Kabanata 24
Ang Gawain ng Kababaihang Banal sa mga Huling Araw: “Di-Makasariling Katapatan sa Napakaluwalhating Layuning Ito”
“Walang hangganan ang kabutihang magagawa ng ating kababaihan.”
Mula sa Buhay ni Joseph Fielding Smith
Sa general Relief Society meeting noong Oktubre 2, 1963, sinabi ni Pangulong Joseph Fielding Smith, “Kami, ang mga Kapatid na Lalaki ng Simbahan, ay iginagalang at nirerespeto ang ating mabubuting kababaihan sa kanilang di-makasariling katapatan sa napakaluwalhating layuning ito.”1
Sa pagpapahayag nito, nagsalita si Pangulong Smith mula sa maraming taon ng karanasan. Buong buhay siyang naglingkod na kaagapay ng tapat na kababaihang Banal sa mga Huling Araw. Ang paglilingkod na ito ay nagsimula noong mga huling taon ng 1880s, noong siya ay mga 10 taong gulang. Nang panahong iyon, ang kababaihang Banal sa mga Huling Araw ay hinikayat na mag-aral ng medisina at pangangalaga sa kalusugan. Sinunod ng kanyang inang si Julina L. Smith ang payong ito at tumanggap ito ng training para makapagtrabaho bilang komadrona. Madalas siyang gisingin ng kanyang ina sa hatinggabi para magpatakbo ng kanilang karwaheng hila ng mga kabayo papunta sa tahanan ng sanggol na isisilang. Sa pagtulong sa kanyang ina sa ganitong paraan, nakita ng batang si Joseph Fielding Smith ang halimbawa ng katatagan at habag na taglay ng kababaihan ng Simbahan.2 Si Sister Smith ay naglingkod kalaunan bilang tagapayo sa Relief Society general presidency.
Malaki ang paggalang ni Pangulong Smith sa Relief Society, na sinabi niyang “mahalagang bahagi ng kaharian ng Diyos sa lupa.”3 Ang pangalawa niyang asawang si Ethel ay naglingkod bilang miyembro ng general Relief Society board nang 21 taon. Sinabi ni Sister Amy Brown Lyman, na naglingkod kasama ni Ethel sa lupon at kalaunan ay naglingkod bilang general Relief Society president: “Si Sister Smith ay isa sa pinakamatatalinong babaeng nakilala ko. Para sa akin siya ang pinakamahusay na manunulat at tagapagsalita [sa] lupon.”4 Sa katungkulang ito, dumalo si Ethel sa mga stake conference para turuan ang kababaihan ng Relief Society. Magkasama sila ni Pangulong Smith na pumunta sa ilang gawain sa Simbahan, at silang dalawa ay madalas magsalita sa pulpito para turuan ang mga miyembro.5
Nang pumanaw si Ethel, pinakasalan ni Pangulong Smith si Jessie Evans. Kasama niya si Jessie halos tuwing maglalakbay siya para turuan ang mga Banal. Napakaganda ng boses niya kapag kumakanta, at gusto palagi ni Pangulong Smith na kumanta siya sa mga pulong na dinaluhan nila. Ikinuwento ni Elder Francis M. Gibbons, na naglingkod bilang kalihim sa Unang Panguluhan: “Tuwing si Joseph Fielding ang namumuno, gusto niyang pakantahin si Jessie dahil lamang sa hindi siya nagsasawang pakinggan itong kumakanta. Bukod pa riyan, ang magandang boses nitong contralto, sa pagkanta ng mga sagradong himno, ay nakaragdag sa espirituwalidad ng mga pulong, nagbigay-inspirasyon sa mga nakikinig at nagpaibayo sa sariling kakayahan ni Pangulong Smith na magbigay ng mensahe. Kalaunan, sa patuloy at magiliw na panghihikayat ng kanyang asawa, paminsan-minsan ay nagduduweto sina Joseph at Jessie, at magandang pakinggan ang magkahalong baritonong boses niya at ang boses ni Jessie. Sa mga pagkakataong ito, karaniwan ay magkatabi silang nakaupo sa upuan ng piyano habang tumutugtog si Jessie, na hinihinaan nang katamtaman ang kanyang karaniwang buung-buong boses para marinig ang pagkanta ng kanyang asawa.”6
Bilang Pangulo ng Simbahan, regular na nakipagtulungan si Joseph Fielding Smith kay Sister Belle S. Spafford, ang Relief Society general president. Kalaunan ay ikinuwento ni Sister Spafford ang kanyang karanasan sa pagtutulungan nila: “Nagpakita si Pangulong Joseph Fielding Smith, isang taong magiliw at malaki ang pagmamahal sa mga tao, ng malalim na pag-unawa sa gawain ng kababaihan ng Simbahan sa lahat ng pagkakataon, at sinabi niya ito sa Relief Society presidency nang maraming beses at sa maraming paraan, na nagpalawak sa aming pananaw at pumatnubay sa aming mga ginagawa.”7
Mga Turo ni Joseph Fielding Smith
1
Inilahad sa mga banal na kasulatan ang tungkol sa matatapat na kababaihang nagkaroon ng mga responsibilidad sa Simbahan ng Panginoon.
Mababasa natin sa Mahalagang Perlas na matapos ang mga bungang hatid ng pagkahulog kina Adan at Eva, nangaral si Eva. Maikli ito ngunit maganda at puno ng kahulugan at ito ay ang sumusunod:
“… Kung hindi dahil sa ating paglabag tayo sana ay hindi nagkaroon ng mga binhi, at kailanman ay hindi nalaman ang mabuti at masama, at ang kagalakan ng ating pagkakatubos, at ang buhay na walang hanggan na ibinibigay ng Diyos sa lahat ng masunurin.” [Moises 5:11.]
“At pinapurihan nina Adan at Eva ang pangalan ng Diyos, at ipinaalam nila ang lahat ng bagay sa kanilang mga anak na lalaki at babae.” [Moises 5:12; idinagdag ang italics.]
Nalaman natin mula rito na si Eva at maging si Adan ay tumanggap ng paghahayag at kautusan na turuan ang kanilang mga anak kung paano magkamit ng buhay na walang hanggan.8
Nabasa natin na [noong unang] panahon sa Israel ang kababaihan ay aktibo at may mga tungkuling ginagampanan [tingnan sa Exodo 15:20; Mga Hukom 4–5].9
Sa Bagong Tipan nabasa natin na maraming matatapat na kababaihang humingi at nagbigay ng payo. Marami sa kanila ang sumunod sa Tagapagligtas at naglingkod sa kanya [tingnan sa Lucas 8:1–3; 10:38–42].10
2
Sa mga huling araw, mahalaga ang papel na ginagampanan ng kababaihan ng Relief Society sa ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo.
Noong ika-17 ng Marso, 1842, pinulong ni Propetang Joseph Smith ang ilang kababaihan ng Simbahan sa Nauvoo at binuo sila sa isang samahan na pinangalanang “The Female Relief Society of Nauvoo.” … Walang pag-aalinlangan na binuo ang organisasyong ito sa pamamagitan ng paghahayag. Ang katotohanang ito ay nakita nang lubusan sa loob ng maraming taon at ngayon ay higit pang napapatibayan ang kahalagahan nito at pangangailangan dito.11
Talagang hindi lubos na maoorganisa ang Simbahan ni Jesucristo kung wala ang napakagandang organisasyong ito. … Hindi lubos ang panunumbalik na ito kung wala ang Relief Society kung saan naisasagawa ng kababaihan ang banal at itinalagang paglilingkod na napakahalaga sa kapakanan ng Simbahan.12
Ang “Female Relief Society of Nauvoo” ay inorganisa ni Propetang Joseph Smith sa tulong ni Elder John Taylor. Inihayag ng Panginoon na dapat buuin ang kababaihan ng Simbahan sa isang samahan, dahil may mahalagang gawaing ipagagawa sa kanila sa pagtulong na “ihayag at itatag ang kapakanan ng Sion.” [D at T 6:6.] Una sa lahat ang gawaing ito ng kababaihan ay para sa ikabubuti, ikahihikayat, at ikauunlad ng kababaihan ng Simbahan upang maging handa sila sa lahat ng bagay para magtamo ng isang lugar sa kahariang selestiyal. Binigyan din sila ng responsibilidad na tumulong sa pagkakawanggawa at pagpapaginhawa sa mga maralita, maysakit, at nahihirapan sa buong Simbahan mula sa kanilang pighati at pagdurusa. Sa nakalipas na mga taon simula nang iorganisa ito, ang kababaihan ng samahang ito ay naging tapat sa kanilang tungkulin at ginampanan ito nang may pananalig sa gawaing iyon. Walang gawaing itinalaga na naging napakahirap; walang responsibilidad na napabayaan, at sa kanilang paglilingkod ay libu-libo ang napagpala.13
Ang Relief Society … ay naging malaking impluwensya sa Simbahan. Talagang mahalaga—tinutukoy natin itong isang auxiliary, na ibig sabihin ay isang tulong, ngunit higit pa riyan ang Relief Society. Ito ay kailangan.14
Pinupuri ko ang kababaihan ng dakilang organisasyong ito sa kanilang integridad at katapatan na nakikita palagi noon pang panahon ng Nauvoo.15
Nalulugod ang Panginoon sa inyong mga ginagawa. Kayo, sa pamamagitan ng inyong paglilingkod, ay nakatulong sa pagtatayo at pagpapatatag ng kaharian ng Diyos. Mahalaga rin ang ginagawa ng Relief Society sa Simbahan—ibig kong sabihin—katulad ng ginagawa ng mga korum ng Priesthood. Maaaring madama ngayon ng ilan na medyo mariin ang pagkasabi ko nito, ngunit sa aking palagay ang gawaing ginagawa ninyo, butihin naming kababaihan, ay talagang angkop at mahalaga sa pagtatayo ng kahariang ito, sa pagpapalakas nito, pagpapalago nito, paglalatag ng pundasyon na maaaring maging saligan nating lahat, na katulad ng ginagawa ng kalalakihang mayhawak ng Priesthood ng Diyos. Hindi namin ito makakaya kung wala kayo.16
[Ang kababaihan ng Relief Society] ay mga miyembro ng pinakadakilang samahan ng kababaihan sa daigdig, isang organisasyon na mahalagang bahagi ng kaharian ng Diyos sa lupa at mahusay na ipinlano at pinamamahalaan kaya’t natutulungan nito ang matatapat na miyembro upang magkaroon ng buhay na walang hanggan sa kaharian ng ating Ama. …
Ang Relief Society ay itinatag sa diwa ng inspirasyon, at ginagabayan ng diwang iyon [magmula pa noon], at naitanim nito sa puso ng marami sa ating mabubuting kababaihan ang mabubuting hangarin na kalugud-lugod sa Panginoon.17
3
Ang kababaihan ng Relief Society ay tumutulong sa pangangalaga sa temporal at espirituwal na kapakanan ng mga anak ng Diyos.
Ang Panginoon sa pamamagitan ng kanyang karunungan ay tinawag ang ating mga kapatid na babae upang makatulong sa Priesthood. Dahil sa kanilang simpatiya, malambot na puso, at kabaitan, [ang kababaihan] ay binabantayan ng Panginoon at binibigyan sila ng mga tungkulin at responsibilidad na tulungan ang mga nangangailangan at nagdadalamhati. Itinuro niya ang daan na dapat nilang tahakin, at ibinigay niya sa kanila ang napakalaking organisasyong ito kung saan mayroon silang awtoridad na maglingkod sa ilalim ng pamamahala ng mga bishop ng mga ward at makipagtulungan sa mga bishop ng mga ward, na pinangangalagaan ang kapakanan ng ating mga tao kapwa sa espirituwal at temporal.
At maaatasan ng Panginoon ang ating kababaihan na magpunta sa mga tahanan upang aliwin ang nangangailangan, tulungan ang nagdadalamhati, lumuhod kasama nila at manalangin, at pakikinggan ng Panginoon ang mga panalangin ng kababaihan kapag inialay ang mga iyon nang taimtim alang-alang sa maysakit, tulad ng pakikinig niya sa mga panalangin ng mga elder ng Simbahan.18
Ang layunin at mga tungkulin ng Relief Society ay marami. … Ang aking ama, na si Pangulong Joseph F. Smith [ay nagsabi:] “Ito ay isang organisasyong itinatag ni Propetang Joseph Smith. Ito, samakatwid, ang pinakaunang auxiliary organization ng Simbahan, at napakahalaga nito. Hindi lamang ito tumutulong sa mga pangangailangan ng mahihirap, maysakit at nangangailangan, kundi bahagi pa rin ng tungkulin nito—at ang mas malaking bahagi pa nito—ay ang pangalagaan ang espirituwal na kapakanan at kaligtasan ng mga ina at anak na babae ng Sion; tiyakin na walang napababayaan, sa halip lahat ay nababantayan laban sa kasawiang-palad, kalamidad, kapangyarihan ng kadiliman, at kasamaan na nagbabanta sa kanila sa mundo. Tungkulin ng mga Relief Society na pangalagaan ang espirituwal na kapakanan ng kanilang sarili at ng lahat ng miyembrong babae ng Simbahan.”19
Tungkulin ng Relief Society na pangalagaan hindi lamang ang mga miyembro ng Relief Society, kundi maging ang mga hindi miyembro nito. Saanman may nagigipit, nangangailangan ng tulong, nahihirapan, maysakit o nagdadalamhati, tinatawag namin ang Relief Society. … Dakila at maganda ang magagawa nila sa paghikayat sa mga nalihis ng landas, pagtulong sa kanila, pagpapabalik sa kanila sa simbahan, pagtulong sa kanila na madaig ang kanilang mga kahinaan o kasalanan at kakulangan, at pagpapaunawa ng katotohanan sa kanila. Masasabi ko na walang hangganan ang kabutihang magagawa ng ating kababaihan.
… Hindi ko alam kung ano ang magagawa ng ating mga stake president at bishop sa ward kung wala ang mabubuting kababaihang ito ng Relief Society na kanilang inaasahan; na kanilang hinihingan ng tulong, nang maraming beses, upang lutasin ang mga sitwasyong lubhang maselan para sa ating kalalakihan, ngunit maaaring gampanan ng ating kababaihan nang napakainam. Napakaganda siguro kung lahat ng miyembro ng Simbahan ay perpekto. Kung mangyayari iyan mababawasan ang responsibilidad nating lahat, kapwa ng kalalakihan at kababaihan, ngunit hindi pa dumarating ang panahong iyan. May ilang kababaihan tayo na nangangailangan ng panghihikayat, kaunting tulong sa espirituwal at temporal, at walang ibang makagagawa nito nang mas mainam kaysa ating kababaihan na kabilang sa dakila at napakagandang organisasyong ito.
Sa gawaing ito maaaring makatulong ang kababaihan sa paghikayat at pagtulong sa mga nalihis ng landas, nagwawalang-bahala, at nagpapabaya, tulad ng pagtawag sa mga kapatid sa Priesthood na tumulong sa kalalakihang nalihis ng landas, nagwawalang-bahala, at nagpapabaya. Dapat tayong magtulungang lahat sa pagsasagawa ng kabutihan at pagsisikap na maibalik sa pagkaaktibo ang mga taong naligaw ng landas at pinabayaan ang mga tungkulin sa Simbahan.20
Mula sa aba [nitong] simula sa ilalim ng napakahihirap na kalagayan, kung kailan kakaunti pa lang ang mga miyembro ng Simbahan, nakita na nating lumago ang Samahang ito. … Ang kabutihang naisagawa sa pangangalaga sa maralita, maysakit at namimighati, at sa mga may pisikal, mental, o espirituwal na pangangailangan, ay hindi kailanman lubusang malalaman. … Lahat ng ito ay naisagawa dahil sa pagmamahal na alinsunod sa totoong diwa ng ebanghelyo ni Jesucristo.21
4
Inaasahan ng Panginoon na hahanapin ng kababaihan ang liwanag at katotohanan para magkaroon sila ng karapatan sa kaluwalhatiang selestiyal.
Mahalaga ang ebanghelyo sa ating kababaihan tulad sa kalalakihan. Pinahahalagahan din nila ito tulad ng kalalakihan. At nang sabihin ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith, “Saliksikin ang mga kautusang ito, sapagkat ang mga ito ay tunay at tapat, at ang mga propesiya at pangako na nasa mga ito ay matutupad na lahat,” [D at T 1:37] hindi niya inilimita ang kautusang ito sa kalalakihang miyembro ng Simbahan. … Mahalaga rin sa ating kababaihan na maunawaan ang Plano ng Kaligtasan tulad sa kalalakihan. Mahalaga ring sundin nila ang mga kautusan. Walang babaeng maliligtas sa kaharian ng Diyos nang hindi nabibinyagan para sa kapatawaran ng mga kasalanan at nang walang pagpapatong ng mga kamay para sa kaloob na Espiritu Santo. …
…Nang sabihin ng Panginoon na walang taong maliligtas sa kamangmangan [tingnan sa D at T 131:6], sa palagay ko hindi lamang kalalakihan ang tinutukoy niya kundi pati kababaihan, at sa palagay ko may pananagutan ang kababaihan ng simbahan na pag-aralan ang mga banal na kasulatan.22
Inuutusan ng Panginoon ang kababaihan, gayon din ang kalalakihan sa Simbahan, na alamin ang kanyang banal na kalooban at magkaroon ng matibay na patotoo sa kanilang puso tungkol sa inihayag na katotohanan ukol sa kaligtasan sa kaharian ng Diyos. Hindi inihayag ng Panginoon ang Aklat ni Mormon para sa kapakinabangan ng mga mayhawak ng Priesthood lamang, kundi para sa bawat kaluluwang naghahanap ng katotohanan, kapwa lalaki at babae.23
Inaasahan ng Panginoon na magiging marapat ang kababaihang may patotoo sa katotohanan na maunawaan ang mga doktrina ng Simbahan tulad ng inaasahan niya sa mga mayhawak ng Priesthood. Kung gusto nating magkamit ng kadakilaan, na inaasam nating matamo, kailangan nating ihanda ang ating sarili sa pamamagitan ng kaalaman, pananampalataya, at panalangin. At nang sabihin ng Panginoon, “Hanapin muna ninyo ang kaharian [ng Diyos] at ang kaniyang katuwiran,” [Mateo 6:33; 3 Nephi 13:33] hindi lamang siya nagsasalita sa kalalakihan, kundi sa isang kongregasyong may mga babae at lalaki.24
Bawat babaeng bininyagan sa Simbahan ay napatungan ng mga kamay ng mga elder sa kanyang ulo para sa kaloob na Espiritu Santo upang mapatnubayan siya ng Espiritung iyan sa lahat ng katotohanan. Kalooban ng Panginoon na lahat ay magkaroon ng banal na patnubay na maghahayag sa kanila ng katotohanan at nang mahiwatigan nila ang liwanag sa kadiliman at, sa gayon, mapatibay at mapalakas upang mapaglabanan ang lahat ng maling doktrina, teorya, at paniniwala, na laganap na sa mundo ngayon.25
Ang ating kababaihan ay may karapatan din sa inspirasyon ng Espiritu Santo para sa kanilang mga pangangailangan tulad ng kalalakihan, sa bawat bagay. Sila ay may karapatan sa kaloob na magpropesiya hinggil sa mga bagay na mahalagang malaman nila. … Kapag nagdarasal sila dapat silang magdasal nang taimtim, na umaasang masagot ang kanilang mga panalangin. Pakikinggan din sila ng Panginoon, kung sila ay taos, at tapat, tulad ng pakikinig niya sa kalalakihan.26
Ipinangako ng Panginoon sa lahat, lalaki at babae man, ang kaloob na Espiritu Santo kung tayo ay tapat, mapagpakumbaba, at tunay na nagsisisi. Kailangan nilang pag-aralan at alamin ang mga katotohanan ng ebanghelyo at ihanda ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pag-aaral, pananampalataya, at pagsunod sa lahat ng utos na maghangad ng liwanag at katotohanan upang sila ay maging marapat sa kaluwalhatiang selestiyal.27
5
Sa pamamagitan ng priesthood, binibigyan ng Diyos ang Kanyang mga anak na babae ng bawat espirituwal na kaloob at pagpapalang maaaring matamo ng Kanyang mga anak na lalaki.
Sa palagay ko alam nating lahat na ang mga pagpapala ng priesthood ay hindi lamang para sa kalalakihan. Ang mga pagpapalang ito ay ibinubuhos din … sa lahat ng matatapat na kababaihan ng Simbahan. Maaaring ihanda ng mabubuting kababaihang ito ang kanilang sarili, sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kautusan at paglilingkod sa Simbahan, para sa mga pagpapala ng sambahayan ng Panginoon. Ibinibigay ng Panginoon sa kanyang mga anak na babae ang bawat espirituwal na kaloob at pagpapalang maaaring matamo ng kanyang mga anak na lalaki, sapagkat hindi mabubuhay ang lalaki nang walang babae, ni ang babae nang walang lalaki sa Panginoon [tingnan sa I Corinto 11:11]28
Alam nating lahat na sinabi ng Panginoon kay Abraham na siya ay magiging ama ng maraming bansa at na ang kanyang binhi ay pararamihing tulad ng mga bituin sa langit at ng mga buhangin sa baybayin ng dagat, ngunit huwag nating kalilimutan na gayon din ang ipinangako kay Sara.
“At sinabi ng Dios kay Abraham, Tungkol kay Sarai na iyong asawa, ay huwag mo nang tatawagin ang kaniyang pangalang Sarai, kundi Sara ang magiging kaniyang pangalan. At akin siyang pagpapalain, at saka sa kaniya’y bibigyan kita ng anak: oo, siya’y aking pagpapalain, at magiging ina ng mga bansa; ang mga hari ng mga bayan ay magmumula sa kaniya.” [Genesis 17:15–16.]29
Ang Panginoon, sa pagsasalita tungkol sa priesthood at sa kapangyarihan ng priesthood, at mga ordenansa ng Simbahan na natatanggap natin sa pamamagitan ng priesthood, ay ganito ang sinabi: “At ang nakatataas na pagkasaserdoteng ito ang nangangasiwa ng ebanghelyo at humahawak ng susi ng mga hiwaga ng kaharian, maging ang susi ng kaalaman tungkol sa Diyos.”
… Babasahin ko itong muli: “At ang nakatataas na pagkasaserdoteng ito ang nangangasiwa ng ebanghelyo at humahawak ng susi ng mga hiwaga ng kaharian, maging ang susi ng kaalaman tungkol sa Diyos. Samakatwid, sa mga ordenansa nito, ang kapangyarihan ng kabanalan ay makikita. At kung wala ang mga ordenansa nito, at ang kapangyarihan ng pagkasaserdote, ang kapangyarihan ng kabanalan ay hindi makikita ng mga tao sa laman; sapagkat kung wala nito walang tao ang makakikita sa mukha ng Diyos, maging ng Ama, at mabubuhay.” [D at T 84:19–22.]
Kapag nababasa natin ang ganitong mga bagay, dapat itong ikagalak ng bawat lalaking mayhawak ng priesthood dahil nasa atin ang dakilang awtoridad na iyan at sa pamamagitan nito ay makikilala natin ang Diyos. Hindi lamang kalalakihang mayhawak ng priesthood ang nakakaalam ng dakilang katotohanang iyan, ngunit dahil sa priesthood at mga ordenansa niyon, bawat miyembro ng Simbahan, kapwa kalalakihan at kababaihan, ay makikilala ang Diyos.30
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Mga Tanong
-
Ano ang matututuhan natin mula sa mga karanasang inilarawan sa “Mula sa Buhay ni Joseph Fielding Smith”? Ano ang mga karanasang ninyong kahalintulad nito?
-
Binanggit ni Pangulong Smith ang kababaihan sa iba’t ibang panahon na gumanap ng mahahalagang responsibilidad sa kaharian ng Diyos (tingnan sa bahagi 1). Sa anong mga paraan ninyo nakitang tumulong ang kababaihan na mapatatag ang kanilang mga pamilya at ang Simbahan?
-
Paano ninyo nakita na ang paglilingkod ng Relief Society ay “napakahalaga sa kapakanan ng Simbahan”? (Tingnan sa bahagi 2.) Sa anong mga paraan nagtutulungan ang kababaihan ng Relief Society at mga mayhawak ng priesthood upang maitayo ang kaharian ng Diyos?
-
Sa anong mga paraan pinangangalagaan ng Relief Society ang espirituwal na kapakanan ng kababaihang Banal sa mga Huling Araw? Sa anong mga paraan ipinapaabot ng kababaihan ng Relief Society ang kanilang impluwensya sa labas ng kanilang organisasyon? (Para sa ilang halimbawa, tingnan sa bahagi 3.)
-
Binigyang-diin ni Pangulong Smith na lahat ng babae at lalaki ay kailangang maunawaan ang mga doktrina ng ebanghelyo, mapalakas ang kanilang patotoo, at tumanggap ng paghahayag (tingnan sa bahagi 4). Sa palagay ninyo bakit mahalaga para sa ating lahat na hangarin ang mga kaloob na ito?
-
Itinuro ni Pangulong Smith na ang mga pagpapala ng priesthood ay “ibinubuhos … sa lahat ng matatapat na kababaihan ng Simbahan” (bahagi 5). Bakit kailangan ng kababaihan ang mga pagpapala ng priesthood para maisagawa ang kanilang mga responsibilidad sa tahanan at sa Simbahan? Anong mga halimbawa ng kababaihang tumatanggap ng mga espirituwal na kaloob ang nakita na ninyo?
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan
Tulong sa Pagtuturo
“Madalas nakatutulong na simulang isipin ang tungkol sa susunod na aralin pagkatapos na pagkatapos na maituro ninyo ang naunang aralin. Marahil ay lubos ninyong mababatid ang tungkol sa inyong mga tinututuruan at ang kanilang mga pangangailangan at interes matapos na matapos na makasama ninyo sila” (Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin [2000], 125).