Kabanata 1
Ang Ating Ama sa Langit
“Nais kong ipaalala sa inyo ang katangian at uri ng pagkatao ng Diyos, upang masamba ninyo siya sa espiritu at katotohanan, at nang sa gayon ay makamtan ninyo ang lahat ng pagpapala ng kanyang ebanghelyo.”
Mula sa Buhay ni Joseph Fielding Smith
Namangha si Pangulong Joseph Fielding Smith sa makabagong teknolohiya sa kanyang panahon. “Malaking pag-unlad na ang nagawa sa mechanics, chemistry, physics, surgery, at iba pang mga bagay,” wika niya. “Nakagawa na ang mga tao ng malalaking teleskopyo na nagpapatanaw sa malalayong kalawakan. Sa tulong ng mikroskopyo, natuklasan nila ang napakaraming bilang ng mga mikroorganismo. … Natuklasan nila kung paano sugpuin ang mga sakit. … Nakaimbento sila ng mga makina na mas sensitibo kaysa sa hipo ng tao, mas malayo ang natatanaw kaysa mata ng tao. Nakontrol nila ang mga elemento at nakagawa sila ng makina na nakakatibag ng mga bundok, at marami pa silang nagawang ibang bagay na napakarami para banggitin. Oo, kahanga-hangang panahon ito.” Gayunman, nag-alala siya tungkol sa isa pang kalakarang nakita niya sa mundo. Malungkot niyang sinabi: “Lahat ng tuklas at imbensyong ito ay hindi nailapit ang mga tao sa Diyos! Ni hindi sila nahikayat nito na magpakumbaba at magsisi, kundi sa halip ay napahamak pa sila rito. … Hindi nag-ibayo ang pananampalataya sa mundo, ni ang kabutihan, ni ang pagsunod sa Diyos.”1
Salungat sa lumalaganap na pagwawalang-bahala ng daigdig sa Diyos, ipinamalas ni Pangulong Smith na malapit siya sa kanyang Ama sa Langit. Paggunita ng isa sa kanyang mga apo: “Masarap magluto ang nanay ko, at madalas kumain ang lolo ko sa bahay namin. Madalas siyang anyayahan ng tatay ko na basbasan ang pagkain. Laging napakapersonal ng kanyang mga panalangin—para siyang nakikipag-usap sa isang kaibigan.”2
Mga Turo ni Joseph Fielding Smith
1
Simula sa Unang Pangitain ni Joseph Smith, ang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos ay naipanumbalik sa ating panahon.
Labis akong nagpapasalamat sa unang pangitain, kung saan nagpakita ang Ama at ang Anak sa batang propeta at ipinaalam muli sa tao ang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos.3
Dapat alalahanin na nawala sa buong Kristiyanismo noong 1820 ang tunay na doktrina hinggil sa Diyos. Ang simpleng katotohanang malinaw na naunawaan ng mga apostol at banal noong unang panahon ay naglaho sa mga misteryo ng isang daigdig na nag-apostasiya. Lahat ng sinaunang propeta, at ang mga apostol ni Jesucristo ay malinaw na naunawaan na magkahiwalay na personahe ang Ama at ang Anak, tulad ng napakalinaw na turo sa ating mga banal na kasulatan. Dahil sa apostasiya nawala ang kaalamang ito. … Naging misteryo ang Diyos, at kapwa ang Ama at ang Anak ay itinuring na iisang personaheng espiritu na hindi tunay na maunawaan ng mga tao, na walang katawan, mga bahagi, o damdamin. Ang pagpapakita ng Ama at ng Anak ay naglaan ng banal na saksi sa daigdig na dahil sa kanyang karanasan ay naipanumbalik sa mundo ang kaalaman tungkol sa tunay na katangian ng Diyos.4
Nilinaw ng [unang] pangitain ni Joseph Smith na ang Ama at ang Anak ay magkahiwalay na mga personahe, na may mga katawang nahihipo na katulad ng sa tao. Inihayag din sa kanya na ang Espiritu Santo ay isang personaheng Espiritu, na bukod at hiwalay sa katauhan ng Ama at ng Anak [tingnan sa D at T 130:22]. Ang napakahalagang katotohanang ito ay ikinagulat ng mundo; subalit, kapag isinaalang-alang natin ang malilinaw na pagpapahayag ng mga banal na kasulatan, totoong lubhang kataka-taka at kamangha-mangha na lubhang naligaw ang tao. Sabi ng Tagapagligtas, “Ang Ama ay lalong dakila kay sa akin;” [Juan 14:28] at inanyayahan niya ang kanyang mga disipulo, matapos siyang mabuhay na mag-uli, na hawakan siya at makita na siya nga iyon, sapagka’t, sabi niya, “Ang isang Espiritu’y walang laman at mga buto, na gaya ng inyong nakikita na nasa akin.” [Lucas 24:39.] Malinaw na naunawaan ng mga apostol ang magkakaibang personahe ng Ama, Anak, at Espiritu Santo, na lagi nilang tinutukoy sa kanilang mga sulat; at ipinaalam ni Pablo sa mga taga-Corinto ang katotohanan na kapag lahat ay napasakop sa Ama, “kung magkagayo’y ang Anak rin ay pasusukuin naman sa nagpasuko ng lahat ng mga bagay sa kaniya, upang ang Dios ay maging lahat sa lahat.” [I Mga Taga Corinto 15:28.]
Nakita ni Joseph Smith ang Ama at ang Anak; samakatwid ay mapapatotohanan niya sa sariling kaalaman na ang mga banal na kasulatan ay totoo kung saan mababasa natin: “At nilalang ng Dios ang tao ayon sa kaniyang sariling larawan, ayon sa larawan ng Dios siya nilalang; nilalang niya sila na lalake at babae.” [Genesis 1:27.] Dapat itong unawain nang literal, at hindi nang may kahiwagaan o simbolismo.5
2
Para makasampalataya sa Diyos at makasamba sa Kanya, kailangan nating maunawaan ang Kanyang mga katangian.
Sinabi sa atin ng isa sa mga paghahayag sa atin na kung tayo ay luluwalhatiin kay Cristo, katulad niya sa Ama, kailangan nating unawain at alamin kapwa kung paano sumamba at kung ano ang ating sinasamba. (Tingnan sa D at T 93:19–20.)
Nais kong ipaalala sa inyo ang katangian at uri ng pagkatao ng Diyos, upang masamba ninyo siya sa espiritu at katotohanan, at nang sa gayon ay makamtan ninyo ang lahat ng pagpapala ng kanyang ebanghelyo.
Alam natin na nakikilala lamang ang Diyos sa pamamagitan ng paghahayag, na mauunawaan lang natin ang kanyang katangian ayon sa naihayag sa atin, at wala nang ibang paraan. Kailangan nating hanapin ang mga kasagutan sa mga banal na kasulatan—hindi sa mga siyentipiko o pilosopo—kung gusto nating malaman ang katotohanan tungkol sa Diyos. Tunay ngang sinasabi sa dakilang propesiya ni Juan na magaganap ang panunumbalik ng ebanghelyo sa pamamagitan ng isang anghel na lilipad sa gitna ng langit upang makilala ng mga tao ang tunay na Diyos at maturuan sila: “Matakot kayo sa Dios, at magbigay kaluwalhatian sa kaniya … at magsisamba kayo sa gumawa ng langit at ng lupa at ng dagat at ng mga bukal ng tubig.” (Apocalipsis 14:7.) Sa madaling salita, simula sa panunumbalik ng ebanghelyo sa dispensasyong ito, uutusang muli ang mga tao na sambahin at paglingkuran ang kanilang Lumikha sa halip na paniwalaan ang mga maling konsepto tungkol sa Diyos na nananaig sa daigdig.
Sa bawat panahon tumawag ng mga propeta ang Panginoon upang sugpuin ang maling pagsamba at ipahayag ang katotohanan tungkol sa Diyos. Sa sinaunang Israel may mga taong sumamba sa mga imahen at mga diyos ng mga pagano, at itinanong ni Isaias: “Kanino nga ninyo itutulad ang Dios? o anong wangis ang iwawangis ninyo sa kaniya?
“Hindi mo baga naalaman? hindi mo baga narinig? ang walang hanggang Dios, ang Panginoon, ang Maylalang ng mga wakas ng lupa, hindi nanlalata, o napapagod man; walang makatarok ng kaniyang unawa.” (Isaias 40:18, 28.)
Maraming tao sa daigdig ngayon na wala ng kaalamang ito tungkol sa Diyos, at maging sa [Simbahan] mayroong mga hindi pa lubos ang pagkaunawa sa maluwalhating nilalang na iyon na ating Amang Walang Hanggan. Sa mga tao na wala ng kaalamang ito makabubuting sabihin natin: “Bakit ninyo nililimitahan ang kaluwalhatian ng Diyos? O bakit ninyo ipinapalagay na mas mababa siya kaysa sa totoong siya? Hindi ba ninyo alam? Hindi pa ba ninyo naririnig, na ang walang-hanggang Diyos, ang Panginoon, ang Lumikha ng mga dulo ng daigdig, ay walang katapusan at walang hanggan; na taglay niya ang lahat ng kapangyarihan, lahat ng lakas, at lahat ng pamamahala; na alam niya ang lahat ng bagay, at na lahat ng bagay ay nasa kanyang harapan?”
Sa bahagi 20 ng Doktrina at mga Tipan, na inutusan si Propetang Joseph Smith na muling itatag ang Simbahan sa dispensasyong ito, inihayag sa atin ang buod ng ilan sa mga pangunahing doktrina ng kaligtasan. Tungkol sa Diyos sinasabi sa paghahayag: “… may Diyos sa langit, na walang katapusan at walang hanggan, mula sa walang hanggan hanggang sa walang hanggan ang siya ring hindi nagbabagong Diyos, ang tagapaglikha ng langit at lupa, at ng lahat ng bagay na naroroon sa mga yaon.” (D at T 20:17.) …
Ang Diyos ay ating Ama; sa kanyang larawan nilikha ang tao. Siya ay may katawang may laman at mga buto na nahihipo na katulad ng sa tao (D at{nbT 130:22), at siya ang literal at personal na ama ng mga espiritu ng lahat ng tao. Siya ay makapangyarihan at alam niya ang lahat ng bagay; taglay niya ang lahat ng kapangyarihan at lahat ng karunungan; at siya ay perpekto dahil taglay niya ang lahat ng kaalaman, lahat ng pananampalataya o kapangyarihan, lahat ng katarungan, lahat ng paghatol, lahat ng awa, lahat ng katotohanan, at ang kabuuan ng lahat ng banal na katangian. … Kung gusto nating taglayin ang lubos na pananampalatayang iyan na kailangan upang makamit natin ang buhay na walang hanggan, kailangan nating maniwala na taglay ng Diyos ang lahat ng katangiang ito. Sinasabi ko rin na siya ay isang walang-katapusan at walang-hanggang nilalang, at bilang isang nilalang na hindi nagbabago, taglay niya ang ganap na mga kapangyarihan at katangiang ito mula sa walang katapusan hanggang sa walang katapusan, na ibig sabihin ay mula sa kawalang-hanggan hanggang sa kawalang-hanggan.6
Alam natin na ang ating Ama sa Langit ay isang niluwalhati at dinakilang personahe na taglay ang lahat ng kapangyarihan, lakas, at pamamahala, at na alam niya ang lahat ng bagay. Pinatototohanan natin na siya, sa pamamagitan ng kanyang Bugtong na Anak, ang Lumikha ng mundong ito at ng mga daigdig na di mabilang.7
3
Ang Diyos ay isang personal na nilalang at Ama ng ating mga espiritu.
Tayo ang mga espiritung anak ng ating Diyos Ama sa Langit. … Tayo ay mga miyembro ng kanyang mag-anak. … Nanahan tayo sa piling niya nang napakatagal na panahon bago tayo isinilang sa mundo. … Nagtalaga siya ng isang plano ng pag-unlad at kaligtasan na magbibigay sa atin ng kakayahan, kung tayo ay tapat at tunay sa lahat ng bagay, na sumulong at umunlad hanggang sa tayo ay maging katulad niya.8
Itinuro sa atin sa mga Banal na Kasulatan na ang Diyos ay literal, at hindi sa masimbolikong kahulugan, na atin mismong Amang walang hanggan. Ang mga sinabi ng ating Manunubos kay Maria malapit sa puntod kung saan siya nagbangon at nagwagi laban sa kamatayan, ay napakadakila at puno ng banal na kahulugan: “Huwag mo akong hipuin; sapagka’t hindi pa ako nakakaakyat sa Ama: ngunit pumaroon ka sa aking mga kapatid, at sabihin mo sa kanila, Aakyat ako sa aking Ama, at inyong Ama, at aking Dios at inyong Dios.” [Juan 20:17.] Sa mga salitang ito ang katotohanan ng pagiging Ama ng Diyos ay malinaw na ipinahayag ng kanyang bugtong na Anak, na nagsabing siya ay ating Kapatid at na iisa ang ating Amang walang hanggan.9
Nagpapasalamat ako na ang kaalaman tungkol sa Diyos at sa kanyang mga batas ay ipinanumbalik na sa ating panahon at na alam nating mga miyembro ng Simbahan na siya ay isang personal na nilalang at hindi “isang koleksyon ng mga batas [na walang katuturan] na lulutang-lutang na parang hamog sa sansinukob” na tulad ng sinabi ng ilang miyembro ng ibang mga relihiyon. Nagpapasalamat ako’t alam natin na siya ang ating Ama sa langit, ang Ama ng ating mga espiritu, at na nagtalaga siya ng mga batas para sumulong at umunlad tayo hanggang sa tayo ay maging katulad niya. At nagpapasalamat ako na alam natin na siya ay isang walang-katapusan at walang-hanggang nilalang na nakakaalam ng lahat ng bagay at may buong kapangyarihan at ang kanyang pag-unlad ay hindi sa pagtatamo ng higit pang kaalaman o kapangyarihan, hindi sa pagpapaibayo ng sakdal niyang mga banal na katangian, kundi sa pagdaragdag at pagpaparami ng kanyang mga kaharian.10
4
Mahal tayo ng ating Ama sa Langit at interesado siya sa bawat isa sa atin.
Naiisip ko ang isang pahayag sa Mahalagang Perlas, sa pangitain ni Moises, na ibinigay noong si Moises ay dalhin sa napakataas na bundok at nakaharap at nakausap niya ang Diyos. Ipinakita ng Panginoon kay Moises ang “gawa ng kanyang mga kamay,” at namasdan ni Moises ang daigdig, at ang lahat ng anak ng tao hanggang sa pinakahuling mga henerasyon. [Tingnan sa Moises 1:1–8, 27–29.]
At sinabi ng Panginoon kay Moises:
“Sapagka’t masdan, maraming daigdig na ang lumipas sa pamamagitan ng salita ng aking kapangyarihan. At marami na sa ngayon ang nakatayo, at hindi mabibilang ang mga ito ng tao, subalit ang lahat ng bagay ay bilang sa akin, sapagka’t sila ay akin at kilala ko sila.
“At ito ay nangyari na, na nangusap si Moises sa Panginoon, nagsasabing: Maging maawain sa inyong tagapaglingkod, O Diyos, at sabihin ninyo sa akin ang nauukol sa mundong ito, at sa mga naninirahan dito, at gayon din sa mga kalangitan, at sa gayon ang inyong tagapaglingkod ay masisiyahan.
“At nangusap ang Panginoong Diyos kay Moises, nagsasabing: Ang mga kalangitan, ang mga ito ay marami, at ang mga ito ay hindi maaaring mabilang ng tao; subalit ang mga ito ay bilang sa akin, sapagka’t ang mga ito ay akin.” [Moises 1:35–37.]
… Naiisip ko na sa kabila ng di-mabilang na mga daigdig at ng laki ng marami sa mga ito, pantulong lamang ang mga ito para makamit ang isang mithiin, at hindi ang mithiin mismo. Ang Ama ay lumilikha ng mga daigdig para patirhan sa mga tao—na inilalagay sa mga ito ang kanyang mga anak na lalaki at babae. Ipinaalam sa atin sa bahagi 76 ng Doktrina at mga Tipan, na sa pamamagitan ng Anak ng Diyos, “ang mga daigdig ay nililikha at nalikha, at ang mga naninirahan dito ay mga isinilang na anak na lalaki at babae ng Diyos.” [D at T 76:24.]
Nalaman natin mula sa mga talatang ito na nabasa ko at sa iba pang mga paghahayag mula sa Panginoon, na ang tao ang pinakamahalaga sa lahat ng nilikha ng ating Ama. Sa pangitain ding iyon na ibinigay kay Moises, sinabi ng Ama: “At habang ang isang mundo ay lumilipas, at ang mga kalangitan niyon maging gayon man isa ang darating; at walang katapusan ang aking mga gawain, ni ang aking mga salita. Sapagkat masdan, ito ang aking gawain at aking kaluwalhatian—ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao.” [Moises 1:38–39.]
Mula rito at sa iba pang talata, sinasabi ko, nalaman natin na ang dakilang gawaing ito ng Ama ay ang isakatuparan ang kaligtasan ng kanyang mga anak na ibinibigay sa bawat isa ang gantimpalang nararapat niyang matanggap alinsunod sa kanyang mga gawa. Natitiyak ko na ang ating Ama sa Langit ay higit na interesado sa isang kaluluwa—na isa sa kanyang mga anak—kaysa posibleng madama ng isang magulang sa mundo sa isa sa kanyang mga anak. Ang pagmamahal niya sa atin ay higit pa sa pagmamahal ng isang magulang sa mundo para sa kanyang supling.11
5
Tinatangisan ng Ama sa Langit ang Kanyang suwail na mga anak.
Nalaman natin na nang kausapin ng Panginoon si Enoc at ipakita sa kanya ang mga bansa ng mundo at ipaliwanag sa kanya ang uri ng kaparusahang ipapataw sa kanila dahil sa kanilang mga paglabag sa kanyang mga utos, ay nanangis ang Panginoon at ipinakita ang kanyang dalamhati sa pagluha dahil sa kanilang pagsuway. Dahil dito, nagtaka si Enoc at inisip na kakatwa na nanangis ang Panginoon.
Narito ang talata:
“At ito ay nangyari na ang Diyos ng langit ay tumingin sa labi ng mga tao, at siya ay nanangis; at pinatotohanan ito ni Enoc, nagsasabing: Paanong ang kalangitan ay nananangis, at pumapatak ang kanilang mga luha gaya ng ulan sa ibabaw ng mga bundok?
“At sinabi ni Enoc sa Panginoon: Paanong kayo ay nananangis, nakikitang kayo ay banal, at mula sa lahat ng kawalang-hanggan hanggang sa lahat ng kawalang-hanggan?
“At kung mabibilang ng tao ang maliliit na bahagi ng mundo, oo, milyun-milyong mundo na tulad nito, ito ay hindi magiging simula sa bilang ng inyong mga nilikha; at ang inyong mga tabing ay nakaladlad pa rin; at gayon pa man kayo ay naroon, at ang inyong sinapupunan ay naroon; at gayon din kayo ay makatarungan; kayo ay maawain at mabait magpakailanman.” [Tingnan sa Moises 7:28–30.]
At sumagot ang Panginoon: “… Masdan ang iyong mga kapatid; sila ay gawa ng sarili kong mga kamay, at ibinigay ko sa kanila ang aking kaalaman, sa araw na aking nilalang sila; at sa Halamanan ng Eden, ibinigay ko sa tao ang kanyang kalayaang mamili;
“At sa iyong mga kapatid aking sinabi, at nagbigay rin ng kautusan, na kanilang nararapat piliin ako, na kanilang Ama; subalit masdan, sila ay walang pagmamahal, at kinapopootan nila ang kanilang sariling dugo.” [Moises 7:32–33.]
Ito ang mga dahilan kung bakit nanangis ang Panginoon at ang kalangitan.
Tinanong akong minsan ng isang kapatid kung lubos bang liligaya ang isang tao sa kahariang selestiyal kung ang isa sa kanyang mga anak ay hindi pinahintulutang pumasok doon. Sinabi ko sa kanya na sinumang tao na napakasawing-palad para hindi tulutang makapasok ang isa sa kanyang mga anak sa kahariang selestiyal, mangyari pa, ay magdadalamhati sa ganyang kalagayan; at iyan mismo ang nadarama ng ating Ama sa Langit. Hindi lahat ng anak niya ay karapat-dapat sa kaluwalhatiang selestiyal, at marami ang napipilitang pagdusahan ang kanyang poot, at dahil dito ay nagdadalamhati at nananangis ang Ama at ang buong kalangitan. Kumikilos ang Panginoon alinsunod sa batas ng kalikasan. Ang tao ay kailangang matubos alinsunod sa batas at ang kanyang gantimpala ay kailangang ibatay sa batas ng katarungan. Dahil dito hindi ibibigay ng Panginoon sa mga tao ang hindi nararapat sa kanila, kundi kanyang gagantimpalaan ang lahat ng tao alinsunod sa kanilang mga gawa.
… Naniniwala ako na ang ating Ama sa langit ay ililigtas ang lahat ng tao, kung maaari, at bibigyan sila ng kaluwalhatiang selestiyal, maging ng ganap na kadakilaan. Ngunit, binigyan na niya ng kalayaan ang tao at kailangang sundin ng tao ang katotohanan ayon sa yaong inihayag para makamtam ang kadakilaan ng mabubuti.12
6
Naglaan ng paraan ang Ama sa Langit para matubos tayo upang maibalik tayo sa Kanyang piling.
Noong nasa Halamanan ng Eden si Adan nasa piling siya ng Diyos na ating Ama. … Matapos siyang palayasin sa Halamanan ng Eden nagbago ang sitwasyon. Pinalayas si Adan mula sa kinaroroonan ng Ama dahil sa kanyang paglabag. Sinasabi sa mga banal na kasulatan na siya ay espirituwal na namatay—ibig sabihin, siya ay pinagsarhan mula sa kinaroroonan ng Diyos.13
Alam ko na si Jesucristo ang Anak ng Diyos at na tinanggap niya mula sa kanyang Ama ang kapangyarihang tubusin ang sangkatauhan mula sa espirituwal at temporal na kamatayang idinulot sa mundo ng pagkahulog ni Adan.14
Isa lamang ang paraan ng pagtubos, isang paraan kung saan maisasagawa ang kabayaran at maibabalik ang katawan sa espiritu; iyan ay sa pamamagitan ng walang-hanggang pagbabayad-sala, at kailangang gawin ito ng isang walang-hanggang nilalang, isang taong hindi saklaw ng kamatayan at may kapangyarihang mamatay at may kapangyarihan ding daigin ang kamatayan. Kaya nga, isinugo ng ating Ama sa langit ang kanyang Anak na si Jesucristo sa mundo bilang mortal. At dahil siya [si Jesucristo] ay may isang inang dinadaluyan ng dugo ang mga ugat, may kapangyarihan siyang mamatay. Maibibigay niya ang kanyang sarili sa kamatayan at makukuha itong muli. Babasahin ko ang kanyang sariling mga salita: “Dahil dito’y sinisinta ako ng Ama, sapagka’t ibinibigay ko ang aking buhay, upang kunin kong muli.
“Sinoma’y hindi nagaalis sa akin nito, kundi kusa kong ibinibigay. May kapangyarihan akong magbigay nito, at may kapangyarihan akong kumuhang muli. Tinanggap ko ang utos na ito sa aking Ama.” (Juan 10:17–18.)15
Hindi kailanman nilayon ng ating Ama sa langit na pabayaang mangapa ang mga tao sa dilim nang walang anumang liwanag na gagabay sa kanila, at asahan na sa gayong kalagayan ay mahanap nila ang landas pabalik sa kanyang kaharian at sa kanyang banal na kinaroroonan. Hindi iyan ang paraan ng Panginoon. Sa lahat ng panahon mula pa sa simula ipinakita na ng ating Ama sa Langit ang kanyang kabaitan sa lahat ng kanyang anak at nais silang patnubayan. Mula pa noong buksan ang kalangitan, nakapagpadala na ang Panginoon ng mga sugo mula sa kanyang kinaroroonan sa mga lingkod na hinirang ng langit, kalalakihang may hawak ng awtoridad ng priesthood na naatasang ituro ang mga alituntunin ng Ebanghelyo, balaan ang mga tao at turuan sila ng kabutihan; at natanggap ng kalalakihan ang kaalaman, inspirasyon at patnubay na ito mula sa mga sugong nagmula sa kinaroroonan ng Diyos. Totoo rin ito sa ating sariling dispensasyon. Hindi kailangang pumikit ang mga tao para malaman na walang liwanag kapag umasa lang sila sa kanilang katwiran, sapagkat laging handa ang Panginoon na umakay at gumabay at ituro ang daan. Nagpadala siya, tulad ng sabi ko, ng mga sugo mula sa kanyang kinaroroonan. Nagpadala siya ng paghahayag. Iniutos niyang isulat ang kanyang salita, at ilathala ito, para malaman ito ng lahat ng tao.16
Sinasabi ko sa inyo, at sa buong Simbahan, at pati na sa buong mundo, na sa mga huling araw na ito ay muling nangusap ang isang mapagpala at mapagmahal na Ama mula sa langit sa kanyang mga lingkod na propeta.
Ang kanyang tinig ay nag-aanyaya sa lahat ng tao na lumapit sa kanyang Pinakamamahal na Anak, upang makilala siya, makibahagi sa kanyang kabutihan, ilagay ang kanyang pamatok sa kanila, at pagsikapan nilang magkamit ng kaligtasan sa pagsunod sa mga batas ng kanyang ebanghelyo. Ang kanyang tinig ay puno ng kaluwalhatian at karangalan, ng kapayapaan sa buhay na ito, at ng buhay na walang hanggan sa kabilang-buhay.17
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Mga Tanong
-
Sa palagay ninyo ano ang nag-aakay sa isang tao na manalangin sa Diyos na “para siyang nakikipag-usap sa isang kaibigan”? (“Mula sa Buhay ni Joseph Fielding Smith”). Isipin ang mga paraan na mapapatibay ninyo ang inyong kaugnayan sa Ama sa Langit.
-
Ipinahayag ni Pangulong Smith ang kanyang pasasalamat sa Unang Pangitain ni Joseph Smith, na nagpanumbalik ng “tunay na kaalaman tungkol sa Diyos” (bahagi 1). Ano ang ilang katotohanang nalaman ninyo tungkol sa Diyos Ama at kay Jesucristo dahil sa Unang Pangitain?
-
Sa mga katangian ng Diyos na binanggit ni Pangulong Smith sa bahagi 2, alin ang pinakamakahulugan sa inyo? Bakit? Sa pagsampalataya ninyo sa Ama sa Langit, paano nakakatulong sa inyo na malaman ang Kanyang mga katangian?
-
Nagpatotoo si Pangulong Smith: “Tayo ang mga espiritung anak ng ating Diyos Ama sa Langit. … Tayo ay mga miyembro ng kanyang mag-anak” (bahagi 3). Paano nakaimpluwensya sa inyo ang katotohanang ito?
-
Sa mga bahagi 4 at 5, anong mga pahayag ang nagpadama ng pagmamahal ng Ama sa Langit para sa inyo? Bakit mahalagang maunawaan na mahal tayo ng Diyos at interesado siya sa bawat isa sa atin? Paano natin matutulungan ang ating mga kapamilya at kaibigan na madama ang Kanyang pagmamahal?
-
Isipin ang nagawa ng Ama sa Langit para tulungan kang makabalik sa Kanyang kinaroroonan (tingnan sa bahagi 6). Ano ang nadarama ninyo kapag iniisip ninyo na isinugo ng Ama sa Langit ang Kanyang Pinakamamahal na Anak? Sa anong mga paraan nagpadala ang Ama sa Langit ng “liwanag na gagabay [sa inyo]”?
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan
Tulong sa Pagtuturo
“Ang ilang pagtuturong ginagawa sa Simbahan ay masusi, ito ay parang lektyur. Hindi tayo gaanong tumutugon sa mga lektyur sa mga silid-aralan. Nauunawaan natin ito sa sacrament meeting at mga kumperensya, ngunit maaaring pagpapalitan ng mga ideya ang pagtuturo upang maaari kayong magtanong. Madali kayong makapagtatanong kapag nasa klase” (Boyd K. Packer, “Mga Alituntunin ng Pagtuturo at Pag-aaral,” Liahona, Hunyo 2007, 87).