Kabanata 4
Pagpapatatag at Pangangalaga ng Pamilya
“Kalooban ng Panginoon na patatagin at pangalagaan ang pamilya.”
Mula sa Buhay ni Joseph Fielding Smith
Ipinahayag ni Pangulong Joseph Fielding Smith, “Ang pamilya ang pinakamahalagang organisasyon sa buhay na ito o sa kawalang-hanggan.”1 Itinuro niya ito nang napakalinaw sa kanyang tahanan, na nagpapakita ng halimbawa bilang mapagmahal na asawa, ama, at lolo. Sa kabila ng kaabalahan bilang Apostol, lagi siyang nag-ukol ng panahon sa kanyang pamilya, na “pinupunan ang mga araw na malayo siya sa pamilya sa pamamagitan ng pag-uukol ng mas maraming oras sa kanila kapag nasa bahay siya.”2
Minsa’y may nagtanong sa pangalawang asawa ni Pangulong Smith na si Ethel, “Maaari bang sabihin mo sa amin ang ilang bagay tungkol sa lalaking kilala mo?” Batid na ang tingin ng maraming miyembro ng Simbahan ay masyadong mahigpit ang kanyang asawa, sumagot siya:
“Gusto mong magsabi ako sa iyo tungkol sa lalaking kilala ko. Madalas kong isipin na kapag wala na siya ay sasabihin ng mga tao na, ‘Napakabuti niyang tao, tapat, sinusunod ang tama, atbp.’ Pag-uusapan nila siya ayon sa pagkakilala sa kanya ng publiko; ngunit ang lalaking nasa isip nila ay ibang-iba sa lalaking kilala ko. Ang lalaking kilala ko ay isang mabait at mapagmahal na asawa at ama na ang pinakamithiin sa buhay ay pasayahin ang kanyang pamilya, na kinalilimutan ang sarili para magawa ito. Siya ang lalaking ipinaghehele ang naliligalig na anak hanggang sa makatulog, nagkukuwento sa maliliit naming anak bago sila matulog, hindi kailanman inisip na sobrang pagod o abala na siya sa maraming gawain para magpuyat o gumising nang maaga para tulungan ang nakatatandang mga anak sa mahihirap na gawain sa eskuwela. Kapag maysakit ang isang miyembro ng pamilya ang lalaking kilala ko ay magiliw siyang binabantayan at inaalagaan. Ang kanilang ama ang kanilang tinatawag, nadaramang gagaling sila kapag siya’y katabi nila. Ang kanyang mga kamay ang nagbebenda sa kanilang mga sugat, ang kanyang mga bisig ang nagpapalakas ng loob sa nahihirapan, ang kanyang tinig ang magiliw na nagwawasto kapag nagkakamali sila, hanggang sa maging maligaya silang gawin ang bagay na magpapasaya sa kanya. …
“Ang lalaking kilala ko ay mapagbigay, mapagtiis, maunawain, maalalahanin, maawain, ginagawa ang lahat sa abot ng kanyang makakaya na gawing napakasaya ng buhay para sa kanyang mga minamahal. Iyan ang lalaking kilala ko.”3
Nagbahagi ng ilang halimbawa ng kanyang mga ginawa ang mga anak ni Pangulong Smith upang mapatatag at mapangalagaan ang kanyang pamilya at “gawing napakasaya ng buhay” para sa kanila. Sa isang talambuhay ni Joseph Fielding Smith, isinama ng mga awtor na sina Joseph Fielding Smith Jr. at John J. Stewart ang sumusunod na alaala: “Isang masayang araw para sa kanyang mga anak ang makitang naka-apron ang Dad nila at nagsisimulang gumawa ng maraming pie. Mincemeat ang isa sa mga paborito niya. Gumawa siya ng sariling palaman niyang mincemeat. Pero sinubukan niya ring gumawa ng iba’t ibang klaseng pie: apple, cherry, peach at pumpkin. Ang paggawa niya ng pie ay naging proyekto ng pamilya nang patulungin niya ang maliliit na anak sa paghahanda ng kailangang mga gamit at sangkap. Naging kasabik-sabik at masaya ang oras ng paghihintay dahil sa masarap na amoy ng mga pie na hinuhurno sa malaking oven. Binantayan niyang maigi ang mga pie, kaya hindi ito kinulang o sumobra sa pagkaluto. Samantala’y naghalo naman si Ethel ng sorbetes na gawang-bahay at naghalinhinan ang mga bata sa pagpihit sa ice cream maker.”4
Sinabi ni Douglas A. Smith na “napakaganda ng pagtitinginan” nilang mag-ama. Ikinuwento niya ang mga aktibidad na masaya nilang ginawa nang magkasama: “Nagboboksing kami noon paminsan-minsan, o umaarte kaming nagboboksing. Napakalaki ng paggalang ko sa kanya para patamaan siya at mahal na mahal niya ako para patamaan niya. … Parang kunwa-kunwarian lang na nagboboksing kami. Naglalaro kami ng chess at tuwang-tuwa ako kapag natatalo ko siya. Ngayon kapag naaalala ko iyon palagay ko’y sinadya niya talagang magpatalo.”5
Nagunita ni Amelia Smith McConkie: “Halos masarap ngang magkasakit noon dahil binigyan niya kami ng espesyal na atensyon. … Pinasaya niya kami sa pagpapatugtog ng magandang musika sa lumang Edison phonograph. Para aliwin kami sasayawan din niya ang tugtog o magmamartsa sa buong paligid ng silid, at susubukan pang kumanta. … Binilhan niya kami ng malalaki at matatamis na kahel at umupo sa kama para balatan ito, pagkatapos ay pira-piraso niyang ibinigay iyon sa amin. Kinuwentuhan niya kami tungkol sa kanyang kabataan, o kung paano siya inalagaan ng kanyang ama nang magkasakit siya. Kung hinihingi ng pagkakataon binabasbasan niya kami.”6 Inihayag din ni Amelia ang pamamaraan ng kanyang ama sa pagdidisiplina sa mga anak nito: “Kung kinailangan mang itama ang isa sa amin kapag nagkamali ay aakbayan lang niya kami at titingnan kami nang malungkot sa aming mga mata at sasabihing, ‘Sana magbait ang mga anak ko.’ Hindi mahihigitan ng pamamalo o iba pang pagpaparusa ang bisa nito.”7
Ang pagmamahal at atensyong iniukol ni Pangulong Smith sa kanyang mga anak ay nadama rin ng kanyang mga apo. Ikinuwento ng kanyang apo na si Hoyt W. Brewster Jr. na noong misyonero pa siya sa Netherlands, pinayagan siyang dumalo sa paglalaan ng London England Temple noong 1958. Nang magtipon na sila ng iba pang mga misyonero sa assembly room, nakita siya ng kanyang lolo. Nagunita kalaunan ni Hoyt: “Walang pag-aatubiling tumayo siya sa kanyang upuan at iniunat ang kanyang mga bisig, na sinesenyasan akong lumapit sa kanya. Sa pagkakataong iyon hindi si Joseph Fielding Smith, na Pangulo ng Kapulungan ng Labindalawa ang nakita ko … kundi isang lolo na nakita ang isa sa kanyang pinakamamahal na apo. Agad akong humiwalay sa grupo at tumakbo sa harapan kung saan niyakap at hinagkan niya ako sa harap ng maraming taong nakatipon sa assembly. Para sa akin isa iyon sa pinakasagrado at di-malilimutang mga sandali ng buhay ko.”8
Mga Turo ni Joseph Fielding Smith
1
Ang pamilya ang pinakamahalagang organisasyon sa buhay na ito o sa kawalang-hanggan.
Nais kong ipaalala sa inyo kung gaano kahalaga ang pamilya sa buong plano ng ating Ama sa langit. Katunayan, sadyang umiiral ang organisasyon ng Simbahan upang tulungan ang pamilya at mga miyembro nito na magkamit ng kadakilaan.
Ang pagkakaisa ng pamilya at ang katapatan ng pamilya sa ebanghelyo ay napakahalaga kaya lubhang nakatuon ang pansin ng kalaban sa pagwasak sa mga pamilya sa ating lipunan. Kahit saan ay walang humpay ang pag-atake sa integridad ng pamilya bilang saligan ng kabutihan at karangalan sa buhay. … Ang kaluwagan ng mga batas ukol sa aborsyon sa buong mundo ay pahiwatig ng kawalan ng pagpapahalaga sa kasagraduhan ng buhay. Nagkakawatak-watak ang mga pamilya dahil sa patuloy na paggamit ng ipinagbabawal na gamot at abusong paggamit ng mga iniresetang gamot. Ang di-paggalang ng parami nang paraming kabataan sa awtoridad ay karaniwang nagsisimula sa kawalang-galang at pagsuway sa loob ng mga tahanan. …
Kapag inatake ng mga puwersa ng kasamaan ang tao sa pamamagitan ng paghatak dito palayo sa kanyang pamilya, napakahalagang mapanatili at mapatatag ng mga magulang na Banal sa mga Huling Araw ang pamilya. Maaaring may ilang matatatag na tao na kayang mabuhay nang walang suporta ng pamilya, ngunit karamihan sa atin ay nangangailangan ng pagmamahal, pagtuturo, at pagtanggap ng mga tao na taos-pusong nagmamalasakit.9
May ilang katotohanan noong araw na mananatiling totoo hanggang ang mundo ay mundo, at hindi mababago ng anupamang pag-unlad. Ang isa sa mga ito ay na ang pamilya (ang organisasyong binubuo ng ama, ina, at mga anak) ang pundasyon ng lahat ng bagay sa Simbahan; isa pa, na ang mga kasalanan laban sa dalisay at maayos na buhay-pamilya, higit sa lahat, ang magdaranas sa huli ng mga bunga nito sa mga bansang pinangyayarihan ng mga ito. …
Ang higit na mahalaga kaysa magandang trabaho o yaman ng isang tao ay kung paano pinamamahalaan ang pamilya. Hindi na gaanong mahalaga ang iba pang mga bagay, basta’t may mga tunay na tahanan, at basta’t ginagampanan ng mga bumubuo nito ang kanilang tungkulin sa isa’t isa.10
Walang makakapalit sa mabuting tahanan. Maaaring hindi ganyan ang pananaw ng marami sa mundo, ngunit ganyan at dapat maging ganyan sa Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ang pamilya ang organisasyon sa kaharian ng Diyos.11
Ang pamilya ang pinakamahalagang organisasyon sa buhay na ito o sa kawalang-hanggan. … Kalooban ng Panginoon na patatagin at pangalagaan natin ang pamilya. Nakikiusap kami sa mga ama na gampanan ang kanilang tungkulin bilang padre-de-pamilya. Hinihiling namin sa mga ina na palakasin at suportahan ang kanilang asawa at maging ilaw sa kanilang mga anak.12
Ang ebanghelyo ay nakatuon sa pamilya; kailangan itong ipamuhay sa pamilya. Dito natin natatanggap ang pinakadakila at pinakamahalagang pagsasanay sa pagsisikap nating bumuo ng sarili nating walang-hanggang pamilya alinsunod sa mag-anak ng ating Diyos Ama.13
2
Itinatag ng Panginoon ang pamilya para magpatuloy nang walang hanggan.
Ang kasal, nalaman natin, ay isang walang-hanggang alituntuning inorden bago pa man inilatag ang pundasyon ng mundo at itinatag sa mundong ito bago pa nagkaroon ng kamatayan dito. Ang una nating mga magulang ay inutusang magpakarami at kalatan ang lupa. Natural lamang na ang organisasyon ng pamilya ay nilayon ding maging walang hanggan. Sa planong inihanda para sa mundong ito ang mga batas na namamahala sa selestiyal na daigdig ang naging pundasyon. Ang dakilang gawain at kaluwalhatian ng Panginoon ay “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao.” [Moises 1:39.] Ang tanging paraan para magawa ito ay sa pamamagitan ng kasal at ng pamilya, katunaya’y ito ang walang-hanggang kaayusan sa mga dinakila at maging sa mga daigdig na di-mabilang.14
Ang planong ibinigay sa Ebanghelyo sa pamamahala ng tao sa mundong ito ay kahalintulad ng batas na umiiral sa kaharian ng Diyos. May maiisip ba kayong dalamhati na mas matindi pa kaysa mabuhay sa walang-hanggang daigdig nang hindi kapiling ang inyong ama o ina o mga anak? Ang isiping hindi pamilya ang pinakamahalagang pundasyon ng isang bansa, kung saan hindi magkakakilala ang lahat ng mamamayan at walang likas na pagmamahalang nadarama; at walang ugnayan ng pamilya na nagbibigkis sa mga grupo sa isa’t isa, ay nakakatakot. Isa lang ang kahahantungan ng gayong kalagayan—kawalan ng kaayusan at unti-unting paglaho. Hindi ba makatwiran lamang ang maniwala na totoong umiiral ito sa kaharian ng Diyos? Kung sa kahariang iyan ay walang ugnayan ng pamilya at lahat ng kalalakihan at kababaihan ay “mga anghel” na walang likas na kaugnayan sa isa’t isa, tulad ng paniniwala ng maraming tao, masaya kaya sa lugar na iyon—isang langit?15
Sa templo ng Panginoon, ibinubuklod o ikinakasal ang isang magkasintahan para sa buhay na ito at sa buong kawalang-hanggan. Ang mga anak na isisilang sa pag-iisandibdib na iyan ay magiging mga anak ng ama at inang iyan hindi lamang sa buhay na ito kundi maging sa buong kawalang-hanggan, at sila ay nagiging mga miyembro ng mag-anak ng Diyos sa langit at sa lupa, tulad ng sabi ni Pablo [tingnan sa Mga Taga Efeso 3:14–15], at ang kaayusang iyan ng pamilya ay hindi dapat masira. …
… Ang mga anak na isisilang sa kanila ay may karapatang makapiling ang ama at ina, at ang ama at ina ay may obligasyon sa kanilang Amang Walang Hanggan na maging tapat sa isa’t isa at palakihin ang mga anak na iyon sa liwanag at katotohanan, upang sila, sa darating na mga kawalang-hanggan, ay maging isa—isang pamilya na kabilang sa napakalaking mag-anak ng Diyos.16
Dapat nating alalahanin, bilang mga Banal sa mga Huling Araw, na maliban sa kahariang selestiyal, walang organisasyon ng pamilya [pagkatapos ng kamatayan]. Ang organisasyong iyan ay nakalaan lamang sa mga taong handang tumupad sa bawat tipan at bawat obligasyong iniatas sa ating tanggapin habang nabubuhay tayo sa mundong ito.17
Ang kaharian ng Diyos ay magiging isang malaking pamilya. Tinatawag natin ang ating sarili na magkakapatid. Tunay ngang tayo ay nagiging kapwa tagapagmana ni Jesucristo sa pamamagitan ng ebanghelyo ni Jesucristo [tingnan sa Mga Taga Roma 8:16–17], mga anak na lalaki at anak na babae ng Diyos, at may karapatan sa buong pagpapala ng kanyang kaharian kung tayo ay magsisisi at susunod [sa] mga kautusan.18
Ang pag-asang magkamit ng buhay na walang hanggan, pati na ang pagsasama-samang muli ng mga miyembro ng pamilya sa pagkabuhay na mag-uli, ay naghahatid ng ibayong pagmamahal at pagmamalasakit sa puso para sa bawat miyembro ng pamilya. Taglay ang pag-asang ito, mamahalin ng mga lalaki ang kanilang asawa nang mas matindi at mas dakila; at ang mga babae ay mamahalin din nang gayon ang kanilang asawa. Ang pagmamahal at pagkamaalalahanin ng mga magulang sa kanilang mga anak ay nadaragdagan, sapagkat ang mga anak ay napapamahal sa kanila sa bigkis ng pagmamahal at kaligayahang hindi makakalag.19
3
Pinatatatag at pinangangalagaan natin ang ating pamilya sa pag-uukol natin ng panahon sa isa’t isa, pagmamahalan, at pamumuhay nang sama-sama ayon sa ebanghelyo.
Ang pangunahing tungkulin ng isang tahanan ng mga Banal sa mga Huling Araw ay tiyakin na bawat miyembro ng pamilya ay nagsisikap na lumikha ng kapaligiran at kalagayan na lahat ay maaaring lumago tungo sa pagiging sakdal. Para sa mga magulang, kailangan dito ang paglalaan ng panahon at lakas na higit pa sa simpleng paglalaan ng pisikal na mga pangangailangan ng kanilang mga anak. Para sa mga anak, nangangahulugan ito ng pagkontrol sa likas na ugali ng tao na maging sakim.
Nag-uukol ba kayo ng sapat na panahon para maging masaya ang inyong pamilya at tahanan na tulad ng ginagawa ninyo para malugod sa inyo ang mga tao at umasenso kayo sa trabaho? Inilalaan ba ninyo ang pinakamakabuluhan ninyong pagsisikap sa pinakamahalagang yunit sa lipunan—ang pamilya? O normal lang ang relasyon ninyo sa inyong pamilya, at hindi naman sila gayon kahalaga sa inyong buhay? Kailangan ay handang unahin ng magulang at anak ang responsibilidad nila sa pamilya upang makamtan ang kadakilaan bilang pamilya.20
Ang tahanan … ay parang pagawaan kung saan nabubuo ang pagkatao at ang paraan ng paghubog dito ay nakasalalay sa ugnayang namamagitan sa mga magulang at mga anak. Hindi ito matatawag na tahanan kung hindi mabubuo nang wasto ang mga ugnayang ito. Mabuo man ito nang gayon o hindi ay totoong nakasalalay sa mga magulang at mga anak, ngunit lalo’t higit sa mga magulang. Kailangan nilang gawin ang lahat ng makakaya nila.21
“Ah, lumayo ka nga at tigilan mo ako, huwag mo akong istorbohin,” sabi ng isang nagmamadali at nabubugnot na ina sa kanyang tatlong-taong-gulang na anak na gustong makatulong sa isang gawaing-bahay. … Likas sa normal na bata ang hangaring makatulong at walang karapatang mainis ang mga magulang. Walang mahirap na gawaing-bahay kapag tumutulong ang lahat sa gawain, at sa sama-samang pagsasagawa ng mga tungkuling ito nagmumula ang pinakamatamis na pagsasamang maaaring maranasan.
Kung may masasabi akong isang bagay na sa palagay ko’y pinakamalaking pagkukulang nating mga magulang, ito’y ang magiliw na pag-unawa sa ating mga anak. Makitungo sa mga anak; subaybayan sila. … Alamin ang lahat ng kinahihiligan nila, kaibiganin sila.22
Sinisikap naming ikintal sa isipan ng mga magulang na kailangan pa nilang dagdagan ang atensyon nila sa kanilang mga anak, na higit na magpapadama ng diwa ng ebanghelyo sa kanilang tahanan, kaunti pang pagkakaisa at kaunti pang pananampalataya; kaunti pang espirituwalidad sa mga ama; gayundin sa mga ina; dagdagan ang pagtuturo ng ebanghelyo sa tahanan.23
Sa mga magulang sa Simbahan sinasabi namin: Mahalin nang buong puso ang isa’t isa. Sundin ang batas ng kagandahang-asal at ipamuhay ang ebanghelyo. Palakihin ang inyong mga anak sa liwanag at katotohanan; ituro sa kanila ang nakapagliligtas na mga katotohanan ng ebanghelyo; at gawing langit sa lupa ang inyong tahanan, isang lugar kung saan maaaring manahan ang Espiritu ng Panginoon at maititimo ang kabutihan sa puso ng bawat miyembro ng pamilya.24
Dalangin ko na bigyan tayong lahat ng ating Ama sa Langit ng lakas na maabot ang ating tunay na potensyal. Isinasamo kong manahan ang Kanyang Espiritu sa mga tahanan ng Simbahan, upang magkaroon ng pagmamahalan at pagkakasundo roon. Nawa’y pangalagaan at dakilain ng ating Ama ang ating mga pamilya.25
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Mga Tanong
-
Kapag binasa ninyo ang mga kuwento sa “Mula sa Buhay ni Joseph Fielding Smith,” isipin kung paano magiging gabay sa buhay ninyo ang halimbawa ni Pangulong Smith. Isipin ang mga paraan na personal ninyong mapapatatag ang mga ugnayan ng pamilya.
-
Pagnilayan ang kahalagahan ng pamilya ayon sa nakalahad sa bahagi 1. Ano ang ginagawa ninyo upang mapatibay ang pamilya laban sa masasamang impluwensya ng mundo?
-
Binanggit ni Pangulong Smith ang “pag-asang magkamit ng buhay na walang hanggan, pati na ang pagsasama-samang muli ng mga miyembro ng pamilya sa pagkabuhay na mag-uli” (bahagi 2). Paano naiimpluwensyahan ng pag-asang ito ang pakikitungo ninyo sa mga miyembro ng inyong pamilya?
-
Sa bahagi 3, nagbigay si Pangulong Smith ng tatlong tanong na magpapaunawa sa tunay nating nadarama. Sagutin ang mga tanong na ito sa inyong isipan. Habang binabasa ninyo ang bahaging ito, isipin ang mga pagbabagong magagawa ninyo sa inyong buhay na magpapaganda ng pakiramdam sa inyong tahanan.
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan
Mga Kawikaan 22:6; 1 Nephi 8:37; D at T 88:119; 93:40–50; tingnan din sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo”
Tulong sa Pagtuturo
“Papiliin ang mga kalahok ng isang bahagi [ng kabanata] at ipabasa ito nang tahimik. Anyayahang maggrupo nang dalawahan o tatluhan ang mga taong pipili ng magkakaparehong bahagi at ipatalakay ang natutuhan nila” (mula sa pahina x ng aklat na ito).