Kabanata 20
Pagmamahal at Pagmamalasakit sa Lahat ng Anak ng Ating ama
“Palagay ko kung alam at nauunawaan ng lahat ng tao kung sino sila, at batid nila ang kanilang banal na pinagmulan, … magiging mabait at magkakaunawaan sila sa isa’t isa na magpapabago sa kanilang buong pamumuhay at maghahatid ng kapayapaan sa lupa.”
Mula sa Buhay ni Joseph Fielding Smith
Napuna nina Joseph Fielding Smith Jr. at John J. Stewart na, “Sa maalalahanin at maliliit na bagay sa buhay makikita nang napakalinaw ang tunay na Joseph Fielding Smith.” Pagkatapos ay nagbahagi sila ng tatlong halimbawa ng “maalalahanin at maliliit na bagay” na nagawa niya:
“Isang araw sa isang kumperensya ng simbahan sa Mormon Tabernacle sa Temple Square isang 12-taong-gulang na batang lalaki, na tuwang-tuwang makapunta roon sa unang pagkakataon, ang dumating nang maaga para matiyak na makakaupo siya sa harapan. … Bago nagsimula ang pulong, at nang wala nang maupuan, hiniling ng isang usher sa bata na ibigay na lang ang kanyang upuan sa isang Senador ng Estados Unidos na nahuli ng dating. Buong pagpapakumbabang sumunod ang bata, at tumayo sa pasilyo, na masama ang loob, napahiya, at naluluha.” Si Pangulong Joseph Fielding Smith ay “napansin ang binatilyo at pinaakyat ito [sa pulpito]. Nang sabihin sa kanya ng bata ang nangyari sinabi niya, ‘Walang karapatan ang usher na iyon na gawin iyan sa iyo. Kaya halika, tabi tayo,’ at nagtabi sila sa isang upuan, sa gitna ng mga apostol ng Simbahan.
“Isang araw habang iniinterbyu niya ang isang grupo ng mga kabataang lalaking pupunta sa dalawang-taong misyon para sa Simbahan, napansin [niya] ang isang batang taga-bukid na magmimisyon sa silangang Canada. ‘Iho, malamig doon. May makapal ka bang pangginaw?’ ‘Wala po.’ Itinawid niya ng kalye ang bata papunta sa [isang] department store at binilhan ito ng pinakamakapal na pangginaw na naroon.
“Sa araw na sinang-ayunan siya sa kumperensya bilang pangulo ng Simbahan isang munting batang babae ang nakipagsiksikan pagkatapos ng pulong at inabot ang kanyang kamay. Lubha siyang naantig sa ginawa nito kaya yumuko siya at kinalong ang bata. Nalaman niya na ang pangalan nito ay Venus Hobbs, … na mag-aapat na taong gulang na. Sa araw ng kanyang kaarawan, nakatanggap si Venus ng sorpresang tawag sa telepono: Tumawag nang long distance si Joseph Fielding Smith at ang kanyang asawa para kantahan siya ng ‘Maligayang Kaarawan.’”1
Ang mga pagpapakitang ito ng kabaitan ay hindi lang paminsan-minsan nangyari kundi bahagi na ng habambuhay na pag-uugali. Si Pangulong Smith ay “isang taong malambot ang puso at mahabagin. Ang kanyang buhay ay puno ng paulit-ulit na pagbibigay ng tulong sa nangangailangan, kapanatagan sa pusong-sawi, payo sa nalilito at pagpapakita ng halimbawa ng pag-ibig sa kapwa na siyang ‘dalisay na pag-ibig ni Cristo.’ [Moroni 7:47.]”2
Mga Turo ni Joseph Fielding Smith
1
Sa kaalaman na ang Diyos ang Ama ng lahat ng tao, hangad nating mahalin at pagpalain ang iba.
Palagay ko kung alam at nauunawaan ng lahat ng tao kung sino sila, at batid nila ang kanilang banal na pinagmulan, at ang walang-hanggang potensyal na bahagi ng kanilang pamana, magiging mabait at magkakaunawaan sila sa isa’t isa na magpapabago sa kanilang buong pamumuhay at maghahatid ng kapayapaan sa lupa.”
Naniniwala tayo sa dignidad at banal na pinagmulan ng tao. Ang ating pananampalataya ay nakasalig sa katotohanan na ang Diyos ang ating Ama, at tayo ay kanyang mga anak, at lahat ng tao ay magkakapatid sa iisang walang-hanggang pamilya.
Bilang mga miyembro ng kanyang pamilya, nanirahan tayo sa piling niya bago itinatag ang mundong ito, at inorden at itinakda niya ang plano ng kaligtasan kung saan nagkaroon tayo ng pribilehiyong lumago at umunlad na tulad ng sinisikap nating gawin.
Ang Diyos na ating sinasamba ay isang niluwalhating Nilalang na lubos ang kapangyarihan at kasakdalan, at nilikha niya ang tao sa sarili niyang larawan at wangis, na may mga katangiang taglay niya mismo.
Kaya nga ang ating paniniwala sa karangalan at tadhana ng tao ay mahalagang bahagi kapwa ng ating teolohiya at ng ating pamumuhay. Ito mismo ang batayan ng turo ng ating Panginoon na “ang dakila at pangunang utos” ay: “Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo”; at ang pangalawang dakilang utos ay: “Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.” (Tingnan sa Mat. 22:37–39.)
Dahil ang Diyos ay ating Ama, may likas tayong hangaring mahalin at paglingkuran siya at maging karapat-dapat na mga miyembro ng kanyang pamilya. Obligado tayong gawin ang ipinagagawa niya sa atin, sundin ang kanyang mga utos at mamuhay ayon sa mga pamantayan ng kanyang ebanghelyo—na lahat ay mahahalagang bahagi ng tunay na pagsamba.
At dahil lahat ng tao ay mga kapatid natin, hangad nating mahalin at pagpalain at pakisamahan sila—at tinatanggap din natin na mahalagang bahagi ito ng tunay na pagsamba.
Sa gayon, lahat ng ginagawa natin sa Simbahan ay nakasentro sa banal na utos na mahalin at sambahin natin ang Diyos at paglingkuran ang ating kapwa.
Kung gayon, hindi kataka-takang bilang isang simbahan at bilang isang lahi ay malalim at matibay ang malasakit natin sa kapakanan ng lahat ng anak ng ating Ama. Hinahangad natin ang kanilang temporal at espirituwal na kapakanan pati na ang sa atin. Ipinagdarasal natin sila tulad ng ginagawa natin para sa ating sarili, at sinisikap nating mamuhay upang sila, kapag nakita nila ang ating mabubuting gawa, ay mahikayat na luwalhatiin ang ating Ama na nasa langit. [Tingnan sa Mateo 5:16.]3
2
Habang minamahal at sinusuportahan natin ang isa’t isa sa Simbahan, tayo ay nagiging lakas sa mundo para sa kabutihan.
“Kung ako’y inyong iniibig, ay tutuparin ninyo ang aking mga utos” [Juan 14:15].
Sinabi ito ng Guro sa kanyang mga disipulo ilang oras lamang bago siya namatay, nang tipunin niya sila para makasalo sila sa pagkain sa paskua, at bigyan sila ng huling tagubilin bago siya magdusa para sa mga kasalanan ng mundo. Sa okasyon ding iyon, at bago niya sinabi ito, tinukoy niya rin ang paksang ito, nang sabihin niyang:
“Maliliit na anak, sumasa inyo pa ako ng kaunting panahon. Ako’y inyong hahanapin: at gaya ng sinabi ko sa mga Judio, Sa paroroonan ko, ay hindi kayo mangakaparoon: gayon ang sinasabi ko sa inyo ngayon. Isang bagong utos ang sa inyo’y ibinibigay ko, na kayo’y mangagibigan sa isa’t isa: na kung paanong iniibig ko kayo, ay mangagibigan naman kayo sa isa’t isa.” [Juan 13:33–34.] …
… Hindi lamang tayo magkakaibigan; tayo ay magkakapatid, mga anak ng Diyos, na pumarito sa mundo, tulad ng sinabi ko na, upang makipagtipan, sundin ang kanyang mga batas at tiisin ang lahat ng bagay na ibinibigay sa atin sa pamamagitan ng inspirasyon. Inuutusan tayong mahalin ang isa’t isa. “Isang bagong utos,” sabi ng Panginoon, subalit gaya ng iba pang mga utos ay umiiral na ito noon pa man. Hindi nagkaroon ng pagkakataon kailanman na hindi umiral at hindi naging mahalaga sa kaligtasan ang utos na iyon, gayunman lagi itong bago. Hinding-hindi ito naluluma, dahil ito ay totoo.4
Naniniwala ako na taimtim na tungkulin nating mahalin ang isa’t isa, maniwala sa isa’t isa, manalig sa isa’t isa, na tungkulin nating huwag pansinin ang mga pagkakamali at pagkukulang ng bawat isa, at huwag nang palakihin pa ito sa ating paningin ni sa paningin ng mundo. Dapat ay walang pamimintas, paninirang-puri, pagsasalita ng masama, laban sa isa’t isa, sa Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Dapat ay tapat tayo sa isa’t isa at sa bawat alituntunin ng ating relihiyon at hindi tayo magkainggitan. Hindi tayo dapat magselosan, ni magkagalit, at dapat ay hindi natin madama na huwag patawarin ang kasalanan natin sa isa’t isa. Hindi dapat madama ng mga anak ng Diyos na huwag patawarin ang ibang tao, sinuman siya. …
… Huwag tayong magtanim ng galit sa isa’t isa, kundi magpatawaran at magmahalan tayo na parang magkakapatid. Alalahanin nating lahat ang sarili nating mga pagkukulang at kahinaan at sikapin nating itama ang mga ito. Hindi pa natin naaabot ang kasakdalan, mahirap umasa na magiging sakdal tayo sa buhay na ito, subalit, sa tulong ng Espiritu Santo, posibleng magkaisa tayo na nagkakasundo at nadaraig ang ating mga kasalanan at kamalian. Kung gagawin natin ito, patungkol sa lahat ng utos ng Panginoon, tayo ay magiging lakas sa mundo para sa kabutihan; magagapi at madaraig natin ang lahat ng kasamaan, lahat ng salungat sa katotohanan, at maisasagawa ang kabutihan sa ibabaw ng lupa. Dahil ang Ebanghelyo ay palalaganapin at madarama ng mga tao sa mundo ang impluwensya ng mga mamamayan ng Sion, at mas gugustuhin nilang pagsisihan ang kanilang mga kasalanan at tanggapin ang katotohanan.5
3
Nagpapakita tayo ng pagmamahal sa ating kapwa-tao sa paglilingkod sa kanila.
Ang ating Tagapagligtas ay naparito sa mundo upang turuan tayong magmahalan, at dahil ang dakilang aral na iyon ay nakita sa kanyang matinding pagdurusa at pagkamatay upang tayo ay mabuhay, hindi ba dapat nating ipakita ang pagmamahal sa ating kapwa-tao sa pamamagitan ng paglilingkod sa ngalan nila? …
Ang paglilingkod ay kailangang ibigay sa ngalan ng iba. Kailangan nating tulungan ang mga kapus-palad, mga hindi pa nakarinig sa katotohanan at nasa espirituwal na kadiliman, mga nangangailangan, mga api. Nagkukulang ba kayo? Isipin natin ang mga salita ng makatang si Will L. Thompson. … Ganito ang simula ng tula:
“Ako ba’y may kabutihang nagawa?
Ako ba ay nakatulong na?
Nakapagpasaya,
Nakapagpasigla?
Kundi ay bigong talaga.” [Mga Himno, blg. 135.]6
Ang ating misyon ay sa buong mundo—para sa kapayapaan, at pag-asa, at kaligayahan, at sa temporal at walang-hanggang kaligtasan ng lahat ng anak ng ating Ama. … Taglay ang buo kong lakas na maghikayat hinihimok ko ang mga taong ito na patuloy na tumulong at pagpalain ang buhay ng lahat ng anak ng ating Ama sa lahat ng dako.7
4
Kailangan nating pahalagahan at mahalin ang mga tao kahit sino pa sila.
Noong bata pa ako, may kabayo ako na ang pangalan ay Junie. Isa siya sa mga pinakamatalinong hayop na nakita ko. Para siyang tao sa kakayahan niya. Hindi ko siya mapanatiling nakakulong sa kamalig dahil lagi niyang tinatanggal ang tali sa pintuan ng kanyang kulungan. Dati-rati ay inilalagay ko sa itaas ng poste ang taling nakakonekta sa kalahating pintuan ng kulungan, pero inaangat lang niya ito gamit ang kanyang ilong at mga ngipin. Pagkatapos ay lumalabas siya sa bakuran.
May gripo sa bakuran na ginagagamit para punuin ng tubig ang inuminan ng aming mga hayop. Binubuksan ito ni Junie gamit ang kanyang mga ngipin at iniiwanang tumutulo ang tubig pagkatapos. Nagrereklamo sa akin ang tatay ko dahil hindi ko mapanatili sa kamalig ang kabayong iyon. Hindi siya naglayas kahit kailan; basta binubuksan lang niya ang tubig at pagkatapos ay naglalakad-lakad sa bakuran o sa damuhan o sa hardin. Sa hatinggabi, maririnig kong tumutulo ang tubig at bumabangon ako at isinasara ko iyon at muli kong ikinukulong at kinakandaduhan si Junie.
Sinabi ng tatay ko na mukhang mas matalino ang kabayo kaysa sa akin. Isang araw nagpasiya siyang ikulong ito at kandaduhan para hindi makalabas. Kinuha niya ang tali na karaniwang nakaikot sa itaas ng poste at itinali ito sa poste at sa ilalim ng isang crossbar, at saka sinabing, “Sige nga, tingnan natin kung makalabas ka pa riyan ngayon!” Nilisan namin ng tatay ko ang kamalig at naglakad kami pabalik sa bahay; at bago pa kami nakarating doon, nasa tabi na namin si Junie. Pagkatapos ay nilagpasan niya kami at muling binuksan ang gripo.
Sinabi ko na, siguro naman, kasintalino na siya ngayon ng kahit sino sa amin. Hindi namin talaga mapigilan si Junie sa paglabas sa kanyang kulungan. Ngunit hindi ibig sabihin nito na masama siya, dahil hindi naman. Hindi siya ipagbibili o ipagpapalit ni Itay, dahil napakarami niyang iba pang magagandang katangiang nagpupuno sa maliit na kapintasang ito.
Ang kabayo ay mapagkakatiwalaan at maaasahan sa paghila ng aming buggy na tulad ng pagkasanay niyang lumabas ng kulungan. At mahalaga ito, dahil si Inay ay lisensyadong komadrona. Kapag tinatawag siya para magpaanak sa isang lugar sa lambak, na karaniwan ay sa hatinggabi, kailangan kong magbangon, bitbitin ang ilawan sa kamalig, at isingkaw si Junie sa buggy.
Mga sampu o labing-isang taong gulang lamang ako noon; at kailangan ay maamo ang kabayong iyon ngunit sapat ang lakas para isakay ako at si Inay sa buong lambak, anuman ang klima. Gayunman, ang hindi ko talaga maintindihan ay kung bakit karamihan sa mga sanggol ay isinilang sa gabi at marami sa kanila ang isinilang sa panahon ng taglamig.
Kadalasan ay hinihintay ko sa buggy si Inay, at sa gayong panahon ay masarap makasama ang maamong si tandang Junie. Napakaganda ng karanasang natutuhan ko mula sa kabayong ito, dahil bata pa ay kinailangan ko nang matutong mahalin at pahalagahan siya kahit ano pa siya. Kahanga-hanga siyang kabayo na dadalawa lang ang masamang gawi. Ganyan din ang mga tao. Walang sinuman sa atin ang perpekto; subalit bawat isa sa atin ay nagsisikap na maging perpekto, maging katulad ng ating Ama sa Langit. Kailangan nating pahalagahan at mahalin ang mga tao kahit sino pa sila.
Marahil ay kailangan ninyo itong alalahanin kapag pinagmamasdan ninyo ang inyong mga magulang o mga guro o mga lider ng ward at stake o mga kaibigan—o mga kapatid. Nakintal sa isipan ko ang aral na ito—ang makita ang kabutihan sa mga tao kahit sinisikap nating tulungan silang daigin ang isa o dalawang masasamang gawi. …
Maaga kong natutuhan sa buhay na mahalin at huwag husgahan ang iba, at laging sikaping madaig ang sarili kong mga pagkakamali.8
5
Kapag minahal natin ang Panginoon nang buong puso at ang ating kapwa tulad ng ating sarili, nakaayon tayo sa lahat ng sagradong batas.
“Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo.
“Ito ang dakila at pangunang utos.
“At ang pangalawang katulad ay ito, Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.
“Sa dalawang utos na ito’y nauuwi ang buong kautusan, at ang mga propeta.” (Mateo 22:37–40.)
Sa madaling salita, lahat ng naihayag sa atin para sa kaligtasan ng tao sa simula pa lamang hanggang sa ating panahon ay itinakda, kabilang sa, at bahagi ng dalawang dakilang batas na ito. Kung mahal natin ang Panginoon nang buong puso, buong kaluluwa, at buong pag-iisip, at ang ating kapwa tulad ng ating sarili, wala na tayong iba pang nanaisin. Sa gayon ay masusunod natin ang kabuuan ng sagradong batas. Kung handa tayong mamuhay ayon sa dalawang dakilang utos na ito—at dapat nating gawin ito kalaunan kung karapat-dapat tayong mabuhay sa piling ng Diyos—ang kasamaan, inggit, ambisyon, pag-iimbot, pagpatay, at lahat ng uri ng kasalanan ay maglalaho sa lupa. At sasapit ang araw ng walang-hanggang kapayapaan at kaligayahan. Napakaluwalhating araw niyon! Pinagkalooban tayo ng sapat na dahilan para malaman na lubos na nakasisiya ang gayong kalagayan at patutunayan nito sa mga tao ang Pagka-Ama ng Diyos at ang sakdal na kapatiran ng tao.
… Masasabi ba natin na mahal natin ang Panginoon nang buong kaluluwa? Masasabi ba natin na inaalala natin ang kapakanan ng ating kapwa na tulad ng sa atin?9
Mahalin natin ang Panginoon dahil ito ang pundasyon ng lahat ng bagay. Ang unang utos, at pangalawang utos, na mahalin ang ating kapwa tulad ng ating sarili, ay katulad nito, at kapag nagawa na natin iyan natupad na natin ang batas, dahil walang bagay na maiiwang hindi nagawa.10
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Mga Tanong
-
Isipin ang “maalalahanin at maliliit na bagay” na ginawa ni Pangulong Joseph Fielding Smith para sa iba (tingnan sa “Mula sa Buhay ni Joseph Fielding Smith”). Ano ang magagawa natin para maging huwaran ng gayong kabaitan sa ating buhay?
-
Paano tayo matutulungan ng mga doktrina sa bahagi 1 na maging mabait at mapagmahal sa mga tao sa ating paligid?
-
Ano ang hinangaan ninyo sa payo ni Pangulong Smith sa bahagi 2? Sa palagay ninyo, bakit tayo magiging “lakas sa mundo para sa kabutihan” kapag sinunod natin ang payong ito?
-
Ano ang nagawa ni Jesucristo para “turuan tayong magmahalan”? (Tingnan sa bahagi 3.) Sa paanong paraan natin matutularan ang Kanyang halimbawa?
-
Repasuhin ang kuwento tungkol sa kabayong si Junie (tingnan sa bahagi 4). Sa palagay ninyo, bakit mahalagang “pahalagahan at mahalin ang mga tao kahit sino pa sila”? Ano ang magagawa natin para makita ang kabutihan ng iba kahit sinisikap nating tulungan sila na daigin ang masasama nilang gawi?
-
Ano ang kahulugan sa inyo ng sundin ang mga utos sa Mateo 22:37–40? (Para sa ilang halimbawa, tingnan sa bahagi 5.) Bakit tayo “nakasusunod sa kabuuan ng sagradong batas” kapag sinusunod natin ang mga utos na ito?
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan
Mga Gawa 17:28–29; Mga Taga Roma 8:16–17; 1 Juan 4:18–21; Mosias 2:17; 18:8–10; Moroni 7:45–48
Tulong sa Pagtuturo
Isiping anyayahan ang mga miyembro ng klase na basahin ang mga subheading sa kabanata at pumili ng isang bahaging makabuluhan sa kanila o sa kanilang pamilya. Anyayahan silang pag-aralan ang mga turo ni Pangulong Smith sa bahaging iyon, kabilang na ang kaukulang mga tanong sa dulo ng kabanata. Pagkatapos ay ipabahagi sa mga miyembro ng klase ang natutuhan nila.