Kabanata 23
Responsibilidad ng Bawat Tao
“Inaasahan namin na matututuhan ng ating mga miyembro sa lahat ng dako ang mga wastong alituntunin at pamamahalaan ang kanilang sarili.”
Mula sa Buhay ni Joseph Fielding Smith
Isang araw ay naglalakad si Brother D. Arthur Haycock papuntang Church Administration Building nang makita niyang binubuksan ni Pangulong Joseph Fielding Smith ang pinto sa gilid ng gusali. Dahil kailangan niyang makapasok sa gusali, kung saan siya nagtatrabaho bilang kalihim sa Korum ng Labindalawang Apostol, si Brother Haycock ay “nagmadaling umakyat ng hagdan, nang dala-dalawa o tatlu-tatlong baitang, para maipasok ang kanyang paa sa pintuan bago ito magsara. Muntik na siyang hindi makapasok. Nang makapasok na siya sa loob ng gusali nagmadali siya ulit para maabutan si Pangulong Smith sa paglalakad papuntang elevator. Sinabi niya rito, ‘Sana suwertihin akong makasiksik papasok sa langit sa pintuang bubuksan ninyo.’” Noong una’y hindi sumagot si Pangulong Smith, at nag-alala si Brother Haycock na baka sa pagtatangka niyang magpatawa, may nasabi siyang mali. Ngunit “nang makarating sila sa elevator sinabi ni Pangulong Smith, na may kislap sa kanyang mata, ‘Brother, huwag na huwag mong asahan ‘yan!’”1
Sa mga sermon at pagkilos, paulit-ulit na itinuro ni Pangulong Smith ang alituntuning ibinahagi niya kay Brother Haycock: Binigyang-diin niya na bagama’t dapat magsumigasig ang mga Banal sa mga Huling Araw na tulungan ang iba na matanggap ang mga pagpapala ng ebanghelyo, ang kaligtasan ay sariling responsibilidad ng bawat tao. Hinikayat din niya ang mga Banal na umasa sa sarili at magsipag sa temporal nilang mga gawain. “Ganyan ang buhay,” wika niya, “paunlarin ang ating potensyal, at disiplinahin ang sarili.”2
Natutong magtrabaho si Joseph Fielding Smith noong bata pa siya. Madalas ay wala sa bahay ang kanyang ama, kaya’t “halos buong pagkabata ay ginugol niya sa paggawa ng trabaho ng isang matanda.” Katunayan, napakasipag niya kaya’t “hindi sinasadyang namana niya ang isang trabaho nang mas maaga kaysa kailangan, noong palihim niyang ginatasan ang isa sa mga baka ng pamilya, nang may pagmamalaking karaniwan sa mga batang lalaki, para patunayan na kaya niyang gawin ito, at dahil dito ay naging permanenteng trabaho na niya iyon.”3
Ang kahandaan niyang magtrabaho ay nagpatuloy nang mag-full-time mission siya sa England. Isinulat sa kanya ng kanyang asawang si Louie ang sumusunod habang naroon siya: “Alam ko na mahal mo ang iyong tungkulin nang higit kaysa kasiyahan kaya naman mahal na mahal kita at may tiwala ako sa iyo at pakiramdam ko’y parang halos perpekto ka na.”4 Bukod pa sa pagtupad sa kanyang tungkulin na ituro ang ebanghelyo sa iba, masigasig niyang pinag-aralan mismo ang ebanghelyo. Sa isang liham na ipinadala niya sa kanyang pamilya, ikinuwento niya ang mga pagsisikap niyang isaulo ang isang talata sa banal na kasulatan: “Buong araw kong sinikap na isaulo ang isang talata sa banal na kasulatan at hindi ko pa rin ito naisasaulo. Ngunit determinado akong matutuhan ito bago matapos ang misyon ko.”5
Itinuro ni Pangulong Smith sa kanyang mga anak ang ugali niyang ito sa trabaho. Sabi niya sa kanila: “Namamatay ang mga tao na nakahiga sa kama. At gayon din ang ambisyon.” Nasasaisip ang alituntuning ito, tiniyak nilang mag-asawa na nakabangon nang maaga ang kanilang mga anak tuwing umaga at ginawa nila ang kanilang bahagi para mapanatiling malinis at maayos ang bahay nila. “Parang masama para kay Itay na nakahiga pa kami nang lampas ng alas-sais ng umaga,” paggunita ng isa sa kanyang mga anak na lalaki. “Siyempre minsan ko lang ito sinubukan. Tiniyak ni Itay na hindi na iyon maulit.”6 Tumulong din si Pangulong Smith sa bahay. Noong bagong kasal sila ni Louie, ginawa niya ang lahat ng kaya niyang gawin sa pagtatayo ng una nilang tahanan. Makalipas ang ilang taon, siya mismo ang gumawa ng halos lahat ng kukumpunihin sa bahay, tumutulong siya sa kusina, at tumulong sa pamimitas ng prutas sa panahon at pagpepreserba nito sa mga bote.7
Si Brother Haycock, ang lalaki ring iyon na minsa’y nagmadaling sundan si Pangulong Smith papasok sa Church Administration Building, ay naging personal na kalihim sa limang Pangulo ng Simbahan kalaunan, kabilang na kay Pangulong Smith. Sa ganitong pagkakalapit, nakita niya ang patuloy na pagsisikap ni Pangulong Smith na mapaunlad ang sariling espirituwalidad. Sinabi niya na madalas siyang pumasok sa opisina ni Pangulong Smith at nakita niya roon ang propeta na nag-aaral ng mga banal na kasulatan o nagbabasa ng iba pang aklat.8
Mga Turo ni Joseph Fielding Smith
1
Inaasahan ng Panginoon na magiging masigasig tayo sa paghahanap ng temporal at espirituwal na mga pagpapala.
Sinabi ng Panginoon kay [Adan]: “Sa pawis ng iyong mukha ay kakain ka ng tinapay” [Genesis 3:19; tingnan din sa Moises 4:25], at sa lahat ng panahon iniutos ng Panginoon sa kanyang mga tao na maging masigasig, na paglingkuran siya nang buong katapatan, na magtrabaho. …
Sa mga unang panahon ng Simbahan sa mga lambak na ito [sa Utah], binigyang-diin ni Pangulong Brigham Young at ng iba pang mga kapatid ang kasipagan, at kinailangan ito dahil dumating dito ang ating mga ninuno na walang-wala. Kinailangan nilang magtrabaho. Kinailangan nilang magsipag. Mahalagang sila ang gumawa ng mga bagay na kailangan nila, kaya nga pinayuhan sila palagi hinggil doon at para mangyari iyon na dapat silang magpakasipag. Tinuruan sila na huwag maging palalo sa kanilang puso. Dumating sila sa lugar na ito kung saan nila masasamba ang Panginoon nilang Diyos at masusunod ang kanyang mga utos. Inutusan silang maging mapagkumbaba at masigasig. … Ah, sana’y maalala natin iyan. Nalulungkot ako na nakalimot na tayo. …
… Sabi ng Panginoon, “Huwag kayong maging tamad; sapagkat siya na tamad ay hindi makakakain ng tinapay ni makapagsusuot ng kasuotan ng manggagawa.” [D at T 42:42.] Magandang katwiran iyan, hindi ba? Bakit makikibahagi ang isang taong tamad sa kasipagan ng masipag—samantalang ang tamad na taong ito ay malakas ang katawan at kayang magtrabaho? Talagang hindi ako sang-ayon sa anumang uri ng kilusan na sumisira sa pagkalalaki sa paghimok sa mga lalaki na maging tamad, at wala akong pakialam kung ilang taon pa siya. Hindi mahalaga kung gaano na siya katanda, kung malakas pa ang katawan ng isang lalaki at kaya pang magtrabaho, dapat niyang pangalagaan ang kanyang sarili; iyan ang inaasahan ng Panginoon na gagawin niya.
Sabi ng Panginoon sa isa pang paghahayag:
“At muli, katotohanang sinasabi ko sa inyo, na bawat lalaki na may tungkulin na maglaan para sa kanyang sariling mag-anak, siya ay maglaan, at hindi mawawala sa kanya ang kanyang putong; at gumawa siya sa Simbahan. Maging masigasig ang bawat tao sa lahat ng bagay. At ang tamad ay hindi magkakaroon ng lugar sa Simbahan, maliban na siya ay magsisi at iwasto ang kanyang mga gawi.” [D at T 75:28–29.]
Kaya iyan ang ipinayo ng Panginoon sa Simbahan sa panahong ito. At hindi lamang ito dapat iangkop sa pag-aaro sa bukid, o paggapas at pag-ani at pagtatrabaho sa industriya, kundi ang ibig ding sabihin nito ay dapat maging masigasig ang isang tao sa mga bagay na espirituwal at maging sa mga bagay na temporal na siya niyang ikinabubuhay.9
Narito tayo para sa isang dakilang layunin. Ang layuning iyan ay hindi ang mabuhay nang 100 taon, o wala pa, at taniman ang ating bukid, anihin ang ating mga pananim, mamitas ng mga prutas, manirahan sa mga bahay, at paligiran ang ating sarili ng mga pangangailangan sa buhay na ito. Hindi iyan ang layunin ng buhay. Ang mga bagay na ito ay mahalaga para tayo mabuhay sa mundong ito, at iyan ang dahilan kaya tayo dapat magpakasipag. Ngunit ilang lalaki ang gumugugol ng kanilang oras sa pag-iisip na ang tanging layunin ng buhay ay mag-ipon ng mga bagay ng mundong ito, mabuhay nang komportable, at paligiran ang kanilang sarili ng lahat ng karangyaan, at pribilehiyo, at kasiyahan na posibleng makamtan sa buhay na ito, at wala nang iba pang iniisip?
Lahat ng ito ay pansamantalang mga pagpapala lamang. Kumakain tayo para mabuhay. Nagdadamit tayo para hindi tayo ginawin at matakpan ang ating katawan. May mga bahay tayong tinitirhan para maging komportable tayo at maginhawa, ngunit dapat nating ituring na pansamantala lamang ang lahat ng pagpapalang ito na kailangan natin habang buhay tayo. At iyan lang ang kabutihan ng mga iyan sa atin. Hindi natin madadala ang alinman sa mga iyan kapag pumanaw tayo. Ang ginto, pilak at mga mamahaling bato, na tinatawag na kayamanan, ay walang halaga sa tao maliban lamang sa katotohanan na magagamit niya ang mga ito para mapangalagaan ang kanyang sarili at matugunan ang kanyang mga pangangailangan sa buhay na ito.10
Ang Panginoon … ay umaasa na magtatamo tayo ng kaalaman tungkol sa mga bagay na temporal upang mapangalagaan nating pansamantala ang ating sarili; para mapaglingkuran natin ang ating kapwa; at para maihatid natin ang mensahe ng ebanghelyo sa iba pa niyang mga anak sa buong mundo.11
Ang layunin ng pagparito natin ay para gawin ang kalooban ng Ama tulad ng ginagawa sa langit, gumawa ng kabutihan sa lupa, supilin ang kasamaan at magwagi laban dito, talunin ang kasalanan at ang kaaway ng ating kaluluwa, paglabanan ang mga kakulangan at kahinaan ng abang at makasalanang sangkatauhan, sa pamamagitan ng inspirasyon ng Panginoon at sa kanyang naipakitang kapangyarihan, at sa gayon ay maging mga banal at lingkod ng Panginoon sa mundo.12
2
Sa huli ay tayo ang mananagot sa Panginoon sa pagtupad sa ating tungkulin.
Kumikilos tayo ayon sa ating pananampalataya at budhi; hindi kayo mananagot sa akin, ni sa Panguluhan ng Simbahan, kundi sa Panginoon. Hindi ako mananagot sa mga tao hinggil sa aking ikapu—sa Panginoon ako mananagot; ang tinutukoy ko ay ang sarili kong pag-uugali sa Simbahan at pagsunod ko sa iba pang mga batas at tuntunin ng Simbahan. Kung hindi ko susundin ang mga batas ng Simbahan, mananagot ako sa Panginoon at kailangan kong magpaliwanag sa kanya, kalaunan, sa pagkaligta ko sa aking tungkulin, at maaari akong managot sa mga miyembro ng Simbahan dahil kabilang ako rito. Kung gagawin ko ang aking tungkulin, ayon sa pagkaunawa ko sa mga ipinagagawa ng Panginoon sa akin, kailangan ay malinis ang konsiyensya ko. Kailangang mapanatag ang aking kaluluwa na nagawa ko ang aking tungkulin ayon sa pagkaunawa ko rito, at tatanggapin ko ang mga ibubunga nito. Sa akin, kami lang ng Panginoon ang nakakaalam; gayon din ito sa bawat isa sa atin.
Siya na nagsugo sa kanyang Bugtong na Anak sa daigdig, upang isakatuparan ang misyon na kanyang ginawa, ay nagsugo rin sa bawat kaluluwa na nakikinig sa aking tinig, at sa katunayan sa bawat babae at lalaki sa daigdig, upang isagawa ang isang misyon, at ang misyong iyan ay hindi maisasagawa sa kapabayaan, ni sa kawalan ng pagpapahalaga, ni hindi ito maisasagawa sa kamangmangan.
Dapat nating malaman ang pananagutan natin sa Panginoon at sa bawat isa; ang mga bagay na ito ay mahalaga, at hindi tayo maaaring umunlad sa mga bagay na espirituwal, hindi tayo maaaring umunlad sa kaalaman tungkol sa Panginoon o sa karunungan, nang hindi itinutuon nang lubusan ang ating pag-iisip at lakas tungo sa ating ikabubuti, tungo sa ikauunlad ng ating sariling karunungan at kaalaman sa mga bagay na ukol sa Panginoon.13
Napakadali para sa sangkatuhan na sisihin ang iba sa nagawa nilang mga pagkakamali, at napakadali para sa atin, dahil sa likas nating pag-uugali, na magmagaling kapag ang isang bagay na nagawa ay kasiya-siya at kapaki-pakinabang. Ngunit ayaw nating panagutan kailanman ang ating mga pagkakamali na hindi nakasisiya, at pinipilit nating ipaako ang pananagutang iyan sa iba. … Tanggapin natin ang sarili nating mga responsibilidad, at huwag nating piliting ipaako ito sa iba.14
3
Binigyan tayo ng Diyos ng kalayaan at inaasahan niya na gagawin natin ang lahat ng ating makakaya para sa ating sarili.
Ang kalayaan [ay] ang dakilang kaloob ng Panginoon na ibinigay sa bawat tao upang kumilos para sa kanyang sarili, gumawa ng sarili niyang pagpapasiya, maging kinatawan ng kanyang sarili na may kakayahang maniwala at tanggapin ang katotohanan at magtamo ng buhay na walang hanggan o tanggihan ang katotohanan at pagdusahan ito. Ito ay isa sa pinakadakilang mga kaloob ng Diyos. Ano ang mangyayari sa atin kung wala ito, kung pinilit tayo tulad ilang tao na gustong pilitin ang kanilang kapwa na gawin ang kanilang kagustuhan? Hindi magkakaroon ng kaligtasan; hindi magagantimpalaan ang kabutihan; walang mapaparusahan sa kawalan ng pananampalataya dahil hindi mananagot ang mga tao sa harapan ng Lumikha sa kanila.15
Tinanong si Joseph Smith kung paano niya pinamahalaan ang napakarami at iba’t ibang tao na tulad ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sabi niya: “Tinuturuan ko sila ng mga wastong alituntunin, at pinamamahalaan nila ang kanilang sarili.”
Ito ang alituntuning ginagamit natin sa pamamahala sa Simbahan. Inaasahan natin na matututuhan ng ating mga miyembro sa lahat ng dako ang mga wastong alituntunin at pamamahalaan ang kanilang sarili.16
Ang dakilang kaloob na ito na kalayaan, na pribilehiyong ibinigay sa tao para gumawa ng sarili niyang pasiya, ay hindi kailanman inalis, at hindi kailanman aalisin. Ito ay isang walang-hanggang alituntunin na nagbibigay ng kalayaan sa pag-iisip at pagkilos ng bawat tao. Walang taong pinilit kailanman, sa anumang iniutos ng Ama, na gumawa ng mabuti; walang taong pinilit kailanman na gumawa ng masama. Bawat isa ay maaaring kumilos para sa kanyang sarili. Plano ni Satanas na wasakin ang kalayaang ito at pilitin ang mga tao na gawin ang kanyang kagustuhan. Hindi magiging masaya ang buhay kung wala ang dakilang kaloob na ito. Ang mga tao ay dapat magkaroon ng pribilehiyong pumili kahit pa suwayin nila ang mga banal na kautusan. Mangyari pa ang kaligtasan at kadakilaan ay dapat makamtan nang walang pamimilit at sa pamamagitan ng paggawa ng bawat isa upang ang mabubuting gantimpala ay maibigay at ang nararapat na kaparusahan ay maipataw sa nagkasala.17
Naniniwala tayo na sa pamamagitan ng biyaya tayo ay naligtas sa kabila ng ating magagawa, at na sa pagsalig sa pagbabayad-sala ni Cristo, dapat pagsikapan ng lahat ng tao ang kanilang kaligtasan nang may takot at panginginig sa harapan ng Panginoon [tingnan sa 2 Nephi 25:23; Mormon 9:27].18
Isang mahalagang katotohanan, na ipinakita sa tuwirang mga kilos at ipinahiwatig sa lahat ng banal na kasulatan, na nagawa ng Diyos para sa mga tao ang lahat ng hindi kayang gawin ng mga tao para sa kanilang sarili upang magtamo ng kaligtasan, ngunit inaasahan niyang gagawin ng mga tao ang lahat ng kanilang makakaya para sa kanilang sarili.
Dahil sa alituntuning ito labag sa mga patakaran ng langit na pinasimulan bago pa itinatag ang daigdig, para sa mga banal na sugo na nabuhay na mag-uli, o mga sugong nasa langit, na pumarito sa lupa at gawin ang gawain para sa mga tao na kaya naman nilang gawin para sa kanilang sarili. …
Napakalaking pagkakamali ang maniwala na ginawa ni Jesus ang lahat para sa mga tao kung ang gagawin lamang nila ay sabihing sumasampalataya sila, at wala na silang ibang gagawin pa. May gawaing gagawin ang mga tao kung gusto nilang magkamit ng kaligtasan. Naaayon sa walang-hanggang batas na ito na pinapunta ng isang anghel si Cornelio kay Pedro [tingnan sa Mga Gawa 10], at na pinapunta si Ananias kay Pablo [tingnan sa Mga Gawa 9:1–22]. At sa pagsunod din sa batas na ito kaya si Moroni, na nakauunawa sa nakasulat sa mga lamina ng Nephita, ay hindi ginawa ang pagsasalin, kundi sa utos ng Panginoon, ibinigay niya kay Joseph Smith ang Urim at Tummim na ginamit nito upang maisagawa ang mahalagang gawaing ito sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos.19
4
Ang dalawang malalaking responsibilidad natin ay ang hangaring makamtan ang sarili nating kaligtasan at masigasig na sikaping iligtas ang iba.
Mayroon tayong dalawang malalaking responsibilidad. … Una, hangaring makamtan ang sarili nating kaligtasan; at, pangalawa, ang tungkulin natin sa ating kapwa-tao. Ngayon nauunawaan ko na ang una kong tungkulin, kung ako mismo ang pag-uusapan, ay ang hangaring makamtan ang aking kaligtasan. Iyan ang una ninyong indibiduwal na tungkulin, at gayon din ang tungkulin ng bawat miyembro ng Simbahang ito.20
Ang una nating dapat alalahanin ay ang sarili nating kaligtasan. Dapat nating hangaring makamtan ang bawat pagpapala ng ebanghelyo para sa ating sarili. Dapat tayong mabinyagan at pumasok sa orden ng selestiyal na kasal nang sa gayon ay maging ganap tayong mga tagapagmana ng kabuuan ng kaharian ng ating Ama. Pagkatapos ay dapat nating alalahanin ang ating pamilya, mga anak, at mga ninuno.21
Tungkulin nating … iligtas ang sanlibutan, ang mga patay gayon din ang mga buhay. Inililigtas natin ang mga buhay na mangagsisisi sa pamamagitan ng pangangaral ng ebanghelyo sa mga bansa at tinitipon natin ang mga anak ni Israel, na matatapat ang puso. Inililigtas natin ang mga patay sa pamamagitan ng pagpunta sa bahay ng Panginoon at pagsasagawa ng mga seremonyang ito—binyag, pagpapatong ng mga kamay, kumpirmasyon, at iba pang mga bagay na iuutos sa atin ng Panginoon—alang-alang sa kanila.22
Tungkulin ko, at tungkulin din ninyo, aking mga kapatid—dahil ang responsibilidad ay ibinigay rin sa inyo—na gawin ang lahat ng ating makakaya, at huwag itong balewalain, kundi pagsikapan natin nang buong kaluluwa na gampanan ang mga tungkuling ibinigay sa atin ng Panginoon, maging masigasig para sa kaligtasan ng sarili nating sambahayan, bawat isa sa atin, at para sa kaligtasan ng ating mga kapitbahay, at ng mga nasa malayo.23
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Mga Tanong
-
Ano ang hinahangaan ninyo tungkol sa mga pagsisikap ni Pangulong Smith na turuan ang kanyang mga anak na magtrabaho? (Tingnan sa “Mula sa Buhay ni Joseph Fielding Smith.”) Ano ang magagawa natin para matulungan ang mga bata na maging mas responsable?
-
Paano nadaragdagan ng mga turo sa bahagi 1 ang inyong pag-unawa sa pag-asa sa sarili? Isipin kung ano ang magagawa ninyo para lalo kayong makaasa sa sarili.
-
Repasuhin ang payo sa bahagi 2. Ano ang ibig sabihin sa inyo ng “mananagot sa Panginoon”?
-
Itinuro ni Pangulong Smith, “Inaasahan namin na matututuhan ng ating mga miyembro sa lahat ng dako ang mga wastong alituntunin at pamamahalaan ang kanilang sarili” (bahagi 3). Paano makikinabang ang mga pamilya sa turong ito? Paano nito magagabayan ang mga korum ng priesthood at Relief Society?
-
Sa pagsisikap nating paglingkuran ang iba, sa palagay ninyo bakit “ang una nating dapat alalahanin ay ang sarili nating kaligtasan”? (Tingnan sa bahagi 4.)
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan
Mga Taga Filipos 2:12; 2 Nephi 2:14–16, 25–30; D at T 58:26–28
Tulong sa Pagtuturo
“Habang nagtuturo kayo mula sa aklat na ito, anyayahan ang iba na ibahagi ang kanilang iniisip, magtanong, at turuan ang isa’t isa. Kapag aktibo silang nakikilahok, mas handa silang matuto at tumanggap ng personal na paghahayag” (mula sa mga pahina vii–ix ng aklat na ito).