Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 11: Paggalang sa mga Susi ng Priesthood na Ipinanumbalik sa Pamamagitan ni Joseph Smith


Kabanata 11

Paggalang sa mga Susi ng Priesthood na Ipinanumbalik sa Pamamagitan ni Joseph Smith

“Nais kong sabihin—nang napakasimple at napakalinaw—na nasa atin ang banal na priesthood at na ang mga susi ng kaharian ng Diyos ay narito na. Matatagpuan lamang ito sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.”

Mula sa Buhay ni Joseph Fielding Smith

Ipinahayag ni Pangulong Joseph Fielding Smith: “Ganap ang kaalaman ko tungkol sa banal na misyon ni Propetang Joseph Smith. Walang alinlangan sa aking isipan na ibinangon siya ng Panginoon at binigyan siya ng paghahayag, kautusan, binuksan ang kalangitan sa kanya, at tinawag siya upang mamuno sa maluwalhating dispensasyong ito.”1 Sinamahan ni Pangulong Smith ang “ganap na kaalamang” ito ng pagpipitagan sa mga susi ng priesthood na ipinanumbalik sa pamamagitan ni Propetang Joseph. Iginalang at sinuportahan niya sa tuwina ang mga nagsihawak ng mga susi, at pinayuhan niya ang lahat ng miyembro ng Simbahan na gayon din ang gawin. Sabi niya, “Bawat lalaking pinili nang wasto na mamuno sa anumang tungkulin sa Simbahan ay dapat igalang sa kanyang katungkulan.”2

May isang pagkakataon noong naglilingkod pa si Joseph Fielding Smith bilang Apostol, na nagkaroon ng talakayan ang Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa isang mahirap na tanong. Mariing nagpahayag ng kanyang opinyon si Elder Smith tungkol sa paksa. Isang araw pinuntahan ni Pangulong Heber J. Grant, na noon ay Pangulo ng Simbahan, si Elder Smith sa opisina nito. Ipinaliwanag ni Pangulong Grant na matapos mapanalanging pag-isipan ang paksa, naisip niyang magmungkahi ng isang ideyang naiiba sa mga pananaw ni Elder Smith. Agad ipinahayag ni Elder Smith ang pagsuporta niya sa pasiya ni Pangulong Grant. Ipinahayag niya kalaunan, “Sa aking opinyon, kapag sinabi ng Pangulo ng Simbahan na ipinakita sa kanya ng Panginoon o nakatanggap siya ng inspirasyon sa Panginoon na gawin ang anumang bagay, lubos ko siyang susuportahan sa bagay na iyan.”3

Ibinigay ni Joseph Fielding Smith ang gayong suporta sa lahat ng kanyang lider ng priesthood, hindi lamang sa Pangulo ng Simbahan. Halimbawa, tinawag na maglingkod si Nathan Eldon Tanner bilang miyembro ng Korum ng Labindalawa noong Oktubre 1962. Pagkaraan ng isang taon, tinawag siya bilang Tagapayo sa Unang Panguluhan, at mas nakataas siya ng katungkulan kay Pangulong Smith, na noon ay Pangulo ng Korum ng Labindalawa. Kalaunan ay nagpasalamat si Pangulong Tanner sa pagsuporta ni Pangulong Smith: “Nang tawagin ako sa Unang Panguluhan, bagama’t siya ang senior na miyembro ng Labindalawa at mahigit limampung taon nang nanunungkulan, nagpakita siya ng malaking paggalang sa akin sa katungkulang iyon at sinuportahan at pinagtiwalaan ako nang lubos.”4

Iginalang din ni Pangulong Smith ang mga lider ng priesthood sa kanyang ward. Noong naglilingkod siya bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, sinabi niya: “Wala akong karapatang … binyagan ang isa sa sarili kong mga anak nang hindi muna humihingi ng pahintulot sa bishop ng aming ward, dahil siya ang mayhawak ng mga susi para sa ward na iyon na kinabibilangan ko bilang miyembro. Hindi ko bininyagan ni isa sa mga anak ko … nang hindi muna ako lumalapit sa bishop upang hingin ang kanyang pahintulot na isagawa ang ordenansang iyon at kumpirmahan silang miyembro ng Simbahan.”5

Mga Turo ni Joseph Fielding Smith

1

Ang mga susi ng priesthood ay ang kapangyarihan at awtoridad na pangasiwaan ang gawain ng Panginoon sa mundo.

May kaibhan ang pagtanggap ng katungkulan sa priesthood sa pagtanggap ng mga susi ng priesthood. Dapat natin itong maunawaan nang lubusan. …

… Bagama’t mayhawak ng priesthood ang lahat ng lalaking inorden sa anumang katungkulan, may mga espesyal, o namamahala, na awtoridad, na iginagawad sa mga tinawag na mamuno. Ang mga awtoridad na ito ay tinatawag na mga susi.6

Ang mga susi [ng Priesthood] ay karapatang mangulo; ito ang kapangyarihan at awtoridad na pamahalaan at pangasiwaan ang lahat ng gawain ng Panginoon sa lupa. Yaong mga mayhawak nito ay may kapangyarihang pamunuan at gabayan ang paraan ng paglilingkod ng lahat ng iba pa sa priesthood.7

Kapag ang kalalakihan ay inatasan ng isang mayhawak ng mga susing ito, may bisa ang kanilang ginagawa. Ang kanilang ginagawa ay sinasang-ayunan at pinagtitibay sa Simbahan kapwa sa lupa at sa langit.8

2

Ang Panginoon ay nagpadala ng mga banal na sugo mula sa Kanyang kinaroroonan upang ipanumbalik ang mga susi ng priesthood.

Naniniwala tayo na kasunod ng mahabang gabi ng kadiliman, kawalan ng paniniwala, at paglayo sa mga katotohanan ng dalisay at ganap na Kristiyanismo, ang Panginoon sa kanyang walang-hanggang karunungan ay ipinanumbalik sa mundo ang kabuuan ng walang-hanggang ebanghelyo.

Alam natin na si Joseph Smith ay isang propeta; na ang Ama at ang Anak ay nagpakita sa kanya noong tagsibol ng 1820 para pasimulan ang huling dispensasyong ito ng ebanghelyo; na isinalin niya ang Aklat ni Mormon sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos; na tinanggap niya ang mga susi at awtoridad mula sa mga anghel na isinugo para sa layuning ito mismo; at na inihayag sa kanya ng Panginoon ang mga doktrina ng kaligtasan.9

Hindi kinikilala ng Panginoon ang anumang ordenansa o seremonya, kahit ginawa o isinagawa pa ito sa kanyang pangalan, maliban kung ito ay alinsunod sa kanyang kalooban at ginawa ng isang taong kinikilala niya bilang kanyang awtorisadong lingkod. Ito ang dahilan kaya siya nagpadala mula sa kanyang kinaroroonan ng mga banal na sugo kay Joseph Smith at sa iba pa, upang ipanumbalik ang nawala sa lupa, maging ang kabuuan ng ebanghelyo, at ang kabuuan at mga susi ng priesthood.10

Ang mga susi ng priesthood ay kinailangang ipanumbalik. Hindi sapat na dumating si Juan Bautista na dala ang mga susi ng Aaronic Priesthood, at sina Pedro, Santiago, at Juan na dala ang mga susi ng Melchizedek Priesthood, na kailangan kaya naitatag ang Simbahan, kundi kinailangang magbukas ang kalangitan at maipanumbalik ang mga susing hawak ng lahat ng propetang namuno sa mga dispensasyon mula sa panahon ni Adan hanggang sa panahon nina Pedro, Santiago, at Juan. Isa-isang dumating ang mga propetang ito at bawat isa ay ipinagkaloob ang awtoridad na hawak niya.11

Study sketch with grid for Melchizedek Priesthood restoration.  Peter, James and John are ordaining a kneeling sandy haired Joseph while Oliver, dressed in brown kneels at the side.

Nang igawad nina Pedro, Santiago, at Juan ang Melchizedek Priesthood kina Joseph Smith at Oliver Cowdery, ipinagkaloob din nila ang mga susi ng priesthood.

Lahat ng susi ng lahat ng dispensasyon ay kinailangang ipagkaloob para matupad ang mga salita ng mga propeta at mga layunin ng Panginoon sa pagsasakatuparan ng ganap na panunumbalik ng lahat ng bagay. Kaya nga ang ama ng sangkatauhan, ang unang tao sa lupa, si Adan, ay kinailangang dumating, at dumating siyang taglay ang kanyang kapangyarihan. Dumating si Moises, at ang iba pa. Lahat ng mayhawak ng mga susi ay nagsidating at ipinagkaloob ang kanilang mga awtoridad. … Hindi natin alam kung kailan ipinamalas ang ilan sa mga awtoridad na ito, ngunit ipinahayag ni Propetang Joseph Smith nang sumulat siya sa mga Banal sa Nauvoo tungkol sa kaligtasan ng mga patay, tulad ng nakatala sa bahagi 128 ng Doktrina at mga Tipan [mga talata 17–21], na lahat ng propetang ito ay dumating na dala ang kanilang mga susi sa dispensasyong kinabibilangan natin.12

Matapos maitatag ang Simbahan inutusan ng Panginoon ang Kanyang mga Banal na magtayo ng bahay sa Kanyang pangalan. Hindi gaanong naunawaan ng mga Banal ang kahalagahan nito, at hindi sila kaagad kumilos para itayo ang bahay na iyon, kaya’t kinagalitan sila ng Panginoon [tingnan sa D at T 95:1–4]. Matapos makagalitan masigla nilang sinimulan ang pagtatayo sa Kirtland Temple sa kabila ng kanilang kahirapan. Para saan ito itinayo? Bilang banal na santuwaryo kung saan makakapunta si Jesucristo, kung saan Niya maipapadala ang Kanyang lingkod na mga propeta, na dala ang kanilang mga susi ng awtoridad. … Alam natin na tatlo sa mga dakilang propeta noong araw na mayhawak ng mahahalagang susi ang talagang dumating noong ika-3 ng Abril sa taong 1836.

Unang dumating si Moises [tingnan sa D at T 110:11]. Ibinigay niya kina Joseph Smith at Oliver Cowdery ang mga susi ng pagtitipon ng Israel. … Tinipon niya ang Israel, at bagama’t hindi niya sila natulungang maangkin ang lupain, magkagayunman ay hawak pa rin niya ang mga susi para sa pagtitipon. Nagpakita siya kina Pedro, Santiago, at Juan sa bundok ng pagbabagong-anyo at doon ipinagkaloob sa kanila ang mga susi ring yaon para sa pagtitipon ng Israel sa panahong kinabilangan nila. Isinugo siya kina Propetang Joseph Smith at Oliver Cowdery upang ipagkaloob ang mga susi para sa pagtitipon ng Israel sa dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon. …

Nagpakita si Elias matapos igawad ni Moises ang kanyang mga susi at dalhin ang ebanghelyo ng dispensasyong kinabilangan ni Abraham [tingnan sa D at T 110:12]. Lahat ng mahalaga sa dispensasyong iyon, ang mga pagpapalang iginawad kina Abraham, mga pangakong ibinigay sa kanyang angkan, lahat ay kinailangang ipanumbalik, at dumating si Elias, na mayhawak ng mga susi ng dispensasyong iyon.

At dumating si Elijah, ang pinakahuli sa mga propetang mayhawak ng mga susi ng kapangyarihang magbuklod sa sinaunang Israel, at ipinagkaloob ang kapangyarihang iyan, ang kapangyarihang magbuklod [tingnan sa D at T 110:13–16]. Nalito ang ilang miyembro ng Simbahan sa pag-iisip na dumating si Elijah na dala ang mga susi ng binyag para sa mga patay o ng kaligtasan para sa mga patay. Higit pa riyan ang mga susi ni Elijah. Ito ay mga susi ng pagbubuklod, at ang mga susing iyon ng pagbubuklod ay mahalaga sa mga mga buhay gayundin sa mga patay na handang magsisi.13

Ang propetang si Elijah … ay ipinagkaloob sa kanila [kina Joseph Smith at Oliver Cowdery] ang kapangyarihang magbuklod, ang kapangyarihang gamitin ang priesthood upang magbuklod sa lupa at maging sa langit.14

[Ang] kapangyarihang magbuklod ay nagpapatibay sa bawat ordenansang ginagawa sa Simbahang ito at lalo na yaong mga isinasagawa sa mga templo ng Panginoon.15

A painting by Dan Lewis showing Elijah in a white robe, standing by a window inside the Kirtland Temple and talking to Joseph Smith and Oliver Cowdery.

Sa Kirtland Temple, nagpakita si Elijah kina Joseph Smith at Oliver Cowdery at ipinagkaloob niya ang mga susi ng pagbubuklod.

Mga kapatid, ito ay isang maluwalhating dispensasyon. Lahat ng iba pang dispensasyon ay nagiging bahagi nito. Lahat ng awtoridad, lahat ng kapangyarihan, ay bahagi ng dispensasyong ito na kinabibilangan natin. May pribilehiyo tayong makabahagi sa mga pagpapalang ito dahil sa ating katapatan.16

Gusto kong sabihin ngayon—nang napakasimple at napakalinaw—na nasa atin ang banal na priesthood at na ang mga susi ng kaharian ng Diyos ay naririto. Matatagpuan lamang ito sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.17

3

Ang Pangulo ng Simbahan ang mayhawak ng mga susi sa buong Simbahan.

Sa maikling panahon bago siya pinatay bilang martir, ipinagkaloob ni Propetang [Joseph Smith] sa Labindalawang Apostol—na bumubuo sa pangalawang korum sa Simbahan—ang lahat ng susi at ordenansa at priesthood na kailangan nilang hawakan upang maipagpatuloy ang dakila at maluwalhating gawaing ito ng kaligtasan ng buong sangkatauhan.18

Ang priesthood na ito at ang mga susing ito … ay ibinigay na sa bawat lalaking naitalaga bilang miyembro ng Kapulungan ng Labindalawa. Ngunit dahil iyon ang karapatang mangulo, magagamit lamang iyon nang buung-buo ng senior na apostol ng Diyos sa lupa, na siyang pangulo ng Simbahan.19

Ang Pangulo ng Simbahan ang mayhawak ng mga susi sa buong Simbahan. … Nasa kanya ang buong kapangyarihan ng Priesthood. Hawak niya ang lahat ng klase ng susi, na mahalaga sa dispensasyon ng Kaganapan ng mga Panahon. Lahat ng susi ng mga nakaraang dispensasyon na naihayag na, ay ipinagkaloob sa kanya.20

4

Dapat nating igalang ang mga taong binigyan ng Pangulo ng Simbahan ng mga susi ng awtoridad.

[Ang Pangulo ng Simbahan] ay may karapatang magbigay ng awtoridad at bumawi ng awtoridad kung nakikita niyang nararapat at nakatanggap siya ng inspirasyong gawin iyon.21

Tandaan na isang tao lamang sa balat ng lupa ang mayhawak ng kapangyarihan ng priesthood na magbuklod, at maibibigay niya ang kapangyarihang iyan sa iba, upang sila ay makakilos at makapagbuklod sa lupa at ito ay may bisa, umiiral, basta’t may pahintulot niya; kung bawiin niya ito, walang sinumang makakagamit ng kapangyarihang iyan.22

Hindi mapamamahalaan at maigagawad ng sinumang lalaki ang mga pagpapala ng templo kung hindi siya binigyan ng Pangulo ng Simbahan ng awtoridad na gawin iyon. Hindi magagampanan ng sinumang lalaki ang anumang tungkulin sa Simbahang ito kung wala siyang awtoridad na gampanan iyon, dahil nakakamit lang ito sa pamamagitan ng kapangyarihan at mga susing hawak ng Pangulo ng Simbahan. … Kung dahil sa awtoridad ng mga susing hawak niya bilang pangulo ng Simbahan ay sabihin niya na dapat bawiin sa mga tao ang ilang pribilehiyo, kung gayon ay walang awtoridad ang sinumang lalaki na mamahala sa pagkakaloob ng partikular na mga pribilehiyong iyon. Kung tangkain ng sinuman na gawin iyon, iyon ay walang bisa, at siya na nagtangkang mamahala ay kailangang managot sa harapan ng hukuman ng Diyos, kung hindi man sa harapan ng Simbahan, at mapapatunayang lumabag. …

… Kapag bumisita ang mga apostol o iba pang mga kapatid sa mga stake ng Sion at inatasan silang asikasuhin ang anumang kailangang gawin doon, ginagawa nila ito dahil sa kanilang atas, o awtoridad, na ibinigay sa kanila ng Pangulo ng Simbahan. Angkop din ang alituntuning ito sa mas mababang antas sa mga stake at ward.23

Bawat lalaking napili nang wasto na mangulo sa anumang tungkulin sa Simbahan ay dapat igalang sa kanyang katungkulan. Kapag inorden ang isang lalaki sa katungkulan ng bishop, binibigyan siya ng mga susi na mangulo sa ward na kinabibilangan niya at dapat siyang igalang ng bawat miyembro ng ward sa kanyang tungkulin, anuman ang katungkulang hawak ng sinuman. Totoo rin ito sa pangulo ng stake, pangulo ng korum, o anumang katungkulan. Para mailarawan ang kahulugan nito itinuro sa atin na walang ama na may karapatan, bagama’t hawak niya ang Melchizedek Priesthood, na binyagan ang isa sa kanyang sariling mga anak nang hindi muna humihingi ng pahintulot sa kanyang bishop. Kapag nabigyan na ng pahintulot, may awtoridad na ang ama na isagawa ang ordenansang iyan para sa kanyang anak. Kung ipasiya ng sinumang ama na magsagawa ng binyag, o iorden ang kanyang anak, nang hindi muna humihingi ng pahintulot sa nangungulong pinuno sa ward o stake, anuman ang akma sa kanyang sitwasyon, na mayhawak ng mga susi ng awtoridad, siya ay lumalabag. Ito ay angkop sa isang apostol at maging sa elder sa isang ward. Maging ang Pangulo ng Simbahan ay hindi kailanman iisiping magpasiya sa anumang bagay na tulad nito nang hindi muna kinikilala ang bishop ng kanyang ward o pangulo ng kanyang stake at ang awtoridad na ibinigay sa bishop o sa pangulo ng stake.24

5

Ang nagkakaisang tinig ng mga mayhawak ng mga susi ng kaharian ay laging gagabay sa atin saan man tayo gustong ilagay ng Panginoon.

Palagay ko may isang bagay na dapat maging napakalinaw sa ating isipan. Hindi kailanman ililigaw ng Pangulo ng Simbahan, ni ng Unang Panguluhan, ni ng nagkakaisang tinig ng Unang Panguluhan at ng Labindalawa ang mga Banal o papayuhan ang sanlibutan nang salungat sa isipan at kalooban ng Panginoon.

Ang isang tao ay maaaring lumayo sa katotohanan, o maiba ang pananaw, o magbigay ng payo na hindi tugma sa layon ng Panginoon. Ngunit ang tinig ng Unang Panguluhan at ang nagkakaisang tinig ng iba pang mayhawak din ng mga susi ng kaharian ay laging gagabayan ang mga Banal at ang sanlibutan sa mga landas na iyon saan man sila gustong patahakin ng Panginoon. …

Pinatototohanan ko na kung magtitiwala tayo sa Unang Panguluhan at susundin natin ang kanilang payo at utos, walang kapangyarihan sa lupa na makahahadlang o makapagpapabago sa ating layon bilang simbahan, at bilang mga indibiduwal magkakaroon tayo ng kapayapaan sa buhay na ito at magiging mga tagapagmana ng walang-hanggang kaluwalhatian sa daigdig na darating [tingnan sa D at T 59:23].25

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Mga Tanong

  • Sa anong mga paraan natin matutularan ang halimbawa ni Pangulong Smith sa pagsuporta natin sa mga mayhawak ng mga susi ng priesthood? (Tingnan sa “Mula sa Buhay ni Joseph Fielding Smith.”)

  • Paano ipinauunawa sa inyo ng bahagi 1 ang kaibhan ng paghawak ng isang katungkulan sa priesthood sa paghawak ng mga susi ng priesthood? Sa palagay ninyo bakit ito isang mahalagang kaibhan?

  • Sa anong mga paraan kayo napagpala dahil naipanumbalik na sa lupa ang mga susi ng priesthood? (Tingnan sa bahagi 2.)

  • Sa palagay ninyo paano tumatag ang Simbahan sa organisasyong inilarawan sa mga bahagi 3 at 4? Paano napapatatag ang bawat miyembro ng Simbahan?

  • Ano ang nadarama ninyo habang iniisip ninyo ang mga sinabi ni Pangulong Smith tungkol sa pagkakaisa ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol? Kailan kayo nakatanggap ng gabay mula sa kanilang “nagkakaisang tinig”? (Tingnan sa bahagi 5.)

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan

Mateo 16:13–19; Mga Gawa 3:21; D at T 21:4–6; 27:5–13; 65:2; 128:8–21; 132:7

Tulong sa Pagtuturo

“Maaari[ng] … may mga pagkakataon na hindi ninyo alam ang sagot sa isang tanong. Kung mangyayari ito, sabihin lamang na hindi ninyo alam. Maaari ninyong sabihin na susubukan ninyong hanapin ang sagot. O maaari ninyong anyayahan ang mga nag-aaral na hanapin ang kasagutan, na bibigyan sila ng oras sa ibang aralin upang mag-ulat ng natuklasan nila” (Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin [2000], 79).

Mga Tala

  1. Sa Conference Report, Abr. 1951, 58.

  2. Answers to Gospel Questions, tinipon ni Joseph Fielding Smith Jr., 5 tomo (1957–66), 2:40.

  3. Sa Francis M. Gibbons, Joseph Fielding Smith: Gospel Scholar, Prophet of God (1992), 342.

  4. N. Eldon Tanner, “A Man without Guile,” Ensign, Ago. 1972, 33.

  5. “Principles of the Gospel: The New and Everlasting Covenant,” Deseret News, Mayo 6, 1939, bahaging pang-Simbahan, 5; tingnan din sa Doctrines of Salvation, inedit ni Bruce R. McConkie, 3 tomo (1954–56), 3:136–37.

  6. Sa Conference Report, Abr. 1967, 98.

  7. “Eternal Keys and the Right to Preside,” Ensign, Hulyo 1972, 87.

  8. Sa Conference Report, Abr. 1967, 99.

  9. “Out of the Darkness,” Ensign, Hunyo 1971, 4.

  10. “The Coming of Elijah,” Ensign, Ene. 1972, 5.

  11. “The Keys of the Priesthood Restored,” Utah Genealogical and Historical Magazine, Hulyo 1936, 98–99.

  12. “The Keys of the Priesthood Restored,” 101.

  13. “The Keys of the Priesthood Restored,” 99–100.

  14. Sa Conference Report, Abr. 1970, 58.

  15. Sa Conference Report, Abr. 1948, 135; tingnan din sa Doctrines of Salvation, 3:129.

  16. “The Keys of the Priesthood Restored,” 101.

  17. “Eternal Keys and the Right to Preside,” 87–88.

  18. Doctrines of Salvation, 3:154.

  19. “Eternal Keys and the Right to Preside,” 87.

  20. “Priesthood—Restoration of Keys,” Deseret News, Set. 16, 1933; bahaging pang-Simbahan, 4; tingnan din sa Doctrines of Salvation, 3:135.

  21. “The Keys of the Priesthood Restored,” 101; tingnan din sa Doctrines of Salvation, 3:135.

  22. Elijah the Prophet and His Mission and Salvation Universal (1957), 50; tingnan din sa Doctrines of Salvation, 3:136.

  23. Sa Conference Report, Abr. 1967, 98–99.

  24. Answers to Gospel Questions, 2:40–41.

  25. “Eternal Keys and the Right to Preside,” 88.