Kabanata 7
Joseph at Hyrum Smith, mga Saksi kay Jesucristo
“Inilalakas namin ang aming tinig sa pasasalamat sa buhay at ministeryo ni Propetang Joseph Smith, ng Patriarch na si Hyrum Smith, at ng mga apostol at propeta at matwid na kalalakihan at kababaihang sumalig sa pundasyon na kanilang inilatag.”
Mula sa Buhay ni Joseph Fielding Smith
Mula noong bata pa siya, alam na ni Joseph Fielding Smith na may espesyal na kaugnayan ang kanyang pamilya kay Propetang Joseph Smith. Naging inspirasyon niya ang halimbawa ng kanyang lolong si Hyrum Smith, ang kuya at tapat na kaibigan ni Propetang Joseph. Tapat na naglingkod si Hyrum kasama ng kanyang kapatid bilang isang lider sa Simbahan. Tumulong din siya sa paglalathala ng Aklat ni Mormon at tinawag siya bilang isa sa Walong Saksi ng aklat. Noong Hunyo 27, 1844, pinaslang bilang martir sina Joseph at Hyrum sa Carthage, Illinois, at tinatakan ang kanilang patotoo tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo. “Sa buhay sila ay hindi nagkalayo, at sa kamatayan sila ay hindi pinaghiwalay!” (D at T 135:3).
Hindi nakilala ni Joseph Fielding Smith ang kanyang lolo’t lola Smith kailanman. Matagal nang patay ang kanyang lolo Hyrum bago pa siya ipinanganak. Ang asawa ni Hyrum na si Mary Fielding Smith ay maaga ring namatay. Sinabi ni Joseph Fielding Smith: “Hindi ko nakilala si Lola Smith kailanman. Noon pa man ay pinanghinayangan ko na iyon, dahil isa siya sa pinakamararangal na babaeng nabuhay sa mundo, ngunit nakilala ko ang kanyang mabait na kapatid, ang aking Aunt Mercy Thompson, at noong bata pa ako madalas akong pumunta sa bahay nila at kumandong sa kanya, habang kinukuwentuhan niya ako tungkol kay Propetang Joseph Smith, at, ah, kaylaki ng pasasalamat ko sa karanasang iyon.”1
Natuto rin si Joseph Fielding Smith mula sa halimbawa ng kanyang amang si Joseph F. Smith na personal na kilala si Propetang Joseph Smith. Ito ang sabi ni Joseph Fielding Smith tungkol sa kanyang ama: “Walang bahid ng pagdududa o pag-aalinlangan sa kanyang patotoo. Lalo ko itong nadama nang magsalita siya tungkol sa pagkadiyos ng ating Tagapagligtas o sa misyon ng propetang si Joseph Smith.”2
Ang mga halimbawa at turong ito ang umakay kay Joseph Fielding Smith na magkaroon ng patotoo sa ipinanumbalik na ebanghelyo noong bata pa siya. “Wala akong maalalang sandali na hindi ako naniwala sa misyon ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo ni sa misyon ni Propetang Joseph Smith,”3 sabi niya kalaunan. Nang magturo siya ng ebanghelyo, nagpahayag siya kung minsan ng kanyang patotoo patungkol sa kanyang pamilya: “Mahal ko ba si Propetang Joseph Smith? Oo, tulad ng pagmamahal sa kanya ng aking ama. Mahal ko siya dahil siya ang lingkod ng Diyos at dahil sa ipinanumbalik na ebanghelyo at dahil sa mga pakinabang at pagpapalang napasaakin at sa aking pamilya, at napasainyo at sa inyong pamilya, sa pamamagitan ng mga pagpapalang ipinagkaloob sa lalaking ito at sa mga kasamahan niya.”4
Bagama’t nagpasalamat si Pangulong Smith sa mga turo at pamana ng kanyang pamilya, sarili niya ang kanyang patotoo. Sabi niya, “Noon pa man ay nagpapasalamat na ako sa patotoong napasaakin sa pamamagitan ng Espiritu ng Panginoon na si Joseph Smith, ang Propeta ng Diyos, ay tinawag na mamuno sa Dispensasyon ng Kaganapan ng mga Panahon.”5 Sa isa pang pagkakataon pinatotohanan niya: “Alam ko, sa pamamagitan ng kaloob ng Diyos, na nakita ni Joseph Smith noong 1820 ang Ama at ang Anak; na ipinakilala ng Ama ang kanyang Anak; na nangusap sa kanya ang Anak, tinanong siya kung ano ang gusto niyang malaman, at pinayuhan siya; sinabi sa kanya kung ano ang gagawin, na may pangako na sa huli ay ihahayag ang iba pang kaalaman at ipanunumbalik ang kabuuan ng ebanghelyo, na wala pa noon sa balat ng lupa.” Pagkatapos ay tiniyak niya na lahat ng tao ay makatatanggap ng gayon ding patotoo: “Bawat kaluluwa sa balat ng lupa na naghahangad na malaman ito ay may pribilehiyo, sapagkat bawat kaluluwang magpapakumbaba ng kanyang sarili, at sa matinding pagpapakumbaba at pananampalataya, na may nagsisising espiritu, ay dumudulog sa Panginoon, ay tatanggap ng kaalamang iyan na kasintiyak ng katotohanan na siya ay buhay.”6
Mga Turo ni Joseph Fielding Smith
1
Dalawang paksa ang pinakamahalaga sa kanya: na si Jesucristo ang Anak ng Diyos at na si Joseph Smith ay isang propeta.
Pinag-uugnay natin ang mga pangalan ni Jesucristo at ni Joseph Smith. Si Cristo ang Panginoon; isinagawa niya ang nagbabayad-salang sakripisyo; siya ang pagkabuhay na mag-uli at ang buhay; dahil sa kanya lahat ng tao ay magiging imortal, samantalang lahat ng naniniwala at sumusunod sa kanyang mga batas ay magtatamo rin ng buhay na walang hanggan.
Si Joseph Smith ay isang propeta, na tinawag sa mga huling araw na ito upang tanggapin sa pamamagitan ng paghahayag ang nakapagliligtas na mga katotohanan ng ebanghelyo at magsilbing isang legal na tagapangasiwa, na may kapangyarihan mula sa langit, upang pangasiwaan ang mga ordenansa ng ebanghelyo.
Yamang ang mga katotohanang ito na inihayag sa pamamagitan niya ang ipalalaganap sa bawat bansa bago ang Ikalawang Pagparito, hindi nakapagtataka na sinabi ni Moroni kay Joseph Smith na ang kanyang “pangalan ay makikilala sa kabutihan at kasamaan sa lahat ng bansa, lahi, at wika, o magiging mabuti at masama sa usap-usapan ng lahat ng tao.” [Joseph Smith—Kasaysayan 1:33.]
Ni hindi rin nakapagtataka na malaman natin kalaunan na sinabi ng Panginoon sa Propeta: “Ang mga dulo ng mundo ay magtatanong tungkol sa iyong pangalan, at ang mga hangal ay ilalagay ka sa panunuya, at ang impiyerno ay sisilakbo ang galit laban sa iyo;
“Samantalang ang dalisay ang puso, at ang marurunong, at ang mararangal, at ang malilinis, ay maghahangad ng payo, at kapangyarihan, at mga pagpapala tuwina mula sa iyong kamay.” (D at T 122:1–2.)
Ang mga dulo ng daigdig ay nagsisimula nang magtanong tungkol kay Joseph Smith, at maraming tao sa maraming bansa ang nagagalak sa ebanghelyong ipinanumbalik sa pamamagitan niya.
Sa simula pa ng dispensasyong ito, ang patotoo tungkol kay Jesus, tulad ng inihayag kay Joseph Smith, ay naipangaral na sa Estados Unidos, Canada, Great Britain, sa karamihan ng mga bansa sa Europa, at sa mga pulo ng Pacific.
Nitong mga nakaraang taon nagkaroon ng halos hindi kapani-paniwalang pag-unlad ng gawain sa Mexico, sa mga bansa sa Central America, at sa South America.
At ang Asia [noong 1971] ay tinuturuan na ngayon ng mensahe ng ebanghelyo sa paraang higit pa sa anumang ginawa noong araw. Nagiging matatag na ang Simbahan sa Japan at Korea, sa Taiwan at Hong Kong, at nagsisimula na tayo ng gawaing-misyonero sa Thailand, Singapore, at Indonesia.
At darating ang panahon, sa awa at tulong ng Panginoon, na ang ibang mga bansa, na sarado pa sa mensahe ng katotohanan, ay magbubukas ng kanilang pintuan sa atin, at ang mga elder ng Israel ay papasok doon upang mangaral sa matatapat ang puso sa mga bansang iyon tungkol kay Cristo at sa ebanghelyo ng kanyang kaharian na dumating sa mundo sa panahong ito sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith.7
Si Joseph Smith ang tagapaghayag ng kaalaman tungkol kay Cristo at sa kaligtasan ng mundo para sa panahon at henerasyong ito.8
Dalawang paksa ang laging napakahalaga sa aking isipan. Na si Jesucristo ang Anak ng Diyos, na ipinako sa krus para sa mga kasalanan ng sanlibutan, at na si Joseph Smith ay isang propeta na tinawag at hinirang upang pasimulan ang dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon. Iyan ang aking mensahe sa sanlibutan.9
2
Tinawag ng Panginoon si Joseph Smith na mamuno sa maluwalhating dispensasyong ito.
Si Joseph Smith … ay dumating at sa patnubay ng mga banal na sugo ay inilatag ang pundasyon ng kaharian ng Diyos at ng kagila-gilalas na gawain at himalang ito upang ang daigdig ay maging handa sa pagparito ng Panginoon.10
Alam ko na siya [si Joseph Smith] ay tinawag, hinirang ng ating Ama sa Langit; na tumanggap siya ng paghahayag at patnubay mula sa Anak ng Diyos na magiging kapaki-pakinabang at isang pagpapala sa lahat ng tao kung tatanggapin nila ito.11
Walang alinlangan sa aking isipan na ibinangon ng Panginoon si Propetang Joseph Smith at binigyan siya ng paghahayag, kautusan, binuksan ang kalangitan sa kanya, at tinawag siya upang mamuno sa maluwalhating dispensasyong ito. Lubos akong naniniwala na noong bata pa siya, nagpunta siya sa kakahuyan para magdasal, nakita niya ang Diyos Ama at ang kanyang Anak na si Jesucristo at tumayo siya talaga sa kanilang harapan; walang alinlangan sa aking isipan—alam kong ito ay totoo. Alam ko na kalaunan ay ilang beses siyang dinalaw ni Moroni, tinanggap niya ang Aaronic Priesthood mula kay Juan Bautista, ang Melchizedek Priesthood mula kina Pedro, Santiago, at Juan, at na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay itinatag noong ika-anim ng Abril 1830, sa utos ng langit.12
Sa pagpili ng kinatawang mamumuno rito sa “kagila-gilalas na gawain [na] malapit nang maganap sa mga anak ng tao,” [tingnan sa D at T 4:1] hindi pumili ng isang tao ang Panginoon na aral sa mga karunungan at tradisyon ng mundo. Ang kanyang mga lakad ay hindi mga lakad ng tao, ni ang kanyang mga pag-iisip ay hindi pag-iisip ng tao [tingnan sa Isaias 55:8]. Ang isang taong aral sa mga karunungan ng mundo ay maraming tradisyon at pilosopiya ng tao na naglalayo sa kanya sa katotohanan. Sa kanyang dakilang karunungan pumili ng isang simpleng bata ang Panginoon—isang binatilyong labing-apat na taong gulang. Sa binatilyong ito inihayag ng Panginoon ang kabuuan ng ebanghelyo, na hindi tatanggapin ng mundo dahil sa kawalan ng pananampalataya. Sa maraming taon ng patnubay ng langit—dahil tinuruan siya ng mga sugong nagmula sa kinaroroonan ng Panginoon—ang binatilyong ito, si Joseph Smith, ay inihanda para pamahalaan ang gawain ng panunumbalik ng Ebanghelyo at ang pagtatayo ng Kaharian ng Diyos.13
3
Sinabi ng Panginoon na tatanggapin ng henerasyong ito ang Kanyang salita sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith.
Sa bawat panahon na nasa lupa ang ebanghelyo, kailangan itong ipahayag sa mga propeta ng Panginoon, at kailangan silang tawaging maglingkod bilang mga legal na tagapangasiwa upang maisagawa at mapamahalaan ang pagsasagawa ng mga ordenansa ng kaligtasan para sa kanilang kapwa-tao.
Si Joseph Smith ang propetang tinawag ng Panginoon sa panahong ito upang ipanumbalik ang mga katotohanan ng kaligtasan at tanggapin ang mga susi at kapangyarihang pangasiwaan ang nakapagliligtas na mga katotohanang ito.
Sinabi sa kanya ng Panginoon: “… ang salinlahing ito ay tatanggap ng aking salita sa pamamagitan mo.” (D at T 5:10.) At pagkatapos, sa pagtukoy sa ebanghelyong ipinanumbalik sa pamamagitan ni Joseph Smith, sinabi ng Panginoon: “Ang Ebanghelyong ito ng Kaharian ay ipangangaral sa buong daigdig bilang patotoo sa lahat ng bansa, at pagkatapos ay sasapit ang katapusan, o ang pagkalipol ng masasama.” [Joseph Smith—Mateo 1:31.]14
Sinasabi ko ngayon—
Na si Joseph Smith ang taong kailangang asahan ng lahat ng tao sa panahong ito upang malaman ang katotohanan tungkol kay Cristo at sa kanyang ebanghelyo;
Na sa bandang huli ang pangalan ng propetang ito ay makikilala sa bawat sulok ng daigdig at ng lahat ng tao;
Na ang matatapat ang puso ay tatanggapin siya bilang propeta at sasambahin ang Panginoong kanyang inihayag;
Na ang simbahang kanyang itinatag sa utos ng langit ay umuunlad dahil sinusunod nito ang mga paghahayag na dumating sa pamamagitan niya;
At na lahat ng naniniwala sa mga turo ni Joseph Smith at sumusunod sa kanyang mga turo ay malalaman na si Jesucristo ang Anak ng Diyos na ipinako sa krus para sa mga kasalanan ng sanlibutan.
Tulad ng pagkaalam ko na si Jesus ang Cristo—at iyan ay sa pamamagitan ng paghahayag na nagmula sa Banal na Espiritu—alam ko na si Joseph Smith ay isang propeta ng Diyos noon, ngayon, at magpakailanman. …
Sa diwa ng patotoo at pasasalamat, [ibinabahagi] ko ang inspiradong mga katagang ito mula sa Doktrina at mga Tipan: “Si Joseph Smith, ang Propeta at Tagakita ng Panginoon, ay nakagawa nang higit pa, maliban lamang kay Jesus, para sa kaligtasan ng mga tao sa daigdig na ito, kaysa sa sinumang tao na kailanman ay nabuhay rito.” (D at T 135:3.)15
4
Si Joseph Smith at ang kanyang kapatid na si Hyrum ay magkasama sa buhay at sa kamatayan.
Nagpapasalamat ako sa panunumbalik ng walang-hanggang katotohanan sa huling dispensasyong ito ng ebanghelyo; para sa misyon at ministeryo ni Joseph Smith, ang Propeta, at sa lolo kong si Hyrum Smith, ang Patriarch; at para sa katotohanan na ang mga susi ng kaharian ng Diyos ay muling naipagkaloob sa tao sa lupa.16
“At muli, katotohanang sinasabi ko sa iyo, pinagpala ang aking tagapaglingkod na si Hyrum Smith; sapagkat ako, ang Panginoon, ay minamahal siya dahil sa katapatan ng kanyang puso, at dahil kanyang minamahal yaong tama sa aking harapan, wika ng Panginoon.” [D at T 124:15.]
Sino ang hindi masisiyahang mabigyan ng gayong pagtitiwala at papuring ibinigay sa kanya, na nagmula sa Panginoon? Kasama si Hyrum Smith sa mga unang nabinyagan sa dispensasyong ito. Buong buhay niyang sinuportahan ang kanyang kapatid na si Joseph at pinalakas ito sa pamamagitan ng panghihikayat, pananampalataya at tapat na pagmamahal. Si Hyrum ay isang taong may mapagmahal na puso. Taglay niya ang matinding pagpapakumbaba at minahal ang kanyang kapatid nang higit sa sarili niyang buhay. Nakita ito nang siya ay mamatay na isang martir. Hindi siya takot na ipaglaban ang katotohanan. Tunay ngang “minamahal [niya] yaong tama.”
Si Hyrum Smith ay ipinanganak noong ikasiyam ng Pebrero, 1800, at halos anim na taon ang tanda sa Propeta. Walang karangalang dumating kay Joseph Smith na hindi naging bahagi si Hyrum na nagalak sa lahat ng pagpapalang ipinagkaloob ng Panginoon sa kanyang kapatid. Ganitong uri din ng pagmamahal sa kapatid ang ipinakita ni Propetang Joseph sa kuya niyang si Hyrum. Magkasama silang dumanas ng dalamhati at galak. Pareho silang dumanas ng mga pag-uusig. Pareho silang nakulong sa mga bartolina alang-alang sa Ebanghelyo, at nang dumating ang panahon na tatatakan na nila ang kanilang patotoo, magkasama silang namatay bilang martir. “Sa buhay sila ay hindi nagkalayo, at sa kamatayan sila ay hindi pinaghiwalay.” [D at T 135:3.] …
Ito ang karapat-dapat na papuring nagmula sa Propeta: “Brother Hyrum, napakatapat ng puso mo! Ah, nawa’y putungan ka ng Walang Hanggang Jehova ng mga walang hanggang pagpapala sa iyong uluhan, bilang gantimpala sa pangangalaga mo sa aking kaluluwa! Ah, napakarami nating dinanas na kalungkutan na magkasama; at muli nasumpungan natin ang ating sarili na bilanggo ng malulupit na kamay ng kaaway. Hyrum, masusulat ang pangalan mo sa aklat ng Kautusan ng Panginoon, sa mga taong hahangarin kang makilala, nang sa gayon ay tularan nila ang iyong mga ginawa.”
Muling sinabi ng Propeta: “Dalangin ko sa aking puso na lahat sana ng aking mga kapatid [sa Simbahan] ay tulad ng aking mahal na kapatid na si Hyrum, na nagtataglay ng kahinahunan ng isang tupa, at katapatan ng isang tao na tulad ni Job, at sa madaling salita, ang kaamuan at kababaang-loob ni Cristo at mahal ko siya, pagmamahal na mas matibay kaysa kamatayan, dahil hindi ako nagkaroon ng pagkakataon kailanman na kagalitan siya, o kagalitan niya ako.”17
5
Tinatakan nina Joseph at Hyrum Smith ng kanilang dugo ang kanilang patotoo.
Ang lolo kong si Patriarch Hyrum Smith ay tinawag na hawakan ang mga susi ng dispensasyong ito na kasama ni Propetang Joseph, ang nakababata niyang kapatid. Sinabi ng Panginoon na sa bibig ng dalawang saksi ay papagtibayin ang bawat salita [tingnan sa II Mga Taga Corinto 13:1]. …
Hindi maaaring mag-isa lang si Joseph, dahil hindi sana nagtagumpay ang kanyang gawain, tulad ng pangangailangang pagtibayin ng isa pang saksi ang gawain ng Tagapagligtas, at sino pa ang makapagpapatotoo kay Cristo maliban sa kanyang Ama? [Tingnan sa Juan 8:12–18.] Kaya nga tumawag ng isa pang tao ang Panginoon na makakasama ni Joseph Smith at hahawak ng mga susi ng kaligtasan sa dispensasyong ito bilang saksi na kasama niya. …
… Hindi lamang tinawag si [Hyrum] na maging Patriarch ng Simbahan, na kanyang karapatan bilang panganay, kundi sinabi pa sa kanya ng Panginoon:
“At simula sa oras na ito aking itinatalaga siya na maging isang propeta, at isang tagakita, at isang tagapaghayag sa aking simbahan, gayon din ang aking tagapaglingkod na si Joseph;
“Upang siya ay makakilos nang kaayon din ng aking tagapaglingkod na si Joseph; at nang siya ay makatanggap ng payo mula sa aking tagapaglingkod na si Joseph, na siyang magpapakita sa kanya ng mga susi nang siya ay makapagtanong at makatanggap, at maputungan ng gayon ding pagpapala, at kaluwalhatian, at karangalan, at pagkasaserdote, at mga kaloob ng pagkasaserdote, na minsan ay nailagay sa kanya na aking tagapaglingkod na si Oliver Cowdery;
“Upang ang aking tagapaglingkod na si Hyrum ay makapagtala ng mga bagay na aking ipakikita sa kanya, upang ang kanyang pangalan ay mapasa-marangal na pag-aalaala sa bawat sali’t salinlahi, magpakailanman at walang katapusan.” [D at T 124:94–96.]
Kaakibat ng tungkulin at utos na ito, iginawad ni Propetang Joseph Smith kay Hyrum Smith ang lahat ng susi, awtoridad at kaloob ng priesthood na hawak niya bilang propeta, at dating hawak ni Oliver Cowdery. Ipinahayag din ng Panginoon kay Hyrum Smith ang lahat ng kailangan upang siya ay maging ganap na saksi kasama ng kanyang kapatid na si Joseph, bilang propeta, tagakita, tagapaghayag at pangulo ng Simbahan, at mamuno magpakailanman at walang katapusan sa dispensasyong ito kasama ng kanyang kapatid na si Joseph, na saksi kay Jesucristo.18
Kasama ang kanyang kapatid, ang lolo kong si Patriarch Hyrum Smith, tinatakan niya [ni Joseph Smith] ng kanyang dugo ang kanyang patotoo sa Carthage Jail. At isa ako sa nagnanais na maging kasangkapan sa mga kamay ng Panginoon sa pagpapabatid sa buong mundo na makakamit nang muli ang kaligtasan dahil nagbangon ang Panginoon ng isang dakilang tagakita sa panahong ito upang muling itatag ang kanyang kaharian sa lupa.19
Inilalakas namin ang aming tinig sa pasasalamat sa buhay at ministeryo ni Propetang Joseph Smith, ng Patriarch na si Hyrum Smith, at ng mga apostol at propeta at matwid na kalalakihan at kababaihang sumalig sa pundasyon na kanilang inilatag.20
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Mga Tanong
-
Nagkuwento si Pangulong Smith tungkol sa mga miyembro ng pamilya na tumulong sa kanya noong bata pa siya na mapalakas ang kanyang patotoo tungkol sa misyon ni Joseph Smith (tingnan sa “Mula sa Buhay ni Joseph Fielding Smith”). Ano ang magagawa natin para matulungan ang mga bata na magtamo ng patotoo tungkol sa misyon ni Propetang Joseph Smith?
-
Sa anong mga paraan nagkakaugnay ang mga pangalan nina Jesucristo at Joseph Smith? (Tingnan sa bahagi 1.) Paano nakaimpluwensya ang ministeryo ni Propetang Joseph Smith sa inyong patotoo sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo?
-
Pagnilayan ang mga ipinahayag ni Pangulong Smith tungkol sa pagtawag ng Panginoon kay Joseph Smith sa halip na sa “isang taong aral sa mga karunungan at tradisyon ng mundo” (bahagi 2). Paano makakatulong sa atin ang pagkaunawang ito kapag naramdaman natin na hindi natin magagampanan ang ating mga responsibilidad?
-
Sa bahagi 3, binanggit ni Pangulong Smith ang Doktrina at mga Tipan 5:10 at 135:3. Paano ninyo maipapaliwanag ang mga talatang ito sa isang taong walang alam sa misyon ni Joseph Smith?
-
Ano ang matututuhan ninyo sa pagtitinginan nina Joseph Smith at Hyrum bilang magkapatid? (Tingnan sa bahagi 4.)
-
Ano ang nadarama ninyo kapag iniisip ninyo na tinatakan nina Joseph at Hyrum Smith ng kanilang dugo ang kanilang patotoo? (Tingnan sa bahagi 5.) Sa anong mga paraan natin maigagalang ang kanilang sakripisyo?
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan
Pagsasalin ni Joseph Smith, Genesis 50:30–31; 2 Nephi 3:5–15; D at T 11:11–26; 76:22–24; 135
Tulong sa Pagtuturo
Ang isang paraan para mahikayat ang masigasig na pag-aaral ay makinig na mabuti kapag may nagtatanong o nagbibigay ng puna. “Ang pakikinig ay pagpapahiwatig ng pagmamahal. Madalas itong nangangailangan ng pagpapakasakit. Kapag tunay tayong nakikinig sa iba, madalas na ipinauubaya natin ang nais nating sabihin nang sa gayon ay maipahayag nila ang kanilang mga sarili” (Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin [2000], 82).