“Kaligtasan,” Mga Paksa at Mga Tanong (2023)
Gabay sa Pag-aaral ng Ebanghelyo
Kaligtasan
Ang kaloob na mabuhay na mag-uli mula sa mga patay at malinis mula sa kasalanan sa pamamagitan ni Jesucristo
Kailangan nating lahat si Jesucristo. Isa sa Kanyang pinakamahahalagang titulo ay “Tagapagligtas,” ibig sabihin ay “isang taong nagliligtas.”1 Bakit kailangan tayong maligtas? Ipinaliwanag ng propeta sa Aklat ni Mormon na si Abinadi na “ang buong sangkatauhan … [ay] dapat na sana silang nangaligaw nang walang katapusan kung hindi lamang tinubos ng Diyos ang kanyang mga tao mula sa kanilang ligaw at nahulog na kalagayan” (Mosias 16:4). Kung walang tulong ng Diyos, magdurusa tayo magpakailanman mula sa mga bunga ng kasalanan. Dagdag pa rito, ang kamatayan ay mananatiling hawak ang lahat.
Ang mabuting balita ng ebanghelyo ni Jesucristo ay bawat taong nabuhay sa mundo—anuman ang kanyang mga pinili—ay mabubuhay na mag-uli at tatanggap ng perpekto at imortal na katawan (tingnan sa Alma 40:23). At dahil kay Jesucristo, makatatamo tayo ng kapatawaran at paglilinis mula sa kasalanan (tingnan sa Mosias 4:1–3; Helaman 3:35; Doktrina at mga Tipan 20:37).
Bahagi 1
Si Jesucristo ang Tagapagligtas ng Mundo
Isa sa mga pinakadakilang layunin ng buhay sa lupa ay ang malaman at maniwala na isinugo ng Ama sa Langit ang Kanyang Anak na si Jesucristo upang iligtas tayo (tingnan sa Juan 3:16–17; 2 Nephi 25:26). Ang mensaheng iyan ay ipinahayag ng mga propeta sa loob ng libu-libong taon bago Siya isinilang (tingnan sa Mosias 13:33–35; Helaman 8:13–20; 3 Nephi 20:23–24; Moises 4:1–2; 5:7–9). Sa mga huling araw, ipinahayag ni Propetang Joseph Smith ang kanyang pagsaksi at patotoo tungkol sa Nagbangon na Cristo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 76:22–24; 110:1–4).
Itinuro ni Propetang Joseph Smith, “Ang mga pangunahing alituntunin ng ating relihiyon ay ang patotoo ng mga Apostol at Propeta, tungkol kay Jesucristo, na Siya’y namatay, inilibing, at muling nagbangon sa ikatlong araw, at umakyat sa langit; at ang lahat ng iba pang mga bagay na may kaugnayan sa ating relihiyon ay mga kalakip lamang nito.”2
Mga bagay na pag-iisipan
-
Basahin ang 2 Nephi 9:6–13 at Doktrina at mga Tipan 76:40–42, na naglalarawan na kailangan natin ang isang Tagapagligtas. Paano tayo natutulungan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo na madaig ang mga epekto ng pisikal na kamatayan at espirituwal na kamatayan?
-
Itinuturo sa buod ng Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Kaligtasan,” sa Gospel Library na may ilang mahahalagang aspeto ng kaligtasan. Rebyuhin ang mga paglalarawan ng kaligtasan na nakasaad sa artikulong iyan, at pagnilayan kung alin ang pinakamakabuluhan sa iyo. Bakit naaayon sa iyo ang paglalarawang iyan? Maaari mong isulat sa iyong journal ang mga nadarama mo.
Mga aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Panoorin ang video na “Dahil sa Kanya” (2:44). Pagkatapos, anyayahan ang mga kagrupo na ibahagi ang nadama nila habang pinanonood nila ang video. Ano ang natutuhan nila tungkol sa misyon ni Jesucristo? Ano ang mga epekto ng kaalamang iyan sa kanilang buhay? Maaari mong anyayahan ang iyong mga kagrupo na gumawa ng sarili nilang listahan ng mga pahayag na “Dahil sa Kanya” na ibabahagi sa grupo kung naaangkop.
-
Ang kaligtasan mula sa kamatayan ay isang kaloob para sa lahat ng anak ng Diyos na ginawang posible sa pamamagitan ni Jesucristo. Sama-samang basahin ang 2 Nephi 2:4 at 2 Nephi 25:23–24. Bakit mahalaga na ang kaligtasan mula sa kasalanan ay hindi mabibili ngunit nakasentro sa pananampalataya kay Jesucristo? Ano ang ilang paraan na maaari tayong bumaling sa Kanya nang may higit na pananampalataya?
Alamin ang iba pa
-
Russell M. Nelson, “Kaligtasan at Kadakilaan,” Liahona, Mayo 2008, 7–10
-
Dallin H. Oaks, “Banal na Pagmamahal sa Plano ng Ama,” Liahona, Mayo 2022, 101–4
Bahagi 2
Dapat Tayong Tumayo Bilang mga Saksi ni Jesucristo
Maraming mabubuting tao sa mundo ang naghahangad na maunawaan ang Diyos at kung paano Niya mas mapapabuti ang kanilang buhay. Lahat ng miyembro ng Simbahan ngayon ay nagiging mga saksi ni Jesucristo kapag sila ay nabinyagan at tumanggap ng patotoo sa pamamagitan ng Espiritu Santo (tingnan sa 2 Nephi 31:13, 18; Mosias 18:8–9; 3 Nephi 28:11). Kapag sinisikap nating maging tunay na mga tagasunod ni Jesucristo, napagkakalooban tayo ng Kanyang biyaya, na nagpapalakas sa atin. At sa huli sa pamamagitan ng Kanyang biyaya tayo ay maliligtas (tingnan sa 2 Nephi 25:23). Ipinapakita natin ang ating pasasalamat para sa lahat ng ginawa ni Cristo para sa atin kapag gumagawa at tumutupad tayo ng mga tipan sa Diyos. Bilang mga tatanggap ng Kanyang pagmamahal, Kanyang kapatawaran, at mga ipinangakong pagpapala ng kaligtasan, responsibilidad nating ibahagi ang ating patotoo sa lahat ng nakikilala natin (tingnan sa Lucas 22:32; Mosias 18:8–9; Doktrina at mga Tipan 84:61).
Mga bagay na pag-iisipan
-
Ano ang nagawa ng Tagapagligtas para sa iyo? Habang pinag-iisipan mo ang tanong na ito, basahin o pakinggan ang mensahe ni Pangulong Dallin H. Oaks na “Ano ang Nagawa ng Ating Tagapagligtas para sa Atin?” Ano ang natutuhan mo mula sa mensaheng ito tungkol sa kapangyarihan ng misyon ni Jesucristo sa iyong buhay? Ano ang mga personal na karanasan mo kay Jesucristo na maidaragdag mo sa listahan ni Pangulong Oaks?
-
Sa 2 Nephi 25:23, natutuhan natin na “naligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya, sa kabila ng lahat ng ating magagawa.” Sa kontekstong ito, ang ibig sabihin ng “naligtas” ay pagiging malinis mula sa kasalanan upang muli nating makapiling ang Diyos. Maaari mong rebyuhin ang subsection na “Lahat ng Ating Magagawa” sa mensahe ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf na “Ang Kaloob na Biyaya.” Ano ang ibig sabihin sa buhay mo ng “sa kabila ng lahat ng ating magagawa”? Ano ang kaugnayan ng “sa kabila ng lahat ng ating magagawa” at ng misyon ni Jesucristo?
Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Nais ng Ama sa Langit na ibahagi natin ang ating patotoo tungkol kay Jesucristo at sa pangako ng kaligtasan. Basahin ang Doktrina at mga Tipan 18:10–17, na naglalarawan ng ilan sa mga dahilan ng pagtulong sa iba gamit ang mensahe ng ebanghelyo ni Jesucristo. Ano ang ilan sa mga dahilang ibinigay sa mga talatang ito kung bakit inaanyayahan tayo ng Diyos na makiisa sa Kanya sa gawain ng pagtulong sa iba na matamo ang mga pagpapala ng kaligtasan? Kailan mo o kailan nadama ng isang taong kilala mo ang kagalakan sa pagtulong sa ibang tao na matanggap ang ebanghelyo at makipagtipan sa Diyos?
Alamin ang iba pa
-
James E. Faust, “Ang Pagbabayad-sala: Ang Ating Pinakadakilang Pag-asa,” Liahona, Nob. 2001, 18–20
-
“The Savior Understands Me” (video), ChurchofJesusChrist.org
Bahagi 3
Ang Gawain ng Kaligtasan ay Nagpapatuloy sa Daigdig ng mga Espiritu
Itinuturo sa mga banal na kasulatan na ang pagtubos mula sa kamatayan, o pagkabuhay na mag-uli, ay isang kaloob para lahat ng nabuhay, anuman ang kanilang mga pinili (tingnan sa Mga Gawa 24:15). Gayunman, ang kaligtasan mula sa mga epekto ng kasalanan ay nangangailangan ng pananampalataya kay Jesucristo at pagsisisi. Alam din natin mula sa mga banal na kasulatan na kailangan tayong mabinyagan upang maligtas sa kaharian ng Diyos (tingnan sa Juan 3:5).
Gayunman, marami sa mga anak ng Diyos ang namatay nang hindi nabinyagan o narinig ang tungkol kay Jesucristo. Paano matatanggap ng mga taong ito ang kaligtasan? Itinuturo sa mga banal na kasulatan na dinalaw ni Jesucristo ang daigdig ng mga espiritu pagkatapos ng Kanyang kamatayan (tingnan sa 1 Pedro 3:18–20). Nag-organisa Siya ng mga gawain upang maipangaral ang ebanghelyo doon, na naglaan ng paraan para sa lahat na magkaroon ng pagkakataong matutuhan ang ebanghelyo. Isinasagawa ng mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang mga pagbibinyag at iba pang mga ordenansa para sa mga patay sa mga templo, na ibinibigay ang pagkakataong maligtas sa pamamagitan ni Cristo sa mga espiritu ng mga patay (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 128:5, 18).
Mga bagay na pag-iisipan
-
Ang mahahalagang paghahayag hinggil sa pagtubos sa mga patay ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan. Para sa halimbawa, basahin ang Doktrina at mga Tipan 138:11–32. Ano ang itinuturo sa iyo ng talatang ito tungkol sa gawain ng Diyos na gawing posibleng matamo ang kaligtasan sa daigdig ng mga espiritu?
-
Itinuturo sa atin ng mga banal na kasulatan na ang maliliit na bata ay banal at pinababanal sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo at hindi kailangang mabinyagan para matamo ang kaligtasan. Basahin ang Moroni 8:8–25; Doktrina at mga Tipan 74:7; 137:10. Ano ang natutuhan mo tungkol sa katangian ng Lumikha mula sa mga talatang ito? Paano makatutulong ang doktrinang ito sa mga indibiduwal at pamilya na nagdadalamhati sa pagkamatay ng isang bata?
Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Sa Doktrina at mga Tipan 128, isinulat ni Propetang Joseph Smith, “Tayo kung wala [ang ating mga ninuno] ay hindi magagawang ganap; ni sila kung wala tayo ay hindi magagawang ganap” (talata 18). Ano sa palagay ninyo ang ibig niyang sabihin dito? Anyayahan ang mga kagrupo na ibahagi ang kanilang mga ideya. Maaari mo ring anyayahan ang iyong mga kagrupo na alamin ang tungkol sa isang yumaong ninuno o, kung nagawa na nila ito, magtakda ng araw na pumunta sa bahay ng Panginoon upang magsagawa ng mga ordenansa para sa mga patay.