Library
Kalinisang-puri


lalaki at babae na nakangiti

Pag-aaral ng Doktrina

Kalinisang-puri

Ang kalinisang-puri ay kadalisayan ng puri. Ang mga taong dalisay ang puri ay malinis sa kanilang mga iniisip, sinasabi, at ginagawa. Ang ibig sabihin ng kalinisang-puri ay hindi pagkakaroon ng seksuwal na relasyon bago ang kasal. Ang ibig ding sabihin nito ay lubos na katapatan sa asawa.

Buod

Ang kalinisang-puri ay kadalisayan ng puri. Ang mga taong dalisay ang puri ay malinis sa kanilang mga iniisip, sinasabi, at ginagawa. Ang ibig sabihin ng kalinisang-puri ay hindi pagkakaroon ng seksuwal na relasyon bago ang kasal. Ang ibig ding sabihin nito ay lubos na katapatan sa asawa.

Ang pisikal na intimasiya ng mag-asawa ay maganda at sagrado. Ito ay inorden ng Diyos para sa paglikha ng mga anak at para maipahayag ang pag-ibig ng mag-asawa sa isa’t isa.

Sa mundo ngayon, napaniwala na ni Satanas ang maraming tao na katanggap-tanggap ang seksuwal na intimasiya ng dalawang taong hindi kasal. Ngunit sa mata ng Diyos, ito ay mabigat na kasalanan. Ito ay pang-aabuso sa kapangyarihang ibinigay Niya sa atin na lumikha ng buhay. Itinuro ng propetang si Alma na mas mabigat ang mga kasalanang seksuwal kaysa anumang iba pang kasalanan maliban sa pagpatay at pagtatatwa sa Espiritu Santo (tingnan sa Alma 39:3–5).

Kung minsan sinusubukang kumbinsihin ng mga tao ang sarili nila na katanggap-tanggap ang seksuwal na pakikipagrelasyon sa hindi nila asawa basta’t nag-iibigan sila. Ito ay hindi totoo. Ang paglabag sa batas ng kalinisang-puri at paghihikayat sa ibang tao na gawin iyon ay hindi pagpapakita ng pagmamahal. Ang dalawang nag-iibigan ay hindi kailanman ipagpapalit sa pansamantalang kasiyahan ng sarili ang kaligayahan at kaligtasan ng kanyang iniibig.

Kapag sapat ang pag-iibigan ng dalawang tao para sundin ang batas ng kalinisang-puri, mag-iibayo ang kanilang pag-ibig, pagtitiwala, at katapatan, na humahantong sa higit na kaligayahan at pagkakaisa. Sa kabilang dako, hindi nagtatagal ang mga relasyong batay sa seksuwal na imoralidad. Yaong gumagawa ng seksuwal na imoralidad ay madalas makadama ng takot, pagkabagabag, at kahihiyan. Napapalitan kalaunan ng kapaitan, panibugho, at pagkamuhi ang dati nilang magandang pagtitinginan.

Binigyan tayo ng ating Ama sa Langit ng batas ng kalinisang-puri para sa ating proteksyon. Ang pagsunod sa batas na ito ay mahalaga sa pansariling kapayapaan at katatagan ng pagkatao at kaligayahan sa tahanan. Ang mga taong napapanatiling dalisay ang kanilang puri ay makakaiwas sa pinsalang espirituwal at emosyonal na laging idinudulot ng pagkakaroon ng pisikal na intimasiya sa taong hindi nila asawa. Magiging madaling makahiwatig sa patnubay, lakas, aliw, at proteksyon ng Espiritu Santo ang mga taong pinananatiling dalisay ang kanilang puri at matutugunan nila ang isang mahalagang bagay na kinakailangan sa pagtanggap ng temple recommend at pakikibahagi sa mga ordenansa sa templo.

AnItala ang Iyong mga Impresyon

Mga Kasalanang Seksuwal

Isinusumpa ng Panginoon at ng Kanyang mga propeta ang seksuwal na imoralidad. Itinuro ng propetang si Alma na mas mabigat ang mga kasalanang seksuwal kaysa anumang iba pang kasalanan maliban sa pagpatay at pagtatatwa sa Espiritu Santo (tingnan sa Alma 39:3–5). Lahat ng relasyong seksuwal nang walang kasal ay pagsuway sa batas ng kalinisang-puri at mapanganib sa katawan at kaluluwa ng mga gumagawa nito.

Kasama sa Sampung Utos ang kautusang huwag tayong mangalunya, na pakikipagtalik ng isang lalaki o babaeng may-asawa sa isang taong hindi niya asawa (tingnan sa Exodo 20:14). Sinabi ni Apostol Pablo na “kalooban ng Dios” na tayo ay “umiiwas sa pakikiapid,” na pakikipagtalik ng isang walang asawa sa ibang tao (1 Tesalonica 4:3). Paulit-ulit na nagsalita ang mga propeta sa mga huling araw laban sa mga kasalanang ito at sa masamang gawaing seksuwal na pang-aabuso.

Tulad ng iba pang mga paglabag sa batas ng kalinisang-puri, ang homoseksuwal na gawain ay isang mabigat na kasalanan. Salungat ito sa mga layunin ng seksuwalidad ng tao (tingnan sa Roma 1:24–32). Pinapapangit nito ang pagmamahalan at hinahadlangan ang mga tao sa pagtanggap ng mga pagpapalang matatagpuan sa buhay-pamilya at sa nakapagliligtas na mga ordenansa ng ebanghelyo.

Hindi lamang hindi pakikipagtalik sa hindi asawa ang iniuutos sa pamantayan ng Panginoon sa personal na kalinisang-puri. Iniuutos ng Panginoon ang pagsunod sa mataas na pamantayan ng moralidad sa Kanyang mga disipulo, kasama na ang lubos na katapatan sa asawa sa isip at sa gawa. Sa Sermon sa Bundok, sinabi Niya: “Narinig ninyo na sinabi, Huwag kang mangangalunya. Ngunit sinasabi ko sa inyo, na ang bawat tumitingin sa isang babae na may pagnanasa ay nagkasala na sa kanya ng pangangalunya sa kanyang puso.” (Mateo 5:27–28). Sa mga huling araw sinabi Niya, “Huwag kayong … makiapid, … ni gumawa ng anumang bagay tulad nito” (Doktrina at mga Tipan 59:6). At muli Niyang binigyang-diin ang alituntuning itinuro Niya sa Sermon sa Bundok: “Siya na tumitingin sa isang babae upang pagnasaan siya, o kung sinuman ang magkasala ng pakikiapid sa kanilang mga puso, hindi mapapasakanila ang Espiritu, kundi itatatwa ang pananampalataya at matatakot” (Doktrina at mga Tipan 63:16). Ang mga babalang ito ay para sa lahat ng tao, may asawa man sila o wala.

Dapat kausapin ng mga miyembro ng Simbahan na nakagawa ng kasalanang seksuwal, ang kanilang bishop o branch president, na makatutulong sa kanila sa proseso ng pagsisisi (tingnan sa paksa ng ebanghelyo na “Pagsisisi”).

Yaong mga nahihirapang umiwas sa mga tuksong seksuwal, pati na ang pagkaakit sa kapwa lalaki o kapwa babae, ay hindi dapat magpatangay sa mga tuksong iyon. Maaaring piliin ng mga tao na iwasan ang gayong pag-uugali at tumanggap ng tulong mula sa Panginoon kapag nanalangin sila na mapalakas at nagsikap na madaig ang problema.

Pagsunod sa Batas ng Kalinisang-puri

Gaano man katindi ang mga tukso, tutulungan tayo ng Panginoon na mapaglabanan ang mga ito kung pipiliin nating sumunod sa Kanya. Ipinahayag ni Apostol Pablo, “Walang tuksong dumating sa inyo na hindi karaniwan sa tao, subalit tapat ang Diyos, na hindi niya ipahihintulot na kayo’y tuksuhin nang higit sa inyong makakaya; kundi kalakip din ng tukso ay naglalaan ng pag-iwas upang ito’y inyong makayang tiisin.” (1 Corinto 10:13). Ang sumusunod na payo ay makatutulong sa atin na mapaglabanan ang madalas at lantarang mga tukso sa mundo ngayon:

Magpasiya ngayon na maging malinis ang puri. Kinakailangang gawin natin ang pasiyang ito nang minsanan lang. Maaari na tayong magpasiya ngayon, bago dumating ang tukso, at gawing napakatatag ng ating pasiya at nang may matibay na pangako na hindi ito matitinag kailanman. Maipapasiya na natin ngayon na hindi tayo kailanman gagawa ng anuman sa hindi natin asawa na pupukaw sa masisidhing damdamin na dapat lamang ipahayag sa taong pinakasalan. Maipapasiya na natin ngayon na magiging lubos tayong tapat sa ating asawa.

Kontrolin ang ating isipan. Walang taong nakagagawa ng seksuwal na kasalanan nang biglaan. Laging nagsisimula ang mga imoral na gawain sa maruruming kaisipan. Kung tinutulutan nating mamalagi sa ating isipan ang mga bagay na malaswa o imoral, nagawa na natin ang unang hakbang tungo sa imoralidad. Kailangan nating umalis kaagad sa mga sitwasyong maaaring humantong sa pagkakasala at manalangin na maging matatag tuwina para mapaglabanan ang tukso at makontrol ang ating isipan. Magagawa nating maging bahagi ito ng ating panalangin sa araw-araw.

Lumayo sa pornograpiya. Huwag tayong manood, magbasa, o makinig ng anumang nagpapakita o naglalarawan ng katawan ng tao o seksuwal na gawain na makapupukaw sa damdaming seksuwal. Nakalululong at mapangwasak ang mga pornograpikong materyal. Inaalis nito ang respeto natin sa ating sarili at ang pananaw natin sa kagandahan ng buhay. Maaari tayong wasakin nito at humantong tayo sa pagkakaroon ng masasamang kaisipan at mapang-abusong pag-uugali.

Kung tayo ay walang asawa at nakikipagdeyt, palaging irespeto ang kadeyt natin. Hindi dapat ituring ng mga nagdedeyt ang kanilang kadeyt na isang bagay na magagamit para sa kanilang pagnanasa. Dapat silang magplanong mabuti ng mga positibo at kapaki-pakinabang na gawain para hindi sila mapag-isa ng kanilang kadeyt nang walang anumang ginagawa. Dapat silang manatili sa mga lugar na hindi sila matutukso at madali nilang mapipigil ang kanilang sarili. Hindi sila dapat makilahok sa mga usapan o gawaing pumupukaw sa damdaming seksuwal, tulad ng maalab na paghahalikan, pagtabi sa paghiga o pagpatong sa ibang tao, o paghipo sa maseselan at sagradong bahagi ng katawan ng ibang tao, may damit man o wala.

Kung may asawa tayo, maging tapat tayo sa ating asawa sa isip, sa salita, at sa gawa. Sinabi ng Panginoon: “Inyong mahalin ang inyong asawa nang buo ninyong puso, at pumisan sa kanya at wala nang iba. At siya na titingin sa isang babae upang magnasa sa kanya ay magtatatwa sa pananampalataya, at hindi makatatamo ng Espiritu; at kung hindi siya magsisisi siya ay ititiwalag” (Doktrina at mga Tipan 42:22–23). Hindi tayo dapat lumandi sa anumang paraan. Hangga’t maaari, dapat nating iwasang mapag-isa kasama ang sinumang hindi natin kapwa lalaki o kapwa babae at tanungin ang ating sarili kung matutuwa ang ating asawa kapag nalaman niya ang mga sinasabi o ginagawa natin. Dapat nating tandaan ang payo ni Apostol Pablo na “layuan ninyo ang bawat anyo ng kasamaan” (1 Tesalonica 5:22). Kapag lumayo tayo sa gayong mga sitwasyon, hindi magkakaroon ng tukso.

Kapatawaran para sa mga Taong Nagsisisi

Ang pinakamabuting gawin ay maging lubos na malinis ang puri. Mali ang gumawa ng mga kasalanang seksuwal na iniisip na magsisisi na lang tayo sa huli. Ang pag-uugaling ito ay kasalanan mismo, na nagpapakita ng kawalang-pagpipitagan sa Panginoon at sa mga tipang ginawa natin sa Kanya. Gayunman, yaong mga nakagawa ng mga kasalanang seksuwal ay maaaring mapatawad ng Panginoon kung sila ay magsisisi.

Mahirap ang pagsisisi, pero posible (tingnan sa Isaias 1:18). Ang kapighatiang dulot ng kasalanan ay maaaring mapalitan ng matamis na kapayapaan na dulot ng pagpapatawad. Para malaman kung ano ang kailangang gawin para makapagsisi, tingnan ang paksa ng ebanghelyo na “Pagsisisi.”

Mga Kaugnay na Paksa

Mga Banal na Kasulatan

Mga Reperensya sa Banal na Kasulatan

Resources sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Mga Mensahe mula sa mga Lider ng Simbahan

Mga Karagdagang Mensahe

Mga Video

Logo ng Tabernacle Choir

Mga Video ng Tabernacle Choir

Do What Is Right [Gawin ang Tama]

More Holiness Give Me [Kabanalang Lalo, Aking Kahilingan]

Resources sa Pag-aaral

Pangkalahatang Resources

OvercomingPornography.org

Does the law of chastity apply to those who experience same-sex attraction?ChurchofJesusChrist.org

Mga Manwal sa Pag-aaral

Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan

Mga Kuwento