smith sa kanyang journal. “Dalisay ang kanyang pag-iisip tulad ng kanyang mga kilos. … Napakahirap mang mawalan ng anak nagkaroon kami ng kapayapaan at kaligayahan sa pagkabatid na siya ay malinis at walang bisyong napakalaganap sa mundo at matatagpuan sa hukbong-sandatahan. Siya ay naging tapat sa kanyang pananampalataya at karapat-dapat sa maluwalhating pagkabuhay na mag-uli, kung kailan kami muling magsasama-sama.”1

Mga 11 taon kalaunan, nakita ni Pangulong Joseph Fielding Smith at ng kanyang asawang si Jessie ang gayon ding mga katangian sa iba pang mga tauhang militar. Binisita nila ang mga misyon ng Simbahan sa silangang Asia at binisita rin ang mga Banal sa mga Huling Araw mula sa Estados Unidos na naglilingkod sa militar. Humanga sina Pangulo at Sister Smith sa mga kabataang lalaking ito na namuhay nang matwid at malinis sa kabila ng mga tukso ng mundo. Sa pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 1955, inireport ni Pangulong Smith:

“Kayong mga ama at ina na may mga anak na naglilingkod sa militar, ipagmalaki ninyo sila. Sila ay mababait na kabataan. Ang ilan sa ating mga sundalo ay binyagan, na sumapi sa Simbahan dahil sa mga turo, tuntunin at halimbawa—lalung-lalo na sa halimbawa ng mga miyembro ng Simbahan na kasama nilang naglilingkod sa militar.

“May nakilala akong ilang kabataang lalaki na nagsabing, ‘Sumapi kami sa Simbahan dahil sa paraan ng pamumuhay ng mga kabataang lalaking ito at dahil itinuro nila sa amin ang mga alituntunin ng ebanghelyo.’

“Maganda ang kanilang ginagawa. Maaaring may isa o dalawa na hindi gaanong sumusunod sa kautusan, ngunit ang mga kabataang iyon na nakilala ko, nakausap ko, ay nagpapatotoo sa katotohanan at mapagpakumbaba.

“At nang makausap namin ang mga opisyal at chaplain … , lahat sila ay nagsabing, ‘Gusto namin ang mga kabataang lalaki ninyo. Malinis ang kanilang moralidad. Maaasahan sila.’”2

Pinayuhan ni Pangulong Smith ang mga miyembro ng Simbahan na maging “kakaiba sa iba pang mga tao sa daigdig”—tulad ng mga kabataang ito na naglilingkod sa hukbo.3 Sa gayong pangangaral, madalas siyang magsalita tungkol sa pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath, pagsunod sa Word of Wisdom, paggalang sa mga pangalan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo, pananamit nang disente, at pagsunod sa batas ng kalinisang-puri. Tiniyak niya sa mga Banal sa mga Huling Araw na ang mga pagpapalang kanilang matatanggap kung tatalikuran nila ang mga kasamaan ng sanlibutan at susundin ang mga utos ay “hihigit pa sa anumang bagay na mauunawaan natin ngayon.”4

A soldier sitting in a Humvee reading a serviceman's edition of the Book of Mormon

Maging sa panahon ng digmaan, maaari tayong mabuhay sa mundo ngunit hindi maging makamundo.

Mga Turo ni Joseph Fielding Smith

1

Inaasahan ng Panginoon na tatalikuran natin ang mga kasamaan ng mundo at mamumuhay sa paraang nararapat sa mga Banal.

Tayo ay nabubuhay sa isang masama at makasalanang mundo. Ngunit kahit tayo’y nasa mundo, hindi tayo makamundo. Inaasahan tayong daigin ang mundo at mamuhay sa paraang nararapat sa mga banal. … Higit na liwanag ang taglay natin kaysa sa sanlibutan, at mas malaki ang inaasahan ng Panginoon sa atin kaysa sa kanila.5

Sa ikalabimpitong kabanata ng Juan—nahihirapan akong basahin ang kabanatang ito nang hindi napapaluha— … ang ating Panginoon, nang manalangin sa kanyang Ama nang may buong pagmamahal sa kanyang kaluluwa dahil alam niyang oras na para isakripisyo ang kanyang sarili, ay ipinagdasal ang kanyang mga disipulo. Sa panalanging iyon sinabi niya,

“Hindi ko idinadalangin na alisin mo sila sa sanglibutan, kundi ingatan mo sila mula sa masama.

“Hindi sila taga sanglibutan, na gaya ko naman na hindi taga sanglibutan.

“Pakabanalin mo sila sa katotohanan: ang salita mo’y katotohanan.” (Juan 17:15–17.)

Kung ipinamumuhay natin ang relihiyong inihayag ng Panginoon at siya nating natanggap, hindi tayo nabibilang sa sanlibutan. Hindi tayo dapat makibahagi sa lahat ng kahangalan nito. Hindi tayo dapat makibahagi sa mga kasalanan at pagkakamali nito—mga maling pilosopiya at doktrina, mga kamaliang may kinalaman sa gobyerno, o anumang mga kamalian iyon—wala tayong partisipasyon diyan.

Ang dapat lang nating gawin ay sundin ang mga utos ng Diyos. Iyon lang, maging tapat sa bawat tipan at bawat pananagutang pinasukan natin at tinaglay sa ating sarili.6

Huwag ninyong isipin na ang ibig kong sabihin ay dapat nating ihiwalay ang ating sarili sa lahat ng taong hindi miyembro ng Simbahan at huwag tayong makisalamuha sa kanila. Hindi ko sinabi iyan, kundi nais kong maging tapat tayong mga Banal sa mga Huling Araw, at kung ang mga tao sa mundo ay lumalakad sa kadiliman at kasalanan at sumasalungat sa kalooban ng Panginoon, diyan tayo dapat humiwalay.7

Kapag sumapi tayo sa Simbahan … , inaasahan tayong talikuran ang maraming gawi ng sanlibutan at mamuhay sa paraang nararapat sa mga banal. Hindi na tayo dapat manamit o magsalita o kumilos o kaya’y mag-isip na tulad ng madalas gawin ng iba. Marami sa mundo ang gumagamit ng tsaa, kape, tabako o sigarilyo, at alak, at sangkot sa paggamit ng mga bawal na gamot. Marami ang nanlalapastangan at sila ay mahahalay at malalaswa, imoral at marumi sa kanilang buhay, ngunit hindi natin dapat gawin ang lahat ng ito. Tayo ay mga Banal ng Kataas-taasang Diyos. …

Nananawagan ako sa Simbahan at sa lahat ng miyembro nito na talikuran ang mga kasamaan ng mundo. Dapat nating iwasan ang masagwa at bawat anyo ng imoralidad tulad ng pag-iwas natin sa isang salot …

Bilang mga lingkod ng Panginoon, ang ating layunin ay tumahak sa landas na inihanda niya para sa atin. Hindi lamang natin gustong gawin at sabihin ang anumang makalulugod sa kanya, kundi hangad nating tularan ang kanyang buhay.8

Pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath

Nais kong magsalita nang kaunti tungkol sa paggalang sa araw ng Sabbath at pagpapanatiling banal nito. Ang kautusang ito ay ibinigay sa simula pa lamang, at inutusan ng Diyos ang mga Banal at lahat ng tao sa buong mundo na dapat nilang igalang ang araw ng Sabbath at panatilihin itong banal—isang araw sa loob ng pitong araw. Sa araw na iyan dapat tayong magpahinga mula sa ating mga gawain, dapat tayong magtungo sa bahay ng Panginoon at ialay natin ang ating mga sakramento sa Kanyang banal na araw. Sapagkat ito ang araw na itinakda sa atin para magpahinga sa ating mga gawain at iukol ang ating mga panalangin sa Kataas-taasang Diyos. [Tingnan sa D at T 59:9–10.] Sa araw na ito dapat natin Siyang pasalamatan at papurihan sa panalangin, sa pag-aayuno, sa pag-awit, at sa pagpapasigla at pagtuturo sa isa’t isa.9

Ang araw ng Sabbath ay naging araw ng kasiyahan, ng paglilibang, ng anumang bagay maliban sa araw ng pagsamba, … at nalulungkot akong sabihin na napakaraming miyembro ng Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw—kahit isa lang ay napakarami na rin—na gumagawa na rin ng mga bagay na iyan, at ang araw ng Sabbath para sa ilang miyembro ng Simbahan ay itinuturing na araw ng paglilibang, ng kasiyahan, sa halip na araw na mapaglilingkuran natin ang ating Panginoong Diyos nang buong puso, buong kakayahan, pag-iisip, at lakas. …

Ngayon, ito ang batas sa Simbahan ngayon tulad ng batas noong sinaunang Israel, at hindi ito gaanong ikinatutuwa ng ilan sa ating mga miyembro dahil pakiramdam nila ay hadlang ang paggalang sa araw ng Sabbath sa kanilang mga aktibidad.10

Wala tayong karapatang labagin ang araw ng Sabbath. … Labis kong ikinalulungkot na, maging sa mga komunidad ng mga Banal sa mga Huling Araw, ang doktrinang ito ay hindi sinusunod ng ilan; na tila pakiramdam ng ilan sa atin ay tamang tularan ang kaugalian ng mundo hinggil dito. Nakikibahagi sila sa mga ideya at paniwala ng mundo sa paglabag sa mga utos ng Panginoon. At kung gagawin natin ito pananagutin tayo ng Panginoon, at hindi natin maaaring labagin ang kanyang salita at tanggapin pa rin ang mga pagpapala para sa matatapat.11

Pagsunod sa Word of Wisdom

Ang Word of Wisdom ay isang mahalagang batas. Itinuturo nito ang tama at binibigyan tayo ng sapat na tagubilin hinggil sa pagkain at inumin, na makabubuti at makasasama rin sa katawan. Kung tapat nating susundin ang nasusulat sa tulong ng Espiritu ng Panginoon, hindi na tayo kailangan pang payuhan. Ang napakagandang tagubiling ito ay naglalaman ng sumusunod na pangako:

“At lahat ng banal na makatatandang sumunod at gawin ang mga salitang ito, lumalakad sa pagsunod sa mga kautusan, ay tatanggap ng kalusugan sa kanilang pusod at kanilang utak-sa-buto;

“At makatatagpo ng karunungan at malaking kayamanan ng kaalaman, maging mga natatagong kayamanan;

“At tatakbo at hindi mapapagod, at lalakad at hindi manghihina.” [D at T 89:18–20]12

Bilyun-bilyong dolyar ang nagagastos taun-taon para sa nakalalasing na mga alak at sigarilyo. Ang kalasingan at kasalanang hatid ng mga kasamaang ito sa pamilya ng tao ay sumisira, hindi lamang sa kalusugan, kundi sa moral at espirituwal na proteksyon ng sangkatauhan.13

Nagkakawatak-watak ang mga pamilya dahil sa lumalaganap na paggamit ng mga bawal na gamot at pag-abuso sa mga gamot na inireseta.14

Hindi tayo dapat makinig sa mga pang-aakit at masamang pang-aalok ng mga bagay na nakasasama sa katawan at ipinagbabawal ng ating Ama sa langit at ng kanyang Anak na si Jesucristo, at salungat sa ebanghelyong ibinigay nila sa atin. …

Kailangan ay malinis ang ating katawan. Kailangan ay malinis ang ating pag-iisip. Kailangan nating isapuso ang hangaring paglingkuran ang Panginoon at sundin ang kanyang mga utos; alalahaning manalangin, at mapagkumbabang hanapin ang mga payo na dumarating sa patnubay ng Espiritu ng Panginoon.15

Joseph Smith with a paper in his hand talking with men at the School of the Prophets about the Word of Wisdom. Some of the men are smoking or chewing tobacco. Emma Smith is holding a broom or mop.

Inihayag ng Panginoon ang Word of Wisdom kay Propetang Joseph Smith para tulungan ang mga Banal na magkaroon ng pisikal at espirituwal na lakas.

Paggalang sa pangalan ng Diyos

Dapat nating igalang ang pangalan ng Diyos sa pinakasagrado at pinakataimtim na paraan. Wala nang higit na nakababalisa o nakasisindak sa damdamin ng isang matinong tao maliban sa marinig na binabanggit nang walang paggalang ng ilang taong walang pakundangan, mangmang, o imoral ang pangalan ng Diyos. May ilang tao na naging lubhang lapastangan na para bang imposible na sa kanila ang magsalita ng dalawa o tatlong pangungusap nang hindi nagbabanggit—gaya ng nasa isip nila—ng salitang mahalay o lapastangan. May ilang tao rin na nag-aakala … na gawain iyon ng isang tunay na lalaki at mas magaling sila sa iba, kung gagamit sila ng mga salitang puno ng kalapastanganan. … Ang kasalanan sa anumang anyo ay nakaaaba at nakapipinsala sa kaluluwa, at dapat iwasan ng lahat ng miyembro ng Simbahan na parang nakamamatay na lason.

Ang magagandang kuwento ay madalas masira dahil lamang sa hindi naunawaan ng mga awtor ang angkop na paggamit ng mga sagradong pangalan. Kapag lumabas ang kalapastanganan sa bibig ng mga respetadong tao, sa halip na mapaganda ang kuwento ay nasisira ang kahalagahan at kagandahan nito. … Kakatwa na iniisip ng ilang tao, at pati na ng ilang mabubuting tao, na ang paggamit ng ilang pananalita na kasama ang pangalan ng Panginoon, ay nakakawili, nakakatuwa, o nakakaganda, sa kanilang mga kuwento! …

Sa lahat ng iba pang mga tao sa mundo, dapat isaalang-alang ng mga Banal sa mga Huling Araw nang may lubos na kasagraduhan at pagpipitagan ang lahat ng bagay na banal. Ang mga tao ng daigdig ay hindi naturuang tulad natin hinggil sa gayong mga bagay, bagama’t maraming tapat, relihiyoso, at matitinong tao sa mundo. Ngunit tayo ay may patnubay ng Banal na Espiritu at mga paghahayag ng Panginoon, at taimtim Niyang itinuro sa atin sa sarili nating panahon ang ating tungkulin hinggil sa gayong mga bagay.16

Pananamit nang disente at pagsunod sa batas ng kalinisang-puri

Hindi dapat gayahin ng mga Banal sa mga Huling Araw ang mga uso at hindi disente sa mundo. Tayo ay mga tao ng Panginoon. Inaasahan Niya tayong mamuhay nang malinis, nang banal, na panatilihing malinis at dalisay ang ating pag-iisip at maging tapat tayo sa pagsunod sa lahat ng iba pa niyang mga kautusan. Bakit natin dapat tularan ang mundo, bakit hindi tayo maging disente, bakit hindi natin magawa ang mga bagay na ipinagagawa sa atin ng Panginoon?17

Habang naglalakad ako sa mga kalye papunta o pauwi man mula sa Church Office Building, nakakakita ako ng mga bata at matanda, marami sa kanila ay “mga anak na babae ng Sion,” na hindi disente ang pananamit [tingnan sa Isaias 3:16–24]. Natanto ko na nagbabago nga ang panahon at mga uso. … [Ngunit] ang alituntunin ng pagiging disente at ng kagandahang-asal ay hindi nagbabago. … Ang mga pamantayang ipinahayag ng mga General Authority ng Simbahan ay na dapat manamit nang disente ang kababaihan, at maging ang kalalakihan. Tinuturuan sila ng wastong asal at kadisentehan sa lahat ng oras.

Sa aking palagay, nakakalungkot sa “mga anak na babae ng Sion” kapag hindi sila disenteng manamit. Bukod pa rito, ang pahayag na ito ay ukol sa kalalakihan at maging sa kababaihan. Ang Panginoon ay nagbigay ng mga kautusan sa sinaunang Israel na dapat takpan ng kalalakihan at kababaihan ang kanilang katawan at sundin ang batas ng kalinisang-puri sa lahat ng oras.

Nagsusumamo ako alang-alang sa kadisentehan at kalinisang-puri at sa lahat ng miyembro ng Simbahan, kapwa lalaki at babae, na maging malinis ang puri, malinis sa kanilang pamumuhay, at masunurin sa mga tipan at utos ng Panginoon na ibinigay sa atin. …

… Ang pagsusuot ng masagwang damit, na maaaring mukhang maliit na bagay lamang, ay may inaalis na isang bagay sa ating mga kabataang babae o lalaki sa Simbahan. Dahil dito mas mahirap nang sundin ang mga walang-hanggang alituntuning iyon na dapat ipamuhay nating lahat kung gusto nating makabalik sa kinaroroonan ng ating Ama sa Langit.18

2

Ang mga pagpapalang ipinangako sa matatapat ay higit na dakila kaysa mga panandaliang kasiyahan sa mundo.

[Sinabing minsan ng isang miyembro ng Simbahan na] hindi niya gaanong maunawaan na kahit nagbayad siya ng kanyang ikapu at sinunod niya ang Word of Wisdom, madasalin siya, at sinikap niyang sundin ang lahat ng utos ng Panginoon na ibinigay sa kanya, hirap pa rin siyang kumita nang sapat para matustusan ang kanyang mga pangangailangan; samantalang ang kapitbahay niya ay nilabag ang araw ng Sabbath, palagay ko ay nanigarilyo siya at uminom ng alak; nasa kanya na ang itinuturing ng mundo na kasiyahan sa buhay, hindi siya nakinig sa mga turo ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo, pero umunlad pa rin siya.

Alam ninyo, pinag-iisipan iyan ng napakaraming miyembro ng Simbahan at iniisip nila kung bakit ganoon. Bakit tila biniyayaan ng lahat ng magagandang bagay sa daigdig ang taong ito—siyanga pala, marami sa mga bagay na inaakala niyang mabuti ay masama pala—samantalang napakaraming miyembro ng Simbahan ang nahihirapan, nagsisikap nang husto para mabuhay sa mundo.

Simple lang ang sagot. Kapag nagpupunta ako kung minsan, at ginagawa ko iyon paminsan-minsan, sa laro ng football o baseball o iba pang libangan, lagi akong pinaliligiran ng kalalakihan at kababaihang naninigarilyo. Nakakainis iyon, at medyo nababahala ako. Babaling ako kay Sister Smith, at may sasabihin ako sa kanya, at sasabihin naman niya, “Ngayon, alam mo na kung ano ang naituro mo sa akin. Ikaw ay nasa mundo nila. Ito ang mundo nila.” At ibinabalik ako niyan sa katotohanan. Tama, tayo ay nasa mundo nila, ngunit hindi natin kailangang maging makamundo.

Kaya, dahil nabubuhay tayo sa mundo nila, umuunlad sila, ngunit, butihin kong mga kapatid, magwawakas na ang mundo nila. …

Darating ang araw na mawawala sa atin ang mundong ito. Babaguhin ito. Magkakaroon tayo ng mas magandang mundo. Magkakaroon tayo ng isang mundong matwid, dahil pagdating ni Cristo, lilinisin niya ang daigdig.19

Kung masigasig tayong maghahanap, mananalangin sa tuwina, mananalig, at lalakad nang matwid, mapapasaatin ang pangako ng Panginoon na lahat ng bagay ay magkakalakip na gagawa para sa ating ikabubuti [tingnan sa D at T 90:24]. Hindi ito isang pangako na hindi na tayo magkakaroon ng mga pagsubok at problema sa buhay, dahil ang kalagayang ito ng pagsubok ay nakaplanong magbigay sa atin ng karanasan at magkakasalungat na sitwasyon.

Ang buhay ay hindi nilayong maging madali, ngunit nangako ang Panginoon na gagawin niyang para sa ating ikabubuti ang lahat ng pagsubok at paghihirap. Bibigyan niya tayo ng lakas at kakayahan na madaig ang sanlibutan at manindigan sa pananampalataya sa kabila ng lahat ng oposisyon. Ipinangako na tatanggap tayo ng kapayapaan sa ating puso sa kabila ng mga kaguluhan at suliranin sa mundo. At higit sa lahat, ito ipinangako na kapag namatay tayo, magiging karapat-dapat tayo sa walang-hanggang kapayapaan sa piling Niya na siya nating hinahanap, kung kaninong mga batas ay sinunod natin, at siyang pinili nating paglingkuran.20

3

Kapag inuna natin sa buhay ang kaharian ng Diyos, tayo ay nagsisilbing mga ilaw sa sanlibutan at nagpapakita ng halimbawa na tutularan ng iba.

Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay tulad sa isang bayan na nakatayo sa ibabaw ng isang burol na hindi maitatago, at tulad sa kandila na nagbibigay ng liwanag sa lahat ng nasa bahay. Tungkulin natin na hayaang magliwanag ang ating ilaw bilang halimbawa ng kabutihan, hindi lamang sa mga taong nakapaligid sa atin, kundi sa mga tao sa buong daigdig. [Tingnan sa Mateo 5:14–16.]21

Nais naming makita ang mga Banal sa bawat bansa na tinatanggap ang buong pagpapala ng ebanghelyo at tumatayo bilang mga espirituwal na pinuno sa kanilang bansa.22

Mga kapatid, sundin natin ang mga utos ng Diyos ayon sa pagkahayag sa mga ito. Magpakita tayo ng magandang halimbawa sa mga tao sa daigdig, upang hangarin nila, kapag nakita ang ating mabubuting gawa, na magsisi at tanggapin ang katotohanan at ang plano ng kaligtasan, nang sa gayon ay matamo nila ang kaligtasan sa kahariang selestiyal ng Diyos.23

Dalangin ko na manindigan ang mga Banal laban sa mga pamimilit at pang-aakit ng mundo; na unahin nila sa buhay ang mga bagay ukol sa kaharian ng Diyos; na maging tapat sila sa bawat pagtitiwala at tuparin nila ang bawat tipan.

Ipinagdarasal ko ang bata at bagong henerasyon na mapanatili nilang malinis ang kanilang isipan at katawan—malaya sa imoralidad, sa bawal na gamot, at sa diwa ng paghihimagsik at paglabag sa kagandahang-asal na lumalaganap sa lupain.

Ama namin, ibuhos ninyo ang inyong Espiritu sa mga batang ito upang sila po ay mapangalagaan mula sa mga panganib ng mundo at mapanatili silang malinis at dalisay, karapat-dapat na makapasok sa inyong kinaroroonan at makapanahan sa piling ninyo.

At ang inyong pangangalaga nawa’y mapasalahat ng taong naghahanap sa inyo at naglalakad sa inyong harapan nang buong dangal ng kanilang kaluluwa, upang sila ay maging mga ilaw sa sanlibutan, maging mga kasangkapan sa inyong mga kamay sa pagsasakatuparan ng inyong mga layunin sa lupa.24

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Mga Tanong

  • Habang binabasa ninyo ang “Mula sa Buhay ni Joseph Fielding Smith,” isipin ang mga hamong kinakaharap ngayon ng mga kabataan kapag hindi nila kasama ang kanilang mga magulang o lider. Ano ang magagawa natin para matulungan ang mga kabataan na manatiling tapat sa gayong mga sitwasyon?

  • Ano ang ilang pagpapalang dumarating sa atin kapag sinusunod natin ang mga kautusang binanggit sa bahagi 1?

  • Paano ninyo magagamit ang mga turo sa bahagi 2 para tulungan ang isang taong naaakit sa mga makamundong bagay? Paano tayo magkakaroon ng “kapayapaan sa ating puso sa kabila ng mga kaguluhan at suliranin sa mundo”?

  • Paano makakatulong ang ating mga halimbawa para talikuran ng iba ang mga gawi ng sanlibutan? (Tingnan sa bahagi 3.) Kailan ninyo nakita ang bisa ng mabuting halimbawa? Isipin kung ano ang magagawa ninyo para makapagpakita ng mabuting halimbawa sa inyong pamilya at sa iba.

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan

Mateo 6:24; Marcos 8:34–36; Juan 14:27; Mga Taga Filipos 2:14–15; Moroni 10:30, 32

Tulong sa Pagtuturo

“Maipapahayag ninyo ang pagmamahal sa inyong mga tinuturuan sa pamamagitan ng masusing pakikinig sa kanila at pagiging tunay na interesado sa kanilang buhay. Ang pag-ibig na tulad ng kay Cristo ay may kapangyarihang magpalambot ng mga puso at matulungan ang tao na maging handang tumanggap ng mga [pagbulong] ng Espiritu” (Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin [2000], 56).

Mga Tala

  1. Joseph Fielding Smith Jr. at John J. Stewart, The Life of Joseph Fielding Smith (1972), 287–88.

  2. Sa Conference Report, Okt. 1955, 43–44.

  3. Sa Conference Report, Abr. 1947, 60–61.

  4. “Our Responsibilities as Priesthood Holders,” Ensign, Hunyo 1971, 50.

  5. “President Joseph Fielding Smith Speaks to 14,000 Youth at Long Beach, California,” New Era, Hulyo 1971, 8.

  6. Sa Conference Report, Abr. 1952, 27–28.

  7. “The Pearl of Great Price,” Utah Genealogical and Historical Magazine, Hulyo 1930, 104.

  8. “Our Responsibilities as Priesthood Holders,” 49–50.

  9. Sa Conference Report, Abr. 1911, 86.

  10. Sa Conference Report, Abr. 1957, 60–61.

  11. Sa Conference Report, Abr. 1927, 111.

  12. Answers to Gospel Questions, tinipon ni Joseph Fielding Smith Jr., 5 tomo (1957–66), 1:199.

  13. “Be Ye Clean!” Church News, Oct. 2, 1943, 4; tingnan din sa Doctrines of Salvation, inedit ni Bruce R. McConkie, 3 tomo (1954–56), 3:276.

  14. Sa “Message from the First Presidency,” Ensign, Ene. 1971, 1.

  15. Sa Conference Report, Okt. 1960, 51.

  16. “The Spirit of Reverence and Worship,” Improvement Era, Set. 1941, 525, 572; tingnan din sa Doctrines of Salvation, 1:12–14.

  17. “Teach Virtue and Modesty,” Relief Society Magazine, Ene. 1963, 6.

  18. “My Dear Young Fellow Workers,” New Era, Ene. 1971, 5.

  19. Sa Conference Report, Abr. 1952, 28.

  20. “President Joseph Fielding Smith Speaks on the New MIA Theme,” New Era, Set. 1971, 40.

  21. Sa Conference Report, Okt. 1930, 23.

  22. Sa Conference Report, British Area General Conference 1971, 6.

  23. Sa Conference Report, Abr. 1954, 28.

  24. “A Witness and a Blessing,” Ensign, Hunyo 1971, 110.