Pag-aaral ng Doktrina
Kaligtasan
Buod
Sa doktrina ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ang mga salitang “naligtas” at “kaligtasan” ay may iba’t ibang kahulugan. Tulad ng pagkakagamit sa Roma 10:9–10, ang mga salitang “maliligtas” at “naliligtas” ay tumutukoy sa pakikipagtipan kay Jesucristo. Sa pamamagitan ng pakikipagtipan na ito, tinitiyak sa mga tagasunod ni Cristo ang kaligtasan mula sa mga walang-hanggang bunga ng kasalanan kung sila ay masunurin. Ang mga salitang “kaligtasan” at “naligtas” ay ginagamit din sa mga banal na kasulatan sa iba pang mga konteksto na may ilang magkakaibang kahulugan.
Kung may magtatanong kung naligtas na ang ibang tao, ang sagot ay depende sa ipinapakahulugan ng paggamit ng salita. Ang sagot ay maaaring “Oo” o marahil ay maaaring “Oo, pero may mga kundisyon.” Ang mga sumusunod na paliwanag ay naglalahad ng anim na magkakaibang kahulugan ng salitang kaligtasan.
Kaligtasan mula sa Pisikal na Kamatayan. Lahat ng tao ay mamamatay kalaunan. Ngunit sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo, ang lahat ng tao ay mabubuhay na mag-uli—maliligtas mula sa pisikal na kamatayan. Nagpatotoo si Pablo, “Sapagkat kung paanong kay Adan ang lahat ay namamatay, gayundin kay Cristo ang lahat ay bubuhayin” (1 Corinto 15:22). Sa kahulugang ito, lahat ay maliligtas, anuman ang pinili nilang gawin sa buhay na ito. Ito ay libreng kaloob sa lahat ng tao mula sa Tagapagligtas.
Kaligtasan mula sa Kasalanan. Upang malinis mula sa kasalanan sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, ang isang tao ay dapat manampalataya kay Jesucristo, magsisi, magpabinyag, at tumanggap ng kaloob na Espiritu Santo (tingnan sa Mga Gawa 2:37–38). Ang mga nabinyagan at tumanggap ng Espiritu Santo sa pamamagitan ng wastong awtoridad ng priesthood ay naligtas mula sa kasalanan nang may kundisyon. Sa ganitong kahulugan, ang kaligtasan ay may kundisyon, depende sa patuloy na katapatan ng isang tao, o pagtitiis hanggang wakas sa pagsunod sa mga kautusan ng Diyos (tingnan sa 2 Pedro 2:20–22).
Ang mga indibiduwal ay hindi maliligtas sa kanilang mga kasalanan; hindi sila makatatanggap ng lubos na kaligtasan sa pamamagitan lamang ng pagsasabing naniniwala sila kay Cristo gayong nauunawaan nila na tiyak na makagagawa sila ng mga kasalanan sa buong buhay nila (tingnan sa Alma 11:36–37). Gayunman, sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos, lahat ay maliligtas mula sa kanilang mga kasalanan (tingnan sa 2 Nephi 25:23; Helaman 5:10–11) kapag sila ay nagsisi at sumunod kay Jesucristo.
Pagiging Isinilang na Muli. Ang alituntunin ng espirituwal na pagsilang na muli ay madalas mababasa sa mga banal na kasulatan. Ang Bagong Tipan ay naglalaman ng turo ni Jesus na lahat ng tao ay dapat “isilang na muli” at na ang mga yaong hindi “ipanganak ng tubig at ng Espiritu … hindi siya makakapasok sa kaharian ng Diyos” (Juan 3:5). Pinagtibay ang turong ito sa Aklat ni Mormon: “Ang buong sangkatauhan, oo, kalalakihan at kababaihan, lahat ng bansa, lahi, wika at tao, ay kinakailangang isilang na muli; oo, isilang sa Diyos, nagbago mula sa makamundo at pagkahulog na kalagayan, tungo sa kalagayan ng kabutihan, na tinubos ng Diyos, naging kanyang mga anak na lalaki at anak na babae; at sa gayon sila naging mga bagong nilikha; at maliban kung kanilang gagawin ito, hindi nila mamamana sa anumang paraan ang kaharian ng Diyos” (Mosias 27:25–26).
Ang muling pagsilang na ito ay nangyayari kapag ang mga indibiduwal ay nabinyagan at tumanggap ng kaloob na Espiritu Santo. Nangyayari ito bunga ng kahandaang “makipagtipan sa aming Diyos na gawin ang kanyang kalooban, at maging masunurin sa kanyang mga kautusan sa lahat ng bagay na kanyang ipag-uutos sa amin, sa lahat ng nalalabi naming mga araw” (Mosias 5:5). Sa prosesong ito, ang kanilang “mga puso ay nagbago sa pamamagitan ng pananampalataya sa kanyang pangalan; anupa’t [sila] ay isinilang sa kanya” (Mosias 5:7). Lahat ng tunay na nagsisi, nabinyagan, tumanggap ng kaloob na Espiritu Santo, nakipagtipan na tataglayin sa kanilang sarili ang pangalan ni Jesucristo, at nakadama ng Kanyang impluwensya sa kanilang buhay, ay makapagsasabi na sila ay isinilang na muli. Ang muling pagsilang na iyan ay mapapanibago tuwing Sabbath kapag tumatanggap sila ng sacrament.
Kaligtasan mula sa Kamangmangan. Maraming tao ang namumuhay sa kadiliman, nang hindi nalalaman ang liwanag ng ipinanumbalik na ebanghelyo. Sila ay “napagkakaitan lamang ng katotohanan sapagkat hindi nila alam kung saan ito matatagpuan” (Doktrina at mga Tipan 123:12). Ang mga yaong may kaalaman tungkol sa Diyos Ama, kay Jesucristo, sa layunin ng buhay, sa plano ng kaligtasan, at sa kanilang walang hanggang potensyal ay naligtas mula sa kalagayang ito. Sinusunod nila ang Tagapagligtas, na nagsabing, “Ako ang ilaw ng sanlibutan. Ang sumusunod sa akin ay hindi kailanman lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng buhay” (Juan 8:12).
Kaligtasan mula sa Ikalawang Kamatayan. Nakasaad kung minsan sa mga banal na kasulatan ang tungkol sa kaligtasan mula sa ikalawang kamatayan. Ang ikalawang kamatayan ay ang huling espirituwal na kamatayan—nakahiwalay sa kabutihan at pinagkaitan ng lugar sa alinmang kaharian ng kaluwalhatian (tingnan sa Alma 12:32; Doktrina at mga Tipan 88:24). Ang ikalawang kamatayang ito ay hindi darating hanggang sa Huling Paghuhukom, at mararanasan lamang ng iilan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 76:31–37). Halos lahat ng taong nabuhay sa mundo ay tiyak na maliligtas mula sa ikalawang kamatayan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 76:40–45).
Buhay na Walang Hanggan, o Kadakilaan. Sa mga banal na kasulatan, ang mga salitang naligtas at kaligtasan ay kadalasang tumutukoy sa buhay na walang hanggan, o kadakilaan (tingnan sa Abraham 2:11). Ang buhay na walang hanggan ay ang makilala ang Ama sa Langit at si Jesucristo at manahanang kasama Nila magpakailanman—magmana ng isang lugar sa pinakamataas na antas ng kahariang selestiyal (tingnan sa Juan 17:3; Doktrina at mga Tipan 131:1–4; 132:21–24). Upang matamo ang kadakilaang ito, kinakailangang tumanggap ng Melchizedek Priesthood ang kalalakihan, at lahat ng miyembro ng Simbahan ay kinakailangang gumawa ng mga sagradong tipan sa templo at tuparin ang mga ito, kabilang na ang tipan ng kasal na walang hanggan. Kung ang salitang kaligtasan ay ginamit sa ganitong kahulugan, walang taong maliligtas sa mortalidad. Ang maluwalhating kaloob na iyan ay darating lamang pagkatapos ng Huling Paghuhukom.
AnItala ang Iyong mga Impresyon
Mga Kaugnay na Paksa
Mga Banal na Kasulatan
Mga Reperensya sa Banal na Kasulatan
Resources sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan
-
Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Kaligtasan para sa mga Patay,” “Kaligtasan ng mga Bata”
-
Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Plano ng Pagtubos,” “Kaligtasan”
Mga Mensahe mula sa mga Lider ng Simbahan
Mga Video
Resources sa Pag-aaral
Pangkalahatang Resources
“Plan of Salvation,” ComeUntoChrist.org
“Jesus Christ: Lord and Savior,” ComeUntoChrist.org
“Jesus Christ,” ComeUntoChrist.org
Mga Magasin ng Simbahan
“Paggamit sa Plano ng Kaligtasan para Sagutin ang mga Tanong,” Liahona, Abril 2014
“Ang Plano ng Kaligtasan,” Liahona, Agosto 2010
Margaret Lifferth, “Oras ng Pagbabahagi: Ang Plano ng Kaligayahan,” Liahona, Enero 2005