Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 12: Ang Sumpa at Tipan ng Priesthood


Kabanata 12

Ang Sumpa at Tipan ng Priesthood

“Ang mga pagpapala ng Panginoon ay ibinibigay sa mga Banal at sa sanlibutan sa pamamagitan ng paglilingkod ng mga mayhawak ng kanyang banal na priesthood, na kumakatawan sa kanya.”

Mula sa Buhay ni Joseph Fielding Smith

Noong Abril 9, 1951, matapos maglingkod nang 41 taon bilang Apostol, si Joseph Fielding Smith ay sinang-ayunan bilang Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol. Hindi nagtagal matapos siyang sang-ayunan, nagsalita si Pangulong Smith sa kongregasyon. Maikli niyang ibinahagi ang kanyang nadarama sa kanyang tungkulin:

“Nauunawaan ko na napakahalaga ng tungkuling ito na ibinigay sa akin. Napapakumbaba ako nito. …

“Pinasasalamatan ko ang Panginoon dahil sa ebanghelyo ni Jesucristo, sa pagiging miyembro ko sa Simbahan, sa pagkakataong dumating sa akin upang makapaglingkod ako. “Isa lamang ang nais ko, sa kabila ng aking kahinaan, at iyan ay ang magampanan kong mabuti sa abot ng aking makakaya ang aking tungkulin.”1

Madalas payuhan ni Pangulong Smith ang mga mayhawak ng priesthood na gampanang mabuti ang kanilang mga tungkulin. Bagama’t hayagan niyang ibinahagi ang kanyang hangaring magampanang mabuti ang kanyang mga tungkulin sa priesthood,2 bihira niyang ikuwento ang mga pagsisikap niyang gawin ito. Gayunman, may isang pagkakataon na ang paglilingkod sa priesthood na ibinigay niya ay pinag-isipan nila ng kaibigan niyang si George F. Richards, na nauna sa kanya na maging Pangulo ng Korum ng Labindalawa:

“Sa loob ng apatnapung taon umupo ako sa kapulungan, dumalo sa mga kumperensya, at naglingkod sa iba’t ibang paraan kasama ni Pangulong George F. Richards. …

“Magkasama kaming naglakbay sa maraming stake ng Sion. Noong mga unang panahong iyon, kami, na mga kapatid sa general authority, ay bumisita nang dala-dalawa sa mga stake ng Sion. Kapag hindi kami nakasakay ng tren, at napakarami naming pupuntahan, karaniwan ay naglakbay kaming sakay ng tinatawag noon na ‘karwahe.’ Ang malalayong biyahe ay nangahulugan ng pagpunta sa dalawang stake, madalas ay sa tatlo o apat.

“Sa mga biyaheng iyon may idinaraos na pulong araw-araw sa pagitan ng mga stake conference sa iba’t ibang lugar, o mga ward, ng mga stake. Ang mga biyaheng iyon ay sa mababatong kalsada, kung minsan ay sa makikitid na daanan, sa makapal na alikabok sa tag-init at sa napakalamig na panahon, kadalasan ay sa makapal na putik o niyebe.”3

Nagbahagi ng isang kabatiran si Elder Francis M. Gibbons, na naglingkod bilang kalihim sa Unang Panguluhan, tungkol sa paraan ng pagganap na mabuti ni Pangulong Smith sa kanyang mga tungkulin sa priesthood: “Kahit alam niyang may awtoridad siya, lagi siyang mapagkumbaba at mahinahon sa paggamit nito. Ang kanyang pagkatao ay hindi kinakitaan ng kayabangan, pagpapaimbabaw, o pagpapaimportante. Hindi siya kailanman nagmagaling, hindi niya kailanman ginamit ang kanyang awtoridad para siya makinabang.”4

Joseph Fielding Smith at Manchester Conference 1971

Si Pangulong Joseph Fielding Smith, habang nagsasalita sa British Area Conference, Agosto 1971. Nakaupo, kaliwa pakanan: Elder Marion G. Romney, Elder Richard L. Evans, at Elder Howard W. Hunter.

Bilang Pangulo ng Simbahan, nagsalita si Joseph Fielding Smith sa limang sesyon ng priesthood sa pangkalahatang kumperensya, na hinihikayat ang kalalakihan na gampanang mabuti ang kanilang mga tungkulin sa priesthood. Ang mga turo sa kabanatang ito ay mula sa apat sa mga mensaheng iyon, na nagbibigay ng espesyal na pagtutuon sa isang mensaheng ibinigay ni Pangulong Smith noong Oktubre 3, 1970. Dahil ang mga sermon ay ibinigay sa mga pulong ng priesthood, ang mga salita sa kabanatang ito ay para sa kalalakihan. Gayunman, ipinauunawa sa mga salitang ito na ang kapangyarihan ng priesthood ay isang malaking pagpapala sa lahat ng miyembro ng Simbahan. Sa isa sa mga sermon, sinabi ni Pangulong Smith: “Sa palagay ko alam nating lahat na ang mga pagpapala ng priesthood ay hindi lamang para sa kalalakihan. Ang mga pagpapalang ito ay ipinagkakaloob din sa ating asawa at mga anak na babae at sa lahat ng matatapat na kababaihan ng Simbahan. Maihahanda ng mabubuting kababaihang ito ang kanilang sarili, sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kautusan at paglilingkod sa Simbahan, para mapagpala ang sambahayan ng Panginoon. Ibinibigay ng Panginoon sa kanyang mga anak na babae ang bawat espirituwal na kaloob at pagpapalang maaaring matamo ng kanyang mga anak na lalaki, sapagkat hindi mabubuhay ang lalaki nang walang babae, ni ang babae nang walang lalaki sa Panginoon [tingnan sa I Mga Taga Corinto 11:11].”5

Mga Turo ni Joseph Fielding Smith

1

Dapat ay malinaw na maunawaan ng kalalakihan ang mga tipang ginagawa nila kapag tumanggap sila ng mga katungkulan sa priesthood.

Nais kong tawagin ang inyong pansin sa sumpa at tipan ng Melchizedek Priesthood. Sa palagay ko kung malinaw nating nauunawaan ang tipang ginagawa natin kapag tumanggap tayo ng mga katungkulan sa priesthood, at ang mga pangakong ibinibigay ng Panginoon kung gagampanan nating mabuti ang ating mga tungkulin, mas mahihikayat tayong gawin ang lahat ng nararapat nating gawin upang magkamit ng buhay na walang hanggan.

Idaragdag ko pa na lahat ng bagay na may kaugnayan dito sa nakatataas na priesthood ay ipinlano at nilayon na ihanda tayong magkamit ng buhay na walang hanggan sa kaharian ng Diyos.

Sa paghahayag tungkol sa priesthood, na ibinigay kay Joseph Smith noong Setyembre 1832, sinabi ng Panginoon na ang Melchizedek Priesthood ay walang hanggan; na pinangangasiwaan nito ang ebanghelyo, matatagpuan sa totoong simbahan sa lahat ng henerasyon, at mayhawak ng mga susi ng kaalaman tungkol sa Diyos. Sinabi niya na pinababanal nito ang mga tao ng Panginoon, upang makita ang mukha ng Diyos, at makapasok sa kapahingahan ng Panginoon, “kung aling kapahingahan ay kaganapan ng kanyang kaluwalhatian.” (Tingnan sa D at T 84:17–24.)

Pagkatapos, sa pagtukoy kapwa sa Aaronic at Melchizedek priesthood, sinabi ng Panginoon: “Sapagkat kung sinuman ang matapat sa pagtatamo ng dalawang pagkasaserdoteng ito na aking sinabi, at ang pagtupad sa kanilang mga tungkulin, ay pababanalin sa pamamagitan ng Espiritu para sa pagpapanibago ng kanilang mga katawan.

“Sila ay magiging mga anak na lalaki ni Moises at ni Aaron at binhi ni Abraham, at ng simbahan at kaharian, at ang hinirang ng Diyos.

“At gayon din lahat sila na tumanggap ng pagkasaserdoteng ito ay tinanggap ako, wika ng Panginoon;

“Sapagkat siya na tumatanggap sa aking mga tagapaglingkod ay tinatanggap ako;

“At siya na tumatanggap sa akin ay tinatanggap ang aking Ama;

“At siya na tumatanggap sa aking Ama ay tinatanggap ang kaharian ng aking Ama; kaya nga lahat ng mayroon ang aking Ama ay ibibigay sa kanya.

“At ito ay alinsunod sa sumpa at tipan na napapaloob sa pagkasaserdote.

“Kaya nga, lahat yaong tumanggap ng pagkasaserdote, ay tumanggap ng sumpa at tipang ito ng aking Ama, na hindi niya masisira, ni matitinag.”

Ang parusa sa paglabag sa tipan at lubusang pagtalikod dito matapos itong matanggap ay ibinigay, kasama ng kautusang ito: “… mag-ingat hinggil sa inyong sarili, na makinig na mabuti sa mga salita ng buhay na walang hanggan.

“Sapagkat kayo ay [mamumuhay ayon] sa bawat salita na magmumula sa bibig ng Diyos.” (D at T 84:33–44.)6

Kayong mga mayhawak ng Aaronic Priesthood ay hindi pa natatanggap ang sumpa at tipang ito na para sa Nakatataas na Priesthood, ngunit kayo ay may dakilang kapangyarihan at awtoridad na ibinigay sa inyo mula sa Panginoon. Ang Aaronic Priesthood ay panimulang priesthood na nagtuturo at nagsasanay sa atin na maging karapat-dapat sa iba pang mga dakilang pagpapalang ito na darating kalaunan.

At kung maglilingkod kayo nang tapat bilang deacon, teacher, at priest, magkakamit kayo ng kaalaman at mga kasanayan at kakayahan na magpapagindapat sa inyo na matanggap ang Melchizedek Priesthood at gampanang mabuti ang inyong tungkulin dito.7

2

Ang mga mayhawak ng priesthood ay nangangakong gampanang mabuti ang kanilang mga tungkulin sa priesthood at mamuhay ayon sa bawat salitang nagmumula sa bibig ng Diyos.

Tulad ng alam nating lahat, ang tipan ay isang kontrata at kasunduan sa pagitan ng di-kukulangin sa dalawang panig. Kung ang pag-uusapan ay mga tipan ng ebanghelyo, ang dalawang panig ay ang Panginoon sa langit at ang mga tao sa lupa. Ang mga tao ay pumapayag na sundin ang mga kautusan at ang Panginoon ay nangangakong gantimpalaan sila alinsunod dito. Ang ebanghelyo mismo ay ang bago at walang-hanggang tipan at kinapapalooban ng lahat ng kasunduan, pangako, at gantimpalang siyang ibinibigay ng Panginoon sa kanyang mga tao.

Kaya kapag tinanggap natin ang Melchizedek Priesthood ginagawa natin ito sa pamamagitan ng tipan. Taimtim tayong nangangakong tanggapin ang priesthood, gampanang mabuti ang ating mga tungkulin dito, at mamuhay ayon sa bawat salitang nagmumula sa bibig ng Diyos. Ang Panginoon naman ay nangangako sa atin na kung tutuparin natin ang tipan, tatanggapin natin ang lahat ng mayroon ang Ama, na siyang buhay na walang hanggan. May maiisip pa ba tayong mas dakila o mas maluwalhating kasunduan kaysa rito?

Kung minsan parang balewala lang kung pag-usapan natin ang pagganap sa ating tungkulin sa priesthood, ngunit ang sinasabi sa paghahayag ay gampanang mabuti ang ating mga tungkulin sa priesthood, bilang mga elder, pitumpu, high priest, patriarch, at apostol.

Ang priesthood na hawak ng tao ay ang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos na ipinagkaloob sa tao sa lupa upang kumilos sa lahat ng bagay sa ikaliligtas ng sangkatauhan. Ang mga katungkulan o tungkulin sa priesthood ay mga atas na maglingkod sa mga tao na isasagawa lalo na ng priesthood. At ang paraan para magampanang mabuti ang mga tungkuling ito ay ang gawin ang gawain na nilayong isagawa ng mga taong may partikular na katungkulang nauukol dito.

Hindi mahalaga kung anong katungkulan ang hawak natin basta’t tayo ay totoo at tapat sa ating mga pananagutan. Ang isang katungkulan ay hindi nakahihigit sa iba, bagama’t sa mga kadahilanang pang-administratibo ang isang mayhawak ng priesthood ay maaaring tawaging pamunuan at pamahalaan ang mga gawain ng iba.

Sinabi ng aking amang si Pangulong Joseph F. Smith: “Walang katungkulan sa priesthood na ito na nakahihigit o maaaring makahigit pa sa priesthood mismo. Sa priesthood nagmumula ang awtoridad at kapangyarihan ng katungkulan. Walang katungkulan na nagbibigay ng awtoridad sa priesthood. Walang katungkulan na nagpapalakas sa kapangyarihan ng priesthood. Ngunit lahat ng katungkulan sa Simbahan ay kumukuha ng kapangyarihan, kabanalan, at awtoridad nito, mula sa priesthood.”

Inuutusan tayong gampanang mabuti ang ating mga tungkulin sa priesthood at gawin ang gawaing kaakibat ng katungkulang tinanggap natin. Kaya nga sinabi ng Panginoon, sa paghahayag tungkol sa priesthood: “Samakatwid, ang bawat tao ay tumayo sa kanyang sariling katungkulan, at gumawa sa kanyang sariling tungkulin; … upang ang katawan ay mapanatiling ganap.” (D at T 84:109–10.)

Ito ang isa sa mga dakilang layuning isinasagawa natin sa programa ng priesthood ng Simbahan, ang ipagawa sa mga elder ang gawain ng mga elder, sa mga pitumpu ang gawain ng mga pitumpu, sa mga high priest ang gawain ng mga high priest, at marami pang iba, upang magampanang mabuti ng lahat ng mayhawak ng priesthood ang sarili nilang tungkulin at makamtan ang saganang mga pagpapalang ipinangako sa paggawa nito.8

Tayo ay mga kinatawan ng Panginoong Jesucristo. Tayo ay inatasang maging kinatawan niya. Inutusan tayong ipangaral ang kanyang ebanghelyo, isagawa ang mga ordenansa ng kaligtasan, pagpalain ang sangkatauhan, pagalingin ang maysakit at marahil ay magsagawa ng mga himala, gawin ang kanyang gagawin kung siya ay naririto—at lahat ng ito ay dahil hawak natin ang banal na priesthood.

Bilang mga kinatawan ng Panginoon tayo ay saklaw ng kanyang batas na gawin ang nais niyang ipagawa sa atin anuman ang personal na saloobin o nais ng mundo. Tayo sa ating sarili ay walang mensahe ng kaligtasan, walang doktrinang kailangang tanggapin, walang kapangyarihang magbinyag o mag-orden o magkasal para sa kawalang-hanggan. Lahat ng bagay na ito ay nagmumula sa Panginoon, at anuman ang gawin natin na may kaugnayan sa mga ito ay bunga ng awtoridad na ipinagkaloob sa atin.9

3

Ang pangakong kadakilaan ay ipagkakaloob sa bawat mayhawak ng Melchizedek Priesthood na tapat sa sumpa at tipan ng priesthood.

Ngayon magsasalita ako tungkol sa sumpang kaakibat ng pagtanggap ng Melchizedek Priesthood.

Pangangako nang may panunumpa ang pinakataimtim at pinakamatibay na pananalitang masasambit ng tao; at ito ang uri ng pananalitang pinili ng Ama na gamitin sa dakilang propesiya tungkol sa Mesiyas na si Cristo at sa priesthood. Sinabi nito tungkol sa kanya: “Sumumpa ang Panginoon, at hindi magsisisi, Ikaw ay saserdote magpakailan man ayon sa pagkasaserdote ni Melchisedech.” (Mga Awit 110:4.)

Nang ipaliwanag ni Pablo ang propesiyang ito tungkol sa Mesiyas, sinabi niya na si Jesus ay “may pagkasaserdote[ng] di mapapalitan,” at na dito nagmula ang “kapangyarihan ng isang buhay na walang katapusan.” (Tingnan sa Mga Hebreo 7:24, 16.) Sinabi ni Joseph Smith na “lahat ng yaong inordenan sa pagkasaserdoteng ito ay ginagawang katulad ng Anak ng Diyos, mananatiling saserdote magpakailanman,” ibig sabihin, kung sila ay tapat at totoo [tingnan sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Sa Mga Hebreo 7:3].

Kaya nga si Cristo ang pinakadakilang huwaran sa lahat ng may kaugnayan sa priesthood, tulad ng binyag at lahat ng iba pang bagay. Kaya nga, tulad ng Ama na sumumpang mamanahin ng kanyang Anak ang lahat ng bagay sa pamamagitan ng priesthood, sumumpa siya na tayong lahat na ginagampanang mabuti ang ating mga tungkulin sa priesthood na iyon ay tatanggapin ang lahat ng mayroon ang Ama.

Ito ang pangakong kadakilaan na ipagkakaloob sa bawat lalaking mayhawak ng Melchizedek Priesthood, ngunit ito ay isang pangakong may kundisyon, isang pangakong batay sa pagganap natin sa ating mga tungkulin sa priesthood at sa pamumuhay ayon sa bawat salitang nagmumula sa bibig ng Diyos.

Napakalinaw na wala nang mas maluwalhating mga pangakong nagawa o magagawa na hihigit pa sa mga dumating sa atin nang tanggapin natin ang pribilehiyo at akuin ang responsibilidad na hawakan ang banal na priesthood at maging mga lingkod ni Cristo.

Ang Aaronic Priesthood ay panimulang priesthood na nagpapagindapat sa atin na gumawa ng tipan at matanggap ang sumpang kaakibat ng nakatataas na priesthood na ito.10

4

Ang mga pagpapala ng Panginoon ay ibinibigay sa lahat ng tao sa pamamagitan ng paglilingkod ng mga mayhawak ng Kanyang banal na priesthood.

Walang bagay sa buong daigdig ito na mahalaga sa bawat isa sa atin na tulad ng pag-uuna sa mga bagay na nauukol sa kaharian ng Diyos, pagsunod sa mga kautusan, pagganap sa ating mga tungkulin sa priesthood, pagpunta sa bahay ng Panginoon at mapagkalooban ng buong pagpapala ng kaharian ng ating Ama.11

Two Fijian men administering to a young girl lying in a bed.

“Ang priesthood … ay ang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos na ipinagkaloob sa tao sa lupa upang kumilos sa lahat ng bagay sa ikaliligtas ng sangkatauhan.”

Ang mga pagpapala ng Panginoon ay ibinibigay sa mga Banal at sa sanlibutan sa pamamagitan ng paglilingkod ng mga mayhawak ng kanyang banal na priesthood, na kumakatawan sa kanya, na sa katunayan ay mga lingkod at kinatawan niya at handang maglingkod sa kanya at sundin ang kanyang mga kautusan.12

Dalangin ko na lahat tayo na tinawag na maging kinatawan ng Panginoon at mayhawak ng kanyang awtoridad ay maalaala kung sino tayo at kumilos nang naaayon dito.

… Buong buhay kong sinikap na gampanang mabuti ang aking tungkulin sa priesthood at sana’y makapagtitiis ako hanggang wakas at matamasa ko ang pakikipagkapatiran ng matatapat na banal sa buhay na darating.13

Hangad kong basbasan ang mga tao, kapwa matanda at bata, na ginagampanang mabuti ang kanilang mga tungkulin sa priesthood, at hilingin sa Panginoon na ibuhos sa kanila ang mabubuting bagay ng kanyang Espiritu sa buhay na ito at tiyaking mabigyan sila ng mga yaman ng kawalang-hanggan sa buhay na darating. …

Napakasarap malaman na ipinagkaloob ng Panginoon sa bawat isa sa atin ang kabuuan ng priesthood, at ipinangako sa atin na kung tatanggapin natin ang priesthood na ito at gagampanang mabuti ang ating mga tungkulin, makakamtan natin ang walang-hanggang pamana kasama niya sa kanyang kaharian!14

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Mga Tanong

  • Itinuro ni Pangulong Smith na sa pamamagitan ng priesthood, “ibinibigay ng Panginoon sa kanyang mga anak na babae ang bawat espirituwal na kaloob at pagpapala na maaaring matamo ng kanyang mga anak na lalaki” (“Mula sa Buhay ni Joseph Fielding Smith”). Ano ang naiisip ninyo habang pinagninilayan ninyo ang pahayag na ito?

  • Sinabi ni Pangulong Smith na mas mahihikayat ang mga mayhawak ng priesthood na masigasig na pagsumikapang makamit ang buhay na walang hanggan kapag naunawaan nila ang kanilang mga tipan at ang mga pangako ng Panginoon (tingnan sa bahagi 1). Gaano ito katotoo sa lahat ng miyembro ng Simbahan?

  • Paano naiiba ang paliwanag ni Pangulong Smith tungkol sa pagganap sa isang tungkulin (tingnan sa bahagi 2) sa iba pang mga gamit ng salitang gampanan? Paano kayo napagpala sa pamamagitan ng paglilingkod ng mga miyembro ng Simbahan na nagampanang mabuti ang kanilang mga tungkulin?

  • Itinuro ni Pangulong Smith na, “si Cristo ang pinakadakilang huwaran sa lahat ng bagay na may kaugnayan sa priesthood” (bahagi 3). Ano ang magagawa natin para masundan ang halimbawa ni Jesucristo sa paglilingkod natin sa ating kapwa?

  • Sa bahagi 4, repasuhin ang sinabi ni Pangulong Smith tungkol sa mga pagpapalang laan ng templo. Paano matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na maghanda para sa mga pagpapala ng priesthood na makakamtan sa templo?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan

Sa mga Hebreo 5:4; Alma 13:1–2, 6; D at T 20:38–60; 84:19–22; 107:99–100; Mga Saligan ng Pananampalataya 1:5

Tulong sa Pagtuturo

“Ang isang mahusay na guro ay hindi nag-iisip ng, ‘Ano ang gagawin ko ngayon sa klase?’ kundi nagtatanong ng, ‘Ano ang gagawin ng estudyante ko sa klase ngayon?’; hindi, ‘Ano ang ituturo ko ngayon?’ kundi,‘Paano ko matutulungan ang mga estudyante ko na matuklasan ang kailangan nilang malaman?’” (Virginia H. Pearce, “The Ordinary Classroom—A Powerful Place for Steady and Continued Growth,” Ensign, Nob. 1992, 12; tingnan din sa Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin [2000], 76).

Mga Tala

  1. Sa Conference Report, Abr. 1951, 152.

  2. Tingnan sa Conference Report, Abr. 1951, 152; Conference Report, Okt. 1970, 92.

  3. “President George F. Richards: A Tribute,” Relief Society Magazine, Okt. 1950, 661.

  4. Francis M. Gibbons, Joseph Fielding Smith: Gospel Scholar, Prophet of God (1992), 352.

  5. Sa Conference Report, Abr. 1970, 59.

  6. Sa Conference Report, Okt. 1970, 90–91.

  7. Sa Conference Report, Abr. 1970, 59.

  8. Sa Conference Report, Okt. 1970, 91–92; tingnan din sa Joseph F. Smith, sa Conference Report, Okt. 1903, 87.

  9. “Our Responsibilities as Priesthood Holders,” Ensign, Hunyo 1971, 49.

  10. Sa Conference Report, Okt. 1970, 92.

  11. Sa Conference Report, Abr. 1970, 59.

  12. “Blessings of the Priesthood,” Ensign, Dis. 1971, 98.

  13. Sa Conference Report, Okt. 1970, 92.

  14. Sa Conference Report, Abr. 1970, 58.